Pampolitikang Pakikilahok ng Kabataang Hapones sa Pamamagitan ng Social Media

Ipinakikita ng mga sarbey ng pamahalaang Hapones na sa lahat ng edad, lampas sa 90% ang tantos ng paggamit ng smartphone noong 2019, at noong 2020 ay higit sa 90% ang tantos ng paggamit ng LINE, ang pinakatanyag na social media application sa Japan (Institute for Information and Communications Policy; IICP, 2022). Sa kasalukuyan, bahagi na ang social media ng imprastrukturang panlipunan sa Japan, kungsaan nag-uugnayan ang mga tao at kumukuha ng iba’t ibang impormasyon anumang oras o lugar. Tinatalakay ng artikulong ito ang papel ng social media sa pampolitikang pakikilahok sa Japan, na nagdidiin sa nakababatang henerasyon na tinatawag na ‘digital native’. Unang tinalakay ang kasalukuyang kalagayan ng pampolitikang partisipasyon ng mga kabataang Hapones, na sinundan ng dalawang kaso ng kapansing-pansing aksyong pampolitika na may kaugnayan sa social media. Sa huli, sinuri ang mga hamon sa pampolitikang pakikilahok sa pamamagitan ng social media ng mga nakababatang henerasyon sa Japan.

Latag ng pampolitikang pakikilahok ng kabataang Hapones

Mailalarawan ang pampolitikang pakikilahok ng kabataang Hapones bilang isang banayad na usapin at mababa ang pagpapahalaga sa politika. Una, makikita ito sa bilang ng mga bumoboto, na karaniwang sukatan ng pampolitikang pakikilahok. Sa Japan, ang pinakahuling tantos ng pagboto sa dalawang pambansang halalan ay 52% (sa Mataas na Kapulungan; Hulyo 2022) at 56% (sa Mababang Kapulungan; Oktubre 2021), ayon sa opisyal na estadistika ng pamahalaang Hapones (Ministry of Internal Affairs and Communications; MIC, 2022). Tulad ng iba pang demokratikong bansa, hindi aktibo sa halalan ang mga nakababatang botanteng Hapones. Pinakamababa sa nakaraang 18 halalan mula noong 1969 ang bilang ng mamamayan na dalawampu hanggang dalawampu’t siyam na taong gulang na bumoto sa pambansang halalan (halalan sa Mababang Kapulungan). Ang pinakahuling resulta ay nasa 37%, na nasa kalahati ng tantos ng bumoto mula sa mamamayan na edad 60 pataas (71%, na siyang pinakamataas na grupo). Dagdag pa, bagaman pinayagang bumoto ang mga mamamayang edad 18 at 19 noong 2016,  ikalawa sa pinakamababa ang kanilang tantos ng pagboto sa pambansang halalan maliban noong 2016 kung kailan pinayagan silang bumoto sa unang pagkakataon. Sa isang bahagi, maaaring dahil ito sa mahirap na proseso para sa sertipikasyon sa paninirahan ng mga lumipat ng ibang rehiyon para bumiyahe patungong mga unibersidad (MIC, 2016) bagaman tila limitado lamang ang epekto nito.

Voting venue for the 2014 House of Representatives election, 2014, Osaka, Japan. Wikipedia Commons

Ikalawa, tila nasasalamin sa mga internasyunal na sarbey na ang aktitud ng kabataang Hapones hinggil sa pampolitikang partisipasyon ay dahilan ng palagiang mataas na tantos ng hindi pagboto. Nagsagawa ang pamahalaang Hapones ng internasyunal na sarbey para surrin ang mga mamamayang edad 13 hanggang 29 sa pitong bansa: Japan, South Korea, United States, United Kingdom, Germany, France, at Sweden (Cabinet Office; CAO, 2014). Ipinakita ng mga reulta na nasa 50% ng mga kalahok na Hapones ang interesado sa lokal na politika, na katulad rin nang sa mga kalahok mula sa ibang bansa. Nasa sangkatlo lamang ng mga kalahok na Hapones ang nasisiyahan sa lipunan ng kanilang bansa. Gayunman, sa kabila ng kawalang kasiyahan, nasa sangkatlo lamang ng mga kalahok na Hapones ang nagpakita ng pagpapahalaga sa politika at kahandaan sa pampolitikang pakikilahok, na pinakamababa kumpara sa lahat ng mga bansa.

Palagiang napapansin ang mga tendensiyang ito sa iba pang mga internasyunal na sarbey sangkot ang mga edad 17 hanggang 19 na taong gulang sa Japan at lima o walo pang ibang bansa. (Nippon Foundation, 2019; 2022). Pare-parehong ipinakita ng mga sarbey na sa mga kalahok na bansa, ang mga kabataang Hapones ay may pinaka-negatibong pagtanaw sa kinabukasan ng kanilang bansa at ng kanilang mga sarili, at siyang may pinakamababang pagpapahalaga sa politika at kahandaan sa pampolitikang pakikilahok. Ito ay hindi dahil sa kawalan ng pag-unawa dahil kalahati ng mga kalahok na Hapones ay nagpakita ng interes sa mga isyung sosyal at politikal, at higit kalahati sa kanila ay may isang antas ng pagdama sa takbo ng kanilang buhay, gaya nang sa pagpili ng mga kaibigan, katuwang, trabaho, at iba pa. Inilalarawan ng isang kalitatibong pag-aaral (Kligler-Vilenchik et al., 2021 597) ang gayong aktitud ng kabataang Hapones sa mga usapang politikal bilang “tahimik na tagamasid – interesado ako ngunit hindi ako magsasalita hinggil dito”.

Social media bilang mga makabagong kasangkapan sa pampolitikang pakikilahok sa Japan

Tila limitado kumpara sa ibang bansa ang mga pamamaraan ng aksyong pampolitika na nilalahukan ng mga mamamayang Hapones. Ipinakita ng pinakahuling World Values Survey (Wave Seven; Haerpfer et al., 2022) na maliban sa pagpirma sa mga petisyon sa online, kakaunting mamamayang Hapones lamang ang nakikilahok sa iba pang pampolitikang aksyon sa online at offline: boykot, mapayapang demonstrasyon, welga, paghahanap ng impormasyon sa online, pagpirma sa petisyon sa online, at pag-oorganisa ng mga politikal na aktibidad sa pamamagitan ng internet. Mas mababa ang tantos sa Japan nang mga sumagot na nakalahok sila sa huling pitong opsyon kaysa sa 40 bansa mula 65 na bansang kalahok sa sarbey.

Gayunman, gumanap ng isang papel ang social media sa ilang pampolitikang kaganapan sa Japan. May mga kapansin-pansing aksyong politikal ng mga mamamayang Hapones sa huling dekada kungsaan ginamit ang social media bilang lunsaran ng mga protesta. Noong 2015, nagtatag ang mga estudyante sa unibersidad sa punong lunsod ng Tokyo ng isang politikal na grupong tinawag na ‘Student Emergency Action for Liberal Democracy’, kilala bilang ‘SEALDs’. Nagprotesta laban sa panukalang batas sa patakarang panseguridad na nagpahintulot sa Self-Defence Force na mag-ehersisyo ng karapatan sa kolektibong pagtatanggol-sa-sarili, na sa tingin nila ay “labag sa Konstitusyon.” Maraming beses silang naglunsad ng mga protestang lansangan sa harapan ng parliyamento hanggang maipasa ang panukalang batas, at naipalaganap ang mga aktibidad na ito sa social media, laluna sa Twitter. Samantalang isang simbolikong grupo ang SEALDs na inorganisa ng mga estudyante, lumahok rito ang ilampung libong mamamayan mula sa iba’t ibang edad, at maraming beses na naglunsad ng demonstrasyon ang mga ka-ugnay na grupo sa iba’t ibang lugar sa Japan (Kingston, 2015).

SEALDs demonstration near the Diet building in Tokyo,  28 March 2016. Wikipedia Commons

Isang pang halimbawa ang naganap noong 2020 na nakilala bilang ‘Twitter demo’ (demonstrasyon sa Twitter) ng mga mamamayan laban sa pagbabago sa interpretasyon ng isang batas at pagsusumite ng isang bagong panukalang batas ng administrasyon ni dating Punong Ministro Shinzo Abe. Tinuligsa ang mga kontrobersyal na pagbabagong ito bilang daan upang mapahintulutan ang pagpuwesto ni Hiromu Kurokawa, noo’y hepe ng Tokyo High Public Prosecutors Office at kinikilalang malapit sa administrasyong Abe, bilang prosecutor-general na siyang pinakamataas na posisyon sa hanay ng mga pampublikong piskal. Sa madaling salita, tinitingnan ito ng mga kritiko bilang paglabag ng administrasyon sa kasarinlan ng prosekusyon. Noong Mayo 8, ika-7:40 ng gabi, isang tweet ang inilathala ng hindi-kilalang account ng isang peministang babae na nagtatrabaho bilang isang espesyalista sa advertising sa Tokyo, na may higit 13,000 tagasubaybay noong panahong iyon (Murakami & Yamamitsu, 2020). Sa ilalim ng state of emergency ng COVID-19 na nagbawal sa mga protestang lansangan, naibahagi ng 4.7 milyong ulit hanggang noong gabi ng Mayo 10 ang isang tweet na nagpoprotesta laban sa pagtatangka ng pamahalaan, na nagsasaad ng “Nagsasariling demonstrasyon sa Twitter” (“Twitter demo alone”), at gumamit ng hashtag na “Tutol ako sa panukalang rebisyon ng Public Prosecutors Office Law” (“I oppose the proposed revision of the Public Prosecutors Office Law”) (Asahi Shimbun, 2020). Noong ika-18 ng Mayo, inihayag ni Abe na ipinagpapaliban ang deliberasyon hinggil sa panukalang batas, na idinahilan ang “kawalan ng pag-unawa ng publiko”, at makalipas ng apat na araw, inaprubahan ng Gabinete ang pagbibitiw ni Kurokawa, matapos maiulat ang kanyang iligal na sugal na mah-jong. Ipinahiwatig ni Toriumi (2021) na bagaman nasa kalahati sa mga makabuluhang tweet ang inihayag ng 2% lamang ng mga lumahok na account, ay lumahok sa pagbanggit ng usapin ang iba’t ibang account, kasama na ang sa mga tanyag na tao.

A Tokyo train. Liam Burnett-Blue, Unsplash

Mga hamon ng social media sa pampolitikang pakikilahok

Gaya nang nabanggit sa itaas, tila gumanap ng mahalagang papel ang Twitter bilang platform kungsaan nagka-ugnayan ang mga kalahok at sumusuporta sa mga protestang lansangan, at naganap ang mga birtwal na demonstrasyon. Ipinakita ng pinakahuling sarbey hinggil sa social media ng pamahalaang Hapones (IICP, 2022) na 67% ng mga tinedyer at 79% ng mamamamayang edad 20 hanggang 29 sa Japan ang gumagamit ng Twitter. Kung gayon, isang potensyal na ‘larangan’ ng pampolitikang pakikilahok ang Twitter para sa kabataang Hapones. Gayuman, may malalaking hamon rito.

Una, maaaring malantad ang mga tao sa opinyon na nagmumula lamang sa iilang pampulitikang paninindigan sa social media nang hindi nila namamalayan, at maaaring magamit ito upang mabago ang opinyong publiko. Isang simbolikong halimbawa rito ang Cambridge Analytica kungsaan nakuha ng isang pribadong kumpanyang Briton ang ‘big data’ mula sa Facebook, at ginamit ito para sa ‘manipulasyong sikolohokal’ sa online para sa Pampanguluhang elektoral na kampanya sa US (Kleinman, 2018). Sa Twitter sa Japan, naiulat ang ilang palantandaan ng ‘patagong propaganda’, bagaman hindi pa nahihinuha ang epekto nito. Sinuri nina Yoshida at Toriumi (2018) ang mga retweet ng mga Hapones na inilathala bago at matapos ang pangkalahatang halalan noong 2017. Ipinakita nila na maging ang mga user na hindi sumusubaybay sa alinmang account ng mga partdo politikal ay nalantad sa mga impormasyon mula sa mga tukoy na partido politikal. Sinundan nina Schäfer et al. (2017) ang mga aktibidad ng bot sa Twitter sa Japan bago at matapos ang pangkalahatang halalan noong 2014 at ipinaliwanag na nagpalaganap ang mga aktibidad ng bot ng mga tweet na sumusuporta kay dating Punong Ministro Abe at tumuligsa sa mga kritiko nito. Na-obserbahan rin ang ganitong pangyayari maliban pa sa panahon ng pambansang halalan sa Japan: ipinakita nina Fukuma et al. (2022) na nagaganap ang polarisasyon sa Twitter sa arawang mga paksa ng balita sa Japan, na kalimitan ay maaaring naiimpluwensyahan ng maingay na minorya at mga aktibidad ng bot.

Ikalawa, maaaring maging litaw ang pagkakahati ng pampolitikang paninindigan sa social media, kasama na ang Twitter, gaya nang ipinakita ng mga kaso sa ibang bansa. Naipapakita ng social media, gaya ng Twitter, ang “mga opinyong publiko sa online” hinggil sa mga usapin politikal, at nagagawa ng mga user na malayang ipadala ang kanilang opinyon sa iba pang user. Sa mainam na banda, nagkakaroon ang mga tao ng mga ‘kapihan’ kungsaan nakapagsasagawa sila ng politikal na usapan nang hindi nakikilala saanman at kailanman nais, subalit maaari lamang nitong palakasin ang selektibong pagkalantad at agresibong komunikasyon ng mga tao. Natukoy na ang pampolitikang polarisasyon sa internet mula pa noong lumaganap ang mga blog (Adamic & Glance, 2005), at na-obserhan na ang mga politikal na ‘echo chamber’ sa Twitter (e.g., Bail et al., 2018; Conover et al., 2011; Colleoni et al., 2014; Yardi & Boyd, 2010). Naiulat rin ang mga ganitong pangyayari sa Japan, kungsaan nababanggit lamang ang ilang mga partikular na paksa sa mga tukoy na komunidad at network ng user sa Twitter (Takikawa & Nagayoshi, 2017).

Ikatlo, sa usapin ng pampolitikang pakikilahok, kayang baguhin ng social media gaya ng Twitter ang kapaligiran, subalit maaaring hindi ang aktitud ng mga tao. Gaya nang tinalakay sa itaas, tila kakaunting mamamayang Hapones lamang ang gumagawa ng pampolitikang aksyon, at may tendensiya ang kabataang Hapones na magkaroon ng kapansin-pansing mababang pagpapahalaga sa politika at mababang pagnanais sa pampolitikang pakikilahok, na maaaring magtaya sa kanilang aktwal na pakikilahok sa online at offline (e.g., Gil de Zúñiga et al., 2012). Katangian ng paggamit ng Twitter sa Japan ang pagkakaroon ng litaw na mataas na tantos ng mga user na hindi nakikilala. Sa isang internasyunal na sarbey ng pamahalaang Hapones (MIC, 2014),  75% ang tantos ng mga kalahok na Hapones na gumagamit ng Twitter nang hindi nakikilala, samantala nasa 31% hanggang 45% ang katulad nito mula sa iba pang limang bansa (the US, the UK, France, South Korea, and Singapore). Dagdag pa, naiulat ang mga katulad na tendensiya sa tantos ng mga nag-aatubiling gamitin sa social media ang tunay nilang pangalan sa hanay ng mga kabataan, bagaman ang nakababatang grupong ito ang unang henerasyon ng mga ‘digital native’. Maaaring sinasalamin nito ang sikolohikal na hadlang sa hanay ng mga user na Hapones na ilahad ang kanilang opinyon sa publiko.

Konklusyon

Ipinahihiwatig ng dalawang kasong tinalakay sa itaas ang posibilidad ng social media bilang komun na larangang birtwal kungsaan nasasangkot ang mamamayang Hapones sa pampolitikang pakikilahok. May tendensiya ang kabataang Hapones na magkaroon ng mababang pagpapahalaga sa politika at kahandaan sa pampolitikang pakikilahok habang may pagmamalasakit naman sila sa mga usaping sosyal at politikal. Gayunman, gaya nang paglalarawan ng isang artkikulo ng Reuters (Murakami & Yamamitsu, 2020) sa ‘Twitter demo’ noong 2020 bilang isang “pambihirang pagpapakita ng galit sa online”, may tendensiya na ang mga user na aktibo sa politika ang siyang naglalathala ng mga tweet na nagbabanggit ng mga usaping politikal nang may galit na pagpapahayag, samatala ang ibang user ay may tendensiyang magpahayag ng kanilang pagkabalisa (Uchida, 2018). Dagdag pa, naobserbahan sa ibang bansa ang ugnayan sa pagitan ng pampolitikang pakikilahok sa online at offline (Leyva, 2017; Chen et al., 2016; Barberá & Rivero, 2015; Bekafigo & McBride, 2013; Vaccari et al., 2013). Kung gayon, maaaring mga mamamayang aktibo sa politika lamang ang napahihintulutan ng social media na magsagawa ng kolektibong aksyon sa Japan, subalit hindi nahihikayat ang ibang mamamayan na makilahok rito, gaya nang ipinakita ng huling World Values Survey. Sa kabilang banda, ipinahiwatig rin ng ilang mananaliksik na maaaring mahikayat ng mas kaswal na pampolitikang pakikilahok sa social media ang mga tao na sumali sa pampolitikang aksyon sa offline (Vaccari et al., 2015). Kung anuman, kailangan ang aktibong aktitud at gawi ng nakababatang henerasyon para sa pag-aambag ng social media sa modernong demokrasya sa Japan, at kapwa maaaring mabuo ito sa gitna ng nagbabagong kapaligirang panlipunan.

Atsuhiko Uchida

Banner photo: Josh Soto, Unsplash

References

Adamic, L. A., & Glance, N. (2005). The political blogosphere and the 2004 US election: divided they blog. In Proceedings of the 3rd international workshop on Link discovery (pp. 36-43).

Asahi Shimbun. (2020). 4.7 million tweets blast revision bill to delay Abe ally’s retirement. Asahi Shimbun. Retrieved from https://www.asahi.com/ajw/articles/13362865

Bail, C. A., Argyle, L. P., Brown, T. W., Bumpus, J. P., Chen, H., Hunzaker, M. F., Lee, J., Mann, M., Merhout, F., & Volfovsky, A. (2018). Exposure to opposing views on social media can increase political polarization. Proceedings of the National Academy of Sciences, 115(37), 9216-9221.

Barberá, P., & Rivero, G. (2015). Understanding the political representativeness of Twitter users. Social Science Computer Review, 33(6), 712-729.

Bekafigo, M. A., & McBride, A. (2013). Who tweets about politics? Political participation of Twitter users during the 2011gubernatorial elections. Social Science Computer Review, 31(5), 625-643.

CAO. (2014). Heisei 25 nendo Waga Kuni to Shogaikoku no Wakamono no Ishiki ni kansuru Chosa [2013 Survey on Opinions of Young People in Japan and Foreign Counties]. CAO. Retrieved from http://www8.cao.go.jp/youth/kenkyu/thinking/h25/pdf_index.html

Chen, H. T., Chan, M., & Lee, F. L. (2016). Social media use and democratic engagement: a comparative study of Hong Kong, Taiwan, and China. Chinese Journal of Communication, 9(4), 348-366.

Conover, M., Ratkiewicz, J., Francisco, M., Gonçalves, B., Menczer, F., & Flammini, A. (2011). Political polarization on twitter. Proceedings of the international aaai conference on web and social media, 5(1), 89-96.

Colleoni, E., Rozza, A., & Arvidsson, A. (2014). Echo chamber or public sphere? Predicting political orientation and measuring political homophily in Twitter using big data. Journal of communication, 64(2), 317-332.

Fukuma, T., Noda, K., Kumagai, H., Yamamoto, H., Ichikawa, Y., Kambe, K., Maubuchi, Y., & Toriumi, F. (2022). How Many Tweets DoWe Need?: Efficient Mining of Short-Term Polarized Topics on Twitter: A Case Study From Japan. arXiv preprint arXiv:2211.16305.

Gil de Zúñiga, H., Jung, N., & Valenzuela, S. (2012). Social media use for news and individuals’ social capital, civic engagement and political participation. Journal of Computer‐Mediated Communication, 17(3), 319-336.

Haerpfer, C., Inglehart, R., Moreno, A., Welzel, C., Kizilova, K., Diez-Medrano J., M. Lagos, P. Norris, E. Ponarin & B. Puranen (eds.). (2022). World Values Survey: Round Seven – Country-Pooled Datafile Version 5.0. Madrid, Spain & Vienna, Austria: JD Systems Institute & WVSA Secretariat.

IICP. (2022). Reiwa 3 nendo Johotsushin Media no Riyojikan to Johokodo nikansuru Chosa [2021 Survey on Usage Time of Information and Communication Media]. MIC. Retrieved from https://www.soumu.go.jp/iicp/research/results/media_usage-time.html

Kingston, J. (2015). SEALDs: Students Slam Abe’s Assault on Japan’s Constitution. The Asia-Pacific Journal: Japan Focus, 13 (36).

Kleinman, Z. (2018). Cambridge Analytica: The story so far. BBC. Retrieved from https://www.bbc.co.uk/news/technology-43465968

Kligler-Vilenchik, N., Tenenboim-Weinblatt, K., Boczkowski, P. J., Hayashi, K., Mitchelstein, E., & Villi, M. (2022). Youth political talk in the changing media environment: a cross-national typology. The International Journal of Press/Politics, 27(3), 589-608.

Leyva, R. (2017). Exploring UK Millennials’ Social Media Consumption Patterns and Participation in Elections, Activism, and “Slacktivism”. Social Science Computer Review, 35(4), 462-479.

MIC. (2014). ICT no Shinka ga motarasu Shakai eno Impact nikansuru Chosakenkyu [Survey on the Social Impact of the Evolution of ICT.]. MIC. Retrieved from https://www.soumu.go.jp/johotsusintokei/linkdata/h26_08_houkoku.pdf

MIC. (2016). 18 sai Senkyoken ni kansuru Ishiki Chosa Houkokusho [Opinion Poll on Suffrage of 18 Years Old Report]. MIC. Retrieved from http://www.soumu.go.jp/menu_news/s-news/01gyosei15_02000153.html

MIC. (2023). Kokusei-senkyo no Nendaibetsu Touhyouritsu no Suii nitsuite [Change on Turnout of General Elections by Age]. MIC. Retrieved from http://www.soumu.go.jp/senkyo/senkyo_s/news/sonota/nendaibetu/index.html

Murakami, S. & Yamamitsu, E. (2020). Rare online outrage in Japan forces Abe to delay controversial bill. Reuters. Retrieved from https://jp.reuters.com/article/us-japan-politics-socialmedia/rare-online-outrage-in-japan-forces-abe-to-delay-controversial-bill-idUSKBN22X0Z8

Nippon Foundation. (2019). 18 sai Ishiki Chosa “Dai 20 kai: Kuni ya Shakai nitaisuru Ishiki” (9 kakoku) [18 Years Old Opinion Survey “20th: Attitudes towards Country and Society” (9 countries)]. The Nippon Foundation. Retrieved from https://www.nippon-foundation.or.jp/what/projects/eighteen_survey

Nippon Foundation. (2022). 18 sai Ishiki Chosa “Dai 46 kai: Kuni ya Shakai nitaisuru Ishiki” (6 countries) [18 Years Old Opinion Survey “20th: Attitudes towards Country and Society” (6 countries)]. The Nippon Foundation. Retrieved from https://www.nippon-foundation.or.jp/what/projects/eighteen_survey

Schäfer, F., Evert, S., & Heinrich, P. (2017). Japan’s 2014 general election: Political bots, right-wing internet activism, and prime minister Shinzō Abe’s hidden nationalist agenda. Big data, 5(4), 294-309.

Takikawa, H., & Nagayoshi, K. (2017). Political polarization in social media: Analysis of the “Twitter political field” in Japan. In 2017 IEEE international conference on big data (big data) (pp. 3143-3150). IEEE.

Toriumi, F. (2021). Quantitative Analysis of Diffusion in Bursting Phenomena: How the Twitter Demo Spread in Japan. Japan marketing journal, 40(4), 19-32.

Uchida, A. (2018). HOW DO JAPANESE PEOPLE TALK ABOUT POLITICS ON TWITTER? ANALYSIS OF EMOTIONAL EXPRESSIONS IN POLITICAL TOPICS ON JAPANESE TWITTER. Psychologia, 61(2), 124-157.

Vaccari, C., Valeriani, A., Barberá, P., Bonneau, R., Jost, J. T., Nagler, J., & Tucker, J. (2013). Social media and political communication: a survey of Twitter users during the 2013 Italian general election. Rivista italiana di scienza politica, 43(3), 381-410.

Vaccari, C., Valeriani, A., Barberá, P., Bonneau, R., Jost, J. T., Nagler, J., & Tucker, J. A. (2015). Political expression and action on social media: Exploring the relationship between lower-and higher-threshold political activities among Twitter users in Italy. Journal of Computer-Mediated Communication, 20(2), 221-239.

Yardi, S., & Boyd, D. (2010). Dynamic debates: An analysis of group polarization over time on twitter. Bulletin of science, technology & society, 30(5), 316-327.

Yoshida, M., & Toriumi, F. (2018). Do Political Detachment Users Receive Various Political Information on Social Media?. arXiv preprint arXiv:1806.10173.