Muling Pagbuhay sa mga Kanal sa ilalim ng Gobyernong Pinamumunuan ng Militar sa Thailand

Boonlert Visetpricha

Malaking panganib sa kapaligiran ang dulot ng pagbaha sa Thailand. Nakakaapekto ito sa marami-raming probinsya halos taun-taon. Maaaring magdulot ng pagbaha sa Bangkok at mga kalapit na lugar kahit ang isang oras lamang na karaniwang pag-ulan. Marami sa mga proyekto ng pamahalaan para pigilan ang pagbaha ay nauuwi pagtatanggal ng mga komunidad na naninirahan sa kahabaan ng mga kanal. Sa kabila ng mga masalimuot na sanhi ng pagbaha, kalimitang ang mga komunidad na ito ang sinisisi sa pagbara sa daloy ng tubig. Sa paghugot sa perspektiba ng ekolohiyang politikal, 1 susuriin ng sanaysay na ito ang pinagtatalunang relasyon sa pagitan ng mga kanal, pagbaha, at ang maralitang lungsod. Ipapakita nito kung paanong, mula noong kudeta ng 2014, mahigpit na ipinatupad ng pamahalaang militar ang pagtatanggal sa mga komunidad na naninirahan sa kahabaan ng mga kanal sa pamamagitan ng paggamit ng lohikang post-disaster. Sinuportahan ang mga hakbang na ito ng panggitnang uri sa Bangkok na umaayaw sa pagkakaroon ng mga komunidad ng maralitang lungsod malapit sa kanilan. Sa gayon, produkto ng kombinasyon ng dalawang proseso ang pagtatanggal sa mga komunidad sa kahabaan ng mga kanal sa ilalim ng gobyernong militar, ang environmental gentrification at eco-authoritarianism. Tumutukoy ang una sa proseso ng pagtatanggal sa maralitang lungsod para diumano sa pagpapahusay ng kapaligiran. 2 Naglalatag naman ng katanungan ang huli sa kung paanong nagsasagawa ang gobyernong awtoritaryan ng proteksyon sa kapaligiran sa mga paraang kaiba sa mga demokratikong pamahalaan. Nagagawa nilang balewalain ang paggigiit ng karapatan ng mga maralita para pasimulan ang mga proyektong pangkapaligiran. 3

Matagal nang negosasyon hinggil sa mga komunidad na naninirahan sa kabahabaan ng mga kanal

Mahirap para sa Bangkok ang umiwas sa pagbaha. Matatagpuan ang lungsod sa bunganga ng Ilog Chao Phraya at malalaking bahagi ng syudad ay mas mababa kaysa nibel ng dagat. Dating nakakaangkop ang Bangkok at mga karatig na probinsya sa pagbaha dahil sa sistemang ilog at kanal na tumutulong sa pagsalo ng tubig sa panahon ng habagat. 4 Gayunpaman, nasira na ang sistemang ito dahil sa mabilis na urbanisasyon. Lumiit ang bilang at sukat ng mga kanal dahil sa paggawa ng mga kalsada, expressway, at gusali. 5 Dagdag pa, lumobo ang opisyal na populasyon ng Bangkok mula 2,150,000 katao noong 1960 tungong 10,539,000 katao sa taong 2020. Ang kabuuang pagbagsak ng kakayahan ng Bangkok na tumanggap ng tubig ay hindi maaaaring iparatang lamang sa mga naninirahan sa kahabaan ng kanal na bumabara sa daloy ng tubig. Sa halip, dapat itong tingnan bilang bahagi ng mas malawak na mga proseso ng transpormasyong socio-environmental.

May matagal nang negosasyon sa Thailand kung makatwiran bang tanggalin ang mga maralitang komunidad sa kahabaan ng mga kanal upang mapigilan ang pagbaha. Sa isang bahagi, mula sa perspektibang ekolohikal na naglalayong panatilihing malinis ang sistemang kanal, dapat ipagbawal ang mga paninirahan sa kahabaan ng mga kanal. Ginamit ng ilang ahensya ng pamahalaan, partkular ng Department of Drainage and Sewerage ng Bangkok Metropolitan Administration (BMA) ang perspektiba sa inhinyeriya na naninindigang ang pagpapalapad ng mga kanal ay higit na magpapabilis sa daloy ng tubig. Anila, makatwirang ilipat ang mga komunidad ng maralita sa kahabaan ng mga kanal na nakakabara sa mga lagusan ng tubig at nagdudulot ng pagbaha sa Bangkok.

Nagbunga ang ganitong pananaw ng sapilitang pagpapalayas sa komunidad ng Bang Oo matapos ang malaking pagbaha sa Bangkok noong 1983. Inakusahan ang komunidad ng Bang Oo, na matatagpuan sa kahabaan ng kanal ng Bang Oo sa distrito ng Phra Khanong sa Bangkok, na sila ang bumabara sa daloy ng tubig tungong ilog Chao Phraya–kaya nagdulot ito ng malaking pagbaha sa buong lungsod. Para tugunan ang problema, marahas na giniba ng dalawang daang armado pulis ang kabahayan ng walumpung pamilya sa komunidad ng Bang Oo. 6 Bagaman nagpatuloy ang pagbaha, hindi na ito kasing tindi nang 1983, kaya ibinaling naman ng BMA ang atensyon nito sa mga manininda sa lansangan at sa pagsikip ng trapiko. Dala nito, naipagpaliban ang planong pagpapalayas sa mga komunidad sa mga kanal.

Gayunpaman, binuhay muli ang usapin ng pagpapalayas sa kanila sa pamamahala ni Gobernador Bhichit Rattakul (1996-2003).  Naging popular si Bhichit sa hanay ng panggitnang uri ng Bangkok dahil sa kanyang kampanyang gawing kaiga-igaya sa pamumuhay ang lungsod. Mayroon din siyang imaheng mapagmalasakit sa isyu ng polusyon ng kapaligiran. Ipinangako niyang daragdagan ang mga luntiang espasyo sa Bangkok at papanumbalikin ang kalidad ng tubig sa mga kanal. Naakit ng kanyang kampanya ang imahinasyon ng panggitnang uri na nangarap nang katulad sa mga maunlad na bansa, gaya ng sa Kyoto, Japan kungsaan ipinapakita ang mga kanal na may malinis na tubig at naliligiran ng mga daanang nilililiman ng mga punong-kahoy—sa halip na mga komunidad ng maralita. Nang sinubok ni Gobernador Bhichit na ipatupad ang kanyang pangako, nagtulak ito sa ilang opisyal ng distrito na palayasin ang mga komunidad ng maralita sa mga gilid ng kanal.

Slums along a canal (Khlong Toei) full of mud and rubbish in Bangkok’s Khlong Toei District. Photo: David Bokuchava / Shutterstock.com

Nilabanan ang mga maralitang komunidad at kanilang mga alyado, gaya ng mga non-governmental organizations (NGOs) at iskolar ang taguring dinudumihan nila ang mga kanal at sila ang nagdudulot ng pagbaha. Noong September 1, 1998, nagprotesta sa harap ng opisina ng BMA ang may 1,000 miyembro ng maralitang komunidad, sa pamumuno ng Four Regions Slum Network (FRSN), isang pambansang network ng mga maralitang komunidad na sumasaklaw sa lahat ng apat na rehiyon ng Thailand. 7 Iginiit nilang hindi nagtatapon ng basura sa mga lagusan ng tubig ang mga naninirahan sa maralitang komunidad (at nagdudulot ng pagbaha). Sa halip, ipinakita nila ang daloy ng basura mula sa ibang lugar at ang sama-samang kilos ng maralitang komunidad na tanggalin ang mga basura sa mga kanal. Sa madaling salita, ikinatwiran nilang sila pa mismo ang responsable sa pagpapahusay ng mga kanal, at hindi dapat isisi sa kanila ng BMA ang pagbaha. Binuksan ng FRSN ang isang importanteng diskurso na “maaaring mamuhay ang mga komunidad sa gilid ng mga kanal.” Ipinaalala nila kung paanong nanirahan ang mga tagabaryo ng Thailand sa gilid ng kanal sa nakalipas na mga siglo. Ibinunga ng pagkilos na ito ang pagtanggap ni Governor Bhichit sa kanilang mga kahingian, inihayag na maaaring manirahan sa gilid ng mga kanal ang mga komunidad at nararapat na tanggalin sa diksyunaryo ang salitang “eviction.” Wala nang naganap na pagpapalayas sa nalalabing mga panahon sa termino ni Bhichit. 8

Makabuluhan ang naging tugon ni Governor Bhichit. Naglimbag pa ng mga poster ang FRSN na naglalaman ng larawan ni Governor Bichit at kanyang pangako, at ipinamahagi ito sa mga komunidad upang pigilan ang mga opisyal ng distrito na magbanta na palalayasin sila sa kanilang mga lugar. Sinasalamin ng mga pangangatwiran ng komunidad at ng desisyon ni Governor Bhichit na hindi maaring iasa lamang sa kaalamang teknikal ang pamamahalang pangkapaligiran, sa halip, dapat bigyang konsiderasyon rin ang panlipunang relasyon sa pagitan ng mga panirahan ng tao at ng kapaligaran. 9 Dagdag pa, ipinapakita ng kasaysayang ito ang halaga ng demokratikong politika na mamagitan sa relasyong ito. Dahil halal na opisyal si Governor Bhichit, kinailangan niyang makipakompromiso kapwa sa panggitnang uri at sa maralitang lungsod. Nguni’t sa panahon ng diktadurya, lubhang nagbago ang sitwasyon.

Restorasyon ng mga kanal sa ilalim ng gobyernong militar

Itinigil noong 1998 ang planong paglilipat ng mga taong naninirahan sa kabahaan ng mga kanal. Subalit matapos salantahin ng malulubhang pagbaha ang Thailand noong 2011 (na nadulot ng 815 pagkasawi at nakaapekto sa 13.6 milyong mamamayan) nagpanukala ang Department of Drainage and Sewerage ng BMA ng panibagong plano para palayasin ang mga taong naninirahan sa kahabaan ng siyam na pangunahing kanal sa Bangkok. Maaapektuhan nito ang  12,307 sambahayan. Hindi naipatupad ang planong ito hanggang agawin ni Heneral Prayuth Chan-Ocha ang pamunuan mula kay Punong Ministro Yingluck Shinawatra noong Mayo 22, 2014.

Ipinahayag ng pinuno ng junta na kinailangang pabagsakin ang pamahalaan dahil nabigo itong kontrolin ang mga hidwaang politikal. Idiniin ni Heneral Prayuth na ang layunin ng kudeta ay para maghatid ng seguridad sa bansa sa pamamagitan ng pagbabalik ng kaayusan. Inihayag ng pamahalaan ang labingwalong patakarang pangkagipitan para makamit ang gayung layunin, kasama ang pagbabalik ng kaayusan sa mga daanan, pag-oorganisa ng transportasyong van, pagbawi sa mga kagubatan, at pagpapanumbalik ng mga kanal. Dapat suriin ang pagpapalayas ng mga komunidad sa kanal bilang bahagi ng mas malapad na pagsisikap ng militar na ibalik ang “kaayusang pampolitika”. Nagpapahiwatig ang pariralang “inuutusan ang mga komunidad sa kahabaan ng kanal” na sagabal sila kapwa sa kapaligiran at politika.

Pawang positibo ang pagtangap ng mga opisyal ng pamahalaan sa patakarang ito, tulad sa kaso ng kanal ng Lad Phrao. Marami sa mga residente ng komunidad ang nakipagtulungan sa proyekto ng pamahalaan sa pamamagitan ng paglilipat ng kanilang mga bahay mula sa ibabaw ng mga kanal tungong mga lupain sa tabi ng kanal. Nguni’t ito lamang ang kaso kung saan pinayagan ang mga mamamayan na muling itayo ang kanilang mga tahanan malapit na orihinal nitong lokasyon. Nakatanggap rin ang mga residente sa kahabaan ng Lad Phrao ng malaki-laking danyos na umaabot sa 80,000 baht para sa bawat bahay na natanggal. Nakinabang rin sila nang maisali sila sa proyektong Secure Housing (Ban Mankhong) na suportado ng pamahalaan.

Hindi nakinabang ang mga mamamayang naninirahan sa kahabaan ng ibang kanal nang sila ay tanggalin. Halimbawa, pinagbantaan ng mga sundalo at mga opisyal ng BMA ang mga maralitang nagtayo ng kanilang mga barung-barong sa komunidad ng Ban Ta Pho, Distrito ng Khlong Sam Wa. 10 Ipinahayag ng Hukbo na nakatanggap sila ng reklamo at hiling mula sa mga mas nakaririwasang residente sa kalapit na protektadong komunidad na tanggalin ang komunidad ng maralita. Hindi na nakakagulat na ayaw ng mga komunidad ng panggitnang-uri ang pananatili ng komunidad ng maralita malapit sa kanilang lugar dahil “pinapapangit” ng mga barung-barong ng maralita ang kanilang lugar. Gayundin, binantaan ng pagpapalayas ang komunidad ng Khlong Peng Community sa Watthana District (isa sa mga distrito ng negosyo sa Bangkok) mula sa mga opisyales ng BMA. Matatagpuan ang komunidad sa eryang komersyal na may maluluhong showroom ng kotse, otel, at shopping mall. Gayunpaman, dahil walang pondo ang BMA para bigyan ng danyos ang mga natanggal na residente, nagbigay ng donasyon ang mga pribadong kumpanya para mapabilis ang pagtatanggal ng komunidad.

Officials visit Bangkok’s Khlong Peng community

Inilantad ng pribatisasyon ng danyos ang ugnayan sa pagitan ng ng environmental gentrification at eco-authoritarianism. Bagaman ipinanukala ang pagtatanggal sa mga komunidad bilang hakbang sa pagsugpo sa pagbaha, nagsilbi rin ang proyekto sa interes ng pribadong sektor na nagnanais “pagandahin” ang kanilang paligid sa pamamagitan ng pagpapalayas sa mga di kaaya-ayang barung-barong. Sa huli, naisakatuparan ang mga pagpapalayas dahil sa eco-authoritarianism. Kaakibat ang mga burukrata sa ilalim ng rehimeng militar na istriktong nagpatupad ng batas at nagwalang-bahala sa lahat ng iba pang aspeto, gaya nang kung may iba bang matitirhan ang mga maralitang lungsod na pinaalis.

Matapos ang kudeta ng 2014, ganito rin ang ginawa sa mga kanal sa labas ng Bangkok. Nang matapos ang malalaking pagbaha sa Chiang Mai noong taong 2000, hindi nagsagawa ng anumang pagpapalayas sa mga mamamayang naninirahan sa kahabaan ng kanal ang munisipal na pamahalaan. Noong panahong yaon, ipinakita ng aktibong network ng komunidad sa lungsod na kaya ng mga miyembro nito na pangalagaan ang mga kanal at paghusayan ang kapaligirang urban. Sa kabila nito, natuloy din sa Chiang Mai ang pagpapatalsik sa mga komunidad noong 2014. Dahil sinuspinde ng junta ang lokal na halalan, pinanghawakan nito ang malawig na kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan. Inatasan ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga patakaran ng junta sa halip na managot sa mga lokal na mamamayan. Alinsunod rito, itinulak rin sa Chiang Mai ang patakaran ng pagsasaayos ng nga kanal. Noong Mayo 2018, pinagbantaan ng isang grupo ng mga sundalo ang mga residenteng naninirahan sa ibabaw ng Mae Ngeon Canal na ikukulong ang mga ito dahil sa paglabag sa batas kung kaya napilitan silang  baklasin ang kanilang mga tahanan . 11

Pinaghambing ng sanaysay na ito ang pamamahalang pangkapaligiran sa pagbaha sa Thailand sa ilalim ng mga demokratikong administrasyon kumpara sa mga naganap sa ilalim ng diktaduryang militar. Ipinakita nito na mula pa 1983 ay tinutukoy na ng mga pamahalaan ang usapin sa pagbaha para tanggalin ang mga mamamayan na nainirahan sa kahabaan ng mga kanal. Bagaman suportado sa kabuuan ng panggitnang uri at sektor ng negosyo ang mga planong ito, sa mga panahong demokratiko ay epektibong nakapag-organisa, nakalahok at nakapagprotesta ang mga residente ng komunidad laban sa mga proyektong naglalayong gibain ang kanilang mga komunidad. Sa kaibahan, iniugnay ng kasalukuyang rehimeng militar ang pamamahala ng kapaligiran sa pagsisikap nitong ilagay sa kaayusan ang lipunan. Sa pagsasagawa nito, kapwa hindi nito napigilan ang pagbaha o napahusay ang kapaligiran. Isinulong lamang nila ang interes ng mayayamang mamamayan sa kapahamakan ng maralita. Inilalantad ng kamakailan lamang na kasaysayang ito kung paanong epektibong pinakilos ng militar ang mga regulasyong pangkapaligiran para palalimin ang sariling kapangyarihan nang binabale-wala ang boses ng mga residente—kapalit ng  pagbabaklas sa kanilang mga tahanan.

Boonlert Visetpricha
Lecturer of Faculty of Sociology and Anthropology, Thammasat University

Notes:

  1. Stott, P.A. and S. Sullivan, Political ecology: science, myth and power. 2000.
  2. Checker, M., Wiped out by the “greenwave”: Environmental gentrification and the paradoxical politics of urban sustainability. City & Society, 2011. 23(2): p. 210-229.
  3. Middeldorp, N. and P. Le Billon, Deadly environmental governance: authoritarianism, eco-populism, and the repression of environmental and land defenders. Annals of the American Association of Geographers, 2019. 109(2): p. 324-337.
  4. Tohiguchi, M., et al., Transformation of the canal-side settlements in Greater Bangkok. Journal of Architecture and Planning (Transactions of AIJ), 2002. 67(551): p. 245-252.
  5. Limthongsakul, S., V. Nitivattananon, and S.D. Arifwidodo, Localized flooding and autonomous adaptation in peri-urban Bangkok. Environment and Urbanization, 2017. 29(1): p. 51-68
  6. Chitniratana, C. Khon Cha Theong Thi Mai: Prasobkan Sib Hok Pi Nai Ngan Patthana Salam. [Before Arriving the End: Sixteen-year Experience in Slum Community Development]. 1995.
  7. Chantharapha, Apphayut. Khrekhai Salam Si Phak: Tuaton Lae Prasobkan Kan Khreanwai [Four Region Slum Network: Identity and Its Movement Experiences]. 2009.
  8. Ibid. p47.
  9. Heynen, N., M. Kaika, and E. Swyngedouw, In the nature of cities: urban political ecology and the politics of urban metabolism. Vol. 3. 2006: Taylor & Francis.
  10. Heynen, N., M. Kaika, and E. Swyngedouw, In the nature of cities: urban political ecology and the politics of urban metabolism. Vol. 3. 2006: Taylor & Francis.
  11. Workpoint News-16 May 2018.