Ang mga Pamana ng Cold War sa Malaysia

Meredith L. Weiss

National-monument-Malaysia-KRSEAjpg

Nag-iwan ng dramatikong marka ang Cold War sa pulitika at lipunan ng Malaysia.  Ipinakita ng anti-komunistang Emergency noong 1948–60 kung gaano kahanda ang una’y mga mananakop na Briton, kasunod ay mga lokal na elit, na labanan ang pagsulong ng komunismo sa bansa. Subalit umalingangaw pa rin sa buong bansa ang nananatiling malaganap na banta ng komunismo, at matapos ay ang pangamba sa lubhang-kumbinyenteng multo ng komunismo, lampas pa sa panahong naisantabi na, at pagkatapos ay magapi ang Malayan Communist Party (MCP). Nag-iwan ang Cold War ng masalimuot at nagtatagal na pamana sa pormal na pulitika at civil soceity ng Malaysia. Makikita pa rin ang mga implikasyong ito sa mga ideolohiyang pulitikal, padron sa paninirahan, mahigpit na mga batas at geopolitical na pagposisyon. Sa pangkalahatan, nakaranas ang Malaysia ng tunay at totoong agresibong kilusang komunista, at nanatiling sukatan sa paglaban sa marahas na ekstrimismo sa hanay ng mga pwersang panseguridad ngayon ang mga hakbanging kontra-insurhensiya nito, na nagtatambal ng estratehiyang puso-at-utak sa panunupil ng militar. Subalit ang nag-iwan ng mas matiim na mantsa ay hindi ang Malayan Communist Party mismo kundi ang kung paano hinubog ng mga labanang ito ang kalagayang ideolohikal, demograpikal, ligal at panseguridad: tinulungan ng isang anti-kapitalistang kilusan na kalakha’y Tsino at siniraan sa pandaigdigang saklaw sa maagang panahon ng pagbubuo ng sosyo-pulitikal na pag-unlad ng Malaysia na tanggalan ng lehitimasyon ang mga ideolohikal na alterniba at sinuhayan ang isang malakas, sentralisado at sa partikular ay komunal at kapitalistang estado na nasa kandungan ng lipunang depolitisado.

Naghahapag ang Malaysia ng partikular na interesanteng kaso para mapag-isipan. Sa isang banda, sa halalang 2018 nito, kungsaan pinatalsik ng kalakha’y programatikong koalisyon ang katapat na may mas lantad na oryentasyong pulitika ng pagtangkilik matapos maghari sa loob ng 61taon, samantalang nagpakita rin ng lakas ang ikatlong Islamistang partido, inihuhudyat na nananatiling malakas ang kabig ng ideolohikal sa halip na transaksyunal o teknokratikong pulitika. Sa kabilang banda, na sinasalamin din ng pagmamapa sa pulitika ang mahabang kasaysayan ng panunupil sa mga kilusang kiling-sa-kaliwa: Hindi nagkaroon ang Malaysia ng malakas o kahit man lamang hayagang pampulitikang alternatiba na nakabatay sa uri, lampas pa sa maliit at binabagabag na Partido Sosyalista, sa loob ng maraming dekada, sa kabila ng magaang kasaysayan nito ng aktibo at popular na pulitikang kiling-sa-kaliwa. Pinatunayang mahalaga sa hugis at karakter ng estado ang pagsiklab ng traumatikong anti-komunistang digmang gerilya dahil sa MCP at armadong saray nito (ang Malayan People’s Anti-Japanese Army, MPAJA, at pagkatapos ng digma ay ang Malayan People’s Liberation Army, MPLA), habang nagkakahugis pa lamang ang kasalukuyang estado ng Malaysia, mula sa mga restriksyon sa sosyo-pulitikal na mga organisasyon (laluna yaong mga nasa kaliwa), hanggang sa pagpapaliit ng papel ng Tsina sa pag-unlad ng pulitika sa Malaysia, at hanggang sa pagpigil sa saklaw ng mga perspektibang ideolohikal na tinitingnang lehitimo sa pangkalahatan.

Mga labi ng Cold War

Lalabas na hindi na humaharap ang estado ng Malaysia ng signipikanteng banta ng komunismo matapos humupa ang Emergency, bagaman noong pa lamang 1989 tuluyang sumuko ang MCP. Subalit higit dahil sa Cold War (at sa nagpapatuloy na digman sa Vietnam sa Timog-Silangang Asya), kumaharap ang komunal at maka-kapitalistang estado noong huling bahagi ng 1960s hanggang maagang bahagi ng 1970 ng bahagyang pag-atras sa pagdurog sa susing katunggali noon na Sosyalistang Prente ng iba’t ibang lahi, na kapwa dominado ng mga maka-kaliwa at ng mga Tsino, kungsaan tinitingnan ang pagiging “Tsino” bilang “komunista.” Tunay nga, nakapagbibigay pa rin ng kapaki-pakinabang na dahilan ang takot sa komunismo para mabigyan ng lehitimasyon ang isang makapangyarihang estado at ang lipunang pinagtulungang maging depolitisado. Nananatiling buhay sa Malaysia, kung sa gayon, ang pamana ng Cold War at epektibong pinatitining ang mga ribalang domestiko. Partikular na malinaw ang nagtatagal na labing ito sa usapin ng mga pulitikal na ideolohiya, mahipit na mga batas, mga pardon sa paninirahan at geopolitical na pagposisyon ng Malaysia.

Espasyong Ideolohikal

Nag-ambag ang anti-komunistang ideolohiya sa mga pagsisikap ng Britanya at Malaysia na supilin ang mga radikal na unyon sa paggawa at mga hanayan na nakabatay sa uri, at sa halip ay tumulong na ipatimo ang etnikong pilarisasyon at pulitikang komunal. Ispesipikong nasasalamin ang gayung resulta sa interes ng mga elit sa UMNO at mga katuwang nitong Tsino at Indian sa Alyansa, ang noo’y Barisan Nasional (National Front). Sumandig ang kanilang modelo ng pampulitikang apilyasyon at pamamahala sa pangunahing pag-ikot ng identidad ng mga botante sa kanilang etnisidad at hindi sa uri—at mula sa simula, sinuportahan ng Alliance/BN ang kapitalistang modelo sa ekonomiya, na pinupunan ng mga patakarang redistributibo ng maka-Bumiputera (mga Malay at iba pang katutubo).

Pinahintulutan ng lohika ng Cold War ang mga elit na Briton at Malay na idiin ang ideolohikal na pagyakap sa kapitalismo hindi bilang kanilang sariling interes kundi dahil sa kahingian ng umiiral na banta. Noong mga maagang panahong yaon, pinanatili ng patakarang Briton ang karamihan sa mga Malay bilang mga maliliit na magsasaka ng palay at sa pinakamainam na pagtantya ay agnostiko tungong kapitalismo. Subalit panatag na nakataya ang naghaharing elit ng komunidad sa kaayusang ginawa ng mga Briton. Nilayon ng mga patakarang Briton na magtatag ng Malay na panggitnang (at kapitalistang) uri sa agrikultura, habang pinalawak ng pagbubuo ng serbisyong administratidong Malay at iba pang pagsisikap na nakatuon sa mga grupong etniko ang integrasyon sa pulitika ng Britanya.

Kapwa nakatali din naman sa mga kapitalistang pagsisikap ang mga Tsinong elit sa ekomoniya. Subalit sa halip na mga maliliit na magsasaka, kalakhan ay binuo ng mga manggagawang Tsino (at Indian) ang umuusbong na proletaryadong industriyal sa mga pabrika, gayundin sa mga plantasyon ng goma, mga minahan ng lata, at mga sahurang manggagawa tulad ng sa daungan. Sa mga baseng ito sa Malaysia at Singapore lumitaw ang mga unyon sa paggawa na kiling-sa-kaliwa, na naghahayag ng kritikal na perspektiba sa kapitalismong pinaghaharian ng Kanluran. Nagsilbing mga potensyal at aktwal na lunsaran ang mga unyon sa paggawa ng pulitikal at may-kinikilangan na pampulitikang pakikisangkot na nagpapadaloy hindi lamang ng maka-uri sa halip na etnikong pagkakakilanlan, kundi pati ng kolektibong pagkilos.  Dahil sa pang-aalipustang ideolohikal o simpleng panunupil sa maagang panahon, nanatiling tahimik sa kalakhan ang mga manggagawa ngayon. At samantalang nagpakita ng tunay na pagsulong ang mga kaliwang partido sa mga unang taon ng kasarinlan, laluna sa antas ng lokal na pamahalaan, walang naiwang partido na kinikilalang partido ng mangggawa dahil sa maagang panunupil at pagpigil.

Mahalaga, nagpapanatili ng limitadong pagpahintulot ang pormal na pulitika para sa kritikal na pakikisangkot. Gayunpaman, lampas pa nang malaon sa pagkamatay ng MCP, maari pa ring mabansagan ang sinumang na “komunista” bilang panglahatang delehitimasyon, hindi rin inihapag bilang ideolohikal ang etnosentrikong paghabi ng estado sa neoliberalismo, kasama ang masaklaw na patakarang may pinapaboran; sa halip, ibinabalangkas ng dominanteng diskurso sa pulitika na hindi maiiwasan ang pangingibabaw ng Malay batay sa kalagayang demograpikal at sosyokolohikal at bihirang bigyan ng seryosong konsiderasyon ang mga alternatibong balangkas sa ekonomiya. Sa lahat ng nabanggit, pangmatagalang nakulayan ng mga naitanim na padron ng Cold War— ng komunal sa halip na hanayan sa uri, ng paiwas na pagtanaw sa mga modelong sosyalista at sosyal-demokratiko, at ng pagtinging ang mamamayang Tsino ay likas na kahina-hinala—ang mga ideolohikal na posibilidad at praxis sa panahon matapos ang Cold War.

Paglilipat ng Panirahan ng Populasyon

May kinalaman sa mismong larawan ng kalagayan tao ang ikalawang susing pamana ng Cold War sa Malaysia. Sumaklaw ang mga anti-komunistang pagsisikap noong panahon ng Emergency hanggang sa sapilitang paglilipat ng lampas kalahating milyon ng etnikong Tsino, na katumbas ng ikasampu ng populasyon noon, sa pinagandang katawagang “New Villages” bilang mapagparusang hakbang ng paglilinis na naglalayong putulin ang linya ng suplay ng MCP.

Bagaman nakakonsentra sa mga syudad at minahan, ilang bahagi ng mga etnikong Tsino ang matagal na umokupa ng mga sakahang nakasasapat-sa-sarili; pinatindi ng pananakop ng Hapon noong dekada 1940 ang pagkalat sa rural kungsaan hanggang 500,000 iskwater na Tsino ang nanirahan sa mga gilid ng gubat noong 1945. Pinagmulan ang mga komunidad na ito ng pagkain at suplay para sa MPAJA, daluyan ng impormasyon, at mga bagong kasapi, naaayon man sa kanilang kagustuhan o hindi (Tilman 1966, 410, Yao 2016). Ipinagpalagay ng mga kolonyal na awtoridad na hindi makapamumuhay nang matagal ang mga tropang MPAJA sa gubat nang walang mga probisyon, kung kaya buo-buong inilipat nito ang mga komunidad sa mga nababakurang baryo. Bahagi ng mga pagsisikap ang integrasyon sa pangunahing agos ng pulitika, panguahin sa pamamagitan ng Malayan Chinese Association (MCA), na nagbigay ng mga amenidad at tumulong sa mga New Villagers na umangkop sa kanilang bagong kapaligiran (tingnan ang Teh 2007 [1971]).

Gayunpaman, naihiwalay ng paglilipat mula sa mga monoetnikong bayan kapwa ang mga sumisimpatya sa MCP at ang iba pa, at sa maraming kaso, lubhang disgustado sila sa estadong labis na mapanghimasok. Pinatindi ng maraming pagbulabog ang etnikong identipikasyon, kabilang ang pagbibigay ng lugar sa MCA bilang komunal na tagapagtanggol. Nagsindi rin ang pagsisikap ng mga bagong porma ng lokal na pamamahala, kasama ang pagpapakilala ng representatibong mga istruktura na idinesenyo upang pataasin ang pakiramdam ng pamumuhunan ng mga residente sa kanilang mga bagong komunidad (Strauch 1981, 40-41), at nagpaunlad ng mga bagong teknika at dahilan para sa paniniktik.

Nanatiling nakakalat ang mga New Villages laluna sa kanluraning bahagi ng peninsula ng Maysia. Maaring hindi sila gaanong magkakahalo sa aspetong etniko kaysa mga syudad at bayan na organikong nabuo. At sa pinakamainam ay hindi naging palagian ang serbisyo para sa sa kanila. Bagaman karamihan ay may batayang sapat na imprastraktura sa kalagitnaan ng dekada 1980, humarap ang mga panirahan sa pagsisiksikan at kakulangan ng lupang sakahan; limitadong oportunidad sa trabaho at, sa gayon, pangingibang-bayan; kalunus-lunos o limitadong mga paaralan at iba pang amenidad; at kakapusan sa adminsitrasyon at rekursong pinansyal (Rumley and Yiftachel 1993, 61-2). Sa lahat ng nabanggit, ipinakikita ng lawak ng rekonpigurasyon sa populasyon na tulak ng anti-komunismo ng Cold War ang nagtatagal at mahalagang pamana ng panahon.

Mga ligal na pamigil

Ikatlo, tumungo tayo sa ligal na larawan ng kalagayan. Hindi tulad ng iba pang lugar sa rehiyon, hindi pinaunlad ng mga anti-komunistang pagsisikap ang mismong armadong pwersa, sa kabila ng matagalang labanang militar. Kung lilingunin, ang pagtitimping ito ay sapat na kapuri-puri. Gayunpaman, nakita sa panahon ng Emergency ang mga bagong pamigil sa mga kalayaang sibil at reorganisasyong sosyo-pulitikal na nanatili kahit lampas pa sa Cold War. Nanatiling napapailalim sa mga batas kaugnay ng rehistrasyon at opisyal na pagsiyasat na matutunton pa sa mga regulasyon sa panahon ng Emergency hindi lamang yaong may kaugnayan sa mga manggagawa, kundi maging ang ibang organisasyong civil-society. Dagdag pa, nanatili bilang mga labi ng mga pagsisikap noong panahon ng Cold War ang nakasanayang kahingian para sa ispesyal na kapangyarihang pulis para pigilan ang mga bantang maluwag ang depinisyon kasama na yaong mga pulitikal.

The Communist Party of Malaya Office before the Malayan Emergency

Higit na mapanganib, tumulong ang sosyo-ligal na aparatong ito na itanim ang mababang pagtingin sa kritikal at pulitikal na pakikisangkot bilang mapangahas, walang-ingat o simpleng hindi nararapat – at ispesipiko para idiin ang palagay sa mga Tsino-Malaysian bilang mga hindi maasahan ang katapatan. Itinanim ng mga susing pangyayari ng panlahing sigalot ng mga Malay at Tsino sa urban noong mga huling bahagi ng dekada 1960, laluna sa Kuala Lumpur matapos ang halalang Mayo 1969, ang gayung pananaw. Gayunpaman, sa paglipas ng panahon, nagbago ang dominanteng pagbasa sa “May 13th” at nabura ang ideolohikal na lambong  ng pagsawata sa umaangat na Sosyalistang Prente para sa isang purong panlahing pagpapakita: ipinagbawal ng mga bagong batas pagkatapos ng panahon ng paghaharing Emergency mula 1969-71 ang anumang atake sa, o kahit man lamang kritikal na pagtalakay hinggil sa ispesyal na karapatang Malay.

Hanggang sa ngayon—at sa gayon ay nagpapatuloy, sa kabila ng unang pagbabago sa pamahalaan mula noong kasarinlan—nagtataglay ang Malaysia ng kulumpon ng ligal ng pamigil na malinaw na hindi akma sa anumang aktwal na banta. Samantalang nagtagal ito, nagbigay ang Cold War ng madaling magamit na takot, hindi gaanong nakaharap, subalit kumbinyenteng naka-ayon sa mga lokal na tunggalian sa pulitika at mga di-patas na pananaw, upang bigyang katwiran ang mga hakbang na kung tutuusin ay obhetibong lubhang mapamilit. Ilang dekada pagkatapos, nanatili ang pamana.

Relasyong Panlabas

Panghuli, habang tumitining ang mga sosyo-pulitikal na padron sa Malaysia, sinalo ng pagsasakdal sa Cold War sa ibang bahagi ng Asya ang bansa mula sa panghihimasok mula sa labas o kahit pa mula sa matalim na pagtuligsa. Kinunsinte ng mga Kanluraning kapangyarihan ang hindi liberal na pamumuno sa Malaysia at ibang pang estadong rehiyunal, hangga’t nilalabanan mismo ng mga katuwang na ito ag komunismo (at sa kahabaan ng dekada 1970, laluna kung nagpapadaloy sila ng akses militar tungong Vietnam). Sa gayon, nagkaroon ang Malaysia ng proteksyon batay sa mga hindi komportableng kondisyon at presyur mula sa labas.

Ang hindi malinaw ay ang lawak ng kung alin at bakit naging nakasanayan ang mga pagpapaluwag na ito: lampas pa sa Vietnam, lampas pa maging sa pagbagsak ng Unyong Sobyet, nagpatuloy ang US at iba pang demokrasya sa pagtanggap sa lumalalang panunupil ng estado ng Malaysia, hangga’t nananatiling itong kapaki-pakinabang bilang katuwang sa kalakalan. Nagrereklamo ang mga Amerikanong tagalikha ng patakaran sa saklaw ng pumapabor na patakaran subalit mistulang nakikinabang ang Malaysia sa lapit na laissez-faire na lubhang binabatay ang pagkakasundo sa magkatulad na pang-ekonomikong mga interes at lapit. Mahusay na humanay ang ang Malaysia sa mga anti-komunistang eksternal na kapangyarihan sa aspetong ideolohikal at sa gayon ay hindi tinutunggali sa kalakhan.

Sa madaling salita, nakakuha ang Malaysia ng malapad na patagan mula nang pagsilang nito sa panahon ng Cold War, laluna na nang magkahugis ang ASEAN at maghapag ito ng karagdagang pangsalo laban sa ipinagpapalagay na paggapang ng militanteng komunismo. Mistulang naghahapag ang karanasang yaon ng pagsipat sa saklaw ng Cold War bilang isang internasyunal na tunggalian: ang pagsasakdal dito ay nangangahulugan ng pagsasara, pagsasailalim o pagkukulong ng mga hamon sa loob bago pa ito makatagpo ng mga kaalyado sa ideolohiya sa ibayong dagat o tumungo mula sa pagiging domestiko papuntang transnasyunal.

Konklusyon

Ang dulong resulta ng mga prosesong ito ay ang matagal na panahong pagpapatibay ng isang elektoral-awtoritaryan na rehimen na ngayon ay nasa maaga at di-tiyak na mga yugto ng pormal na transisyon pa lamang. Binibigyang pribilegiyo ng rehimeng yaon ang mga komunal na identidad na pinalalakas ng matitibay na padron sa paninirahan. Binibigyang pribilehiyo din nito ang kapitalistang pag-unlad na nagtataglay ng suportang pangkagalingan na nakabalot bilang mga regalo mula sa mapagpalayang rehimen sa halip na karapatang dapat na matamasa ng mamamayan, at ang malaganap, malalim na nakatimo at pana-panahon lamang na nakakaligtaang pagpigil sa kritikal na pakikisangkot sa pulitika. Walang dudang matatagpuan ang mga bahagi ng pamanang ito sa iba’t ibang rehiyon, subalit pinaiikot ang mga pamanang ito sa mga partikular konsekwensyal na direksyon ng walang-labanan at paunti-unting dekolonisasyon ng Malaysia mula sa Britanya, ng komunal na balangkas, at ng mga debelopmentalistang ambisyon at pagsisikap nito.

Nananatiling bukas para sa debate kung gaano kalaking banta ang aktwal na inihaharap ng MCP sa Malaysia: kung tunay kayang maaring naging komunista ang bansa. Malinaw na may maayos na istruktura at sapat na lakas ang armadong saray ng MCP, subalit sa kalaha’y hindi komunista ang organisadong maka-kaliwa sa pulitika at sa sarili nito’y nahahati sa paraang komunal sa kalakhan. Ang higit na malinaw ay hindi kailangang manalo ng komunismo para makapag-iwan ng hindi mababawi at malalim na marka sa bansa na humuhubog sa mga landasing institusyunal, ideolohikal, sosyal at istratehiko sa mga susing paraan sa mga susunod na taon at dekada.

Meredith L. Weiss
Professor, Department of Political Science, University at Albany, SUNY

Banner: View of the National Monument of Malaysia located in Kuala Lumpur, Malaysia. Image: EQRoy / Shutterstock.com

References

Rumley, Dennis, and Oren Yiftachel. 1993. “The Political Geography of the Control of Minorities.”  Tijdschrift voor Economische en Sociale Geografie 84 (1):51-64.
Strauch, Judith. 1981. Chinese Village Politics in the Malaysian State. Cambridge, MA: Harvard University Press.
Teh, Hock Heng. 2007 [1971]. “Revisiting Our Roots: New Villages.”  The Guardian 4:3.
Tilman, Robert O. 1966. “The Non-Lessons of the Malayan Emergency.”  Asian Survey 6 (8):407-19.
Yao, Souchou. 2016. The Malayan Emergency: Essays on a Small, Distant War. Copenhagen: NIAS Press.