Malaon nang punto ng tunggalian sa lipunang Myanmar ang mga usaping pagkakakilanlan at panlipunang inklusyon. Isa ang Myanmar sa mga bansa sa daigdig na may pinakamadaming pagkakapangkat sa aspetong etnolinggwistik, kungsaan may 135 na opisyal na kinikilalang grupong etniko at tinatayang 107 wika. Maraming relihiyosong komunidad ang namumuhay nang magkakasama sa loob ng mga hangganan nito, kabilang ang mga Budista (87.9%), Kristiyano (6.2%), Islam (4.3%), Hindu (0.5%), at Animista (0.8%). Sa ganitong larawan, nagluwal ng mga panrelihiyong paghahati na humahati sa kasalukuyang lipunan ang pamanang kolonyal at kasaysayan ng paghahari ng mayoryang etnikong Bamar.
Nagbibigay ang artikulong ito ng kabuuang pagtanaw kung paano umunlad ang pagkakakilanlan at panlipunang inklusyon sa loob ng sampung taon ng mala-demokratikong pamamahala mula 2011 hanggang 2021—una, sa ilalim ng anib-sa-militar na Union Solidarity and Development Party (USDP), at pagkatapos ay sa ilalim ng inihalal na pamahalaang National League for Democracy (NLD) pagkatapos ng 2016. Nabuo ang konsepto ng panlipunang inklusibidad sa tatlong larangan: etnisidad, relihiyon, at kasarian at oryentasyong sekswal. Sa kabila ng maingat na optimismo ng mala-demokratikong pamahalaan na tinatayang maghahatid ng mas mataas na antas ng inklusibidad sa lipunang Myanmar, nanatiling limitado ang pag-unlad patungo sa gayung layunin. Gayon pa man, ang kudeta noong Pebrero 1, 2021 ay pananda ng isang potensyal na pagpihit ng sitwasyon dahil sa pagkakabuo ng mga bagong pagkakaisa sa hanay ng mga dating hindi mapagdugtong na mga bitak. Gayon pa man malalaman sa hinaharap kung pangmatagalan nga ang mga pagkakaisang ito, habang binabagtas ng mga kalahok ang nag-iibayong maligalig na kalagayan.
Identidad at Panlipunang Inklusyon sa Konteksto ng Kasaysayan ng Myanmar
Sa ilalim ng kolonyal na paghahari (1824-1948), pinagsabong ng patakarang paghahati-at-paghahari ng mga Briton ang mga etnikong mayorya laban sa etnikong minorya. Sa kawalan ng nagkakaisang pambansang identidad, naitatag ang marami-raming grupo ng etnikong minorya sa magulong panahon pagkatapos makamit ang kasarinlan ng mga Ethnic Armed Organizations (EAOs) para sa kanilang pakikibaka para sa higit na awtonomiya. Matapos ang kudetang militar noong 1962, tumindi ang panunupil laban sa mga etniko at relihiyosong minorya. Sa pagpasa ng pamahalaang militar ng 1982 Burma Citizenship Law, na nananatiling hindi naaamyendahan, isinantabi ang mga grupo kabilang ang mga Muslim, Hindu at Tsino sa pagkakait sa kanila ng buong karapatan sa pagkamamamayan sa batayang hindi sila itinuturing na katutubo (Taing Yin Thar) sa Myanmar. Dagdag pa, pinagdiskitahan ang mga Muslim at pinatalsik sa mga pwesto sa pamahalaan at militar. Nagbigay din ng pagtatangi ang militar sa mga partikular na grupo ng etnikong minorya, habang matinding inaapi ang iba sa mga malakihang opensibang militar noong dekada 1990.
Sumasaklaw rin ang diskriminasyon sa kasarian sa ilalim ng paghaharing militar. Malaon nang itinuturing ng Tatmadaw (katawagan sa miltar na Burmese) na bawal ang pamumuno ng kababaihan. Niyayakap ng matataas na pinuno nito ang kasabihang, “Dumadatal lamang ang bukangliwayway sa pagtilaok ng tandang, hindi nang inahin”, nagpapahiwatig na magiging matatag lamang ang bansa kung lalaki ang namumuno. Nagtaguyod rin ang Tatmadaw ng naratibo ng kawalang-kakayahan ng kababaihan sa pamumuno, kung saan inimbento ang kwentong ng walang-ingat na pamumuno ni Reynang Suphayarlat na diumano’y nagbigay-daan sa pangongolonya ng Briton sa Imperyong Burmese. Sa gayon, sa Konstitusyon ng 2008 na ipinalaganap ng militar, itinalaga ang mga partikular na mahahalagang posisyong ministeryal para sa mga kalalakihan lamang. Dahil sa kamakailan lamang pinayagang maglingkod sa militar ang kababaihan, hindi sila sapat na nakakatawan sa mga posisyon sa militar at politika.
Transisyong tungong mala-demokratikong pamamahala sa ilalim ng USDP (2010-2015) at NLD (2016-2021): Limitadong pag-unlad tungong panlipunang inklusibidad
Etnikong Inklusibidad
Matapos ang transisyong politikal noong 2011, gumamit ang pamahalaang USDP ng pamamaraang paghahati-at-paghahari ng iba’t-ibang grupong etnikong minorya sa pamamagitan ng pag-etsapwera sa ilang EAOs sa Nationwide Ceasefire Agreement (NCA), na paunang hakbang tungo sa inklusibong usapang pangkapayapaan. Muling nagpalakas ng pag-asa ang pag-angat ng pamahalaang NLD sa halalang 2015 para sa higit na etnikong inklusyon at pantay na pagtrato. Sa manipestong panghahalan ng NLD, ipinangako nitong maglulunsad ng diyalogong politikal para matugunan ang ugat ng etnikong hidwaan at magsikap tungo sa tunay na unyong pederal na nakatindig sa mga prinsipyo ng pantay na karapatan, sariling pagpapasya at pagbabahaginan ng rekurso. Gayunpaman, sa limang taong termino nito sa pamahalaan, nabigo ang NLD na makagawa ng pagsulong sa mga pangako nito. Kalauna’y bibigyang-katwiran ng NLD ang kanyang kabiguan sa pagsasabing nalimitahan ito ng Konstitusyon ng 2008.
Mula sa perspektiba ng mga etnikong minorya, ang kabiguang ito ay dahil sa etniko-sobinistang paniniwala ng NLD na laging dapat mamayani ang mayoryang Bamar sa pamumuno sa estado. Pinuna rin ng mga lider ng minorya ang malapit na ugnayan ng pamahalaanag NLD sa Tatmadaw, ang pag-aalumpihit na amyendahan ang Konstistusyon sa lalong madaling panahon, at ang pagtutol sa pag-amyenda sa mga seksyon ng Konstitusyon na mahalaga para sa pantay na pagsasalo sa kapangyarihan kasama ang mga grupo ng etnikong minorya.
Inklusibidad sa Relihiyon
Bagaman hindi na relihiyon ng estado ang Budismo mula pa noong 1962, binibigyan ito ng Section 361 ng Konstitusyon ng 2008 ng ‘espesyal na posisyon ng pananampalataya’ sa lipunang Myanmar. Kung kaya, patuloy na pinaboran ng mga sumunod na pamahalaan sa Myanmar ang Budismo, sa kapinsalaan ng ibang relihiyon. Kasama rito ang mga patakaran, batas at praktika na pumipigil sa inklusibidad sa relihiyon sa komunidad at indibidwal na antas. Isang malinaw na halimbawa ang hindi pantay na pagtrato sa mga relihiyosong grupo kaugnay ng pagtatayo ng mga gusaling pagsamba. Malayang nakapagtatayo ang mga Budista ng mga pagoda, templo, o anumang tipo ng gusaling panrelihiyon saanman nila gustuhin. Sa kabilang banda, nahihirapan ang mga Kristiyano, Hindu at grupong Islamiko na makakuha ng permiso para kumpunihin ang mga umiiral na gusali o magtayo nang bago.
Direktang sinuhayan ng pamahalaang USDP (at ng Tatmadaw) ang Budistang nasyunalismo sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga network at grupo ng aktibista na maka-kanan. Kasama rito ang nasyunalistang kilusan na 969 Buddhist at ang Association for Protection of Race and Religion (MaBaTha), na itinatag para protektahan ang lahi at relihiyong Burmese Buddhist. Halimbawa, tinarget ang grupong Islam ng mga mapangdiskriminang batas estado at ng poot ng komunidad ng Budista. Noong Abril at Agosto 2015, ipinasa ng pamahalaang USDP ang apat na batas na kolektibong kilala bilang Race and Religion Protection Laws. Layunin ng mga ito na i-etsapwera ang mananampalataya ng Islam mula sa pakikipag-ugnayan sa mga Budista sa buong bansa. Mula 2012, sinusunog o winawasak ng ultra-nasyulistang Rakhine, kasama ang iba pang etnikong minorya, ang daan-daang panrelihiyong gusaling Islamiko, kabilang ang mga moske at mga paaralang panrelihiyon (mga madrasa) sa maraming kabayanan ng Rakhine. Malaganap na naiulat na sinusuportahan ng Rakhine State Government, sa pangunguna ng Ministry of Security and Border Affairs ang pagwasak sa imprastrakturang panrelihiyon ng komunidad ng mga Muslim. Sa kasalukuyan, iilang moske na lamang ang natitira para makalahok sila sa pagsambang publiko at mga seremonyang relihiyoso.
Sa kalakhan ay nabigo ang pamahalaang NLD na kalasin at tanggalin ang ekslusyon ng mga Muslim: kapansin-pansin na hindi nito epektibong nahadlangan ang pamumulitika ng USDP sa relihiyon at ang pag-udyok ng mga aktibistang maka-kanan ng mga sentimyentong anti-Muslim, ni hindi rin nito ibinasura ang mga gawi na nag-eetsapwera sa karapatang sibil ng mga Muslim, kasama na ang pantay na karapatan sa pagkamamamayan at kalayaan sa paggalaw sa labas ng mga nasasakupan at lupain ng mga ito. Nabigo rin ang NLD na pahusayin ang akses ng mga Muslim sa pampublikong serbisyo gaya ng edukasyon at pangangalaga sa kalusugan, partikular sa estado ng Rakhine.
Sumulpot rin ang mga inter-relihiyonal na tensyon kaugnay ng iba pang mga komunidad na hindi Budista. Ang mga nasabing tensyon ay pinalakas ng pagtaas ng mga konbersyon sa Kristiyanismo ng mga Budista at Animista sa estado ng Rakhine. Bilang tugon, sinubukan ng komunidad na Budista na limitahan ang bilang ng mga misyonaryong Kristiyano at ang pagtatayo ng mga simbahang Kristiyano. Sa ibang lugar, nagdulot ang mga relihiyosong tensyon ng karahasan, kahit sa loob ng magkakatulad na etnikong grupo. Isang makatawag-pansin na halimbawa ang intra-etnikong hidwaang relihiyoso sa pagitan ng Karen National Union (KNU) na kalakhan ay Kristiyano, at ng Democratic Karen Buddhist Army (DKBA) na kalakhan ay Budista, na may “malakas na relihiyosong pahiwatig” kahit pa pareho ang etnikong identidad ng dalawang grupo.
Inklusibidad sa kasarian at sekswal na oryentasyon
Nananatiling makulit na usapin rin sa Myanmar ang pagbubukod sa batayan ng pagkakakilanlan sa kasarian at oryentasyong sekswal. Malalim na nakaugat ang sobinismo ng lalaki sa lipunang Myanmar, sa anumang etnisidad. Sa kasaysayan, in-etsapwera ng mga institusyong panlipunan, pangkultura at relihiyon na dominado ng kalalakihan ang mga karapatang sibil ng mga kababaihan at mamamayang LGBTQ+. Lalunang malinaw ang eklusyon sa kababaihan sa komunidad ng Bamar Budista: tinatanggap ng nakararaming mga Budistang babae at lalaki na higit na superyor sa ispiritwalidad ang kalalakihan dahil naniniwala silang taglay ng mga ito ang panloob na katangiang tinatawag na hpon. Sa gayon, hindi pinayagan ang mga kababaihan na pumasok sa pagmomonghe, o lumapit sa mga partikular na imahe ni Buddha, o malagay sa posisyon na mas mataas kaysa kalalakihan.
Kasunod ng demokratikong pag-aalsang noong 1988, unti-unting lumakas ang partisipasyon ng kababaihan sa politika sa pagsulpot ng maraming babaeng lider at aktibistang pampolitika. Lumakas rin sa ilalim ng termino ng NLD ang representasyon ng kababaihan sa parlyamento, mula sa kulang 5% noong halalang 2010 tungong 13% noong halalang 2015 at 15% sa halalang 2020. Gayon pa man, sa kabila ng ganitong nakakahikayat na takbo, kakaunting kababaihan ang napipili para sa mga punong posisyon sa lokal/komunidad, gaya ng Village Tract Administrators (VTAs), mga nakatatanda sa komunidad, at mga lider sa civil society organization (CSO)/community-based organization (CBO). Masyadong mababa rin ang partisipasyon ng kababaihan sa prosesong pangkapayapaan ng bansa kungsaan sila ay 4 lamang sa 67 negosyador sa NCA (o 6%), kungsaan ang lahat ay mga delegado ng mga EAO at wala mula sa pamahalaan, sa Tatmadaw, o lokal na CSO.
Mula ng magtransisyong politikal noong 2010, unti-unting nakaranas ang mga LGBTQ + ng mas ligtas na panlipunang kapaligiran kasabay ng mas mataas na antas ng pagtanggap ng lipunan. Gayumpaman, patuloy silang kumakaharap ng diskriminasyon sa antas panlipunan at pampatakaran. Halimbawa, nananatiling iligal ang pakikipagtalik sa parehong kasarian habang itinuring na krimen ang paglabas bilang transgender sa ilalim ng Penal Code Section 377. Bihira rin na magkaroon ng representasyon ang LGBTQ+ sa parlyamento, pamahalaan, o mga posisyon ng pamumuno sa komunidad.
Ang Kudetang Militar noong ika-1 ng Pebrero: Pagpihit ng Sitwasyon para sa Relasyong Inter-komunal?
Maaaring pananda ang kudetang militar noong Pebrero 1, 2021 bilang punto ng pagpihit ng sitwasyon para sa panlipunang inklusibidad sa Myanmar. Apat na buwan matapos ang kudeta, tila may mga mahahalagang pagbabago sa mga relasyong inter-komunal. Habang kumakaharap ang mga etnikong minorya, laluna ng mga nasa hangganan, ng brutal na pandarahas sa maraming dekada, maraming mamamayang Bamar ang nakakasaksi sa mga abuso sa unang pagkakataon. Itinulak nito ang mga Bamar na magnilay, ang marami sa kanila ay nagpahayag ng pakikisimpatiya sa kalagayan ng mga etnikong minorya at hayagang humiling ng kapatawaran para sa kanilang kabiguan na kumilala at tumugon sa pagdurusa ng etnikong minorya, kasama na ang komunidad ng Rohingya.
Nag-alok rin ang kilusang maka-demokrasya ng mga oportunidad sa mga grupong mardyinalisado para salungatin ang mga panlipunang hirarkiya habang kumakabig ng atensyon ng publiko sa kanilang layunin. Nasa unahan ng protesta ang mga kababaihan; halimbawa, ang unang protestang anti-kudeta sa Yangon ay pinamunuan ng dalawang kabataang babaeng aktibista. Dagdag pa, lantad na kalahok sa mga protestang lansangan ang komunidad ng LGBTQ+. Nagdulot ito ng pagtataas ng kamalayang publiko at pagtanggap sa komunidad.
Gayunpaman, masyado pang maaga para sabihin kung magtatagal ang mga ganansyang ito. Maraming grupo ng etnikong minorya ang naniniwala na magiging panandalian lamang ang mas mataas na pakiki-simpatiya sa kanila ng mga Bamar at na mawawala ito kapag hindi kumakaharap ng opresyon ang mga Bamar. Duda rin sila sa sinseridad ng mga Bamar dahil sa kalagayang kailangan ng mga ito ang kooperasyon ng mga etnikong minorya para maibagsak ang rehimeng militar. Hindi sila kumpyansa na itutuloy ng mga Bamar ang pagtatatag ng tunay na inklusibong unyon na pederal demokratiko kapag natanggal na sa politika ang militar. Kaalinsabay, may malaking bahagi pa rin sa mga Bamar na naniniwalang dapat patuloy na gumanap ng namumunong papel ang mayoryang Bamar sa politika ng bansa. Bagaman kapwa tinitingnan ng mga Bamar at mga etnikong minorya ang Tatmadaw bilang kanilang kaaway at kasama sa layuning alisin ang diktadura, may nararamdaman pa ring alinlangan na nakakapigil sa relasyon sa pagitan ng mayoryang Bamar at mga etnikong minorya.
Gayunpaman, hindi imposibleng maresolba ang mga usaping ito. Dapat na magtulungan ang mga pinuno ng partidong politikal, mga EAO, at mga CSO, para samantalahin ang mas mataas na diwa ng pagkakaisa mula noong kudeta. Bagaman napolitika sa kasaysayan ang mga partidong politikal at mga EAO sa mga usaping etniko, na nagpapahirap sa kolaborasyon, maraming CSO ang lumitaw kamakailan na nag-uugnay sa mga institusyon upang padaluyin ang interaskyon sa pagitan ng mga pinuno ng iba’t-ibang partidong politikal at mga EAO. Nagsagawa ng konsultasyon ang mga CSO ng mga etnikong minorya hinggil sa Federal Democracy Charter at nagpadaloy ng mga usapin sa pagitan ng Committee Representing Pyidaungsu Hluttaw (CRPH) na dominado ng mga Bamar at mga partido politikal ng etnikong minorya. Kasali rin sa National Unity Government (NUG) ang mga pinuno ng mga partidong politikal ng mga etnikong minorya, mga EAO, mga CSO, at mga grupong aktibista. Hindi lamang nito sinasalamin ang pagkakaiba-iba ng populasyon ng Myanmar, kundi nagpapatatag sa kolektibong pamumuno nito. Sa huli, babatay ang pag-unlad ng Myanmar tungo sa inklusibong lipunan sa husay ng mga kalahok na magpalalim ng tiwala at magbuo ng kooperasyon sa gitna ng di-tiyak na hinaharap.
Htet Paing Oo
Senior Research Consultant and Senior Program Manager
Center for Diversity and National Harmony (CDNH), Myanmar