Pamagat: Platpormisasyon ng Pakikilahok sa mga Kalunsuran ng Indonesia

Asri Septarizky & Hasanatun Nisa Thamrin

Nagbago ang mga plataporma ng pakikilahok sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng digitalisasyon

Binago ng teknolohiyang digital at internet ang paraan ng ating pamumuhay at kung paano tayo nakikipag-ugnayan lampas sa mga pisikal na hangganan. Sa kabila ng pagiging isang kapuluan, masasabing interconnected ang mga mamamayang Indones, kung saan tinatayang hindi bababa sa 78.5 porsyento ng gumagamit ng internet sa Indonesia ang gumagamit ng isa o higit pang social media platform (Kemp, 2023). Binago rin nito ang pampulitikang pakikilahok sa Indonesia. Higit kailanman, nabigyan ng kakayahan, kung hindi man nahikayat, ang mamamayan na direktang maghayag ng kanilang mga aspirasyon sa pamamagitan ng social media. Laging may mga balita, opinyon, o istoryang maibabahagi at mapag-uusapan sa araw-araw na nagpapaisip sa atin kung ang ganitong mga diskurso ba ay produktibo o may kabuluhan.

Nagbubukas ang digital na partisipasyon ng malawak na oportunidad para aktibong makilahok ang mga mamamayan sa paghahayag ng kanilang mga opinyon sa mundong birtwal. Hinuhubog din nito ang landas ng demokrasya sa hinaharap sa paraang maaaring imposible sa mundong analog. Kasabay nito, sinsikap ng mga lokal na pamahalaan na makahabol sa mga naturang kalakarang digital. Kasama ng iba pang mga bansa sa Asya-Pasipiko, naranasan ng Indonesia ang “smart city boom” (Equinix, 2019), na pinatutunayan ng iba’t ibang digitalisasyon na isinasagawa ng mga munisipalidad upang pahusayin ang mga pampublikong serbisyo. Ginagamit ang mga daluyang social media at website ng mga pamahalaan para sa pagpapalaganap ng mga impormasyon, sosyalisasyon ng mga programa, at regulasyon upang umabot sa mas malawak na audience. Sa dami ng mga platapormang digital na nilikha ng bawat lokal na pamahalaan bilang resulta ng pagbubuo ng smart city, palaisipan kung gaano kaepektibo ang mga platapormang ito ng pamahalaan sa paghikayat ng partisipasyon ng publiko.

Hindi maitatanggi na ang mabilis na paglago ng digitalisasyon at paggamit ng internet ay nakaapekto sa pagbabago ng pampulitikang pakikilahok sa Indonesia. Maging ang sentral na pamahalaan ay humantong sa paglikha ng batas 19/206 hinggil sa information technology and electronic transactions (UU ITE), ang kauna-unahang batas ng Indonesia hinggil sa information technology at digital, na nagbunsod ng mga debate at hidwaan kaugnay ng pagpapatupad nito dahil kalimitan itong ginagamit para busalan ang mga protesta laban sa pamahalaan at mga kinauukulan. Sa unang bahagi ng 2023, isinuplong sa pulisya ang isang kabataang Tiktok content creator para sa reklamong ‘hate speech’ at paglabag sa UU ITE matapos itong maglathala ng kritisismo hinggil sa kaunlarang panlungsod sa lalawigan ng Lampung. Bagaman walang napatunayang krimen at napawalang-sala ang binata, isang halimbawa ito ng maraming kaso ng paggamit ng social media upang maghayag ng mga hangarin samantalang nananatili ang mga restriksyon sa espasyong sana’y nagpapahintulot ng kalayaan sa pagpapahayag.

Sa pagninilay kung paanong ginagamit ng mamamayan at mga pamahalaan ang digitalisasyon bilang plataporma ng pakikilahok, hanggang saan nabago ng mga pagsisikap na ito ang paraan ng ating pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan tungo sa paglikha ng mas mahusay na lungsod para sa lahat?

Imbitado laban sa inimbentong espasyo

Sa pag-usisa kung paano tumugon ang pamamahalang panglungsod sa mabilis na paglago ng mga platapormang digital, lumitaw ang magkakaibang pamamaraan sa pakikilahok at ang konsepto ng imbitado laban sa inimbentong espasyo.

Inilalangkap ng pamahalaang Indonesian ang desentralisasyon ng pamamahala, pagpaplano, at paglalaan ng pondo sa pamamagitan ng prosesong bottom-up na tinatawag na musrenbang (musyawarah perencanaan pembangunan). Isa itong praktika ng mapambuklod na paraan ng paglalaan ng pondo sa Indonesia tungo sa pagbuo ng mga pambansa at rehiyunal na planong pangkaunlaran, kung saan iniimbitahan ang mga akademiko, propesyunal, komunidad, at mamamayan mula sa maliliit na komunidad hanggang sa antas lungsod upang tiyakin ang pagtutugma ng mga programa ng pamahalaan at mga pangangailangan ng mamamayan. Mahalaga ang ginagampanang papel ng Musrenbang sa pagtataguyod ng imbitadong espasyo para sa pamamahalang panglungsod sa kabila ng iba’t ibang antas ng pakikilahok sa lungsod.

Isang halimbawa ng prosesong musrenbang sa West Java, Indonesia. Source: Berita Depok (2023)

Litaw ang selektibong partisipasyon sa ilang lungsod na may iba’t ibang antas ng pleksibilidad sa proseso ng pagpili, na ang karaniwang dahilan ay ang limitasyon ng pondo. Ilan sa mga lungsod na may malakas na kultura ng pagtitipon gaya ng Surakarta ang nakagagawa ng paraan para makalahok sa pamamagitan ng pangongolekta boluntaryong pondo, donasyon, o pondo para sa corporate social responsibility (CSR). Samantala, ang mga punong-lungsod na may mas mahusay na imprastruktura gaya ng Bandung at Surabaya, ay gumagamit ng teknolohiya sa mga pagtitipon at ginawa itong e-musrenbang upang makaengganyo ng higit na pakikisangkot ng mamamayan at magtaguyod ng transparency sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiyang digital.

Habang ikinalulugod ng publiko ang musrenbang, nagiging litaw ang mga pag-aalinlangan dito. Tinitingnan pa rin ang pagtitipon bilang simbolikong proseso ng partisipatoryong pagpaplano kung saan ang pakikilahok ng komunidad ay pormal kung hindi man limitado. Sangkot dito ang iisang bahagi ng komunidad, ang grupong elit, na kalimitan ay yaong mga umaayon sa agenda ng pamahalaan. Bunga nito, maaaring masagkaan ng musrenbang ang pakikisangkot ng komunidad at malimitahan ang representasyon ng mas malawak na saklaw ng mga tinig sa komunidad. Para naman sa e-musrenbang, tinitingnan sa praktika na isa lamang itong katibayan na pinaiiral ng mga munisipalidad ang konsepto ng smart city. Hindi pa naiaayon ang implementasyon sa inisyal nitong layunin at kailangang tasahin ang sustenabilidad ng plataporma.

Bilang tugon sa mga limitasyon ng mga pormal na daluyan gaya ng musrenbang gayundin sa mas malawak na pagbabago sa kalikasan ng pampulitikang pakikilahok, lalo na sa hanay ng mga kabataan, lumitaw ang isang radikal na paraan sa pagpaplano (Holston, 2014). Karaniwang lumalahok ang mga kabataan sa pulitikang panglungsod labas sa mga tinatanggap na larangan ng pakikilahok na nakabatay sa imbitasyon at pangunguna ng pamahalaan. Halimbawa, sa Surakarta, Gitnang Java, itinayo ang isang impormal na porum ng mamamayan (o Forum Kota) para tugunan ang mga lumilitaw na usapin o mga patakaran sa lungsod. Naipaaabot ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng social media, pahayagan, o mga espesyal na pagtitipon upang magtaas ng kamalayan. Mas karaniwan pa ngang makasaksi sa malalaking lungsod ng mga taunang offline at online na talakayang publiko na inorganisa ng mga lokal na komunidad na tumatalakay ng mga isyu mula sa usapin ng pabahay, pampublikong transportasyon, mga usaping pulitikal hanggang sa epekto ng pagbabago ng klima sa lungsod. Napakalaki ng potensyal ng porum na ito para manatiling malay ang  mamamayan sa mga usapin, pag-ibayuhin ang kanilang kapasidad na makisangkot sa mga diskursong panglungsod, at lumahok sa paghubog ng mga paksa ng talakayan.

Isa ang Urban Social Forum (USF) sa mga platapormang bukas sa publiko na taunang tumatalakay sa mga usaping panglungsod. Mula 2013, ang USF ay isang plataporma na nagbibigay ng bukas at inklusibong espasyo para sa palitan ng kaalaman, pingkian ng mga ideya, at pagbubuo ng mga ugnayan sa pagitan ng mga civil society organization, aktibista, akademiko, at mga estudyante na nakikisangkot sa mga kagyat na usaping panglungsod. Sa kabuuan, ang porum ay isang tunay na pampubliko at demokratikong espasyo upang makapagmungkahi ang mamamayan ng mga aletrnatibong ideya at isiping ‘Posible ang Iba pang Lungsod!’ (urbansocialforum.or.id). Ang offline porum na ito ay isang inimbentong espasyong panglungsod na nagpapahintulot sa lahat na makihahok sa mga diskursong panglungsod batay sa kanilang interes.

Screenshot from the USF website: https://www.urbansocialforum.or.id/#topSa kasamaang-palad, may mga disbentahe rin ang mga inimbentong espasyo ng pakikilahok. May lumalaking alalahanin hinggil sa kung paanong makapagbubuo ng ugnayan sa pagitan ng aktibismong online at aktwal na pabuo ng mga palisiya, na nagaganap pa rin pangunahin sa lunang offline (Zhang, 2013). Samantalang pinapahintulutan ng mga platapormang digital ang lahat na ihayag ang kanilang mga saloobin hinggil sa kaunlarang panglungsod, walang katiyakan kung hanggang saan ito makapagbubunsod ng aktuwal na pagbabago. Isa sa pinakamainam na senaryo ang naganap nang pasinayaan ng Lentera Indonesia ang isang online na petisyon noong 2016 para suportahan ang pagtalakay at pagsasabatas ng Sexual Violence Crime Law ng Indonesian House of Representatives (Change.org, 2016). Nagtagumpay ang petisyong ito, at matapos ang anim na taon ay pinagtibay ng Indonesia ang batas noong 2022.

Sa kasamaang-palad, bibihira pa rin ang ganitong mga tagumpay kahit para sa mga platapormang digital na nilikha ng pamahalaan. Ilang mga lungsod sa Indonesia ang may website na tumatanggap sa mga reklamo ng mamamayan ngunit hindi lahat ay nasusubaybayan at naaagapayan. Kailangang tugunan ng pamahalaan ang mga reklamong ito batay sa isang planong panglungsod na nakapaloob sa isa ring partikular na taon ng pagpopondo, na nangangailangan ng mahabang panahon ng pagpoproseso at matinding political will ng namamahalang punong-lungsod. Maaari itong magbunsod ng sinisismo sa politika (Kersting & Cronqvist, 2005) at maging pagdistansya ng mamamayan.

Sa pagmamasid sa lahat ng mga pangyayaring ito, saan nga ba dapat tayo tumindig sa pinaglalabanang cyberspace na ito?

Pakikisangkot sa paglikha ng mga makabuluhang aksyon

Pinatampok ng digitalisasyon ang tensyon sa pagitan ng imbitado at inimbentong espasyo para sa pakikilahok, na nagresulta sa pabalat-bungang pakikilahok. Samantalang may akses sa internet ang mayorya ng mamamayang Indones, magkakaiba ang kanilang mga kasanayan at pagkakakilanlan sa lipunan, kung kaya’t kailangang maging malay sa posibleng eksklusyon na dulot ng mga platapormang digital na maaaring maghatid ng higit na kahirapan sa platpormisasyon ng pakikilahok kaysa sa ating nakikita. Para kay Lairana (isang babaeng may kapansanan sa Silangang Indonesia na hindi pa naabot ng kuryente at mga communication tower) o kay Kei (isang non-binary na nakatira sa lungsod kung saan ang kanyang identidad ay hindi pa kinikilala ng estado at nakakaranas ng stigma), malaking palaisipan kung paano sila lalahok sa pamamahalang panglungsod batay sa kasalukuyang pagtanggap sa kanilang pagkakakilanlan, huwag nang banggitin pa ang digital na aspeto nito.

Maaaring makasagabal ang magkakaibang pagkakakilanlang panlipunan ng mamamayan sa kanilang pakikilahok sa pagbubuo ng mga pasya sa lungsod. Photo: Unsplash (2022)

Sa usapin naman ng kamalayan, bagaman lumalaganap ang impormasyon sa pamamagitan ng mga website ng balita at social media, nagiging mas mahirap para sa mamamayan na limiin ang katotohanan, kabahaging-katotohanan, at kasinungalingan dahil pinalalabo ng mga buzzer ng pamahalaan ang mga katotohanan (Nugroho & Wihardja, 2023). Gayunman, lumilitaw ang higit na maraming radikal at independyenteng plataporma na pinamumunuan ng mga kabataan para tunggaliin ang mga popular na naratibo at palutangin ang mga naratibo mula sa ibaba. Isang halimbawa ang Kolektif Agora, isang midyum para magpalaganap ng mga ideya, debate, at peryodismo ng mamamayan, ay isang halimbawa ng paghihikayat ng kalayaan sa pamamahayag sa isang masikip at kontroladong mainstream media. Isa pang plataporma, ang Bijak Memilih, ang inilunsad ng Think Policy at What Is Up Indonesia (WIUI) at pinamunuan ng isang babaeng kabataan para ipaalam sa mamamayan ang agenda at rekord sa pulitika ng mga kandidato sa pagkapangulo at mga partido politikal na sumusuporta sa kanila.

Gaano man kamapagpalaya ang dating ng pakikilahok, dapat itong pangasiwaan ng pamahalaan kung nais nitong magsagawa ng mga pundamental na pagbabago. Kung babalikan ang nabanggit na regulasyon (UU ITE), hindi mga nyutral na kasangkapan ang teknolohiyang digital, bagkus, maaari itong magbunga ng mga kalakarang eksklusyonaryo, depende sa kung paano ito itinatag at pinamamahalaan (Polgar, 2010). Itinutulak ng gayong mga batas ang mamamayang Indones na busalan ang sariling mga opinyon bago pa man ito mailabas sa publiko dahil sa takot na mangyari sa kanila ang dating naganap sa isang content creator sa TikTok. Kalimitang nagdudulot ang panunupil na ito ng pagkasuya sa kaunlarang panglungsod—paano maibibigay ng lungsod ang mga pangangailangan ng mamamayan kung patatahimikin ang kanilang mga boses?

Sa pagninilay sa mga usaping ito, kailangang tanawin ang mas kolaboratibong lapit sa pagdidisenyo ng mga plataporma para sa pakikilahok sa pamamagitan ng paghantong sa iisang pag-unawa ng mamamayan at pamahalaan kung paano nila kapwa ninanais na makisangkot sa proseso ng paghubog sa lungsod, ang kanilang mga motibasyon, ang mga hadlang, at ang mga nakatutulong. Kailangang mabigyang-lakas ang mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay-alam tungkol sa kanilang mga karapatan at responsibilidad sa lungsod. Halimbawa, mula 2015 ay pinasimulan ng Kota Kita Foundation ang programang Urban Citizenship Academy, isang direktang karanasang pang-edukasyon na nagbibigay-kapangyarihan sa kabataan na magpaunlad ng mga makabuluhang solusyon sa mga aktwal na suliraning panglungsod sa pamamagitan ng pagmumulat sa mga kabataan hinggil sa aktibismo, pagkamamamayan at mga kasangkapang pang-adbokasiya, gayundin sa pagtulong sa kanilang pagsisimula ng kilusan sa isang pamayanan o sa antas ng lungsod. Kasabay nito, dapat pagbutihin ng lokal na pamahalaan ang kakayahan nitong matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan kaalinsabay ng paglikha ng mga plataporma na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

From their website: “The Urban Citizenship Academy is a hands-on educational experience empowering youth to develop meaningful solutions to real urban problems.”

Dagdag pa, ang pagtutulungan sa paglikha ng platapormang digital sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan ay makalilikha ng tiwala at magsusulong ng pakikilahok. Nabubuo ang mas demokratikong mga inobasyon na naglalangkap sa nakasanayang representatibong porma ng partisipasyon ng mga instrumento sa pakikilahok na direkta at pinag-isipan. Dagdag pa rito, usapin din ito ng kombinasyon ng mga instrumentong offline at online (Kersting, 2013). Dapat din na nakaayon ang pakikilahok sa inklusibidad. Ibig sabihin, ang pakikilahok ay hindi lamang simboliko o eksklusibo sa mga piling kalahok kundi kumikilala sa pagkakaugnay-ugnay ng mamamayan (hal. edad, kasarian, kakayahan, katayuan sa migrasyon). Dapat itong halinhinan ng komitment ng pamahalaan, kung hindi man sa pormal na patakaran, sa matibay na pagpapatupad upang sapat na maisakatuparan.

May karapatan ang bawat mamamayan na hubugin ang kaniyang lungsod. Mahalaga ang pagkilala sa karapatang bawiin ang lungsod bilang isang kolektibong espasyo sa paglikha ng malay na mga talakayan at adbokasiya sa lungsod. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng may alam at may kapangyarihang mamamayan, posibleng magkaroon ng iisang pangarap para sa isang modelong lungsod para sa lahat.

Asri Septarizky & Hasanatun Nisa Thamrin
Kota Kita Foundation, https://kotakita.org/

Banner: Jakarta, Indonesia – May, 2023: A number of people are using their smartphones on the streets of Jakarta. Abdlh Syamil, Shutterstock

References:

Change.org. (2016, May 3). Sahkan UU Penghapusan kekerasan Seksual. #MulaiBicara #GerakBersama. Retrieved from Change.org: https://www.change.org/p/dpr-ri-sahkan-uu-penghapusan-kekerasan-seksual-mulaibicara
Equinix Editor. (2019, May 6). Why Are Smart Cities Booming in Asia Pacific? Retrieved from Equinix Interconnections: https://blog.equinix.com/blog/2019/05/06/why-are-smart-cities-booming-in-asia-pacific
Holston, J. (2014). ‘Come to the Street! Urban Protest, Brazil 2013’, Anthropological Quarterly, Vol. 87, No. 3, pp. 887-900.
Kemp, S. (2023, February 9). Digital 2023: Indonesia. Retrieved from Data Reportal: https://datareportal.com/reports/digital-2023-indonesia
Kersting, N. (2013) ‘Online participation: from ‘invited’ to ‘invented’ spaces’, Int. J. Electronic Governance, Vol. 6, No. 4, pp.270–280
Nugroho, Y., & Wihardja, M. M. (2023, October 9). Preventing Indonesia’s “Digitalised” Democracy from Backsliding. Retrieved from Fulcrum: Analysis on Souteast Asia: https://fulcrum.sg/preventing-indonesias-digitalised-democracy-from-backsliding/
Zhang, W. (2013). Redefining youth activism through digital technology in Singapore. In Digital Activism in Asia Reader edited by Nishant Shah, Puthiya Purayil Sneha, and Sumandro Chattapadhyay, Meon Press, Luneberg, 235 – 256