Ang Pagpapakahulugan sa Malaysia

Donna J. Amoroso

        

Cheah Boon Kheng
Malaysia: The Making of a Nation
(Malaysia: Ang Paglikha ng Isang Bansa)
Singapore / ISEAS / 2002

Farish A. Noor
The Other Malaysia: Writings on Malaysia’s Subaltern History
(Ang Ibang Malaysia: Mga Sulatin Hinggil sa Kasaysayang Sukob ng Malaysia)
Kuala Lumpur / Silverfishbooks / 2002 

Malaysia_making_nationAng mga nakaraang kaganapan sa Malaysia—ang kilusang reformasi, ang paglilitis kay Anwar Ibrahim, ang pag-agnas ng lehitimasya ng namumunong partido (UMNO), ang lumalaking hamon ng Islam sa estadong sekular at debelopmentalista—ay lumikha ng nakatutulong na “dislokasyon” sa pambansang  naratibo na nagbibigay-daan sa mga pagmumuni-muni hinggil sa mga pundasyon at kahulugan ng bansa-estado.  Ang dalawang aklat na ito, bagama’t nagkakaiba sa istilo, layunin, at mambabasa, ay kumukuha rito bilang paksa at samakatwid ay humaharap sa makapangyarihang diskursong sosyo-pulitikal na nalikha sa pamamagitan ng praktika ng estado at akademya. 

Naghahain si Cheah Boon Keng ng paliwanag sa ebolusyon ng bansa sa praktika sa pamamagitan ng mahigpit na pagtutuon sa pulitikang elektoral, ang mga punong ministro, at patakarang pambansa.  Inaanalisa ni Cheah ang Malaysia sa pamamagitan ng prism ng “give and take,” sinusuri ang naghaharing tensyon sa pagitan ng Malayong etno-nasyonalismo at sa mas malawak na nasyonalismong Malaysiano.  Ang pangunahing argumento niya ay ang bawat isa sa apat na punong ministro ng bansa ay “nagsimula bilang…ekslusibistang nasyunalistang Malayo subalit naging inklusibistang  nasyunalistang Malaysiano.”  Sapagkat apat na beses itong naganap sa kasaysayan ng bansa, maaaring mahinuha na ang bansa-estado ay lumikha ng sarili nitong lohika.  Ang Ketuanan Melayu (dominasyong Malayo sa pulitika), para sa mambabasa, ay nandirito na, subalit ay nalilimitahan ng lohikang ito.  Iginigiit ng aklat ni Cheah ang katotohanan ng isang multikultural at mapag-ubayang Malaysia.

other-MalaysiaAng itinipon na mga sanaysay ni Farish Noor ay may napakaibang agenda—ang hanapin ang bansa na maaari sanang nabuo at maaari pa ring mabuo.  Nagsusulat siya nang lihis sa direksyon ng linyar na paliwanag upang suriin ang “ibang mga Malaysia” na naisantabi ng “kwento ng multiracial na Malaysia na palagi nating sinasabi sa ating sarili.”  Kung saan kinikilala ni Cheah na ang paksyunalismo sa loob ng pamayanang Malayo ay palaging nagbabanta sa pangungunang Malayo, tinitignan ni Farish ang mismong pagpipilit na ipatupad ang pagkakaisa bilang pangunahing suliranin.  Itinutukoy niya rito ang hindi mabuting epekto ng “pyudalismo” ng UMNO—ang pag-iisip na hindi kayang mabuhay ng mga Malay nang walang pinunong-patron—at, kasabay nito, ang Islamistang pag-eesensyalisa sa kulturang Malayo sa isang mababaw na moralismo na hindi kumikilala sa yaman at pagkasalimuot ng kasaysayang Malayo. 

Ang Malaysia ni Cheah Boon Keng ay isang maingat na sisidlan ng pagkakaiba, maging sa loob at labas ng mga pamayanang etniko.  Si Farish Noor naman ay nakakikita, hindi ng mga nagsasariling identidad, kundi ng mga multiplisidad na sinisikap niyang hanguin mula sa nakaraan at bigyan ng lehitimasya sa kasalukuyan.

Donna J. Amoroso
(Translated by Sophia Guillermo.)
Donna Amoroso edits the Kyoto Review of Southeast Asia.

Read the full unabridged version of this article in English HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 3:  Nations and Other Stories. March 2003

Issue3_banner_small