Noong ika-20 ng Enero 2020, nagsama sa Kuala Lumpur ang mga negosyador na Thai at mga kasapi ng Barisan Revolusi Nasional (BRN), ang kilusang separatista na may kontrol sa halos lahat ng mandirigma sa katimugan ng Thailand na kalakha’y Muslim at gumagamit ng wikang Malay, upang ihayag na sinimulan na nila ang pinakahihintay na usapang pangkapayapaan. Ayon sa mga opisyal na Thai at ng BRN, ang pinakabagong inisyatibang pangkapayapaan ang kauna-unahang may buong basbas ng kalihim ng namumunong konseho ng BRN, kilala bilang Dewan Pimpinan Parti (DPP), na humarap sa usapan ang kanilang mga negosyador. Ipinagpapalagay na humarap ang magkabilang panig upang maghanap ng solusyong politikal sa di-maresolbang hidwaan na muling sumulpot sa huling bahagi ng 2001 sa Timog Thailand, sa rehiyong gumagamit ng wikang Malay, subalit hindi opisyal na kinilala hanggang noong ika-4 ng Enero 2004, nang nireyd ng ilampung armadong militante ang isang batalyon ng sundalo sa probinsya ng Narathiwat at nakasamsam ng higit 350 piraso ng armas militar. Naganap ang first wave sa maagang bahagi ng 1960s bilang tugon sa patakarang asilimasyon ng Thailand na isinagawa sa kapahamakan ng etno-relihiyosong identidad ng mga Malay na Patani. Humupa ang armadong insureksyon sa huling bahagi ng 1980s subalit ang naratibo- na nagsasalaysay na ang Patani ay istorikal na bayan ng mga Malay, at ang mga tropang Thai at mga ahensya ng pamahalaan ay mga banyagang pwersang mananakop– ay hindi naglaho.
Subalit hindi unang pagkakataon ang naganap noong ika-20 ng Enero 2020 nang inihayag ng Thailand sa publiko na haharap ito sa BRN upang ayusin ang hidwaan sa pamamagitan ng negosasyon. Inilunsad sa Kuala Lumpur ng noo’y Punong Ministro na si Yingluck Shinawatra ang katulad na inisyatiba noong ika-28 ng Pebrero 2013. Ikinagulat ng mga susing kalahok ang anunsyo. Kabilang dito ang BRN at ang militar na Thai. Sa kalauna’y nagpadala rin ang BRN ng mga kinatawan sa usapan – ang dating hepe sa usaping panlabas na si Muhammed Adam Nur at isang kasapi ng sangay pangkabataan nito na si Abdulkarim Khalid. Subalit ang gawain nila’y para ibalaho ang proseso, na napagtagumpayan nilang gawin sa huling querter ng 2013, habang abala si Yingluck sa pagsasalba ng kanyang politikal na karera mula sa tinatawag na protestang lansangang Shut Down Bangkok na nagbigay-daan sa kudetang militar noong Mayo 2014 at nagpatalsik sa kanya sa kapangyarihan. Bagaman di mawari kung panloloko o lakas ng loob, nagdulot ang inisyatiba ni Yingluck ng malawakang sigla at ekspektasyon sa hanay ng mga lokal na residente sa dulong timog. Sa kabila ng lahat, unang pagkakataon ito na hayagang nangako ang pamahalaang Thai para lutasin ang hidwaan sa paraang politikal. Sa kasamaang palad, hindi ang kapayapaan para sa matagal nang pinagtutunggaliang rehiyon ang pangunahing motibasyon. Higit na interesado sina Yingluck at noo’y Punong Ministro ng Malaysia na si Najib Razak sa pagkabig ng pampulitikang pakinabang ng inisyatibang pangkapayapaan.
Pagkatapos ng kudeta noong Mayo 2014, nagkaroon ng seryosong debate kung ipagpapatuloy ba ang sinimulan ni Yingluck. Walang bahagi sa usapan o sa pagbubuo nito ang National Council for Peace and Order (NCPO) na kinabibilangan ng matataas na opisyal ng Thailand na nasa likod ng kudeta. Subalit nagpasya ang junta para sa pagpapatuloy ng usapan sa kondisyong magiging inklusibo ang negosasyon. Sa madaling salita, kailangang magtipon ang lahat ng separatistang grupong Malay sa Patani — ang BRN, lahat ng paksyon ng Patani United Liberation Organisation (PULO), ang Gerakan Mujahidine Islam Patani (GMIP) at ang Barisan Islam Pembebasan Pattani (BIPP) — para pag-usapan ang kanilang mga di-pagkakasundo sa estadong Thai. Ikinaiirita ng pamahalaang Prayuth at ng pamunuang militar ng Thailand ang ideyang “pagbababa ng sarili” para makipag-usap sa mga rebeldeng Malay ng Patani, kung kaya, hiniling nito ang pagiging inklusibo. Nais nilang matapos na ito, ang saloobin nila ay “sa huling pagkakataon”. Noong Disyembre 2014, pitong buwang matapos ang kudeta, nagtungo ng Kuala Lumpur si Punong Ministro Prayuth Chan-ocha upang ipakilala ang bagong hirang na punong negosyador, si Hen. Aksara Kherdphol. Mahigpit niyang katuwang ang dating hepe sa paniktik ng Malaysia na si Dato Sri Ahmad Zamzamin bin Hashim, ang itinalagang tagapagpadaloy para sa prosesong pangkayapaan.
Sa tulong ng Tagapagpadaloy ng Malasia, sang-ayon sa kahilingan ng Thailand para sa pagiging inklusibo, naging payong na organisasyon ang MARA Patani kungsaan napasailalim ang lahat ng matagal nang separatistang kilusang Malay ng Patani. Ang problema sa pagkakaayos ay tumangging lumahok ang BRN, ang grupong may kontrol sa mga mandirigma sa ibaba. Gayunpaman, pilit na nagpaika-ika ang proseso, umaasang makalilikha ng sapat na hatak ang inisyatiba upang maakit ang paglahok ng BRN. At sa gayon, sa loob ng tatlong taon, pinagsikapan ng mga negosyador na Thai, ng MARA Patani at ng Tagapagpadaloy ng Malaysia ang tinatawag na sona ng kaligtasan (Safety Zone). Ito isang modelong proyekto na gagawing lugar ng tigil-putukan ang isang distritong probinsyal sa dulong Timog kungsaan isasagawa ang mga proyektong pangkaunlaran para magsilbing modelo na maaaring makamit ang kapayapaan at kaunlaran nang walang karahasan. Subalit sa katotohanan, labis na pag-aabala ito para sa wala dahil hindi bahagi ng proseso ang grupong siyang may kontrol sa mga armado.
Noong Oktubre 2018, ipinalit ng pamahalaan ni Gen. Prayuth Chan-ocha si Hen. Udomchai Thamsarorat kay Hen. Aksara, isang taong may mahabang karanasan sa larangan ng labanan sa dulong Timog. Mabilis na kumilos si Udomchai upang dumistansya sa proyektong Safety Zone, batid na mabibigo ito kung wala ang pakikilahok ng BRN. Hinirang si Udomchai dalawang buwan matapos ipalit ng bagong-halal na pamahalaan ni Dr. Mahathir Mohammed ang retiradong pinuno ng kapulisan na si Tan Sri Abdul Rahim Noor kay Dato Zamzamin bilang Tagapagpadaloy. Inakala ni Udomchai na maaasahan niya ang bagong Tagapagpadaloy ng Malaysia para pilitin ang DPP na makipag-negosasyon. Subalit nabigo ito at nakasama pa nang gumanti nang mas matinding karahasan ang mga militante noong Enero 2019 nang paslangin ang dalawang monghe na Buddhist sa Narathiwat. Sa buwan ring iyon nasaksihan ang pagapsalang ng mga rebelde sa apat na boluntir ng depensang sibil (mga lokal na inempleyo ng Ministri ng Interyor bilang tauhang panseguridad). Pinagbabaril at ibinitin rin ang isang retiradong pampublikong guro; ninakaw ang kanyang sasakyan at ginamit sa pambobomba kinahapunan.
Pinaigting ng mga lokal aktibistang pampolitika tulad ng The Patani at ng The Federation of Patani Students and Youth (PerMAS) ang kanilang kampanya sa ibaba, nanawagan sa mga mandirigma ng BRN na igalang ang pandaigdigang makataong batas at kagawian, nagpaalala sa mga rebelde na, bilang aktor na di-estado na may limitadong kakayahang militar, ang ultimong layunin ng BRN ay politikal. Positibong tinugon ng mga rebelde ang ideyang kuhanin ang mas mataas na tuntungang moral sa kanilang paglaban sa estadong Thai at umatras mula sa mga bulnerableng target. Matapos ang may anim na buwan, higit na inipit ng Thailand at Malaysia ang pamunuan ng BRN para makipag-negosasyon. Sa pagkakataong ito, tumugon ang BRN sa pamamagitan ng serye ng maliitang pambobomba sa buong Bangkok, na nagpahiya sa pamahalaang Thai na noo’y punong-abala para sa mga banyagang ministro ng ASEAN na nasa sentro para sa serye ng mga bilateral at multilateral na pagpupulong sa kanilang mga Dialogue Partners, kasama na ang United States, Japan at China.
Muli, nagsi-atras ang mga tagapagpadaloy na Malaysian at Thai. Sa puntong ito, kumbinsido ang Bangkok na hindi nakuha ni Rahim Noor at pangkat nito ang pinuno ng BRN sa panig ng Thai. Kung kaya nagsimulang umugnay ang mga negosyador na Thai sa mga dayuhang INGO na dating nakatrabaho ng BRN samantalang alam nitong tututol ang Malaysia sa mismong ideya na magpapasok ng tagalabas sa proseso. Ang nakakagulat, pinayagan ng mga pinuno ng BRN na makipagpulong sa mga Thai ang kanilang Komite sa Usaping Panlabas sa pamumuno ni Anas Abdulrahman (kilala rin bilang si Hipni Mareh). Nagpulong ang dalawang panig sa Indonesia noong maagang bahagi ng Nobyembre 2019, sa Berlin, Germany, kungsaan inihapag sa mga negosyador na Thai at BRN ang pitong-pahinang TOR na inihanda ng dayuhang INGO. Huwag nang banggitin pa, hindi ikinatuwa ng Kuala Lumpur na hindi nito alam ang mga nagaganap sa buong panahon. Para naman sa dayuhang NGO na nag-organisa ng mga mga pulong sa Indonesia at Germany, oportunidad ito upang muling makasali sa proseso matapos silang mapagsabihan na huwag nang makisali matapos na ibigay ng Bangkok sa Kuala Lumpur ang mandatong magpadaloy ng usapan noong 2013.
Nagsikap ang Thailand na kumpunihin ang gusot sa Malaysia sa porma ng isang anunsyong publiko, sa isang aktibidad para ilunsad ang isang breakthrough kungsaan pupurihin ang Malaysia para sa pagsisikap nito. Ang tinatawag na breakthrough ay inilunsad noong ika-20 ng Enero 2020 sa Kuala Lumpur. Puno ito ng papuri para sa pamahalaan ng Malaysia. Subalit sa katotohanan, batid ng lahat ng partido ang tuwirang pakikipag-usap sa mga Thai sa Indonesia at Berlin, at ang paglulunsad sa Kuala Lumpur noong Enero 20 bilang lakasan lamang ng loob. Ang malihim na kilusan na nakikipaglaban sa pwersang panseguridad na Thai sa nakalipas na 17 taon ay tumatahak tungo sa di-kilalang teritoryo. Lubhang hindi panatag sa ganitong idea ang sangay ng militar at ang mga mandirigma sa ibaba. Sa isang bahagi ay dahil hindi sila nakonsulta sapul sa simula, at sa kabilang banda ay dahil sadyang tutol sila sa ideyang inihahanda ang entablado para sa pormal na prosesong pangkapayapaan nang hindi natutugunan ang kanilang mga kahilingan. Dagdag pa, sinabihan ng mga kumander ang mga mandirigma sa ibaba na ang kanilang pakikibaka para palayain ang Patani na lupang sinilangan ng Malay ay isang wajib, o moral na obligasyon. Kung nananatili pa itong wajib, mistulang walang nakakaalam.
Sa pinakahuling ulat nito hinggil sa hidwaan noong ika-25 ng Enero 2020, “Southern Thailand’s Peace Dialogue: Giving Substance to Form,” sinabi ng International Crisis Group (ICG) na para magtagumpay ang prosesong pangkapayapaan, kailangang ipahayag ng BRN ang tinatanaw nitong uri ng kinabukasan. At dapat na pag-isipang muli ng pamahalaang Thai ang patakaran nitong huwag magpahintulot ng mga internasyunal na tagamasid sa proseso. Dapat na kapwa pumayag ang Bangkok at Kuala Lumpur sa pagpapamagitan ng ikatlong partido. Sa madaling salita, kailangang simulang muli ang proseso.
Ang suliranin sa mga dayuhang tagapagpadaloy at tagapamagitan – karamiha’y dumating at nawala na sa nakalipas na 17 taon – ay ang pagtingin nila ang Malaysia bilang kakompetensya sa halip na may-taya sa hidwaan. Higit pa sa “tagapagpadaloy” o “tagapamagitan ang Malaysia kundi ay may-taya sa mga tunay na usapin sa seguridad, diplomasya at politika. Sa katunayan, wala sa mga inisyatibang pangkapayapaan para sa dulong Timog ng Thailand ang nagsangkot ng matapat na tagapamagitan. Gayunpaman, marami ang nagtatanong kung bakit pinayagan ng namumunong konseho ng BRN ang Komite sa Usaping Panlabas nito na humarap sa usapan nang walang konsultasyon sa mga militanteng nasa ibaba at iba pang pinuno ng dibisyon. Sinasabi ng ilang kasapi na nagpakampante ang mga malihim na pinuno sa kaalamang narerendahan ng maikling tali ang mga negosyador nito at maaaring paatrasin anumang oras.
Naniniwala ang mga nakatatandang opisyal panseguridad na Thai na alam ng pampulitikang sangay na lubhang tutol ang makapangyarihang sangay ng militar sa ideya ng pagbubukas ng pormal na prosesong pangkapayapaan sa mga Thai. Kung kaya kinailangang tumungo ng Indonesia at Germany nang walang konsultasyon sa kanila. Kaiba sa ibang kilusang rebolusyonaryo o independyente, mahina at walang karanasan pa rin ang tinatawag na pampulitikang sangay ng BRN. Hindi naglaan ng panahon ang mga Thai na tagalikha ng patakaran sa pag-iisip ng mga epektong idudulot ng pagmamadali na makipag-usap sa mga negosyador ng BRN. Tulad ng BRN, hindi rin nagkonsulta sa kanilang hanay ang panig ng Thai, lalo nang hindi magtulungan upang mabuo ang estratehiya para sa posibleng prosesong pangkapayapaan. Sa katunayan, ipinahihiwatig ng mga kilos at aktibidad ng militar na Thai sa ibaba na wala itong pakialam sa mga pag-unlad sa ekwasyon ng pampulitikang panig.
Isinasagawa ang long range reconnaissance patrol, mop up operation laban sa BRN mula pa noong January 2020. Kahit noong gumagawa ng mga positibong pahiwatig ang BRN: gaya ng pagpayag sa Deed of Commitment sa Geneva Call, isang internasyunal na NGO na nakikipagtulungan sa mga armadong di-estadong aktor sa buong mundo upang isulong ang mga patakaran sa labanan (rules of engagement) at mga prinsipyong makatao (humanitarian principles). Inihayag din ng BRN noong ika-3 ng Abril 2020, na ititigil nito ang lahat ng labanan bilang bahagi ng makataong pagsisikap upang makatulong sa pagpigil sa COVID-19. Hinimok din ng BRN ang publiko na tumalima sa mga direktiba ng mga opisyal sa kalusugang pampubliko. Noong ika-30 ng Abril, pinaslang ng mga pwersang panseguridad ng Thai ang tatlong mandirigmang BRN sa Pattani. Sa takot na gaganti ang mga selyula sa ibaba, maibilis na inihayag muli ng BRN ang naunang posisyon nito at inatasan ang mga mandirigma at publiko na dapat manatili ang unilateral na tigil-putukan. Matapos ang tatlong araw, noong ika-3 ng Mayo sa distrito ng Sau Buri sa probinsya ng Pattani, dalawang paramilitar na ranger ang binaril nang malapitan ng mga armadong kalalakihan na sakay ng motor na nagmula sa likuran, at nagsimula ng sunog.
Tinuturo ng lahat ang BRN ngunit nanatiling tahimik ang pamunuan ng kilusan. Ang sabihing pinahintulutan nito ang pagpaslang sa dalawang ranger bilang pagganti sa pagkamatay ng tatlong mandirigma ay mangangahulugan ng katapusan ng tigil-putukan, isang inisyatiba ng pampulitikang sangay upang ipakita sa makapangyarihang sangay militar na kaya nitong lumikha ng lehistimasyon at papuri para sa kilusan. Ang sabihing mga mandirigma ng BRN ang pumaslang at kumilos nang walang utos mula sa komander ay pagsasabing walang sapat na komand at kontrol ang kilusan sa ibaba. At ang magsalita ng anuman sa sugpong na ito, matapos lumantad sa publiko para maghayag kasama ang mga negosyador, ay makakasama rin sa kanilang keridibilidad at integridad.
Don Pathan
Don Pathan is a Thailand-based security analyst