Isang matingkad na aspeto ng pag-uulat hinggil sa “black site” ng Central Intelligence Agency sa Thailand ang komento ng mananaliksik na si Sunai Phasuk ng Human Rights Watch na ipinatupad ng mga militar at pulis na Thai ang mga teknika sa tortyur ng “black site”: “Hindi pa namin narinig ang tungkol sa waterboarding dati – noong lamang matapos ang taong 2004 o 2005 nang ginamit yaon dito” (Los Angeles Times, April 22, 2018). Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng mahalagang “pamana” ang operasyon ng US para sa Thailand. Malayo ang inabot ng epekto ng alyansang Cold War sa pagitan ng US at Thailand sa pulitika at mga pampulitikang institusyon ng Thailand.
Naitatag ang alyansang Cold War sa konteksto ng maraming tunggaliang pulitikal na sumalamin sa umuunlad na paligsaan ng Cold War. Sa Thailand, sumalikop ang malalim na pakikipag-ugnayan nito sa US sa domestikong labanang pulitikal sa pagitan ng mga nagsusulong ng Rebolusyong 1932 at ng mga katunggali nitong royalista.
Si Darling (1965, 104-105) ang naka-obserba na lahat ng ambasador ng US sa Thailand matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay masugid na mga anti-komunista, habang naghahayag na ang kanila’y “tanging mga mabubuting layunin sa tangkang tulungan ang pamahalaan at mamamayan, at sa pagdidiin sa mga seryosong banta sa seguridad ng bansa ayon sa kanilang pandama.” Ipinakikita ng mga dokumento ng CIA at ng State Department noong panahong yaon na ang pakahulugan sa “mabubuting intensyon” ay ang maging matatag alyado sa Cold War ang Thailand sa paglaban sa “Komunistang panghihimasok.”
Ipinakikita ng tatlong magkaka-ugnay na aspeto ng relayong US-Thailand sa Cold War kung paanong pinagana ang “mabubuting intensyon” bilang suporta sa awtoritaryanismong militar. Binuo ang suportang ito para sa matatag na rehimeng militar sa pagbaliktad ng naunang alyansa ng US kay Pridi Phanomyong at sa pulitikal na paglipol sa mga tagasuportang Free Thai nito. Sa prosesong ito, tinukoy din ng US at ng rehimeng militar sa Bangkok ang Hilagang-Silangang rehiyon — isang balwarte ng suporta para kay Pridi at sa kanyang Free Thai – bilang isang mabanganib at iredentistang kanlungan para sa mga komunista. May malawak na implikasyon ang bawat interbensyong ito sa pulitika ng Thailand.
Pridi: Mula alyado tungong kaaway
Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinakamaaasahang alyado si Pridi, isang kilalang iskolar ng batas, arkitekto ng pagpapabagsak ng absolutong monarkiya noong 1932, pinuno ng lihim na Free Thailand at Rehente. Noong 1946, ginawaran siya ng Medal of Freedom ng US para sa kanyang pagsuporta. Gayunpaman, sumulpot ang mga alinlangan hinggil sa paniniwala ni Pridi sa sosyalismo, nasyunalismong pang-ekonomiko at anti-kolonyalismo (Thanet 1987; Goscha 1999).
Sinulsulan ng mga royalista ng Thailand ang gayung mga alinlangan. Taglay ang matatagal nang mga hinaing laban kay Pridi, paulit-ulit nilang idineklarang republikano at “Bolshevik” si Pridi. Samantalang sa una’y isinawalang-bahala ng US ang mga pakana ng mga royalista, sa paglaon ay humuhugot na sa mga naratibo at “paniniktik” ng mga royalista ang mga ulat ng Office of Strategic Services (OSS), at sa kalaunan ang CIA, upang kwestiyonin ang ideolohiya ni Pridi. Lumaganap ang mga ulat ng paniniktik na nag-uugnay sa Free Thai at mga komunista sa gitna ng maingay na pulitika kaugnay ng di-maipaliwanang na pagkamatay ni Haring Ananda Mahidol noong 1946 at sa mga panahon patungong kudeta noong 1947 na nagpatalsik sa gobyernong Pridi. Gaya ng ipinakita ni Fineman (1997, 36), sa esensya’y binasbasan ng mga Amerikano ang mga pasimuno ng kudeta para “pabagsakin ang halal na gobyerno ni Pridi nang walang pagpapanagot.” Sa paratang ng mga royalista na sangkot siya sa pagkamatay ng hari, at pagturing na kaaway ng rehimen at ng US dahil sa nabigong kontra-kudeta noong 1949, tumakas si Pridi para sa habambuhay na distyero.
Kasunod ng pag-aalsa noong 1947, kinumpirma ng mga bagong pinunong militar ng Thailand sa embahada ng US na laban ito sa mga republikano at mga komunista – koda para kay Pridi at sa Free Thai. Siniraan ng isang ulat ng CIA (1948a) si Pridi “bilang isang komunistang nakikipagkutsabahan upang pabagsakin ang kasalukuyang gobyerno.” Nasalamin sa suporta ng US sa kudeta ang masidhing hangarin nitong magkaroon ng pampulitikang istabilidad sa Thailand at ang desisyon nito na walang demokratikong lunas sa komunistang pagsulong sa Thailand at Timog-Silangang Asya. Pinayagan ng gayong mga pananaw ang pakikipag-alyansa sa mala-sangganong rehimeng militar.
Noong 1949, habang naka-distyero sa Tsina si Pridi, paulit-ulit na iniugnay siya ng mga ulat ng CIA sa komunismong Tsino at sa mga pagsisikap na pabagsakin ang rehimeng Phibun. Sa iisang ulat, iniugnay si Pridi sa isang plano ng pananakop, operasyon ng pagsabotahe, isang kuta ng mga komunista sa hilagang-silangan, at pagpapabagsak sa gobyernong Phibun na may suporta ng Beijing (CIA 1950).
Ano ang kahulugan para sa pulitika ng Thailand ng karanasan ni Pridi sa mga Amerikano mula pagiging alyado tungong pagiging komunitang banta para sa? Syempre pa, nakapag-ambag sa pagbagsak ni Pridi ang sarili niyang pamumulitika; naisahan siya ng kanyang mga katunggali. Gayunpaman, nagsilbing mahalagang pampulitikang tagumpay para sa mga royalista ang pag-abandona ng mga Amerikano kay Pridi. Samantalang anti-royalista din si Phibun, nagsanib siya at ang mga royalista upang lipulin ang ibinigay na alternatibong sibil at demokratiko ng kilusang pampulitika ni Pridi.
Nangahulugan ang pulitikal na pagkawasak kay Pridi ng lubhang paghina ng paghaharing militar na kalaban ng Thailand noong huling bahagi ng 1940. Umayon ito sa US. Inihanda ng pagbasura sa ka-alyado nito sa panahon ng digma ang pampulitikang kondisyon para sa pagpapanibagong-lakas ng mga pulitikong royalista at ng monarkiya bilang isang makapangyarihang institusyong pulitikal. Isang matatag na rehimeng militar bilang alyado at isang base sa Timog-Silangang Asya para operasyong Cold War ang mga naging pakinabang ng US.
Banta mula sa hilagang-silangan
Sa pagsisikap na patalsikin ang mga taga-suportang Free Thai ni Pridi, iniugnay sila ng US sa mga komunista—isang koneksyon na gumana nang mahusay para sa mga Amerikano. Dumami ang mga opisyal na dokumento at patakaran ng US na nag-uugnay kay Pridi, sa Free Thailand at mga pulitiko ng oposiyon sa Komunismo ng Viet Minh at mga Biyetnames na political refugee sa hilagang-kanluran.
Sa pagtatapos ng Digmaan, malaganap ang pagkabatid hinggil suportang Thai para sa Viet Minh, kabilang ang kalakalan sa armas. Tunay nga, nangahulugan ang anti-kolonyalismo at muhi sa mga Pranses na ang suportang ito ay tumawid ng mga pulitikal na dibisyon. Gaya ng ipinakita ni Goscha (1999), mga susing kontak ng Viet Minh sina Pridi, ang Free Thai at ang mga pulitiko ng hilagang-kanluran.
Nang maagaw ni Phibun ang kontrol, kinilala ng Viet Minh na bagaman siya ay Pranses, isa rin siyang anti-komunista (Goscha 1999, ch 7). Samantala, binago ng mga Amerikano ang pagkilala sa Viet Minh mula sa pagiging mga nasyunalista tungong pagiging komunista, at sumuporta sa mga Pranses. Tinatakan ang mga ulat mula sa paniniktik hinggil sa salapi at armas bilang may kinalaman kay Pridi at kanyang mga alyado (CIA 1948b). Nagpaabot ang maraming ulat ng mga di-beripikadong pahayag, na malamang na nakuha mula sa rehimen at mga impormanteng royalista, hinggil sa malalaking kampo ng pagsasanay ng Viet Minh sa hilagang-silangan at ng mga estudyanteng lokal – na inilarawan bilang mga separatistang may diskontento—na nirerekluta para sa indoktrinasyon at pagsasanay militar ng Tsina at Biyetnam (CIA 1949a, b). Resulta nito ang determinasyon na kailangan ang tulong militar upang magapi ang mga kilusang inspirado ng Viet Minh at para palakasin ang rehimen laban sa mga domestikong kalaban sa pulitika.
Samantalang lumipat ang pokus ng mga ulat ng CIA tungo sa pangamba sa pananakop ng Biyetnam at Tsina, kumilos ang rehimeng militar para tanggalin ang mga pulitikong maka-Pridi. Umayon ang opisyal na diskurso ng US na nagtukoy sa hilagang-silangan bilang base ng Komunismo na maka-Pridi at ng iredentismo. Malupit ang ginawang pagharap sa mga taga-suporta ni Pridi. Kasunod ng kudeta noong 1947, inaresto ang marami at pinaratangan ng pagpapakana ng isang separatistang plano; nagsipagkubli ang iba (Keyes 2014). Pagkatapos ng bigong tangka ng kudeta noong 1949, pinaslang ng estado ang maraming lider at ipiniit ang iba pa. Mas hayag, pinaslang ng kapulisan ng rehimen ang apat na dating ministro mula sa hilagang-silangan habang nasa kamay nila ang mga ito. Alam ng mga Amerikano na iniutos ni Heneral Phao Sriyanond ang mga pamamaslang at na batid din ni Phibun at iba pang ministro ang plano (CIA 1949c). Subalit tiningnan ng US na kailangang ang brutalidad na ito para matiyak ang istabilidad ng rehimen at pagpapalakas ng anti-komunismo.
Subalit sa kabila ng ganitong panunupil, tiningnan pa rin bilang banta sa rehimen si Pridi at ang Free Thai. Tinanaw ng US ang buong hilagang-silangan, kungsaan nakapagpanatili si Pridi ng malakas na suporta, bilang isang “problema.” Ibinaling ang atensyon sa operasyong sikolohikal upang “bawasan ang panganib ng paglaban mula sa Hilagang-Silangan.” Nagdiin ang mga panukalang tulong militar at pang-ekonomiko sa mga kalsada at riles para sa “pagpapa-unlad ng mga istratehikong nakalantad at lugmok sa ekonomiya na mga probinsya ng Hilagang-Silangan” (Morgan 1953). Naglaman ang mga pagsisikap na ito ng mga programang militar na naglalayong gapiin ang tinatawag ng tagapagtatag ng OSS at bagong ambasador sa Thailand na si “Wild Bill” Donovan na “Mga komunistang ahente na nag-operasyon sa Hilaga at Hilagang-Silangang Thailand” (OH 1987). Nagtulak si Donovan para sa mga istratehikong daan, mga baseng panghimpapawid sa rehiyon at higit na atensyon sa kontra-insurhensiya (Operations Coordinating Board 1954a).
May pangmatagalang epekto ang pamamaslang sa mga pulitikong maka-Pridi at pagtukoy sa hilagang-silangan bilang lugar ng oposisyon at komunismo dahil na rin sa pagmarka sa rehiyon isang bantang iredentista at ang mamamayan nito bilang atrasado, mapagpakana at mapanganib para sa pampulitikang elit ng Bangkok (Keyes 2014). Para sa maraming lokal, kinumpirma ng paglipol sa kanilang mga pinunong pampulitika ang antagonismo at diskriminasyon ng Bangkok laban sa kanila at nag-ambag ito sa mga ideya hinggil sa rehiyunal na identidad.
Awtoritaryanismong militar
Sa pagbitaw ng USA kay Pridi, niyakap naman nito ang awtornitaryanimong militar. Binigyang-katwiran ng US na kinakailangan ang hakbang para sa pagtatatag ng istableng rehimen na kayang lumaban sa komunismo at gumapi sa mga lokal na sumasalungat.
Malaganap ang pagkabatid sa paglaki ng tulong militar sa Thailand (Surachart 1988). Habang iniuulat ang hinggil sa mga komunistang aktibidad sa Washington, kumilos ang US para palakasin ang militar bilang istratehikong balwarte laban sa “pangangamkam ng Sobyet at Tsina” (OH 1976). Lumatag ang isang antas ng sindak sa pagputok ng Digmaang Koreano at higit na lumakas ang mga panawagan para sa ayudang militar, kasabay namang pinirmahan ang isang kasunduan hinggil sa tulong noong Oktubre 1950. Sa lalo’t madaling panahon, dumaloy na tila ilog ang tulong, habang nagbabala ang ambasador ng US na si Stanton na banta ang Komunistang subersyon sa gobyernong Thai (OH 1977); lumaki nang sampung ulit ang tulong militar sa pagitan ng 1952 at 1954, hanggang $124.1 milyon (Halaby 1950).
Noong 1953, naghinuha ang isang misyong militar sa Thailand na pinamunuan ni Heneral William N. Gillmore na marami pang kailangang gawin at nagrekomenda ng karagdagang mga pagsasanay at tagapayo, at pagdoble sa lakas militar ng Thailand tungong 120,000. Pinalaki ang pwersa ng kapulisan mula 5,000 tungong 42,000. Dagdag pa, sinimulan ang pagsasanay para sa bagong Volunteer Defense Corps na planong palawakin din hanggang 120,000 (OH 1987).
Binago ng tulong militar ng US ang hugis ng hukbong sandatahan at kapulisan. Idinisenyo din nito ang militar bilang isang dominanteng institusyong pampulitika. Tulad nang ipinahayag ni Darling (1965, 67), para sa mga Amerikano, “higit na nagiging kaakit-akit ang konserbatibo at anti-komunistang rehimen sa Thailand kahit na ano pa ang internal na pulitika o pamamaraan ng pagkamit sa kapangyarihan.” Higit na tahasan si Heneral Gillmore sa pagdedeklarang: “Kaya habang…tinutulungan natin ang malupit na oligarkiyang militar na manatili sa pwesto, sapat tayong mapapanatag sa kapasyahan nitong labanan ang Komunismo” (OH 1987). Hindi napigilan maging ng malaganap na katiwalian ang US, habang nagpalagay ang isang ulat na hindi ito matatanggal (Morgan 1953). Tunay nga, nagsilbing semento ang katiwalian na nagbibigkis sa mga heneral ng rehimen: “Mga tao itong umakyat sa matataas na pwesto sa pamamagitan ng katiwalian, sa pamamagitan ng malupit na brutalidad at sa pamamagitan ng kooperatibong pagsuporta sa bawat isa” (OH 1987).
Nangahulugan ang katiwalian, kalupitan at brutalidad ng pampulitikang istabilidad at masugid na anti-Komunismo. Natutunan ng mga pinunong militar ng Thailand na kaya nilang manupil at magpayaman nang walang pananagutan.
Mga Konklusyon
Nangahulugan ang alyansang Cold War sa pagitan ng US at Thailand ng pagsuporta sa awtoritariyanismong militar at pulitikal na panunupil, at pinilay nito ang pulitikang sibilyan. Pumabor sa mga royalista at katunggaling militar ang pagwasak kay Pridi at mga alyado nito. Pumabor din ito sa US. Inihanda ng hakbanging ito ang kalagayan para sa muling pagbuhay ng mga pulitikong royalista at ang huling pag-angat ni Haring Bhumibol Adulyadej bilang pampulitikang kalahok (see Handley 2006). Binaog ng panunupil, mga pag-aresto at pamamaslang ang pulitikang sibilyan, laluna sa hilagang-silangan. Hindi lamang winasak ang mga matatas at kilalang kritiko ng mga royalista at militar, kundi kinilala din ang hilagang-silangan bilang “mapanganib” na iredentista. Patuloy na itinulak ng ganitong pananaw ang relasyon sa pagitan ng hilagang-silangan at mga elit ng Bangkok. Pinakamahalaga, pinahina ng istratehiyang Cold War ng US ang demokratikong pulitika, at nagpalakas, nag-armas at ideolohikal na nagpapuri sa mga istableng rehimeng awtoritaryan. Mula noong Cold War, paulit-ulit na nagpabagsak ng mga halal na pamahalaan ang militar, sa pinakahuli ay nitong 2014.
Kevin Hewison
Weldon E. Thornton Distinguished
Mga sanggunian
CIA. 1948a. “Intelligence Highlights No. 26,” Office of Reports and Estimates, CIA Far East/Pacific Branch.
CIA. 1948b. “Details Concerning Pridi, Luang Pibul and the Viet Minh,” Information Report, September 7.
CIA. 1949a. “Location of Viet Minh Training Camp in Siam,” Information Report, January 18.
CIA. 1949b. “Political Teachings in Chinese Private Schools in Siam,” Information Report, March 4.
CIA. 1949c. “Chinese Communists in Siam,” Information Report, May 16.
CIA. 1950. “1. Possible Communist Invasion of Thailand 2. Possible Plan of Communist Underground in Thailand,” Information Report, August 22.
Darling, F. 1965. Thailand and the United States. Washington, DC: Public Affairs Press.
Fineman, D. 1997. A Special Relationship. The United States and Military Government in Thailand, 1947-1958. Honolulu: University of Hawai’i Press.
Goscha, C. 1999. Thailand and the Southeast Asian Networks of the Vietnamese Revolution, 1885-1954. Richmond: Curzon.
Halaby, N. 1950. “Memorandum to Major General Stanley L. Scott, Department of Defense,” December 19.
Handley, P. 2006. The King Never Smiles. New Haven: Yale University Press.
Keyes, C. 2014. Finding Their Voice. Chiang Mai: Silkworm Books.
Morgan, G. 1953. “Memorandum for the Psychological Strategy Board, Revision of PSB D-23,” Psychological Strategy Board, July 28.
Office of the Historian. 1976. Foreign Relations of the United States, 1949, The Far East and Australasia, Volume VII, Part 2, Washington DC: US Government Printing Office.
Office of the Historian. 1977. Foreign Relations of the United States, 1951, Asia and the Pacific, Volume VI, Part 2, Washington, DC: US Government Printing Office.
Office of the Historian. 1987. Foreign Relations of the United States, 1952-1954, East Asia and the Pacific, Volume XII, Part 2, Washington: US Government Printing Office.
Operations Coordinating Board. 1954a. “Special Report on Thailand,” National Security Council 5405, July 15.
Surachart Bamrungsuk. 1988. United States Foreign Policy and Thai Military Rule, 1947-1977. Bangkok: Editions Duang Kamol.
Thanet Aphornsuvan. 1987. “The United States and the Coming of the Coup of 1947 in Siam,” Journal of the Siam Society, 75: 187-214.