Politika ng Patani: Mga Mukha ng Kampanyang Pang-eleksyon 2019

Patani-Politics- Faces-of the-2019-Election Campaign DuncanMcCargo-KRSEA

Hindi pa ito nangyari sa nakaraan: lahat ng nahalal na MP mula sa Pattani, Yala at Narathiwat sa nakaraang eleksyon sa Thailand noong ika-24 ng Marso 2019 ay pawang mga Malay Muslim. 1 May sariling pampolitikang klima ang Malalim na Timog ng Thailand na nilalambungan ng insurhensya na kumitil ng 7000 na buhay sa nakalipas na labing anim na taon. 2 Sa mga nakaraang dekada, pangunahing kinatawan ng mga Buddhist ang rehiyong ito na ang mayorya ay Muslim. Nananahan sa ligalig na kalagayan ang mga Malay Muslim na kasapi ng Kamara ng Thailand, at hindi pinagtitiwalaan ng mga awtoridad na naghihinalang may ugnayan sila sa karahasan, habang sila ay itinuturing na traydor sa pagka-Malay ng ilang kasapi ng sariling komunidad.

Hindi tulad ng mga botante sa mataas na Timog, kungsaan matagal nang nangingibabaw ang Partidong Democrat, lubhang pabagu-bago ang mga botanteng Malay Muslim. Sa labing isang pwesto sa parlyamento sa tatlong probinsya, pinagwagian ng mga bagong partido ang siyam na pwesto noong 2019, at tatlo lamang sa mga dating MP ang mula sa nakaraang parlyamento. 3 Samantalang pinagwagian ng Partidong Democrat ang sampu sa labing isang pwesto noong 2011, isang pwesto lamang ang nakuha nito noong 2019, ang Distrito 1 ng Pattani. May pinakamalaking panalo sa rehiyon ang bagong Partidong Prachachat, sa pamumuno ng dating tagapagsalita ng kapulungan ng mga kinatawan na si Wan Muhamad Noor Matha (aka Wan Nor). Ang Partido Pracharat ay nakakuha ng anim na pwesto, dalawa sa bawat isa sa tatlong probinsya. Nakuha naman ang tatlo pang pwesto ng bagong Partidong Palang Pracharat, na may malapit na ugnayan sa militar na junta na umagaw ng kapangyarihan sa kudeta noong Mayo 2014. Isang pwesto, ang Distrito 2 ng Pattani, ang napagwagian ng pragmatikong Partidong Bhumjai Thai, na nanalo ng ibang pwesto sa Pattani noong 2011. Maliban sa labing-isang pwesto, tatlo pang Malay Muslim ang nakakuha ng mga pwesto sa party list: ang lider ng Prachachat na si Wan Nor, si Petadau Tohmeena para sa Bhumjai Thai, at si Niraman Sulaiman mula sa Future Forward. Ano ang nangyari?

Adilan Ali-is-hoh -KRSEA
Human rights lawyer and Palang Pracharat MP Adilan Ali-is-hoh in his Yala office. Photo: Duncan McCargo

******

Isang palaisipan si Wan Nor: siyang dating humawak ng maraming matataas na pwesto sa estado, malumanay magsalita, maingat at lubhang pribado, ang pinakamatagumpay na politikong sumulpot mula sa Malalim na Timog sa kasaysayan. Isang binata, namumuhay mag-isa si Wan Nor sa magarbong bahay sa Yala, madalang na pumapayag sa mga panayam – at hindi kailanman sa akin. Kasama si Den Tohmeena at iba pa, binuo ni Wan Nor ang paksyong pulitikal na Wadah (‘pagkakaisa’) noong 1986 – isang organisadong pagtatangka para isulong ang interes ng Malay Muslim sa pambansang parlyamento. Nagpalipat-lipat si Wadah sa iba’t-ibang partido sa paghahanap ng oportunidad at bentahe, nabuhay sa kandili ng New Aspiration Party ni Chavalit Yongchaiyudh, at sa paglao’y ng Thai Rak Thai ni Thaksin Shinawatra. Sa ilalim ng magkakasunod na pamahalaan sa pagitan ng 1995 and 2005, si Wan Nor ang pangunahing tauhan ng Bangkok sa rehiyon, at sapat na napabuyaan para sa kanyang serbisyo.

Naganap ang pagbagsak ni Wan Nor isang kakila-kilabot na gabi noong ika-25 ng Oktubre 2004, nang hinuli ang higit sanlibong di-armadong demonstrador sa Tak Bai at ibinyahe sa mga trak militar tungong kampong militar sa Pattani. Pitumpu’t walong kalalakihan ang hindi nakahinga sa byahe. Bagaman nagsisilbi bilang Ministro ng Interyor sa panahong yaon, walang nagawa si Wan Nor para pigilan ang mga pagkamatay. Sinisi siya ng mga botante sa malupit na patakarang panseguridad ng pamahalaang Thaksin, at natalo sa pwesto ang lahat ng MP ni Wadah sa halalang 2005. Pinakabagong pagtatangka ni Wadah na makabalik sa kapangyarihan ang Prachachat, labing-apat na taon matapos mamalagi sa pampulitikang kasukalan.

Gayunpaman, kakatwa na hindi ideya ni Wan Nor ang Prachachat, kundi ni Tawee Sodsong, isang Buddhist na dating koronel ng pulisya na dating namuno sa Southern Border Provinces Administrative Centre, at nagpapatuloy sa personal na misyon na baguhin ang rehiyon. Noong una’y tumanggi si Wan Nor na tumayong pinuno ng partido, at kalakha’y hindi nakikita sa takbo ng kampanya. Mistulang blangko siya nang makatagpo ko sa isang malaking rali ng Prachachat sa Pattani.

Tawee Sodsong and Wan Muhamad Noor Matha at a Prachachat Party campaign rally, 19 March 2019. Photo: Duncan McCargo

Mahusay na napanatili ng Prachachat ang anim na pwesto nito, ngunit natulungan ng nagtutunggaliang mga karibal ang partido ni Wan Nor: lumipat ang ilang dating Democrat sa nagpaksyon na Action Coalition for Thailand ni Suthep Thuagsuban, samantalang lumipat ang iba pa sa Palang Pracharat sa naka-linya sa militar. Hindi rin nanalo ng anumang pwesto si Nor sa iba pang lugar sa bansa, nabigong pasaklawin pa ang halina nito bukod sa pagiging Malay para sa multi-kultural na katangian ng pambansang botante. Sa edad na 75, natagpuan ni Wan Nor ang sarili na muling nasa parlyamentong dati niyang pinangunguluhan, sa pagkakataong ito ay namumuno sa maliit na partidong oposisyon na mistulang nakatadhanang maging pirmidong mardyinalisado. Mistula siyang isang lalaki na nasiraan ng loob sa laban.

Suthep Thaugsuban, de facto leader of the Alliance Coalition for Thailand, talking to reporters in Pattani during the election campaign. Photo: Duncan McCargo

Medyo mailap si Tawee nang tanungin ko sa gitna ng kampanya kung desidido ba ang Prachachat na labanan ang militar sa bagong parlyamento. Malaganap ang intriga na bukas si Wan Nor na sumanib sa pamahalaang Prayuth Chan-ocha. Sabagay, nakabatay ang buong karera niya sa pragmatismo at pakikipagkompromiso. Sa huli, hindi nagtaksil ang Prachachat, subalit iba-iba ang pinili ng mga prominenteng Malay Muslim noong 2019.

******

Pagkatapos ng maraming taon ng pagtatangka, sa wakas ay nakapasok sa parlyamneto si Petdau Tohmeena noong 2019. Bakit matagal bago niya ito nagawa? Si Petdau ay tubong Pattani at doktor na nagsanay sa Malaysia, apo ni Haji Sulong na makasaysayang gurong Islamiko at makabayang Pattani na pinatay noong dekada 1950. Ang ama niyang si Den Tohmeena ay unang pumasok sa parlyamento noong 1976 sa ilalim ng bandila ng Democrat at kasamang nagtatag ng grupong Wadah pagkalipas ng isang dekada. Nasa parlyamento si Den sa susunod na dalawampung taon, saglit na naglingkod ng dalawang termino bilang deputadong ministro, pagkatapos ay naging halal na senador para sa Pattani at Pangkalahatang Kalihim ng Islamic Council ng Thailand.  Sinundan ko ang kampanyang senatoryal ni Petdau noong Abril 2006: sa kabila ng kanyang walang-bahid na pampolitikang kapital, natalo siya ni Anusart Suwanmongkol ng may kaunting lamang, isang mayamang Buddhist na may negosyo ng sasakyan at hotel, sa probinsya kungsaan walumpung porsyento ay Muslim. Sa pagkatalo ni Petdau sa Senado noong 2006 nagsimula ang labintatlong taon na pagkawala sa kapangyarihan ng pamilyang dati’y nagdomina sa politika ng Pattani sa loob ng apat na dekada.

Bhumjai Thai Party list MP Dr Petdau Tohmeena with her father Den Tohmeena on Haji Sulong Day, 13 August 2019. Photo: Duncan McCargo

Nag-iimbita ng magkakahalong damdamin ang dinastiyang Tohmeena: samantalang minamahal si Haji Sulong, nakapanghahati si Den, na matagal na katunggali ng karamihan sa matatagal na kasama sa Wadah. Inikutan si Den ng mga tagapagtatag ng partidong Prachachat, inimbitahan lamang siyang maging nakatatandang tagapayo matapos maitatag ang partido nang hindi siya kabahagi noong 2018. Subalit nabigo sina Wan Nor at Tawee na makalikha ng daan patungo kay Den: nakipagkasundo na siya sa ultra-pragmatikong partidong Bhumjai Thai. Ano ang kapalit ng pagkuha sa suporta ni Den? Ang pagkuha sa ika-labing-isang pwesto sa party list ng Bhumjai Thai para sa kanyang anak na babaeng si Petdau. Sa pagtitipon sa tahanan ni Den para ipagdiwang ang Araw ni Haji Sulong Day noong ika-13 ng Agosto 2019, masaya ang angkan na nakabalik ang isang Tohmeena sa Pambansang Asembleya.

Itinatag noong 2008, si Newin Chidchob, isang politikal na svengali at kingmaker mula sa hilagang-silangang probinsya ng Buriram, ang tahimik na ipinupwesto ng partidong Bhumjai Thai para makalahok sa kung anumang pamahalaan ang lilitaw pagkatapos ng halalang 2019. Walang malakas na inisyatibang pampulitika ang Bhumjai kaugnay ng rehiyon. Malaking kahihiyan sa mga lokal nang buksan ng lider ng partidong si Anuthin Charnvirakul ang isang raling pang-eleksyon sa Narathiwat sa panawagan para sa ligalisasyon ng marijuana – hindi iyon makakakuha ng boto sa lugar na ito na konserbatibo at kalakha’y Muslim. Isa ang problematikong patakaran na ito sa mga dahilan sa paglipat ng dating MP ng Pattani Bhumjai Thai na si Sommut Benjaluck tungong Prachachat noong 2019. Isa pang kandidato ng Pattani Bhumjai, si Abdul Korha Waeputeh, ang nagsabi sa akin na hindi nila kailanman binanggit ang pagliligalisa ng cannabis sa kanilang mga aktibidad pangkampanya. Inamin sa akin ni Petdau na siniraan siya sa social media, kungsaan bilang MP ng Bhumjai Thai, bumoto siya para maging punong ministro si General Prayuth. Paanong magagawa ng isang pamilyang nagsasabing kinakatawan nito ang identidad na Malay na pumili ng premier mula sa militar na malawakang hindi pinagkakatiwalaan sa rehiyon? Natupad lamang ang matagal nang pangarap ni Petdau na makapasok sa parlyamento dahil sa isang kasunduang Faustian, kungsaan inendorso niya pagpapatuloy ng umiiral na de facto rehimen militar.

******

Higit na nakakagulat ang pagkapanalo sa halalan ni Adilan Ali-is-hoh, na nakakuha ng Distrito 1 ng Yala para sa partidong Palang Pracharat na naka-anib sa militar. Kilalang abogadong pang karapatang pantao at namumunong personahe ng Muslim Attorneys’ Centre (MAC), kilala siya sa pagtatanggol ng maraming pinagsususpetsahang rebelde. Bakit tatakbo sa halalan ang gayung lantad na progresibong personahe sa ialim ng bandila ng isang partidong ad hoc na binuo para lamang tiyakin na makakapanatili si Prayuth sa pagka-premier pagkatapos ng halalan? Lalo pang nakapanlilito na tumakbo ang dalawang pinakamalalapit na kasama ni Adilan sa MAC para sa magkaibang partido sa parehong halalan: lumaban si Abdul Korha Waeputeh para sa Distrito 3 ng Pattani sa ilalim ng bandila ng Bhumjai, samantalang nanalo si Kamsak Leewamoh sa Distrito 4 ng Narathiwat para sa Prachachart. Noong bisitahin ko ang kanyang opisina matapos ang halalan, medyo mahirap sundan ang paliwanag ni Adilan: sinabi niyang isang sinadyang estratehiyang pampulitika ng pagiiba-iba/dibersipikasyon ang pagtakbo sa ilalim ng iba’t-ibang partido, upang matiyak na may kakatawan sa interes ng Malay Muslim sa susunod na pamahalaan. Dumudulog ang pilosopiyang pampulitika ni Adilan sa ‘Kung hindi mo sila matalo, sumanib ka sa kanila’. Bagaman inamin niyang marami sa mga dating kasama mula sa komunidad para sa karapatang pantao ang nagtakwil sa kanya matapos niyang sumapi sa Palang Pracharat.

Umamin si Adilan na nilapitan siya ng mga opisyal militar na sumapi sa partido, ngunit ipinilit niyang hindi siya tumanggap ng anumang pondo mula sa estado, at hindi nakipagpulong sa sinumang opisyal ng pamahalaan sa panahon ng kampanyang pang-eleksyon. Hindi naglunsad ng anumang rali ang partido sa Yala, at hindi siya namataan sa mga platapormang rali sa mga kanugnog na probinsya dahil ayaw niyang tuligsain ang ibang partido at kandidato. Ikinatwiran ng mga kritiko ni Adilan na umaalingasaw ang oportunismo, sa halip na estratehiya, sa kanyang mga kilos: ipinagpalit ang reputasyon niya bilang ligal na aktibista mula sa ibaba, ibinenta niya ang kanyang serbisyo sa mga militar. Gayunpaman, lubhang ma-karisma at mapanghimok si Adilan. Nang kinakausap niya ako, imposible para sa akin na hindi siya paniwalaan. Ngunit nang makaalis ako sa kanyang opisina, sinikap kong suriin ang mga kwentong sinabi niya sa akin.

******

Sinundan ko noong Marso 20 ang kampanya ng matagal na panahon nang MP ng Democrat na si Anwar Salae. Sa lobby ng Anusart Suwanmongkol’s CS Hotel sa Pattani, kungsaan nakahimpil ang dating punong ministro na si Chuan Leekpai, ay may kalahating dosenang batang tauhang panseguridad na gupit-militar at nakasuot ng itim na uniporme, gamit ang mga high-tech na radio earpieces. Subalit walang sagisag ang kanilang mga uniporme, at ayaw nilang sabihin sa akin kung para kanino sila nagtatrabaho. Naghihintay rin sa lobby si Anwar, kasama ko at ng mga naka-itim na mersenaryo—hindi ba siya imbitado sa agahan kasama ng cabal sa kwarto ni Chuan? Bagaman siya ang pinaka inaasahan ng mga Democrat sa bahaging ito, nanatili siyang taga-labas sa partidong dinodomina ng mga Buddhist mula sa ‘kabilang’ Timog, sa itaas ng hangganan kasama ng  Songkhla. Ilang beses ko nang nakatagpo si Anwar sa nakaraan, ngunit sa araw na iyon, mistulang hindi siya komportable at hindi gaanong nagsasalita.

Anwar and Chuan-KRSEA
Democrat parliamentary candidate Anwar Salae campaigning in Pattani with former prime minister Chuan Leekpai. Photo: Duncan McCargo

Nanatiling lubhang popular si Chuan sa mga botanteng Buddhist sa Pattani na dumating upang salubungin ang mahina nang 80 anyos habang tinatahak ng trak pangkampanya ng Democrat at motorcade ng walong sasakyan ang abalang mga kalye ng lungsod. Sa anumang kadahilaan, hindi naganap ang pangakong paglalakad ni Chuan sa palengke. Sa huling paghinto, nagbigay siya ng maikling talumpati: inagaw ng militar ang kapangyarihan dahil dinodonima ng masasamang tao ang politika, ni Thaksin, ni Yingluck at iba pa, sa lahat ng antas. Ang sagot ay ang pumili ng mabubuting tao sa halalan gaya ni Anwar. Hindi ko narinig ang dating ahitador ng kaliwa na umusal ng anumang salita laban sa naghaharing junta.

Sa dulo, kapwa mahusay ang ipinakita nina Anwar at Chuan: tinalo ni Anwar ang katunggaling kandidato ng Prachachat at madaling nakuha ang distrito, at naging tagapagsalita ng kapulungan si Chuan, na dating pwesto ni Wan Nor. Subalit maliban dito, hindi mainam ang resulta para sa mga Democrat, literal na naubos sa malalim na Timog.

******

Kakatwang panahon ito para sa mga botanteng Malay Muslim. Sino ang maaaring nilang pagkatiwalaan para katawanin sila? Mas mainam bang makipagtulungan sa militar at konserbatibong establisimyento, o ang bumoto sa mga politikong malamang na tutunggali sa dominasyon ng Bangkok? Sa nakaraan, nagpapaling-paling ang mamamayan ng Malalim na Timog sa pagboto kay Thaksin at pagboto sa Democrat, subalit kapwa nagpatuloy ang insurektong karahasan at panunupil ng estado, at nanatili ang mardyinalisadong lugar nila sa estadong Thai. Walang inialok na malinaw na mga kasagutan ang halalang Marso 2019 sa mga problemang politikal ng rehiyon na mistulang hindi malulutas. Mas mahusay ba si Wan Nor kaysa kay Petdau, o mas mahusay ba si Adilan kaysa kay Anwar? Matapos ang matinding sigla ng kampanyang pang-eleksyon—unang pagkakataon pagkatapos ng maraming taon na naglunsad ng malakihang aktibidad pampubliko sa gabi—bumaba na muli ang mga ekspektasyon.  

Duncan McCargo
Duncan McCargo is Director of the Nordic Institute of Asian Studies and Professor of Political Science at the University of Copenhagen, e-mail duncan@nias.ku.dk

Hinugot ang artikong ito sa mga observation mula sa fieldwork at mga panayam na isinagawa sa  Pattani, Yala and Narathiwat noong March and August 2019. Kinikilala ng may akda nang may pasasalamat ang suportang pinansyal mula sa United States Institute of Peace, Grant SG-477-15.

Notes:

  1. For an overview of the 2019 election, see Duncan McCargo, ‘Democratic Demolition in Thailand’, Journal of Democracy, 30, 4, 2019: 119–133.
  2. On politics and the insurgency in the Deep South, see Duncan McCargo, Tearing Apart the Land: Islam and Legitimacy in Southern Thailand, Ithaca NY and London: Cornell University Press, 2008, especially pp. 63–80.
  3. For a discussion and results of the 2019 elections in the southern border provinces, see Daungyewa Utarasint, ‘The Deep South: Changing Times’, Contemporary Southeast Asia, 14, 2, 2019: 207–215.