Mga Hamon sa Pagtugon sa mga Suliraning Panseguridad ng Myanmar Pagkatapos ng 2021

Moe Thuzar

Yangon, Myanmar. 2005. Downtown Yangon, old residential houses. Photo: Gekko Gallery, Shutterstock

Naglambong ng madilim na ulap sa pampolitikang kinabukasan ng Myanmar ang kudetang militar sa bansa noong Pebrero 2021, lalo na sa pagsiklab ng siklo ng karahasan bilang tugon sa paggamit ng militar ng mapamuksang pwersa laban sa di-armadong mga sibilyan na nagpoprotesta laban sa kudeta. Lumaganap at dumilim ang lambong na iyon, nakaapekto sa kung paano tinatanaw – at ikinatatakot – ng mamamayan ng Myanmar ang kanilang seguridad.

May malalaking suliraning panseguridad ang mamamayan ng Myanmar dahil sa nagpapatuloy na inseguridad at karahasan matapos ang kudeta noong 2021. Isa ang pampolitikang seguridad sa mga unang napinsala ng kudeta. Hinuli, kinasuhan, at ibinilanggo ang matatandang pinuno ng halal na pamahalaang sibilyan, mga miyembro ng gabinete, at mga miyembro ng namumunong partido. Lumikha ng pangkalahatang pakiramdam ng inseguridad ang mga mahihigpit na patakaran at panunupil sa pagpapahayag ng rehimeng militar; ilan sa mga patakarang ito ang nakaapekto sa pang-ekonomio at pangkalusugang seguridad ng mamamayan. Nakadagdag sa personal at pangkomunidad na mga alalahanin ang malawakang paglikas at pagkasira ng mga tahanan habang nag-iibayo ang labanan sa maraming bahagi ng Myanmar. Patuloy na lumalaki ang pangangailangan para sa makataong tulong sa mga lugar na apektado ng labanan, na pinalala ng mga natural na kalamidad, kabilang ang bagyo noong Mayo 2023, pagbaha at pagguho ng lupa sa kasagsagan ng bagyo noong 2024, at mapaminsalang lindol noong Marso 2025. Kabilang ang Myanmar sa mga bansa sa daigdig na pinakamalapit sa kalamidad, at may dulot na malawakang kapinsalaan ang pagsasanib ng labanan at bulnerabilidad sa pagbabagong pangklima.

Hinggil sa katayuan ng Myanmar sa ibayong dagat, napukaw ang awa at pag-aalala sa kalagayan ng mamamayan, sa gitna ng tumitinding pagkadismaya at pagkayamot sa mahigpit na aktitud ng rehimeng militar kaugnay ng mga interbensyong diplomatiko ng rehiyon na naglalayong mawakasan ang karahasan at mamagitan sa isang inklusibong dayalogo sa ilalim ng malapad na balangkas ng Limang-Puntong Kaisahan hinggil sa Myanmar ng ASEAN. Ang mga pagsisikap ng ASEAN para mamagitan sa nagaganap na labanang sibil at tugunan ang lumalalang kalagayan ng mamamayan ay nahahadalangan ng magkakaibang interes ng mga kasaping estado na nakakaapekto sa pag-abot at pagtataguyod ng mga kolektibong pasya at tindig at ng pagiging masalimuot ng pakikipag-usap sa maraming kasangkot sa Myanmar. Maraming panahon at enerhiya na ang ginugol ng ASEAN sa pagtugon sa Mynamar, pangunahin sa porma ng diplomasyang panrehiyon kabilang ang mga pahayag, pangkagyatang mga pagpupulong, pagsubaybay sa pagsunod (o hindi pagsunod) ng Myanmar sa Limang-Puntong Kaisahan, pakikipagtalakayan sa iba’t ibang pampulitikang aktor at kasangkot sa Myanmar, at pagbibigay ng makataong tulong, kabilang ang mga pangkat para sa Urban Search and Rescue matapos ang lindol noong 2025. Gayunman, hamon din sa pagiging epektibo ng mga mekanismong institusyunal ng ASEAN para sa pangangasiwa sa krisis ng Myanmar ang nagbabagong mga suliraning panseguridad ng bansa. Maikling tinatalakay ng papel na ito ang apat sa mga hamong ito, ang kanilang (masalimuot na) nilalaman, at mga implikasyon para sa mga rehiyunal at bilateral na tugon.

Mae Sot, Tak, Thailand – April 20, 2024 : Many war-ravaged refugees from Myanmar crossing the border into Thailand due to heavy fighting between the opposition and the military government in Myawaddy. Photo: SOMRERK WITTHAYANANT, Shutterstock

Migrasyon at Paglikas

 Isa sa mga pangunahing nagtutulak ng migrasyon sa Myanmar ang internal na labanan matapos ang kudeta noong 2021, na lumikha ng “panahon ng migrasyong Myanmar” sa pagbilis ng pagkilos ng mamamayan sa loob at palabas ng bansa matapos ang kudeta.[1] Kapwa may mga panloob at tawid-hangganang dimensyon ang paglikas na may karugtong na malalaking makataong pangangailangan. Naitala ng Operational Data Portal ng UNHCR ang higit 3.5 milyong katao na nawala sa kanilang mga lugar sa loob ng Myanmar noong Setyembre 2025, at higit 1.5 milyon ang refugee at humihiling ng asylum (higit 270,000 ang nagsidating matapos ang kudeta noong 2021) sa mga ikatlong bansa pagsapit ng Agosto 2025.[2] Nakabanat rin sa mga sistemang pangkalusugan at panlipunan ng mga tumatanggap na bansa ang pagtawid sa mga hangganan, sa daluyang ligal man o bilang mga refugee, laluna sa mga pinakamalapit na karatig-bansa ng Myanmar sa ASEAN, ang Thailand, na tumatanggap ngayon ng malaking bilang ng mga migrante at mga humihiling ng asylum mula pa noong 2021.  Dulot ng pagpapatupad ng 2010 Military Service Law sa maagang bahagi ng 2024, maraming kabataan, lalo na sa hanay ng mga kalalakihan, ang naghanap ng paraan upang makaalis ng Myanmar para umiwas sa sapilitang pagpapalista sa gawaing militar sa panahon ng labanan. Sumama ang iba sa mga pwersang nakikipaglaban.[3] Sa maagang bahagi ng 2025, nagpataw ang rehimeng militar ng mga karagdagang restriksyon sa pagbyahe ng mga kalalakihang nasa hustong gulang para magpalista sa gawaing militar.[4] Nakaapekto ito sa mga motibasyon at opsyon ng mga potensyal na migrante mula sa Myanmar at nakadagdag sa kanilang bulnerabilidad sa mga tumatanggap na bansa kaugnay ng akses sa proteksyong ligal at mga panlipunang serbisyo. Magandang balita para sa maraming migrante/refugee ang desisyon kamakailan ng gabinete ng Thailand na nagpapahintulot sa matatagal nang refugee mula sa Myanmar na makapagtrabaho nang ligal sa bansa, at lumakas ang pag-asa na mapapalawak pa ang patakarang ito para saklawin ang mga kamakailan lamang dumating.[5]

Refugee camp housing Karen refugees from Myanmar on mountain and forest atTak, Thailand. Photo: Anirut Thailand, Shutterstock

Ang Ugnayan ng Klima at Labanan

Matapos ang kudeta, nagpahayag ng pag-aalala ang mga eksperto hinggil sa lumalaking bulnerabilidad ng Myanmar kaugnay ng klima, nagbabala sa mga negatibong implikasyon ng pagsuspinde sa ilang mahahalagang proyekto at inisyatiba na nakatuon sa katatagan sa harap ng pagbabagong pangklima, at pagbabago ng pokus ng ekonomiya sa ekstraktibong industriya.[6] Inilantad ng isang eksperto sa malalim na pag-aaral sa ugnayan ng klima at labanan sa Myanmar[7] na bagaman minimal ang ambag ng Myanmar sa carbon emission sa daigdig, mataas pa rin ang bulnerabilidad nito sa mga panganib kaugnay ng klima. Ipinakikita ng mga pagtataya batay sa pananaliksik kamakailan na maaaring hindi mapaninirahan ang malaking bahagi ng gitnang Myanmar, na pinaninirahan ngayon ng 12 milyong katao, dahil sa matinding init sa susunod na ilang dekada. Lalo pang inilagay sa panganib ng armadong labanan na tumindi matapos ang kudeta noong 2021 ang kabuhayan at suplay ng pagkain, at pinasalimuot ang pangangailangang tugunan ang mga problema ng Myanmar kaugnay ng klima at seguridad. Nakadagdag din ang limitadong pagpopondong internasyunal at mga problema sa pamamahala sa siklo ng pangkalikasan at panlipunang instabilidad na nagpapalakas sa isa’t isa. May kaunting pag-asa pa rin ang ilang eksperto para sa epektibong hakbanging pangklima at pagbabawas ng panganib ng kalamidad sa Myanmar sa hinaharap sa pamamagitan ng pagtugon dito sa antas lokalidad, pagpapalahok sa mga komunidad ng mga lokal at mga katutubo, pag-ayon sa mga pederal na prinsipyo ng subsidiarity at ang pandaigdigang agos tungong lokalisadong pagpipinansya sa klima, laluna sa mga rehiyon na apektado ng mga labanan at naghihirap. Gayunman, pagkain at katiyakan sa kabuhayan ang mas litaw at kagyat na usapin sa kasalukuyang kalagayan ng Myanmar na winawasak ng labanan, habang pinahihina ang agrikultura ng paulit-ulit at malalakas na kalamidad. Kasabay nito, maaring pabilisin ng mga iligal na ekstraksyon ng mga rekurso na may kaugnayan sa labanan ang pagkasira ng kapaligiran at lalong palalalimin ang tensiyon at labanan.

Cybercrime at Seguridad[8]

Isang nagbabago at nagpapatuloy na hamon rin para sa Myanmar ang cybersecurity, isang bagong hamon para sa rehiyon, na hindi maihihiwalay ang pagkakaugnay sa dumadaming cybercrime at operasyon ng mga scam na inaasinta at binibiktima ang maraming mamamayan ng bansa at ng Timog-Silangang Asya at lampas pa. Inilarawan ang Myanmar bilang kanlungan ng cybercrime dahil sa mahinang kapasidad nitong magtatag at magpatupad ng mga kaukulang hakbang para sa cybersecurity para protektahan ang populasyon. Higit pa, nakadagdag sa nagpapatuloy na kawalan ng pagpapanagot sa mga operasyon ng scam ang limitadong abot ng pagpapatupad ng batas at kaayusan sa mga lugar sa hangganan ng Myanmar na kanugnog ng China at Thailand. Mas nagdidiin ang mga awtoridad sa Myanmar sa pagkontrol sa paniniktik ng estado at kakayahang tumugon[9] at seguridad ng rehimen (sa tabing ng pambansang seguridad) sa mga lugar na kayang abutin ng administratibong kontrol nito. Hindi na bago sa mga hangganan ng Myanmar at sa iba’t ibang armadong etnikong grupo na hindi pwersa ng estado ang mga ipinagbabwal na pang-ekonomiyang aktibidad, o sa masalimuot at magkasamang pag-iral at ugnayan sa mga tauhan ng armadong pwersa ng Myanmar; nagpatuloy ang mga aktibidad sa kabila at sa gitna ng kudeta noong 2021 at pandemyang COVID-19. Nakadaragdag ang kasalukuyang pampolitikang instabilidad sa mga kakulangan sa pagitan ng mga itinatakda ng kasulatan at aktwal na karanasan. Inilalantad ng pagtatagni-tagni ng pamamahala at teritoryal na kontrol sa mga pinaglalabanang lugar at paligid nito ang iba’t ibang motibasyon at ahensiya ng iba’t ibang aktor sa seguridad, mula sa mga tumututol sa militar ng Myanmar o lumalaban sa paghaharing militar hanggang sa mga aktibong sumusuporta sa militar. Ipinahihiwatig ng ganitong kalagayan na nagbabantang maging isang paikut-ikot na problemang pinalalala ng pampolitikang instabilidad at mahinang kakayayahan sa pamamahala o pagpapatupad ang mga sumusulpot at lumalaking panganib sa cybersecurity mula sa mga hangganang lupain ng Myanmar.

Opium Poppy flower in the cultivated field, Shan state, Myanmar. Photo: Ratuay, Shutterstock

Ugnayan ng Droga at Labanan

Bago ang mga scam at operasyong cybercrime, produksyon at pagbebenta ng droga ang pangunahing transnasyunal na krimen na naiuugnay sa Mynamar. Mula pa noong panahon ng Cold War ang kabantugan ng Myanmar bilang lugar ng produksyon ng droga, kung saan sumulpot ang Golden Triangle region,[10] katulad ng mga ipinagbabawal na aktibidad ng pagpopondo sa kalakalan ng droga at operasyon ng mga armadong aktor na hindi pwersa ng estado sa mga lugar na hindi halos naaabot ng pamahalaan. Nakadagdag sa patuloy  na produksyon ng ipinagbabawal na droga ang pakikipagsabwatan sa mga tusong rehimeng awtoritaryan na nakikipagnegosasyon para sa tigil-putukan na nakatuon sa negatibo sa halip na sa positibong kapayapaan, hanggang maitala ang Myanmar na nalampasan na ang produksyon ng drogang opyo ng Afghanistan noong 2023.[11] Nakita rin ang walang kaparis na pagtaas ng produksyon at bentahan ng sintetikong droga, lalo na ng methamphetamine, sa rehiyon ng Golden Triangle, partikular sa Shan State sa Myanmar. Nasasalamin ang “kagila-gilalas na pagtaas” na ito na “pinakamarami sa kasaysayan” sa nasamsam na 236 tonelada, na 24% pagtaas mula noong 2023 at malamang na lalong mas marami pa ang nakarating sa merkado.[12]  Nagbigay ng higit na oportunidad ang biglang paglubha ng instabilidad sa buong Myanmar matapos ang kudetang 2021 sa mga transnasyunal na grupong kriminal para samantalahin ang pagguho ng pagpapatupad ng batas at ng tumataas na pangangailangan para sa rekurso para pondohan ang digmaang sibil.

Gayunpaman, tuluy-tuloy na ipinaparatang ng militar ng Myanmar ang problema ng ipinagbabawal na droga at iba pang krimeng transnasyunal sa mga lugar na kontrolado ng EAO na lumalaban sa panghihimasok ng estado, at naglalayong palabasing ang militar ang responsable rito, nakikipagtulungan sa mga kaalyado sa labas ng bansa para tugunan ang mga suliranin. Sa nakaraang mga dekada, nakipagtulungan ang sunud-sunod na administrasyon ng Myanmar sa Drug Enforcement Administration (DEA) ng pamahalaan ng US, at sa United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) kaugnay ng paglipol sa droga. Gayunman, nananatiling mataas ang produksyon ng droga sa Myanmar, bagaman naiulat ang pagbaba noong 2024 kumpara noong 2023, at naobserbahang patuloy na mataas ang antas ng produksyon mula nang simulan ng UNODC ang pagsukat dito dalawang dekada na ang nakakaraan.[13]

Maliwanag ang mga implikasyon sa seguridad- kapwa sa panloob at panlabas. Sinusuhayan at pinalalakas ng instabilidad at labanan ang produksyon at bentahan ng droga, at gayundin sa kabaliktaran. Nag-alok ng mga insentibong pang-ekonomiko sa mga armadong etnikong organisasyon ang mga kasunduan para sa tigil-putukan ng militar ng Myanmar noong mga dekada 1990 at 2000, kapalit ang pagtigil ng labanan; ilan sa mga grupong ito ang nagpailalim din sa istruktura ng komand ng armadong pwersa ng Myanmar. Patuloy na gumagatong at nakikinabang ang mga bawal na negosyo at ugnayan sa kapangyarihan na sumulpot mula sa gayong mga kasunduan ng “negatibong kapayapaan” mula sa nagpapatuloy na labanan sa Myanmar sa kasalukuyan. Idinetalye ng ulat kamakailan ng Global Initiative against Transnational Organized Crime (GI-TOC), na inilabas bilang bahagi ng serye ng Illicit Economies Watch ng UN Security Council, kung paanong ginatungan ng mga bawal na ekonomiya ang mga insurhensiya at labanan sa Myanmar sa nakaraang 60 taon, na banta sa kaligtasan ng tao at iba pang usaping panseguridad at pangkapayapaan sa mga hangganan ng Myammar. Nagbabala rin ang ulat na matapos ang kudetang 2021, lalupang napatibay ng paglakas ng mga bawal na ekonomiya ang ang mga interes hangang sa puntong anumang pagtatangkang banggain ang mga interes na ito ay magsasapanganib sa kapayapaan at katatagan ng bansa.[14]

Thai-Myanmar Friendship Bridge at Mae Sot, Thailand. Photo Mikhail Esteves, Wikipedia Commons

Konklusyon

Nag-institusyonalisa ang ASEAN ng mga rehiyunal na mekanimso at tugon sa mga usapin ng migrasyon, pagbabagong pangklima, bentahan ng droga, at iba pang transnasyunal na krimen. Kasama ang migrasyon at pagbabagong pangklima sa mga prayoridad sa ilalim ng ASEAN Socio-Cultural Community 2025 Blueprint, samantala kabilang sa ASEAN Political-Security Community 2025 Blueprint ang mga hakbangin para tugunan ang droga at iba pang transnasyunal na krimen, gayundin ang mga sumusulpot na usaping panseguridad kaugnay ng cybercrime. Gayunman, ipinagpapalagay na ang mga kasaping estado ng ASEAN na magpapatupad ng mga komitment na ito sa rehiyon ay nasa isang sitwasyon na may pampulitikang katatagan at may kakayahan sa pamamahala. Samantala, hinihiling ng kasalukuyang instabilidad ng Myanmar at ng mabuway o biyak-biyak na kalagayan sa pamamahala sa bansa na isaalang-alang kung paano makatutugon para sa isang kasaping estado na hindi makagampan sa mga komitment sa rehiyon ang mga pakikipagtalakayan ng ASEAN sa iba’t ibang sektor ng kooperasyon sa kakaibang sitwasyong ito.

Kailangan din na isaalang-alang ng kabuuang pagsisikap ng ASEAN para mamagitan sa pag-abot sa pampolitikang kasunduan para sa Myanmar sa ilalim ng Five-Point Consensus ang mga implikasyon ng mga usaping ito na nagmumula sa kasalukuyang instabilidad ng Myanmar. Kung gayon, kailangang maging handa ang mga rehiyunal at/o bilaterial na tugon sa nagaganap na krisis sa Myanmar mula noong 2021 na tugunan ang mga nagbabagong hamon sa seguridad sa loob ng bansa, na hamon rin sa kolektibong tugon sa seguridad at kahandaan sa loob ng rehiyon.

Moe Thuzar
Si Moe Thuzar ay isang senior fellow at coordinator para sa Myanmar Studies Program ng ISEAS Yusof Ishak Institute.

Notes – 

[1] Aung Tun, “Migration in Post-coup Myanmar: A Critical Determinant in Shaping the Country’s Future?,” ISEAS Perspective 2022/37, ISEAS-Yusof Ishak Institute, 13 April 2022. https://www.iseas.edu.sg/articles-commentaries/iseas-perspective/2022-37-migration-in-post-coup-myanmar-a-critical-determinant-in-shaping-the-countrys-future-by-aung-tun/#:~:text=Since%20Myanmar’s%20February%202021%20military,a%20%E2%80%9CMyanmar%20migration%20moment%E2%80%9D.

[2] Operational Data Portal, “Myanmar Situation,” UNHCR. https://data.unhcr.org/es/situations/myanmar

[3] Kyi Sin and Thida, “Conscription in Myanmar is Pushing Young Men to Choose Sides,” Fulcrum,  ISEAS-Yusof Ishak Institute, 26 March 2024. https://fulcrum.sg/conscription-in-myanmar-pushing-young-men-to-choose-sides/.

[4] Democratic Voice of Burma, “Regime Imposes Travel Restrictions on Conscription Aged Men,” 31 January 2025.   https://english.dvb.no/regime-imposes-travel-restrictions-on-military-conscription-aged-men/.

[5] United Nations, “Thailand Grants Work Rights to Long-term Refugees from Myanmar, UN Welcomes Resolution,” 26 August 2025. https://news.un.org/en/story/2025/08/1165721.

[6] Aung Tun, “ Myanmar’s Climate Crisis: Damaging Policies Need Reversal,” Fulcrum,  ISEAS-Yusof Ishak Institute, 27 December 2021. https://fulcrum.sg/myanmars-climate-crisis-damaging-policies-need-reversal/.

[7] Ashley South, Conflict, Complexity & Climate Change: Emergent Federal Systems and Resilience in Post-coup Myanmar, Regional Center for Social Science and Sustainable Development, Chiang Mai University, 2021.

https://rcsd.soc.cmu.ac.th/publications/conflict-complexity-climate-change/.  

[8] Observations in this section are condensed from the Myanmar case study for the East-West Center’s Cybersecurity in Southeast Asia. See, Moe Thuzar and Kyi Sin, “Cybersecurity in Myanmar: Concern across the Landscape,” East-West Center Asia Pacific Bulletin, 26 March 2025. https://www.eastwestcenter.org/publications/cybersecurity-myanmar-concern-across-landscape. See also, Moe Thuzar and Kyi Sin, “The Extraordinary Rise of Cybercrime Operations in Myanmar,” Lee Kuan Yew School of Public Policy, National University of Singapore, July 2024. https://scholarbank.nus.edu.sg/entities/publication/806affd9-0117-48b6-8d8d-d6441ba041f0.

[9] Tilleke and Gibbons, “Myanmar Issues Cybersecurity Law,” 9 January 2025. https://www.tilleke.com/insights/myanmar-issues-cybersecurity-law/10/.

[10] William Mellor, “In the Golden Triangle, Long-Dead Drug Warlords Hold Visitors in Thrall,” Nikkei Asia, 14 February 2024, https://asia.nikkei.com/Editor-s-Picks/Tea-Leaves/In-the-Golden-Triangle-long-dead-drug-warlords-hold-visitors-in-thrall.

[11] Nicholas Yong, “Myanmar Overtakes Afghanistan as Top Opium Producer, BBC, 12 December 2023. https://www.bbc.com/news/world-asia-67688413.

[12] United Nations Office on Drugs and Crime Press Release, “Rise in Production and Trafficking of Synthetic Drugs from the Golden Triangle, New Report Shows,” 28 May 2025. https://www.unodc.org/unodc/en/press/releases/2025/May/rise-in-production-and-trafficking-of-synthetic-drugs-from-the-golden-triangle–new-report-shows.html.

[13] United Nations Office on Drugs and Crime Press Release, “Myanmar Remains a Leading Source of Opium and Heroin,” 12 December 2024. https://www.unodc.org/unodc/press/releases/2024/December/myanmar-remains-a-worlds-leading-source-of-opium-and-heroin.html.

[14] Alastair Macbeath, Cashing in on Conflict: Illicit Economies and the Myanmar Civil War, Global Initiative on Transnational Organised Crime, March 2025. https://globalinitiative.net/wp-content/uploads/2025/03/Alastair-MacBeath-Cashing-in-on-conflict-Illicit-economies-and-the-Myanmar-civil-war-GI-TOC-March-2025.pdf.