Ang Kinahinatnan ng Budistang Krisis noong 1963 batay sa mga Pahina ng Lotus Monthly (Liên Hoa Nguyệt San)

Wynn Gadkar-Wilcox

Noong Mayo 4, 1963, nagladlad ng bandilang Katoliko ang mga Katoliko sa buong Republika ng Vietnam para ihudyat ang ika-25 taon na pagdiriwang ng paghirang kay Ngô Đình Thục bilang unang Vietnamese na Apostolic Vicar. Dalawang araw pagkalipas, nagpadala ng telegrama ang nakababatang kapatid ni Ngô Đình Thục, ang Pangulo ng Republika ng Việt Nam na si Ngô Đình Diệm, na nagsasabing ipinagbabawal ang paglaladlad ng mga bandilang relihiyoso. Noong Mayo 8, ginanap ang mga pagdiriwang kaugnay ng kapanganakan ni Gautama Buddha. Prominenteng nakaladlad ang mga bandilang Budista sa Huế, na tumungo sa pagsira rito ng Army of the Republic ng Vietnam. Kasunod nito, higit tatlong libong Budista ang nagmartsa patungong isang lokal na istasyon ng radio sa Huế. Sa simula, gumamit ng tear gas ang sundalo ng ARVN, ngunit binaril ng mga ito ang mga demonstrador kungsaan walo ang nasawi. 1

Bagaman nakipagpulong si Ngô Đình Diệm sa mga Budistang pinuno noong Mayo at nag-alok ng pakikipagkasundo kaugnay ng usapin sa bandila at pagtibayin ang kanyang komitment sa kalayaang panrelihiyon, sa paningin ng mga Budista ay hindi sapat ang mga kilos na ito sa dalawang kadahilanan: hindi tinanggap ng pamahalaan ang buong responsibilidad kaugnay ng mga pagpatay, at mabagal sila sa pagpapatupad ng mga ipinangakong reporma. Sa tag-init ng taong 1963, naging malaganap ang mga matagalang aksyong politikal ng mga mongheng Budista at mga mananampalataya na sumusuporta sa kanila (partikular ang mga estudyante sa kolehiyo), gaya nang mga hunger strike at protesta, hindi lamang sa Huế kundi sa buong bansa. Pinakatanyag na kaganapan sa mga protestang ito ang pagsusunog sa sarili ni Thích Quảng Đức sa isang pangunahing interseksyon sa Saigon noong Hunyo 11. Noong Setyembre 1, humiling at nabigyan ng asylum sa loob ng Embahada ng Estados Unidos sa Saigon ang pinakatanyag na mukha ng mga protesta na si Thích Trí Quang, at ilan pang mga Budistang pinuno. Nagsimula na ang tunggalian, kahit pa inalis na ang Batas Militar noong kalagitnaan ng Setyembre, at sa pamamagitan ng paglulunsad ng relatibong malayang pambansang halalan ay sinikap ng administrasyong Diệm na payapain kapwa ang mga Budista at ang nagliligalig na mga taga-suporta sa Estados Unidos.  Noong Nobyembre 1, pinatalsik si Diệm sa kudeta ng isang grupo ng mga heneral na may lihim na suporta ng Estados Unidos, at noong Nobyembre 4, matagumpay na umalis si Thích Trí Quang sa Embahada ng Estados Unidos. Pagsapit ng 1964, batid ng mga Budistang pinuno ang kanilang bagong awtoridad pampolitika habang mapagbantay sa maaaring idulot na mas malalang persekusyon sa kanila ang mga susunod na kaganapan sa Vietnam, sinikap nilang ipormalisa ang pagkakaisang nalikha ng Budistang krisis ng 1963 sa pamamagitan ng pagtatatag ng United Buddhist Sangha (UBC), na nagbuklod sa mayorya ng mga dating nag-aawayang sekta, na sa matagal na panahon ay pinaghati-hati ng relihiyon at ideolohiya. 2

Ang artikulong ito ay insiyal na ulat sa aking kasalukuyang pananaliksik sa mga paraan kung paanong sinikap ng mga pinuno ng Budistang krisis, partikular sa Huế, na linangin ang tuluy-tuloy na suporta para sa kanilang posisyon, panatilihin ang pagkakaisa sa hanay ng mga Budista, at magpatuloy ng pampolitikang lakas matapos ang Budistang krisis noong 1963, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga artikulong nalathala sa Liên Hoa Nguyệt San (Lotus Monthly), na naging pangunahing katalista ng opinyong Budista noong kalagitnaan ng dekada 1960, hindi lamang sa sentral Vietnam kundi sa buong Republika. Inihahapag nito na sa pamamagitan ng pagpupwesto ng sarili bilang tagapagsalita ng UBC at sa pagbibigay kay Thích Trí Quang ng makabuluhang puwang para ipalaganap na dapat ipagpatuloy at isustine ng kilusang Budista ang politikal na ahitasyon nito, nakatulong ang Liên Hoa Nguyệt San na pukawin ang publiko sa mga pananaw ni Thích Trí Quang at ihanda ang entablado para sa mga sumunod na aksyong Budista noong 1965-66 at sa nalalabi pang panahon ng Republika.

Buddhist demonstration in Saigon against the Ngô Đình Diệm Administration, November 1963.
Photo: Douglas Pike Photograph Collection, Vietnam Center and Sam Johnson Vietnam Archive, Texas Tech University

Ang Tagapagsalita: Liên Hoa Nguyệt San

Noong 1955, nagpasya ang Buddhist Sangha ng Central Vietnam (Giáo hội Tăng già Trung Việt) na maglathala ng serye ng mga sulatin na tinawag na “Lotus Series” na may layuning gawing mas abot-kamay ang Budismo. Pinamunuan ang pagsisikap na ito ni Nun Thích nữ Diệu Không (1905-1997). 3 Noong Nobyembre 1955, ginanap ang espesyal na pagpupulong ng Sangha ng Central Vietnam kungsaan isinumite ni Diệu Không ang ilang maiikling artikulo, at pinagpasyahan na ilimbag ang mga ito sa kalauna’y magiging buwanang journal, kungsaan inilabas ang unang isyu sa Tết sa taon ng matsing (1956). Hinirang ng Sangha si Thích Đôn Hậu ng Linh Mụ pagoda (1905-1992) bilang tagapangulo, at si Venerable Thích Đức Tâm bilang patnugot. Nanatili si Thích nữ Diệu Không sa publikasyon bilang tagapamahala.

Sa paglipas ng panahon, lumawak ang Lotus Monthly mula sa base nito sa Central Vietnam tungong pagiging tanyag na tagapagsalita para sa mga Budista sa buong Republika. Sa maagang bahagi ng dekada 1960, malaganap ang sirkulasyon at pagbabahagi ng mga nilalaman nito, at naging “boses ng sangha sa buong teritoryo sa timog ng ika-17 paralel.” 4 Sa gayon, naging mahalagang daluyan ito ng impormasyon hinggil sa Budistang krisis ng 1963 at sa pagtatatag ng Unified Buddhist Church sa Vietnam, na isang lohikal na pangyayari dahil nakasentro sa Huế ang mga kaganapan noong 1963, at marami sa mga mayor na kalahok, mula kay Thích Trí Quang hanggang kay Thích Đôn Hậu, ay apilyado sa journal o madalas na kontributor dito. Dahil rito, bagaman isinara ng mga kaganapan sa Budistang krisis ang publikasyon ng Lotus Monthly mula tagsibol hanggang taglagas ng 1963, sa huling bahagi ng 1963 at buong1964 ay naging sentral na lugar ito para maunawaan ang mga kaganapan sa Budistang krisis at para unawain rin ang direksyon nito mula sa mga protesta laban sa pamahalaang Ngô Đình Diệm noong 1963, hanggang sa mga protesta para sa demokratisasyon at ang pag-atras ng US noong 1965-1966.

Ang Lotus Monthly, ang Budistang krisis, at ang UBC, 1963-64

Bagaman itinulak ng pagsesensura at panunupil na kasabay ng Budistang krisis noong 1963 ang pansamantalang pagsasara ng Lotus Monthly, lumikha ang kudeta noong Nobyembre 1963 ng paborableng kondisyon para sa muling pagpapatuloy ng publikasyon. Halatang minadaling mailimbag ang isyu noong Nobyembre 1963 na maraming mali at may mga nawawalang pahina batay sa kakaunting kopya na matatagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Nagsimula ang isyu sa editoryal, na ipinagpapalagay na isinulat nina Thích Đôn Hậu at Thích Đức Tâm, na nagpapaliwanag sa kanilang pananaw hinggil sa nararapat na papel ng Lotus Monthly sa konteksto ng mga kaganapan noong 1963. Ipinaliwanag nila na sa pagitan ng Abril at Setyembre, “nakaladkad sa unos ng takot” ang mga Budistang Vietnamese. Gayuman, matapos ang kudeta ay “huminto na ang ulan, at humupa na ang hangin sa ating bansa, para sa kabutihan ng lahat ng mamamayang Vietnamese, Budista man o hindi. Nakadama ng kaluwagan at hinahon ang lahat.” Sa kabila nang maraming Budista at mananampalataya ang “binugbog o ikinulong, dama nating lahat na wari’y dumating na ang panahon ng kaluwagan.” Samantalang kumilos ang hukbong sandatahan para wakasan ang krisis sa nakaraang anim na buwan, ang marapat na alalahanin ay “ang maraming monghe at madre, mananampalatayang Budista, mga propesor, estudyante ng unibersidad, at mga mag-aaral sa hayskul na lantad o palihim na nagsakripisyo ng mga sarili para sa matuwid na layunin.” Hindi makakalimutan ng mamamayang Vietnamese na “pitong monghe at madre ang nagsindi ng kanilang mga sarili upang tanglawan ang daan para sa paglaban sa kadiliman” at na “maraming estudyanteng Budista ang nasawi sa mga piraso ng granada o nasagasaan ng mga gulong tangke” at “maraming mga propesor at estudyante” ang ipiniit at namatay. Ang diwa ng mga Budista, at ang tunkulin ng mga journal gaya ng Lotus Monthly, ay ang gunitain ang kanilang mga alaala.

Thích Đôn Hậu. Photo: Douglas Pike Collection: Vietnam Center and Sam Johnson Vietnam Archive, Texas Tech University

Gumawa ng mga politikal na tindig ang Lotus Monthly. Halimbawa, marubdob nilang tinuligsa ang pagtrato ng Chinese Communist Party sa Dalai Lama at iba pang Budista sa Tibet noong sapilitan silang pinabalik sa India noong 1959. 5 Gayunman, lalong naging malaganap ang ganitong lantad na komentaryong politikal matapos ang mga nakabibiglang kaganapan noong 1963. Sang-ayon rito, nang itatag ang UBC noong Enero 1964, naging isa sa mga pangunahing daluyan ang Lotus Monthly para sa pagpapalaganap ng sentral na mensahe nito.

Nagbukas ang isyu noong Enero 1964 sa isang artikulo na naglinaw na ang partikular na layunin ng UBC at ng Viện Hóa Đạo ay isakatuparan ang pangako ng isang nagkakaisang Budistang prente sa pamamagitan ng daluyan ng Lotus Monthly. Inilinaw ng mga manunulat na dapat gamitin ng mga mambabasa ang Lotus Monthly bilang daluyan patungong UBC. 6 Ang ganitong litaw na katangian ay idiniin pa ng ikalawang artikulo sa isyu ng journal noong Enero 1964 kungsaan nagpaabot ng pagbati sa bagong taon ang prinsipal ng Viện Hóa Đạo na si Thích Tâm Châu. Laman ng kanyang mensahe na sa kabila ng mga pagpatay noong 1963, nakakuha ng plataporma ang mga Budistang Vietnamese para “ipalaganap ang mga katotohanan ng Budismo.” Para ipagpatuloy ang ganitong makasaysayang landasin, kailangang kumilos ang mga Budista “nang may pasensya, malasakit at mabuting loob tungo sa lahat ng mga Budista at mga nilalang na may pakiramdam” upang “mapawi ang kadiliman.” Gayundin, kailangan nilang magpanatili ng pagkakaisa at determinasyon: “Kahit na maaaring barikadahan ng mga hayok na multo ang mga lansangan, harangan ang ating landas, barilin, ikulong, at patayin tayo, hindi tayo matitinag.” 7 Patuloy na maging mapagbantay laban sa mga aksyong awtoritaryan, manindigan ang lahat ng Budistang Vietnamese para sa adyenda ng Viện Hóa Đạo at ng UBC.

Ang Katanyagan ng Adyenda ni Thích Trí Quang

Isa pa sa pinakamahalagang artikulo sa unang edisyon ng 1964 Lotus Monthly ay ang isang mahabang artikulo ng isang pinuno ng mga protesta noong 1963, si Thích Trí Quang, na patuloy na malalathala nang baha-bahagi sa bawat isyu ng Lotus Monthly sa malaking bahagi ng 1964. Ang sanaysay na ito na pinamagatang “Cuộc Vận Động của Phật Giáo Việt Nam” (Ang Kilusang Budsitang Vietnamese) ay naglatag kapwa ng kasaysayan ng mga pangyayari noong 1963 at ng adyenda para sa pagsulong ng kilusan.

Inilatag ni Thích Trí Quang na handa ang sangha at mga mananampalataya na magsagawa ng kolektibong aksyon para magluwal ng kritikal at positibong pagbabago sa daigdig, na nagawa nilang samantalahin ang biglang pagtutok ng internasyunal na komunidad sa suliranin ng Vietnam noong 1963 para makatipon ng simpatiya ng mga mamamayan sa buong daigdig. Sa ganitong kalagayan, hinimok ni Thích Trí Quang na huwag lustayin ang pampolitikang kapital na natamo nito: “maaari nating gamitin ang kapangyarihang ito upang makilala ang ating awtoridad at gamitin ang ating pagdurusa para makapagluwal ng pagbabago sa patakaran.” Dahil dito, hinimok niya ang mga Budista na magpatuloy sa mga aksyong politikal para tiyakin na hindi na muling maipatupad ang mga “masasamang patakaran” at tandaan na “ang mga pagbabago sa patakaran na ipinanalangin natin sa ating kampanya ay malakas na iimpluwensya sa mga hangarin ng mamamayan.” “Palalakasin lamang ang ating determinasyon” 8 ng pangangailangang maging mapagbantay sa pagpapanatili ng mga tagumpay na nakamit ng mga Budista noong 1963, at ng kamalayan na marami pa ang maaaring magawa sa hinaharap.

Riot police break up Buddhist demonstration, Saigon, 22 May 1966. Photo: Wikipedia Commons

Konklusyon

Pagsapit ng Enero 1964, naganap ang dalawang pagsulong sa buhay ng Lotus Monthly. Una ay naging de facto na tagapagsalita ito para sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa UBC, hindi lamang sa sentral Vietnam kundi sa buong Republika ng Viernam. Ikalawa ay naging tagapagsalita ito para sa pampulitikang adbokasiya ng UBC. Bagaman dati nang hindi umiwas ang Lotus Monthly sa mga paksa na may kontemporaryong pampolitikang kahalagahan, tumaas sa panibagong antas ang halaga at kakagyatan ng pampolitikang adbokasiyang ito noong 1964.

Dagdag pa, naging higit ang paglalathala ng Lotus Monthly ng mga opinyon ni Thích Trí Quang, kungsaan nalathala ang kanyang sanaysay hinggil sa kilusang Budista mula Nobyembre 1963 at nagpatuloy sa kalakhan ng 1964. Bago nito, naglathala ang Lotus Monthly ng opinyon ng iba’t-ibang group, pero noong 1964, nagpasya ang mga patnugot, na maaaring na-radikalisa ng mga kaganapan sa Huế sa nakaraang taon, na magtuon sa klase ng aktibismong pampolitika ni Trí Quang. Binigyang daan ng malakas na sirkulasyon ng Lotus Monthly sa buong Republika na manatiling aktibo ang pampolitikang mensaheng ito kahit sa gitna ng maraming mga pagbabagong pampolitika noong 1963-1965 at sa pagtindi ng pakikisangkot ng US sa Vietnam. Direktang mapag-uugnay ang mga kaganapang ito sa mga panawagan ng editoryal ng Lotus Monthly’s para sa pagkakasundo noong Enero 1966, na isa sa maraming hakbang patungo sa Budistang krisis noong tagsibol ng 1966. 9 Winakasan ng pampolitikang krisis na ito ang Lotus Monthly na hindi nakapagpatuloy sa pag-iral, subalit gumanap ito ng kritikal na papel sa pagpapanatili ng klase ng pampolitikang aktibismo ni Thích Trí Quang sa pagitan ng mga kaganapan noong 1963 at 1966.

Wynn Gadkar-Wilcox
Western Connecticut State University

Notes:

  1. For detailed accounts of these events, see Edward Miller, “Religious Revival and Nation Building: Reinterpreting the 1963 ‘Buddhist crisis’ in South Vietnam,” Modern Asian Studies 49:6 (November 2015): 1926; and Charles A. A. Joiner, “South Vietnam’s Buddhist Crisis: Organization for Charity, Dissidence, and Unity,” Asian Survey 4, no. 7 (July 1964): 915-16.
  2. Robert Topmiller, The Lotus Unleashed: The Buddhist Peace Movement in South Vietnam, 1964-66 (Lexington, KY: University Press of Kentucky, 2002), 4-6.
  3. Vũ Trung Kiên, “Ni Trưởng Thích Nữ Diệu Không: Một kỳ nữ của Việt Nam trong thế kỷ XX,” Thư viện hoa sen (July 9, 2020). Accessed December 21, 2021. https://thuvienhoasen.org/a34224/ni-truong-thich-nu-dieu-khong-mot-ky-nu-cua-viet-nam-trong-the-ky-20
  4. Phi-Vân Nguyen, “A Secular State for a Religious Nation: The Republic of Vietnam and Religious Nationalism, 1946-1963,” Journal of Asian Studies 77:3 (August 2018): 758.
  5. Phi-Vân Nguyen, “A Secular State for a Religious Nation,” 759-760.
  6. Ibid, 2.
  7. Thích Tâm Châu, “Thông bạch đầu xuân của thượng tọa Viện Trưởng Viện Hóa Đạo Giáo hội Phật Giáo Việt Nam Thống Nhất,” [Early spring message of the Venerable Principal of the Vien Hoa Dao of the Unified Buddhist Sangha of Vietnam], Liên-hoa Nguyệt San 10:1 (January 1964): 3.
  8. bid, 12.
  9. Liên Hoa, “Vắn đề hòa bình,” [The Issue of Peace], Liên Hoa Nguyệt San 11:12 (January 1966): 6.