Biglang lumakas ang ekonomiyang gig sa daigdig mula noong pandemyang COVID-19, lalo na sa Timog-Silangang Asya. Bunsod ng lumalaking pagsandig ng mga mamimili sa on-demand delivery, at pagpihit ng mga kabuhayan ng milyun-milyong mamamayan tungong mga platform work dahil sa mga lockdown at pagsasara ng mga negosyo, naging sentral higit kailanman ang trabahong gig sa mga tahanan at mga ekonomiya sa rehiyon.
Dahil sa kombinasyon ng alalahaning teknokratiko at pampulitika, kasama pa ang lumalakas na panawagan ng mga manggagawa para sa mas maayos na kondisyon sa paggawa, napipilitan ang mga gumagawa ng palisiya, kapwa sa konteksto ng Global North at Global South, na baguhin ang sa kalakha’y ‘hands off’ o laissez-faire na paraan ng pakikitungo nila sa sektor sa nakaraang dekada. Ganito rin ang kalagayan sa Timog-Silangang Asya kung saan ang mga pamahalaan – na karamihan ay mga awtokrasya o hybrid na rehimeng militar—ay nangangapa kung paano tutugon sa mapanganib na kondisyon ng mga rider at tsuper sa sektor. Ipinakikita ng pagsuri sa mga landasin at pagkakaiba-iba ng mga paraan sa reporma ng Thailand at Singapore ang mga mekanismo, limitasyon, at peligro ng mga pagbabago sa palisiya at regulasyon sa mga rehimeng di-demokratiko at hybrid. 1
Naisantabing mga mangaggawa at regulatoryong pagkupot
Ang tugon ng mga pamahalaan sa Timog-Silangang Asya sa mga tensyon sa ekonomiyang gig ay hinuhubog ng limitadong kapasidad ng mga manggagawa na mag-organisa at impluwensyahan ang pagpapasyang pampulitika at pampatakaran. Kapwa sa Thailand at Singapore, gaya ng maraming kalagayan sa buong daigdig, nahahadlangan ang mga rider at tsuper ng mga batas na nagtatakdang dapat ay ligal na maituturing na ‘empleyado’ ang mga manggagawa upang makapagbuo sila ng mga unyon. Dahil patuloy na itinuturing kapwa ng dalawang konteksto ang trabahong gig na hindi kabilang sa tradisyunal na relasyon sa trabaho, bumaling ang rider at tsuper sa impormal na asosasyon at network upang kolektibong mag-organisa. Ang kawalan ng pormal at ligal na istruktura ay pinalala pa ng hybrid na awtokratikong konteksto ng dalawang rehimen na nagtitiyak na ang mga Partido at politikong kumakatawan sa mga usapin ng manggagawa sa ekonomiyang gig ay hindi kabilang sa mga naghaharing koalisyon sa nakaraang dekada.
Gawa ng mahinang impluwensya ng mga manggagawa sa paglikha ng mga patakaran, malaon nang nagtataglay ng malakas na impluwensya ang mga kumplanya ng platform pagdating pagbalangkas ng mga regulasyon ng sektor sa parehong konteksto. Sa pagkadismaya sa pagsasantabi sa kanila, nagsimulang kumilos ang mga manggagagawa upang pwersahin ang naghaharing elit na magpatupad ng mga reporma at interbensyon sa sektor. Kalimitang konikoordina sa pamamagitan ng mga grupong online, umusbong kamakailan ang mga kilusang ito mula sa mga aktibidad ng pagtutulungan tungong mga kolektibong aksyon na naglalayong pilitin ang mga kumpanya para sa konsesyon, at lumalakas na panawagan para sa aksyon ng pamahalaan. Sa parehong bansa, nagbunsod ang mga aksyong ito ng ilang pag-unlad sa mga patakaran. Gayupanman, sinasalamin ng mga interbensyon ang pamamayaning pampulitika ng mga elit na negosyante at mga kumpnaya—na nagpapatampok sa limitasyon ng mga reporma sa mga rehimeng hybrid kungsaan nakatanim ang dinamismo ng nagsasabwatang relasyon ng estado at negosyo.
Nagbunsod ng pagkilos ng manggagawa ang lapit na makakompetisyon ng Thailand
Tinanganan ng hybrid na rehimeng militar na namamahala sa Thailand sa loob ng isang dekada matapos ang kudeta noong 2014 ang paraang lubhang makakompetisyon at nakapokus-sa-inobasyon sa kapitalismong platform. Sa nakaraang dekada, nakita sa bansa ang malakihang paglago ng mga rehiyunal at lokal na platform. Sa partikular, mabilis na lumago ang mga app sa paghahatid ng pagkain na may halagang higit sa US$4 bilyon sa katapusan ng 2021, na sumasalamin sa lumalaking pagsandig ng mga mamimili sa delivery kapwa sa kasagsagan at mula noong pandemyang COVID-19. 2 Habang sinubukan ng mga damuhalang kumpanyang rehiyunal tulad ng Grab at GoJek na palawakin ang kanilang presenya sa pamilihang Thai sa suporta ng pandaigdigang ispekulatibong kapital sa nakaraang dekada, lumitaw rin ang mga lokal na platform – kabilang ang RobinHood na bahagyang pinipinansyahan ng Siam Commercial Bank na may kaugnayan sa monarkiya.
Ang pagtindi ng kompetisyon sa ekonomiyang gig ng Thailand – laluna mula noong pandemyang COVID-19 – ay nagpalala kaysa nakabawas sa mga peligro sa mga pananggalang para sa mga manggagawa. 3 Bago ang 2020, kalakhan ay dinodomina ng Grab ang pamilihan na awtomatikong nagbigay ng proteksyon gaya ng accident insurance sa mga mangaggawa nitong nakabase sa Thailand, tulad ng ginawa nito sa iba pang pamilihan sa rehiyon. Gayunman, sa kawalan ng regulasyon na ligal na nagtatakda ng pagbibigay ng ganitong mga pananggalang, ang pagpasok ng mga bagong platform sa nakaraang mga taon ay nangahulugan ng paggamit ng mga kumpanya sa basic accident protection para akitin ang mga rider na Thai na eksklusibong magtrabaho sa kanilang platform. Inilarawan ng nakapanayam kong rider na naging aktibista ang ganitong pagbabago mula 2019, isinasalaysay kung paanong kailangan niyang makakumpleto ng 300 delivery dati – mga 10 trabaho o mga limang oras sa bawat araw ng buwan – sa isang app para makakuha siya ng accident protection mula sa platform na iyon:
“Kailangan naming palagiang pagsabay-sabayin ang mga insentibo sa iba’t ibang app habang tinitiyak na nakagagampan ng sapat na trabaho sa isang app upang masiguradong mayroon kaming accident protection na pupuno sa nawalang kita kung hindi kami makapagtrabaho dahil sa sakuna. Para siyang larong Mission Impossible, pero hindi ito laro – buhay namin ito!”.
Sa konteksto kung saan pinaghihigpitan ng batas ang pagtatayo ng mga pormal na unyon at kapwa direktang namumuhunan sa sektor ang naghaharing konserbatibo at ang monarkiya, nagsisikap ang mga manggagawa na mapakinggan sila ng mga tagagawa ng patakaran. Halimbawa, noong 2020, nagpatawag ng isang pulong ang hinirang ng militar na Ministro ng Paggawa kasama ang lahat ng mga mayor na platform para magbuo ng estratehiya para sa sektor sa panahon ng pandemya. Gayunpaman, ayon sa mga mangagawa sa sektor ng gig na nakapanayam noong Hulyo 2022, hindi isinama ang mga asosasyon ng mga rider at tsuper sa mga pulong na ito. Sa halip, ipinapasa ng Minsitro ng Paggawa sa isang seksyon ng kagawaran na nakapokus sa impormal na sektor ang anumang kolektibong pagtatangka ng mga manggagawa sa sektor ng gig para sa pagsusulong ng mga patakaran.
Hindi kataka-taka na sa kawalan ng kolektibong konsultasyon sa mga manggagawa ay hindi nakikialam ang mga bumubuo ng palisiya sa Thailand kapwa sa mga usapin ng mapagsamantalang algorithm at peligrosong kalagayan. Sa halip, kumiling sila sa pagtingin na ang trabahong gig ay isang makabagong nakabatay-sa-pamilihan na atrasan ng mga manggagawang natatanggal sa trabaho sa panahon ng paghina ng mga negosyo; at ang kapitalismong platform sa mas masaklaw ay nagmomodernisa sa lubhang impormal na sektor ng restawran, hospitality at delivery. Sa halip na makialam sa mapanlikhang pagkagambalang ito, mula COVID-19 ay tumugon ang mga ministri ng Thailand sa mga reklamo ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pag-engganyo ng kompetisyon sa sektor at paghimok sa mga platform na (boluntaryong) magbigay ng mga pananggalang gaya ng accident insurance para sa mga manggagawa. 4
Dismayado sa pag-aatubili ng pamahalaan na makinig o umaksyon sa kanilang mga kahilingan para sa regulasyon, nagsulputan ang mga organisasyon ng manggagawa sa sektor ng gig sa offline at online – kungsaan ang ilan ay nakihanay sa mas malawak na kilusang maka-demokrasya. 5 Sinalamin ng plataporma ng progresibong Move Forward Party sa halalan sa Thailand noong Mayo 2023 ang lubhang malaking papel ng mga manggagawa sa sektor ng gig sa base ng partido. Napanalunan ng Move Forward ang pinakamaraming bilang ng pwesto subalit sa ngayon ay naitulak na maging oposisyon ng ‘Frankenstein’ na pamahalaan ng nagsanib na militar at elit na negosyante sa kunwaý repormistang Pheu Thai Party. 6 Masasaksihan pa kung tatanggapin o babaguhin ng bagong pamahalaang Thai ang mga patakaran ng Move Forward hinggil sa trabahong gig. Kung ang pulitikal na paghadlang sa Move Forward ay magbubunga lamang ng bahagyang pagbuti para sa impormal na sektor at mangagawang gig, malaki ang posibilidad na titindi sa mga susunod na taon ang panawagan para ibasura ang hybrid na awtokratikong paghahari sa Thailand. 7
Teknokratikong tugon ng Singapore sa electoral shock
Gumamit din ng katulad na paraang laissez-faire ang pamahalaang People’s Action Party (PAP) ng Singapore sa kapitalismong platform sa unang dekada mula nang lumitaw ito. Maliban sa pagtatakda na hindi dapat isantabi ng mga platform app ang mga tradisyunal na taxi sa mga opsyon sa booking – na nag-eengganyo ng platpormisasyon ng buong sektor ng pribadong pagpapa-upa – naging alumpihit ang mga lumilikha ng patakaran na manghimasok sa mga alitan sa pagitan ng mga manggagawa at kumpanya. Samantala, direktang sumuporta ang mga kumpanyang pag-aari ng estado sa pagpapalawak ng dambuhalang platform na Grab sa buong Timog-Silangang Asya na may puhunan sa pagtatatag noong 2014. 8 Ang ganitong mapagparayang pamamahala at konteksto ng pamumuhunan ay nagpahinutlot ng mabilis na pagpapalawak ng mga platform app, laluna na ng Grab, at kalaunan, ang platform na Indonesian na GoJek, sa buong rehiyon.
Gayunpaman, sa pagsisimula ng pandemya noongunangng bahagi ng 2020, malinaw na nakitang nag-uudyok ng mobilisasyon sa hanay ng mga dismayadong manggagawang Singaporean ang malalabong katayuan sa trabaho ng mga manggagawang ‘on-demand’ at ang kakulangan ng pananggalang na ibinibigay ng mga kumpanya. Halimbawa, sa gitna ng COVID-19 ‘Circuit Breaker’ sa Singapore sa maagang bahagi ng 2020, inanunsyo ang pamamahagi ng SG$77 milyon pakete ng ayuda ng pamahalaan at industriya sa mga manggagawa na kumita sa pamamagitan ng mga tulad ng Grab, GoJek and FoodPanda. Sinalamin dito ang paraang hindi-pangingialam (hands-off) at iskema ng pamahalaan kung saan ipinamahagi ang mga pondo ng at sa pamamagitan ng mga kumpanyang platform, sa halip na ng mga institusyon ng estado. Gayunman, pumutok ang kaguluhan nang tangkain ng pamunuan ng Grab na gamitin ang pamamahagi ng pondo para bigyang-pabuya lamang ang pinaka-matatapat nitong tsuper habang tinatanggal ang umiiral na iskema sa pagbibigay ng insentibo. Tumugon ang mga tsuper sa pamamagitan ng pambihirang kolektibong pagkilos kung saan pinaratangan nila ang Grab ng makasariling pamamahala sa pondong pang-pandemya para ipwera ang ibang manggagawa sa sektor ng gig. 9 Sa huli ay inabandona ng kumpanya ang naunang paraan ng pamamahagi. Ilang buwan matapos nito, natalo ang PAP sa ilang posisyon sa pambansang halalan laban sa Workers Party na kumandidato dala ang platapormang nagtataguyod ng pagpapasimula ng pambansang minimum na sahod, kasama ang mga manggagawang gig.
Tuluy-tuloy na pinamahalaan ng maka-pamilihang PAP ang bansa simula nang makamit ang kasarinlan mula sa Malaysia noong 1965, kapwa sa tulong ng estado sa karamihan ng pabahay ng mga botante at mga regulasyong elektoral at pampartido na lubhang kiling sa mga nasa puwesto. 10 Gayunpaman, bilang tugon sa pagkadismaya ng mga manggagawa at sa mas-malakas-kaysa-inaasahang ipinakita ng WP sa halalan noong 2020, nagsimulang magbuo ang mga ahensya ng pamahalaan ng mga regulasyon para sa ekonomiyang gig. Noong Agosto 2021, pinuna ng National Rally Day ng Punong Ministro ang “mala-empleyadong” kondisyon ng mga manggagawang gig at nagbuo ng Advisory Committee na gumawa ng isang dosenang rekomendasyon para sa reporma noong kalagitnaan ng 2022 – na ang lahat ay inayunan sa prinsipyo ng pamahalaang Singaporean.
Sa halip na direktang tumugon sa kahilingan ng mga manggagawa, sinalamin ng mga panukalang reporma ang teknokratikong usapin na maaaring hindi mabigyang-pansin ang mga manggagawang gig sa modelong panlipunan ng Singapore at maaaring magdulot ng paggasta sa pamahalaan sa hinaharap. Nakatuntong sa umiiral na rekisito ng pag-aambag ng manggagawa para sa kanilang indibidwal na ipong pondong pangmedikal, nagtuon ang pangunahing interbensyon ng pamahalaan sa sektor mula noong pandemya sa dalawang bagay: accident insurance at retirement savings.
Mula 2023, itinatakda ng batas na bumili ng insurance ang mga dambuhalang platform na magbibigay ng kompensasyon sa mga manggagawa kung maaksidente sila habang nagtatrabaho. Ang mahalaga rito, ang ibabayad na kompensasyon ay dapat na katumbas ng kitang na dating nakukuha sa lahat ng platform app (sa halip na sa platform lamang na kanilang pinagsisilbihan nang maganap ang aksidente). Dahil karaniwang nagtatrabaho ang mga manggagawa sa dalawa o tatlong magkakaibang platform depende sa bonus fees at iba pang insentibo, ang reporma ay nagpapagana sa pamilihan dahil iwinawasto nito ang pagkukulang ng mga platform na ikoordina at ihatid ang mga batayang pananggalang na mahalaga para mapanatili ang lakas-paggawa sa sektor.
Ipinatupad din ang reporma para sa pondo sa pagreretiro na nagtatakda sa mga platform at manggagawang gig na wala pang 30 taong gulang na magbayad ng kontribusyon sa impukan na nireregulisa ng pamahalaan – ang Central Provident Fund (CPF) – simula 2024. Ang pondo sa CPF ay maaaring magamit ng manggagawa para bumili bahay nang may tulong na pondo mula sa pamahalaan mula sa Housing & Development Board (HDB) na pinangangasiwaan ng pamahalaan. Ang pagbili mula sa HDB ay esensyal sa kontratang panlipunan para sa ‘pag-asa sa sarili’ ng Singapore kungsaan ineengganyo ang mga indibidwal na bumili ng pribadong pabahay mula sa estado nang may subsidyo mula sa pamahalaan at kalauna’y ibenta ang ari-arian (inaasahang may kita) matapos ang ilang dekada upang matustusan naman ang kanilang pagreretiro at pangangalaga sa pagtanda. 11
Ang pagtatakda sa mga manggagawang gig at mga kumpanya na magbayad ng kontribusyon sa CPF mula sa kita sa ekonomiyang gig ay isang interbensyong pangmatagalan at matipid para sa estado dahil binabawasan nito ang potensyal na pangangailangang suportahan ng pamahalaan ang mga manggagawang may maliit na kita kalaunan sa kanilang buhay. Gayunman, gaya nang ipinunto ng isang aktibistang rider sa social media, ang mga bagong regulasyon ay walang isinasaad para mapahinto ang mga platform sa pagbabawas o pagtatanggal ng pasahe para mabawi ang mga gastusin sa pagtupad sa mga bagong rekisito. 12 Ang resulta nito, maaaring maiwan sa mga manggagawa ang pasanin ng pagbabayad ng kontribusyon nila at ng kanilang amo. Sa huling bahagi ng 2022 kinilala ng Ministro na responsible sa mga repormang ito ang ganitong posibilidad subalit ipinagtanggol nito ang pamamaraan sa pagsasabing kaya ng mga manggagawang gig na kumita nang ‘higit sa karaniwan’ kung kaya hindi kailangan ng regulasyon para ipagbawal ang mga kumpanyang nagpapasa ng bayarin sa kontribusyon sa mga rider at tsuper. Sa gayon, ang mga reporma ng Singapore sa ekonomiyang gig matapos ang pandemya ay nagsasalamin ng reaktibo, maka-negosyo at teknokratikong paraan, sa kabila ng lumalakas na tensyon sa sektor, laluna mula noong pandemya.
Digitalisasyon at inobasyon, ano ang kapalit?
Ang mga tugon ng mga pamahalaan sa Timog-Silangan sa mga di-pagkakapantay-pantay at tensyon sa ekonomiyang gig matapos ang pandemya ay nagtatampok kung paanong hinuhubog ng pagsasabwatan ng estado at negosyo ang mga panganib na nakikita ng lumalakas na pakikibaka ng mga manggagawa. Hindi pa tiyak kung lilitaw ang isang bagong kasunduan para sa mga manggagawang gig at impormal na ekonomiya mula sa bagong pampulitikang kaayusan sa Thailand, lalo na ngayong nasasagkaan sa pamahalaan ang MF. Ang malinaw, ang panawagan ng mga manggagawa para sa reporma ay bumabangga sa kasalukuyang mga pagsisikap na i-digitalisa ang ekonomiya na sinusuportahan naman ng mga ahensya ng estado at mga elit sa politika at ekonomiya. Habang bumubuo ng mga bagong alyansa ang mga manggagawa sa pambansa at rehiyunal na antas para magtulak ng pagbabago, maaaring mag-udyok ng ganting-balik ang kawalan ng aksyon, hindi lamang sa mga namumunong partido kundi maging sa maayos na relasyon sa pagitan ng estado at negosyo na naging salalayan ng mga rehimeng hybrid na ito sa nakaraang mga dekada.
Gerard McCarthy
International Institute of Social Studies, The Hague
Banner: Food Pander worker in Singapore carrying two thermal bags to earn more per trip. Photo: David Sing, Shutterstock
Notes:
- Seven out of ten ASEAN member states can be classified either as electoral authoritarian (Cambodia and Singapore) or as closed autocracies (Brunei, Laos, Vietnam, Myanmar, and Thailand). For discussion see Croissant, A. 2022. https://link.springer.com/chapter/10.1007/978-3-031-05114-2_1 ↩
- For a review, see https://thelowdown.momentum.asia/country_sector/food-delivery-platforms-in-southeast-asia-2022/?option=2021-southeast-asia&code=14379 ↩
- For useful empirical overviews of labour conditions in the Thai gig-economy, including sub-segments of the sector such as domestic workers and growth in the solidarity economy, see https://justeconomylabor.org/jeli-pushing-forward-the-national-task-force-on-gig-workers/ [accessed 10-09-2023] and https://www.ilo.org/global/topics/cooperatives/news/WCMS_869002/lang–en/index.htm [accessed 10-09-2023] ↩
- The Thai Ministry of Commerce, for instance, has provided small grants to worker-led efforts to develop cooperative apps that offer fairer conditions such as minimum delivery fees to riders. These apps are at an obvious disadvantage in comparison to highly resourced companies, yet they have been able to attract considerable market share in a few neighbourhoods of Bangkok and plan to expand elsewhere in the country. Other agencies such as the Department of Older Persons have formed partnerships with platforms to encourage needy older people to turn to gig-work. ↩
- On worker mobilisation and discourses of innovation in Thailand see Mieruch, Y. and McFarlane, D. 2022. Gig Economy Riders on Social Media in Thailand: Contested Identities and Emergent Civil Society Organisations. Voluntas. On the role of gig worker in the pro-democracy movement see https://novaramedia.com/2021/10/11/students-and-gig-economy-workers-are-uniting-to-fight-capitalism-in-thailand/ [accessed 4/09/23] ↩
- For discussion of Thailand’s post electoral political landscape see https://kyotoreview.org/issue-36/the-absence-of-any-move-forward-in-thailand/ ↩
- For examination of the constitutional constraints to progressive democratic governance in Thailand see https://www.eastasiaforum.org/2023/08/05/thailands-constitution-works-as-intended-to-frustrate-democratic-outcomes/ [accessed 08/10/23] ↩
- See https://www.financeasia.com/article/how-vertex-lured-grab-to-singapore/436929 [accessed 8/10/23] ↩
- Available at: https://www.straitstimes.com/singapore/transport/grab-u-turns-on-move-to-drop-driver-incentives-when-virus-aid-package-kicks-in [accessed 5/10/23]. For analytical discussion of controversy around the scheme and worker mobilisation see Anant, R. 2020. ‘The Discursive Politics of Labour Regimes: The Contested Emergence of On-Demand Digital Platform Labour in Singapore’. Masters Dissertation. Department of Geography, National University of Singapore, pg. 105. ↩
- See Weiss, M. 2020. The Roots of Resilience: Party Machines and Grassroots Politics in Singapore and Malaysia. Singapore: National University of Singapore Press and Ong, E. 20222. Opposing Power: Building Opposition Alliances in Electoral Autocracies. Ann Arbor: University of Michigan Press. ↩
- See Beng-Huat, C. 1997. Political Legitimacy and Housing: Singapore’s Stakeholder Society. London: Routledge and Beng-Huat, C. 2017. Liberalism Disavowed: Communitarianism and State Capitalism in Singapore. Singapore: National University of Singapore. ↩
- Author screengrab of public post, January 2023. ↩