
Tinatalakay ng sanaysay na ito kung paano ginagamit ang mga sakuna tulad ng pandemyang COVID-19 bilang mekanismo upang patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawang Indones, at kung paano pinagmunihan ng mga lider ng unyon at mga aktibista ang kilusang paggawa sa Indonesia bilang tugon sa naturang pangyayari.
Ang Batas Laban sa Mamamayan
Habang isinusulat ko ang sanaysay na ito sa huling bahagi ng Marso 2025, ilang araw nang pinupuno ng mga protesta ang mga kalsada ng maraming lungsod sa Indonesia—mga estudyante, manggagawa, mamamayan, na nananawagan na ibasura ang Indonesian Military (TNI) Law na ipinasa ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Marso 20, 2025. Ipinagpapalagay na problematiko ang bagong batas, na nirebisa mula sa lumang batas, dahil sinasalungat nito ang pamamayani ng sibilyan, gayundin ang ilang partikular na kwestiyonableng artikulo na “maaaring labusawin ang linya sa pagitan ng awtoridad ng mamamayang sibilyan at ng militar,” na nagpapaalala, at posibleng pinanunumbalik, sa otoritaryanong panahon ng Bagong Kaayusan (Paat & Rivana, 2025; Saputra, 2025; Tempo, 2025). Minadali rin ang proseso ng pagrerebisa ng batas na nagbigay lamang ng “kaunting pagkakataon para sa pakikisangkot ng publiko at makabuluhang pakikilahok” (Saputra, 2025). Tinukoy ng mga kritiko na “palagiang usapin” na ang gayong kawalan ng transparency sa mga deliberasyon sa Kapulungan at sa paglikha ng mga panukalang batas (Tempo, 2025).

Dapat talagang maaalala natin dito ang “Omnibus Law on Job Creation” (Undang-Undang Cipta Kerja) na ipinasa ng Kapulungan noong Oktubre 5, 2020 sa kasagsagan ng pandemyang COVID-19 sa kabila ng malawak na pagtutol ng publiko. Nauwi rin ito sa mga protestang may pambansang saklaw na nananawagan sa pagbabasura ng batas (Prasetyo, 2020; Lane, 2020). Bago pa ito naipasa, iminungkahi ng mga organisasyong sibilyan na itigil ang mga deliberasyon hinggil sa panukalang batas “sang-ayon sa balangkas ng pagrespeto, pagprotekta, at pagtataguyod ng karapatang pantao para sa lahat ng mamamayang Indones.” Subalit sa kasamaang-palad, nagpatuloy ang proseso sa ilalim ng “balabal ng paglilihim” (Panimbang, 2020).
Ang mga kapitalista at kanilang mga kroni lamang ang nakikinabang sa Omnibus Law. Inamyendahan nito ang umiiral na 79 batas na sumasaklaw sa mga larangan tulad ng mga batas sa paggawa, regulasyon sa pagmimina, at pangangalaga sa kapaligiran. Layunin nitong akitin ang dayuhang pamumuhunan gamit ang dati nang mga mekanismo tulad ng pagsasamantala sa paggawa and sapilitang pagkuha ng lupain. Ang ginamit na termino ay “paglikha ng trabaho”—pero siyempre pa, ang mas mahalagang katanungan ay, “anong klaseng mga trabaho?—samantalang ang isinasangkalan at ikinokompromiso ay ang kapakanan ng mamamayang Indonesian, partikular ang mga manggagagawa, gayunrin ang kapaligiran.
Sa usapin pa lamang ng paggawa, sa halip na “lumikha ng trabaho”, pinatitindi ng batas ang pleksibilisasyon sa paggawa at nagbabanta sa seguridad sa trabaho. Tumutungo rin ito sa pribatisasyon ng pampublikong produkto at serbisyo; atake sa iba’t ibang karapatan sa paggawa, kabilang ang benepisyo tulad ng pagliban kung maysakit at pagreretiro; pagtatanggal ng ilang mahahalagang pamantayan na nakakaapekto sa minimum na sahod (tulad ng implasyon), at iba pang aspeto (Panimbang, 2020; Izzati, 2020; Prasetyo, 2020). Hindi nakagugulat na “mariing ipinagtanggol” ng World Bank ang batas, habang nagpakita rin ng suporta ang Indonesian Employers’ Association at ang Indonesian Chamber of Commerce and Industry (Lane, 2020). Magkakamal ng tubo ang mga kapitalistang internasyunal at lokal mula sa transisyon tungo sa ganitong uri ng mga trabaho (mga bulnerableng trabaho na mababa ang sahod, walang mga benepisyo, at halos walang seguridad) na ginagawang posible ang ibayong pagsasamantala— maaring sa anumang anyo ngmekanismo at mga patakaran na sa esensya ay magpapababa ng sahod ng manggagawa at/o sapilitang patataasin ang bilang ng nililikha nilang produkto.
Noong tumungo ako sa Indonesia sa kalagitnaan ng taong 2024, nakapanayam ko ang mga manggagawa sa manupaktura, mga lider at organisador ng unyon, at mga aktibista/mananaliksik hinggil sa paggawa sa Jakarta at ilan pang mga lungsod sa Banten at West Java.[1] Bahagi ang mga naturang panayam ng aking proyektong pananaliksik hinggil sa kung paanong ang mga manggagawa at iba pang aktor sa mga bansang tulad ng Indonesia ay naaapektuhan at tumutugon sa “mga krisis” na ibinunsod ng mga pambihirang pangyayari tulad ng pandemyang COVID-19. Gayunman, ang malaking bahagi ng mga panayam ay naging talakayan hinggil sa mga estratehiya para sa kilusang paggawa ng Indonesia bilang bahagi ng Global South. Karamihan sa mga kalahok ay tuwiran o di-tuwirang sangkot sa mga protestang tumutuligsa sa Omnibus Law. Ang mga lider-unyon na nakapanayam ko ay kabilang sa ilan sa mga unyon na nanguna sa pagbubuo ng GEBRAK (Mga Manggagawa sa loob ng Kilusan ng Mamamayan), isang alyansa ng mga konpederasyon at pederasyon ng mga unyon na nakikipagtulungan sa mga organisasyon ng estudyante, kababaihan, pangkalikasan at civil society. Aktibo ang GEBRAK sa pagpapakilos ng masa sa mga protestang laban sa Omnibus Law, bagaman hindi ito ang una nilang pakikisangkot sa gayong mga protestang masa. Itinuturing ni Lane (2020, p. 3) ang kanilang estratehiya bilang pagbubuo ng isang “malapad na kilusang popular ng iba’t ibang sektor.” Subalit bago tayo magpalawig dito, baybayin muna natin ang ilan sa mga karanasan ng mga manggagawang Indonesian kaugnay ng pandemyang COVID-19.

Pagsamantala sa Pandemya
Batid na ng marami sa ngayon na naghatid ang pandemyang COVID-19 ng matinding kaguluhan sa lubhang masalimuot na konpigurasyon ng pandaigdigang kadena ng mga produkto (see Foster & Suwandi, 2020).[2] Inilarawan ng isang ulat ng J.P. Morgan (2022) ang krisis sa mga kadena ng mga produkto na lalong pinalala ng hidwaang Russia-Ukraine, kung saan nagpapatuloy ang pagkakasakal ng ilang mga sektor, mula sa mga industriya ng metal at pagmimina hanggang sa suplay ng mga kemikal.
Gayunpaman, hindi laging malinaw kung paano naaapektuhan ng nasabing mga krisis ang mga manggagawa sa mismong lugar ng produksyon: ano ang relasyon sa pagitan ng mga kaguluhang ito na ibinunsod ng pandemya at mga mangaggawang Indones na gumagawa ng sapatos, nagbubuo ng elektroniks, at lumilikha ng mga kalakal para sa mga korporasyong multinasyunal? Sa kasamaang palad, maaaring malabo pa rin ang kasagutan. Sa masalimuot na pandaigdigan kadena ng mga produkto na ang layunin ay higit na pag-ibayuhin pa ang pagkamal ng kapital sa ating imperyalistang pandaigdigang ekonomiya (Smith, 2016; Suwandi, 2019), maaaring gamitin bilang dahilan ang mga pambihirang pangyayari tulad ng pandemya o ang hidwaang Russia-Ukraine — anuman ang tunay at posibleng epekto nito—para patindihin ang pagsasamantala.
Naobserbahan ng aking mga nakapanayam ang malilinaw na padron sa iba’t ibang mga pabrika: naging dahilan ang pandemya, at kung minsan ang hidwaang Russia-Ukraine, para sa iba’t ibang mapagsamantalang gawain. Una, maraming mangaggawa ang natanggal sa trabaho (PHK/Pemutusan Hubungan Kerja). Ang pangunahing dahilan? May malaking pagbaba sa order ng mga kliyenteng multinasyunal mula sa multinasyunal na kumpanyang nakahimpil sa Global North, na siyang sinusuplayan ng mga pabrikang pinagtatrabahuhan ng mga manggagawang ito. Kalimitang idinadahilan “ang pandemya” (at kung minsan, ang “digmaan sa Ukraine”), nagpapahiwatig na dumaranas ng mga problemang pinansyal ang mga kliyenteng multinasyunal dahil apektado ang bentahan kung kaya nagbabawas ito ng order. Gayunman, mahirap suriin ang katotohanan nito dahil kalimitang lihim ang impormasyon hinggil sa order ng mga kliyente.[3] Kung minsan, idinadahilan ng mga may-ari ng pabrika ang mga kaguluhang dulot ng pandemya sa pagtatanggal ng mga manggagawa, sinasabing hindi makapasok ang produkto ng kanilang mga kliyente sa merkado ng Europa, o na hinarang sa pantalan ang mga materyales na inangkat mula sa ibang bansa.
At higit sa lahat, marahil ay mahalagang pansinin na sa maraming pabrika, kalimitang may kalakaran ng “relokasyon” matapos ang tanggalan sa trabaho. Maaaring inililipat ng may-ari ang lugar ng pabrika o nagtatayo ito ng bagong pabrika sa ibang probinsya kung saan mas mababa ang minimum na sahod kaysa sa kasalukuyang probinsyang kinatitirikan ng pabrika. Kalimitang itinatayo ang bagong pabrika sa Central Java, tulad ng sa Grobogan. Dito pa lamang ay nagiging kwestiyonable na ang dahilang “bumaba ang order.” Kung hindi relokasyon ng pabrika, isang karaniwang maniobra ang pagpapalit sa mga tinanggal na manggagawa ng mga manggagawang kontraktwal (BHL/Buruh Harian Lepas) na walang kasiguruhan sa trabahao. Sa ilang pabrika, karaniwang kalakaran ang pagtanggap ng mga “interns” (buruh magang) na kalimitang kakatapos lang ng hayskul. Ang pagpihit patungo sa mga trabahong walang kasiguruhan ay alinsunod sa Omnibus Law na nag-eengganyo ng pleksibilisasyon sa pamilihan ng paggawa at lalong nagiging mahirap na mabigyan ng katiyakan sa trabaho ang mga manggagawa.[4]
Bilang paglalahat, masasabing tumitindi ang pagsasamantala kapwa sa pamamagitan ng pagpapababa ng sahod (sa pamamagitan ng pleksibilisasyon ng paggawa tulad ng pagkuha ng mga manggagawang mas mababa ang pasahod na mula sa ibang probinsya o sa porma ng mga manggagagawang kontratwal) at sa pamamagitan ng pagpapataas ng produktibidad. Sino ang nakikinabang sa lahat ng ito? At sa mga nakikinabang, sino ang pinakamalaki ang kinakabig na tubo (palatandaan: sino ang nakakakuha ng pinakamalaking halaga sa pandaigdigang kadena ng halaga)? Masasagot mo siguro ang mga katanungang ito. Ito ang tinutukoy ng mga kritiko ng Omnibus Law— gaya nang sinabi ng isang lider unyon sa akin sa aming panayam, ang batas ay walang iba kundi isang “red carpet” para sa mga dayuhang mamumuhunan.

Mga Pagninilay sa Kilusang Paggawa ng Indonesia
Paano tumugon ang mga manggagawa sa mga mapagsamantalang gawaing ito? Unyonisado ang lahat ng mga manggagawang aking nakapanayam. Kung kaya, hindi lamang sila tumutugon kundi lumalaban sila nang ubos-lakas sa pamamagitan ng kanilang mga unyon, sa antas pabrika, tulad ng pakikipagnegosasyon sa tagapamahala. Ilan sa mga karanasang ito ay paksa para sa ibang diskusyon. Ang nais kong bigyang-diin dito ay ang mas malawak na usapin ng kung paano tinitingnan ng mga lider/organisador ng unyon at mga aktibista/mananaliksik sa paggawa ang nabanggit na mga pangyayari at iniuugnay ito sa sarili nilang pagninilay hinggil sa kilusang paggawa sa Indonesia. Sa pangkalahatam, sumasang-ayon ang aking mga nakapanayam na (1) ginamit na dahilan ang mga pambihirang pangyayari tulad ng mga krisis na dulot ng pandemyang COVID-19 para patindihin ang pagsasamantala sa mga manggagawa kapwa ng kapitalista at ng estado, at (2) kailangan ng mga pangmatagalang estratehiya para magbuo ng mas malakas na kilusang paggawa.
Gayunpaman, may ilang mga hindi pinagsasang-ayunan ang aking mga nakapanayam. Karamihan sa mga lider/organisador ng unyon (ang ilan sa kanila ay mga manggagawa sa pabrika sa panahon ng mga panayam) at mga aktibista/mananaliksik sa paggawa ang sumang-ayon na kailangang magkaroon ng mas malapad na kilusan kaysa sa makitid na kilusan lamang ng mga manggagawang industriyal na pinamumunuan ng mga unyon sa paggawa. May iba’t ibang salik na binigyang-diin ng iba’t ibang kalahok. Sa pagsasaisantabi ng kanilang mga pagkakaiba, sinuma ko ang mga ito. Una, kailangan natin ng kilusang paggawa na ingklusibo, na kayang umabot sa mas malawak na bahagi ng lipunan, lalo na sa mga elementong progresibo at radikal, kabilang ang mga magsasaka at mga organisasyong peminista. Sa ganitong paraan tayo makakapagtayo ng mas malakas na kilusan, at kinakailangang estratehiya ito sa pagharap sa paniniil ng estado, gaya ng sa Omnibus Law. Isang makabuluhang tagumpay ang GEBRAK, at kinakailangan ng mga estratehiya para sa patuoy na pagbubuo ng gayong mga alyansa, lalo na yaong mga hindi lamang nakasentralisa sa malalaking lungsod. Dapat na abutin mismo ng mga unyon sa paggawa ang iba’t ibang seksyon ng manggagawa at alamin nang mahusay ang mga katangian at demograpiya ng kanilang mga manggagawa upang maiangkop ang kanilang mga estratehiya.[5]
Ikalawa, kailangan din nating pag-isipan kung paanon magbubuo ng mas mahuhusay at kongkretong mga kahilingan—marahil ay pwedeng bumuo ng sariling mabibisang alternatibong patakaran—upang makaalpas tayo sa “depensibong” posisyon (hal, paglaban sa mga mapaniil na patakaran) sa bawat pagkakataon.[6] Nanatili pa rin na mahalaga para sa ilang lider/organisador ng unyon ang pagbubuo ng malakas na batayan para sa paglulunsad ng pangkalahatang welga sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtataas ng kamulatan sa mga pagawaan. Sa gayon, kapag kailangan nang ihinto ng mga manggagawa ang produksyon, nakahanda na ang “istruktura para sa welga.”
Ikatlo, napakahalaga ng edukasyon sa ekonomiyang pampolitika sa hanay ng mga manggagawa upang buuin ang kanilang makauring kamulatan. Malakas na binigyang diin ng ilang kalahok na dapat mapaloob ang lahat ng maggagawa sa ganitong mga impormal na klase at grupo ng talakayan, laluna yaong mga kalimitang hindi naisasama sa mga aktibdiad ng unyon, tulad ng mga ina na nakakaranas ng second-shift phenomenon. Ikaapat, iminungkahi ng ilang aktibista sa paggawa na kailangang pag-isipan ng mga unyon ang mga estratehiya kaugnay ng muling pagpapalakas ng kanilang papel bilang batayan pwersa ng mga kilusang panlipunan. Sa isang banda, dahil sa tuluy-tuloy na tangka ng estado na pahinain ang mga unyon, (kahit matapos ang New Order ni Suharto) medyo napipilitan ang mga unyon na baguhin ang kanilang papel tungo sa pagiging mga ahensya ng gawaing panlipunan. Para makahikayat ng bago mga kasapi, maraming unyon ay nagpapaligsahan sa pagbibigay ng pinakamaraming “serbisyo” sa kanilang mga kasapi (mula sa pamamahagi ng pagkain hanggang sa pagibigay ng serbisyong ambulansya). Sa ganitong balangkas, mahihirapan na magpatuloy ang mga unyon na maging batayan para sa makabuluhang kilusang panlipunan. Sinasabi rin ng ibang mga aktibista ang ganitong mga sentimyento, na naniniwalang makabubuti para sa mga kilusang paggawa sa Indonesia ang pagpapalakas ng radikalisasyon tungong Kaliwa at pagpapalawak ng kanilang network upang makapagpakilos nang maramihan.

Pangwakas
Inaalingawngaw ang mga naging pagninilay ng aking mga kalahok, lubhang magiging kapaki-pakinabang ang pagsasagawa ng mas maraming diyalogo sa hanay ng mga manggagawa, aktibista/mananaliksik sa paggawa, at mga lider/organisador ng mga unyon para sa pagtukoy sa direksyong tatahakin ng mga kasalukuyang alyansa—at mapigilan ang kanilang paghina kapag walang “kagyat” na mga usaping dapat tugunan, tulad ng mga patakarang dapat tutulan—at mga paraan para buuin ang militansya. Kailangang isagawa ang mga diyalogong ito nang regular sa mga impormal at inklusibong talakayan sa kanilang hanay na aabot sa iba’t ibang grupo ng mga manggagawa. Maraming naihayag ang aking mga kalahok na mga aspirasyon, konstruktibong pagpuna sa sarili, at mahahalagang kaalaman—lahat ay napanday sa makabuluhang karanasan. Lahat sila ay mga mahahalagang aktor, tuwiran man o di-tuwiran, sa larawan ng kilusang paggawa ng Indonesia. Hinog na ang panahon upang mapagtanto natin ang lahat ng mga konsiderasyon at konseptuwalisasyong ito upang maghatid ng liwanag sa gitna ng kadiliman.
Intan Suwandi
Intan Suwandi is an assistant professor of Sociology at Illinois State University, USA. She is the author of Value Chains: The New Economic Imperialism, published by Monthly Review Press.
Notes –
[1] The union leaders/organizers belong to KSN (Confederation of National Unions), KASBI (Indonesian Trade Union Congress Alliance Confederation), and SGBN (The Center of National Workers Movement), while the labor activists/researchers are those currently or previously affiliated with LIPS (Sedane Labour Resource Centre) and P2RI (The Unity of Indonesian People’s Struggles).
[2] In early 2020, more than 90 percent of 1000 Fortune multinational corporations had suppliers that were affected by the pandemic. By mid-April 2020, more than 80 percent of global manufacturing firms experienced supply shortages (Betti & Hong, 2020; Braw, 2020; DeMartino, 2020).
[3] But when unions asked help from labor organizations to check the performance of the factory’s clients, for example, they found that the multinational’s profit had not suffered, but rather increased. In some cases, the factory itself has had an increase in profit, the union representatives found.
[4] There were many other exploitative practices that were discussed. Some of them are supported by governmental policies; they include the decrease of workers’ working hours and, thus, their wages (“no work, no pay” policy), the cutting of wages up to 25 percent in labor-intensive export-oriented industries, and many others that I cannot discuss here due to the limited space.
[5] Citing some labor activists/researchers in my interviews, a highly structured, hierarchical labor union that prevents its higher-ups having proper, clear communication with the workers at the production sites is no longer useful in today’s era of the flexibilization of labor.
[6] A union leader also mentioned the need for fighting in both arenas: through alliances such as GEBRAK, and through the parliamentary system by participating in the newly formed Partai Buruh (The Labor Party).
Reference –
Betti, F. & Hong, P.K. (2020, February 27). Coronavirus is disrupting global value chains. Here’s how companies can respond. World Economic Forum. https://www.weforum.org/agenda/2020/02/how-coronavirus-disrupts-global-value-chains
Braw, E. (2020, March 4). Blindsided on the supply side. Foreign Policy. https://foreignpolicy.com/2020/03/04/blindsided-on-the-supply-side/
DeMartino, B. (2020, April 13). COVID-19: Where is your supply disruption? https://futureofsourcing.com/covid-19-where-is-your-supply-disruption
Foster, J.B. & Suwandi, I. (2020). COVID-19 and catastrophe capitalism. Monthly Review, 72(2), 1-20.
Izzati, F.F. (2020, October 13). Kill the bill, or it will kill us all. Progressive International. https://progressive.international/wire/2020-10-13-kill-the-bill-or-it-will-kill-us-all/en
J.P. Morgan. (2022, May 25). What’s behind the global supply chain crisis? https://www.jpmorgan.com/insights/global-research/supply-chain/global-supply-chain-issues.
Lane, M. (2020, November 9). Protests against the Omnibus Law and the evolution of Indonesia’s social opposition. ISEAS Perspective, 128. https://www.iseas.edu.sg/wp-content/uploads/2020/11/ISEAS_Perspective_2020_128.pdf
Paat, Y. & Rivana, G. (2025, March 20). DPR urges dialogue as students protest TNI Law. Jakarta Globe. https://jakartaglobe.id/news/dpr-urges-dialogue-as-students-protest-tni-law
Panimbang, F. (2020, October 21). Indonesia’s return to an authoritarian developmental state. IPS Journal. https://www.ips-journal.eu/topics/democracy/indonesias-return-to-an-authoritarian-developmental-state-4734/
Prasetyo, F.A. (2020, October 17). Neoliberal “Omnibus Law” sparks rebellion in Indonesia. rs21. https://revsoc21.uk/2020/10/17/neoliberal-power-grab-sparks-rebellion-in-indonesia/
Saputra, E.Y. (2025, March 27). Civil society to file judicial review of TNI Law over flawed process, power grab. Tempo. https://en.tempo.co/read/1991283/civil-society-to-file-judicial-review-of-tni-law-over-flawed-process-power-grab
Smith, J. (2016). Imperialism in the twenty-first century. Monthly Review Press.
Suwandi, I. (2019). Value chains: The new economic imperialism. Monthly Review Press.
Tempo. (2025, March 28). Law experts explain why house rushed to pass TNI Law despite public outcry. https://en.tempo.co/amp/1991668/law-experts-explain-why-house-rushed-to-pass-tni-law-despite-public-outcry