Ang Takot na Mapag-iwanan at ang Politikal na Pakikisangkot sa Online: Ang Kaso ng Singapore

Ang Suliranin ng Hindi Pakikisangkot sa Politika

Pinadali ng paglago ng mga social media platform ang politikal na pakikisangkot ng mamamayan at pinagaan ang gastos sa pakikilahok para sa milyun-milyong mamamayan (Ahmed & Madrid-Morales, 2020; Gil de Zúñiga et al., 2012; 2014). Gayunman, marami ang nananatiling walang interes sa politika at humihiwalay sa aktibong paglahok (Ahmed & Gil-Lopez, 2022; Zhelnina, 2020). Ang politikal na apatya ay kawalan ng interes sa politika, kabilang ang mga impormasyong politikal at aktibidad, gaya ng paglahok sa mga gawaing publiko at pagboto sa halalan. Itinuturing ito ng mga siyentistang pampolitika bilang isang panlipunang suliranin (Dean, 1965; Rosenberg, 1954). Mahalaga ang mamamayang aktibo sa politika para sa mahusay na paggana ng sistemang pampolitika, sa gayon, ang isang buhay na demokrasya ay nakasalalay sa antas ng pakikilahok ng mamamayan sa pang-araw-araw na politika at halalan. Dagdag pa, “ang baluktot na pakikilahok ay nagbibigay-daan sa baluktot na aksyon ng pamahalaan” (Griffin & Newman, 2005; p. 1206). Gayunman, maraming mga pag-aaral kamakailan ang nag-ulat ng kultura ng kawalang-interes sa politika sa maraming demokrasya (Manning & Holmes, 2013; Henn et al., 2007; Pontes et al., 2017; Zhang, 2022). Sa gayong mga kaso, unti-unting nababawasan ang pagkatawan ng demokrasya sa lahat ng pananaw ng mamamayan, na siyang malamang na mangyari dahil sa paglaki ng mga puwang sa pakikisangkot sa politika sa pagitan ng mga mamamayang aktibo at hindi aktibo sa politika (Griffin & Newman, 2005; Hansford & Gomez, 2010). Kung gayon, kailangang subukin na baliktarin, o kahit man lamang pabagalin ang ganitong kalakaran; kung hindi ay magdudulot ang mga tagibang na pakikisangkot sa politika sa tagibang na representasyon ng populasyon, na lumilika ng may-kinikilingang resulta (Griffin & Newman, 2005; Manning & Holmes, 2013).

A crowded MRT train in Singapore

Sino ang Nananatiling Hindi Nakikisangkot sa Politika

Ipinakikita ng mga empirikal na ebidensiya na kalimitang may ugnayan ang edad at kasarian sa kawalang-interes sa politika, kungsaan ipinahihiwatig na ang mga mas nakababata (Henn et al., 2007; Snell, 2010; Zhang, 2022) at kababaihang bahagi ng populasyon ay mas malamang na walang interes sa politika (Abendschön & García-Albacete, 2021; Vochocová et al., 2015). Sa madaling salita, tagibang na nakararami ang mga walang interes sa politika sa hanay ng mga kabataan at kababaihang mamamayan. Isang seryosong alalahanin ito dahil kasabay nito ay lumalaki ang bahagi ng mga kabataang may karapatang bumoto sa ating mga lipunan. Dagdag pa, lalong pinalalaki ng kawalan ng pakikisangkot ng kababaihan sa politika ang puwang sa pakikisangkot sa politika batay sa kasarian na naiuulat sa maraming mga lipunan sa buong daigdig. (Abendschön & García-Albacete, 2021; Ahmed & Madrid-Morales, 2020; Vochocová et al., 2015).

Kaugnay ng pakikisangkot pampolitika, sa pangkalahatan ay higit ang gastos sa mga aktibidad na offline kaysa online. Kung kaya, maaaring hindi nakaka-engganyo ang una sa nakararaming mamamayan, samantalang nagagawa ito ng huli, laluna sa lumalakas na pagtagos ng internet at social media. Sa madaling salita, malaki ang pakinabang ng mga mamamayan mula sa mayamang mga oportunidad para sa interaksyon na iniaalok ng internet at social media. Kayang pagyamanin ng walang-kiskisan na impormasyon sa online at mga posibilidad sa komunikasyon ang pakikisangkot pampolitika at maakit ang mga mamamayang walang interes sa politika. Maaaring nang makuha ang iba’t ibang aktibidad pampolitika sa online ngayon sa pamamagitan lamang ng pagpindot sa screen, na may mga positibong sosyo-politikal na implikasyon. (Gil de Zúñiga et al., 2012; Jost et al., 2018). Samantalang mahalagang kilalanin ang kahalagahan ng pakikilahok pampulitikang offline, gaya ng pagdalo sa mga protesta, may pundamental na halaga rin ang pampolitikang pakikilahok sa online sa sarili nito. Halimbawa, madali na ngayong maabot ng mamamayan at maka-ugnayan ang kanilang mga politiko at opisina ng mga ito. (Keaveney, 2015).

Ang Papel ng Takot na Mapag-iwanan

Matagal nang pinagtatalakayan ng mga iskolar ang mga salik na nagtutulak sa mga hindi nakikisangkot na mamamayan na maging aktibo sa politika. Halimbawa, ang takot na mapag-iwanan (fear of missing out o FOMO), isang kritikal na karanasang sikolohikal, ay maaaring iugnay sa pampolitikang pakikisangkot – laluna sa hanay ng mamamayang hindi nakikisangkot sa politika. Ayon kay Przybylski et al. (2013), ang FOMO ay “isang malaganap na pangamba na baka nagkakaroon ang iba ng kasiya-siyang karanasan kungsaan siya ay napag-iiwanan (p. 1841), at tumutungo sa kagustuhang laging alamin kung ano ang ginagawa ng iba. Itinutulak ng pakiramdam na ito ang labis-labis na paggamit ng social media upang manatiling naka-ugnay sa ibang tao at makaalam at makalahok sa iba’t ibang aktibidad panlipunan. (Przybylski et al., 2013). Ipinakikita ng meta-analyses ng FOMO at paggamit ng social media kamakailan ang matatag na relasyon sa pagitan ng mga nabanggit. (Fioravanti et al., 2021; Tandon et al., 2021). Mas partikular pa, ipinakita nina Przybylski et al. (2013) na “naiuugnay ang FOMO sa higit na matataas na antas ng behavioral engagement sa social media” (p. 1847).

Batay sa ganitong kalagayan, maipagpapalagay na ang mga taong may mataas na antas ng FOMO ay mas malamang na makilahok sa mga pampolitikang aktibidad sa online, gaya ng pakikipag-usap sa iba hinggil sa politika, pagsuporta sa mga layuning politikal, at paglahok sa mga kaganapang politikal. Maipapaliwanag ang mekanismong ito ng natural na tendensiya ng mga taong may mataas na antas ng FOMO na masugid na subaybayan (at makisangkot) sa mga paksa at kaganapang politikal sa kanilang mga network upang wala silang makaligtaan na anumang posibleng gawaing sosyal. (Skoric et al., 2018). Sa pagsusuma, bagaman iba-iba ang motibasyon ng mga tao sa kanilang pakikisangkot sa mga gawaing pampolitika, maaaring isang sentral na motibasyon ang FOMO na nagtutulak ng kanilang pakikisangkot. Tunay nga, ipinahihiwatig ng mga naunang pananaliksik ang ugnayan sa pagitan ng FOMO at mga ispesipikong pampolitikang aktibidad sa online (Ahmed, 2022; Skoric et al., 2018). Gayunman, hindi naging diin ng literature ang direktang ugnayang ito. Dagdag pa, ipinakikita ng ebidensya na partikular na may kaugnayan ang edad at kasarian sa FOMO (Rozgonjuk et al., 2021; Przybylski et al., 2013). Kung gayon, ang pag-uugnayan ng edad, kasarian at FOMO ay kritikal sa pagpapaliwanag ng pampolitikang pakikisangkot sa online.

A PAP election rally at Tampines Stadium

Ang Kaso ng Singapore

Sinubok namin ang aming mga pagpapalagay sa kaso ng Singapore – isang bansa na mataas ang pagtagos ng internet at social media. Isa rin ang Singapore sa may pinakamataas na kawalan ng interes sa politika sa buong mundo (Key, 2021; Ong, 2021). Ipinahihiwatig ng mga naunang ebidensya na umiiwas ang mga Singaporean kahit sa mga hindi magastos na pakikilahok pampolitika, gaya ng pagpirma sa mga petisyon (Caplan, 2008). Natuklasan ng isang ulat na karamihan sa mga Singaporean ay walang interes sa politika, kungsaan 4 sa 10 kalahok sa pag-aaral ang hindi kailanman nakipagtalakayan hinggil sa politika sa kanilang mga kaibigan, higit kalahati ang nakipagtalakayan hinggil rito nang pana-panahon, at 7.1% lamang ang nakipagtalakayan hinggil rito nang madalas. (Ong, 2021). Ang bilang ng mga Singaporean na hindi nakikisangkot sa iba’t ibang pampolitikang aksyon ay mataas – Lubhang maraming Singaporean ang hindi lumalahok sa boykot (79.1%), mapayapang demonstrasyon (74.2%), hindi opisyal na welga (88%), o mag-organisa ng anumang politikal na aktibidad (90%) (Ong, 2021). Hindi na nakagugulat, kasama sa mga nahuhuli ang lipunang ito sa usapin ng antas ng sibikong pakikisangkot kumpara sa ibang lipunan sa Kanluran. Kinukumpirma rin ng mas bagong mga ebidensya na hindi ginagamit ng mga hindi nakikisangkot na mamamayan ng Singapore ang social media para sa layuning makilahok, at negatibo ang epekto sa kanila ng pagkalantad sa mga balita sa social media (Ahmed & Gil-Lopez, 2022). Ipinakita ng iba na nagtutulak ng kawalang-interes sa politika sa ilang Singaporean ang bawas na atensyon sa mga balitang politikal. (Zhang, 2022). Dito, inihahayag namin na kailangang tumingin lampas sa mga tradisyunal na salik at galugarin ang iba pang sikolohikal na salik na maaaring magtulak ng pakikisangkot ng mga mamamayang walang interes sa politika.

Sinusuri namin ang ugnayan sa pagitan ng FOMO at pampolitikang pakikisangkot sa online at kung paanong pinipigilan ng edad at kasarian ang relasyong ito. Batay sa maikling pagtalakay sa itaas, nagmamanukala kaming ang FOMO ay positibong naiuugnay sa mga talakayang politikal sa social media, na maiuugnay naman sa pampolitikang pakikisangkot sa online. Sinubok rin namin kung ang mekanismong ito ay magkakapareho sa lahat ng Singaporean o kung magbabago ba ang mga relasyon sa iba’t ibang grupo batay sa edad at kasarian.

The Speakers’ Corner in Singapore is an area located within Hong Lim Park at the Downtown Core district, whereby Singaporeans may demonstrate, hold exhibitions and performances, as well as being able to engage freely in political open-air public speeches, debates and discussions. Photo, Wikipedia Commons

Naka-ugnay ang FOMO sa Politikal na Talakayan at Pakikilahok

Nagsagawa kami ng sarbey sa online sa Singapore gamit ang isang survey panel agency. Nagsagot ang mga kalahok sa sarbey ng mga katanungan hinggil sa kanilang demograpiya, mga gawi sa paggamit ng media, pagkonsumo ng balita sa social media, FOMO at pampolitikang gawi. Matapos naman ay ginamit ang datos mula sa sarbey para magsagawa ng regression analyses upang subukin ang aming mga pagpapalagay.

Ipinahihiwatig ng aming mga pagsusuri na ang FOMO ay may positibong ugnayan sa pampolitikang talakayan at politikal na pakikisangkot sa online. Dagdag pa, pinag-uugnay ng talakayang politikal sa social media ang relasyon ng FOMO at pampolitikang pakikilahok sa online. Sa kabuuan, ipinahihiwatig ng mga resulta na ang mga taong may higit na mataas na antas ng FOMO ay malimit na nakikisangkot sa mga politikal na talakayan at aktibidad sa online sa Singapore. Dito, ang gayung mga politikal na talakayan ay nagtutulak ng pampolitikang pakikilahok.

Dagdag pa, natuklasan rin namin na ang mekanismong ito ay naaapektuhan kapwa ng edad at kasarian, ipinakikitang mas malakas ang relasyon para sa mga nakababatang mamamayan at kababaihang Singaporean – kungsaan, naobserbahan ang pinakamalakas na epekto ng FOMO sa mga nakababatang kababaihan.

Konklusyon

Marami ang matagal nang nagtatanong kung ano ang solusyon sa kawalan ng interes sa politika. Bagaman hindi kami nag-aalok ng depinitibong solusyon, ipinakikita namin na maaring maging kritikal na salik ang FOMO para mapalahok ang mga grupong walang interes sa politika. Sa aming kaso, natagpuan namin ang ebidensyang sumusuporta sa tesis na kaya ng FOMO na magbunsod ng politikal na talakayan at pakikilahok sa hanay ng mga mamamayang hindi nakikisangkot – laluna sa mga nakababatang kababaihan sa Singapore. Samantala, tinutukoy ng ilan ang pampolitikang pakikisangkot sa online bilang clicktivism (kilala rin bilang slacktivism), ikinakatwirang hindi tumutungo ang gayung mga aktibidad sa online sa mga aksyong offline at hindi nagbubunga ng makabuluhang panlipunan at pampolitikang pagbabago sa tunay na buhay (e.g., Christensen, 2011; Hindman, 2009; Shulman, 2004). Sa madaling salita, kinukwestiyon nila kung ang mga pampolitikang aktibidad sa online ba, na kailangan lamang ng keyboard at pagpindot sa mouse, ay maituturing na lehitimo at makabuluhang aksyong sibiko (Harlow & Guo, 2014).

Gayunman, ikinakatwiran namin na sa pinakapayak na pampolitikang pakikisangkot sa online, gaya nang pampolitikang talakayan at pakikilahok sa online, naitataas ang pampolitikang kamalayaan at kaalaman ng mamamayan, na kapaki-pakinabang para sa bansa at sa mga batayan ng demokratikong pagkamamamayan, na sa dulo’y mag-eengganyo ng pampolitikang pakikisangkot sa offline sa kalaunan. Maraming mga naunang pag-aaral ang nagpakita ng makabuluhang potensyal ng mga pampolitikang aktibidad sa online (e.g., Halupka, 2014, 2017; Karpf, 2010). Sa partikular, sinusuportahan ng ilang ebidensya na ang mga pampolitikang aktibidad sa online ay naiuugnay sa mga pampulitikang aksyon sa offline sa Sinagpore (Skoric & Zhu, 2015). Sa kabuuan, ipinakikita ng pampolitikang pakikisangkot sa online ang pampolitikang pagpapahayag ng mamamayan, isa itong maaasahang palatandaan ng antas ng pagiging aktibo sa politika ng populasyon, at may makabuluhang potensyal ito para maisalin sa pampolitikang pakikisangkot sa offline. Dagdag pa, sa kabila ng ipinakita ng literatura na masasamang epekto ng FOMO (Blackwell et al., 2017; Yin et al., 2021), nakita namin ang halaga nito sa kung paano nito maitutulak ang mga mamamayang hindi nakikisangkot sa Singapore.

Saifuddin Ahmed
Nanyang Technological University, Singapore
Muhammad Masood
City University of Hong Kong

References

Abendschön, S., & García-Albacete, G. (2021). It’s a man’s (online) world. Personality traits and the gender gap in online political discussion. Information, Communication & Society, 24(14), 2054–2074. https://doi.org/10.1080/1369118x.2021.1962944

Ahmed, S. (2022). Disinformation sharing thrives with fear of missing out among low cognitive news users: A cross-national examination of intentional sharing of deep fakes. Journal of Broadcasting & Electronic Media, 66(1), 89–109. https://doi.org/10.1080/08838151.2022.2034826

Ahmed, S., & Gil-Lopez, T. (2022). Incidental news exposure on social media and political participation gaps: Unraveling the role of education and social networks. Telematics and Informatics68, 101764.

Ahmed, S., & Madrid-Morales, D. (2020). Is it still a man’s world? Social media news use and gender inequality in online political engagement. Information, Communication & Society, 24(3), 381–399. https://doi.org/10.1080/1369118x.2020.1851387

Blackwell, D., Leaman, C., Tramposch, R., Osborne, C., & Liss, M. (2017). Extraversion, neuroticism, attachment style and fear of missing out as predictors of social media use and addiction. Personality and Individual Differences116, 69-72.

Christensen, H. S. (2011). Political activities on the Internet: Slacktivism or political participation by other means?. First Monday16(2). https://doi.org/10.5210/fm.v16i2.3336

Dean, D. G. (1965). Powerlessness and political apathy. Social Science40(4), 208–213. http://www.jstor.org/stable/41885108

Fioravanti, G., Casale, S., Benucci, S. B., Prostamo, A., Falone, A., Ricca, V., & Rotella, F. (2021). Fear of missing out and social networking sites use and abuse: A meta-analysis. Computers in Human Behavior, 122, 106839. https://doi.org/10.1016/j.chb.2021.106839

Gil de Zúñiga, H., Jung, N., & Valenzuela, S. (2012). Social media use for news and individuals’ social capital, civic engagement and political participation. Journal of Computer-Mediated Communication, 17(3), 319–336. https://doi.org/10.1111/j.1083-6101.2012.01574.x

Gil de Zúñiga, H., Molyneux, L., & Zheng, P. (2014). Social media, political expression, and political participation: Panel analysis of lagged and concurrent relationships. Journal of communication64(4), 612-634.

Griffin, J. D., & Newman, B. (2005). Are voters better represented? The Journal of Politics, 67(4), 1206–1227. https://doi.org/10.1111/j.1468-2508.2005.00357.x

Halupka, M. (2014). Clicktivism: A systematic heuristic. Policy & Internet, 6(2), 115–132. https://doi.org/10.1002/1944-2866.poi355

Halupka, M. (2017). The legitimisation of clicktivism. Australian Journal of Political Science, 53(1), 130–141. https://doi.org/10.1080/10361146.2017.1416586

Hansford, T. G., & Gomez, B. T. (2010). Estimating the electoral effects of voter turnout. American Political Science Review, 104(2), 268–288. https://doi.org/10.1017/s0003055410000109

Harlow, S., & Guo, L. (2014). Will the revolution be tweeted or facebooked? Using digital communication tools in immigrant activism. Journal of Computer-Mediated Communication, 19(3), 463–478. https://doi.org/10.1111/jcc4.12062

Henn, M., Weinstein, M., & Hodgkinson, S. (2007). Social capital and political participation: Understanding the dynamics of young people’s political disengagement in contemporary Britain. Social Policy and Society, 6(4), 467–479. https://doi.org/10.1017/s1474746407003818

Hindman, M. (2009). The myth of digital democracy. Oxford: Princeton University Press.

Jost, J. T., Barberá, P., Bonneau, R., Langer, M., Metzger, M., Nagler, J., Sterling, J., & Tucker, J. A. (2018). How social media facilitates political protest: information, motivation, and social networks. Political Psychology, 39, 85–118. https://doi.org/10.1111/pops.12478

Karpf, D. (2010). Online political mobilization from the advocacy group’s perspective: Looking beyond clicktivism. Policy & Internet, 2(4), 7–41. https://doi.org/10.2202/1944-2866.1098

Keaveney, P. (2015). Online lobbying of political candidates. In Frame, A., & Brachotte, G. (Eds.), Citizen participation and political communication in a digital world (pp. 220-234). Routledge. https://doi.org/10.4324/9781315677569-21

Key, T. K. (2021, April 21). Are Singaporeans really politically apathetic?. Institute of Policy Studies. https://lkyspp.nus.edu.sg/ips/publications/details/are-singaporeans-really-politically-apathetic

Manning, N., & Holmes, M. (2013). ‘He’s snooty ‘im’: Exploring ‘white working class’ political disengagement. Citizenship Studies, 17(3–4), 479–490. https://doi.org/10.1080/13621025.2013.793082

Ong, J. (2021, July 2). Most Singaporeans politically apathetic, not keen on activism: IPS. The Straits Times. https://www.straitstimes.com/singapore/most-singaporeans-politically-apathetic-not-keen-on-activism-ips

Pontes, A. I., Henn, M., & Griffiths, M. D. (2017). Youth political (dis)engagement and the need for citizenship education: Encouraging young people’s civic and political participation through the curriculum. Education, Citizenship and Social Justice, 14(1), 3–21. https://doi.org/10.1177/1746197917734542

Przybylski, A. K., Murayama, K., DeHaan, C. R., & Gladwell, V. (2013). Motivational, emotional, and behavioral correlates of fear of missing out. Computers in Human Behavior, 29(4), 1841–1848. https://doi.org/10.1016/j.chb.2013.02.014

Rosenberg, M. (1954). Some determinants of political apathy. Public Opinion Quarterly, 18(4), 349. https://doi.org/10.1086/266528

Rosenberg, M. (1954). Some determinants of political apathy. The Public Opinion Quarterly18(4), 349–366. http://www.jstor.org/stable/2745968

Rozgonjuk, D., Sindermann, C., Elhai, J. D., & Montag, C. (2021). Individual differences in Fear of Missing Out (FoMO): Age, gender, and the Big Five personality trait domains, facets, and items. Personality and Individual Differences171, 110546.

Shulman, S. W. (2004). The internet still might (but probably won’t) change everything: Stakeholder views on the future of electronic rulemaking. I/S: A Journal of Law and Policy for the Information and Society, 1 (1), 111-145

Skoric, M. M., & Zhu, Q. (2015). Social media and offline political participation: Uncovering the paths from digital to physical. International Journal of Public Opinion Research, 28(3), 415–427. https://doi.org/10.1093/ijpor/edv027

Skoric, M. M., Zhu, Q., & Lin, J. H. T. (2018). What predicts selective avoidance on social media? A study of political unfriending in Hong Kong and Taiwan. American Behavioral Scientist, 62(8), 1097–1115. https://doi.org/10.1177/0002764218764251

Snell, P. (2010). Emerging adult civic and political disengagement: a longitudinal analysis of lack of involvement with politics. Journal of Adolescent Research, 25(2), 258–287. https://doi.org/10.1177/0743558409357238

Tandon, A., Dhir, A., Almugren, I., AlNemer, G. N., & Mäntymäki, M. (2021). Fear of missing out (FoMO) among social media users: A systematic literature review, synthesis and framework for future research. Internet Research, 31(3), 782–821. https://doi.org/10.1108/intr-11-2019-0455

Vochocová, L., Štětka, V., & Mazák, J. (2015). Good girls don’t comment on politics? Gendered character of online political participation in the Czech Republic. Information, Communication & Society, 19(10), 1321–1339. https://doi.org/10.1080/1369118x.2015.1088881

Yin, L., Wang, P., Nie, J., Guo, J., Feng, J., & Lei, L. (2021). Social networking sites addiction and FoMO: The mediating role of envy and the moderating role of need to belong. Current Psychology40(8), 3879-3887.

Zhang, W. (2022). Political disengagement among youth: A comparison between 2011 and 2020. Frontiers in Psychology13, 809432. https://doi.org/10.3389/fpsyg.2022.809432

Zhelnina, A. (2020). The apathy syndrome: How we are trained not to care about politics. Social Problems67(2), 358-378.