Kapag Namuno ang Kababaihan: Ang ‘Perempoean Kromo’ sa Kilusang Komunista

Rianne Subijanto

Indonesian Communist women ca. 1920s exhibited in Marx-Engels-Forum, Berlin, Germany (courtesy of author)

Sa huling bahagi ng tag-araw noong 2019, binisita ko ang pampublikong pasyalan na Marx-Engels-Forum na matatagpuan sa sentro ng distrito ng Mitte sa Berlin, Germany. Nang makarating ako sa mapunong parke sa baybayin ng Ilog Spree, hindi ang tansong bantayog nina Marx at Engels na nililok ni Ludwig Engelhardt ang pumukaw sa aking pansin. Sa halip, napasinghap ako nang makita ko ang larawan ng mga kababaihang Indones na nakaukit sa mga dingding na asero na nakapaligid sa rebulto nina Marx at Engels. Binubuo ang mga dingding ng mga relief na may mga tagpo mula sa mga kilusang komunista sa buong daigdig—karamihan ay nagpapakita ng mga kababaihan. Ipinakikita ng larawang Indones ang sampung kababaihan na nakasuot ng kebaya , isang tradisyunal na  kasuotang Javanese, at konde (nakapusod na buhok), tatlo sa kanila ang nakaupo  nang may tangang karatula na sa gitna’y may larawan ng maso at karit at nakasulat ang mga daglat na “P.K.I.” (Partai Komunis Indonesia o ang Partido Komunista ng Indonesi) at “S.R.” (Sarekat Ra’jat o ang Unyon ng Sambayanan). Ipinahihiwatig nito na kinuha ang larawan sa panahon ng kalakasan ng pergerakan merah (Kilusang Komunista) na nag-organisa ng kauna-unahang antikolonyal na pagkilos sa kolonyang Indonesia noong dekada 1920. Gayunpaman, kapansin-pansin ang kaibahan sa pagitan ng istoryograpiya ng panahon at ng aserong relief. Bagaman malinaw na pinili ng Forum—na itinayo noong 1986— na katawanin ng kababaihan ang Kilusang Komunista, kataka-takang nananatiling wala ang kababaihan sa istoryograpiya ng Kilusang Komunista.

Communication against Capital explores the revolutionary communication strategies of the pergerakan merah, the anticolonial “red movement” in 1920s Indonesia.

Tinatalakay ng aking bagong aklat na Communication against Capital: Red Enlightenment at the Dawn of Indonesia ang usaping ito. Tinatanong nito na kung lubhang popular ang isang radikal na kilusan, bakit ang umiiral na istoryograpiya ng panahong iyon ay nagsasalaysay lamang ng kwento mula sa lente ng mga lalaking pinuno nito (cf. McVey, 1965; Shiraishi, 1990)? Ano ang papel ng karaniwang mamamayan sa ganitong popular na kilusan? Layunin ng aklat na palitawin ang aktibong paglahok ng karaniwang mamamayan sa kilusan, gayundin ang ipakita ang mga proseso kung saan naganap ang ganitong paglahok sa pangaraw-araw at pangkaraniwang kalagayan ng mamamayan na lumaganap sa buong Java, sa buong Indies at sa ibayong dagat sa paglipas ng panahon. Isinisiwalat nito na pinamunuan ng Kilusang Komunista ang antikolonyal na paglaban sa paghaharing Dutch sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga aksyong kolektibo at di-marahas gamit ang mga bagong sumusulpot na komunikatibong teknolohiya at gawain. Isang maliit na representasyon lamang ang sampung kababaihan sa larawan sa Marx-Engels-Forum kung ihahambing sa daan-daan hanggang libu-libong kababaihan na nakilahok sa kilusan.

Bilang paglilinaw, hindi layon ng aktibong paglahok ng kababaihan sa Kilusang Komunuista na lumikha ng kilusang kababaihan sa makitid na pakahulugan nito. Sa madaling salita, hindi lamang nagpapakilos ang mga komunistang kababaihan sa kilusan para sa kanilang sariling layunin. Bilang pagpapalawig sa ubod na diwa ng Communication against Capital, layunin ng artikulong ito na patampukin ang katotohanan na sa Kilusang Komunista, hindi lamang nagpakilos ang kababaihan para sa interes ng mga kababaihan. Sa halip, makikita ang kanilang pakikisangkot sa buong kilusan kasama na ang pagsusulong ng mga usaping wari’y hindi pangkababaihan. Ito ang masasabi kong pinakamalaking ambag ng kababaihang komunista hindi lamang sa kasaysayan ng Kilusang Komunista kundi maging sa kasaysayan ng kilusang kababaihan. Ano ang nangyari nang nagpakilos ang mga kababaihan sa isang kilusan na ang interes ay lampas pa sa mga usaping pangkababaihan?

Bago natin sagutin ang katanungang ito, mahalagang maunawaan ang kalikasan ng pakikisangkot ng kababaihan sa kilusan. Unawain natin ito mula sa mga salita ni woro (Bb.) Djoeinah, ang unang babaeng patnugot ng pahayagang Sinar Hindia. Sa kanyang artikulong “Beladjar Ta’ Mengasingkan Diri!” (Matutong Huwag Matiwalag sa Sarili!) sa Sinar Hindia noong 7 Pebrero, 1921, tiningnan ni woro Djoeinah ang kanyang pagsusulat bilang isang porma ng pampolitikang pakikilahok. Ayon sa kanya, “Dengan hati merasa ta’ tetap, kami akan mengoeraikan kata-kata di dalam halaman S.H. itoe, toeroet berlomba-lomba dilapangan politiek” (Nang may ligalig sa puso, inihahayag namin ang mga salita sa mga pahina ng S.H. [Sinar Hindia] upang makisangkot sa larangang pampolika). Susi rito ang pariralang “lapangan politiek” (larangang pampolitika). Isa pang hindi pinangalanang manunulat ang gumamit ng ibang salitang “medan politiek” upang turulin ang kaparis na diwa (D.T., 1921). Para kay woro Djoeinah at sa mga sangkot, isang larangang pampolitika ang Kilusang Komunista, at kung gayon, ang pakikisangkot dito ay isang aktong politikal. Pinagkaisa ng Kilusang Komunista ang mga kromo (karaniwang mamamayan) sa isang kilusan na layong pagbuklurin ang buong kapuluan at buong daigdig laban sa kolonyalismo at kapitalismo sa pamamagitan ng paglulunsad ng kampanya para sa karapatang pantao, katarungan, at kalayaan. Kung kaya, likas sa pag-unawa sa pagiging politikal ang pakikibaka para materyal na kapangyarihan para sa uring kromo na angkinin at kontrolin ang kanilang kagamitan sa pamumuhay at produksyon upang makapamuhay sila nang may dangal, na hindi nila magawa sa ilalim ng aristokratikong pyudalismo sa Java at kolonyalismong Olandes.

Dapat maging malinaw na ang kromo ay kolektibong pagkakakilanlan na nagbibigkis sa mga tao sa loob ng kilusan. Nangangahulugan ang kromo ng mababang-uring at karaniwang tao na walang ranggo o katayuan. Karamihan sa kanila ay walang pinag-aralan, at nabibilang sa kanila ang malapad na populasyon ng mga uring api tulad ng magsasaka, manggagawa, mandaragat, manggagawa sa pantalan, maralitang tagalungsod, mga ina at may-bahay. Natural, nang simulang gamitin ang salitang “perempoean” (kababaihan) upang tukuyin ang sangay nito, mabilis na lumaganap ang katawagang “perempoean kromo” at naging pagkakakilanlan na nagbigkis sa mga kababaihan sa Kilusang Komunista.

PKI meeting in Batavia (now Jakarta), 1925

Sa anong uri ng mga gawain naisakatuparan ang “pagiging politikal”? Isa sa mga susing kongklusyon ng Communication against Capital ay ipinahihiwatig na  nagsimula ang Kilusang Komunista bilang pakikibakang antikolonyal sa kolonyang Indonesia na isinagawa hindi sa pamamagitan ng pakikidigma—gaya ng mga naunang pakikibaka—kundi sa pamamagitan ng produksyon ng mga rebolusyonaryong komunikasyon. Nang magsimulang kumilos ang kababaihan at maging bahagi ng kilusan, lalo na matapos maitatag ang sangay pangkababaihan ng “Sarekat Islam” (Unyong Islamiko) na tinawag na “Sarekat Islam Perempoean” (Unyong Islamiko ng Kababaihan) noong 1918, nahikayat nito ang marami sa mga dumalo at naglunsad sila ng openbare vergaderingen (mga pulong bayan). Higit pang lumawak ang pakikilahok ng mga kababaihan nang maaresto at madistiyero ang karamihan sa mga pinunong lalake ng kilusan sa malalayong isla at ibayong dagat pagkatapos ng welga noong Mayo 1923 na pinamunuan ng unyon ng  manggagawa na VSTP. Sa pagitan ng 1923-1925, tampok na tagapagpakilos ang mga kababaihan na nagpalawak sa kilusan, na lalong nagpataas ng popularidad at pagiging radikal nito. Namumuno sila sa mga pulong sa iba’t ibang lungsod sa mga kabahayan, opisina, paaralan, at sinehan sa buong Java at sa labas nito, kabilang ang Sumatra and Maluku. Pinangunahan  at nagsalita sila sa mga rali at pulong, at pinag-usapan ang pagtatayo ng partido, mga estratehiya sa pagpapakilos, at mga ideyang komunista. Nag-organisa rin sila ng mga welga sa mga tradisyunal na palengke (pasar), ginagamit ang kanilang kapangyarihan na pangasiwaan ang pamamahagi ng mga produkto at pagkain. Batid nilang lubos na kung ang mga nagtitinda—karamihan ay mga kababaihang kromo—ay hihinto sa pagbebenta ng mga produkto, hindi magkakaroon ng akses ang mga nakatataas na uri sa kanilang mga kalakal. Nang maaresto ang ilang pinuno matapos ang welga ng VSTP, nangalap din ang mga kababaihan ng mga donasyon upang tiyakin ang kabuhayan ng mga naiwang pamilya ng mga nadakip na kasamahan. Sa mga ulat ng vergaderingen sa Sinar Hindia, malimit na isinasagawa ang pangangalap ng donasyon kasunod ng mga pulong bayan kung saan nagbibigay ang mga kababaihan ng salapi, pagkain, at maging alahas upang suportahan ang kanilang mga kasamahan. Inilulunsad ng mga kababaihan ang pulong bayan na ito sa iba’t ibang lugar subalit ang isa sa pinakakakaibang lugar ay sa isang pampublikong kusina. Sa kusina, higit na nakakapagbahagi ang mga kababaihan sa mga talastasang politikal at debate habang naghahanda sila ng pagkain para sa kanilang mga pamilya. 

Maliban sa mga pulong, rali, at welga, kabilang din sa mga gawain ng mga komunistang kababaihan ang pagsusulat, pagbabasa at pag-aaral. Maraming kababaihan, tulad ni woro Djoeinah, ang nag-ambag ng kanilang mga sulatin sa rebolusyonaryong pahayagan tulad ng Sinar Hindia. Gaya ng mga paksa sa mga pulong bayan, iba-iba rin ang mga paksa ng kanilang mga sulatin at hindi lamang nakatuon sa mga usaping pangkababaihan. Nandyan ang mga sulating pumapaksa sa kolonyalismo, mga reaksyunaryong grupong anti-komunista, at mga estratehiya sa rebolusyon. Gayundin, hindi lamang kababaihan ang tumatalakay sa mga usaping kalimitang itinuturing bilang mga “usaping pagkababaihan” tulad ng diborsyo, poligamiya, kalusugang reproduktibo, pag-aalaga sa anak, at pag-aasawa. Tinatalakay din ng mga kalalakihan ang mga paksang ito. Noong 1921, halimbawa, naglabas ang kasapi ng politburo ng Partido Komunista ng tatlong-bahaging serye ng mga artikulo na pinamagatang “Kaoem Perempoean” (Kababaihan) na tinatalakay, kasama ng iba pang paksa, ang pagkakaiba sa pagitan ng prijaji (mataas na uri) kababaihan at kromo na kababaihan at ang lugar ng huli sa Kilusang Komunista, ipinahahayag ang sentimyento ng kababaihang kromo sa kilusan. Kasama ng mga kalalakihan, pinaunlad at nagturo ang mga kababaihan sa komunistang paaralang Sekolah Ra’jat (Paaralan ng Sambayanan) na nagserbisyo sa maraming batang kromo hanggang ipagbawal ito matapos ang pag-aalsa noong 1926-1927. Matapos ang pagpapatalsik kay Tan Malaka, tagapagtatag ng Sekolah Ra’jat, noong 1922, nagsulputan ang mga komunistang paaralang ito sa buong Java sa Bantam, Buitenzorg, Batavia, Preanger, Cheribon, Pekalongan, Semarang, Madioen, Kediri, Bodjonegoro, Soerabaja, at Besoeki. Sa Westkust ng Sumatra, tinawag itong Paaralang Thawalib. Sa hanay ng mga komunistang paaralan na ito, sinikap ni Woro Djoeinah na magtatag ng espesyal na paaralan para sa kababaihan kungsaan tinuruan nila ang isa’t isa ng mga kasanayan at kaalaman kabilang ang kalusugang reproduktibo.

The front page of Sinar Hindia, September 9, 1918. The paper’s its editors Mas Marco Kartodikromo and Semaun were instrumental in the rise of the Communist Party of Indonesia. Wikipedia Commons

Dapat ay malinaw na ngayon na hindi lamang nakatuon sa mga itinuturing na interes ng kababaihan ang larangang pampolitika ng mga perempoean kromo sa Kilusang Komunista; sa halip, isinusulong nila ang mas malalawak na interes ng Kilusang Komunista. Sa kanilang mga talumpati at sulatin, inunawa nila ang pang-aapi at pagsasamantala sa kababaihan bilang isang reyalidad na nakaugat sa pagsasalabid ng patriyarkiya at kapitalismo. Kaya naman naniniwala silang kailangang ibagsak ang kapitalismo upang mawakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa mga kababaihan. Sa pagkakataong ito, tinitingnan ang kasarian bilang ekspresyon ng uri. Kailangang unawain dito ang uri hindi bilang trabaho kundi bilang materyal na kapangyarihan. Walang materyal na kakayahan ang mga perempoean kromo para makamit ang marangal na pamumuhay. Isang maningning na halimbawa nito ang prostitusyon, gayundin din ang akses ng kababaihan sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, mga karapatan sa politika, at pagkakapantay-pantay sa pag-aasawa. Hindi nito sinasabing napapailalim ang interes na pangkasarian ng kababaihan sa interes ng uring kromo kundi nakikita ang katangian ng uri ng perempoean kromo sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan kaugnay ng kanilang kasarian.

Ang magkakawing na pag-unawa sa uri at kasarian, sa aking pananaw, ang isa sa mga susing kontribusyon ng perempoean kromo. Isinusulong ng mga kababaihang ito ang mas malawak na pag-unawa sa ekonomiya. Para sa kanila, ang pakikibaka ng kababaihan ay hindi lamang tungkol sa karapatang bumoto at akses sa representasyong politikal at pamamahala, kundi tungkol din sa pagpapaunlad sa mga institusyong kalimitang itinuturing na “di-ekonomiko” (walang nililikhang halaga) na sa katunayan ay direktang nag-aambag sa kaayusang panlipunang at pang-ekonomiko, mga paaralan, sektor ng edukasyon, sa mas malawak na publiko kabilang na ang panitikan at peryodismo, ang palengke, usaping pangkalusugan, at mga samahang pampolitika gaya ng mga unyon. Nag-aambag ang kababaihan sa kilusan sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking halaga hindi lamang sa mga katanungan hinggil sa representasyon ng kababaihan sa kilusan kundi maging sa mga estratehiya upang maitindig at mapanatili ang mga nabanggit na panlipunan at pang-ekonomikong organisasyon kung saan naging lubhang sentral ang mga “usaping pangkababaihan”. Ang ganitong pag-unawa na ipinahayag ng mga komunistang kababaihan sa kolonyal na Indonesia 100 taon na ang nakakalipas ay umaalingawngaw sa buhay na pag-aaral hinggil sa produksyong panlipunan ng mga kontemporaryong Marxista pemisita tulad  nina Tithi Bhattacharya, Susan Ferguson, Nancy Fraser, at Silvia Federici. 

Balikan natin ngayon ang katanungan sa pagsisimula ng artikulong ito: paano nakaapekto ang mga kababaihan at “interes ng kababaihan” sa Kilusang Komunista? Dahil ba sa interes ng kilusan para sa mas malawak na uring kromo ay nailagay sa sekundaryo ang interes ng kababaihan? Kabaliktaran pa nga, ang politikal pakikisangkot ng perempoean kromo sa kilusan, sa katunayan, ang nagtampok sa paglaya ng kababaihan bilang isa sa mga kahilingan ng buong kilusan, at kinikilala ito bilang isa sa mga ubod na adyendang antikolonyal at antipasista. Naging mahahalagang larangan ng pakikibaka ang mga “di-ekonomiko” at “impormal” na larangan ng panlipunang reproduksyon na pangaraw-araw at ordinaryo. Nagaganap ang pulitika hindi lamang sa mga pulong ng Partido kundi sa mga larangang kultural tulad ng pag-aasawa, kalusugan, moda, pagpapangalan ng anak, at pag-aalaga ng anak. Gayundin, habang ipinapanawagan ng kababaihan ang makauring interes ng kilusan sa pamamagitan ng kanilang mga talumpati at sulatin, ginawa nitong unibersal ang mga kahilingan ng mga kromo. Hindi lamang pag-aari ng mga kalalakihan o ng mga pinunong elit ang mga kahilingang ito kundi naging kumon na ekspresyon ng kolektibong kahilingan ng kilusan sa kabuuan. Sa pamamagitan ng pakikipagkaisa sa mga kalalakihan, hindi lamang nakatulong ang kababaihan sa pagpapalawak ng Kilusang Komunista para mapabilang rito ang mas maraming iba-ibang kalahok at usapin, kundi ginawa nitong mas inklusibo at unibersal ang kilusan. Mula sa kwento ng mga perempoean kromo natutunan natin na kapag namuno ang kababaihan, nagagawa nila na ang mga usaping pang-araw-araw at ordinary ay maging mahahalagang proseso sa pagbubuo ng kilusan, na maaaring nagtutulak sa kilusan para maging mas demokratiko at may pagkakapantay-pantay.

Rianne Subijanto
Rianne Subijanto is Associate Professor of Communication Studies at Baruch College, The City University of New York. She is the author of Communication against Capital: Red Enlightenment at the Dawn of Indonesia (Cornell UP, 2025).

References

D.T., 1921. “Terhadap Kaoem Poeteri Terpeladjar” (To the Educated Women). In Sinar Hindia, February 16.
McVey, Ruth Thomas. 1965. The Rise of Indonesian Communism. Ithaca, NY: Cornell University Press.
Shiraishi, Takashi. 1990. An Age in Motion: Popular Radicalism in Java, 1912-1926. Ithaca, NY: Cornell University Press.