Pagbawi sa Lungsod: Balik-tanaw sa Politikang Panlungsod ng Kilusang Kaliwa sa Indonesia

Andi Achdian

PKI meeting in Batavia (now Jakarta), 1925.

“Maituturing na tagumpay ang pagpasok ng kilusang Kaliwa sa konsehong bayan. Nakakuha sina Kasamang Dekker, Wiwoho, Malaka (Tan?), at Soekindar, na nanindigan kasama ng mamamayan (Ra’jat), ng pwesto sa konseho. Tiyak na palalakasin nito ang posisyon ng Kaliwa sa loob ng gemeenteraad. Mahalagang pangyayari ito para sa bayan ng Semarang dahil sa ganitong pagbabago sa komposisyon ng konseho ay maaaring mabigyan  sa wakas ng atensyon ang mapanghamak na kalagayan at di makatarungang mga regulasyon na nakakaapekto sa kampongs ng lungsod. Ang ating mga gemeenteraad, na halos hindi maituturing ngayon na espasyo para sa tinig ng mamamayan, ay inaasahang maging isang konseho na hindi nagpapabaya sa interes ng mga nakabababang uri.” (Soeara-Ra’jat, 16 October 1921)

Ang balitang nalathala sa Soeara Ra’jat (ang pahayagan ng Partido Komunista ng Indonesia na inilalathala kada dalawang linggo) noong 16 Oktubre 1921 ay naghudyat ng isang tahimik ngunit makabuluhang transpormasyon sa buhay pampolitika ng lungsod sa ilalim ng kolonyalismo noong dekada 1920. Malayo sa pagpapakupot sa pana-panahong silakbo ng mga welga at pag-aalsa,  gaya ng ipanahihiwatig sa mga karaniwang kwento, lubhang nakalubog ang Kaliwa ng Indonesia sa pang- araw-araw na istruktura ng pamahalaanglokal. Higit sa agarang mga resultang lehislatibo, ang halaga ng panahong ito ay nasa mga implikasyong simboliko at institusyunal.  Ang platapormang pangbayan ng Kaliwa- na nakaangkla sa mga kahingian para sa karapatan ng lahat sa pagboto, paglansag sa mga istrukturang administratibo na  naiimpluwensyahan ng lahi tulad ng sistemang kapitan (ang di tuwirang paghaharing kolonyal sa pamamagitan ng mga etnikong tagapamagitan sa hiwa-hiwalay na komunidad) at pagpondo sa pabahay at kalusugang publiko- ay naglatag ng tanaw para sa isang progresibong pagkamamamayang urban na nakaugat sa pang-araw-araw na usaping materyal. 

Ito ay politikang nagbibigay-pansin sa mga imprastraktura ng di-pagkakapantay-pantay sa lungsod, subalit kumikilos mula sa loob ng  pormal na makinarya ng pamamahalang kolonyal, sa halip na ganap na labanan ito. Lumitaw sa panahong ito ang isang mas masinsing pag-unawa sa pampolitikang modernidad ng Indonesia. Sa aktwal, ang konsehong bayan ay naging pinagtutungaliang larangan kung saan tampok ang nagtatagisang imahinasyon ng kolonyal na lungsod. Ang “praktikal na politika”na ito ay nagbigay sa Kaliwa ng mas malapad na entablado para makabuo ng mga alyansa at makapaglatag ng mga gawain para sa mas malawak na sosyalistang proyektong pampolitika sa lungsod na sakop ng mga Olandes noong panahong iyon. Dito, hindi lamang nilabanan ng Kaliwa ang imperyalistang otoridad; sinubok din nitong pasukin at baguhin ito mula sa loob. Sa paghalaw mula sa kaso ng Surabaya noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, nagbabalik-tanaw ang artikulong ito sa kasaysayan ng Kaliwa sa Indonesia sa pamamagitan ng pagpapatingkad sa lungsod bilang materyal na pundasyon sa paglitaw ng progresibong praktikang pampolitika. [1]

At the Bond van Marinepersoneel in Surabaya, sailors gathered, exchanged radical ideas, and supported ISDV—marking the rise of socialist politics in colonial Indonesia.
Source: “De Eerste Marxisten in Indonesië”, De Waarheid, 1989.

Pinagtutungaliang (Kolonyal) na Pamamahalang Panlungsod

Sa mga huling dekada ng ikalabingsiyam na siglo, hinubog ang Surabaya ng mga linya ng imperyal na kapital at ng mga imprastraktura ng imperyo. Ibinunsod ng pagbubukas ng Suez Canal (1869) at ng Dutch Liberal Policy (1870) ang transpormasyon ng lungsod mula sa pagiging payak na bayang nagsilbing tanggulan tungong isang abalang sityo sa pandaigdigang ekonomiya. Hinubog ng mga pantalan, riles at bodega ang pisikal na kaanyuan nito, habang binago naman ng kapital at migrasyong Europeo ang mga hirarkiyang panlipunan ng lungsod. Kapansin-pansin ang demograpikong pagbabago: higit doble ang paglaki ng populasyon ng mga Europeo sa pagitan ng mga taong 1870 at 1890, isang numerikal na palatandaan ng humihigpit na kapit ng kolonyal na kapitalismo. 

Bunga ng pagbabanyuhay na ito hindi lamang ang paglago ng ekonomiya kundi ang isang bagong saray ng lipunan sa lungsod- ang orang particulier sadja, o mga panggitnang uring Europeo na walang kaugnayan sa kolonyal na burukrasya. Bilang mga doktor, inhinyero, mamamahayag, at mga pribadong empleyado, naging mga tagapangalaga sila ng sibikong espasyong pampubbliko, nagsusulong ng mga inisyatiba tungo sa modernidad ng lungsod sa pamamagitan ng mga pakikisangkot sa mga samahan, kultura ng pamamahayag, at politikang repormista. Gayunman, ang kanilang paglitaw ay sinundan ng lumalakas na antagonismo sa ambtenaren, ang awtoridad ng kolonyal na estado, kung saan nakikitang ang kapangyarihan nito ay taliwas sa pag-unlad ng lungsod. Tinuligsa ng mga liberal, gaya ni Adriaan Paets tot Gonsayen na isang matagumpay na abogado at kasapi ng konsehong panglusod ng Surabaya, ang burukrasyang Indies bilang isang napag-iwanang aparatong higit na interesado sa pagpapanatili ng mga pamamalakad kaysa tugunan ang mga suliraning urban. 

Lumitaw mula sa antagonismong ito ang tulak para sa mga reporma sa antas munisipal. Tinatanaw bilang mga liberal-demokratikong institusyon ang gemeente, isang yunit administratibong kaparis ng konsehong panglungsod o bayan, at gemeenteraad, na isa namang halal na kapulungang namamahala sa isang munisipalidad, na may kakayahang  magbigay ng sibikong representasyon. Nagbigay ng bahagyang pagpapatunay ang 1903 Decentralisatie Wet, at noong 1906 ay pormal na itinatag ang konsehong pambayan ng Surabaya. Gayunpaman, higit na masasalamin sa istruktura nito ang konsesyong kolonyal kaysa tagumpay na liberal. Sa labinlimang pwesto para sa mga Europeo, walo ang nanatili sa ilalim ng burukratikong kontrol; anim ay itinalaga sa mga elit na hindi Europeo, nagtitiyak ng representasyon ng iba’t ibang lahi nang walang demokratikong pagkakapantay-pantay. Desentralisasyon ito nang walang ganap na paggagawad ng kalayaan at karapatan- isang kalkuladong konsesyon para panatilihin ang imperyal na hegemonya.

Gayunpaman, gumana ang gemeenteraad bilang isang eksperimental na espasyo kung saan nagtatagisan at nagsasanib ang iba’t ibang pananaw ng mga namumuno sa lungsod. Inilantad ng mga debate hinggil sa imprastraktura, sanitasyon, at paggamit ng lupa hindi lamang ang mga tensiyon sa pagitan ng mga uri kundi ang mga nagtutunggaliang pag-angkin ng mga lahi sa lungsod bilang pook na kinabibilangan. Higit sa pagiging pook para sa ekonomikong akumulasyon, ang lungsod ay nagsilbing pandayan kung saan hinuhubog ang  kolonyal na pagkamamamayan, pampublikong otoridad, at katarungang panlipunan. Sa pagkahinog ng politika sa Surabaya, makikita ang mga unang silakbo ng modernidad sa lungsod na kapwa hinububog ng at tumututol sa mga istruktura ng imperyo.

Sosyalistang Politikang Panlungsod

Sinalamin ng paglahok ng mga sosyalistang aktor sa politikang munisipal sa Dutch East Indies ang isang malay na pagkambyo ng estratehiyang pampolitika sa harap ng mga kolonyal na balakid. Sa halip na limitahan ang kanilang mga sarili sa ahitasyon o polemikong rebolusyunaryo, kinilala ng mga naunang kasapi ng Indische Sociaal-Democratische Vereeniging (ISDV) ang gemeenteraad bilang isang kritikal na larangang institusyonal  para tutulan ang modernidad sa lungsod. Inihayag ng mga personalidad tulad ni Westerveld, na naluklok sa konsehong panlungsod ng Semarang, ang bisyon ng pamamahalang panlungsod na humahamon sa hegemonya ng kapital at ispekulatibong pag-aari sa lupa. Humahalaw sa mga tradisyong sosyal-demokratiko ng Europa, isinulong ni Westerveld ang pagbili ng bayan ng mga lupaing residensyal—hindi para sa tubo kundi para ipamahagi—na nagtatatag ng konseptwal na batayan para sa pabahay na pinopondohan ng publiko sa isang lipunang kolonyal.

Sa Surabaya, nagkahugis ang bisyon na ito nang may matinding suporta mula sa pamahalaang kolonyal. Matapos ang pagtatatag ng konsehong bayan noong 1906, sinikap nina L.D.J. Reeser at Mr. van Ravensteyn na palawigin pa espasyo ng politikal na partisipasyon lampas  sa mga elit sa komersyanteng Eropeo. Bilang tagapangulo at kalihim ng Verkiezingscomité, sinimulan nila ang mga pagsisikap para palahukin ang mga kababaihan (bagman simboliko lamang) at inengganyo ang mga residenteng katutubo, Tsino, at Arabo na lumahok sa diskurso ng pamayanan. Bagaman kalakhan ay bigo sa mga naunang halalan—tinalo ng mga konserbatibong industriyalista—ang layunin nilang paramihin ang aktor sa representasyong urban ay nagbigay hugis sa mga susunod na mga alyansa na magbubunga ng mas kongretong mga resulta.

The sailors’ demonstration in Surabaya, demanding improvements to military hospital facilities, marked the first public action by the ISDV in the city and signaled the emergence of socialist political activity in the colonial urban space. The photo captures the moment as the protesters marched toward the city center before being stopped by the police.
Source: Preanger Bode, May 17, 1916.

Ang paggamit ng ISDV ng “praktikal na pulitika” noong 1914, sa ilalim ng pamumuno ni Henk Sneevliet, ay nagsilbing panandang bato. Itinakwil ng partido ang abstraktong purismo sa idelohiya at sinikap na makibaka mula sa loob ng mismong mga instistusyon ng kolonyal na estado. Sa Surabaya, humangga ang maniobrang ito sa kanilang pakikipag-alyansa sa makabayang organisasyon na Insulinde. Isinulong ng kanilang pinagsanib na plataporma na Sociale Gemeentepolitiek ang dalawahang adyenda: pagbibigay ng prangkisa sa mga nakapag-aral na katutubong mamamayan at pagigiit ng pampublikong kontrol sa mga estratehikong lupain ng lungsod (gemeentegrond). Hindi lamang sinasalungat ng mga panawagang ito ang makalahing lohika ng kolonyal na representasyonkundi itinatampok din ang usapin ng materyal na redistribusyon sa isang  ekonomiyang panlungsod na umuunlad nang hindi pantay -pantay.

Kapwa simboliko at makabuluhan ang pagtatagumpay ng koalisyon sa halalan para sa konsehong panglungsod noong 1914 na tumalo sa matatatag na partidong Kristiyano-etikal. Ang Surabaya ay naging katangi-tanging lungsod sa Indies na may pormal na kinikilalang sosyalistang paksyon sa pamahalaang munisipal nito. Bagaman limitado sa bilang, nagtagumpay ang paksyon sa pagsisikap nito tungo sa institusyonalisasyon ng bagong diskurso hinggil sa karapatang panlungsod—napag-uugnay sa proseso ang mga karapatan sa pagboto, pabahay, at lupa sa mas malawak na layunin ng katarungang panlipunan.

Sa ganitong diwa, inihaharap ng sanaysay na ito na gumana ang gemeenteraad hindi lamang bilang kolonyal na burukrasya kundi bilang isang larangang pinagtutunggalian kung saan naisalin sa praktika ang mga ideya ng sosyalistang pagkamamamayan at pamamahala. Gayunpaman, malinaw ang kahinaan ng eksperimentong ito. Nabigo ang katulad na pagsisikap sa Semarang dahil sa mga demograpikong limitasyon ng mga katutubong botante. Gayunpaman, binibigyang-diin ng kaso ng Surabaya ang kakayahan ng maka-Kaliwang pulitika na pasukin at baguhin ang hugis ng institusyunal na buhay sa ilalim ng kolonyalismo—nagbibigay ng pasulyap sa pampolitikang modernidad na lumitaw hindi sa pamamagitan ng tuwirang paglaban sa imperyo kundi sa pamamagitan ng pagsamantala sa mga puwang at siwang nito.

Ang Kaliwa at ang kaniyang mga Krisis

Sa pagitan ng 1916 at 1919, lumitaw ang Surabaya bilang isang laboratoryo ng maka-kaliwang interbensyon sa antas munisipal ,bagaman nakapaloob pa rin sa balangkas ng kolonyal na pamamahala. Humaharap sa mga dislokasyon na dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig—pagtaas ng presyo, nabulabog na daloy ng mga produkto, at malalang kakulangan sa pabahay—ipinuwesto ng sosyalisyang paksyon sa konsehong panglungsod, sa pangunguna ni C. Hartogh at sinusuportahan ng alyansang ISDV–Insulinde, ang gemeenteraad bilang isang lugar para sa progresibong ekperimentasyon. Binigyang-buhay ang kanilang adyenda ng magkatambal na pangangailangan para sa reporma sa pabahay at regulasyon sa pamilihan. Pinangunahan ni Hartogh ang pagbubuo ng Woningbedrijf at Grondbedrijf— mga munisipal na entidad na may tungkuling magtayo ng mga abot-kayang pabahay at mamahala sa ispekulasyon sa lupa. Sumunod dito ang tulungan sa pagitan ng mga partido, sa pagkakabuo ng Woningvereeniging gayundin ang Jos M. Suijs (Christian Ethical Party) at D. Williams (Insulinde), na tanda ng pulitika ng pragmatikong koalisyon na nakaugat sa pangangailangang panlipunan sa halip na sa kadalisayang ideolohikal.

Gayupanman, nakukupot ang eksperimentong ito ng mga hirarkiyang kolonyal at nakabatay sa lahi. Bagaman pormal na naisabatas at may pondo mula sa  Java Bank at mga bono ng munisipalidad, higit na pinaboran sa iskemang pabahay ang mga mababang-uring Indo-Europeo. Nanatiling hindi kabilang ang mga katutubong manggagawa kahit na sila ang mayorya ng populasyon ng lungsod. Ipanakikita lamang nito ang mga limitasyon ng reporma para sa redistribusyon sa loob ng isang watak-watak na lipunan.

Pinalutang din ng krisis noong panahon ng digmaan ang isa pang dimensiyon ng aktibismong lokal:seguridad ng pagkain. Sa unang bahagi ng 1918, inihapag ni Hartogh ang isang panukala na maglalagay ng limitasyon sa pagtatakda ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Tumugon ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga kusinang pampubliko at mga subsidyo sa bigas, subalit ipinakita din ng manipulasyon sa presyo ng mga sindikato ng negosyanteng Tsino— na naibunyag sa pamamagitan ng mga opisyal na imbestigasyon—ang mga kahinaan ng isang ekonomiyang panlungsod pinagwatak-watak ng mga usaping makalahi. Dito, nagsimulang tumagos at rumehistro ang maka-Kaliwang politika lampas sa populasyong Europeo. Noong 1919, nakipagtulungan si Hartogh kina Rosenquist (Sarekat Hindia) at Soekiran (Sarekat Islam) upang ipanawagan ang pagkakaroon ng pangangasiwa sa pamamahagi ng bigas. Sinundan ito ng isang pangmasang pagkilos na pinamunuan ni Muso ng Sarekat Islam na hudyat ng pagsisimula ng mabuway subalit mahalagang inter-etnikong pagsasama-sama sa pulitika.

Minarkahan ng yugtong ito ang isang pambihirang pagkakataon ng pagkakaisa sa pagitan ng mga sosyalistang aktor na Europeo at mga katutubong pangmasang organisasyon. Gayunman, mabilis na iginiit ng kaayusang panlahi ng kolonyal na pulitikang elektoral ang awtoridad nito. Sa kabila ng lumalawak na suporta, natalo si Hartogh sa halalang 1918 sa maliit na kalamangan matapos putulin ng ISDV ang pakikipag-alyansa nito sa Insulinde at naghabol ng akomodasyon sa Sarekat Islam. Binigyan lamang ng 78 boto ang mga katutubong botante na bumubuo sa mayorya ng populasyon ng Surabaya. Nanatiling nakakonsentra sa kamay ng mga Europeo at mga Indo-Europeo ang kapangyarihang elektoral kung saan ang marami ay hindi gaanong bukas sa mga adyendang sosyalista.

Bagaman magilas ang bisyon at pamamaraan ng eksperimentong munisipal ng Kaliwa, patuloy itong nalimitahan ng mga istrukturang kolonyal  na nagtatakda ng mga hangganan ng lehitimasyong politikal at pagkamamamayan sa lungsod. Gayunman, naglahad pa rin ito ng kontra-naratibo laban sa mga dominanteng tala ng politikang kolonyal: isang uri ng politika  kung saan nagiging sityo ng tunggalian ang lungsod para sa pangangarap ng kinabukasang may pagkakapantay-pantay—hindi sa pamamagitan ng insureksyon, kundi sa pamamagitan ng mga pagpapanukala sa konseho, mga pambulikong alyansa, at dahan-dahang transpormasyong sibiko.

Konklusyon

Karaniwang napapaboran sa mga namamayaning tala hinggil sa makabayang kilusan sa Indonesia ang naratibo ng mga elit, samantalang naisasantabi ang mga makabuluhang  interbensyon ng maka-Kaliwang pulitika sa pagbibigay-hugis sa politikang panglungsod. Ang mga naunang sosyalista at komunistang aktor, na karaniwang naaalala sa konteksto ng radikalismo at represyon,  ay, sa katunayan, nakatanim sa pang-araw-araw na buhay ng lungsod sa panahon ng kolonyalismo. Sa mga lokalidad tulad ng Surabaya, pumasok ang mga maka-Kaliwang aktibista sa mga instistusyong lokal at naghayag ng mga programang nakaugat sa mga buhay na karanasan ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa urban—kakulangan sa pabahay, kontrol sa lupa, at akses sa pagkain. Hindi lamang ito mga usaping teknokratiko kundi mga tanda ng mas malalim na proyektong pampolitika: ang paggigiit ng pagkamamamayang urban sa loob ng kaayusang kolonyal na batbat ng mga makalahing  hirarkiya.

 Lumitaw ang Surabaya, kung gayon, bilang isang mahalagang pook kung saan umiiral  ang ideolohiya sa pamamagitan ng praktikal na pakikisangkot. Sa halip na maging isang periperal na espasyo, ang konsehong bayan ay naging larangan kung saan tinunggali ng mga sosyalistang aktor ang eksklusyonaryong pamamahalang panlungsod at sinikap na baguhin ang pagtanaw sa lungsod bilang isang teritoryo na pinagmamay-arian ng lahat. Inilantad ng kanilang mga pagsisikap ang mga lamat ng kolonyal na modernidad at inoorakulo ang isang pulitika na kapwa nakaumang sa redistribusyon at ingklusibo. Ang nagpapatuloy na kawalan ng tala sa kasaysayan hinggil sa yugtong ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsasantabi ng pampolitikang pananaw na hindi elit. Itinutulak sa atin ng pag-alala sa kilusang maka-Kaliwa ng Surabaya na kilalanin kung paanong ang mga demokratikong layunin at ingklusibong pulitika ay maaaring magsimula sa mga kalye, sa mga pamayanan, at pang-araw-araw na buhay ng mga karaniwang mamamayan. Sa harap ng kasalukuyang mga hamon sa mga lungsod sa Indonesia, ang pamana nitong naunang iterasyon ng maka-Kaliwang politika ay  kapwa nagbibigay ng babala at inspirasyon: na dapat manatili ang lungsod bilang espasyo hindi lamang para sa kapital at kontrol kundi para sa karatungan, representasyon at kolektibong pag-aari.

Andi Achdian
Si Andi Achdian ay isang istoryador at curator na ang mga likha ay gumagalugad sa mga interseksyon ng kasaysayang urban, politikang anti-kolonyal, at alaalang publiko sa Timog Silangang Asya. Nakatuon ang kanyang mga pananaliksik sa  transpormasyong panlipunan at pampolitika ng mga lungsod sa ilalim ng kolonyalismo, na may partikular na tuon sa Surabaya sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Tagapangulo siya ng Programa sa Sosyolohiya ng Faculty of Social and Political Sciences, Universitas Nasional, Jakarta. Siya ang may-akda ng Race, Class, and Nation: The History of the Anti-Colonial Movement in Surabaya (Marjin Kiri, 2021). Bukod sa kaniyang mga akademikong gawain, naging curator siya ng ilang mga eksibit hinggil sa kasaysayan at karapatang pantao, kabilang ang Munir Human Rights Museum (2013) at ang Comarca Balide Museum sa Timor-Leste (2024).

Notes –

[1] The narrative presented here is based on the author’s recent book. See Andi Achdian (2023). Ras, Kelas Bangsa: politik pergerakan antikolonial di Surabaya abad ke-20 [Race, Class, and Nation: The History of the Anti-Colonial Movement in Surabaya]. Jakarta, Marjin Kiri.