Mga Hugpungan ng Ligalig: Pagninilay sa Pangyayari noong ika-15 ng Enero (Malari)

Kartini Monument, Tulung Agung, East Java, Indonesia. Photo: Mang Kelin, Shutterstock

Noong Mayo 1899, isinulat ni Kartini (1879-1904), sa isang pook sa Java na sakop ng mga Olandes, ang isang sipi hinggil sa malakas na unos ng pagbabago na lumalamon sa mundong kanyang iniiralan:

“[A]ng espiritu ng panahon, ang aking katulong at tagapagtanggol, ay ipinarinig ang kanyang dumadagundong na mga yabag; matikas, malakas, at niyayanig ang mga institusyon habang papalapit siya sa kanilang teritoryo–bumukas ang mga pintong mahigpit na nababarikadahan, ang ilan ay mistulang nagkusa, habang ang iba ay mas mahigpit ang pagkakapinid, subalit bumukas pa rin, at pinapasok ang isang hindi kinagigiliwang panauhin. At kung saan siya naparoon, iniwan niya ang kanyang mga bakas.” (“Letter to Stella Zeehandelaar”; Kartini, 1912). 

Wala pang 20 taong gulang nang masiulat ito, walang pag-aalinlangang niyakap ni Kartini ang ligalig ng pagbabago bilang isang espiritung tumutulong at nagtatanggol, na ang mapanirang epekto ay kailangan upang magawa niya at ng kanyang mga kababayan na palayain ang sarili mula sa kolonyal na pang-aapi at pyudal pakikipagsabwatan. Limampu’t isang taon lamang bago ito, lumabas ang Manipesto ng Partido Komunista noong 1848, inuulit ng personipikasyon ni Kartini hinggil sa ligalig ng pagbabago ang pambungad na pahayag nito:

“Isang multo ang lumiligalig sa Europa–ang multo ng komunismo. Ang lahat ng kapangyarihan ng lumang Europa ay pumaloob sa isang banal na alyansa upang puksain ang multong ito…”  (Marx at Engels, 1847). 

Sa kaniyang “afterlife” matapos makamit ng Indonesia ang kasarinalan, naging simbolo si Kartini ng “ibuism” ng estado (Suryakusuma, 1996) at, sa pamamayagpag ng Bagong Kaayusan sa ilalim ni Soeharto, pinatibay ang haliging patriyarkal ng militarisadong otoritaryanismo. Hinalinhan ang kanyang batang kasiglahan ng isang pasibong imahen ng mahinahong ina ng estado, sa kabila ng katotohanang tumutol siya sa pag-aasawa at, nang kalauna’y nagpahinuhod rito, ay nasawi sa gulang na 25, apat na araw matapos maisilang ang kanyang kaisa-isang anak. Higit na mahalaga sa ating pagmumuni hinggil sa ligalig ay ang pagbura ng mga kolonyal na opisyal, na iginigiit na sila ang mga “tunay”na tagapagtanggol, sa malakas na progresibong tindig ng kanyang kaisipan at mga sulatin. Inulit pang muli ng rehimeng Bagong Kaayusan ang ganitong pagbusal sa kanyang tinig kalaunan.

Portrait of Raden Adjeng Kartini. Wikipedia Commons

Isa sa mga bibihirang likha na nagbibigay-diin sa maka-kaliwang progresibismo ni Kartini ang sulatin ni Pramoedya Ananta Toer na Panggil Aku Kartini Saja (Tawagin Mo Na Lamang Akong Kartini) noong 1962. Gayunpaman, nangangahulugan ang labing-tatlong taon ng di-makatarungang pagpiit sa kanya, pagsira sa kanyang aklatan at lahat ng di tapos na manuskrito, at ang malawakang pagbabawal sa kanyang mga sulatin sa ilalim ng kautusan ng Provisional People’s General Assembly ng 1966 (TAP MPRS XXV/1966) na nagbawal sa lahat ng babasahing binansagang nagpapalaganap ng ideolohiyang “Marxista/Leninista” ng marahas na pagsupil sa lahat ng alaala ng mga naunang pagpapahayag ng progresibismo. Nananatili ang ganitong lagay ng mga bagay hanggang sa kasalukuyan.

Noong panahon ng Dutch East Indies, itinuring na tuwirang banta ang ganitong tipo ng ligalig sa estratehiyang mapangamkam ng mga mananakop sa pagwawakas ng Cultivation System na kontrolado ng estado, paglitaw ng bagong Liberal Policy noong 1879, at ang pagsulong tungo sa pribatisasyon. Ang estado ay naging sistema para tiyakin at bantayan ang “kapayapaan at kaayusan” (“rust en orde”) na hinihiling ng pribadong kapital. Sa pag-unawa sa pagbusal kay Kartini, malalantad ang kolaborasyon ng pribatisasyon at paglitaw ng “pamamaraang panseguridad” (pendekatan keamanan) ng pulis na estado na salalayan ng Bagong Kaayusan at ng kasalukuyang Indonesia matapos ang Reformasi. Ang ligalig bilang multo ay inangkin at ginamit ng kapitalismo, at paulit-ulit na sinasambit upang magamit bilang sangkap sa pagpapalaganap ng liberal na kaayusan sa panahon ng kolonyalismo at ng kasalukuyang neoliberal na kaayusan.

A car on fire in Jakarta during the 15 January 1974 “Malari” riots. Wikimedia Commons

Paglikha ng Ligalig: Ang “Malari” bilang Punto ng Pagninilay

Ang salin sa Malapetaka Lima Belas Januari, o mas kilala bilang Malari, ay “Sakuna ng ika-15 ng Enero.” Ang pangyayaring ito na naganap noong 1973-1974, wala pang walong taon mula nang marahas na umakyat sa kapangyarihan ang rehimeng Bagong Kaayusan, ay nananatili bilang isa sa mga pinakamisteryosong kaganapan sa kontemporaryong kasaysayan ng Indonesia.

Dahil sa marami nitong patlang at balakid, hindi ito maisasalaysay sa isang simple at tuwid na paraan.  Sa halip, nangangailangan ito ng naratibong may mas masusing pagsusuri. Ang simple at tuwid na salaysay na siyang ipinalalaganap ng midya at ng estado, at kalaunan ng sistemang hudisyal mismo, ay yaong kaugnay sa inaasahang opisyal na pagbisita ng Punong Ministro ng Japan na si Kakuei Tanaka. Tinuligsa ng mga Indonesian na estudyante sa mga unibersidad, na nagpoprotesta laban sa mga proyektong pamumuhunan ng Japan sa Indonesia, ang kanyang pagdalaw at lumikha ng malaking ligalig na lumaganap sa labas ng kampus, sadyang nag-udyok sa mga manggagawang tagalungsod na magsimula ng gulo, sirain ang anumang produktong Hapones (maging ang mga sasakyang Toyota na binuo sa Indonesia), at sunugin ang bagong-gawang palengke ng Senen (pasar Senen) sa sentro ng Jakarta. Ikinulong ang mga lider-estudyante, pinagtatanong, at sinampahan ng kasong subersyon ang marami, lalo na si Hariman Siregar, tagapangulo ng Konseho ng Mag-aaral ng Unibersidad ng Indonesia, at ang batang iskolar ng ekonomiya na si Sjahrir S.E. Ang unang paratang sa mga aktibistang ng kampus ay kapanalig sila diumano ng maka-kaliwang pakyon ng PSI (Partai Sosialis Indonesia) – ang dating Partido Sosyalista ng Indonesia na sinasabing nagpakana ng mga protesta ng estudyante para pabagsakin ang pamahalaan ng Bagong Kaayusan. Kung kaya, nadakip din sa mga pang-aaresto isinagawa ng mga militar at pulisya ang mga “sosyalistang”  intelektwal tulad nina Sarbini Sumawinata at Soebadio Sastrosatomo, na kapwa nabilanggo nang mahigit dalawang taon nang walang kaukulang proseso (Thee Kian Wie, 2007), kasama ang marami pang ibang mga intelektwal at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao tulad nina Adnan Buyung Nasution at Haji Princen.    

Ang sumusunod na paglalarawan sa mga yugto ng pagsisiyasat ay batay sa personal na karanasan mula sa ilang sesyon ng interogasyon na lalo pang patitingkarin sa pamamagitan ng mga paghahambing sa karanasan ng iba, gayundin ng mga paglilitis kina Hariman Siregar at Sjahrir S.E. Sa mga sesyon ng preliminaryong interogasyon sa punong himpilan ng Military Police (POM) sa Jakarta, marami sa mga katanungan ang mistulang idinisenyo upang makakuha ng mga kasagutang magpapakita ng ebidensya ng sabwatan ng mga maka-kaliwang PSI, na umabot pa sa punto ng pagsisikap na makatuklas ng hinihinalang lihim na network ng mga komunista. Samantala, nagtago naman ang mga aktibistang hindi pa nadadakip dahil sa takot na inihasik nito.

Gayunpaman, sa mga susunod na serye ng interogasyon na isinagawa ng tanggapan ng State Prosecutor (Kejaksaan), lumitaw ang isang balangkas ng naratibo na nagsilbing gabay sa ikalawang yugto ng imbestigasyon na nakatuon sa pagpapalitaw ng mga ebidensya at saksi para sa mga paglilitis. Ang balangkas na ito ay ginamit at pinalaganap nang malawakan at siya ring naging ehemplo para sa maraming pagbabalita hanggang sa kasalukuyan. 

Crowds on the streets during the 15 January 1974 “Malari” riots. Wikimedia Commons

Kapag Naglabanan ang mga Elepante, Natatapakan ang mga Pilandok

Sa mga isinagawang  pagsisiyasat ng prosekusyon, binigyan ang mga potensyal na saksi at mga taong minamatyagan ng mahabang listahan ng mga katanungang kanilang sasagutan. Sa personal kong karanasan, bagaman naiwasan ko ang pagkakakulong, ginawa ng prosekusyon ang iba’t ibang porma ng pamimilit para makakuha ng gusto nilang mga kasagutan sa mga katanungan. Kabilang dito ang pagkukulong sa hiwalay na kwarto nang ilang oras, at mga pagbabantang ipipiit kasama ng Gerwani (Kilusang Kababaihan ng Indonesia na kapanalig ng PKI, kung saan marami sa mga kasapian ang basta na lamang inaresto, nakaranas ng panggagahasa at tortyur, at ipiniit nang maraming taon). Nang hindi sila makakuha ng ninanais na kasagutan sa gayong paraan, nagpakita ang mga tagausig ng isang graph na nagpapaliwanag ng senaryo kung saan kailangang makagbigay ng ebidensya ang mga interogasyon.

Tampok sa naturang graph ang isang mito na pamilyar sa mga mamamayan ng Timog Silangang Asya: dalawang elepante na naglalabanan habang labis na nagdurusa ang maliit na pilandok (pelanduk). Kinakatawan ng dalawang elepante ang magkaibang paksyon sa militar: sa isang panig, yaong napapailalim sa State Security Command (Pangkopkamtib) kay General Sumitro Sastrodihardjo, samantalang ang kabilang panig ay binubuo ng grupo ng mga heneral  na tapat kay Suharto, ang ASPRI (mga personal na kanang kamay), na pinamumunuan naman ni General Ali Murtopo at siyang responsable sa mga espesyal na paniniktik, at kung gayon ay tuwirang hinahamon ang gawaing paniniktik sa ilalim ng Kopkamtib ni Sumitro. Kinakatawan ng pilandok ang mga estudyante at intelektwal bilang mga biktimang naiipit sa labanan na hindi sila ang pinagmulan. 

The diminutive Mousedeer. PHoto by You Le on Unsplash

Malinaw na lumayo na ang kwento sa PSI at lumipat na sa magkakaibang paksyon ng militar. Maniobra ba ni Suharto ang pagbabagong ito sa kwento para makuha ang higit na buong kontrol sa militar at paniniktik? Naging target ng pagtuligsa sa kampus ang ASPRI dahil sa kawalan nito ng transparency at kapangyarihan nitong magkamal ng pondo mula sa iba’t ibang pinagkukunang pag-aaring pribado at ng estado. Bilang tugon umano sa kritisismo, binuwag ito ni Suharto sa huling bahagi ng Enero 1974. Nagpatuloy ang ilang paglilitis sa mga estudyante, subalit maraming mga aktibista sa kampus at mga intelektwal ang hindi nilitis. Gayunman, isang tema na lumutang sa mga paglilitis ay ang sadyang pang-uupat ng ASPRI na nagorganisa ng mga pagkilos upang gumawa ng kaguluhan at sunugin ang palengke sa Senen, habang isinisisi kay Hariman Siregar at mga estudyante ng unibersidad ang mga aksyon ito, kahit na nasa malayong lugar mula sa sentro ang mga estudyante nang pumutok ang mga kaguluhan. 

Mahusay na kinutya ni Nano Riantiarno noong 1995 sa mahusay na dulang Semar Gugat ang ganitong tipo ng mga sikretong operasyong militar. Gayunpaman, nagsilbi rin itong balangkas para sa militar upang “makalikha” ng ligalig sa pamamagitan ng mga riot. Ebidensya nito ang mga kaganapan noong 1998, kung saan tinangka ng militar na isabotahe ang malawakang protesta ng mga estudyante at manggagawa upang ipanawagan ang pagbibitiw ni Soeharto sa puwesto. (Isiniwalat sa akin ng maybahay ng isa sa mga hukom sa paglilitis kay Sjahrir ang mga direktang ebidensya ng pangingialam ng palasyo  sa mga paglilitis, na nagsabing ipinatatawag sa “Cendana”- tahanan ni Soeharto- ang mga hukom tuwing umaga bago pumunta sa korte upang bigyan niya ng tagubili ang mga ito.)

Nananatili ang isang tanong: bakit tinanggal ang PSI sa naratibo ng ligalig noong dekada 1970? Kailangan nating tingnan ang mga ugnayan kay Sumitro Djojohadikusumo, Dekano ng Fakulti ng Ekonomiya ng Unibersidad ng Indonesia, at mga tagapagtatag ng grupo ng mga teknokrata na nagdisenyo ng neoliberal na patakarang pang-ekonomiya ng Bagong Kaayusan na nagwakas sa mga plano ni Sukarno para sa nasyunalisasyon ng dayuhang pamumuhunan na nakatuon sa mga ari-ariang plantasyon sa panahon ng kolonyalismo.

Bilang isa sa mga mahalagang personalidad sa PSI, nasangkot siya sa kilusang PRRI na nagpasyang tumiwalag mula kay Sukarno, at pagkaraa’y nagpadistiyero sa ibang bansa. Matapos ang pagbagsak ni Sukarno, bumalik siya sa Indonesia noong 1967 at nagsilbing utak sa likod ng mga patakarang pang-ekonomiya ng Bagong Kaayusan (Nasution, 1992; Subiyantoro, 2006). Ang Act No. 1 noong 1967 hinggil sa Dayuhang Pamumuhunan ang unang batas na pinagtibay ng Provisional General Assembly, ang pinakamataas na kapangyarihan sa bansa matapos lipulin ang PKI. Nilansag nito ang patakaran ni Sukarno na suportado ng PKI tungo sa pagtatatag ng pambansang ekonomiya, at binuksan ang Indonesia sa tuwirang dayuhang pamumuhunan. Habang isa ang Japan sa mga naunang sumamantala sa pagbubukas na ito, kinatawan lamang ito sa lahatang kapitalistang pagsasamantala sa likas yaman at yamang-tao ng Indonesia. Nakaabang naman ang Freeport McMoran, isa sa mga kauna-unahang dayuhang kumpanya na nakakuha ng karapatan na minahin ang mga deposito ng tanso at ginto sa Kanlurang Papua (Poulgrain, 1998). 

Grasberg mine open pit. the largest gold mine and the third largest copper mine in the world. It is located in the province of Papua in Indonesia. Wikimedia Commons

Nananatili bilang batayang balangkas para sa pamumuno sa Indonesia ang konsolidasyon ng militar, katuwang ang mga patakarang neoliberal sa pamamagitan ng kooptasyon at pagbaluktot sa diwa ng ligalig na pinukaw ni Kartini, at nagpatuloy, sa harap ng pag-akyat sa kapangyarihan ng retiradong Heneral na si Prabowo Subianto–anak ni Sumitro Djojohadikusumo– ang paglawak at sekyuritisasyon ng mga dambuhalang proyektong pamumuhunan, at pagpapanumbalik ng militar ng Indonesia sa tuwiran o di-tuwirang interbensyon sa pamahalaan na binigyang daan ng pagrebisa noong Marso 20, 2025 sa mga batas ng 2004 hinggil sa Militar ng Indonesia na ipinasa ng Parliyamento, na inilarawan ng mga nagpoprotestang estudyante at intelektwal bilang pagbabalik ng dalawahang papel ng militar (Tempo.co. 2025).

Para sa mga historyador, naging metapora na ang pigura ng anghel ng kasaysayan (Angelus Novus) ni Walter Benjamin (1969) para pagnilayan ang balintunang pagkaka-ugnay ng sakuna at pag-unlad. Ang imahe ng anghel na nakaharap patalikod, na bunsod ng malakas na hangin ng pagbabago, at nakikita lamang ang pagkawasak na iniiwan nito, ay naghuhudyat kapwa ng takot at pag-asa ng modernidad na nasa bingit ng digmaan. Sa imaheng ito, ang unos o ligalig ay tila patungo sa isang sitwasyong untul.  

Bagaman malinaw na walang magawa ang anghel, nakikita ni Benjamin ang pag-asa sa tinawag niyang “malayuning pag-alaala” bilang pagkilos laban sa mga puwersang nagbubuyo ng paglimot. Ang maikling sanaysay na ito ay isang akto ng malayuning pag-alaala: ang matagpuan ang pag-asa sa pamamagitan ng pagbawi sa buong tinig ni Kartini at pagyakap sa mapagbagong kapangyarihan ng ligalig.

Sylvia Tiwon
Sylvia Tiwon is Chair and Associate Professor of Southeast Asian Studies, University of California, Berkeley. She obtained her Ph.D. in South and Southeast Asian Studies from the University of California, Berkeley. Before earning her doctoral degree, she graduated in English from Stanford University and the University of Indonesia. Her interests lie in the interplay of social, political, and literary dynamics, focusing on orality, literacy, and gender studies. Her major publications include Breaking the Spell: Colonialism and Literary Renaissance (1999) and Trajectories of Memory: Excavating the Past in Indonesia, co-edited with Melani Budianta (2023). Her current project focuses on race, literary aesthetics, and abducted subjectivities in Indonesia.

References

Benjamin, Walter. 1969.  Illuminations.  New York: Schocken Books.
Kartini, R.A. 1912. Door Duisternis Tot Licht.  ‘S Gravenhave: Luctor et Emergo. 
Nasution, Adnan Buyung, 1992.  The Aspiration for Constitutional Government in Indonesia.  Jakarta: Pustaka Sinar Harapan.
Poulgrain, Greg. 1998.  The Genesis of Konfrontasi.  London: C. Hurst.
Riantiarno, N.  1995.  Semar Gugat.  Yogyakarta: Yayasan Bentang Budaya. 
Subiyantoro, Bambang, ed. 2006.  Negara Adalah Kita. Jakarta: Prakarsa Rakyat.
Suryakusuma, Julia. 1996.  “State and Sexuality in New Order Indonesia.”  in Laurie Sears, ed. Fantasizing the Feminine.  Durham: Duke University Press.
Tempo.co. 2025, https://www.tempo.co/cekfakta/keliru-klaim-bahwa-revisi-uu-tni-tidak-mengembalikan-dwifungsi-abri-1225197
Thee Kian Wie, 2007.  “In Memoriam Professor Sarbini Sumawinata, 1918-2007.”  Economics and Finance in Indonesia, Vol 55 (1).
Toer, Pramoedya Ananta. 1997.  Panggil Aku Kartini Saja.  Jakarta: Hasta Mitra.