Tinatalakay sa ulat na ito ang paikot-ikot at di-makayanang padron ng pag-unlad ng ekonomyang Pilipino, ang mga salik na tumutulak sa paikot-ikot na pagbulusok ng ekonomya, ang ambag ng iba’t ibang sektor at di man tukuying istratehiya sa pag-unlad, ang epekto ng kasarian sa paggawa, at ang kalagayan ng likas na yaman at kapaligiran ng bansa. Ipinapalagay rito na ang paikot-ikot na padron ng pag-unlad at kilos sa kita ay nakaugnay hindi lamang sa padron ng paggastos sa antas-macro, sa katangian ng pulitikang elektoral, at sa mga pag-unlad sa sektoral at rehiyonal na antas. Naaapektuhan din ito ng kawalang-kakayahan ng di man tukuying istratehiya sa pag-unlad bago ang dekada 80, ng mga limitasyon ng kasalukuyang istratehiya ng liberalisasyon, at ng kalagayan ng likas na yaman at kapaligiran ng bansa.
Ang sumusunod ay isang pinaikling bersyon ng ulat. Para sa buong pagtalakay, datos at mga banggit, maaaring tingnan ang buong artikulo.
Ang Paikot-ikot na Padron ng Pag-unlad
Mula noong dekada 60, ang ekonomya batay sa pag-unlad ng per capita GDP ay nagdaan sa anim na maiikling ikid, na bawat isa ay umabot sa 4 hanggang 5 taon, liban sa pitong-taong pag-unlad mula 1975 hanggang 1982. Ang mga pagbulusok ay iniugnay sa dipisit sa balanse ng kita at gastusin, sa paglubha ng balanse ng pagbabayad sa mga utang at katayuan ng reserbang pandaigdig, at sa pag-unti ng pribadong pamumuhunan. Ang pag-unti ng pamumuhunan ay makahulugang nakaugnay sa pagbaba ng GNP sa nakaraang taon, pagliit ng halaga ng salapi, mas mababang domestic credit at mas mataas na tantos sa interes. Ang pamumuhunan ay umunti isang taon bago ang halalang presidensyal at sa tuwing inaasahan ang mas mababang GDP. Inakalang ang pagtaas sa gastusin ng gubyerno at pag-unti ng pribadong pamumuhunan ay ang mga dahilang namamagitan o nagtutulak sa pagbulusok.
Ang krisis pampulitika at pang-ekonomya ng 1983-85 ay maihahalintulad sa isang bangin na naghihiwalay at nagpapaiba sa mga ikid mula dekada 60 hanggang 1982 at sa taon mula 1985. Sa kalagayang walang negatibong tantos sa pag-unlad, ang mga naunang ikid ay nagpahintulot sa tuloy-tuloy na pagtaas ng tunay na kitang per capita, na nagrurok noong 1982. Kabaligtaran, ang mga ikid mula 1986 ay tinampukan ng mga negatibong tantos na humadlang sa patuloy na pagtaas ng kita. Sanhi nito, inabot ng dalawang dekada para mabawi ang rurok ng tunay na per capita GDP ng 1982. Ang inut-inot na pagbawi at ang mas mabuway na kalagayang pang-ekonomya matapos ang 1985 ay sumasalamin sa batbat ng tunggalian at pamumulitika sa pagitan ng mga rehimeng pulitikal at mula sa isang istratehiya para sa pag-unlad tungo sa isa pa, gayundin ang mga hangganang pangkapaligiran at likas na yaman na naabot ng ekonomya.
Bago ang dekada 80, ang panluwas na hilaw na materyal at produktong agrikultural – kaakibat ng patakaran tungkol sa pinalobong halaga ng salapi, proteksyong pang-tariff, at paggastos ng pamahalaan para suportahan ang industriyalisasyon batay sa import substitution – ang nagbigay ng bwelo sa pag-unlad. Gayunman, noong dekada otsenta, nawalan na ng bisa ang di man tukuying istratehiyang ito sa pag-unlad. Ang pagkasaid ng troso at yamang-dagat at ang kawalang-kakayanan ng sektor ng agrikultura, na relatibong di maunlad, na magpalitaw ng murang pagkain at bagong produktong panluwas ay nagpahirap sa mga sektor na agrikultural at likas na yaman (liban sa pagmimina) na magpalitaw ng mga rekurso para sa industriyal na pag-unlad. Dagdag pa, ang gawi ng mga pamahalaan na umasa sa gastusang dipisit at pangungutang sa ibang bansa upang tustusan ang mga pamumuhunang imprastruktural at saklayan ang paglago ng ekonomya, kakumbina ang pinalobong halaga ng salapi, ay naging implasyonaryo at mapaminsala sa lipunan sa kalaunan. Kaya nga, pagsapit ng unang mga taon ng dekada 80, naging pangangailangan ang isang bagong istratehiya para sa pag-unlad.
Ang krisis pang-ekonomya at pampulitika ng 1983-85 at ang grabeng pag-unti ng likas na yaman ng bansa ay kaalinsabay sa papalaking papel ng liberalisasyon bilang balangkas ng patakaran sa pandaigdigang ekonomya. Ang pagtanggap ng Pilipinas sa balangkas na ito upang mapadali ang pagpasok ng dayuhang kapital at ang kasunod na pagtatatag ng mga industriyang panluwas ay isang malaking pagbaling sa patakaran mula sa hinihiligang proteksyunismo ng mga mambabatas at manedyer sa panahon bago ang dekada 80. Gayunman, ito ay isang delikadong pagbaling dulot ng kawalan ng kinakailangang mga kaayusang institusyonal para gumana ito.
Kaunlarang Pangunahing Nakabatay sa Serbisyo sa Konteksto ng Degradasyong Pangkapaligiran at Matumal na Pagkilos sa Agrikultura
Hindi tulad ng ilan sa mga karatig-bansa nito, ang Pilipinas ay hindi dumaan sa panahon ng tuloy-tuloy at mabilis na pag-unlad mula dekada 70. Dagdag pa sa mga sanhi ng pang-macroeconomic at pampulitikang instabilidad na nabanggit na, ang pag-unlad ay naging paikot-ikot at mabuway dahil sa mahina at di-tiyak na padron sa pag-unlad ng partikular na mga sektor, sa kawalan ng kakayanan ng di man tukuying istratehiya sa pag-unlad pagkatapos ng gera at bago ang dekada 80, at ang mga hangganan ng kasalukuyang istratehiya sa industriyalisasyong nakatuon sa eksport.
Ang sektor pangserbisyo ang nangunguna at pinakamatatag na pinagmumulan ng pag-unlad. Subalit ang di-tiyak at pabulusok na pag-unlad ng mga sektor ng troso, pangingisda, at manupaktura, katambal ang mahinang paglago ng sektor sa agrikultura, ay pumigil sa sana’y paglago ng ekonomya. Dagdag sa kawalan ng kakayahan, ang kahinaan sa agrikultura ay nakaugnay sa kumbersyon ng kagubatan sa di-produktibong kagubatan, damuhan o sakahan. Ang kumbersyong ito ay sanhi ng matindi at walang-pakundangang pagtotroso, paggawa ng kalsada, pagmimina, pagkakaingin, at ang pagpapabaya sa rehabilitasyon ng nakakalbong imbakan ng tubig. Ang mga aktibidad na ito sa kabundukan ay nagkaroon ng masamang epekto sa lokal na klima, pag-ulan, pagdaloy ng mga batis, aquifer recharge capacity, katatagan ng lupa, at sedimentasyon, na nagbubunga ng paghina ng serbisyo sa irigasyon at hydroelektrisidad, at pagliit ng ani at kita.
Ang lumulubhang kalagayan sa kapaligiran ay may malaking kaugnayan sa kahirapan at migrasyon. Ang mga probinsya na may mataas na pagkakalbo ng kagubatan, mas malawak na proporsyon ng sakahan, at mas maliit na proporsyon ng sakahang may irigasyon ay may mas malaking bahagdan ng mga pamilyang mas mahirap pa kaysa sa itinakdang sukatan ng kahirapan. Ang kahirapan o ang kawalan ng pag-unlad at oportunidad sa pagtatrabaho sa mga sektor sa mga lalawigang ito na labas sa sakahan o trosohan ay nakaugnay din sa palabas na migrasyon. Ang mga bulubundukin, tabing-dagat at sentrong bayan ang mga pangunahing destinasyon ng mga migranteng rural. Gayunman, ang mabilis at di-mapigil na migrasyon sa mga lugar na ito ay nagkaroon ng mapaminsalang epekto sa kapaligiran.
Bilang halimbawa, ang matinding pagtaas ng pangangailangan para sa isda at ang katumbas nitong pag-ibayo sa pangingisda ng mga kumersyal na mangingisda at paparaming mangingisdang munisipal ay humantong sa pagkasaid ng lamang-dagat ng bansa sa huling banda ng dekada 70 at maagang bahagi ng dekada 80. Ito ang nagpalala sa kahirapan ng mga mangingisdang munisipal bunga ng pag-unti ng huli (catch per unit effort o CPUE) at pagtataboy sa kanila ng mga empresang komersyal. At samantalang ang aquaculture at mariculture ay nagbigay ng mga bagong lunan ng pag-unlad noong dekada 90, ang patuloy na paglaganap ng mga ito ay pinamimiligro ng pagliit ng mga bakawan, siltasyon sa tabing-dagat, at polusyon ng mga lawa at ilog. Hindi nakakagulat, samakatwid, na dulot ng papalawak na kahirapan, pagkasaid ng pangisdaan, at migrasyong papasok, ang mga tabing-dagat ay naging mga pamayanan ng barung-barong hanggang hindi na sila halos maaasahan bilang impormal sa tagasalo sa mahihirap na migranteng rural.
Ang tuluy-tuloy na pag-unlad at mas mataas na kontribusyon sa produktibidad ng sektor pang-serbisyo kung ihahambing sa agrikultura at industriya sa dekada 90 ay nangahulugan ng mas malawak na oportunidad sa empleyo sa sektor na ito. Subalit ang mga oportunidad na ito ay pangunahing nakasentro sa National Capital Region, Cordillera Autonomous Region, Timog Katagalugan, at Gitnang Visayas. Ang mga pagkakataong makapagtrabaho ay nakikita ring mas mataas para sa kababaihan na nangunguna sa pampamayanan, panlipunan at personal na serbisyo at pagtitindang pakyawan at tingi, kung saan nakapaloob ang may 50 porsyento ng kababaihang naghahanapbuhay.
Dulot ng pagkakaiba-iba ng mga establisamyento at dualistikong istruktura nito, lumaki ang sektor pang-serbisyo sa pagpasok ng dayuhang kapital sa mga bangko at iba pang institusyong pinansyal, mga padala mula sa ibayong-dagat, at sa paglaki ng populasyon at pamilihan sa mga lungsod. Ang kawalan ng pag-unlad sa agrikultura at manupaktura sa mga lalawigan ay nagpalaki rin sa bilang ng mga migrante mula sa mababang panggitnang uri at mahihirap na migranteng rural na nagtungo sa mga sentrong bayan, subalit masyado silang marami para masalo ng pormal na sektor pangserbisyo. Sa ganitong paraan, ang pagdayo sa mga lungsod ay nagresulta sa paglawak ng pamilihan ng di-pormal na sektor at paglaki ng populasyon sa mga pamayanang barung-barong.
Ang pagtaas ng empleyo sa sektor pangserbisyo ay kinatangian ng paglaki ng bilang ng mga establisamyento na may mas kaunting manggagawa at pagliit ng sahod. Sinasalamin nito ang relatibong madaling pagpasok ng maliliit na yunit sa sektor pangserbisyo, pag-unlad ng di-pormal na sektor, at ang mga pag-aangkop na isinagawa ng mga manggagawa bilang sagot sa kawalan at kakulangan ng trabaho na naranasan noong panahong 1990/92-1998 ng ikid.
Dala ng iba’t ibang gawain at pagliit ng mga yunit pangserbisyo nito, ang di-pormal na sektor ay mukhang nagdaraan sa isang mala-Geertz na proseso ng inbolusyon na sumasalo sa mga walang-trabaho o kulang sa trabaho mula sa mas malaking pamayanan at, sa gayo’y, umaalalay sa limitadong oportunidad sa ibang mga sektor o bahagi ng bansa. Ang mga babaeng migrante, na dati’y walang sahod na manggagawa para sa kanilang mga pamilya sa sektor agrikultural at di-agrikultural sa lalawigan, ay isang mahalagang pinagmumulan ng surplas na lakas-paggawa ng ekonomyang pang-serbisyo sa lungsod.
Ang katangian ng pag-unlad ng bansa sa pangunguna ng serbisyo ay may ilang limitasyon. Isa, hindi nito nakayanang hatakin paitaas ang iba pang mga bahagi ng ekonomya. Dagdag pa, ang katangiang engklabyo ng proseso ng pag-unlad ay bumanat sa kakayahang sumuporta ng kapaligiran sa lungsod. Sapagkat ang mga mauunlad na sentrong-bayan ay kaakit-akit sa mas maraming tao at tumataguyod sa mas maraming gawaing pang-ekonomya, ang proseso ay nangahulugan ng mas malakas na paggamit ng kuryente at tubig at ang paglikha at pagkaipon ng dumi. Sapagkat kulang sa abanteng pagtanaw at pananggalang, ang mga sentrong-bayan na ito ay kasalukuyang humaharap sa mga suliranin ng kakulangan ng maiinom na tubig, pag-agnas ng lupa sa tabing-dagat, di-wastong pagtatapon ng basura, polusyon ng hangin at tubig, at ang mga kaakibat nitong peligro sa kalusugan.
Ang mga Limitasyon ng Manupaktura, Dayuhang Pamumuhunan,
at Liberalisasyong Pangkalalakalan
Sa kasamaang palad, ang paglipat mula sa proteksyon sa industriya tungo sa istrakturang liberalisado – at ang katumbas nitong pagdaloy ng dayuhang pamumuhunan – ay hindi naghatid ng inaasahang benepisyo sa sektor ng manupaktura. Samantalang ang malaking bahagi ng puhunang dayuhan ay napunta sa mga kemikal, produktong kemikal, at pagkain sa unang bahagi ng dekada 90, at sa makinarya, aparato, kagamitan at suplay, at di-metal na produktong mineral noong 1996, ang mga ito ay hindi lumikha ng makabuluhang pag-unlad sa oportunidad para makapagtrabaho o kakayahang mag-eksport.
Ang panahon mula 1982 hanggang 1998 ay nagtala ng net na pagtaas sa empleyo sa ilang mga industriya. Bumaba ang empleyo sa manupaktura ng tela, goma, salamin, produktong gawa sa kahoy, at pagpapalayok sa paglipat ng mga malaki at katamtamang-laking industriya sa maliliit na industriya; tumaas naman ito sa mga malalaking industriya tulad ng electroniks at paggawa ng propesyunal at syentipikong kagamitan, at sa ilang mga maliliit na industriya tulad ng balat, plastik, di-metal, pabrikadong metal, at makinarya. Dumami rin ang oportunidad na makapagtrabaho sa pagproseso ng pagkain at paggawa ng damit. Sa kabila ng mga pagtaas na ito, ang net na pagtaas sa empleyo sa loob ng 16-taong panahon na ito ay hindi naging kapansin-pansin. Sa karaniwan, 30,511 karagdagang trabaho lamang kada taon (o 3 porsyento lamang ng 1.013 milyong bagong- pasok sa pwersang paggawa noong 1998) ang nalikha, at sa gayo’y nabigo ito sa pagpapaunlad sa hati ng pagpapatrabaho ng sektor.
Hindi rin malaki ang naging ambag ng dayuhang pamumuhunan sa pagpapaunlad ng produksyong pang-eksport sa mga industriya ng pagpoproseso ng pagkain; mas nakatuon ang mga ito sa lokal na pamilihang panglungsod. Ang mga puhunan para sa produksyong pang-eksport ay pangunahing ibinuhos sa industriya ng elektroniks. Kasama ang produksyon ng mga mas maliliit at kaugnay na kagamitan tulad ng makinarya, ang mga produktong elektronikal ang responsable para sa buong paglago ng panindang kalakal noong dekada 90, o halos sesenta porsyento ng mga panindang pang-eksport. Sa kasamaang palad, ang tampok na papel ng pagluluwas ng mga produktong elektronikal sa larangan ng manupaktura at kalakalan ay nagdulot lamang ng limitadong kabutihan sa ekonomya. Sapagkat umaasa sa mga inaangkat na input, ang produksyong elektronikal ay hindi nag-ambag ng malaki sa value-added at net trade surplus. Dahil sa pormang produksyong engklabyo nito, halos hindi ito nakaugnay sa mas malawak na ekonomya at, sa gayo’y, kakarampot lamang ang naging kontribusyon sa pag-unlad. Sa kabila pa ng mga usapin sa limitadong value added, paglikha ng empleyo at net trade, ang pagkakasangkot ng mga kumpanyang multinasyunal sa produksyong pang-eksport ay maaaring nagbunga ng pagtakas ng kapital dulot ng mababang pag-invoice sa eksport at angkatin.
Ang mga kabutihan ng liberalisasyon sa kalakalan ay naging limitado rin sa sektor ng agrikultura. Ang pagdami ng mga angkating agrikultural ay nagresulta sa mas mataas na tantos ng angkat sa GNP at mas mababang presyo. Samantalang pabor sa mamimili, ang mas murang angkating agrikultural ay nakasama sa mga lokal na magsasakang prodyuser. Ang mas murang angkat na bigas ay umuk-ok sa kumparatibong lamang ng bansa sa produksyon ng batayang aning ito.
Sa kabila pa ng disempleyo, ang liberalisasyon sa kalakalan ay maaaring nagpalubha sa di-pagkakapantay-pantay sa sektor ng agrikultura. Sapagkat wala silang kakayahang umabot sa malakihang ekonomya tulad ng mga malalaking prodyuser, ang mga maliliit na magsasaka na limitado ang oportunidad sa pormal na pautang at pamilihan ay umaasa sa mga negosyante-tagapangutang at napipilitang ipagbili ang kanilang mga produkto sa mas mababang halaga. Ang iba pang mga sanhi ng di-pagkakapantay-pantay ay ang pagkakaiba sa oportunidad sa tiyak na pangungupahan o karapatan sa pag-mamay-ari sa lupa, irigasyon, subsidyo sa pataba, pamumuhunan sa imprastruktura at, kamakailan, ang Minimum Access Volume (MAV) pondo na mula sa pag-aangkat. Nilikha bilang pangsalo sa mga maliliit na magsasaka, ang mga rebenyung nakolekta mula sa mga angkat na MAV, ayon sa mga kritiko rito, ay mas napagkukunan ng mga malalaking negosyante at masyadong mahigpit ang mga rekisito para sa maliliit na magsasaka.
Kahirapan at ang mga Hangganan ng mga Hakbangin Tungo sa Paglutas Nito
Sa pangkasaysayang pag-unlad at pagbagsak ng mga partikular na sektor at industriya, ang ilang mga grupo o pamilya ay nakaranas ng pagkakataboy at panggigitgit o hindi nakakuha ng maayos na trabaho. Mula sa karanasang ito, lumilitaw ang ilang mga grupo na bumubuo sa ubod ng mahihirap sa bansa:
- ang mga pamayanang indigenous sa bulubundukin na natulak sa interyor dahil sa pagdating ng mga magtotroso, minero, at mga migrante mula sa kapatagan;
- mga dating manggagawa sa kunsesyong pagtotroso na lumipat sa bulubundukin bilang subsistence producers;
- mga munisipal na mangingisda na bumaba ang CPUE o itinaboy ng mga kumersyal na mangingisda mula sa kanilang mga tradisyunal na palaisdaan at hindi makahanap o makalipat sa mas mainam na mga palaisdaan;
- mga magsasaka at manggagawa sa labas ng sakahan na natanggal mula sa sektor o industriya na nagdaraan sa pang-ekonomyang pagbagsak (hal. asukal, troso) at lumipat sa bulubundukin o tabing-dagat;
- mga magsasakang pamilya sa mga rehiyon o lugar kung saan ang agrikultura ay napag-iwanan o nagdaan sa tagtuyot, mga natural na kalamidad, o pagbabago sa kalagayan ng panahon tulad ng Lambak ng Cagayan, Bicol, Silangang Visayas, at Mindanao;
- mga magsasaka at manggagawang-bukid sa mga lugar na walang sapat na tubig at maayos na sistemang pang-irigasyon o kung saan bumagsak ang ani;
- mga manggagawang walang lupa na lumipat sa tabing-dagat, syudad, o lungsod at walang trabaho o kulang ang trabaho sa di-pormal na sektor;
- mga manggagawang permanente ang pagkakasesante.
Ang lawak (26.7 milyong tao) at distribusyon ng mga grupong ito ay tinaya sa pamamagitan ng bilang ng mga taong nabubuhay sa ilalim ng itinakdang sukatan ng kahirapan noong 1997, ng tinatayang populasyon ng mga partikular na grupo sa loob ng isang takdang taon, at ng tantos ng paglaki ng pambansang populasyon. Ang proporsyon ng grupong ubod ng mahihirap sa mga probinsya ay maaaring mas mataas pa kaysa sa tinatayang 61 porsyento sapagkat hindi pa nakapaloob dito ang mga maliliit na magsasaka sa mga lugar na walang irigasyon at mahihina na nakapaloob sa grupong “hindi nabilang.” Ang mga taya sa residwal na kategoryang ito ay inilalagay sa 1 hanggang 12 porsyento, depende sa gagamiting proposyon (26 o 36 porsyento) ng mga naninirahan sa mga pamayanang barung-barong sa lungsod. Kapansin-pansin din na ang mga biktima ng paikot-ikot na pag-unlad sa pormal na sektor na kabilang sa ubod ng mahihirap ay bumubuo lamang ng 1.3 porsyento.
Sa harap ng suliranin ng kahirapan, ang pambansang pamahalaan ay lumikha ng agenda para sa pagpapabawas sa kahirapan at ipinatupad ito sa pamamagitan ng Poverty Reduction Partnership Agreement (PRPA) sa Asian Development Bank. Subalit ang ilang mga layunin para sa 2002 ay hindi naabot. Kinapos ang pagpapatupad sa sumusunod na mga larangan: dipisit sa badyet ng pambansang pamahalaan; gastusin ng pambansang pamahalaan sa serbisyo sosyal; mga lupaing ipinamahagi sa ilalim ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program); tantos ng partisipasyon sa edukasyong sekundaryo kasabay ng tantos ng pagtatapos sa elementarya; kuleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR); pagsusumikap ng BIR sa pangongolekta ng buwis, at rebenyu mula sa buwis.
Mga Interbensyong Istratehikal at Pamamalakad sa Ekonomya
Nagwawakas ang ulat na ito sa isang panimulang pagtalakay sa mga piling interbensyong istratehikal na naglalayong tumugon sa paulit-ulit na suliranin ng di-makayanang pag-unlad, kahirapan, at degradasyong pangkapaligiran. Sa pangangasiwang makroekonomiko, ang institusyonalisasyon sa balangkas ng liberalisasyon bilang gabay sa pambansang pagpaplanong pang-ekonomya at patakaran ay isang malaking tagumpay ng mga tagalikha ng pampamahalaang patakaran mula 1986. Gayunpaman, mayroong ilang usaping nagmumula sa istruktura ng ekonomya at padron ng dayuhang pamumuhunan na kinakailangang mapanghawakan upang mapabuti ang potensyal ng liberalisasyon.
Ang maayos na pangangasiwang makroekonomiko, kontroladong paggastos ng pamahalaan, ang pribatisasyon sa mga malimit na magkadipisitong empresa na pinapatakbo ng pamahalaan, ang pagreporma sa mga institusyong pulitikal at mambabatas ay mga pangunahing kundisyon para sa sustenadong pag-unlad. Ipinapalagay sa mga pangunahing kundisyon na ito na ang mga sektor ng agrikultura at likas na yaman ay hindi sagka sa pag-unlad ng ekonomya. Sapagkat ang base ng likas na yaman ng bansa ay nasa kalagayan ng pagkasaid, isang sapat na kundisyon para sa pag-unlad ng ekonomya ang pagpaparami, pagbangon, at kabuuang pagsasaayos sa likas na kapital. Ang mga pagsusumikap na ito ay magbibigay ng kakayahan sa ekonomya na malampasan ang mga kasalukuyang hangganan na pumipigil dito sa pagpapatuloy at pagpapaibayo sa pataas na pag-unlad. Sa ganitong pagtingin, ang mga sumusunod na usapin ay kinakailangan pag-aralan at harapin:
- ang di-pagkakaroon ng imbentaryo ng mga paubos na rekurso at ang kawalan ng senyales sa pamilihan bilang palatandaan sa napipintong pagkasaid;
- ang mababang antas ng syentipikong interes ng bansa sa pagsusuri sa mga kalagayang pangkapaligiran at pagbabago sa mga ito upang maampat o mabawasan ang epekto ng tagtuyot, baha, at mga global na pagbabagong klima sa lokal na antas;
- ang di-pagkakaroon ng mga sistematikong ugnayan sa pagitan ng gumagamit sa mga likas na yaman at mga tagapamahagi nito, pamantayan para sa probisyon ng mga serbisyo, at mga institusyonal na kaayusan/kasunduan sa pangangasiwa sa rekurso hinggil sa bayad, kumpensasyon, at pamamagitan.
Mayroon pang hindi kukulang sa dalawang sapat na kundisyon na kinakailangang matupad upang matiyak ang sustenidong pag-unlad. Ang isa ay ang pro-aktibong ugnayan sa pagitan ng baseng likas na yaman/agrikultura at manupaktura sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa maliliit at katamtamang-laking industriya na nakatuon sa pamilihang pang-eksport. Ang pangalawang kundisyon ay ang pagwawakas sa ikid ng kahirapan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa tao bilang kapital – sa ibang salita, iwasan ang patuloy na reproduksyon ng kahirapan sa pamamagitan ng pagpapaaral sa mga mahihirap na kabataan.
Ang mga interbensyong istratehikal na ito ay nangangailangan ng malakas at nakatuon-sa-pamilihang pamahalaan upang maitaguyod at maipatupad ang mga repormang institusyonal na haharap sa mga usapin mula katiwalian at mahinang burukrasya hanggang sa pangangailangan para sa pakikisangkot sa pamamalakad sa ekonomya. Kinikilala ang kakulangan ng mga nakatuon-sa-pamilihang patakaran kung walang pagbabagong institusyonal, nagsagawa ang mga mananaliksik ng parami nang paraming lokal na pag-aaral sa burukrasya, partikular ang katiwalian at mga pagtataya sa pagkaluging idinudulot nito sa ekonomya. Subalit kakaunti pa lamang ang banggit sa pamamalakad sa ekonomya.
Bilang isang porma ng pagtutulungan sa pangangasiwa o pakikisangkot sa pagbubuo ng desisyon, nangangahulugan ang pamamalakad sa ekonomya ng kolektibong pangangasiwa sa rekursong pang-ekonomya mula likas at pangkapaligiran hanggang sa rekursong nasingil (rebenyu sa buwis, rebenyu sa mga empresang pamahalaan, at pautang sa publiko) at ang distribusyon sa mga benepisyo nito. Lahat ng may-interes bilang isa – hindi pamahalaan lamang – ay kailangang humarap sa napakalaking hamon na makamit ang kakayahang pang-ekonomya sa gitna ng degradasyong pangkapaligiran, mapabuti ang kasalukuyan at hinaharap na kalagayan ng mga mamamayan sa gitna ng kahirapan at maikli at paudlot-udlot na pag-unlad, at bigyang-pansin ang mga kongkretong imperatibo. Marami ang mga imperatibong ito, at kabilang dito ang mabuway na pinansya dulot ng panandaliang pagkilos ng portfolio capital, ang pasan na utang, kawalan ng lokal na entreprenorya, at pabagsak na kakayahang makipagsabayan.
Hindi maitatanggi na ang pamamalakad sa ekonomya ay mahirap itatag. Nangangailangan ito ng konsensus sa katangian at halaga ng rekurso – ang hayag na pang-ekonomya at panlipunang layunin na ipapatupad sa alokasyon at gamit ng rekurso at, dagdag pa, ang mga gawi at mekanismo para sa paggawa ng mga desisyon upang matukoy ang mga pangunahin at alternatibong gamit. Bilang paglalarawan: sa paggamit ng rekurso ng pamahalaan, rebenyu at ipon ng pamahalaan, pondong panlabas, mga upa, at surplas, maaaring may hayag na pagpapahalaga sa mga sumusunod:
- ang paggamit sa panlabas na rekurso para sa pamumuhunan sa halip na sa pagkonsumo, o pangmatagalang pagpapalago ng puhunan sa halip na panandaliang pamumuhunan at paglaki sa konsumo;
- ang pagsuporta sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng eksport na lalampas sa import;
- ang pag-iwas sa panandaliang pagkakautang bilang pagkukunan ng pondo;
- pagpapahusay sa kakayahan ng bansa na serbisyohan ang mga panlabas na pagkakautang;
- ang probisyon ng mga benepisyo para sa mas nakararami kaysa sa iilan;
- mga programa at proyekto na humaharap sa patuloy at nagsasalinlahing kahirapan (edukasyong nakatutok sa mahihirap).
Samantalang nakatuon sa mga panlipunang layunin, nangangailangan ang pamamalakad sa ekonomya ng isang sistema ng pagbabantay upang matiyak kung naisasakatuparan nga ang mga kagyat at istratehikong layunin at isang mekanismong magbibigay ng insentibo at magpapakilos tungo sa pagpapatupad sa mga ito. Dagdag pa, kailangang magtayo ng mga mekanismo na magtatakda sa mga karapatan at tungkulin ng mga may-interes at magreresolba sa mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga ito.
Nagwawakas ang ulat sa isang kongkretong paglalarawan sa pamamalakad sa ekonomya sa pangangasiwa sa mga imbakan ng tubig. Sa pamamagitan nito, pinag-uugnay-ugnay ang mga imperatibo ng pamilihan, kapaligiran, pamahalaan, at demokratisasyon, at winawakasan din ang pagtatasang ito sa paraang optimistiko.
Germelino M. Bautista
Germelino Bautista is professor of economics and former director of the Institute of Philippine Culture at Ateneo de Manila University.
Isinalin ni Sofia Guillermo
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 4 (October 2003). Regional Economic Integration