Sa pagitan nina Sartre at Suharto: Ang mga Kasawian ng Existensiyalismo sa Indonesia

Pancasila Sakti Monument, built to commemorate those who fought to defend the Republic of Indonesia, Pancasila, from the threat of communist ideology. Wikipedia Commons

Nang ilathala ni György Lukács, isang Hungarian na pilosopong Marxista, ang The Destruction of Reason (1952), polemikong opensiba niya laban sa Kanluraning pilosopiya ng ika-20 siglo, pinuntirya niya  ang mga partikular na personalidad tulad nina Kierkegaard, Heidegger, at Jaspers—pati ang mga Pranses na katapat ng mga ito na sina Sartre at Camus— bilang mga pilosopo ng binabansagan niyang “parasitikong suhetibismo.” Inugat niya ang simula nito sa krisis sa kaisipang burges sa Europa sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, kung saan winasak ng mga kabiguan ng liberal na demokrasya at pamamayagpag ng imperyalismo ang pananalig sa kolektibong katwiran. Bilang pagpapatuloy ng tradisyon ng Marxistang kritika sa ideolohiya, ipinaliwanag ni Lukács ang existensiyalismo bilang sintomas ng ideolohikal na pagkabulok, yaong nahuhumaling sa mga materyal na kontradiksyon na naghahatid sa mga intelektwal sa solipsismo, metapisikal na kawalan ng pag-asa, pakikipagsabwatan sa reaksyunaryong politika (na pinatutunayan ng kaso ni Heidegger), at sa dulo ay ang paglihis mula sa mga kahalagahan ng tunggalian ng mga uri.

Ang suri ni Lukács sa existensiyalismo bilang pag-atras tungong abstraktong indibidwalismo at boluntarismong moral ay partikular na angkop sa kaso ng Indonesia: nagbibigay ito ng lente para maunawaan kung paanong nilayon ng isang seksyon ng mga sosyalistang intelektwal ng Indonesia na lumampas sa Marxistang determinismo upang sa huli’y matagpuan ang kanilang mga sarili na umaayon sa ideolohikal na pangangatwiran ng teknokratikong awtoritaryanismo sa ilalim ng Bagong Kaayusan.

Umabot sa rurok ang ideolohikal na salpukan sa pagitan ng existensiyalismo at Marxismo sa Indonesia noong mga unang dekada ng kalayaan (1945-1960s). Namukadkad ang konprontasyong ito sa konteksto ng pandaigdigang Cultural Cold War, isang panahon na higit na naidokumento sa mga huling pag-aaral (Herlambang 2013). Sentral sa tunggaliang ito ang mga intelektwal na kaanib sa Congress for Cultural Freedom (CCF) na sinusuportahan ng CIA— ang mga personalidad tulad nina Soedjatmoko, Mochtar Lubis, at Goenawan Mohamad—na naglayong baguhin ang hubog ng kalagayang kultural ng Indonesia ayon sa linya ng liberal na internasyunalismo matapos ang mga anti-komunistang pamamaslang noong 1965–1966. Sa ganitong balangakas, estratehikong iniayon ang existensiyalismo sa adyenda ng CCF na liberal na antikomunismo, na nagpapakita ng transatlantikong pagkakaisa na nagpuwesto sa “unibersal” na pagpapahalagang humanista laban sa materyalismong Marxista. (Saunders 1999: 78).

Indonesian Communist Party’s Emblem. It was the largest non-ruling communist party in the world before its violent disbandment in 1965.

Uso ang ganitong intelektuwal na moda noong dekada 1950 sa hanay ng mga grupong pampanitikan sa Indonesia, lalo na sa loob ng mga seksyon ng Generation of 1945 (Angkatan’45) na isinilang sa mga abo ng rebolusyon. Nasa ubod ng pagyakap sa pilosopiya ay ang malinaw na pesimismo. Tinalakay ng mga manunulat tulad nina Chairil Anwar, Sitor Situmorang, at Iwan Simatupang ng grupong Gelanggang ang mga tema ng kakatwaan at ang tinukoy ng kritikong pampanitikan na si Keith Foulcher (2015: 163) na “walang kabuluhang pag-iral”—isang pagod na korong sumasalamin sa kawalang pag-asa matapos ang rebolusyon. Umani ng matatalim na pagtuligsa mula sa kaliwa ang ganitong nausong pananaw ng kadiliman at kawalang pag-asa. Tinuya ng intelektwal ng Lekra na si Boejoeng Saleh (1954) ang modang ito bilang “Camusianisme,” binalewala ito bilang burges na kawalang pag-asa na nagbabalatkayo bilang pilosopikal na pesimismo. May intelektwal na pagkakahawig ang mga manunulat ng Gelanggang sa mga susing pinuno ng Indonesian Socialist Party (PSI) na magiging mga patron nila kalaunan.

Naging higit pa sa kanlungan ang PSI para sa grupong Gelanggang. Sa mayorya ng dekada 1950, nagsilbi silang espasyong pampolitika para sa mga susing kasapi nito sa pamamagitan ng mga daluyang midya tulad ng Siasat at Konfrontasi, at mga katabi nitong salon tulad ng Studieclub Konfrontasi. Partikular, ang pahayang Siasat ay itinatag ng dalawa sa mga protégé ni Sjahrir noong panahon ng pananakop ng mga Hapones (1942-1945) at kalauna’y magiging mga kasapi ng PSI: sina Soedjatmoko at Rosihan Anwar. Bunga ng biyakan sa loob ng Partido Sosyalista (PS) noong 1948, ang PSI na pinanguluhan ng kauna-unahang Punong Ministro ng Indonesia na si Sutan Sjahrir ay nag-ukit ng demokratikong sosyalistang identidad na naiiba mula sa rebolusyunaryong sosyalismo ng Partido Komunista ng Indonesia (PKI). Ang PKI na itinatag noong 1920 ay napilitang kumilos nang lihim matapos ang nabigo nitong rebelyon noong 1926, lumitaw na lamang muli sa panahon ng rebolusyon, at pinatatag ang posisyon nito sa pamamagitan ng pagbiyak mula sa PS. Sa kabilang banda, ang PSI ay naging tipunan para sa malawak, at kung minsa’y hindi nagtutugmang hanay ng mga intelektwal na ideya: mula sa Marxismong di-Soviet (mula kay Eduard Bernstein hanggang sa sosyalismong pampamilihan ng Yugoslavia) Fabianismo ng Briton hanggang sa Amerikanong teorya ng modernisasyon, lebensphilosophie na Pranses at Aleman, at pati na rin ang aristokratikong liberalismo ng mga pilosopong tulad nina Jacob Burckhardt at Ortega y Gasset.

PKI meeting in Batavia (now Jakarta), 1925. Wikipedia Commons

Lingid sa kaalaman ng marami, masasabi na ang mga intelektwal na sa kalauna’y bubuo sa ubod ng PSI ang siyang unang nagdala ng kaisipang existensiyalista sa Indonesia sa panahon ng rebolusyon. Bilang bahagi ng mga pagsisikap sa propaganda, naglathala ang pamahalaang Republikano sa ilalim ng pamumuno ni Sjahrir ng isang pahayagan sa wikang Olandes na pinamagatang Het Inzicht (Pananaw). Matapos itong maitatag, pinangasiwaan ito nina Soedjatmoko at Soedarpo Sastrosatomo bilang mga patnugot. Sa pagitan ng mga buwan ng Pebrero at Marso 1947, naglabas ang pahayagan ng  tatlong seryalisadong artikulong nakasulat sa wikang Olandes hinggil sa existensiyalismo. Ito ang pananda ng kauna-unahang sistematikong introduksyon nito sa publiko sa Indonesia. Makalipas ang ilang buwan, nalathala sa huling edisyon ng Pembangunan—isang lingguhang pahayagan na pinamamatnugutan ng isang loyalista ng PSI na si Sutan Takdir Alisjahbana,—ang isang artikulo na pinamagatang “Existentialism and Surrealism” na nakasulat sa wikang Indones. Nagtuon ang mga artikulo sa dalawang pahayagan sa pangkalahatang pagpapakilala sa pilosopiya, tinukoy ang mga pangunahing na pantas nito, at ang implikasyon nito sa pag-aaral ng humanidades gayundin sa sining at literatura.[1] Naganap ito maraming taon bago ang pag-usbong ng mga pormal na akademikong artikulo tulad ng Percikan Filsafat (Philosophical Reflections 1962) ni Drijarkara, na inilathala ng palimbagan mismo ni Soedjatmoko na PT Pembangunan, o ang komprehensibong sarbey ni Fuad Hassan na Berkenalan dengan Eksistensialisme (Introduction to Existentialism, 1971).

Mahalagang banggitin na kaiba sa pesimistikong tonong ginamit ng grupong Gelanggang, nagbigay ang mga intelektwal ng PSI ng mas malinaw, pragmatiko, at optimistikong bisyon para sa existensiyalismo, sinadyang lumihis mula sa kalimitang mapanglaw na pinagmulan nito sa Europa. Sa katunayan, madaling makikita kung paano narahuyo ng existensiyalismo ang kaisipan ng mga intelektwal ng PSI. Inengganyo ng pagdidiin nito sa katunayan at kakagyatan ng “dito at ngayon” na magtuon sila sa kongkretong hamon sa kasalukuyan kaysa mariringal subalit malalayo pang simulaing utopiko, laluna’t halos lahat ng partido politikal sa Indonesia ay bukambibig ang sosyalismo (kahit na ang PSI mismo). Binigyang-diin ng argumento ng naturang pilosopiya na malaya ang mga indibidwal na pumili, kahit na sa pinakamahihirap na kalagayan, ang kalahagahan ng ahensya at responsibilidad, nang hindi nahahadlangan ng anumang hibong teolohikal na hinubog ng mga malawakang ideolohiya  tulad ng romantikong nasyunalismo at Marxismo—na tinangkang kaltasin ng partido mula pa sa pagtatatag nito sa kongreso ng PSI noong 1952.

Maaring nagmula kay Soedjatmoko, isang intelektwal ng PSI, ang pinakamahalagang pakikisangkot sa mga pilosopong existensiyalista, kung saan hinubog ng kanyang malawak na paglubog sa pilosopiya ang kanyang pananaw sa mga hamon sa Indonesia matapos ang kolonyalismo. Sa panahon ng rebolusyon, inalala ng mamamayahag na si Rosihan Anwar (1999: 210-12) kung paanong marubdob na sinuri ni Soedjatmoko ang Being and Nothingness (1943) ni Sartre, na malamang ay una niyang natuklasan mula sa mga kakilalang banyaga noong panahon ng Hapon. Sentral sa kanyang mga pananw ang mga konsepto tulad ng “facticity” (facticité) ni Sartre, “thrownness” (Geworfenheit) ni Heidegger, at “limit-situation” (Grenzsituation) ni Jaspers—mga ideya na hindi niya hayagang binanggit subalit hindi maipagkakailang lumilitaw sa sarili niyang pagsusuri. Para kay Soedjatmoko, ang rebolusyong 1945 Revolution ay ang mapagpasyang “limit-situation” ng modernong Indonesia, isang bitak sa kasaysayan na nagsilang sa mga katotohanang kultural, politikal at pang-ekonomiko ng bansa. Inilarawan niya ang Indonesia bilang isang lipunan na “itinapon” sa pandayan ng rebolusyon at kakapusang post-rebolusyonaryo, samantalang binabago at hinuhubog ang mga naturang  kalagayan  tungo sa isang pragmatiko at debelopmentalistang modelo sa pagtatatag ng nasyon. Gayupanman, itinakwil ni Soedjatmoko ang malalim na pesimismong kalimitang nabibigyang-diin sa mga sulating existensiyalista, binabago sa proseso ang balangkas ng pilosopiyang “pag-atras sa sarili” bilang isang panawagan para iayon ang personal na komitment sa paghahangad ng kaunlarang panlipunan.[2] 

An official portrait of Soedjatmoko (1922-1989) an indonesian intellectual, diplomat, and politician. Wikipedia Commons

Pagsapit ng dekada 1950, ang kalagayang kultural ng Indonesia, na hinubog ng mga internal na hidwaan at ng Cold War, ay nasangkot sa matinding tunggalian hinggil sa papel ng kultura sa lipunan matapos ang rebolusyon. Tiningan ng PSI at mga artista ng Gelanggang, na kaalyado ng mga liberal na anti-komunista, ang kultura bilang hamak na kaakibat sa kapitalistang modernisasyon o di kaya’y isang gawaing apolitikal. Samantala, niyakap ng Lekra ang sining bilang behikulo ng pagpapakilos sa masa, na isang malinaw na pag-alingawngaw sa sosyalistang realismo ng sa Unyong Sobyet. Iniharap sa isang seminar sa kasaysayan noong 1957 sa Gadjah Mada University— isang panahon kung saan talamak ang mga rehiyunal na pag-aalsa at matunog ang panukala ni Sukarno para sa Pambansang Konseho na sa kalakhan ay itinuring bilang simula ng yugtong Ginagabayang Demokrasya—ang posisyong papel ni Soedjatmoko na “Merintis Hari Depan”  (Building the Future, 1958) na nagbigay ng bisyon para sa pangkasaysayang pagsisiyasat na lampas kapwa sa romantikong nasyunalismo at Marxistang historikal na materyalismo, binabanggit ang aklat ng liberal na si Jacob Burckhardt na Reflection of History  at ang Oriental Despotism ng dating komunistang si Wittfogel  bilang mga kontra-argumento. Sa kanyang paghalaw mula sa On the Origin and Goal of History (1949) ni Jaspers, itinampok niya ang konsepto ng “Totalwurf der Geschichte”isang komprehensibong balangkas para unawain ang kasaysayan ng daigdig na nilayon ni Jaspers na maging kritika sa paggamit sa kasaysayan para sa mga layuning pampolitika—isang perspektiba na susuhay sa kanyang kritika sa mga deterministikong naratibo at magbibigay-kaalaman sa kanyang panawagan para sa isang lapit sa historiyograpiyang Indonesian na nakabukas ang pagwwakas.

Maihahambing ang kritika ni Soedjatmoko sa ‘deterministikong’ historyograpiya sa mga atake ni Karl Popper sa “historisismo” sa The Poverty of Historicism (1945) at The Open Society and Its Enemies (1950), dalawang aklat na humubog sa liberalismo ng Cold War sa pamamagitan ng pagtatakwil sa mga simulaing utopikong may udyok ng ideolohiya na naninindigang maaaring mahulaan o maitakda ang kasaysayan. Nilayon kapwa ng mga pilosopong ito na buwagin ang ideya ng enggrandeng kapalarang pangkaysaysayan, na ayon kay Popper ay di maiiwasang humantong sa totalitaryanismo, mula man sa hanay ng kaliwa o ng kanan. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng pagpapanggap nitong anti-ideolohoya, ang retorikang ito ng pragmatismo—na may balabal ng panawagan para sa awtentisidad at responsibilidad—ay naging anyo rin ng ideolohiya sa kadulu-duluhan.

Noong 1968, dalawang taon matapos ang pagbagsak ni Sukarno at ang malawakang pamamaslang sa kilusang komunista ng Indonesia, nagbigay ng talumpati sa Greater San Francisco Chamber of Commerce si Soedjatmoko, noo’y bagong hirang na embahador ng Indonesia sa Estados Unidos, na nagsusuma sa pagbabagong ito (1968: 1-5). Pinuri niya ang rehimeng “Bagong Kaayusan” ni Suharto para sa “komitment nito sa pamahalaang konstitusyunal, realismo sa pananaw nito sa daigdig, at pagiging rasyunal at pragmatiko nito pagdating sa mga patakarang pang-ekonomiya.” Gumuhit siya ng malinaw analohiya sa pagitan ng liberalisasyon sa ekonomiya ng rehimen, pagtatanggal ng mga subsidyo ng estado, at  pagyakap sa mga mekanismo ng malayang pamilihan kumpara sa “rebolusyonaryong sigla ng 1945.” Hindi sinasadyang ang anti-ideolohiyang pragmatismo na isinulong ni Soedjatmoko at ng PSI noong dekada 1950 ay naging siyang dominanteng ideolohiya ng Bagong Kaayusan na binago ang gamit para bigyang-katwiran ang debelopmentalismong awtoritaryan na may retorikang “de-ideologization.” Ang nagsimula bilang pilosopikal na tindig laban sa mga maringal na naratibo ng kasaysayan ay naging kasangkapan para sa pagkokonsolida ng kapangyarihan, ibinubunyag ang mga kabalintunanan ng diskursong naglayong lumampas sa ideolohiya habang mabilis na nagiging isa sa mga ito.

Suharto is appointed President of Indonesia at a ceremony in March 1968.

Ang pagkundena ni Lukács sa existensiyalismo bilang “parasitikong suhetibismo”—isang pag-atras mula sa kolektibong pakikibaka na nauuwi sa burges na indibidwalismo—ay nakatagpo ng hindi inaasahang kasalungat sa kaso ng Indonesia. Binago ng mga personalidad tulad ni Soedjatmoko at iba pa ang tuon nito sa ahensya at awtentisidad hindi bilang pagsuko sa kawalang pag-asa kundi bilang pragmatikong paniniwala sa harap ng mga hamon ng dispensasyong postrebolusyonaryo. Sa ilalim ni Suharto, nagbagong-anyo ang pamanang ito: ang pragmatismo ng PSI, na humalaw ng inspirasyon ng existensiyalismo, ay hinubdan ng humanistang ubod at naging kasangkapan para sa debelopmentalismong otoritaryano, higit na pinahahalagahan ang teknokrasya kaysa demokratikong partisipasyon. Subalit sa kasawiang-palad ay nananatiling totoo ang kritika ni Lukacs: ang proyekto ng PSI, sa kabila ng mga mapagpalayang aspirasyon nito, ay kalaunan nabaog sa politikal na imahinasyon, nagbibigay-daan para makasangkapan ng rehimeng otoritaryano bilang sandata ang “apolitikal” na pragmatismo habang sinusupil ang anumang hibo ng pagtutol. Sa ganitong diwa, ang amorposong katangian ng eksistensiyalismo—partikular dahil sa paglayo nito sa materyalismo—ang naglalantad sa bulnerabilidad nito sa kooptasyon at  nagpapakita kung paano maging ang mga anti-ideolohikal na kilos sa tunguhin ng Global South matapos ang kolonyalismo ay maaaring magpamalagi ng mga istruktura ng kapangyarihang nilayon nilang lampasan.

Windu Jusuf

Notes –

[1] D. v. D. “Notities uit Nederland: Existentialisme I” in Het Inzicht, 26 February 1947, pp. 11-12; “Notities uit Nederland: Het Existentialisme II,” Het Inzicht, 5 March 1947, pp. 11-12; “Notities uit Nederland: Het Existentialisme III, “ Het Inzicht, 12 March 1947, pp. 9-10 ; Existentialisme dan Surrealisme dalam Pembangunan, 15 July 1947, 172-173. The Inzicht articles were in Dutch and published as a three-part letter under anonymous byline of “D. v. D.”

[2] Siasat, 17 May 1953, p. 20.

References –

Anwar, R. 1999. Quartet: Pertemuan dengan empat sahabatku, Jakarta: Yayasan Soedjatmoko.
Foulcher, K. (Ed.). 2015. Indonesian Notebook: A Sourcebook on Richard Wright and the Bandung Conference. New York: Duke University Press.
Herlambang, W. 2013. Kekerasan budaya pasca-1965. Jakarta: Marjin Kiri.
Lukács, G. 1980 [1962]. The Destruction of Reason. London: Merlin Press, pp. 489–522.
Saleh, B. 2004 [1954]. Kewajiban yang tak boleh ditunda. In M. Nursam (Ed.), Krisis daya cipta Indonesia (p. 32). Jakarta: Ombak. (Originally published in Siasat, 29 August 1954).
Saunders, F. S. 1999. The cultural cold war: The CIA and the world of arts and letters. New York: The New Press.
Soedjatmoko. 1958. Merintis hari depan. In Seminar Sedjarah: Yogyakarta. Jakarta.
Soedjatmoko. 1968. Indonesia and the Security of Southeast Asia. San Francisco: Consulate Republic of Indonesia.