Eleksyon sa Malaysia: Muling Pagbubukas sa Debate

Sharaad Kuttan, Norani Othman, Mavis C. Puthucheary, at Ibrahim Suffian

Ang mga sumusunod na sanaysay ay nakabatay sa pagsusuri at konklusyon ng IKMAS Electoral System Research Project (Phase I) at sa surbey sa Phase II hinggil sa “Pagtingin ng mga Botante sa mga Pambansang Usapin, Optimismong Pang-ekonomya, Katiwaliang Edukasyon at Pulitikal na Pakikilahok” na isinagawa noong huling bahagi ng Disyembre 2003.  Ang mga resulta ay unang ibinukas sa publiko noong ika-24 ng Pebrero 2004.  Ang proyektong IKMAS ay naglayong suriin ang sistemang elektoral sa Malaysia at magsagawa ng mga rekumendasyon tungo sa pagpapabuti ng sistema upang makamit ang malaya at makatarungang halalan.

Bakit Mahalaga ang Halalan

Kinakailangan lamang na isipin ang kagaganap na tunggalian sa Islamikong Republika ng Iran para makakuha ng malinaw na ideya kung “bakit mahalaga ang halalan.”  Sa kanyang pahayag noong 2003 sa Majlis (parlyamento) hinggil sa sabay-sabay na pagbibitiw sa tungkulin ng may 124 sa 290 na kasapi nito, sinabi ng Repormistang mambabatas na si Rajab Ali Mazrouie na “ang halalan kung saan ang resulta ay malinaw na bago pa man ito isagawa ay pagtataksil sa mga karapatan at mithiin ng isang bansa.”  Ang labanan sa pagitan ng nahalal na kilusang Repormista laban sa di-nahalal na Guardian Council ay ilang linggo nang kumukulo, kung kailan ang dalawang susing institusyong ito ay umapela sa magkaibang-magkaibang pinagmumulan ng kanilang lehitimasya—ang isa sa “mamamayan” at ang kabila sa “kagustuhan ng Diyos.”

Ang papel ng Council ay iayon ang demoratikong tulak ng mga mamamayang botante sa katangiang Islamiko ng Saligang-batas ng Iran.  Ang papel na ito ay nagipit itong nakaraang mga taon dulot ng, kabilang sa iba pang mga salik, isang henerasyong ipinanganak matapos ang rebolusyon na may napakaibang mga ekspektasyon.  Sa halip na hanapan ng solusyon ang mga tensyong ito—gumanap bilang mekanismo para sa checks and balances—nagpasya ang Council na palitan ang mga alituntunin ng laro.  Sapagkat hawak nito ang kapangyarihang aprubahan o diskwalipikahin ang mga kandidato para sa halalan, pinili ng Council na tanggalin ang mga nakikita nitong kalaban, at sa gayo’y nagpabilis sa isang krisis.  Bakit makikilahok sa isang laro kung saan ang mga alituntunin ay nilikha para matalo ka at ang mga referi ay may kinikilingan?  Sa bandang huli, binoykot ng mga Repormista ang halalan, na humantong sa pagkapanalo ng mga kandidatong konserbatibo.

Anumang puna ang mayroon sa katangiang demokratiko ng lipunang Iranian sa kasalukuyan, hindi maitatanggi na ang mga halalang popular itong nakaraang mga taon ay nagresulta sa isang Majlis na ibang-iba sa yaong matapos ang Rebolusyon.  Ang Iran ay isa lamang halimbawa kung paano ang modernong sistemang pulitikal ay maaaring madiskaril kapag pinapakialaman ang sistema ng “malaya at makatarungang” halalan.

Ang mga halalan ay inilulunsad sa karamihan ng mga bansa sa pamayanang internasyunal, na ang marami ay maaaring ituring na hindi “demokratiko.” Pamahalaang kolonyal, estadong Komunistang iisang-partido, huntang militar, o demokrasyang liberal man, ang mga halalan ay gumagawad ng “lehitimasya” sa mga pamahalaan, na kung wala ito ay koersyon lamang ang paraan para mamuno.  Sa katunayan, ang mga Malay ay maaaring tanungin ang kanilang mga sarili kung bakit ang National Operations Coucil, na umagaw sa kapangyarihan ng Parlyamento matapos ang mga kaganapan ng “Ika-13 ng Mayo” [1969] at namuno sa pamamagitan ng batas militar, ay muling nagbalik sa demoratikong halalan noong 1974.

Ang pag-oorganisa ng malawakang botohan ay maaaring madali; ang pagbibigay- kahulugan nito para sa mga makikilahok ay iba namang usapin.  Samantalang ang mga pormal na istraktura ng isang halalan ay mahalaga, ang kalidad ng pagpapatakbo nito ay makabuluhang palatandaan sa demokratikong katangian ng sistemang ito.  Mahilig ang mga iskolar na pag-ibahin ang tinatawag nilang “procedural democracy” at “substantive democracy” para maiwasan ang pagkabulag sa pagkakaroon ng pormal na istrakturang institusyonal sa pagsusuri sa sistemang demokratiko ng isang bansa.  Ang mga katanungan ng kultura at lipunan ay maaring isaalang-alang sa isang kabuuang pag-unawa sa kung paano lumilikha ang sistema ng pamumunong tunay na popular at kumakatawan sa mamamayan.

Samantalang ang mga pamantayang unibersal para sa pagpapatakbo ng “malaya at makatarungang” halalan ay napaunlad, ang mga usapin ng representasyon at demokratikong pamumuno ay nanatiling bukás na mga konsepto na nangangailangan ng patuloy na pagdedebate.  Ang muling pagbubukas sa debateng ito sa Malaysia ay isang kagyat na tungkulin.

Simulan natin sa isang kilalang katotohanan: 1.2 milyong ligal na botante—sampung porsyento ng lahat ng mga mamamayang maaaring bumoto—ang hindi negrehistro para makilahok sa darating na halalang heneral.  Sinasalamin ba nito ang pagka-walang pakialam ng publiko, ang mabusising proseso ng pagrerehistro, kakulangan sa impormasyon, o protesta sa sistema?

Samantalang ang mga halalan sa Malaysia ay karaniwang kinatatangiang ng mataas na bilang ng mga bumoboto kung ikukumpara sa pamantayang internasyunal, ang malaking bahagi ng buhay publiko at paggawa ng patakaran ay hindi hinihingan ng demokratikong pakikilahok.  Maliban sa pagboto kada limang taon para sa mga kasapi ng Parlyamento at Pambansang Kapulungan, ang mga mamamayan ay iilan lamang ang pagkakataon para kulektibong iparinig ang kanilang mga hinaing sa mga namamahala.  Sa katunayan, ang mga namamahala ay madalas tumingin sa kanilang pagkapanalo sa halalang heneral bilang mandato para mamuno nang walang anumang pagsasaalang-alang sa mga sumusunod na taon.  Samantalang sa ilang mga bansa ang mga reperendum ay karaniwang gawain at naglulunsad ng halalan para sa mas maraming antas ng pamahalaan, mistulang nagpaunlad tayo ng makitid na uri ng demokrasya.

Ibig sabihin ba nito na ang sistemang demoratiko ng Malaysia ay mataas ang puntos sa pamamaraan subalit mababa sa esensya?  Paano ang representatibong katangian ng sistema—gaano ito lumilihis sa prinsipyo ng isang tao, isang boto?  Sa katunayan, napababa ba ang puntos maging sa aspetong pamamaraan ng sistema ng gerrymandering (salitang inimbento sa Estados Unidos) batay sa etnisidad at partidong kinasasapian?

 Ang Asian Network for Free Elections na nakabase sa Bangkok ay sinabi ito tungkol sa ating sistema: “Ang Malaysia ay isang bansa na nagtataglay sa ilang mga katangian na nangangako nang mabuti para sa paglulunsad ng malaya at makatarungang halalan.  Ang ibayong rekursong pantao at imprastraktura, ang sigla at interes ng mga mamamayang Malay na makilahok sa pulitika ng kanilang bansa, ang mga pag-unlad sa information technology at ang epektibong pagpapaloob nito sa proseso ng halalan, ay ilan lamang na halimbawa sa bandang ito.  Subalit ang pangako ng ganitong halalan ay dinadaig ng kasalukuyang sistema ng batas at pulitika sa Malaysia.  Ang sistemang ito ay ipinaunlad at ipinapatupad sa isang paraan na nagbibigay ng malinaw na lamáng sa naghaharing koalisyon.” (Hulyo 2000)

Ang konklusyong ito ay hindi kinakailangang maging depinitibo, gayunpaman, at humihingi ng higit pang debate.  Ang pamumuhunan ng mga rekurso at pag-iisip tungkol sa ating sistemang demokratiko—pamamaraan at esensya—ay mahalaga kung gagawa tayo ng sistemang tunay na tumutugon sa mamamayang diumano’y pinagsisilbihan nito.  Tungo sa layuning ito, ang mga iskolar at aktibista ay nagtangkang tukuyin ang mga problema ng sistema upang makapagsagawa ng mga reporma bago magkaroon ng krisis sa lehitimasya.

Sa Institut Kajian Malaysia dan Antarabangsa (IKMAS), Universiti Kebangsaan Malaysia, ay nagsasagawa ng ganitong pag-aaral.  Pumasok sa loob ng pagsusuri nito ang isang hanay ng mga institusyon, kaugalian, at paraan ng pag-iisip tungkol sa demokrasya: ang proseso ng pagrerehistro sa mga botante, ang pagiging eksakto ng talaang elektoral, limitadong akses sa impormasyon, mga kaugaliang bumabalewala sa pagiging lihim ng boto, ang di-pagkakaroon ng tunay na tagapangalagang pamahalaan para maglunsad ng halalan, pang-iipit sa pederalismo, ang lumiliit na pagsasarili ng Election Commission, ang di-lubos na partisipasyon ng kababaihan, ang pagkawala ng halalan sa lokal na pamahalaan, ang pagpasok ng pulitika sa “re-delineation exercise,” ang mga hadlang sa pakikilahok ng mga NGO at civil society, limitadong demokrasya sa loob ng mga partido pulitikal, ang pangangailangan para sa pagrereporma ng batas, at maraming pang ibang usapin ang nasa agenda para sa talakayan.

Nalilimitahan sa iilan pa lamang na iskolar, ang talakayan ay dapat maipaabot sa mas malawak na tagapakinig.  Sapagkat ang isang publikong may pakialam at mulat, na nananawagan para sa pagbabago, ang siyang magpapalalim sa buhay demokratiko sa Malaysia.  Sa susunod na apat na sanaysay, maghaharap kami ng maraming usapin sa ilalim ng apat na malawak na paksa: una, ang pag-unlad ng sistemang pulitikal; pangalawa, ang kahalagahan ng mamamayang mulat; pangatlo, ang pagtakbo ng Election Commission; at panghuli, repormang elektoral at ang hinaharap para sa higit pang demokratisasyon sa buhay ng Malaysia. Panimulang hakbang lamang ito para sa dapat ay mas malawak pang debate.

election_words

Ang Pamanang Pangkasaysayan at Pag-unlad ng Sistemang Pulitikal

Ang mga repormang pulitikal tungo sa mas malawak na demokratikong pakikilahok ay madalas dumarating bilang sagot sa krisis pulitikal.  Sa Bretanya, halimbawa, ang mga sunud-sunod na digmaang sibil ay nagresulta sa Bill of Rights na nagtala sa mga karapatan ng mamamayan at hari.  Sa mga bansang umuusad mula sa estadong kolonyal tungo sa demokratikong pamumuno sa sarili, ang pag-unlad ng sistemang pulitikal sa panahon bago ang transisyon sa demokrasya ay madalas na humuhubog sa susunod na panahon.

Sa historikal na pag-unlad ng ating sistemang elektoral, ang taong 1955—dalawang taon bago ang Pagsasarili—ay mahalagang palatandaan sapagkat noon unang naganap ang halalan sa pambansang antas.  Sa gayon, ito ay mabuting simula sa pag-intindi sa prosesong elektoral, subalit mahalagang isaalang-alang na matagal nang mayroong mga partidong pulitikal bago pa noon.  Ang mga partido ay binuo bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang kilusang protesta laban sa pamahalaang kolonyal ng mga Ingles.  Bagamat ang mga naunang partidong ito ay madalas na umaakit ng kasapian mula sa iisang grupong etniko, ang mga ito ay binubuklod ng ideolohiya at kadalasa’y sosyalista ang paninindigan.  Pagkatapos ng digmaan, sa kabilang banda naman, itinatag ang ilang partido pulitikal na nakabase sa mga grupong etniko, upang diumano’y ipagtanggol at itaguyod ang interes ng mga partikular na “pamayanan.”  Halimbawa, ang UMNO ay binuo bilang sagot sa inihahaing pagbabago sa saligang-batas noong 1945 na nakitang labag sa interes ng Malay, at hindi pa bilang protesta sa paghaharing kolonyal.

Mayroong panahong nagkasabay ang dalawang uri ng partido pulitikal na ito.  Subalit ang pagpasok ng pulitika sa etnisidad, kasama na rin ang mga sapilitang pagkilos na isinagawa ng mga Ingles sa kapangyarihan laban sa mga pwersang maka-kaliwa, ay nagresulta sa paglubog ng mga partidong binubuklod ng ideolohiya at paglitaw ng sistemang partido na nakabatay sa etnisidad, isang importanteng katangian ng ating kasalukuyang sistemang pulitikal.

Ang ikalawang katangian ng ating sistema ay ang pangingibabaw ng koalisyong multi-partido, nagsimula bilang Alliance Party at sa kalauna’y pinangalanang Barisan Nasional (BN).  Ang pangingibabaw na ito ay maaaring maiugat sa panahon bago ang pagsasarili.  Sa kabila ng magkakaiba at magkakatunggali pa nga na mga pulitikal na pananaw ng mga partido, ang introduksyon ng mga Ingles as halalan sa antas ng konsehong pang-munisipyo noong unang mga taon ng dekada singkwenta ay nagbigay ng insentibo para sa pagtutulungan sa pagitan ng magkakaibang grupong etniko.  Ito ay sapagkat ang mga botante sa syudad ay halu-halo ang etnisidad.  Upang makuha ng mga kandidato mula sa mga partidong nakabatay sa etnisidad ang kahit ilang mga boto mula sa ibang mga grupong etniko, kinailangan ang isang kasunduang elektoral.  Nagkasundo ang mga partidong nakabatay sa etnisidad na hindi labanan ang isa’t isa at hinimok ang kanilang mga tagasuporta na iboto ang kanilang mga kaalyado sa koalisyon.  Ang ganitong kaugalian ng “vote-pooling” na tumatawid sa mga grupong etniko ay naging mabuti ang resulta at ang nagsimula bilang ad hoc na kasunduang elektoral ay ininstitusyonalisa sa pamamagitan ng pagbuo sa koalisyon ng Alyansa.

Ang tagumpay ng Alyansa sa mga halalan para sa lokal na pamahalaan ay nagtulak sa mga pinuno nito na akalaing nahanap na nila ang epektibong solusyon para makuha ang kapangyarihang pulitikal mula sa mga Ingles.  Sa gayon, pinangunahan nila ang isang pambansang kilusang makabayan na nanawagan para sa wakas ng paghaharing kolonyal.  Ang pakikilahok at pagkapanalo sa pambansang halalan noong 1955—para sa dating asemblea kung saan hindi ang lahat ay kailangang maihalal—ay mahalaga para sa dalawang dahilan.  Palatandaan ito na ang bansa ay umuusad na mula sa kolonyal na estado tungo sa pagsasarili.  At nagbigay ito ng lehitimasya at kapangyarihan sa isang bagong pampulitikang elit habang pinag-uusapan ang paglipat ng kapangyarihan.  Ang halalang ito ay isinagawa hindi alinsunod sa universal suffrage, sapagkat ang mga botante ay karamiha’y mula sa lalawigan at binubuo ng mga Malay.  Subalit sa kabila ng pinaliit na insentibo para sa pagtutulungan sa pagitan ng mga etnikong elit, nagpatuloy ang mga pinuno sa kaugalian ng “alyansang inter-etniko.”

The logo of theBarisan Nasional party who over the years has shaped Malaysia's democratic system.
The logo of theBarisan Nasional party who over the years has shaped Malaysia’s democratic system.

Ang tagumpay ng mga kandidato nito noong 1955 ang nagsemento sa papel ng Alyansa bilang nangungunang partido sa bansa.  Sa paglaon, pinalawak ng Alyansa ang base ng suporta nito sa pamamagitan ng pag-asimila sa ilang partidong oposisyunal.  Hindi lamang nito tiniyak ang patuloy na tagumpay sa halalan kundi ay kinumbinse ang mga Ingles na ang kapangyarihan ay maisasalin sa isang pamahalaang kakatawan sa lahat ng malaking grupong etniko at hindi lamang ang Malay.

Sa paglipas ng taon, ang sistemang demokratiko ng Malaysia ay hinubog ng pangingibabaw ng BN.  Ayon sa iskolar na si Khoo Boo Teik, na nakabase sa Penang, ang BN ay “hindi lamang resultang historikal ng sistemang pulitikal kundi ang pinakamatagumpay na kalaban sa prosesong elektoral.  Ang kabaligtaran nito ay totoo rin: nagawa ng BN na gamitin ang patuloy nitong paghahari sa lahat ng antas (nang mayroong mahahalaga subalit mangilan-ngilang eksepsyon sa mga pamahalaang pang-estado at lokal) mula 1957 para hubugin ang sistemang pulitikal at ang prosesong elektoral alinsunod sa mga pananaw at pangangailangan (bagamat mayroong pagtutol) ng naghaharing koalisyon.”

Ang ikatlong lumitaw na katangian ng sistemang pulitikal ay bagamat malinaw na pinahihintulutan ang bahagyang partisipasyong pulitikal—makikita sa paglulunsad ng regular na halalan—ang lawak at lalim ng partisipasyong pulitikal ay lubhang limitado.  Isang kadahilanan para rito ay muling maiuugat sa halalan ng 1955.

Isang tanda ng pagkamamamayan sa loob ng demokrasya ay ang karapatang bumoto.  Noong halalan ng 1955, malalaking bahagi ng populasyong Tsino at Indian na nasa sapat na gulang ay pinagkaitan ng karapatang bumoto sapagkat hindi pa naisasaayos ang kanilang katayuan bilang mamamayan.  Matapos bawiin ang mga mungkahing pagbabago sa saligang-batas na magbibigay ng pantay na karapatang pulitikal sa lahat ng ipinanganak sa bansa anuman ang kanilang lahi, nagpasya ang mga Ingles na ang usaping ito ay mas mabuting pag-usapan ng mga lokal na pinuno.  Subalit samantalang nagkasundo ang mga pinuno ng Alyansa sa ibang mga bagay, ang usapin ng pagkamamamayan ay nabinbin hanggang sa matapos ang halalan.

Ang eksklusyon ng maraming Tsino at Indian sa halalan ng 1955 ay nagkaroon ng mahalagang epekto sa pagtatakda ng limitasyon sa pulitikal na pakikilahok. Bagamat ang prankisa sa kalaunan ay ibinigay sa maraming Tsino at Indian na nasa sapat na gulang, ang naunang pagkilala sa karapatang bumoto ng mga Malay ay nagbigay sa UMNO ng dominanteng papel sa pagtatatag sa mga batayan ng sistemang pulitikal.  Minsang ang dominanteng pusisyon ng UMNO sa naghaharing koalisyon ay nasemento, ginamit nito ang kapangyarihan sa estado upang matiyak ang pananatili ng pangingibabaw nito, kahit matapos ibigay ang karapatang bumoto sa mga di-Malay.  Isinagawa ito sa pamamagitan ng isang uri ng gerrymandering batay sa etnikong kumposisyon ng populasyon.  Ang paglikha ng malaking bilang ng mga maliliit na distrito sa mga lalawigan (kung saan mas maraming Malay ang naninirahan) at mas kaunting bilang ng mga malalaking distrito sa mga syudad (kung saan mas maraming Tsino ang naninirahan) ay nagresulta sa mas maraming distrito na nakararami ang mga Malay kaysa sa aktwal na proporsyon ng mga Malay na botante.  Bilang nangungunang partidong Malay, ang dominasyon ng UMNO sa pulitika ay nagpapatuloy sa pamamagitan ng sistemang nagpapataw ng mahigpit na mga limitasyon sa lalim at lawak ng pulitikal na pakikisangkot.

Ano ang naging epekto ng mga istraktural na pagkiling na ito—lumitaw sa panahong kolonyal at pinaunlad ng pampulitikang elit—sa konsepto at pagsasagawa ng demokrasya sa Malaysia?  Ang tradisyunal na teorya hinggil sa representatibong demokrasya ay nakasandig sa dalawang prinsipyo.  Una, ang tungkulin ng isang kasapi sa parlyamento (MP) mula sa anumang partido ay ang magsilbing kinatawang nagsasarili ng kanyang buong distrito at tagapagtaguyod sa malawak na interes ng publiko at hindi lamang sa makitid na interes ng kanyang partido.  Pangalawa, dapat ay may pananagutan ang pamahalaan sa buong pamayanang kinakatawan ng Parlyamento.  Paano ipinapatupad ang dalawang prinsipyong ito sa Malaysia?

Sa kaugalian, sa mga sistemang pampartido ng maraming bansa, kabilang ang Malaysia, ang mga “backbench” na MP sa naghahari at maging sa mga partidong oposisyunal ay inaasahang susuporta sa mga patakaran ng kanilang mga pinuno.  Tinitiyak ng mahigpit na disiplina sa loob ng partido na wala silang sasabihin na maaaring maintindihan bilang labag sa pananaw ng kanilang partido.  Sa Bretanya, ang ganitong kunsentrasyon ng responsibilidad sa paggawa ng patakaran sa mga nakaupo sa unahan ng parlyamento ay pinuna dahil sa nagreresulta ditong di-pakikilahok.  Halimbawa, ang pamahalaang Labour ay iniipit na pahintulutan ang mga “backbencher” na bumoto ayon sa kanilang kunsyensya hinggil sa pagbibigay ng Bretanya ng suporta sa pag-atake ng Estados Unidos sa Iraq.

Sa Malaysia rin, ang mahigpit na disiplinang pampartido ay tumitiyak na ang mga “backbencher” ay susunod sa linya ng partido.  At ang katunayang ang naghaharing partido ay nanalo sa lahat ng heneral na halalan (maliban sa yaong inilunsad noong 1969) nang may mayoryang dalawang-katlo ay nagresulta sa pagiging mahina ng oposiyon sa Parlyamento at malimit na pagsasantabi sa mga pananaw nito.  Bunga nito, ang Parlyamento bilang institusyon ay naging inutil, bagay na masasalamin sa kalidad ng mga debate sa parlyamento.  Habang ang popular na pakikilahok ay nililimitahan sa loob at labas ng Parlyamento, umunlad ang isang oligarkista, elitista at awtoritaryan na paraan ng pamumuno.

Sa mga kalagayang ito, ang isang mulat na elektorado ang susi sa pagpapaibayo sa lawak at lalim ng pampulitikal na pakikilahok.

Ang Botanteng Malay: Isang Paglalarawan

Ang isang mulat na elektorado ang pundasyon ng gumaganang demokrasya, ayon kay James Madison, may-akda ng saligang-batas ng Estados Unidos at ikaapat na pangulo ng Estados Unidos. “Ang pamahalaang popular, na walang popular na kaalaman o paraan para makamit ito, ay prologo lamang sa isang komedya o trahedya… ang mga taong naglalayong pamunuan ang kanilang sarili ay dapat armasan ang kanilang sarili ng kapangyarihang ibinibigay ng kaalaman.”

Ang mga kapasyahan ng mga Malay na botante ay hinuhubog ng kanilang mga iniisip, motibasyon, at pinagkakaabalahan.  Nakasalalay din ang mga ito sa kung paano iniintindi ng mga botante ang impormasyong kanilang natatanggap, ang iba’t ibang pinagmumulan ng impormasyon, at ang napakaraming salaang panlipunan kung saan nagdaraan ang impormasyon.  Di na kinakailangang banggitin na ang dami at kalidad ng impormasyon ay magbibigay ng kulay sa mga persepsyon at sa gayo’y maging sa katangian ng pakikilahok sa prosesong pulitikal.

Paano natin mauunawaan ang kumplikadong prosesong ito?  Ang Merdeka Center, isang nagsisimulang kumpanya para sa panlipunang pananaliksik, kaakibat ang IKMAS, ay naglunsad ng mga surbey na kantitatibo at kalitatibo upang mabigyang liwanag ang botanteng Malay.  Sumusunod ang ilang mga resulta ng surbey.

Nalaman na ang napakalaking bilang ng mga rehistradong botante sa Peninsula ay tumutukoy sa mainstream media (na kinabibilangan ng libreng istasyong pantelebisyon, mga istasyon ng radyo, at nangungunang mga pahayagan sa bernakular) bilang pangunahing pinagmumulan ng kanilang impormasyon hinggil sa pulitika at kaganapan.  Sa kabila nito, ang “believability rating” ng mainstream media ay relatibong mababa.  Karamihan ng mga sumagot sa surbey ay nagbigay ng katamtaman lamang na puntos para sa kredibilidad ng mga ulat sa mga kaganapan o mga pulitiko.  Ang paulit-ulit na eksposyur ay mukhang hindi tumitiyak sa pagiging reseptibo ng mga mambabasa ng dyaryo at manonood ng telebisyon.

Sa mga panayam sa mga botante, partikular sa mga nasa edad trenta pababa, lumilitaw ang mga makabuluhang pananaw tungkol sa balangkas ng impormasyon, lalo na sa mga balitang pampulitika.  Nalaman na ang mga botante ay hindi lamang ito binabasa nang may buong pagtanggap, kundi ay sinusuri rin nila kung ano ang paraan ng pagkakasulat at pag-iisip sa mga bagay na maaaring hindi binanggit sa artikulo.  Ang mga pakwentong feedback mula sa mga sumagot sa surbey ay nagbibigay ng pananaw na ang impormasyong galing sa mainstream ay kadalasa’y “predictable” at “one-dimensional”—na hindi sapat ang binibigay nitong magkakaibang pananaw para mapabuti ang pagkakaintindi ng mga tao sa mga partikular na usapin.

Ang pangangailangan para sa balanseng pag-uulat ng balita ay ibayo ang kahalagahan para matulungan ang mga botante sa makabuluhang paglahok sa prosesong pampulitika.  Ang resulta ng surbey ay nagpapakita na ang mga tao ay may kakayahan at gumagawa ng mga pagpapasya, sa kabila ng kakulangan ng balanseng impormasyong kanilang natatanggap, bagamat sa paraang nagpapahirap at nagpapalito sa kanila.

Pinapakita rin ng mga resulta na upang mapangibabawan ang mga kakulangan sa impormasyon, karamihan sa mga botante ay umaasa sa mga pakwentong “balita” na ipinapasa ng mga kaibigan, katrabaho at kamag-anak.  Sinusundan ito ng mga alternatibong pinagmumulan ng impormasyon tulad ng mga lathalain ng mga partido pulitikal, mga polyeto, o talumpati.  Ang papel ng Internet bilang midyum para sa pagpapalaganap ng balita ay nananatiling maliit kung itatabi sa malawak na kambas ng populasyong botante, subalit ang masusing pagsusuri ay nagpakitang malaki ang potensyal nito para sa pag-unlad, lalo na sa mga mas batang botante.  Halos isa sa lima ng mga ito ay kumukumpirma ng paggamit sa Web upang magkaroon ng dagdag pang kaalaman sa mga kaganapang pulitikal.  Lumabas din sa surbey na ang mga partido pulitikal ay maliit lamang ang papel sa pagpapalaganap ng impormasyon—16 porsyento lamang ng mga nakisapi o sumusuporta sa mga partido pulitikal ang gumawa nito upang “mas marami pang malaman” tungkol sa pulitika at sa mga nangyayari sa paligid nila.

Nalaman naming karamihan sa mga botante ay kuntento nang “iwan ang pulitika sa mga pulitiko.”  Halos dalawa sa bawat tatlong taong kinapanayam ang nagsabing “hindi sila masyado o walang anumang interes” sa pulitika.  Ang bilang na ito ay kadalasa’y katumbas ng mga nagsasabing hindi sila kasapi sa anumang partido pulitikal.  Gayunpaman, ang mas malapit na pagsusuri ay nagpapakitang ang antas ng interes sa pulitika ay nagbabago ayon sa paglalarawang demograpiko.

Lumabas sa surbey na ang mga Malay ay malamang na doble ang interes sa pulitika at anim na beses na mas malamang na sumali o kumiling sa isang partido pulitikal bilang kasapi ng ibang mga grupong etniko.  Nalaman din na ang mga lalaki ay dalawang beses kaysa sa babae na maging aktibong kasapi ng partido pulitikal, bagamat kung proporsyon ang pag-uusapan mas maraming kababaihan ang nakikita ang kanilang sarili bilang tagasuporta ng mga partikular na partido pulitikal.  Taliwas sa inaasahan, walang lumitaw sa surbey na malinaw na kaugnayan sa pagitan ng edad at interes sa pulitika.  Pinapakita ng resulta na ang mga taong mababa sa edad trenta ay magkatulad din ang interes sa pulitika ng mga nakatatanda sa kanila.

Anuman ang mga pananaw ng mga botante sa pulitikal na pakikilahok o antas ng pagtiwala nila sa mga pinagmumulan ng impormasyon, kinumpirma ng surbey ang matagal nang kinikilalang katotohanan na ang mga botante ay pinakaabala sa mga batayan at praktikal na aspeto ng pamumuhay.  Kabilang sa kanilang mga interes ang: umuunlad na ekonomya na magdudulot ng mas maraming trabaho, mas mataas na kita, at pagtupad sa mga regular na tungkulin sa tahanan; isang ligtas at may seguridad na kapaligirang malaya sa kriminalidad at katiwalian ng mga opisyal; at isang progresibo at kumpetitibong sistemang pang-edukasyon na maghahawan ng daan para sa kinabukasan.

Bagamat ang mga ito ay parang mga batayang usapin lamang, mayroong laganap na pananaw na marami sa mga ito ay hindi pa naipapatupad.  Tinitingnan ng mga botanteng nakausap namin na ang hanay ng mass communication ay, kahit papaano’y, bumabaluktot, nagsesensasyunalisa o ginagawang emosyonal ang mga impormasyong ipinapasa sa kanila.  Ito, sa gayon, ay umaapekto sa kanilang pagtingin hinggil sa responsibilidad at pagiging-mapagkakatiwalaan ng mga nagbibigay ng impormasyon.  Maaaring mahinuha sa mga resulta na ang mga partido pulitikal ay hindi naging epektibo sa pagsasalin sa mga pribadong usapin ng mga botante tungo sa publikong usapin at, bagkus, ay tahimik lamang na pinahintulutan ang mga debate na tumuon sa mga personalidad at retorika.

Siguro ay napapanahon na na pag-isipan at simulang harapin ang mga puwang sa pagitan ng katotohanan ng prosesong pulitikal sa kasalukuyan at ang mga mithiing dala ng mga batayang prinsipyo ng bansa—lalo na sa pagbibigay sa mga botante ng maaasahan at walang-kinikilingang kaalaman tungkol sa mga patakaran, kandidato, at ang pamahalaang kanilang iboboto.

election_dominos

Pagtatasa sa Election Commission

Kung minsan, ang isang sandali ay maaaring magbigay ng kahulugan sa isang institusyon.  Ang media sa Malaysia ay nagkaroon ng Welgang Utusan Melayu noong 1961, at maaaring sabihin na nakaharap ng Election Commission (EC) ang Waterloo nito noong panahon ng una nitong tagapangulo, si Haji Mustaffa Albakri.

 Ang EC ay itinatag sa sandali ng pagkakatatag ng bansa mismo, kasama ang ilang batayang simulain ng buhay pulitikal, tulad ng Federal Constitution.  Sa madaling sabi, itinatag ito para magpatupad ng “malaya at makatarungang” halalan.  Sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga mamamayan ay maaaring malayang maghalal ng kinatawan, at lahat ng mga nagnanais na tumayo sa pagkandidato ay malayang maihaharap ang kanilang sarili sa mga botante, ang EC ay inasahang lilikha ng “level playing field.”  Kahit sabihin na ang EC ay nakapaloob sa ilang mga limitasyong pulitikal, maaari pa ring suriin ang paggampan nito ng tungkulin batay sa mga bagay na ginagawa nito at pinipili nitong hindi gawin.

 Ang mga pangunahing batas hinggil sa halalan sa Malaysia ay nakapaloob sa Bahagi VIII (artikulo 113-120, kasama ang Thirteenth Schedule) ng Federal Constitution ng 1957.  Ang mga Artikulong 113 at 114 ay nagsabatas sa pagkakaroon ng Election Commission para sa pamamalakad ng halalan, pangangalaga sa mga talaang elektoral, at pagtatasa sa pagkakahati ng bansa sa mga distrito.  Binubuo ng isang tagapangulo at tatlo (anim ngayon) na mga kasaping hihirangin ng Yang Di Pertuan Agong, ang EC ay nilayong tumayo bilang walang-kinikilingan at nagsasariling organo.

Para matiyak ang imparsyalidad nito sa paglulunsad ng halalan, ang Commission ay inasahang maging tapat, may-kakayahan, at walang-pinapanigan.  Para matiyak ang awtonomya nito sa Ehekutibo, naglagay sa Saligang-batas ng mga pananggalang tulad ng pagtanggol samga kasapi ng Commission sa walang katwirang pagpapatalsik.  Ang mga kasapi ng EC ay maaari lamang matanggal sa tungkulin sa pamamagitan ng desisyon ng huwes sa Korte Suprema, ang sahod ng mga kasapi ay hindi maaaring bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan, at lahat ng bayad sa mga kumisyoner ay galing sa Consolidated Fund at, sa gayo’y, labas sa taunang debate at pag-aapruba ng Parlyamento.

Si Haji Mustaffa Albakri ay isang dating pangalawang punong ministro ng estado ng Perak.  Bilang unang tagapangulo ng EC, ang kanyang unang tungkulin ay ang paghahanda para sa halalan ng 1959 na may 104 na bagong distrito mula sa 52 na ginamit sa paglulunsad ng 1955 halalan, bago ang pagsasarili.  Iginiit sa Saligang-batas na, kaiba sa pagtitimbang sa mga orihinal na distrito, ang pagtitimbang sa lalawigan-syudad ng mga distrito noong 1959 ay bawasan mula 50 hanggang sa 15 porsyento.  Ang pagbabagong ito ay nagresulta sa pagdodoble ng botong di-Malay at, bagamat nakuha ng koalisyong Alyansa ang 74 sa 104 na puwesto, nakita nitong nabawasan ang mayorya nito kung ikukumpara sa 51 sa 52 na puwestong nakuha nito noong 1955.

Pagkatapos ng halalan ng 1959, ang EC, alinsunod sa Saligang-batas, ay muling nagtakda ng mga distrito.  Ang pagtatakdang ito ay ginawa nang may lubos na pagsasaalang-alang sa pagiging makatwiran, at ang Delineation Report ng 1960 ay halos perpekto sa pagkakapantay-pantay ng mga botante sa syudad at lalawigan. Gayunpaman, ang pagkakapantay-pantay na ito ay ikinabahala ng Alyansa, na inasahang maaapektuhan nito ang resulta ng mga darating pang halalan.

Noong 1960, nagkaroon ng nabigong pagtatangka na tanggalin si Albakri sa Commission.  Noong 1962, hindi tinanggap ng pamahalaan ang 1960 Delineation Report at ipinasa ang Constitution Amendment Act 1962, na bumabawas sa kapangyarihan at awtonomya ng Commission.  Ang kapangyarihan ng EC na palitan ang mga hangganan ng mga distrito ay tinanggal at ginawang pagbibigay “rekumendasyon” na lamang sa Parlyamento na, sa ilalim ng pag-aamyenda ng 1962, ay naging huling tagapasya sa pamamagitan ng simpleng mayorya sa parlyamento.  Ang pagtitimbang sa syudad-lalawigan ay ibinalik sa 50 porsyentong nakatakda bago ang pagsasarili.  At iba pang mga bagong prinsipyo ang ipinasok sa Bahagi I ng bagong Thirteenth Schedule sa Saligang-batas.

Maaaring tingnan ang paglipat ng kapangyarihan mula sa EC tungo sa Parlyamento bilang alinsunod lamang sa tuwid na doktrinang konstitusyonal.  Subalit sa Malaysia, napakatagal nang dinomina ng Ehekutibo ang Parlyamento kung kaya’t ang doktrinang konstitusyonal hinggil sa paghihiwalay ng mga kapangyarihan at awtonomya ng ilang nagsasariling organo, tulad ng EC, ay naging lubhang masalimuot.  Sa katunayan, mayroong mga mahigpit na limitasyon sa pangangalaga sa Election Commission ng isang Saligang-batas na malimit amyendahan ng Ehekutibo.  Ang matagumpay na pagpapatakbo sa isang sistemang elektoral ay nakasalalay sa isang makabuluhang demokrasya at ang pagkakaroon ng mga kundisyong tutulong dito, na ang karamihan ay wala pa sa Malaysia.

Hindi rin matatawaran ang kahalagahan ng sistemang elektoral mismo at ang mga batayang alituntuning nagbibigay-depinisyon dito. Ito at ang ibang mga alituntunin ang bumubuo sa mga kundisyon at limitasyon kung saan kinakailangang gampanan ng EC ang tungkulin nito.  Gayunpaman, humahawak pa rin ang EC ng malalawak at mahahalagang tungkulin, malaking diskresyon at pagkukusa, at ang paggampan nito sa tungkulin ay maaaring magkaroon ng makahulugang epekto sa kumpyansa ng publiko sa sistemang elektoral.

Sa gayon, paano dapat tasahin ang Election Commission?  Dapat ay sapat na matupad ng EC ang dalawang dimensyon ng paggampan, o rekisito sa panunungkulan. Isa ay ang kakayahang tuparin ang mga tungkulin nito.  Ang isa ay ang di-pagpanig.  Sa madaling sabi, ang EC ay dapat makita bilang imparsyal at pantay-pantay ang pagtingin sa lahat ng mga nakikilahok.  (Dito ay makikita natin ang pagiging relebante ng awtonomya ng EC na pinaniniwalaan ng marami bilang mahalaga para matiyak ang pagiging imparsyal nito.)  Sa kasamaang palad, ang kakayahan at imparsyalidad ng EC ay pinagdududahan na ng publiko.

Ilan sa mga pinakamalubhang ekspresyon ng pagduda ay ang mga reklamo hinggil sa paghahanda ng Commission ng eksakto at malinis na talaang elektoral, isa sa mga pangunahing tungkulin nito.  Ang mga alegasyon ng iregularidad sa mga talaan ay padalas na ng padalas mula 1957.  Kabilang sa mga nabanggit na iregularidad ang pagkakaroon sa mga talaan ng “phantom voter” (mga pangalan ng mga taong hindi kwalipikadong bumoto) at “imported voter” (mga pangalan ng mga taong hindi naninirahan sa distrito).

Bagamat ang huling responsibilidad para sa talaang elektoral ay nasa EC, umaasa ito sa iba’t ibang ahensyang pampamahalaan para magbigay ng impormasyon hinggil sa kwalipikasyon ng mga tao para mailagay sa talaan.  Ayon sa Artikulo 119 ng Federal Constitution, bawat mamamayan na, sa petsa ng kwalipikasyon, ay umabot sa edad na 21 taon at residente ng isang distrito o, kung hindi, ay isang libang botante, ay may karapatang bumoto sa nabanggit na distrito sa anumang halalan para sa House of Representatives o Legislative Assembly, huwag lamang madiskwalipika sa ilalim ng clause (3) ng Artikulo 119 o anumang batas na may kaugnayan sa mga paglabag na nagawa hinggil sa halalan.

Ang rekisito sa pagiging residente ay nagbigay rin ng problema sa EC.  Ang datos mula sa National Registration Department ay maaaring sapat na maaasahan para sa pagtukoy ng pagkamamamayan subalit maaaring hindi para sa pagiging residente ng isang distrito, sapagkat maaaring ang tirahang nakasulat sa identity card ng isang indibidwal ay mali na o hindi eksakto.  Sa ibang mga bansa, ang datos para sa paghahanda ng talaang elektoral ay ibinibigay ng mga organo ng lokal na pamahalaan na nangangasiwa sa munisipal at serbisyo sosyal ng mga residente.  Nangangailangan ito na ang mga mamamayan ay manatili sa kanilang mga tirahan para makaboto sa isang distrito.

Tulad ng tinalakay sa itaas, ang Election Commission ay mayroon ding mga nagpapatuloy na tungkulin sa pagtatakda ng mga distrito.  Nagsasagawa rin ito ng mga pagtatasang pangkabuuan at nagbibigay ng mga rekumendasyon para sa mga pagbabago sa punong ministro, na siya namang naghahain sa mga rekumendasyon sa parlyamento, bagamat ang punong ministro ay nabigyan na rin ng kapangyarihang rebisahin ang mga rekumendasyon ng EC bago isumite ang mga ito sa Parlyamento.  Ang huling pagsasagawa ng pagtatakda sa distrito ay noong 2003.

Sa sistemang elektoral na “first past the post” ng Malaysia, ang dalawang usaping ito—ang pagkakaroon ng di-residente o “imported” na mga botante at ang pagpasok ng pulitika sa proseso ng pagtatakda ng mga distrito—ay madaling umuk-ok sa pampublikong pananaw sa kakayahan at imparsyalidad ng Election Commission.

Sa kabuuan, tinutupad ng EC ang pamamalakad nito sa halalan alinsunod sa mga batas at regulasyon.  At dapat ding tandaan na mula 1962, ilang bagong batas at gawaing pampamahalaan ang ipinatupad na maaaring magpahirap sa imparsyal na pamamalakad ng EC sa prosesong elektoral.  Kung kaya’t ang kredibilidad ng sistemang elektoral ng Malaysia ay hindi lubos na nakasalalay sa paggampan ng EC sa mga tungkulin nito o sa “administrasyon” ng sistema.

Subalit ang EC ay pinagkalooban ng malaking kapangyarihang diskresyunaryo sa pamamalakad ng halalan.  At mayroon din ilang lugar kung saan ay dapat nakisangkot ito, subalit piniling nitong hindi.  Ang mga ito ay kaugnay ng pagpapatupad sa mga batas na magtitiyak sa makatarungan at patas na kumpetisyon.  Sa kabuuan, ang mga pagtaliwas sa prinsipyo ng “level playing field” ay nagkaroon ng mga malubhang implikasyon para sa ating demokrasyang parlyamentaryo.

Politics_of_Malaysia

Ang Nasa Hinaharap

Sa kabila ng Straits, ang ating higanteng kapitbahay na Indonesia ay nasa gitna ng isang kung minsa’y masakit, madalas ay nagbibigay-siglang, proseso ng pagbabagong pulitikal.  Ang halalang presidensyal na inilunsad sa unang bahagi ng taong ito ay sumasalamin sa bagong grupo ng mga pagpapahalagang pulitikal na gumitgit, sa katunaya’y tumulak, sa lumang “New Order” hanggang sa mawala ito ilang taon na ang nakalilipas.  Ang mga dramatikong kombulsyong panlipunan at pampulitika ng transisyong iyon, sa bahagya, ay tanda ng isang sistema na hindi na kayang muling baybayin ang sarili nitong mga limitasyon, tingnan muli ang mga ipinapalagay nito, at baguhin ang sarili nitong makinarya.  Sa timog lamang natin, sa Singapore, at sa hilaga, sa Thailand, ang pagbabago sa makinarya ng sistema ay katotohanan na ng pamamahala sa nakaraang dekada.  Ang Thailand ay tinulak tungo sa pagbabago ng kilusang demokratiko ng 1992 at ng krisis na nagpabilis dito, samantalang ang pamahalaan ng Singapore ay sinikap na maunahan ang disensyon sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga daluyan para sa popular na “feedback,” maging ang paglikha ng isang kakaibang porma ng representasyon sa parlyamento, ang Non-Constituency Member of Parliament.

Ang Malaysia, kung ihahambing, ay nanatiling walang pagbabago sa dagat na ito ng demokratikong pagbabagu-bago.  Ito ba ang sukat ng ating tagumpay?  Ang bersyon ba natin ng “demokratikong proseso” ang nagbibigay sa kagustuhan ng mamamayan?

Sa mga sanaysay na ito, tinangka namin na muling buksan ang debate hinggil sa ating sistemang elektoral at sa demokratikong proseso na nakapailalim dito sa isang paraang kumukuha sa partisipasyon ng malawak na bahagi ng lipunan.  Sa pamamagitan ng konseptwal na paglalakad sa marami sa mga limitasyon ng ating kasalukuyang sistema, umaasa kaming magpasigla ng debate kung saan maaaring lumitaw ang mga bagong lapit at pananaw, hindi lamang alang-alang sa mga ito ngunit upang makilahok sa mahalagang tungkulin ng muling pagbibigay-sigla sa batayan ng buhay pulitikal ng ating bansa.  Ito ay tungkuling nararamdaman naming may kakagyatan.

Ang pangangailangan para sa pagbabago ay isang pakiramdam na bumabalot sa lipunan.  Marahil ay epekto ito ng mas edukadong populasyon na unti-unting nahaharap sa globalisadong media na sumasalungguhit sa ating pagkadiskuntento.  Anu’t anuman, naghihirap tayo sa kakulangan ng mga intelihenteng porum para talakayin ang mga nais nating baguhin at kung ano ang nais nating makamit ng sistema.  Sa ganitong klaseng mga porum, magtatanong tayo tungkol sa mga batayang pagpapahalaga na nakapailalim sa ating buhay panlipunan, pangkultura at pampulitika.

Kung nais natin ng “pluralismo,” “pagkakapantay-pantay,” at “katarungan,” hindi ba’t ang isang sekular na sistemang demokratiko ang kasangkapan para makamit ang mga ito?  Sa kabilang banda naman, ano ang maibibigay ng isang “estadong teokratiko” na nakabatay sa pangunguna ng isang di-halal na uring klerikal sa isang lipunang may iba’t ibang relihiyon tulang ng sa atin?  Kung nais natin ng “lipunang moral,” papayag ba tayong gawing ligal ang paggamit sa pwersang pulis upang makamit ito?

Sa usapin naman ng halalan, anong klaseng pamahalaan ang gusto nating iluwal ng prosesong elektoral?  Magkatunggali bang hangarin ang “istabilidad” at “pluralismo”?  Maibibigay ba ng mga halalan sa mas maraming antas ng pamahalaan at ng mga halalan sa patakaran ang “konsultatibo,” “kinasasangkutan ng mas marami,” at “walang-tinatagong” pamamahala na sinasabing nais natin?  Nais ba natin ang responsibilidad bilang mamamayan na hinihingi nito?

Sa Malaysia, ang prankisa natin ay para lamang sa pambansang Parlyamento at sa mga asemblea ng estado minsan sa bawat limang taon.  Ang mga halalan sa lokal na konseho ay binuwag, nang may kontrobersya, ilang dekada na ang nakararaan.  Ito ay mahalagang talakayin, subalit kahit na tanggapin natin ang may-kakitirang prankisang ito, maaari pa rin nating tanungin kung ang sistema ng pagboboto ang pinakamainam na posible.

Ang mga halalan sa Malaysia ay kinatatangian ng pagiging “first past the post” (FPTP).  Sa madaling salita, ang kandidato na mayroong pinakamaraming boto ang nananalo.  Sa abstrakto, ang FPTP ay sinasabing may apat na malinaw na bentahe.  Sinasabing itinataguyod nito ang mas malaking pananagutan; nangangalaga ng mas matitibay na koalisyon at istabilidad sa pulitika; sinusuportahan ang pagkakasundo sa pagitan ng mga grupong etniko at pananampalataya sa pamamagitan ng mga paghikayat sa katamtamang asal, at panghuli, nagbibigay ng representasyon sa minoridad sa pamamagitan ng sadyang pagtakda sa mga hangganan ng distrito tungo sa mas malawak na pagkakatulad.

Sa aming pag-aaral, tinanong namin kung paano gumana ang sistemang ito sa Malaysia at kung ang mga bentaheng ito ay nakamit.  Sa katanungan ng “mas malaking pananagutan,” nakita namin na ang sistema ng birtwal na iisang-partido ay nagbigay sa mga botante ng napakakaunting pagpipilian sa kung sino ang kakatawan sa kanila.  At ang katunayang ang kumpetisyon ay mas madalas na nagaganap sa antas ng partido kaysa sa antas na elektoral.  Ginagawa nitong napakahina ang kuneksyon sa pagitan ng mga kasapi ng parlyamento at ng mga botante.

Sa usapin ng “matitibay na koalisyon at istabilidad sa pulitika,” nalaman namin na ang FPTP ay madalas na nagbibigay sa partidong may simpleng mayorya ng mga pwesto na labis-labis pa sa proporsyon ng porsyento ng mga botong nakuha nito.  Bagamat marahil ay mabuting bagay ito para sa mga nanalo, lumilitaw itong pabagu-bagong kaibigan sapagkat ang maliliit lamang na pagbabago sa bilang ng mga boto ay maaaring magbunga ng malalaking pagbabago sa resulta. Halimbawa, ang halalan ng 1999 ay nagkaroon ng napakalaking epekto sa representasyon sa Terengganu.  Noong ang hati ng boto ng Barisan Nasional ay bumagsak nang 14 na porsyento (mula 54 hanggang 40), ang hati nito sa mga puwesto sa parlyamento ay bumagsak mula sa 87.5 porsyento hanggang sa wala at ang puwesto nito sa pambansang asemblea ay bumagsak mula 78 hanggang sa 12.5 porsyento.

Siyempre, dulot ng di-proporsyonal na representasyon sa Parlyamento, ang naghaharing koalisyon ay nagkaroon ng pagkakataong baguhin ang Saligang-batas ayon sa interes nito.  Dito, ang “istabilidad” ay nabili nang sobrang mahal sa pundasyong demokratiko ng bansa.

Sa usapin naman ng “mga paghikayat sa katamtamang asal,” naging konklusyon ng pag-aaral na ginamit ng naghaharing elit ang kapangyarihan nito sa Parlyamento upang muling itakda ang mga hangganan ng mga distrito para lumikha ng mas maraming maliliit na distritong Malay, na ang bilang ay di-proporsyonal sa representasyon ng pamayanan sa populasyon.  Ang distorsyong ito ay nagbago sa dinamiko sa loob ng naghaharing multi-etnikong koalisyon (lalong nagpalakas sa dominasyon ng UMNO) at nagpalobo sa kahulugan nito sa mas malawak na sistemang pulitikal ng kumpetisyon sa loob ng pamayanang pulitikal ng mga Malay sa kanayunan.

Kakatwa na sa katunaya’y mayroong malakas na dahilan, kahit na para sa pansariling-interes, para sa mga mga nasa kapangyarihan na gawing mas makatarungan at mas demokratiko ang sistema.

Kung mayroong political will sa bahagi ng naghaharing elit at/o popular na panawagan para sa pagbabago sa bahagi ng mamamayan, anong mga prinsipyo at pagpapahalaga ang gagabay sa atin sa pagpapanibago sa sistema?  Gagawin ba natin ito muli sa imahen at diwa ng Saligang-batas ng Merdeka ng 1957?  Nagkaroon na ba ng mga inobasyong konstitusyonal mula noon sa ibang mga bansa na nararapat gayahin?  At mayroon ba tayong mga mekanismong institusyonal para itaguyod at panatilihin ang mga pagbabagong ito

Winakasan namin ang aming pag-aaral sa ilang mga rekumendasyon na humahantong sa isang panawagan para sa repormang elektoral, kabilang ang pagtatatag sa nagsasariling Election Reform Committee.  Ang mga rekumendasyon ng Report ay nahahati sa tatlong bahagi.  Ang una ay mga rekumendasyon hinggil sa pangangasiwa at pamamalakad ng halalan, nakatuon sa mga batas sa halalan at sa papel ng Election Commission.  Ang pangalawang bahagi ay hinggil sa pagtatalaga sa Election Commission at mga kawani nito.  At ang pangatlo ay tumingin sa mga limitasyon ng sistemang FPTP at nagbigay ng mga mungkahing pagbabago para gawing mas makatarungan ang sistema.

Ikinabahala namin ang ilang pag-aamyenda sa mga batas sa halalan itong mga nakaraang taon na, sa aming pagtingin, ay hindi mabibigyang-katwiran ng batayang prinsipyong demokratiko.  Ang mga prinsipyong ito ay: isang tao, isang boto, na ang bawat isa ay pantay ang halaga; ang lihim na balota; at ang ibayong pagsusumikap ng mga nasa tungkulin para matiyak na ang mga kandidato ay naglalaban sa isang “level playing field.”

Bilang pagwakas, naniniwala kami na mayroong pangangailangan para sa isang bukas na debate na haharap sa mga katanungan hinggil sa mga batayang prinsipyo at pagpapahalaga, at gayundin ang mga ispesipikong katangiang ng kasalukuyang sistema at ang mga inihahaing alternatibo.  Ang amin ay simula lamang ng isang diskusyong dapat ay nasa puso ng anumang demokratikong lipunan.

Sharaad Kuttan, Norani Othman, Mavis C. Puthucheary, at Ibrahim Suffian

Ang mga may-akda ay kasapi ng IKMAS Electoral System Project Phase II.  Sina Norani Othman (deputy director at senior research fellow ng IKMAS) at Mavis Puthucheary (senior associate fellow ng IKMAS) ang nagkoordina sa IKMAS Project sa Phase I. Si Sharaad Kuttan, isang freelance na manunulat at affiliate fellow ng IKMAS, ay nagkoordina, kasama si Norani Othman, sa Phase II. Si Ibrahim Suffian ay nangungunang kasapi at mananaliksik ng Merdeka Center, isang NGO na naglulunsad ng panaliksik sa pamamagitan ng mga surbey sa pamilihan at opinion.  Siya ang namahala sa surbey hinggil sa pananaw ng mga botante.

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 6 (March 2005). Elections and Statesmen