Malinaw na ebidensya ang matagumpay na kampanya ng Defending Islam laban kay dating gobernador ng Jakarta Basuki Tjahaja (o ‘Ahok’) na lumalakas ang Islamismo sa Indonesia matapos ang panahon ng Reformasi, na sa kasamaang-palad ay hindi sapat na naipaliliwanag sa mga kasalukuyang pag-aaral hinggil sa Islamismong Indonesian. Itinuturo ng paglago ng Islamismo sa Indonesia, na naganap sa kabila ng dalawang dekadang demokratikong transisyon, na hindi nakita ng maraming iskolar at mga nagmamasid ang impluwensya ng konserbatibo at masugid na kilusang Islamista sa Indonesia matapos ang panahon ng Refomasi. Ikinakatwiran ko sa sanaysay na ito na maituturing na dahilan nito ang pamamayani ng tesis ng Sibil na Islam – ipinakilala ni Robert Hefner sa kanyang magnum opus na Civil Islam (2000) – na lumabas kasunod ng pagsisimula ng Reformasi noong 1998. Kagyat na naging nangungunang balangkas ang tesis na ginamit kapwa ng mga iskolar at tagalikha ng mga patakaran para suriin ang Islam sa Indonesia sa panahon pagkatapos ng Reformasi.
Binigyang-kahulugan ni Hefner ang Sibil na Islam bilang “kalipunan ng sari-saring pampublikong etika na ipinalaganap ng mga Muslim na pilosopo, aktibista, at organsisasyon sa Indonesia at sa iba pang kalakha’y Muslim na bansa na naghahangad na maitahi ang mga pagpapahalaga at praktikang Islam sa mga gayong demokratiko” (Hefner 2017, p.7). Ipinangatwiran ito ng mga Islamikong intelektwal na Indonesian tulad nina Nurcholish Madjid, Dawam Rahardjo at Abdurrahman Wahid. Nagawa ng mga pilosopong ito na pagsamahin ang klasikong teolohiyang Islam at kanluraning teoryang panlipunan upang lumikha ng mga komentaryo sa lipunang Indonesian noong panahon ng New Order. Ang mga kometaryong ito ay idinisenyo upang repormahin ang Islam na Indonesian, para ilayo ito mula sa ideya ng Indonesia bilang isang estadong Islamiko, na inihapag ng mga konserbatibong nauna sa kanila, at para gawing napapanahon ang klasikong kaisipang Islam upang ipakitang nababagay ito sa mga makabagong ideya tulad ng demokrasya, pluralismo at tolerans.
Gayunpaman, dalawang dekada matapos ang Reformasi, ang hulang bisyon ng mga nagpanukala ng tesis ng Sibil na Islam – na sa kalakha’y modereyt ang Islam na Indonesian at nababagay ito sa mga liberal na demokratikong pagpapahalaga tulad ng paggalang sa karapatang pantao, pluralismo at tolerans sa relihiyon – ay naging mas mailap, tulad ng ipinakita ng pananaliksik na naging mas konserbatibo ang Islam na Indonesian (van Bruinessen 2013) at lalo itong nagiging sarado sa mga relihiyosong pagpapahayag na sumasalungat sa mga paniniwalang Islam sa mainstream (Menchik 2016). Higit na nakakabahala, ipinapahayag ito hindi lamang ng mga bagong Islamistang grupo tulad ng Islamic Defenders Front (FPI) at Hizb-ut Tahrir Indonesia (HTI), kundi ng maraming kleriko at aktibista sa loob ng NU at Muhammadiyah din. Gaya nang palalawigin ko dito, ang mga Islamista – pinakahulugan dito bilang “mga Muslim na dedikado sa aksyong pampulitika para ipatupad ang itinuturing nilang adyendang Islamiko” (Piscatori 2000, p.2) – ay lalong nangibabaw sa lipunan at pulitikang Indonesian sa nakaraang dalawang dekada.
Ikinakatwiran kong nabigo ang mga nagpapanukala ng Sibil na Islam na matanaw ang apat na pagsulong kaugnay ng Islam sa Indonesia matapos ang panahon ng Reformasi. Una, ang mga nagpapanukala ng tesis ng Sibil na Islam ay mga elit na intelektwal na Muslim sa Indonesia na matatas rin sa kanluraning teoryang panlipunan. Ang mga interpretasyon nila kung paano mapagsasama ang Islam at mga liberal na pagpapahalaga tulad ng pluralismo at tolerans ay madaling sundan ng mga akademiko at tagamasid ng Kanluran. Bukod kay Hefner, maraming iskolar ang pumuri sa mga bertud ng neo-modernista at modereyt na Islam ng Indonesia noong mga huling taon ni Suharto at maagang panahon ng Reformasi (e.g., Barton at Fealy 1996, Liddle 1996)
Gayunpaman, ang gayung mga interpretasyon ay kalimitang hindi sinasang-ayunan ng mga kleriko at aktibista ng NU at Muhammadiyah mula sa mainstream, na siyang nagdodomina sa pamunuan ng mga organisasyon nito sa batayang antas. Mayorya ng mga klerikong Islam ay nagtapos pa rin sa mga tradisyunal na paaralang Islam (pesantren salaf), na pagpapalaganap ng mas literalistang pag-unawa sa Islam sa kanilang kurikulum, samantalang ang kanilang mga gradweyt ay mas malamang na maging mga kleriko ng Islam (kyai) at mga nangangaral sa kanilang mga lokal na komunidad. (Sakai and Isbah 2014). Ang konserbatibong pag-unawang ito sa Islam ay maaaring makapagpaliwanag kung bakit ang mga klerikong ito ay mas kiling na magkaroon ng interpretasyon sa tolerans na may kakabit na mga kondisyon kumpara sa pinaniniwalaan ng mga intelektwal ng Islam na nakapagpa-aral sa Kanluran na nagpapalaganap ng diskursong sibil na Islam (Menchik 2016). Ito din naman ay nagpapaliwanag kung bakit maraming kleriko ang bukas na kunsintihin at kung minsa’y itaguyod ang mga gawang pag-aapi laban sa mga minorya sa relihiyon tulad ng Ahmadi at mga Muslim na Shi’a (Hamayotsu 2018) o kaya’y suportahan ang mga rali ng Defending Islam laban kay Ahok.
Ang Pag-angat ng Bagong Islamikong Awtoridad
Ikalawa, bigo ang mga nagpapanukala ng Sibil na Islam na matanaw ang lalong pagguho ng tradisyunal na Islamikong awtoridad sa panahon matapos ang Reformasi sa Indonesia, na sinabayan ng pagsulpot ng mga katauhan ng alternatibong bagong Islamikong awtoridad na kinabibilangan ng mga teleebanghelista, kilalang ustadz, at mga nangangaral sa online. Halibawa ng mga pigura ng awtoridad na ito sina Abdullah Gymnastiar, Yusuf Mansur, Bachtiar Nasir, at Felix Siauw, na ang pag-angat sa katanyagan ay maipagpapalagay na dahil sa penomenon na ito. Kiling ang mga nangangaral na ito na umayon sa mas konserbatibong ideolohikal na interpretasyon ng Islam, at nagpapa-unlad ng malapit na ugnayan sa iba pang pigurang relihiyoso mula sa masugid na mga Islamistang grupo. Halimbawa, nagpapanatili si Gymnastiar ng malapit na ugnayan sa ispiritwal na lider ng FPI na si Habib Rizieq Shihab at sa tagapagtatag ng JI na si Abu Bakar Basyir at nagbigay ng sermon sa mga pulitikal na rali na inilunsad ng HTI (Hoesterey 2016, pp. 45 & 198). Samantala, nagpapa-unlad si Bachtiar Nasir ng network sa mga alumni ng Gontor Islamic School kungsaan siya nag-aral, kasama ang mga mas mas konserbatibong aktibistang Muhammadiyah na kasamang gumampan ng krusyal na papel sa mga rali ng Defending Islam (IPAC 2018).
Ipinaliliwanag ng mga ugnayan ng mga popular na nangangaral na ito sa mga konserbatibo at masugid na grupong Islamista kung bakit madali silang napapakilos nang sama-sama sa mga tuwangang aksyong masa tulad ng mga rali ng Defending Islam na inisponsor ng huli. Higit na mahalaga, lalong pinaliit ng pag-angat ng mga Islamikong teleebanghelista, kilalang nangangaral, at iba pang pigura ng awtoridad ang awtoridad ng mga tradisyunal na Islamikong ulama na kinakatawan ng NU at klerikong Muhammadiyah, na natagpuan na lamang ang mga sarili at kanilang mga ideya na nawawalan ng saysay, laluna sa mga panggitnang uring kabataang Muslim.
Maging sa loob ng mga grupong modereyt tulad ng NU, ang sumusulpot na ulama na nagkakaroon ng malapad na popular na pagtangkilik ay yaong mga nakababata, nag-aral sa Gitnang Silangan na kyai na may higit na konserbatibong interpretasyong teolohikal na nagwawaksi ng modereyt, pluralista at inklusibistang mga prinsipyong isinulong ng yumaong Abdurrahman Wahid at iba pang kiling-sa-modereyt na ulama sa loob ng NU. Kasama sa kanila sina Idrus Ramli, Buya Yahya, at Abdul Somad, na nagtatag ng NU Garis Lurus (“True Path NU”) – isang paksyon sa loob ng organisasyon na naglalayong i-atras ang progresibo at pluralistang teolohiya na sinimulan ni Abdurrahman Wahid at ipinalaganap din ng kasalukuyang tagapangulo ng NU na si Said Aqil Siradj, kilala ngayon bilang Islam Nusantara. Ang katotohanang kahanay ngayon sa mga pinakapopular na nangangaral ang mga kabataang ulama na kaanib ng NU Garis Lurus ay potensyal na alalahanin para sa prospek ng NU sa hinaharap bilang isang modereyt at pluralistang organisasyong Islamiko dahil sila’y malamang na mga kandidato para sa mga posisyon sa pamunuan sa loob ng organisasyon sa hinaharap.
Ikatlo, mas maalam ang mga konserbatibo at masugod na Islamista kaysa mga katapat na modereyt sa pagpapalaganap ng kanilang mga ideya sa malayang pamilihan ng mga ideya sa isang demokratikong Indonesia sa panahon matapos ang Reformasi. Isang mekanismo ang mga organisasyong da’wa sa mga kampus kung kaya nagawa ng mga grupong masugid na epektibong maipalaganap ang kanilang mga ideya upang makakalap ng mga bagong kasapi. Mabilis na lumawak noong mga taon ng dekada ‘80 at ‘90 ang mga organisasyon para sa pagpapalaganap ng Islamismo na inisponsor ng Tarbiyah Movement – ngayo’y ang Prosperous Justice Party (PKS) at HTI, samantala nakatulong ang kanilang katangiang maliit at lihim para malusutan ang palagiang pagmamanman mula sa mga aparatong panseguridad ni Suharto (Arifianto 2018, p. 6). Naging kilala sila dahil nagsimulang maghanap ang mga batang Muslim mula sa relatibong sekular at di-relihiyosong Islamikong pinagmulan ng mas malalim na pag-unawa sa Islam sa pamamagitan ng pagdalo sa mga aktibidad ng da’wa na inisponsor ng mga organisasyong ito.
Pagkatapos ng panahon ng post-Reformasi, papalaking ginamit ng mga Islamistang grupong da’wa sa kampus ang kanilang dominanteng posisyon sa loob ng mga pampublikong unibersidad bilang behikulo para baguhin ang balangkas ng pag-iisip ng mga kabataang Muslim na Indonesian tungo sa mas ekslusibistang interpretasyon ng Islam. Nabuhay ang mga grupong tulad ng HTI sa mga pampublikong unibersidad sa pagsasanay ng guro (dating Indonesian Teachers Training Institute – IKIP), kungsaan target nila ang mga estudyanteng magiging mga guro sa pampublikong hayskul para maging kadre nila. (Arifianto 2018, p. 13). Ipinagpapalagay na marami sa mga gurong ito ay nakapagpasa ng kanilang mga eksklusibistang ideya sa kanilang mga mag-aaral; na nagresulta sa sarbey ng opinyon kamakailan na nagpapakitang hanggang isa sa bawat apat na mag-aaral ng hayskul sa Indonesia ay nagpapahayag ng kanilang suporta sa ideya ng isang Islamikong kalipato na regular na ipinalalaganap ng HTI. (The Jakarta Post 2017).
Isa lamang ang mga da’wa sa kampus sa mga pamamaraan kungsaan nagagawang ipalaganap ng mga masusugid ang kanilang mga eksklusibistang ideya sa mga postensyal na tagatangkilik. Aktibo rin ang iba’t ibang Islamistang grupong kaanib ng Tarbiyah, HTI, at Jama’ah Tabligh sa pag-isponsor ng mga bagong porma ng da’wa, sumasaklaw mula mga aktibidad ng da’wa tuwing Biyernes sa malalaking institusyon ng estado, mga kumpanya, at mga shopping mall (Tempo 2017, pp. 64-65). Sa tinatayang nakaraang isang dekada, naging mga bagong daluyan ang internet at social media sites para sa mga grupong masugid na ipalaganap ang kanilang mensahe, sa pamamagitan ng mga site sa internet tulad ng Arramah.com at VOAIslam.com at iba pa ay nagiging popular sa mga gumagamit ng internet na naghahanap ng relihiyosong nilalaman. Nag-aalok ang mga site na ito ng literalista, ortodox na interpretasyon ng Islam na ipinapaliwanag sa malinaw at simpleng paraan – kalimitan sa loob ng dalawa hanggang tatlong minuto – ng mga nangangaral ng Islamismo na nagpapakadalubhasa sa da’wa sa online tulad ni ustadz Khalid Basalamah. Ang tagumpay ng mga grupong ito na talunin ang kanilang mga katapat na modereyt sa pamamagitan ng kanilang kontrol sa internet gayundin sa mas konbensyunal na daluyan sa pagpapalaganap tulad ng da’wa sa kampus – ay nakatutulong para maipaliwanag kung bakit mas maraming Muslim na Indonesian, laluna ang mga kabataang milenyal na gitnang uri, ang tumatangkilik sa mga mas konserbatibong interpretasyon ng Islam kaysa mas nakatatanda sa kanila.
Isang Di-banal na Alyansa
Ikaapat at huli, hindi binigyan ng sapat na pansin ng mga nagpapanukala ng tesis ng Sibil na Islam ang lumalawak na alyansa sa pagitan ng matataas na pulitikong elit at mga kleriko na kaanib ng Indonesian Ulama Council (MUI), kapwa sa pambansa at lokal na antas. Inihahanay ng mga kelrikong elit at pulitiko ang kanilang mga sarili sa mga masusugid na Islamistang grupo tulad ng FPI upang maisulong ang kanilang mga ambisyon (Hadiz 2016, Hamayotsu 2018). May malinaw na malawakang pagsisikap ang mga masugid na Islamistang grupo para magpaunlad ng mga alyansa sa mga pulitiko, lingkod bayan, at opisyal sa seguridad na simpatetiko sa kanilang adyenda o kaya’y nagnanais na gamitin ang kanilang suporta upang maisulong ang mga pampulitikang layunin sa minimum.
Nagpapaunlad ng mga network ang FPI sa matataas na opisyal mula nang itatag ito noong maagang mga taon ng dekada 2000. Inakalang pangunahing patron ng organisasyon noong mga maagang taon nito ang retiradong TNI Chief of Staff Wiranto (ngayo’y Coordinating Minister for Political, Security, and Legal Affairs) at Police General Nugroho Djajusman (Wilson 2015). Pinanatili ng TNI at ng kasalukuyang pamunuan ng National Police ang mga ugnayang ito. Naiulat na may malapit na relasyon si General Gatot Nurmantyo, kamakaila’y pinalitang TNI Chief of Staff, kay Habib Rizieq at iba pang nakatatandang lider ng FPI (McBeth 2017). Sa rehiyunal na antas, nakapagbuo ang FPI ng malawak na pakikipag-ugnayan sa pulis sa rehiyon at maging sa mga kumander ng TNI, na batay sa ulat ay nakatulong dito upang makaiwas sa mga ligal na suliranin tuwing naglulunsad ito ng atake laban sa mga target na minorya sa relihiyon.
Dahil nauunawaan ang lumalaking kapangyarihan at impluwensya ng masugid na Islamistang grupo—laluna tuwing panahon ng halalan, nag-iibayo ang pagtatayo ng elit ng mga oportunistikong alyansa sa mga grupo ng huli upang makakuha ng suporta mula sa kanila at lumapit sa kanilang kasapian upang makakuha ng mga potensyal na tagasuporta. Gayunpaman, nakalikha ng maraming balakid ang mga alyansa sa pagitan ng mga Islamista, mga klerikong MUI, at mga pulitikong elit para sa pangmatagalang prospek ng modereyt at sibil na Islam sa Indonesia. Makikita ito sa pagsasabatas ng tinatayang 440 lokal na regulasyong shari’a sa higit 100 rehiyon sa Indonesia (Pisani and Buehler 2017) mula nang simulan ng Indonesia ang pulitikal na desentralisasyon noong 2001. Sa pambansang antas, inaprubahan o kaya’y kinokonsidera ng parlyamento ang mga bagong batas sa pampublikong moralidad. Kasama dito ang 2006 Anti-Pornography Law at ang pagpapakilala ng mga probisyon na malubhang magki-kriminalisa sa mga sekswal na relasyon sa labas ng kasal sa darating na pag-rebisa ng Indonesian Criminal Code (KUHP), na inaasahang ipasa ng DPR sa panahon bago matapos ang kasalukuyang termino nito sa 2019 (Peterson 2018). Sa gayong mga kaganapan, nagiging mailap ang prospek ng prinsipyong sibil Islamiko at mga diskursong namamayani sa demokratikong Indonesia sa panahon ng matapos ang Reformasi, halos dalawampung taon matapos nang una itong mailatag.
Samantalang nananatiling optimistiko ang ilang iskolar kaugnay ng hinaharap ng sibil, modereyt na Islam sa Indonesia, batay sa mga obserbasyong nabanggit, hindi na natin kayang ituring ang sibil na Islam bilang pinaka-dominanteng diskursong teolohikal sa loob ng Islam sa Indonesia. Samantalang nananatiling malayo ang mga prospek ng mas malawig na Islamisasyon ng estado ng Indonesia, hindi na ito hustong maisasantabi sa gitna ng klima ng lumalakas na Islamismo sa Indonesia. Ipinapakita ng tagumpay ng mga Islamista sa pagsasagawa ng mga rali ng Defending Islam na sila ay isang pwersang hindi na maaaring bale-walain sa kontemporaryong pagsusuri ng pulitika sa Indonesia.
Alexander R. Arifianto
Research Fellow, Indonesia Programme, Rajaratnam School of International Studies, Nanyang Technological University, Singapore
Bibliography
Arifianto, Alexander R. 2018. “Islamic Campus Preaching Organizations in Indonesia: Promoters of Moderation or Radicalism?” Asian Security, https://www.tandfonline.com/doi/abs/10.1080/14799855.2018.1461086, accessed 2 May 2018.
Barton, Greg and Grey Fealy (eds) 1996. Nahdlatul Ulama, Traditional Islam, and Modernity in Indonesia. Clayton, Australia: Monash Asia Institute.
Hadiz, Vedi. 2016. Islamic Populism in Indonesia and the Middle East. New York: Cambridge University Press.
Hamayotsu, Kikue. 2018. “Moderate-radical Coalition in the Name of Islam: Conservative Islamism in Indonesia and Malaysia,” Kyoto Review of Southeast Asia (23), https://kyotoreview.org/issue-23/conservative-islamism-indonesia-malaysia/, accessed 2 May 2018.
Hefner, Robert W. 2000. Civil Islam: Muslims and Democratization in Indonesia. Princeton, NJ: Princeton University Press.
Hoesterey, James B. 2016. Rebranding Islam: Piety, Prosperity, and a Self-Help Guru. Stanford, CA: Stanford University Press.
Institute for Policy Analysis and Conflict (IPAC). 2018. After Ahok: The Islamist Agenda in Indonesia (6 April). Available at: http://www.understandingconflict.org/en/conflict/read/69/After-Ahok-The-Islamist-Agenda-in-Indonesia, accessed 2 May 2018.
The Jakarta Post. 2017. “Caliphate Still Attractive to Many Students;” (1 November), http://www.thejakartapost.com/news/2017/11/01/caliphate-still-attractive-many-students-study.html, accessed 6 March 2018.
Liddle, R. William. 1996. “The Islamic Turn in Indonesia: A Political Explanation,” Journal of Asian Studies, 55 (3), pp. 613-634.
McBeth, John. 2017. “Widodo, His Paranoid General, and a ‘Rotting Situation’ in Indonesia,” South China Morning Post (15 January), http://www.scmp.com/week-asia/politics/article/2062023/widodo-his-paranoid-general-and-rotting-situation-indonesia, accessed 2 May 2018.
Menchik, Jeremy. 2016. Islam and Democracy in Indonesia: Tolerance without Liberalism. New York: Cambridge University Press.
Peterson, Daniel. 2018. “Indonesia’s Minority Report,” New Mandala (14 February), http://www.newmandala.org/indonesias-minority-report/, accessed 12 March 2018
Pisani, Elizabeth and Michael Buehler. 2017. “Why do Indonesian Politicians Promote Shari’a Laws? An Analytic Framework for Muslim-majority Democracies,” Third World Quarterly, 38 (3): 734-752.
Piscatori, James. 2000. Islam, Islamists, and the Electoral Principle in the Middle East. Leiden, Netherlands: ISIM. https://openaccess.leidenuniv.nl/handle/1887/10070, accessed 2 May 2018.
Qurtuby, Sumanto al. 2018. “Indonesia’s Islamist Mobilization,” Kyoto Review of Southeast Asia (23), https://kyotoreview.org/issue-23/indonesias-islamist-mobilization/, accessed 2 May 2018.
Sakai, Minako and M. Falikul Isbah. 2014. “Limits to Religious Diversity Practice in Indonesia: Case Studies from Religious Philanthropic Institutions and Traditional Islamic Schools,” Asian Journal of Social Science, 42 (6): 722-746.
Tempo. 2017. “Liputan Khusus: Muslim Konservatif: Saleh atau Salah?” [Special Report: Conservative Muslims: Pious or ‘Wrong’?”] (19 – 25 June).
Van Bruinessen, Martin (ed.). 2013. Contemporary Developments in Indonesian Islam: Explaining the “Conservative Turn.” Singapore: Institute of Southeast Asian Studies Publishing.
Wilson, Ian D. 2015. The Politics of Protection Rackets in Post-New Order Indonesia: Coercive Capital, Authority, and Street Politics. New York: Routledge