Buhay ng mga Banyaga sa Biyetnam: Isang panimulang etnograpikong pag-aaral

David Koh

Saligan

Sa paglaon ng panahon, nagsilbing atraksyon ng sibilisasyon at lipunan ng Vietnam ang migrasyon at pagpapalitan ng kultura. Saksi ang rehiyon sa tuluy-tuloy na pagpapalitan ng kultura sa tatlong direksyon—sa pagitan ng mga migrante sa hilaga mula sa mga hilagang kaharian ng China at mga lokal sa Delta, sa pagitan ng mga tribo sa mga bundok ng kanluran at hilagang-kanluran ng Delta, at sa pagitan ng Delta at Champa—mga lugar sa timog nito. 1 Tumanggap ang mga Vietnamese ng mga banyaga mula sa kanluran na nag-ambag sa pag-unlad ng ekomomiya at kulturang Vietnamese.  Isang tanyag na tagpo nito ay ang paggamit ni Father Alexander Rhodes ng alpabetong Latin mula sa Portugal upang isalin ang bibliya para sa kapakinabangan ng mga Vietnamese. Noong ika-20 siglo, ginamit ng nasyong Vietnamese ang grupong ito ng alpabeto at tinalikdan ang tradisyunal na titik ng China at Nom script (isang paghahalaw na pinaghalo ang mga titik ng China at pagbigkas na Vietnamese). Kabalintunaan na sa ngalan ng buhay pambansa at pagpapalakas ng identidad laban sa kolonyalismo, gumampan ng napakahalagang papel ang isang wikang banyaga sa pagpapalaganap ng edukasyon sa batayang antas.

Ang Doi Moi (reporma) ang huling kabanata ng ekonomiya at lipunang nakaumang sa seguridad at nakabatay sa digma, at ang pagbubukas ng bagong kabanata ng isang lipunang bukas sa pakikipag-ugnayan sa daigdig sa pamamagitan ng mga gawaing panlipunan at pang-ekonomiko. Hindi naging pantay-pantay at mabagal ang pagsisimula ng proseso ng pakikipagtagpo, pagkatuto tungkol, at pagtanggap sa mga banyaga. Halimbawa, naiulat ang pagbisita ng isang banyagang may lahing Indiano sa Dien Bien Phu noong 1993 (6 na taon mula nang magsimula ang Doi Moi) at nagulat siyang wala pang nakakita ng Indiano, maitim ang balat, sa rehiyon. 2 Sa panahon ng digmaan, pinagbawalan sa kalakhan na manirahan sa Vietnam ang mga banyaga mula sa mga di-kaalyadong bansa. Dahil itinuturing na bisita ang mga banyaga at kailangang ipakita ang magiliw na pakikitungong Vietnamese, ipinagpapalagay na hangad ng mga banyaga ang pinakamahusay na serbisyo at produkto na maibibigay ng Vietnam. Kailangang mamalagi ang mga banyaga sa espesyal na tirahan, pinag-uukulan ng espesyal na atensiyon, at binibigyan ng pinakamahuhusay na produkto at serbisyong mayroon.  Bago pa magkaroon ng mga supermarket, kailangang bumili ng mga banyaga sa Hanoi ng mga sadyang inangkat na produkto (kailangan ng mga lisensya) kung hanap nila ang produktong bukod-tangi sa kanilang mga bansa. Mahirap para sa mga banyaga ang madestino sa Vietnam.

Noong 2010, makalipas ang tatlong dekada,  nagbunsod ang lumalawak na papel ng mga banyaga sa ekonomiya ng mga kinakailangang pagbabago para sa pagtanggap ng mga banyaga. Ngayon, maaari nang manirahan ang mga banyaga sa Vietnam saanman nila naisin, maliban sa ilang lugar ng minorya sa malalayong probinsya, sa mga hangganan. Lubhang kailangan ang kadalubhasaan ng mga banyaga sa umuusbong na ekonomiyang ito, at humusay na rin ang pakikitungo ng mga Vietnamese sa mga banyaga, gayundin ang mga produkto, serbisyo, at pamumuhay nila.

Sa nakalipas na 40 taon, nasaksihan rin ng Sosyalistang Republika ng Vietnam ang malaking bilang ng pagdagsa ng mga banyaga dahil sa paglago ng ekonomiya at relasyong mamamayan-sa-mamamayan, tulad ng mga ugnayan sa pagnenegosyo, pagkakaibigan, pag-aasawahan, at paghubog ng pamayanang mapagkaibigan sa mga banyaga. Binago ng pag-iral ng mga banyaga at kanilang mga pangangailangan ang kaanyuang urban, rural, at maging sosyal.

Nagmula ang mga ideya para sa espesyal na isyu ng dyornal na ito sa pangangailangang maunawaan kung paano namumuhay ang mga banyaga sa kapaligirang Vietnamese. Ang mas malaking katanungan, paano binigyang-puwang ng kapaligirang Vietnamese ang mga banyaga? Sa salitang “kapaligiran,” tinutukoy ang kaayusan ng mga kondisyon sa pamumuhay at espasyo sa pamumuhay (kasama na ang pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, libangan, mga serbisyo tulad ng pagbabangko, konsumpsyon), at ang kaalwanan ng pamumuhay sa Vietnam sa pangkalahatan.  Sa paglalatag ng mga kongkretong kaganapang ito, makikita ang mga pangkalahatang aktitud ng estado at ng lipunan ng Vietnam tungo sa mga banyaga.

Hindi konseptwal na pagsisimula

Ang litaw na kritisismo sa seryeng ito ng mga artikulo ay ang kawalan ng mga terminong konseptwal na may malinaw na kahulugan at mga batayang teoretikal. Sapagkat ang pag-uukol ng pansin sa mga ito ay  pagbalewala sa mismong layunin ng Espesyal na Isyung ito: Ang makapagbigay ng etnograpikal at antropolohikal na materyal upang magkaroon ng matatag na pundasyon ang mga susunod na gawaing konseptuwal at teoretikal. Kung gayon, hindi layunin rito na magtalakay ng mga konsepto at teorya.  Gayunman, ipinakita nina Phan Thi Hong Xuan et al (1) na nakatulong ang Acculturation approach at Rational Choice sa kanilang mga ginawa. Mainam na pag-aralan pa ng mambabasa ang mga konseptong ito lampas sa limitadong saklaw ng espesyal na isyung ito. 

Mas mababang hanay ng mga katanungan

Gayunpaman, inudyukan kami ng ilang mga katanungan. Sa partikular, naghanap kami ng mga kasagutang sa mga katanungang maraming aspekto: Kumusta ang pamumuhay ng mga banyaga sa Vietnam, at paano sila nakaaapekto sa lipunan ng Biyetnam? Mula sa isang pulong ng mga mananaliksik na interesado sa proyektong ito at nagsasagawa ng mga pananaliksik, tinukoy namin ang urbanisasyon at imigrasyon bilang dalawang susing pag-unlad na dapat subaybayan. Kasunod ang pagninilay ng editor sa mga gawa ng mga kontribyutor.

Epektong panlipunan ng pag-iral ng mga banyaga sa Biyetnam

Sari-sari ang mga epektong panlipunan ng pagdagsa ng mga banyaga sa kontemporaryong Vietnam. Ipinakita ng artikulo ni Nhut na nagbabago ang pamamahala ng estado, ibinibilang na ang mga banyaga sa kanilang mga pamalagiang patakaran upang tiyakin na naipapakilala ang mga banyaga sa Vietnamese na paraan ng pamumuhay. Kabilang rito ang pag-unawa sa mga pinagsasaluhang pagpapahalaga sa Vietnam (sa pamamagitan ng seremonya sa pagtataas ng watawat, atbp.), o pag-imbita sa mga banyaga sa mga sesyon ng pagbabahaginan sa loob ng komunidad. Nagpapakita ang pakikipag-ugnayan sa mga banyaga ng malalim na malasakit sa kung paano maaaaring makaapekto ang mga banyaga sa lokal na komunidad sa iba’t ibang paraan – isa sa mga usaping ito ay ang mga ideya at kilos ng mga banyaga na maaring ituring ng estado na nakakasama sa seguridad nito; o mga paraan ng pamumuhay na kailangang isanib sa mga lokal na paraan. Bahagi ito ng mga pamamaraan ng mobilisasyon na ginagamit ng mga sosyalistang lipunan upang pagtugma-tugmain ang magkakaibang elemento ng lipunan, upang mapakilos sila na suportahan ang rehimen sa pamamagitan ng pagkakaunawaan at pakikilahok. Isang katangian ng mga lipunang nagbibigay-diin sa pagkakaisa at nagsasariling estado ang ideya na mas kaunti ang hidwaan sa isang koordinadong lipunan—yaong hindi tinutunggali ng lipunan ang kapangyarihan –  na nakita sa mga bansang tulad ng Timog Korea (hanggang 1980s) at sa Singapore (magpahanggang ngayon).

Pinansin ng artikulo nina Hung at Thanh na talagang kailangan ng mga banyaga ang mas mataas na pamantayan sa pamumuhay, at kaya nilang magbayad nang higit para rito.  Ipinakita ng kanilang artikulo na noong pang huling bahagi ng 1980s, naiplano na ng pamahalaang Vietnamese ang pagkakaroon ng mga bagong pook urban na nakahiwalay at naiiba sa hulma at dating ng mga dating pook urban.  Sa katunayan, walang kaparis at hindi pa natutularan ang disenyo ng bayan ng Phu My Hung sa usapin ng lawak matapos ang 20 taon. Kinikilala ng disenyo ng bayan ang pangangailangang tugunan ang kagustuhan ng mga banyaga sa isang kapaligirang urban – malilinis at malalawak na kalsada, maayos na pag-uugali, malinis at organisadong paraan ng pamumuhay mula sa pagtatapon ng basura hanggang sa operasyon ng mga paaralan at palengke. Gayunman, ipinakita ng pagsusuri sa kaso ng Thao Dien sa artikulo ring ito na may isang antas ng pagpapaubaya ang mga banyaga sa kalagayang hindi gaaanong maayos kumpara sa matatagpuan sa PMH.

The Ho Chi Minh City view from the top of Landmark 81 building, 2024. Photo Edwin Petrus, Unsplash

Pagsasama-sama, Pananatiling magkakasama

Noong 2022, may kabuuang 2,927 kaso ng kasal na may sangkot na banyagang mamamayan sa Ho Chi Minh City (Phan Thi Hong Xuan et al. {1}).  Malaking pagbabago ito mula sa panahon bago ang Doi Moi kung saan mahirap para sa mga Vietnamese na makakuha ng pasaporte para makapaglakbay sa ibang bansa at makapag-asawa ng banyaga. Noon, kaunting banyaga lamang ang may visa para bumisita o manirahan sa Vietnam. Nakatagpo ng pag-ibig sa kanilang mga lugar ng trabaho sa Vietnam ang mga mag-asawang kinapanayam sa artikulong ito. Sa Taiwan, hindi ganoong kadaling makahanap ng dalawang hanapbuhay, at naakit ang mga mag-asawang ito ng mababang presyo ng bilihin at ng mga oportunidad na ipuhunan ang pera para kumita, na manirahan sa Vietnam kaysa lumipat sa Taiwan, gaya ng karaniwang nakita sa mga unang taon ng Doi Moi.  Isang karagdagan ngunit mahalagang insentibo rito ay ang pagkakaroon ng mga paaralang internasyunal para sa kanilang mga anak, habang nangangahulugan ang paninirahan sa Vietnam na malapit ang mga asawang Vietnamese sa kanilang sariling mga pamilya.

Inihanay ni Phan Thi Hong Xuan et al (1) at (2) ang iba’t ibang desisyon sa loob ng mga pamilya para ipakita kung paanong inaayos ng mga pamilya ang mga pagkakaiba sa kultura at naitataguyod ang mga pagpapahalaga sa pamilya. Nakakatuwa ang paghahalu-halo ng mga wika (Ingles, Mandarin, Vietnamese) sa mga pamilyang ito, kung kaya nang magpalalim ang pananaliksik sa makatwirang pagpili ng wika para sa komunikasyon, nag-iiba-iba ang piniling wika batay sa sitwasyon at mga tao. Tinalakay din ng dalawang artikulong ito ang kultural na identidad ng mga anak at apo. 

Karanasan ng banyaga

Hindi naglalaman ang espesyal na isyung ito ng artikulo na komprehensibong nagtuon sa karanasan ng mga banyaga sa Vietnam. Sa pagsuri sa internet, makikitang taglay ng Vietnam ang mga karaniwang bentahe ng mga umuunlad na bansa, tulad ng mababang gastos sa pamumuhay at ang relatibong alwan na makahanap ang mga banyaga ng magaan na trabaho 3, at bagaman minimal, mga komunidad na gumagamit ng wikang Ingles.

Kailangang paghusayan ng Vietnam para maging ganap na kaaya-ayang destinasyon para sa migrasyon at paninirahan ng dayuhan. Nagsasagawa ang Internations (Expats Essential Index) ng regular na sarbey sa pananaw ng mga banyagang naninirahan sa ibang bansa hinggil sa bansang kanilang tinutuluyan, at nasa ika-46 na pwesto ang Vietnam sa 52 bansang sinuri noong 2023. Kabilang sa mga karaniwang usapin na binanggit ng mga banyaga ang burukratikong proseso sa pagkuha ng visa, kawalan ng online na serbisyo ng gobyerno, kahirapan sa pagbubukas ng account sa bangko, polusyon sa ingay at hangin, pangangailangan para sa higit na pagrespeto sa mga pampubliko at kumon na espasyo, pagpapatupad ng batas at kaayusang pampubliko (kabilang ang trapiko).  Kalimitan ding nababanggit ang kahirapang matutunan ang lokal na wika. Sa isa pang sarbey na isinagawa noong maagang bahagi ng 2019, 60% ng mga banyagang naninirahan sa Vietnam ang nag-ulat ng culture shock. Ang tatlong pangunahing sanhi ng culture shock batay sa pagboto ng mga kalahok ay hadlang sa wika (29 porsyento); hindi pagtutugma ng persepsyon at reyalidad sa usapin ng kapaligiran, lokal na kultura, at mga relasyon (27 porsyento); at kawalan ng pagkakaunawaan (18 porsyento).” 4 Iniulat rin ng iba ang mga nakakainis na kapitbahay na may mga kakatwang gawi.

Tan Son Nhat International Airport, Ho Chi Minh City. Trung Cao, Unsplash

Sinabi ni Peter Spence, isang Briton na guro ng IELTS, “May tatlong taon mula nang lumipat kami ng aking asawa sa Vietnam, una sa Hanoi at pagkatapos ay sa Saigon. Sa Hanoi, ang pinakakinabigla namin ay ang mga patakaran sa kalsada. Hindi pinapansin ng mga tao ang mga karatula at regulasyong pantrapiko, nagmamaneho sa bangketa, at walang gaanong respeto sa iba pang gumagamit ng kalsada at mga naglalakad.” 5 Isa pang banyaga ang nagbigay ng katulad na obserbasyon at pinunang mistulang hindi bukas ang mga Vietnamese sa mga kritisismo sa gayong mga bagay. 6

Hindi rin naman ganap na masama ang larawan ng Vietnam sa mga banyaga matapos ang ilang dekada. Sinabi rin ng mismong sarbey ng Internations na nagtatamasa ng mataas na antas ng kasiyahan ang mga banyaga sa Vietnam sa larangan ng pinansya (nangungunang sagot), at nakaranas sila ng pagkamapagkaibigan (panglima) gayundin ng sapat na antas ng balanse sa pagitan ng trabaho at paglilibang (pang-anim). Walumpu’t limang porsyento ng mga kalahok sa sarbey ang nagpahayag ng kasiyahan sa kanilang buhay sa Vietnam, habang nasa 72% ang pandaigdigang tantos. 7 Lalago ang bilang ng mga banyagang naninirahan sa Vietnam hangga’t napapanatili ang pang-ekonomiyang aktibidad, bagaman hindi malinaw kung mabilis na mapapangibabawan ang alinman sa mga usaping nararanasan ng mga banyaga.

Kongklusyon

Kolektibong naglalahad ng kwento ng adaptasyon at akulturasyon ng mga banyaga at mga Vietnamese ang mga karanasan ng mga banyaga sa Vietnam sa makabagong panahon matapos ang pagbubukas ng bansa. Nagsikap ang Vietnam na baguhin ang kanilang mga lungsod para iangkop sa mga kanluraning paraan ng pamumuhay, binago ang tanawing urban nito, hinimok ang mamamayan na matuto ng mga banyagang wika, gayundin ang pahintulutang mag-asawa ng mga banyaga ang mga Vietnamese at magtayo ng mga paaralang nagtuturo ng mga banyagang wika, pagtitipon ng iba’t ibang lahi sa maliliit na bayan at paggamit ng kanilang kultura.

David Koh
David KOH is currently Senior Lecturer at the College of Arts & Sciences, VinUniversity. The views of the author/s are their own and do not represent the views of VinUniversity or of the institutions that the authors of this volume come from.

Banner: Ho Chi Minh, Vietnam – December 6, 2022: People stand in line to cross the border control area into Vietnam in Tan Son Nhat international airport. Photo: Nelson Antoine, Shutterstock

Notes:

  1. Phung Hieu Corsi (2018) An Early History of the Vietnamese. Gale Researcher World History Series I, p. 2.
  2. Conversation over dinner with a few foreigner friends, 4 April 2024, in Hanoi, Vietnam.
  3. Sean Nolan (2022) Why do so many foreigners decide to make Việt Nam their home? Viet Nam News 9 June 2022.  https://vietnamnews.vn/life-style/expat-corner/1209251/why-do-so-many-foreigners-decide-to-make-viet-nam-their-home.html accessed 24 April 2024; Minh Nga (2023) Expats unhappy with Vietnam visa policy, survey affirms. VN Express 23 March 2023.  https://e.vnexpress.net/news/news/expats-unhappy-with-vietnam-visa-policy-survey-affirms-4584623.html accessed 24 April 2024.
  4. Thanh Danh, Minh Tam (2023) Vietnam expats overcome culture clashes with neighbors. VN Express 20 August 2023.  https://e.vnexpress.net/news/trend/vietnam-expats-overcome-culture-clashes-with-neighbors-4643130.html# accessed 27 April 2024.
  5. Tuoi Tre News (2018) Expats discuss integrating into Vietnamese culture. 12 February 2018.  https://tuoitrenews.vn/news/city-diary/20180212/expats-discuss-integrating-into-vietnamese-culture/44091.html accessed 7 April 2024.
  6. Tuoi Tre News (2018) Expats discuss integrating into Vietnamese culture. 12 February 2018.  https://tuoitrenews.vn/news/city-diary/20180212/expats-discuss-integrating-into-vietnamese-culture/44091.html accessed 7 April 2024.
  7. https://www.internations.org/expat-insider/2023/vietnam-40382 accessed 5 April 2024.