Mga Komun na Lupaing-Gubat sa Laos sa Siglo Dalawampu’t Isa: Kapitalismong Agraryo at ang ‘Non-Commodified Subsistence Guarantee’

Keith Barney & Alex van der Meer Simo

KRSEA-Laos-sticky-rice

Sa nakaraang dalawang dekada, ang malapad na alyansa ng mga lokal at internasyunal na aktor sa Lao PDR ay nakapagbuo ng mga patakaran ng interbensyon sa usapin ng ‘pagpapalakas ng nakaugaliang tenyur’. Ang naging layunin ay ang makapagtatag ng mga proteksyong ligal para sa mga karapatan ng mga komunidad sa kanayunan sa mga komun na lupaing-gubat, sa konteksto ng malaganap na pagbabakod dulot ng malawakang pagkamkam ng lupa.  Ang tiyak na karapatan sa tenyur ay maisusulong sa pamamagitan ng pinalakas na mapanglahok na mga pamamaraan para sa pagpaplano sa paggamit sa lupa, at sa pagpapaunlad ng mga pamamaraan sa pormalisasyon, na may ultimong layunin tungo sa malaganap na pagpaparehistro at pagpapatitulo ng mga lupain komunal at kolektibo. Sa kabila ng mga unang inobasyon, ang pagsulong tungo sa layuning ito, sa pinakamainam na, ay masasabing naging putul-putol. 1

Sa saklaw-baryo, patuloy na nalaladlad ang mga lokal na prosesong naka-ugnay sa komersyalisasyon ng agrikultura. Kasama sa mga resulta ng transisyong agraryo sa Laos ang malawakang pagbabakod ng lupain ‘mula sa itaas’ (sa pamamagitan ng pagkuha ng estado-korporasyon para sa mga proyektong agribisnes at imprastratura), at ang pribatisasyon ng lupa ‘mula sa ibaba’ (sa pamamagitan ng paglahok ng maliliit na mag-hawak ng lupa sa mga usong pananim at mga pagpapa-upa at pagbebenta sa baryo). Habang sinuhayan ng komersyal na pamumuhunan ang mahahalagang ganansya sa kabuhayan para sa maraming mamamayan sa kanayunan, nagdulot din ang kombinasyong ito sa malawakang pagpiga sa kapaligirang komun sa buong Laos. Sa ganitong konteksto, ang pagprotekta sa mga karapatan sa mga nakaugaliang komun na lupaing-gubat ng baryo ay kapwa isang mahalagang erya para sa patakaran sa lupa, at isang masalimuot na problemang emprikal na bumabangga sa mga yari nang patakarang solusyon.  

Sa interbensyong ito, inihahapag namin na ang isang susing isyu kaugnay ng pormalisasyon ng karapatan sa lupa sa Laos ay naka-ugnay hindi lamang sa mga naratibo kung paanong ang nakaugaliang lupaing-gubat ay makapagsisilbi para sa pang-araw-araw na kabuhayan sa kanayunan, at (posible) bilang pananggalang para sa maralita sa panahon ng kagipitan. Ang metapora ng pananggalang ay maaaring magbaba sa magsasakang Lao tungo sa labis na simplistikong antas-panustos na pamumuhay, habang halos walang saysay sa pagbabalangkas kung paanong ang kabuhayang rural ay nakikitunggali sa kapitalismong agraryo. Nagbubuo mula sa tinatawag nina Haroon Akram-Lodhi at Cristóbal Kay na “non-commodified subsistence guarantee” (dinaglat sa ibaba bilang ‘NCSG’), layunin naming idirehe ang atensyon sa kung paanong makapagsisilbi ang mga nakaugalian at komunal na lupain bilang pangsalo laban sa mga nakakabugaw na pwersa ng kapitalismong agrasyo, at gayundin bilang batayan ng awtonomiya sa kabuhayan sa kanayunan ng Laos. 2 Samantala, nagbabago ang mga pananaliksik hinggil sa mga nakaugalian at komunal na karapatan sa ari-arian, at maging ang mga magsasaka mismo ay malawakang lumalahok sa mga bagong value chain at merkado ng lupa. Ang hamon ay hindi lamang ang magbuo ng proteksyon para sa mga nakaugaliang lupain, kundi ang lapitan ang ideya ng ‘commoning’ (bilang isang panimulang dekomodipikasyon ng nakagawiang lupain), sa pamamaraang may saysay sa lokal na antas at nakatuntong sa kolektibong kahilingan at aspirasyon ng komunidad sa kabuhayan.

A remote rural village of Laos . Image: Dino Geromella / Shutterstock.com

Mga Binakuran ng Kapitalismo at Produksyong Magsasaka

Makatutulong sa pagbubuo ng aming mga argumento ang maikling pagtalakay sa mga susing konsepto sa kritikal na araling agraryo. Ang mga katanungang agraryo hinggil sa lupa, tulad ng pagbubuod ni Akram-Lodhi, ay pundamental na may kaugnayan sa ‘sino ang kumokontrol [sa lupa], paano ito kinokontrol, at ang layunin sa pagkontrol dito” 3 Binigyang-kahulugan ang pagbabakod bilang “pribatisasyon ng ispisipiko-sa-espasyong ari-arian” 4, at para kay Akram-Lodhi maaaring unawain kapwa ang pagbabakod at ang pag-usbong ng kapitalismo na “naka-ugat sa mga pagbabago sa nilalaman at kahulugan ng panlipunang relasyon sa ari-arian” 5. Isang tipo ng limitasyon sa capital ang prontiyera na isinasali hindi lamang ang mga espasyo sa heograpikal na gilid, ngunit “alinmang espasyo ng buhay panlipunan na nananatiling relatibong di-kolonisado ng kapitalistang relasyon sa produksyon 6. Kasama sa ikalawa ang pagwasak sa pinagmumulan ng probisyong panlipunan na hindi isinasalang sa monetisadong lohika ng kapital, kasama ang labas-sa-merkadong pamamaraan ng pamumuhay.

Sa ilalim ng kapitalistang relasyong agraryo, ang lupain ay di-maiiwasang gawing kapital, na nagbubunga ng akumulasyon at maging ng dislokasyon. Habang maaaring pagkombinahin ng mga tahanang nasa laylayan sa aspetong ekonomiko ang batayang kabuhayan mula sa hinahawakang lupain at pagbebenta ng kanilang paggawa, yaong mga nabigong magkamal ng kapital para sa mga bagong pamumuhunan sa teknolohiya o lupa, o naging biktima sa mga kalakaran sa pautang ay maaaring mapilitang magbenta ng kanilang hinahawakang lupa sa pamamagitan ng lohika ng magkamal, muling mamuhunan, o mamatay. Sa kabilang banda, ang kakayahang mapanatili ang hawak sa hindi-marketisadong larangan ng produksyon, (tulad nang sa pamamagitan ng akses sa nakaugaliang lupain at rekurso) ay makapagbibigay ng mahalagang bentahe sa kabuhayan para sa mga maliliit na may-hawak ng lupain. Isinulat nina Akram-Lodhi ay Kay:

Ang kontrol sa lupa ay maaaring maghatid ng posibilidad ng produksyon para sa direktang gamit, isang di-komodipikadong garantiya sa pamumuhay na nagbibigay sa pesante ng isang antas ng awtonomiya mula sa kapital na maaaaring magtiyak ng kabuhayan, bagaman hindi ito magbubukas ng posibilidad para sa akumulasyon. 7

Ang ganitong mga ‘NCSGs’ ay makapag-aalok (kung di man laging pananggalang na pangkagipitang), kahit paano ng batayang suporta para sa mga maliliit may-hawak ng lupa. Sa ibang mga kaso, ang pagpapanatili ng ilang lupaing-gubat sa baryo at rekursong komunal bilang mga di-komodipikadong espasyo ay maaaring makasuporta ng mga kasaping kumakaharap nang di-sapat na pagkalantad sa palengke ng sahurang paggawa, halimbawa kapag binabakuran ang lupain nang walang karampatang probisyon ng opsyon para sa sahurang empleyo. Sa ganitong kahulugan, maaaring katawanin ng NCSGs ang isang porma ng dibersipikasyon ng portfolio, subalit yaong nasa labas ng, o sa pinaka-menos ay isang dipa ang layo mula sa, mga lohika at pangangailangan ng merkado. 8

Ang katanungang agraryo ng nakaugalian at komunal na lupain sa Laos ay may mga implikasyon din sa paggawa. Samantalang naaakit ang mga kabataan sa mga sahurang trabaho sa bukid at labas-sa-bukid para sa kabayarang salaping kita, ang marami sa ganitong mga posisyon ay naiuugnay sa ilang antas ng panganib at bulnerabilidad. Sa gayon, nagiging kritikal ang mga panlipunan at pang-ekonomikong kondisyon sa migrasyon ng paggawa. Sa kalagayang pantay ang lahat, maaaring mailagay ng mga sambahayang pesante na nakapagpapanatili ng akses sa produktibong lupa ang kanilang mga sarili sa mas malakas na posisyon sa negosasyon kaugnay ng pamilihan sa paggawa. Makapag-aalok din ang mga NCSG ng paunang pagmumulan ng awtonomiya sa kabuhayan mula sa mga proyektong komersyal ng estado at sinusuhayan ng mga korporasyon, na bulnerable sa masamang pamamalakad, kabiguan, o mga bagong porma ng paniniktik at pampulitikang kontrol, na naglalagay ng hadlang sa kalayaan ng isang magsaaksa na pamahalaan ang lupain at rekurso ng baryo ayon sa kanilang tradisyon at kagustuhan.

Ang ‘Non-Commodified Subsistence Guarantee’ sa kanayunan ng Laos

Tulad ng saanmang lugar, ang proseso ng agraryong transisyon sa Laos ay nagsasalang sa usapin ng kapalaran ng maliitang sakahan, at ang kinabukasan ng karapatan sa nakaugalian at komunal na lupain. Siniyasat kamakailan ni Jonathan Rigg et al. ang mga usaping ito sa relasyon nito sa “pagpupunyagi ng mga maliliit na mag-hawak” sa Timog-Silangang Asya. 9 Subalit maaaaring hindi maging akma ang mga depinisyon ng “pagsasaka ng maliliit na mag-hawak ng lupain” at “sakahang pesante” sa mga kalimitang may kalawakang lupain at nagpapatong na kaayusan sa tenyur sa rekurso na katangian ng maraming baryo sa Laos, kungsaan maaaring sumaklaw ang mga teritoryo ng baryo hanggang lampas 2,000 o 3,000 ektarya (o higit pa). Sa Laos, yaong mga nakaugaliang lupain ay kalimitang naka-organisa sa mga pana-panahong nagpapatong na salansan ng nakabatay-sa-sambahayan at komunal na akses at karapatan sa paggamit. Sa gayung konteksto, maaaring maging partikular na mahalaga ang mga porma ng salapi at di-salaping “kitang pangkapaligiran” para sa kabuhayan.

Matamang itinala ng pananaliksik kamakailan na isinagawa ng ikalawang awtor sa sentral na Laos ang panustos na gamit at halaga sa salaping-kita ng dose-dosenang produkto ng likas na yaman na nakuha sa nakaugalian at komunal na lupain. Sapalaran siyang pumili ng apat na komunidad na mga tahanan din sa mga iskema sa plantasyon ng korporasyon o ng mga maliliit na mayhawak ng lupain. Tinukoy sa kanyang gawain sa larangan noong 2016 hanggang 2017 (25 sambahayan ang sinarbey sa bawat baryo) ang taunang US $1,272 (katumbas sa halagang pera) na karaniwang halaga ng produktong nakukuha mula sa nakapaligid na nakaugaliang teritoryo ng bawat sambahayan. Kinuwenta ni van der Meer Simo na karaniwang umaabot ng US$2,316 kada sambahayan sa bawat taon, o 44% ng kabuuang karaniwang kita ng bawat sambahayan sa sinarbey na apat na komunidad ang kalahatang “kita mula sa kapaligiran” sa pormang salapi at di-salapi. Ang kita mula sa kapaligiran na purong ‘non-market’ (hal. rekursong kinokonsumo lamang at hindi ibinebenta para sa salapi), ay kumakatawan ng karaniwang US$1,355 bawat sambahayan kada taon, o 22% ng kabuuang kita ng sambahayan. Ipinapakita ng mga numerong ito ang halaga ng mga ‘NCSG’ sa mga baryong sinarbey. Samantalang ang mga benepisyo ng iba’t-ibang istratehiya sa pangangasiwa sa lupa ay dapat ilagay sa konteksto sa mga relatibong erya at kinakailangang input na paggawa, ang susing punto ay nagsisilbi pa rin ang akses sa nakaugaliang lupain bilang batayan para sa produksyon ng samabahayan, na nagbibigay ng kapwa ng pleksibleng kabuhayan and ng bahaging alternatiba sa mga bulnerabilidad at mahihinang tulak ng plantasyon at migranteng paggawa.    

Larawan 1:“Ang ‘non-commodified subsistence guarantee’ sa kanayunan ng Laos: Isda, malagkit na kanin, jaew (chilli paste), local na gulay at lao lao’ (rice whisky). Probinsya ng Khammouane, Laos, 2006 (kasama ang unang awtor, ikalawa mula sa kanan)”

Panlipunang Relasyon sa Ari-arian at Repormang Agraryo sa Laos

Inihapag namin sa itaas ang argumento para bigyang konsiderasyon ang nakaugalian at komunal na lupaing-gubat sa Laos nang hindi gaanong sa kahulugan ng debate sa ‘panganggalang’, at higit kahulugan ng kung paano matutulungan ng mga NCSG ang mga mamamayan sa kanayunan na lakbayin ang lahatang pwersa ng kaunlarang agraryo. Sa seksyong ito, nagdagdag kami ng higit na salimuot, batay sa pag-unawa sa nakaugaliang lupain bilang isang institusyong nakatanim sa lipunan na sa sarili niya’y dumadaan sa mga mahahalagang transpormasyon.

Tulad nang tinukoy ni Dressler et al. para sa matataas na lupain ng Palawan sa Pilipinas, ang batayan para sa non-market subsistence guarantee sa mga sistemang kaingin ng Timog-Silangang Asya na nakabatay sa nakagawiang panlipunang relasyon sa ari-arian, na nag-oorganisa ng kalupaang may iba’t-ibang gamit sa pamamagitan ng lapit na “livelihood bricolage10 Tumutungo ito sa ubod ng ideya ng lupa bilang “nakatanim sa lipunan”. 11 Sa kanayunan ng Laos, ang mga komun na lupaing-gubat ay binabakuran din, sa isang bahagi dahil sa akselerasyon ng impormal na reserbasyon ng lupa ng maliliit na may-ari (kalimitang tinatawag na chap chong sa Lao). Ang mga kahilingan na Chap chong ay hindi laging patas sa pagitan ng mga sambahayan, sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan, at kahit sa pagitan ng mga henerasyon. . Samantalang ang chap chong ay istorikal na ginamit para i-reserba ang lupa para sa anak, ngayon ginagamit din ito para isa-pribado ang lupa para sa produksyong komersyal. Maaaring din na may espesyal na interes ang mga komunidad sa pagpapa-upa o pagbebenta ng nakaugaliang lupaing-gubat para sa komersyal na pakinabang. Hinahamon ng ganitong mga kalakaran ang panlahatang lapit sa ‘pagprotekta sa lupang komunal’, at may mga implikasyon sa mga pagsisikap na nagsusulong ng pagpapatitulo ng lupang komunal (communal land titling o CLT).

Larawan 2: Non-market na akses sa rekursong pagkain sa rural na Laos: inihaw na isda, sinabawang isda at itlog ng langgan, gulay mula sa gubat, malagkit na bigas at lao lao. Probinsya ng Khammouane, 2006.” Larawan ni K. Barney.

Isang Lapat-sa-Lupang Lapit sa Patakarang Reporma sa Lupaing-Gubat sa laos

Isang nakakahamong gawain ang magbigay ng suportang patakaran para sa mga proseso ng repormang legal sa Laos. Sa Laos, maaaring maging malabo ang sistema ng pagbubuo ng pasya, at maingat ang pamahalaan ng Laos sa pag-maneho ng mga linya ng impluwensya mula panlabas at dometikong lipunang sibil. 12 Hanggang sa kasalukuyan, kakaunti lamang ang mga kagubatang pangkomunidad at komunal o kolektibong parsela ng matataas na lupain ang nakakuha ng pormalisasyon sa pamamagitan ng mga CLT, bagaman sumusulong ang iba pang inisyatiba. Samantalang maaaring magsilbing batayan ang mga CLT para sa karapatan sa rekurso sa konteksto ng nagpapatuloy na pagkuha ng lupa, kailangan ding pakitiran ng isang programa maglalatag ng CLT ang saklaw ng mga opsyong pang-ekonomiko para sa mga taga-baryo. Nananatiling malabo kung paanong mababalanse ang pormal at di-pormal na karapatan ng mga sambahayan sa lupaing gubat at ang mga titulong komunal.

Samantalang hindi magiging perpekto sa sukat, magiging makabuluhan layunin pa rin na mas mahusay na iayon ang patakaran ng estado sa mga reyalidad sa lokal, at para makatungo sa pormalisadong kaayusan sa tenyur na pleksible at nakapagbibigay ng proteksyong panlipunan. Nangatwiran kami na ang isang alternatibong paraan para unawain ang nakaugaliang tenyur at lupang komunal ay sa pamamagitan nang kung paanong ang mga espasyong ito ay makapagbibigay ng ‘non-commodfied guarantee’, sa harap ng lumalalim na kapitalismong agraryo. May lawak para sa dagdag na pananaliksik sa Laos na gumagalugad sa iba’t- ibang dimensyon sa temang ito ng panlipunang relasyon sa ari-arian sa mga kapitalistang transisyon, tulad nang pinaunlad sa mga literatura ng araling agraryo. Ang balanse sa pagitan ng komodipikasyon at garantiya sa pamumuhay, at ang pormalisasyon ng nakaugaliang lupain sa mga konteksto ng komersyalisasyon at merkado ng lupa, ay kritikal na mga usaping pampatakaran, na huhubog sa agraryong transisyon sa Laos sa siglo dalawampu’t isa.  

Keith Barney & Alex van der Meer Simo

Keith Barney, Resources, Environment and Development Group, Crawford School of Public Policy, The Australian National University
Alex van der Meer Simo, Fenner School of Environment and Society, The Australian National University

Reference

Akram-Lodhi, H. and C. Kay. 2008. Peasants and Globalization: Political Economy, Rural Transformation and the Agrarian Question. London: Routledge
Akram-Lodhi, H. 2007. Land, Markets and Neoliberal Enclosure: An Agrarian Political Economy Perspective. Third World Quarterly 28(8): 1437- 1456.
Dressler, W., J. de Koning, M. Montefrio and J. Firn. 2016. Land Sharing Not Sparing in the ‘Green Economy’: The Role of Livelihood Bricolage in Conservation and Development in the Philippines. Geoforum 76: 75-89.
Hirsch, P. and N. Scurrah. 2015. The Political Economy of Land Governance in Lao PDR. Vientiane: Mekong Region Land Governance.
Ironside, J. 2017. The Recognition of Customary Tenure in Lao PDR. MRLG Thematic Study Series #8. Vientiane: MRLG.

Notes:

  1. Ironside, J. 2017. The Recognition of Customary Tenure in Lao PDR. MRLG Thematic Study Series #8. Vientiane: MRLG. pg. iv.
  2. Akram-Lodhi, H. and C. Kay. 2008. Peasants and Globalization: Political Economy, Rural Transformation and the Agrarian Question. London: Routledge. pg. 228.
  3. Akram-Lodhi, H. 2007. Land, Markets and Neoliberal Enclosure: An Agrarian Political Economy Perspective. Third World Quarterly 28(8): 1437- 1456, pg. 1442.
  4. Ibid. pg. 1443.
  5. Ibid. pg. 1443. See also Ellen Wood. 2002. The Origin of Capitalism: A Longer View. London: Verso.
  6. Ibid. pg. 1444.
  7. Akram-Lodhi and Kay, 2008. pg. 228.
  8. A complex elaboration is possible on the issue of commodification.Smallholder products established as a commodity that areraised or grown through capital-intensive methods, or products derived from commercialised land access, are not included within our approach to NCSGs.
  9. Rigg, J., A. Salamanca and E. Thompson. 2016. The Puzzle of East and Southeast Asia’s Persistent Smallholder. Journal of Rural Studies 43: 118-133. 
  10. Dressler, W., J. de Koning, M. Montefrio and J. Firn. 2016. Land Sharing Not Sparing in the ‘Green Economy’: The Role of Livelihood Bricolage in Conservation and Development in the Philippines. Geoforum 76: 75-89.
  11. Polanyi, K. 1944, 2001. The Great Transformation: The Political and Economic Origins of Our Time. Boston: Beacon Press.
  12. Hirsch, P. and N. Scurrah. 2015. The Political Economy of Land Governance in Lao PDR.Vientiane: Mekong Region Land Governance. pg. 4-5, 14.