Community Forestry at ang Pangangalaga sa mga Kagubatang Tropikal sa Asya

Wil de Jong

        

Mark Poffenberger, editor
Keepers of the Forest: Land Management Alternatives in Southeast Asia
(Mga tagapangalaga ng kagubatan: Mga alternatibong paraan ng pangangasiwa sa lupa sa Timog-silangang Asya)
West Hartford, Connecticut, U.S.A. / Kumarian Press / 1990

M. Victor, C. Lang, and Jeff Bornemeier, editors
Community Forestry at a Crossroads: Reflections and Future Directions in the Development of Community Forestry
(Mga pamayanan para sa kagubatan [Community Forestry] sa sangandaan: Mga kaisipan at patutunguhan sa pag-unlad ng mga pamayanan para sa kagubatan)
Bangkok / RECOFTC Report No. 16 / 1998
http://www.recoftc.org/pubs_interreports.html#Crossroads

Char Miller, editor
“Forest History in Asia”
(Kasaysayan ng kagubatan sa Asya)
Ispesyal na labas ng Environmental History 6 (2) 2001
[Naglalathala ang EH ng mga artikulo mula sa iba’t ibang bansa na tumatalakay sa interaksyon ng tao sa natural na kapaligiran sa takbo ng panahon. Ito ay isang interdisciplinary na publikasyon na lumalabas apat na beses sa isang taon at naglalaman ng mga pananaw mula sa kasaysayan, heograpiya, antropolohiya, mga agham-pangkalikasan, at marami pang ibang disiplina ng pag-aaral.]
Available online at http://www.lib.duke.edu/forest/ehmain.html

Christopher Barr and Ida Aju Pradnja Resosudarmo
Decentralizaiton of Forest Administration in Indonesia: Implications for Forest Sustainability, Community Livelihoods, and Economic Development
(Desentralisasyon ng administrasyong pangkagubatan sa Indonesia: Mga implikasyon para sa ikatatagal ng mga kagubatan, kabuhayang pampamayanan, at pagbabagong pang-ekonomya)
Bogor, Indonesia / CIFOR Panahunang Papel / Malapit nang lumabas 

Halos tatlong dekada na ang itinagal ng mainit na pagtatalo hinggil sa kung sino ang nararapat humawak sa stewardship o pangangalaga sa mga kagubatang tropikal sa Asya. Kabilang sa stewardship ang responsibilidad para sa kagalingan ng mga kagubatan at gayundin ang karapatang makinabang sa mga likas na kayamanan.  Sa isang banda ay ang panawagan na ilagay ang stewardship sa kamay ng mga pamayanang rural na naninirahan sa loob mismo o malapit sa mga kagubatan; sa kabilang banda naman ay ang mga hindi mapaniwala sa praktikalidad nito.  Binabalikan sa sanaysay na ito ang itinakbo ng debateng ito mula sa umpisa hanggang sa kasalukuyan, batay sa apat na sulatin.

Ayon sa mga pumapanig sa communal forestry tulad ng mga NGO, ang mga lokal na grupo na naninirahan sa mga liblib na pook ng mga bansang tulad ng Indonesia, Thailand, Pilipinas, at India ay ilang dantaon nang nangangasiwa sa mga kagubatan.  Nagbibigay ang ilang kontribyutor ng mga halimbawa ng matagumpay na pamamalakad mula pa sa panahong pre-kolonyal, na sa kalaunan ay pinalitan ng mga komersyal na interes noong huling bahagi ng ika-19 na dantaon.  Sa panahong kolonyal din itinatag ang mga kagawarang pangkagubatan; sa kasalukuyan, ang mga ito ang sumasalungat sa pagkakaroon ng kasaysayan ng lokal na pangangasiwa sa kagubatan.

Nagpatuloy ang mga post-kolonyal na pamahalaan—na suportado ng mga organisasyong internasyunal—sa paniniwala sa “makabago” at mapang-abusong pamamalakad sa kagubatan hanggang sa lumitaw sa diskursong pangkaunlaran ang mga katanungan hinggil sa epekto ng kaunlarang pang-ekonomya sa likas na kayamanan at kapaligiran. Pagsapit ng dekada otsenta, lumabas ang konsepto ng pagbabalik sa mga lokal na pamayanan ng pangangasiwa sa mga kagubatang tropikal, para sa kanilang kabuhayan at para sa ikabubuti ng kagubatan.  Pagsapit ng dekada nobenta, ang konsepto ng community forestry ay tumugma sa tendensya patungong desentralisasyon.  Sa kasamaang palad, ang naging resulta nito ay higit pang pagsasamantala dulot ng paglalayong tumubo ng mga bagong-luklok na opisyal ng distrito at mga elit ng pamayanan sa pamamagitan ng mga kunsesyon sa pagtotroso at plantasyon para sa langis ng niyog.

Sa kabila ng mga positibong halimbawa—halos 3 milyong ektarya ay nakapailalim sa kontrol ng lokal na pamayanan sa Pilipinas—ang kabuuang larawan ay kakikitaan ng mga sentral na awtoridad na ayaw bumitaw sa pinagmumulan ng malaking tubo.  Sakaling ibigay nga sa lokal na pamayanan ang pangangalaga, ito ay kadalasang sa mga sira o mababang uri ng kagubatan, mas pabigat kaysa sa puhunan para sa mga pamayanan.  Kinakailangang talakayin sa darating na panahon na ang mga kagubatan ay napakahalaga sa parami nang paraming interes.  Maaaring gumanap ng malaking papel ang mga lokal na pamayanan sa pangangalaga sa mga kagubatan—kung may kumpensasyon—subalit batay sa pagkasalimuot ng mga karapatan at interes, maaaring sabihing ang kinabukasan ay nasa hatian ng pangangasiwa.  Ang tunggalian ay lilipat mula sa kung sino ang dapat humawak ng pangangasiwa patungo sa kung paano isasapraktika ang communal stewardship at magagawa itong kaakit-akit sa mga pamayanan, habang sinasagot din ang mga pangangailangan ng iba pang mamamayan.  (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Wil de Jong
Wil de Jong is a scientist at the Center for International Forestry Research in Bogor, Indonesia. He can be reached at w.de-jong@cgiar.org

Read the full unabridged article HERE

issue_2_banner_small