Dalawampung taon matapos mapatalsik si Suharto noong 1998, naging matingkad na katangian ng subnasyunal na pulitika sa Indonesia ang dinastikong pulitika. 1 Noong 2013, natuklasan ng Ministry of Home Affairs ng Indonesia na hindi bababa sa 60 dinastiyang pulitikal ang umiiral sa Indonesia. Bagaman mistulang maliit ang bilang na ito kung ihahambing sa kabuuang bilang ng distrito, munisipalidad, at probinsya ng bansa, ang paglaganap ng subnasyunal na dinastiyang pulitikal ay lumakas sa paglipas ng panahon (Djohan 2017). 2 Sa pagkonsidera sa dinastikong pulitika, paano natin uunawain ang subnasyunasyunal na pulitika ng Indonesia dalawang dekada pagkatapos ng New Order?
Inihahapag kong nakikita natin ngayon ang mga palatandaan ng “subnasyunal na awtoritaryanismo” (Gibson 2013), na gumagampan ng mahalagang papel ang dinastikong pulitika sa paglikha at pagpapanatili ng ganitong uri ng rehimen. Bagaman ang mga palatandaan at antas ng subnasyunal na awtoritaryanismo ng Indonesia ay hindi kasinglaganap nang sa ilang mga bansa sa Latin America, makaliligaw ang pagsasa-isantabi ng mga palatandaan ng subnasyunal na awtoritaryanismo sa mga lugar na bulnerable sa dinastiya kung nais nating lubos na maunawaan ang pulitika ng Indonesia sa panahon matapos ang New Order.
Kung kaya, kailangan nating paunlarin ang pag-unawa sa pulitika ng Indonesia nang lampas sa simpleng paghahati sa pagitan ng mga nagsasabing ang Indonesia ay isang nakokonsolidang demokraysa laban sa mga nangangatwirang ang Indonesia ay isang demokraysang elektoral kungsaan nagagawa ng maliit na bilang ng oligarkiya na ibagay ang sarili sa mga bagong laro upang pagsilbihan ang kanilang interes sa pulitika at ekonomiya. 3 Sa paglipat ng ating mapanuring pagsipat mula pambansa tungong subnasyunal, makikita natin ang ilang palatandaan ng tinatawag ni Gibson (2013) na “regime juxtaposition.” Ang regime juxtaposition ay isang sitwasyon kungsaan, sa pambansang antas, malakas ang kompetisyong elektoral, at makalilikha ng masamang panlipunan, pulitikal at ligal na epekto ang anumang malawakang manipulasyon; samantalang sa subnasyunal na antas, litaw ang mga palatandaan ng mapagkumpitensyang awtonitaryanismo, laluna sa mga lugar kungsaan nangingibabaw ang dinastikong pulitika. 4
Subnasyunal na Elit sa Panahon ng Rehimeng Suharto
Noong rehimeng Suharto, hindi umiiral ang dinastikong pulitika sa antas subnasyunal, maliban sa antas baryo. Nilimitahan ng organisasyon ng estadong Indonesian ng New Order ang oportunidad para pormal na mamonopolisa ng mga lokal na awtokrata ang kapangyarihan sa subnasyunal na antas (Sidel 2005). Walang makabuluhang awtoridad ang mga rehiyon para magluklok ng sariling pinunong rehiyunal dahil ang mga gobernador, mayor, at mga pinuno ng distrito – marami ay mga aktibo at retiradong opisyal ng militar—ay itinalaga sa aktwal ng sentral na pamunuan sa Jakarta. Ayon sa batas, may karapatan ang mga lokal na parlyamento (DPRD) na magrekomenda ng mga kandidato para sa mga lokal na posisyong ehekutibo; subalit sa praktika, kailangang i-“konsulta” at aprubahan ang desisyon ng sentral na pamahalaan. Sa ganitong mga pormal at di-pormal na kalakaran, walang pulitiko sa subnasyunal na antas ang makapagbubuo ng dinastiyang pampulitika.
Gayunpaman, bagaman walang pormal na pagkakataon ang mga subnasyunal na elit para magbuo ng dinastiyang pampulitika, nagbigay ng mga oportunidad ang organisasyong New order ng estado para magbuo ng base ng kapangyarihan ang mga lokal na elit. Sinabi nina Sidel (2005) at Hadiz (2011) na ang mga elit na may iba’t ibang pinagmulan—mga may mababa at panggitnang ranggong opisyal ng militar, mga matataas ang katungkulang lokal na sibilyang lingkod-bayan, lokal na gangster, at mga lokal na negosyanteng nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno at militar—ay nakapagtayo ng di-pormal na baseng pampulitika at pang-ekonomiya sa gitna ng sentralisado at awtoritaryan na kaayusan sa kapangyarihan sa panahon ni Suharto. Kung kaya, bagaman hindi makapagtayo ng pormal na dinastiyang pampulitika ang mga lokal na awtokratang ito sa panahon ng New Order, nakatulong ang kanilang mga baseng pampulitika at pang-ekonomiya para ilunsad ang kanilang mga pormal na karerang pampulitika at, kasunod, ay maghari sa lokal larangang pampuitika (Hadiz 2011), gayundin sa pamamagitan ng dinastikong pulitika.
Ang Pag-usbong at Pananatili ng Subnasyunal na Dinastikong Pulitika sa Indonesia Pagkatapos ni Suharto
Nagbunsod ang pagbagsak ni Suharto noong 1998 ng serye ng prosesong pulitikal na tumungo sa kritikal na yugto sa pulitika ng Indonesia. Sa mahalagang panahong ito, lumikha ang mga susing aktor sa pulitika ng mga bagong institusyon na magkakaroon ng pangmatagalang epekto sa mga paraan kung paano isinasagawa ang pulitika sa subnasyunal na antas. Tatlong institusyon ang naging mahalaga sa paghawan ng landas para sa pag-usbong at pananatili ng subnasyunal na dinastikong pulitika: 1) desentralisasyon; 2) demokrastisasyon sa subnasyunal an antas—laluna sa direktang lokal na sistema ng halalan (Pemilukada); at 3) mga garantiya sa karapatang pampulitika ng mamamayan, pagkakapantay-pantay sa batas at karapatang maging malaya mula sa anumang uri ng diskriminasyon.
Hinawan ng unang dalawang institusyon ang landas sa pag-usbong ng subnasyunal na dinastikong pulikal. Gaya ng sinabi ni Hadiz (2011), pinapayagan ng desentralisasyon at subnasyunal na demokrastisasyon ang mga ganid na pulitikong lokal na mag-akumula ng kapangyarihan at yamang materyal. Sa gitna ng humihinang ugnayang ideyolohikal ng mga partidong pampulitika, mga pulitiko, at mga botante (Mujani and Liddle 2010), isang paraan upang mapanatili ang gayung akumulasyon ay ang pagtatatag ng dinastiyang pampulitika (Buehler 2007).
Isang rasyunal na opsyon ang dinastikong pulitika para sa mga pulitikong naghahangad na patagalin at palakasin ang kanilang kapit sa lokal na pulitika. Pinapayagan ng dinastikong pulitika ang mga nasa posisyon sa subnasyunal na antas na pakitunguhan ang mga usapin sa limitasyon sa termino ng kapangyarihan. Maaari ring pangseguro ang dinastikong pulitika laban sa panganib ng pagkawala ng pwesto, para sa pamilya bilang isang buong yunit (Chandra 2016). Dagdag pa, tinutulungan ng dinastikong pulitika ang mga lokal na pulitiko para palawakin ang kanilang kapangyarihan nang lampas pa sa mga hawak na teritoryo. Sa mga kaso kung saan pinipili ng mga naka-puwestong dinastikong pulitiko na palawakin ang kanilang kapangyarihan sa isang lokal na lehislatura sa parehong probinsya/distrito/munisipalidad, ang ganitong moda ng pulitika ay maaaring makatulong sa kanila upang makakuha ng pagsang-ayon ng lehislatura sa kanilang adyenda. Ang pag-upo sa pwesto sa lokal na lehislatura ay maari ding maging kapaki-pakinabang para sa (mga) kapamilya ng nasa posisyon na nag-iipon ng kredensyal para sa lalong pagsulong ng karera.
Kasama ng unang dalawang institusyon, pinapayagan ng ikatlo—ang garantiya sa karapatang pampulitika, pagkakapantay-pantay sa batas, at karapatang maging malaya sa anumang uri ng diskriminasyon ng mga mamamayan – na manatili ang subnasyunal na dinastikong pulitika sa pulitika ng Indonesia dalawampung taon pagkatapos magsimula ang Reformasi noong 1998. Noong 2015, bilang sagot sa isinampang kahilingan ng isang dinastikong pulitiko para sa pagrepaso ng korte, pinawang-bisa ng Indonesian Constitutional Court (MK) ang isang probisyon laban sa dinastiya sa Law 8/2015 on the Amendment of Law 1/2015 on Government Regulations in Lieu of Law 1/2014 on Subnational Elections dahil, ayon sa Korte, nagbibigay ng hadlang ang probisyon sa akses ng mamamayan sa kanilang mga karapatang konstitusyunal, dahil lamang may ugnayang pampamilya sila sa mga nasa pwesto (Parlina 2015). Pinalakas ng desisyon ng Korte ang ligal na batayan para sa mga naghahangad na pulitiko na magtatag ng kanilang dinastiyang pulitikal. Inilagay nito ang MK at mga dinastikong pulitiko sa isang kakatwang relasyon: may reputasyon ang MK bilang tagapagbantay ng demokrasya sa Indonesia; samantalang pinahina ng mga dinastikong pulitiko ang orihinal na layunin ng MK—na ipagtanggol ang demokratikong konstitusyon ng Indonesia – upang protektahan ang pampulitikang interes ng kanilang mga pamilya na maaaaring makapigil sa malusog na sirkulasyon ng elit sa subnasyunal na antas at magpahina sa kalidad ng lokal na demokrasya.
Subnasyunal na Dinastikong Pulitika at mga Palatandaan ng Subnasyunal na Awtoritaryanismo
Nagpapakita ang pag-usbong at pananatili ng subnasyunal na dinastikong pulitika sa Indonesia ng ilang palatandaan ng subnasyunal na awtoritaryanismo. Sa higit na limitadong saklaw kaysa mga dinastiyang pulitikal sa Latin America at Pilipinas, sinisikap ng mga dinastikong pulitiko ng Indonesia na kontrolin ang antas ng lokal na kompetisyon sa pamamagitan ng paggamit ng “menu ng manipulasyon” (Schedler 2002) na kinabibilangan ng pagbili ng boto, intimidasyon laban sa mga botante at kalaban, pagmonopolisa sa suporta ng mga partidong pampulitika, pagpapakilos sa mga burukrata, pagkontrol sa midya, pandaraya sa balota, at marami pang ibang paraan na nasa gitna ng ligal o iligal. Sa gayon, lubhang nagiging tagibang ang larangan ng labanang elektoral sa bentahe ng mga dinastikong pulitiko at hindi na ito nagiging patas.
Sa maraming labanan sa subnasyunal na halalan sangkot ang mga dinastikong pulitiko, litaw ang mga palatandaan ng “menu ng manipulasyon” ng mga nasa posisyon upang suportahan ang kanilang mga kapamilya. Halimbawa, aktibong lumahok ang dating gobernador ng Banten sa halalan sa Pandeglang (2010), South Tangerang (2010), at Serang City (2013) – mga lugar kungsaan tumakbo sa lokal na halalan ang kanyang mga kapamilya. Sumasaklaw ang modus operandi mula pamamahagi ng nakalilitong kautusan ng gobernador (Serang City), hanggang malawakan at sistematikong pagbabagu-bago ng istap sa lokal na burukrasya (South Tangerang), at pamumudmod ng salapi sa ilang pinuno ng baryo (Pandeglang). Sa Silangang Java, umano’y tinulungan ng dating rehente ng Bangkalan ang anak nito upang manalo sa halalan sa pamamagitan ng pagpapakilos ng mga lokal na komunista, maling paggamit sa pondo ng lokal na pamahalaan para sa kagalingang panlipunan, at pagmonopolisa sa suporta ng mga partidong pampulitika. Dagdag pa, ipinapakita ng mga halalan sa Cilegon (2010 at Kanlurang Bandung (2018) na maaaring ginamit ng mga nasa puwesto ang kanilang kapangyarihan upang makapagpasulpot ng pondo mula sa katiwalian para sa kampanya ng kanilang mga kapamilya. Makikita rin ang ganitong mga paraan ng pagmanipula sa larangan ng elektoral na labanan sa mga lugar kungsaan naglalabanan sa lokal na halalan ang mga dinastikong pulitiko.
Ang suliranin ay, bagaman halata ang ganitong mga moda ng manipulasyon, napakahirap na gawain na patunayan sa Constitutional Court na ang lokal na eleksyon ay dinaya nang istruktural, sistematiko at malawakan. Dagdag pa, nagpakita ang Korte ng pagpapaiba-iba at kawalan ng transparensi sa kanilang pagpapasya kung dinaya o hindi ang mga lokal na halalan (Butt 2013). Nakapag-aambag din ang limitadong kakayahan at mahinang komitment sa pagpapatupad ng lokal na batas at mga ahensyang may kinalaman sa halalan sa kahirapang patunayan ang mga istruktural, sistematiko at malawakang elektoral na paglabag. Sa ganitong uri ng kalagayan, patuloy na magagawa ng subnasyunal na mga dinastikong pulitiko ang pagtagibang sa larangan ng labanang elektoral.
Konklusyon
Sa pambansang antas, sa kabila ng iba’t ibang kakulangan na partikular na may kaugnayan sa kalayaang sibil, ang Indonesia ay isang demokratikong bansa, o kahit paano’y isang demokrasyang elektoral. Sa antas na ito, sa kabila ng mga suliranin sa rehistrasyon ng mga botante sa mga nakaraang pambansang halalan, ligtas na sabihin, na sa pangkalahatan, ang rehimeng elektoral ng Indonesia ay mapaglahok at may kahusayan.
Sa subnasyunal na antas, samantala, madaling gumamit ang mga dinastikong pulitiko ng “menu ng manipulasyon” upang palakasin ang kanilang teritoryal na kontrol. Sa antas na ito, may higit na kapangyarihan ang mga dinastikong nasa puwesto para manipulahin ang larangan ng labanang elektoral, para sa bentahe ng kanilang mga kapamilya. Ang kontradiksyong ito sa pagitan ng pambansa at subnasyunal na antas ay kahawig ng tinatawag ni Gibson (2013) na “regime juxtaposition.”
Sa paniyak, ang lawak ng kayang gawin ng mga dinastikong pulitiko ng Indonesia upang lubos na magsagawa ng pagkontrol sa mga hangganan para makalikha ng subnasyunal na rehimeng awtoritaryan ay hindi kapantay ng sa kanilang mga katapat sa Latin America at Pilipinas, na sumasalamin sa mga pagkakaiba sa kaayusang institusyunal—partikular ang pederal laban sa unitari na mga istruktura ng estado. Kayang limitahan ng sentral na pamahalaan ng Indonesia, sa pamamagitan ng mga ministri at mga ahensya sa pagpapatupad ng batas—gaya ng Corruption Eradication Commission (KPK) – ang pleksibilidad ng mga dinastikong pulitiko na palawakin at palakasin ang kanilang kontrol sa teritoryo. Dagdag pa, iba ang materyal na pundasyon ng mga dinastikong pulitiko ng Indonesia kaysa kanilang mga katapat sa Latin America at Pilipinas na karamiha’y mga oligarkiyang may lupain na ang mga pamilya’y makapangyarihan na simula pa noong panahong kolonyal. Sa gayon, sa maraming kaso, makakakita tayo ng mga lokal na pamilyang pulitikal sa Indonesia na nabigo ring magtayo ng dinastiyang pulitikal.
Ang mga pagkakaibang ito, gayunpaman, ay hindi nangangahulugang maaari na nating ipagsawalang-bahala ang mga palatandaan ng subnasyunal na awtoritaryanismo sa mga lugar kungsaan umiiral ang dinastikong pulitika sa Indonesia. Ang gawin ito’y maaaring magpahina sa paunang mga layunin ng demokratisasyon at desentralisasyon na sinimulan nating mga Indonesian dalawampung taon na ang nakararaan. Pagkalipas ng dalawang dekada matapos ang New Order, marami pang kailangang gawin ang Indonesia upang gumana ang demokrasya, sa pambansa, ngunit higit na mahalaga, sa subnasyunal na antas.
Yoes C. Kenawas
Yoes C. Kenawas is a graduate student in political science at Northwestern University, USA
Reference
Buehler, Michael. 2007. “Rise of the Clans.” Indonesia Resources and Information Program (IRIP), Last Modified October 2007, accessed April 2. http://www.insideindonesia.org/rise-of-the-clans.
Butt, Simon. 2013. Indonesian Constitutional Court Decisions in Regional Head Electoral Disputes. In CDI Policy Papers on Political Governance. Canberra, Australia: Centre for Democratic Institutions.
Chandra, Kanchan. 2016. “Democratic Dynasties: State, Party, and Family in Contemporary Indian Politics.” In Democratic Dynasties: State, Party, and Family in Contemporary Indian Politics, edited by Kanchan Chandra, 12-55. Cambridge, UK: Cambridge University Press.
Dal Bó, Ernesto, Pedro Dal Bó, and Jason Snyder. 2009. “Political Dynasties.” The Review of Economic Studies 76 (1):115-142.
Djohan, Djohermansyah. 2017. Pembangunan Politik Indonesia. Jakarta: Institut Otonomi Daerah.
Gibson, Edward L. 2013. Boundary Control: Subnational Authoritarianism in Federal Democracies. Cambridge, MA.: Cambridge University Press.
Hadiz, Vedi R. 2011. Localising Power in Post-Authoritarian Indonesia: A Southeast-Asia Perspective. Singapore: ISEAS Publishing.
Levitsky, Steven, and Lucan A Way. 2010. Competitive authoritarianism: Hybrid regimes after the cold war: Cambridge University Press.
Mujani, Saiful;, and R William Liddle. 2010. “Voters and the New Indonesian Democracy.” In Problems of Democratization in Indonesia: Elections, Institutions, and Society, edited by Edward; Aspinall and Marcus Mietzner, 75-99. Singapore: ISEAS Publishing.
Parlina, Ina. 2015. “Possibility of Local Dynasties After Court Ruling.” The Jakarta Post, Last Modified July 9, 2015, accessed April 20. http://www.thejakartapost.com/news/2015/07/09/possibility-local-dynasties-after-court-ruling.html.
Robison, Richard, and Vedi R Hadiz. 2004. Reorganizing Power in Indonesia: The Politics of Oligarchy in an Age of Markets. New York, NY: Routledge Curzon.
Schedler, Andreas. 2002. “The Menu of Manipulation.” Journal of Democracy 13 (2):36-50.
Sidel, John T. 2005. “Bossism and Democracy in the Philippines, Thailand and Indonesia: Towards an Alternative Framework for the Study of ‘Local Strongmen’.” In Politicising Democracy: The New Local Politics of Democratisation, edited by John Harriss, Kristian Stokke and Olle Tornquist, 51-74. New York, NY: Palgrave Macmillan.
Notes:
- Dynastic politics refers to a mode of political strategy where two or more members of the same family occupy elected office(s) in the same area (Dal Bó, Dal Bó, and Snyder 2009) ↩
- Indonesia consists of 542 subnational units. The factual number of political dynasties throughout Indonesia is difficult to obtain because Indonesia lacks an accessible database that records the familial relationship between officeholders and their family members who also occupy elected offices. ↩
- Competitive authoritarianism refers to a regime type where formal democratic institutions exist but the electoral playing field is seriously manipulated for the advantages of the incumbent (Levitsky and Way 2010) ↩
- Competitive authoritarianism refers to a regime type where formal democratic institutions exist but the electoral playing field is seriously manipulated for the advantages of the incumbent (Levitsky and Way 2010) ↩