
Nanumpa noong 24 Nobyembre 2022 si Anwar Ibrahim bilang Punong Ministro ng Malaysia, kasunod ng matinding negosasyon matapos ang halalan na ginanap noong 19 Nobyembre 2022. Isang mahalagang pangyayaring pulitikal ang pagkakahirang sa kaniya dahil matagumpay niyang nakuha ang suporta ng mayorya ng mga halal na mambabatas mula sa iba’t ibang partido, maging ng mga hindi bahagi ng kaniyang koalisyon.
Dalawang taon matapos ang halalang 2022, isang malaking alalahanin para sa gobyerno ng “pagkakaisa” ni Anwar at sa integridad ng halalan sa Malaysia ang posibilidad ng pagkalusaw ng naghaharing koalisyon bunga ng pag-atras ng suporta ng isa o ilan pang kaanib na partido pulitikal. Nagbabadya ng pagbagsak ng pamahalaan ang kawalan ng matibay na mga hakbang para pigilan ang mga partido- sa halip na mga inidbidwal na MP lang- na maglipat ng kanilang suportang pulitikal mula sa isang koalisyon tungo sa iba sa loob ng isang terminong lehislatibo.
Bagaman naisabatas ang Anti-Party Hopping Law noong 2022 upang pigilan ang mga indibidwal na MP na magpalit ng partido, hindi nito sinasaklaw ang buong mga partido. Maaaring magdulot ang ganitong kakulangan ng pagbabago sa pamahalaan nang hindi kinakailangan ng halalan.
Itinutulak ng ganitong kabiguang maglagay ng mga elektoral na pananggalang at pigilan ang gayung mga maniobrang pulitikal na mabuo ang mas malalaking koalisyong pulitikal sa Malaysia upang matiyak na hindi hahantong sa pagbabago sa pamahalaan ang paglipat-lipat sa mga partido. Gayunman, maaaring mapahina ng malalaking koalisyon ang esensya ng halalalang multi-partido at ang kapasyahang pampulitika na ipinahayag ng mga botante sa halalan. Ito ang banta sa intergridad ng halalan na haharapin ng Malaysia tungo sa susunod na halalan.

Ang Pagbaliktad sa Pamahalaang Inihalal noong 2018
Isa sa mga estratehiyang paulit-ulit na napapansin sa pulitika ng Malaysia ang pagkalas mula sa partido o koalisyon kung saan lumilipat ang mga pulitiko mula sa isang partido o kampo patungo sa iba. Kalimitang paraan ito upang matiyak ang kanilang posisyon at impluwensya sa pulitika, lalo na sa panahon ng instabilidad o kung naghahangad na makapanatili sa kapangyarihan.[1] Sa antas ng estado, nagdudulot ang pagtalikod o “pagpapalipat-lipat” ng mga partido sa pagbagsak ng walong administrasyon. .[2] Samantala, sa pambansang antas, bagaman malimit na lumipat sa ibang partido ang mga pulitiko, na nagdudulot ng mga pagbabago sa komposisyon ng mga koalisyon at kalamangan sa iba’t ibang halalan,[3] hindi nagawang ikompromiso ng pagpapalipat-lipat ng partido ang pamahalaang pinamumunuan ng koalisyong Alliance Party at ng kasunod nito, ang koalisyong Barisan, mula ng pangkalahatang halalan noong 1955.
Gayunman, nagbago ito noong 2020 sa paglipat ng partido na tinawag na “Sheraton Move”,[4] na naganap dalawang taon matapos ang GE2018 halalan – at nagresulta sa pagkatalo ng koalisyong BN na pinamumunuan ng UMNO. Sinimulan ng “Move” ang dalawang taon ng pulitikal na instabilidad, kung saan nagpalit ng mga punong ministro at nagbago ang mga kaanib na partidong bumubuo sa pamahalaan nang walang ipinatawag na halalang lalahukan ng mamamayan.
Bago sumapit ang GE2018, nakakuha ng suporta ang koalisyong Pakatan Harapan (PH) – ang pangunahing oposisyon sa koalisyong Barisan Nasional (BN) – mula kay dating Punong Ministro Mahathir Mohamad, na umalis sa UMNO para umanib sa Malaysian United Indigenous Party (BERSATU).[5] Nagtagumpay ang PH, kung saan kaanib ang BERSATU, laban sa UMNO at koalisyong BN, at napagwagian ang 113 sa 222 puwesto sa Dewan Rakyat (House of Representatives) at nakuha ang mayorya sa maliit na kalamangan.[6] Isang susing kondisyon para buuin ng koalisyon ang pamahalaan ay ang unawaan na hahawakan ni Mahathir ang puwesto bilang punong ministro subalit isasalin ang kapangyarihan kay Anwar Ibrahim ng People’s Justice Party (PKR), ang namumunong partido sa PH, pagkalipas ng dalawang taon.[7]
Dalawang taon matapos ang halalan kung kailan panahon na upang isalin ni Punong Ministro Mahathir ang puwesto kay Anwar, nahirapang magkasundo ang koalisyon sa plano ng pagsasalin ng kapangyarihan dahil sa pag-aatubili ni Mahathir na bumaba sa puwesto.[8] Kasabay nito, naharap ang koalisyon sa mga internal na dibisyon dahil tutol ang ilang kasapi sa pamumuno ni Mahathir, sa pakikipag-alyansa sa PH, at sa planong paghalili ni Anwar. Sa halip, isinulong nila ang pagbubuo ng isang bagong koalisyon kasama ang Malaysian Islamic Party (PAS) at iba pang maliliit na partido.[9] Humantong ang mga pangyayaring ito sa pagbaklas ng BERSATU sa PH upang itatag ang koalisyong Perikatan Nasional (PN) noong Pebrero 2020.[10]
Naging unang matagumpay na pagbabagsak ng pamahalaan sa pambansang antas ang “paglipat-lipat ng partido” na nagbunsod ng pagtatatag ng koalisyong PN, na tinawag mula noon bilang Sheraton Move. Isinantabi ng mga kasaping partido kapwa sina Mahathir at Anwar upang suportahan bilang punong ministro si Muhyiddin Yassin mula sa BERSATU. Tumanggap din ng suporta ang koalisyong PN mula sa koalisyong Barisan Nasional (BN) na kabahagi ng oposiyon mula noong halalan.[11]
Sa kabila ng pagbabago sa hanayan, nanatiling maliit ang kalamangan ng namumunong koalisyon bilang mayorya sa parliyamento.[12] Sa kalagitnaan ng 2021, umigting ang mga tensiyon sa loob ng koalisyon bunsod ng pagbawi ng UMNO ng kanilang suporta kay PM Muhyiddin dahil hindi nasiyahan ang mga ito sa kaayusan ng pamumuno at sa pangangasiwa ng mga patakaran kaugnay ng COVID-19. Humantong ang krisis na ito sa pagbibitiw ni Muhyiddin noong Agosto 2021 na hudyat ng ikalawang pagbabago sa pamahlaan mula noong halalang 2018.[13]

Repormang Elektoral laban sa Pagpapalipat-lipat ng Partido
Itinampok ng “Sheraton Move,” na nagbunsod ng pagkakatatag ng PN, at ng kasunod na pampulitikang instabilidad sa panahon ng panunungkulan nina Muhyiddin Yassin at Ismail Sabri Yaakob bilang mga punong minitro, ang mga panganib na kaakibat ng pabago-bagong katapatan sa hanay ng mga MP at ng mga partidong pulitikal sa loob ng mga koalisyon, na humantong sa pagkakaroon ng tatlong punong ministro sa loob ng apat na taon. Ipinakita rin nito kung paano pinahihina ng mga naturang pagkalas ang katapatan sa partido at lumilihis mula sa orihinal na kagustuhan ng mga botante.
Itinulak ng nakikinitang pampulitikang instabilidad ang mga mambabatas na magpatupad ng serye ng mga repormang elektoral bago ang Pangkalahatang Halalan ng 2022 (GE2022). Kabilang sa mga repormang ito ang Constitution (Amendment) (No. 3) Act 2022,[14] na kilala bilang Anti-Party Hopping Law (AHL), na naglalayong pigilan ang mga halal na kinatawan na lumipat ng partido pampulitika sa panahon ng kanilang termino. Nagtatakda ng mga kaparusahan ang AHL sa mga MP na magbibitiw sa kanilang partido at sasapi sa iba. Sa gayong mga pangyayari, mababakante ang kanilang puwesto, na magbubunsod ng paglulunsad ng espesyal na halalan na magbibigay ng pagkakataon sa mga botante na magpasya kung patuloy na susuportahan ang MP o pipili ng kahalili nito. Dagdag pa, pinoprotektahan ng amyenda ang mga posisyon ng MP kung patatalsikin sila ng mga pinuno ng kanilang partido, at binibigyan sila ng pahintulot na manatili sa kanilang puwesto at sumapi sa ibang partido.
Itinaguyod ang Anti-Party Hopping Law (AHL) bilang isang paraan upang ibalik ang pampulitikang tiwala ng mamamayan matapos ang mga taon ng kaguluhang pampulitika. Layunin nitong pigilan ang mga halal na kinatawan na magpalit ng kanilang mga pulitikal na tindig at katapatan sa partido kapag sila ay nasa parliyamento na. Partikular na nakatuon ang pagsisikap na ito sa paglaban sa pulitikang nakabatay sa salapi at korupsyon, na hinihinalang malalaking salik na nagtutulak sa dumadalas na pagpapalipat-lipat ng partido, at sa gayo’y nagbubunga ng pananatili ng integridad ng halalan.[15]
Gayunman, hindi saklaw ng AHL ang antas koalisyon, kung kaya’t napahihitulutan pa rin ang mga partido pulitikal na umanib at magpalit ng mga koalisyon nang walang kahaharaping pananagutan. Samakatuwid, habang ginagamit na dahilan ang “Sheraton Move” para maipasa ang batas, hindi nito mapipigilan ang gayong kaganapan dahil ang nangyayari ay paglilipat ng suporta ng partido at hindi simpleng paglipat sa ibang partido ng mga MP. Sa halip, nabigo itong pigilan ang mga pinuno ng partido na solong gumawa ng mga desisyong pulitikal na magpalit ng katapatan o koalisyon nang hindi kinakailangang makuha ang pagsang-ayon ng kanilang mga halal na kasapi.[16]
Sa kawalan ng mekanismo upang mabantayan at malabanan ang mga naturang pagtalikod at pagbabago ng katapatan, nananatiling malaking usapin ang pulitikal na pagkakanulo para sa pamahalaang Anwar, na siyang nanalo sa pangkalahatang halalan 2022 (GE2022).

Mga Banta sa Gobyerno ng Pagkakaisa ni Anwar
Bagaman nanalo sa Pangkalahatang Halalan 2022 ang koalisyong Pakatan Harapan na pinangungunahan ng PKR, nahahati sa tatlong mayor na koalisyon ang kalakhan ng mga boto – sa PH, Barisan Nasional (BN) at Perikatan Nasional (PN) – kung kaya’t walang koalisyon ang humahawak ng mayorya sa Parliyamento. Matapos ang ilang ulit na matinding negosasyon, naabot ang kasunduan sa hanay ng PH, BN, at Gabungan Parti Sarawak (GPS) na nakabase sa Sarawak upang buuin ang isang gobyerno ng “pagkakaisa” sa pamumuno ni Anwar.[17] Makasaysayan ang negosasyong ito dahil sa mahabang panahon ay masidhing magkakatunggali sa pulitika ang PH at BN.
Gayunman, makalipas ang dalawang taon at bago matapos ang 2024, nagsimulang lumitaw ang mga senyales ng lamat sa loob ng administrasyong Anwar. Sa ilang mga kadahilanan, nagiging tampok ang limitadong proteksyon na ibinibigay ng AHL laban sa mga hakbang na mala-“Sheraton.”
Una, umiiral ang malaganap na atmospera ng kawalan ng tiwala, na nagbubunsod ng maraming intriga at ispekulasyon sa social media hinggil sa mga potensiyal na paglipat ng MP sa ibang partido.. Nakaranas din ng mga atake ang namumunong koalisyon na PH-BN mula sa PAS, ang namumunong partido sa koalisyong PN, na hayagang nananawagan ng pagpapabagsak sa pamahalaan noon pang maagang bahagi ng 2023.[18] Dagdag pa, may mga bali-balita noong Enero 2023 hinggil sa pagpapatalsik kay UMNO President Ahmad Zahid Hamidi upang pabagsakin ang koalisyong PH-BN, at marahil para pabagsakin din ang gobyerno ng pagkakaisa, na tinawag na “London Move”.[19]
Nagsimulang lumaganap noong maagang bahagi ng 2024 ang ispekulasyon hinggil sa “Dubai Move.” Tumutukoy ito sa paghikayat sa ilang partikular na MP na tumiwalag sa nagkakaisang koalisyon ng PH-BN para suportahan ang kalaban sa pagka-punong ministro na nominado ng PN.[20] Dahil hindi nangangailangang lumipat ng partido ang mga MP sa estratehiyang ito, hindi kakaharap ng kaparusahan sa ilalim ng AHL ang mga nilapitan upang sumuporta sa PN. Ganito rin ang mangyayari kung magtagumpay ang PN na ligawan ang suporta ng isang buong partido.
Bagaman hindi naganap sa dulo ang dalawang “hakbang” na ito, ipinakikita pa rin nito ang nakababahalang kalakaran sa kalagayang pampulitika ng Malaysia kung saan naging malaganap na suliranin ang inaasahang pagtataksil.
Ikalawa, maaaring humantong sa paglilipat ng suporta ng mga MP palayo sa namumunong koalisyon ang mga tunggalian sa pagitan ng mga partido sa pamahalaan kaugnay ng mga patakaran hinggil sa lahi, relihiyon, at monarkiya, na maaring magresulta sa pagbagsak nito. Nakararanas din ng pagtutol mula sa loob ang administrasyong Anwar mula sa mga pinuno ng UMNO at mga MP[21] na nagsusulong ng interes at pakikibaka ng mga Malay at nahihirapang ayusin ang kanilang pakikipagtulungan sa Democratic Action Party (DAP).[22] Itinuturing ang DAP bilang partido na kumakatawan pangunahin sa interes ng Tsino-Malaysian at naglalayong hamunin ang mga dominanteng naratibo kaugnay ng lahi, relihiyon, at monarkiya sa pulitika ng Malaysia. Lalo pang pinalalala ng PAS ang tensiyong ito, na nakakuha ng suporta sa hanay ng mga botanteng Malay, sa kanilang pagtuligsa kay Anwar dahil umano sa pagsisilbi nito sa mga kahingian ng DAP habang kinaliligtaan ang mga usapin kaugnay ng mga komunidad na Islam at Malay.[23]
Sa badya ng posibleng krisis pampulitika at para mapanatili ang kaniyang pamumunong pampulitika, sinimulan ng pamahalaang Anwar ang mga talakayan sa pag-amyenda at pagpapalakas sa AHL upang mapigilan ang mga kasapi ng koalisyon na mapabagsak ang pamahalaan sa pamamagitan ng paglilipat ng katapatan. Lumitaw muli sa inisyal na mga talakayan ang iba’t ibang panukala na tumungo sa amyenda noong 2022. Iminungkahi ng PKR ang pagkakaroon ng “remedyong pagbawi” na magbibigay ng kapangyarihan sa mga botante na gumawa ng aksyon laban sa mga halal na kinatawan na nagpalit ng kinaaanibang partido o kaya’y nabigong tupdin ang kanilang mga tungkulin.[24] Isinulong din ng partido ang mas mahihigpit na hakbangin.[25] Kasama na rito ang rekisitong bakantehin ang pwesto ng mga MP na itiniwalag sa kanilang partido.
Habang nagpahayag ng kahandaan ang pamahalaan na pag-usapan ang amyenda sa AHL,[26] nananatiling hindi tiyak ang daan pasulong dahil nangangailangan ito ng boto ng mayorya sa Parliyamento.
Mula rito, lampas na si Anwar sa paghingi ng suporta para amyendahan ang AHL. Sa halip, aktibo na siyang nag-iipon ng suporta mula sa iba’t ibang partido sa loob at labas ng koalisyong PN para sa parating na pangkalahatang halalan na nakatakdang ganapin nang hindi lalampas sa Nobyembre 2027.
Kasama sa estratehiyang ito ang paghiling ng pag-endorso mula sa mga kasapi ng BERSATU na nagpapahina sa tindig ng partido bilang pwersang oposisyon,[27] habang kasabay na nilalayong mapanatili ang tulungan sa UMNO sa hinaharap.[28] Nakikipag-usap rin si Anwar sa mga tradisyunal na istrukturang pampulitika sa isla ng Borneo. Bilang tugon sa mga akusasyon hinggil sa kakayahan niyang sapat na katawanin ang interes na Malay-Muslim, naghahanap siya ng daan upang makakuha ng suporta sa PAS, ang partidong namumuno sa malaking bloke ng mga botanteng Malay-Muslim, upang palakasin ang posisyon ng kanyang pamahalaan.[29]
Kung magtagumpay si Anwar na makipagkasundo at makipagsalo ng kapangyarihan sa mga nagtutunggaling interes na ito, maaaring magbunga ang susunod na halalan ng mas malakas at mas matatag na pamahalaan na hindi madaling maibagsak.

Kongklusyon
Nasa ganitong kalagayan ang pulitika ng Malaysia dalawang taon matapos ang pangkalahatang halalan ng 2022:
Dahil hindi maipwesto ang isang matibay na batas laban sa pagpapalipat-lipat ng partido, magtutuon ang pagsisikap ni Anwar sa ikalawang hati ng kaniyang administrasyon sa pagtatayo ng isang namumunong rehimen na sumasaklaw sa lahat, na magbibigay sa kaniya ng istabilidad habang patungo ang bansa sa susunod na pangkalahatang halalan.
Gayunpaman, malaki ang magiging epekto ng pagtatagumpay nito sa demokrasyang multi-partido ng Malaysia. Nakatanggap na ng kritisismo ang pagkakabuo ng nagkakaisang pamahalaan ng PH-BN sa ilalim ni Anwar dahil sa pagtataksil nito sa progresibo at maka-demokrasyang tindig sa pulitika na dating katangian ng oposisyon.[30]
Sa gayon, nagbabanta ang ganitong hakbang na pahinain ang mga tunay na boses ng oposisyon sa pulitika ng Malaysia at ikinokompromiso ang kalidad ng demokrasyang multi-partido sa bansa.
Lina Sakina Salim, Asia Centre
NOTES
[1] Hershan @ Ray Herman, Muhammad Izwan Ikhsan and Ku Mohd Amir Aizat Ku Yusof (2023) ‘Navigating Party Loyalty and Party Hopping in Malaysia Through Nordin Salleh and Khaliq Mehtab’s Cases’, Malaysian Journal of Social Sciences and Humanities 8(10): 1–10, at: https://doi.org/10.47405/mjssh.v8i10.257.
[2] Shad Saleem Faruqi (2024) ‘Loopholes in Malaysia’s anti-defection law’, Fulcrum, at: https://fulcrum.sg/loopholes-in-malaysias-anti-defection-law.
[3] Ibid.
[4] The name “Sheraton Move” refers to the agreement made at Sheraton Hotel in the city of Petaling Jaya, Selangor to form the Perikatan Nasional (PN) coalition.
[5] Wan Saiful Wan Jan (2020) Why Did BERSATU Leave Pakatan Harapan?, Singapore: ISEAS – Yusof Ishak Institute.
[6] Inter-parliamentary Union (2018) ‘Malaysia: Dewan Rakyat (House of Representatives)’, Inter-parliamentary Union, at: http://archive.ipu.org/parline/reports/2197_e.htm.
[7] The Straits Times (2018) ‘PM Mahathir says he will honour agreement to hand power to Anwar after two years’, The Straits Time, at: https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/pm-mahathir-says-he-will-honour-agreement-to-hand-power-to-anwar-after-two-years.
[8] Sophie Lemière (2020) ‘The never-ending political game of Malaysia’s Mahathir Mohamad’, Brookings Institute, at: https://www.brookings.edu/articles/the-never-ending-political-game-of-malaysias-mahathir-mohamad.
[9] Ibid.
[10] Mohd Irwan Syazli Saidin (2023) ‘Malaysia’s Crisis of Political Legitimacy: Understanding the 2020 Power Transition and “Sheraton Move” Polemics Through the “Eyes” of Malaysian Political Science Graduates, Cogent Social Sciences, 9:1, 2222572, at: DOI: 10.1080/23311886.2023.2222572.
[11] Sophie Lemière (2021) ‘Is Muhyiddin unstoppable?’, Center for Strategic & International Studies, at: https://www.csis.org/analysis/muhyiddin-unstoppable.
[12] Ibid.
[13] Ayman Falak Medina (2021) ‘Malaysian Prime Minister resigns, deepening political crisis’, ASEAN Briefing, at: https://www.aseanbriefing.com/news/malaysian-prime-minister-resigns-deepening-political-crisis.
[14] “DR 15/2022 Constitution (Amendment) (No.3) Bill 2022” (2022), Democratic Action Party, at: https://dapmalaysia.org/repository/DR15%202022_Amendment%20in%20Committee%20Constitutional%20Amendment%20Anti%20Hopping%20Law_ENG.pdf.
[15] Shad Saleem Faruqi (2024) ‘Commentary: Loopholes in Malaysia’s anti-defection law’.
[16] Ibid.
[17] Amir Yusof and Najmi Syahiran Mamat (2022) ‘Anwar to lead unity government comprising PH, BN and GPS; keeps door open for other partners’, Channel News Asia, at: https://www.channelnewsasia.com/asia/malaysia-ge15-anwar-ibrahim-pm-press-conference-unity-government-vote-confidence-3098681.
[18] Channel News Asia (2023) ‘PAS chief’s remarks on toppling Anwar government stirs controversy, police probe under way’, Channel News Asia, at: https://www.channelnewsasia.com/asia/malaysia-pas-abdul-hadi-topple-government-investigation-police-controversy-3339351.
[19] Faiz Zainudin (2023) ‘Ismail denies involvement in plot to oust Zahid’, Free Malaysia Today, at: https://www.freemalaysiatoday.com/category/nation/2023/01/04/ismail-denies-involvement-in-plot-to-oust-zahid; Aqil Haziq Mahmud (2024) ‘Malaysia gripped in wave of denials, accusations over alleged “Dubai Move” plot to topple Anwar govt’, Channel News Asia, at: https://www.channelnewsasia.com/asia/malaysia-dubai-move-anwar-topple-government-4025001.
[20] James Chai (2024) ‘Commentary: Malaysia’s “Dubai Move” was doomed to fail – it misunderstood Sarawak’s GPS coalition’, Channel News Asia, at: https://www.channelnewsasia.com/commentary/malaysia-dubai-move-topple-anwar-sarawak-borneo-4073746.
[21] MalaysiaNow (2024) ‘Two-thirds majority, but Anwar’s coalition is a house of cards, says Mahathir’, MalaysiaNow, at: https://www.malaysianow.com/news/2024/09/25/two-thirds-majority-but-anwars-coalition-is-a-house-of-cards-says-mahathir.
[22] Tajuddin Rasdi (2024) ‘Is there a political “sandiwara” between Umno and DAP?’, Free Malaysia Today, at: https://www.freemalaysiatoday.com/category/opinion/2024/10/18/is-there-a-political-sandiwara-between-umno-and-dap.
[23] Ibid.
[24] Bernama (2024) ‘Amendment to anti-party hopping law requires thorough bipartisan discussion, agreement – Azalina’, Bernama, at: https://bernama.com/en/news.php?id=2317809.
[25] Ibid.
[26] Ibid.
[27] Azril Annuar (2024) ‘PM Anwar makes play for PAS support to woo Malaysia’s Malay majority’, The Straits Times, at: https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/pm-anwar-makes-play-for-pas-support-to-boost-backing-from-malaysia-s-malay-majority,
[28] Lu Wei Hoong (2024) ‘UMNO chief Zahid wants alliance with PM Anwar to continue, but some dream big after by-election win’, The Straits Times, at: https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/umno-chief-zahid-wants-continued-alliance-with-pm-anwar-but-some-dream-big-after-by-election-win.
[29] Annuar (2024) ‘PM Anwar makes play for PAS support’.
[30] Han Jun Lim (2024) ‘Why Malaysian voters and civil society are turning on Anwar Ibrahim’, East Asia Forum, at: https://eastasiaforum.org/2024/08/28/why-malaysian-voters-and-civil-society-are-turning-on-anwar-ibrahim.