Nang magbitiw si Suharto bilang pangulo ng Indonesia noong Mayo 1998, ang landas ay hindi tiyak. Pahihintulutan kayang magpatuloy ang demokratisasyon? Gagamitin kaya ang karahasan upang resolbahin ang mga di-pagkakasundo tungong madugong kahihinatnan tulad nang sa nakalipas sa kasaysayan ng Indonesia? Pagkalipas ng dalawampung taon, ang Indonesia ay isang maingay na demokrasya na ilang ulit na tumahak sa mahirap at di-tiyak na sitwasyon. Ginagamit ng sanaysay na ito ang lapit nina Juan Linz and Alfred Stepan sa pag-unawa sa demokratikong konsolidasyon upang tasahin ang demokrasya ng Indonesia dalawampung taon matapos ang pagpapatalsik kay Suharto. 1 Ipinakikita ng papel na gumalaw ang Indonesia tungong demokratikong konsolidasyon sa maraming erya – ang demokrasya ay naging ang bagong normal, subalit nananatili ang mga seryosong hamon tulad ng di-demokratikong mga organisasyong civil society, isang nanganganib at sa mga bahagi’y di-propesyunal na midya, kinasusuklamang mga partido pulitikal, kahinaan sa pagpapangibabaw ng batas, burukratikong korupsyon, at di-pagkakapangtay-pantay sa ekonomiya.
Rekisito: Pagka-estado
Para kina Linz at Stepan, may rekisito sa demokratikong konsolidasyon: ang pagka-estado. Dahil danas ng estado ang demokrasya, kung wala ang pagiging estado, hindi magsisimula ang demokrasya. Kung kaya, ang mga bansang dumaraan sa malalaking hamon ng separatismo ay nagkukumahog na magkonsolida ng demokrasya. Nang mag-demokratisa ang Indonesia noong 1998, marami ang nag-iisip kung kakayanin ng bansa na makapanatili nang walang awtorkratikong diktador na magbabantay sa mga rehiyon. Pinataas ng karahasang inter-komunal sa Ambon at Poso sa pagitan ng Kristiyano at Muslim ang prospek ng mas malawak na kaguluhan sa maagang yugto ng transisyon mula sa paghaharing awtoritaryan. Gayundin ang matagal nang separatistang tunggalian sa Aceh. Binigyan ng demokratisasyon ng opotunidad ang East Timor para bumoto sa isang reperendum hinggil sa kasarinlan na pinangasiwaan ng UN. Subalit, tulad ng kinalabasan, sa kabila ng malagim na karahasan, hindi ito ang nagbabala ng mas malawak na hamon sa pagka-estado ng Indonesia. Humiwalay ang East Timor, subalit hindi nito hinamon ang Indonesia sap ag-iral nito dahil sa hiwalay na kasaysayang pulitikal ng teritoryong yaon (nasakop lamang ito noong 1975). Pinahupa ng mga kasunduang pangkapayapaan sa Ambon, Poso at Aceh ang mga labanan sa mga lugar na yaon. Sa kabila ng mga seryosong hamon sa teritoryal na integridad nito, napanatili ng Indonesia ang pagka-estado nito.
Lipunang Sibil (Civil Society)
Ang lipunang sibil ay ang larangan, hiwalay mula sa estado, kungsaan nag-oorganisa ang mga mamayan sa mga grupo at asosasyon. Ang lipunang sibil ng Indonesia, partikular ang mga estudyante sa unibersidad, ay nag-ambag sa pagbagsak ni Suharto sa pamamagitan ng ilang buwan ng pagpo-protesta. Pagkatapos bumagsak ng diktador, nanatiling nakikisangkot ang publiko ng Indonesia, nag-oorganisa ng suporta sa batang demokrasya ng bansa. Sumulpot ang mga bagong grupo; nakakuha ng mga bagong espasyo ang mga dati nang organisasyon. Nagsama-sama ang mga Indonesian para maglunsad ng edukasyon para sa mga botante, magbantay sa halalan, magtaguyod ng karapatang pantao, at labanan ang korupsyon. Sinuportahan ng mga grupong ito ang mga bagong demokratikong kagawian.
Gayunpaman, ang ibang grupong nabuo, na hindi sumuporta sa umuunlad na demokrasya ng Indonesia, ay nagsamantala sa mga bagong kalayaan sa pag-oorganisa.
Inilagay ng Islamic Defenders’ Front (Front Pembela Islam, FPI) sa kanilang mga sariling kamay ang pagpapatupad ng mga Islamikong pagbabawal, gumagamit ng pwersa at intimidasyon laban sa mga Kristiyanong pagdiriwang, pag-inom ng alak, mamamayang LGBT, at yaong itinuturing na mga kakaibang Muslims. Nagsagawa din ang mga lokal na teroristang grupo at may ugnay sa Al Qaeda at pagkatapos ay sa ISIS ng mga atakeng pumuntirya sa mga hotel, stock exchange, lugar ng pananampalataya at mga panggabing palengke.
Nakaranas ng tagumpay ang Front Pembela sa kanilang panghihimasok na nakatulong para pigilang maluklok muli noong 2017 ang etnikong Tsino at Kristiyanong gobernador ng Jakarta na si Basuki Tjahaja Purnama (kilala bilang Ahok). Nagpakana ang FPI at iba pang organisasyon ng kampanya sa social media at mga protestang nakadisenyo sa pagpapalaganap ng mensahe na hindi dapat pahintulutan ang mga di-katutubo at di-Muslim na mamuno sa Indonesia na mayorya ay Muslim. Hiniling pa ng FPI ang pagsasakdal kay Ahok sa salang kalapastanganan kungsaan siya ay mahahatulan ng dalawang taong pagkabilanggo. Bagaman maaaring marami ang tumututol sa prangkang estilo at mga patakarang neoliberal ni Ahok, nagpahina sa demokrasya ng Indonesia ang pag-atake ng FPI batay sa etnisidad at relihiyon sa karapatan ng mamamayan ng Indonesia na humawak ng puwesto.
Umalagwa ang midya sa Indonesia sa panahon ng reporma, na nagpahintulot na marinig ang masaganang mga bagong tinig. Gayunpaman, may mga hamon pa rin sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa. Nasa ika-124 na pwesto ang Indonesia sa 180 bansa sa Reporters without Borders Press Freedom Index in 2018. 2 Nahirapan ang mga peryodista na mag-ulat sa ilang mga bahagi ng bansa, laluna sa Papua, West Papua, at Aceh. Gayundin, nakararanas at natatakot sa karahasan ang mga mamamahayag bunga ng kanilang pag-uulat, laluna kung may kaugnayan ang mga ito sa mga lugar ng labanan, mga relihiyosong extrimista, at korupsyon. Kabahagi din mismo ng suliranin ang ilang alagad ng midya dahil naniningil sila para sa positibong pag-uulat, hindi nagsisiyasat ng katunayan, o nagpapakita ng pagiging maka-isang-panig (maraming pulitikong Indonesian ang nagmamay-ari ng sariling mga kumpanya ng midya). Inaasahang gumanap ng malaking papel ang “pekeng balita” sa darating na rehiyunal at pambansang halalan.
Lipunang Pampulitika
Dagdag pa sa lipunang sibil, naganap din ang demokratikong konsolidasyon sa larangan ng lipunang pampulitika; dito, inoorganisa ng mamamayan ang kanilang sarili upang magpaligsahan para sa kapangyarihang pang-estado. Matapos bumagsak ni Suharto, nabuo ang daan-daang pampulitikang partido. Sa paglaon ay pinino ang mga batas kaugnay ng mga partido at halalan upang pakitirin ang bilang ng mga partido sa pamamagitan ng mga rekisito sa antas ng pambansang paglahok at suporta. Labing-anim na partdio lamang ang papayagang lumaban sa halalang sa 2019, kasama ang apat na partido lamang Aceh. Ang epektibong bilang ng mga partido, isang panukat na ginagamit upang tasahin ang bigat ng mga partido sa sistemang pampulitika, ay 5.1 noong 1999 at 8.9 noong 2014, 3 kungkaya, bagaman bumaba ang kabuuang bilang ng mga partido, tumaas sa aktwal ang bilang na minamahalaga. Nagbabago ang antas ng suporta sa bawat partido sa bawat halalan. Tatlong partido ang nanguna sa apat na halalang parliyamentaryo mula nang bumagsak si Suharto—ang Partai Demokrasi Indonesia-Perjuangan, Golkar, and Partai Demokrat. Direktang inihahalal ngayon ang malakas na panguluhan ng Indonesia, at mga koalisyong may isang antas ng suporta lamang ang maaaring magnomina ng mga kandidato. Mula 2004, niluklok sa kapangyarihan ng direktang halalang presidensyal ang personalistiko, sa halip na institusyunal/nakabatay sa partidong mga kandidato.
Lubhang sentralisado ang Indonesia sa panahon ni Suharto, subalit sa panahon ng reporma, mas naging desentralisado ang pulitika kungsaan nagkaroon ng higit na kapangyarihan at awtoridad sa mga lokal at rehiyunal na antas ng pamahalaan. Gayundin, na-demokratisa ang mga mababang antas sa pagkakaroon ng direktang halalan sa mga posisyon ng mayor, rehente, at gobernador. Nang sinubukan ng oposisyon sa ilalim ni Prabowo Subianto ng Gerindra na tanggalin ang direktang halalang rehiyunal noong 2014, nabigo ito dahil sa paggigiit ng publiko.
Nagpapakita ang tugon sa mga sarbey ng mga Indonesian nang malakas na suporta sa demokratikong halalan ng bansa. Sa sarbey ng International Foundation for Election Systems kasunod ng halalang 2014, 82% ng mga Indonesian ang nagsabing nasisiyahan o lubhang nasisiyahan sila sa proseso ng botohan sa pambansang halalang parliyamentaryo. 4 Kasama sa mga suliranin sa halalan ang mataas na gastos sa mga kampanya (na kailangang bawiin ng mga nahalal na opisyal at kailangang manghingi ng mga partido), pagbili ng boto ng mga kandidato, at hindi tamang listahan ng mga botante. Sa kabila ng mga suliraning ito, nananatiling mataas ang bilang ng bumoboto sa apat na halalan ng demokratisasyon ng Indonesia (75% noong 2014), na nagpapakita ng malakas na pakikisangkot ng publiko. 5
Samantalang naging regular na bahagi na ng demokratikong kapaligiran ng Indonesia ang halalan, may suliranin sa imahe ang mga partido. Noong maagang bahagi ng transisyon pagkatapos ni Suharto, nagpahayag ang mga mga lumahok sa sarbey ng opinyong publiko ng pagkiling sa alinmang isa sa mga bagong partidong pampulitika. Subalit ngaton, “humihina na ang katapatan ng mamamayan sa mga partidong pampulitika,” ayon kay Saiful Mujani Research Center executive director Djayadi Hanan. 6 Kasama sa mga dahilan ng pagkawala ng giliw ng publiko ay ang mga maboladas na ambisyosong pulitiko, pagtatayo ng koalisyon sa pamamagitan ng pagiging sipsip sa kapangyarihan, at kabiguan ng mga partidong magtatag ng matitibay na institusyon.
Pangingibabaw ng Batas
Isa pang larangan ang pangingibabaw ng batas kungsaan nagaganap ang demokratikong konsolidasyon. Para makonsolida ang demokrasya, dapat maging pantay sa batas ang lahat, kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan. Humusay ang pangingibabaw ng batas mula noong mga taon ni Suharto kung kailan ang batas ay “palamuti lamang,” ayon sa propesor ng University of Indonesia na si Hikmahanto Juwana. 7 Gayunpaman, nanatili ang signipikanteng mga suliranin. Ayon sa Rule of Law Index, ika-63 ang Indonesia sa larangan ng pangingibabaw ng batas sa 113 bansa. 8 Pinakamahina ang iskor ng bansa sa kriminal na hustisya at korupsyon. Kilalang tiwali ang mga hukom, tagasakdal at nagpapatupad ng batas. Ayon kay Hikmahanto, mga dahilan ng mga kahinaan sa pangingibabaw ng batas ang mababang sweldo, mahinang tauhan, at kakulangan ng pagkilala sa pag-aaral ng batas. 9
Burukrasya ng Estado
Dagdag sa pangingibabaw ng batas, nangangailangan ang konsolidadong demokrasya ng epektibong estado. Sino ang susuporta sa bagong demokrasya kung hindi nito kayang isakatuparan nang epektibo ang kanyang mga gawain? Sa maagang yugto ng transisyon, mistulang gumigiray ang estado ng Indonesia. Humarap ang bansa sa kristal, isang pangkalatang krisis: mga pagbabagong pampulitika, pagbulusok ng ekonomiya, karahasang komunal at panananalasa ng terorismo. Gayunpaman, nanatiling buhay ang estado ng Indonesia. Pinaghirapang itatag ng pulitika ang bagong sistemang konstitusyunal. Iniluwal ng halalang 2014 ang isang popular na pangulo na pinaniniwalaang makapagbibigay ng seguridad, isang susing tungkulin ng estado. Umakyat ang ekonomiya mula sa tumal ng krisis pampinansya (umiimpis na 13.8% noong 1998) para maabot ang mga tantos ng pag-unlad na 4-6% kada taon noong dekada 2000 na nagpataas ng kumpyansa ng publiko. Naiayos ang mga kasunduang pangkapayapaan sa Ambon at Poso upang pakalmahin ang mga inter-komunal na tension sa bansa. Matagumpay na natugis at nadakip ng anti-teroristang iskwad ng Indonesia na Detachment 88 ang mga terorista na nagpaliit ng banta sa bagong demokrasya. Nalampasan ng estado ang kristal at gumana ito.
Gayunpaman, lubhang tiwali ang burukrasya ng estado. Ayon sa 2017 Corruption Perceptions Index ng Transparency International, nasa ika-96 ranggo ang Indonesia sa 180 bansa. 10 Karaniwang tinutuligsa ng mga pulitiko ang korupsyon sa mga kampanya subalit nahihirapang labanan ito (kung sinusubok man) kapag nasa puwesto na. Nangangahulugan ang mababang sweldo na naniniwala ang mga opisyal na kailangang nila ang korupsyon para maka-iral. Kailangan ng mga partido ang salapi para makalaban sa halalan at makapanatili sa kapangyarihan, subalit mistulang ang tanging paraan para magkapondo ay kumita sa kanilang kontrol sa estado, hal. sa korupsyon. Kailangan ng mga pangulo ng koalisyon ng mga partido para maisulong ang kanilang mga adyenda, ibig sabihi’y kailangang nilang magbulag-bulagan sa korupsyon kung minsan upang protektahan ang kanilang mas masasaklaw na layunin. Na-demokratisa ang korupsyon habang naipapasa pababa ang kapangyarihan at pondo sa pulitikal na hirarkiya sa mga probinsya, distrito, at munisipalidad. Kalimitan nararamdamang ang Anti-Corruption Commission ng Indonesia, na malalim na nirerespeto ng mga Indonesian, ay tinatalo ng mga tinutugis nito.
Lipunang Ekonomiko
Nagaganap din ang demokratikong konsolidasyon sa larangan ng lipunang ekonomiko. Rekisito sa demokrasya na magkaroon ang lahat ng mamamayan ng pang-ekonomikong kapasidad para maka-impluwensya sa mga pampulitikang proseso. Magdudulot ng suliranin sa demokratikong konsolidasyon ang labis na kontrol sa rekurso ng alinmang entidad (estado) o grupo (orligarkiya).
Sa Indonesia, pinakamalaking hamon sa lipunang ekonomiko ang malubhang hindi pagkakapantay-pantay sa kita. Sa aktwal ay tumaas ang Gini coefficient, panukat sa di-pagkakapantay-pantay, sa pagtakbo ng panahon ng reporma: mula .30 noong 2000 tungong .41 in 2013; 11 ito ay mahalaga at nakagugulat na katotohanan. Sa maikling panahon, ang kilusang demokratisasyon na layuning ikalat ang kapangyarihang pampulitika, ay lalong nagkonsentra ng yaman sa di-pantay na paraan. Puno ang sistemang pampulitika ng mga milyonaryo, at maging bilyonaryo na nagpopondo ng mga partido o nagiging kandidato. Nagiging bentahe para sa mga kandidatong pulitikal ang pagkakaroon ng maraming salapi dahil sa mataas na gastos sa kampanya sa kapaligiran ng Indonesia na lubha ang impluwensya ng midya at sarbey. Subalit, suliranin para sa konsolidasyon ng demokrasya ng Indonesia ang sistemang pinanganagsiwaan ng mga elit.
Konklusyon
Sa paggamit ng pagsipat nina Linz and Stepan para unawain ang demokratikong konsolidasyon ng Indonesia sa nakaraang dalawampung taon, naipatatampok ang mga susing aspeto ng paglalakbay ng bansa. Sa kalakhan, ang demokrasya ang naging “ang tanging laro sa bayan,” ang bagong normal. 12 Nalampasan ng Indonesia ang mga hamon sa pagka-bansa nito, nakamit ang rekisito nina Linz at Stepan para sa demokratikong konsolidasyon. Dramatikong lumawak ang lipunang sibil; lumaganap ang mga kumpanya ng midya. Sa lipunang pampulitika, malawak na tinanggap ang halalan, at masaklaw ang paglahok dito. Nagpakita ng pagiging epektibo ang estado, partikular sa mga susing larangan ng pagpapayaman ng paglago at pagtatatag ng seguridad.
Subalit, ipinakikita sa atin ng salaan nina Linz at Stepan ang mga larangan kungsaan mahina ang konsolidasyon. Hindi lahat ng organisasyong civil society ay nakikibahagi sa bagong demokratikong kaugalian. Gayundin, may mga banta sa midya at sa ilang bahagi at pagkakataon ay hindi propesyunal. Mababa ang pagkilala sa mga pampulitikang partido, mahina ang pangingibabaw ng batas, at tumindi ang ekonomikong di-pagkakapantay-pantay mula nang bumagsak si Suharto. Nananatiling lubhang tiwali ang burukrasya ng estado. May posibilidad na ang bawat kahinaang ito ay makapagkalag ng demokrasya ng Indonesia kung mag-aambag ito sa pagtatanggal ng pagkilala sa bagong normal.
Paige Johnson Tan, Ph.D
Professor
Department of Political Science
Radford University, USA
References
Ahmad, Saidiman. “Elektabilitas PDIP dan Jokowi Terus Menguat.” Saifulmujani.com. January 3, 2018. http://saifulmujani.com/blog/2018/01/03/elektabilitas-pdip-dan-jokowi-terus-menguat (accessed March 6, 2018).
Gantan, Josua. “Rule of Law Seen as Indonesia’s Achilles Heel.” Jakarta Globe, April 17, 2014 http://jakartaglobe.id/news/rule-law-seen-indonesias-achilles-heel/ (accessed May 7, 2018).
IFES. Executive Summary on Indonesia Post-Election National Survey. June 2014. http://www.ifes.org/sites/default/files/indonesia_national_public_opinion_poll_june_2014_2014_executive_summary_2.pdf (accessed February 16, 2018).
Linz, Juan and Alfred Stepan. 1996. Problems of Democratic Transition and Consolidation. Baltimore: Johns Hopkins University Press.
Reporters without Borders. Press Freedom Index 2018. https://rsf.org/en/ranking (accessed May 11, 2018).
Thornley, Andrew. “Nine Takeaways from the Legislative Elections.” Elections in Indonesia. 2014. Asia Foundation. https://asiafoundation.org/resources/pdfs/IndonesiaElections.pdf (accessed February 16, 2018), pp. 6-7.
Transparency International. Corruption Perceptions Index. 2017. https://www.transparency.org/news/feature/corruption_perceptions_index_2017 (accessed May 11, 2018).
WJP. World Justice Project. Rule of Law Index 2017-2018. Undated. http://data.worldjusticeproject.org/#groups/IDN (accessed May 7, 2018).
World Bank. “Indonesia’s Rising Divide.” December 7, 2015. http://www.worldbank.org/en/news/feature/2015/12/08/indonesia-rising-divide (accessed May 7, 2018).
Notes: