Tungo sa Reimbensyon ng Pambansang Historiograpiyang Indonesia

Rommel Curaming

        

Ang isang kalagayang relatibong malaya sa manipulasyong pulitikal ay masasabing kinakailangan para sa pag-unlad ng karamihan sa mga proyektong akademiko, laluna sa isang larangang napakadaling pasukin ng manipulasyon tulad ng pagsusulat ng kasaysayan.  Sa wakas ng paghahari ng rehimeng Suharto at ang mga nakaraang restriksyong pulitikal nito, napapanahon na upang tanungin kung ano ang mga pagbabagong idinulot ng pagwawakas ng mga ito sa pag-unlad ng historiograpiyang Indones sa Indonesia.

Tulad ng karamihan sa mga historiograpiya na umunlad sa mga lipunang post-kolonyal, ang sa Indonesia ay hayagan at lubos na nasyonalista.  Binansagang Indonesiasentris, ang nasyonalistang historiograpiya ay tumutukoy sa buong ehersisyo ng pagsusulat ng kasaysayan na ang pangunahing layunin at/o nilalayong resulta, sinasadya man o hindi, ay ang pagkilala at pagtanggol sa lehitimong katayuan ng Indonesia bilang bansa-estado.  Nasa puso ng proyektong ito ay ang pagsisikap na lumikha, magmentina, at magpalawig ng isang pambansang identidad na nakikitang nararapat dito.

Tinatangka sa papel na ito na kilalanin at tukuyin ang mga nakikitang tanda ng reporma makabayang historiograpiya sa Indonesia.  Ang mas malayang kalagayan sa panahong post-Suharto ay lumilitaw na nakatutulong hindi lamang sa paghahamon sa mga mas lumang bersyon ng kasaysayang Indones kundi sa pagsusuri na rin sa matagal nang naitatag na balangkas kung saan maaaring maisagawa ang muling pagsusulat o “re-writing.”  Ihinaharap ko na mayroong nabubuong reporma na itinutulak, kabilang ng iba pang mga bagay, ng pangangailangang wakasan sa gawain ng pagsusulat ng kasaysayan ang mahigpit na ugnayan nito sa New Order.  Isinasantabi ng mga repormista ang kumbensyonal, nakasentro sa pulitika, at mapaglarawang kasaysayan, at itinataguyod ang katwiran ng agham panlipunang lapit dito na pinangunahan ni Sartono, at mula rito ay tumutuloy, bagamat dahan-dahan, sa pagkukuwestyon mismo sa pangangailangan para sa Indonesiasentris sa pagsusulat ng kasaysayan.  Anu’t anuman, sinisikap nilang palayain ang Indonesiasentris mula sa karaniwang papel nito bilang tagapagtaguyod at tagapagtakda sa kung ano ang “pambansa” at, sa pamamagitan nito, ay ihiwalay ang pagsusulat ng kasaysayan sa mahigpit na pagkakatali sa proyektong estado-nasyonalista.  Sapagkat ang repormang ito ay nagsisimula pa lamang, sinisikap kong bigyang linaw ang lumilitaw nitong katangian at magsapantaha sa direksyong maaari nitong tunguhin, batay sa mga kalalathala at hindi pa nalalathalang papel, isang serye ng mga palihan na inilunsad sa Universitas Gadjah Mada (UGM), at mga panayam sa ilang mga repormistang istoryador na Indones.

Rommel Curaming
Translated by Sophia Guillermo.

Read the full unabridged version of the article (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 3:  Nations and Other Stories. March 2003

Issue3_banner_small