Pagtunton sa Pag-angat ng mga Pilipinong Teknokrata sa pamamagitan ng Cold War

Teresa S. Encarnacion Tadem

UP Philippines statue KRSEA

Sa pangkalahatan, iniuugnay ang pag-angat ng mga Pilipinong teknokrata sa panahon ng Batas Militar (1972-1986) sa Pilipinas. Higit na nauna, samantala, ang kahalagahan ng teknokrasya sa Estados Unidos. Sing-aga ng dekada 1950, nakita na ng Estados Unidos ang halaga ng pagkakaroon ng mga sanay na ekonomista, inhinyero at eksperto sa pamamahala ng negosyo, higit sa lahat, sa mga umuunlad na rehiyon tulad ng Timog-Silangang Asya. Maaaring pangunahan ng mga espesyalistang ito ang proseso ng pag-unlad sa kani-kanilang lipunan at pigilan silang mahulog sa komunismo. Tinutunton ng artikulong ito ang paglitaw ng teknorasyang Pilipino sa konteksto ng Cold War, nang may ispesipikong atensyon sa mga teknokratang narekluta sa panahon ng naunang administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, bago ang Batas Militar (1965-1972) pagkatapos ay tumuloy bilang mga susing tagalikha ng patakaran ng diktador  sa kanyang rehimeng batas militar.

Ang Cold War at ang pagsisimula ng teknokrasya

Sa “klasikong terminong pulitikal”, ang “teknokrasya ay tumutukoy sa sistema ng pamamahala kungsaan naghahari ang mga ekspertong sanay sa teknika sa pamamagitan ng kanilang ispesyalisadong kaalaman at mga posisyon sa mga dominanteng institusyong pangpulitika at pang-ekonomiya” (Fischer 1990, 17). Natukoy itong kasama ng paglitaw ng bagong panggitnang uri. Para kay C. Wright Mills, ang uring ito ay “lumitaw matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kasabay ng bagong teknokratiko-burukaratang kapitalistang industriyal na ekonomiya” (Glassman 1997, 161). Kung kaya, sabay ang paglitaw ng teknokrasya  kapwa sa pagsisimula ng Cold War at sa pagkamit ng Pilipinas ng kasarinlan mula sa Estados Unidos. Nag-iindustriyalisa noon ang Estados Unidos at ang buong “first world” subalit hindi pa ang umuunlad na lipunan. Sanhi ang pagkabahong ito ng pag-aalala para sa Estados Unidos. Sa gayung konteksto ng dekolonisasyon at mga tensyon ng Cold War, kung gayon, inanunsyo ni US President Harry Truman ang kanyang programang “Point Four” noong Enero 20, 1949, kungsaan tinukoy niya ang kahirapan bilang isang istratehikong banta at iniugnay ang kaunlaran sa seguridad. (Latham 2011, 10-11). Ang pinakamalaking pangamba ng administrasyong Truman (1945-1953) ay ang maging komunista ang mga atrasadong rural na lipunan tulad nang mga nasa Asya. (Cullather 2010, 79).

Ibinigay ng mga teorya ng modernisasyon ang solusyon. Sa konsteksto ng Cold War, “ginamit ng mga teorista at mga opisyal ang ideolohiya ng modernisasyon upang ipamalas ang isang kahali-halinang imahe ng lumalawak na kapangyarihan sa panahon ng dekolonisasyon” (Latham 2000, 16). Kinakatawan ang paglawak sa kapangyarihang ito ng pagtatatag ng mga sistema ng edukasyon na magluluwal ng mga teknokrata sa mga umuunlad na lipunan upang panatilihin ang ideolohiya ng modernisasyon ng US sa panahon sa Cold War. Tinanaw ang mga teknokratang ito bilang bahagi ng “nagmomodernisang elit” na kailangan ng lahat ng umuunlad na lipunan (Gilman 2003, 101).

Pagpaparami ng mga teknokrata sa pamamagitan ng sistema ng edukasyon
Pangunahing ang Unibersidad ng Pilipinas, ang pambansang elit na pamantasan ng bansa na itinatag ng mga Amerikano noong 1908, ang nagluwal ng mga teknokrata. Sinanay ng UP ang mga susing teknokrata sa naunang rehimen ni Marcos at pagkatapos ay sa batas militar. Kabilang dito sina Cesar E. A. Virata na nanungkulan bilang kalihim sa pinansya ni Marcos mula 1970 hanggang 1986; Vicente T. Paterno, na siyang Tagapangulo ng Board of Investments ni Marcos mula 1970 hanggang 1979; Gerardo Sicat, na narekluta sa pamahalaan bilang Tagapangulo ng National Economic Council (NEC) noong 1970 hanggang 1973; at Manuel Alba, na naglingkod bilang Tagapagpaganap na Direktor ng Presidential Commission to Survey Philippine Education (PCSPE) ni Marcos mula 1971 hanggang 1973. Sinamahan pa ang mga teknokratang ito ng dalawa pa, sina Armand Fabella at Placido Mapa, Jr., na nagsimula ng kanilang karera sa pamahalaan sa ilalim ng Administrasyong Macapagal (1961-1965). Naglingkod si Fabella bilang direktor ng Project Implementation Agency (PIA) mula 1962 hanggang 1965, at si Mapa, bilang kanyang deputado.

Nagbigay din ng fellowships ang pamahalaan ng Estados Unidos para sa mas mataas na digri sa Estados Unidos, bilang bahagi ng estratehiya ng administrasyong Kennedy (1960-63) para itaboy ang presyur ng komunismo at Marxistang pag-abante na nagbabanta sa pang-ekonomikong paglago at demokrasyang pampulitika sa mga umuunlad na rehiyon. Tungo sa layuning ito, paliwanag ni Latham (2000, 57), “Itinatag ni Kennedy ang Agency for International Development (AID), at binigyan ito ng awtoridad sa tulong teknikal, programa sa pagpapautang, proyektong pangkaunlaran, at tulong militar.” Ang College of Business Management ng UP, halimbawa, ay benepisyaryo ng USAID. Tinambalan ang lapit na ito ng tulong mula sa mga pribadong instiyusyon ng Estados Unidos tulad ng Ford at Rockefeller Foundation (Sicat 2014, 40-41). Nang mabigyan ng fellowship upang magkaroon ng mga digri sa mga Amerikanong pamantasan, kumuha ang mga teknokrata ng mga kurso na nagpakilala sa kanila sa Amerikanong pananawa sa kaunlaran at nagbigay ng mga kakayahang teknikal. 1

Mga teknokrata sa paglilingkod sa kapitalismong korporeyt  
Kinatawan ang higit na pag-unlad ng balangkas na ito sa sistemang Bretton Woods, na nagbigay-diin sa pangangailangang “isulong ang pandaigdigang integrasyon sa pamamagitan ng malayang kalakalan,” gayundin sa pamamagitan ng “Kapitalistang penetrasyon ng mga mabuway na dayuhang pamilihan” (Gilman 2003, 18). Gumanap ng susing papel ang mga teknokrata sa pagpasok ng Estados Unidos sa ekonomiya ng Pilipinas at sa pagpapanatili doon ng kapitalismong korporeyt mula dekada 1950 pataas. Kinuha sila na magtrabaho para sa mga tuwangang negosyong Pilipino-Amerikano at mga kumpanyang pag-aari ng mga elit na Pilipinong may malalawak na lupain na nagpapalawak sa iba pang mga kapitalistang negosyo, nirekluta sa mga ahensya ng pamahalaan na sangkot sa pagbibigay ng tulong sa mga lokal na kumpanya, inempleyo sa institusyon ng pagkwenta at pamamahala upang magbigay ng serbisyo kapwa sa mga lokal at multinasyunal na korporasyon sa bansa, at inempleyo ng mga Amerikanong bangkong multinasyunal sa Pilipinas.

Teknokratikong paglikha ng patakaran sa panahon ng administrasyon bago ang Batas Militar  

Dahil sa kanilang mga kwalipikasyon, hindi mapipigilan na maimbitahang lumahok sa pamahalaan ang mga teknokrata. Bago pa man sila sumanib sa administrasyong Marcos, pinamunuan na nina Fabella at Mapa ang PIA, ang ahensyang pang-ekonomiko na responsable sa liberalisasyon ng bansa at pag-akit ng kalakalan, gaya nang isinusulong ng sistemang Bretton Woods at mga institusyunal na haligi nito, ang International Monetary Fund (IMF) at ang World Bank (Bello, et al. 1982, 5-6).

Sinamahan sina Mapa at Fabella ng bagong grupo ng mga teknokrata na nagmula sa akademya. Isa sa mga ito si Cesar E. A. Virata na inimbitahan ni Marcos na lumahok sa pamahalaan bilang pangalawang pangkalahatang direktor para sa pamumuhunan sa Presidential Economic Staff (PES). Pinalitan ng PES ang PIA at, dagdag pa sa sosyo-ekonomikong pagpaplano, paglikha ng patakaran at pagproprogama, inatasan itong magbuo ng ugnayan sa mga internasyunal na institusyong pampinansya (Tadem 2015a, 127-31).       

Cesar E. Virata, photographed in 1983. A leading technocrat, Prior to assuming leadership positions in the government service during the Marcos regime, Virata taught at the business school of the University of the Philippines Diliman. Image: Wikipedia Commons

Mga balakid sa kaunlaran at paglago
Isang mayor na hamon sa istratehiya ng kaunlaran sa panahon ng Cold War ang pangingibabaw ng pampulitika at pang-ekonomiyang elit sa Pilipinas sa porma ng mga dinastiyang pampulitika na hindi buong sumusuporta sa patakaran ng mga teknokrata. Nakapagbuo ng matatatag na ugnayan ang mga dinastiyang ito sa Estados Unidos sa panahon ng pangongolonya ng Amerika. Sa panahong yaon, “itinulak ng mga tagalikha ng patakaran ng US ang patakaran ng ‘atraksyon’ na naghanap ng kumikitang kalakalan at istableng pamahalaan sa pamamagitan ng mga alyansang pulitikal sa mga elit na Pilipinong edukado at nagmamay-ari ng lupain.” Bunga nito, “sinuportahan ng Estados Unidos ang isang uri na dedikado sa pagpapanatili ng sariling pang-ekonomiko at sosyal na paghahari” (Latham 2011, 15). Sa gayon, kinailangan ng mga teknokrata ni Marcos na makipagtunggali sa mga elit sa pulitika at ekonomiya na hindi umaayon sa liberalisasyon sa ekonomiya, upang hindi makipagpaligsahan ang mga korporasyong Amerikano sa sarili nilang mga industriya. Dahil sa pagsalungat na ito, kinailangang magsagawa ng mga kompromiso kaugnay ng mga patakarang pang-ekonomiya (Tadem 2015b, 564).

Bagaman kailangang payapain ang mga elit, hindi naisagawa ang katulad na pagsisikap para sa malawak na mayorya ng populasyon na hindi nakinabang sa mga patakarang teknokratiko. “Muling lumitaw ang mga tunggaliang panlipunan sa porma ng mga demonstrasyon ng estudyante, martsa ng mga magsasaka at welga ng mga manggagawa,” sa huling bahagi ng dekada 1960, at “binagabag kapwa ang industriya at agrikultura ng krisis ng istagnasyon” (Bello et al. 1982, cited in Daroy 1988, 11). Nagdulot ang tensyong ito ng malakas na pagkahinog ng nasyunalismo at ligalig, na nagbigay ng tulak sa pagtatatag noong 1968 ng bagong Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Inspirado ng Kaisipiang Mao Tse Tung, nagkaroon ng saray pangmilitar ang PKP, ang Bagong Hukbong Bayan (NPA), at umangkla sa nagkakaisang Pambansa Demokratikong Prente (NDF).

Philippine President Ferdinand Marcos and First Lady Imelda Marcos meet US President Richard Nixon. Image: Wikipedia Commons

Ang Cold War at Batas Militar: Ang konsolidasyon ng kapangyarihang teknokratiko

Naitulak ng sitwasyon sa Pilipinas ang teknokratang Pilipino na “kumiling sa konserbatibong repormulasyon ng mga teknokratikong ideolohiya ng mga Amerikanong akademiko noong huling bahagi ng dekada 1960, tulad ni Samuel Huntington ng Harvard” (Bello et al. 1982, 28). Ikinatuwiran ni Huntington na “sa Third World, kailangang mauna ang pagtatatag ng kaayusan at awtoridad bago ang pagbibigay sa masa ng pampulitikang representasyon” (binanggit sa Bello et al. 1982, 28). Ang argumetong ito ang katwiran para sa pagpayag ng US sa deklarasyon ni Marcos ng Batas Militar noong Setyembre 21, 1972 upang pigilan ang protestang sibil na sumasaklaw sa lipunan. Bagaman hindi inasahan ng mga teknokrata ang deklarasyon, tinanggap nila ito sa pangkalahatan.

Mga balakid sa teknokratikong paglikha ng patakaran

Nang idineklara ang Batas Militar, patuloy na nag-okupa ng mga susing posisyon sa pamahalaan ang mga teknokrata. Ang mayor na halaga ng mga teknokrata kay Pangulong Marcos ay ang kakayahan nilang makakuha ng dayuhang pondo mula sa World Bank, IMF, at iba pang internasyunal na pautangan na kailangan ng bansa. Gayunpaman, may mga balakid sa teknokratikong paglikha ng patakaran.

Una, ang kapitalismong kroni na kinakatawan ng unang ginang, Imelda Marcos, at mga kroni ni Marcos, nangunguna sa kanila ang mga “pangunahing kroni” na sina Roberto S. Benedicto at Eduardo “Danding” M. Cojuangco, Jr., na kumontrol ng industriya ng asukal at niyog, ayon sa pagkakabanggit. Salungat sa mantra ng liberalisasyon ng mga teknokrata ang pagmonopolyo nina Benedicto at Cojuangco sa dalawang pinakalaking pinagmumulan ng kita sa eskport (Tadem 2013, 9). Kay Ginang Marcos naman, bagaman hindi siya kumontrol ng anumang industriya, nagsagawa siya ng mga sariling proyekto tulad ng pagpapatayo ng mga gusaling pinondohan ng pamahalaan bagaman hindi kasama sa badyet (Virata, cited in Tadem 2013, 11). Gayunpaman, “kinunsinti” sa simula ng mga teknokrata at ng IMF/World Bank ang kapitalismong kroni dahil mainam ang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya at walang suliranin sa pagbibigay ng tulong-pinansya sa bansa.

Gayunpaman, nagbago ang lahat sa ikalawang balakid, ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya noong 1981 na sinindihan ng digmaang Iran-Iraq noong 1979-80 at nagbunsod ng mga pagtaas ng presyo ng langis, kasunod ang hindi pagbabayad ng Mexico sa mga utang sa IMF at iba pang eksternal na pinagkakautangan noong Agosto 1982. Pinakitid ng mga pangyayaring ito ang akses ng mga Pilipinong teknokrata sa eksternal na pautang (Tadem 2013, 14). Ang ikatlong balakid ay ang pagkatunaw ng Cold War at ang kasunod na pagliit ng halaga ng mga base militar ng US sa Pilipinas. Higit pa nitong pinahina ang halaga ng suporta ng US para sa Pilipinas. Pinakahuli, ang ikaapat na balakid ay ang lumalawak na kilusang anti-diktadura na pinaglagablab ng mga paglabag ng rehimeng awtoritaryan sa karapatang pantao; ang korupsyon ng diktador, kanyang pamilya at mga kroni; gayundin ang matamlay na ekonomiya ng Pilipinas. Sa huli, tumungo ang kilusang ito sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos sa pamamagitan ng People Power Revolution na sinuportahan ng US noong Pebrero 1986. Inihudyat ng transisyong pulitikal ang pagwawakas ng istratehiyang Cold War ng pagsuporta sa diktadurya sa Pilipinas dahil nakitang hindi ito tugma sa mga interes ng US.

Konklusyon

Isinikad ng Cold War ang paglitaw ng mga Pilipinong teknokrata upang panatilihin ang isang modelo sa kaunlaran na maghahatid ng istabilidad sa pulitika at ekonomiya. Gayunpaman, pinatitingkad ng kabiguan ng kanilang mga patakarang pang-ekonomiya, sa kalagayang naririyan ang mga internal at eksternal na balakid, ang kabiguan ng teknokrasyang Cold War na tumupad sa mga pangako nito.

Teresa S. Encarnacion Tadem
Professor, Department of Political Science, College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman and Executive Director, Center for Integrative and Development Studies, University of the Philippines System (UPCIDS).

Banner: The Oblation Statue at the flagship campus of the University of the Philippines in Diliman, Quezon City. It is a symbol of selfless service to the country. Photo: Manolito Tiuseco / Shutterstock.com

Bibliography

Bello, Walden, David Kinley and Elaine Elinson. 1982. Development Debacle: The World Bank in the Philippines. San Francisco: Institute for Food and Development Policy Philippines.
Cullather, Nick. 2010. The Hungry World: America’s Cold War Battle Against Poverty in Asia. Cambridge, MA: Harvard University Press.
Daroy, Petronilo Bn. 1988. “On the Eve of Dictatorship and Revolution.” In Javate-De Dios, Aurora, Petronilo BN. Daroy, and Lorna Kalaw-Tirol. Dictatorship and Revolution: Roots of People’s Power. MetroManila: Conspectus Foundation Incorporated.
Fischer, Frank. 1990. Technocracy and the Politics of Expertise. London: SAGE Publications.
Gilman, Nils. 2003. Mandarins of the Future: Modernization Theory in Cold War America. Baltimore: Johns Hopkins University Press.
Glassman, Ronald M. 1997. The New Middle Class and Democracy in Global Perspective. Houndmills, Basingstoke: MacMillan.
Latham, Michael E. 2000. Modernization as Ideology: American Social Science and Nation-Building in the Kennedy Era. Chapel Hill: University of North Carolina Press.
Latham, Michael E. 2011. The Right Kind of Revolution: Modernization, Development and US Foreign Policy from the Cold War to the Present. Ithaca: Cornell University Press.
Sicat, Gerardo. 2014. Cesar Virata: Life and Times Through Four Decades of Philippine Economic History. Diliman, Quezon City: The University of the Philippines Press.
Tadem, Teresa S. Encarnacion. 2016. “Negotiating North-South Dynamics and the Philippine Experience in the WTO.” The Pacific Review 29 (5): 717-39.
———. 2013. “Philippine Technocracy and the Politics of Economic Decision-making during the Martial Law Period (1972-1986).” Social Science Diliman: A Philippine Journal of Society & Change 9 (2): 1-25.
———. 2015a. “The Politics of ‘educating’ the Philippine Technocratic Elite.” Philippine Political Science Journal 36 (2): 127-46.
———. 2015b. “Technocracy and the Politics of Economic Decision Making during the Pre-Martial Law Period (1965-1972).” Philippine Studies: Historical & Ethnographic Viewpoints 63 (4): 541-73.

 

Notes:

  1. Cesar E.A. Virata, interviewed by Yutaka Katayama, Cayetano Paderanga, and Teresa S. Encarnacion Tadem. November 21, 2007, Makati.