Pag-unawa kay Thích Trí Quang: Ang Machiavellian na Budistang Teoryang Politikal

Kevin Pham

Isang umuusbong na larangan ng interes ang “Teoryang Politikal na Budista” (tatawagin mula rito bilang BPT) para sa mga akademikong teoristang pampolitika sa mga unibersidad sa Inglatera at Hilagang Amerika. Ipinakikita ng sanaysay na ito kung paano makakatulong ang BPT para malinawan ang mga Kanluranin sa kanilang kalituhan hinggil sa kaisipang politikal ni Thich Tri Quang (1923-2019), isang Budistang mongheng Vietnamese na pumukaw at humawak ng pansin ng mga pangunahing Amerikanong media noong “Vietnam War.”

Sa pagsaliksik sa pangalan ni Thích Trí Quang sa digital archive ng New York Times, lumalabas ang higit tatlong daang artikulo mula maagang bahagi ng dekada 1960. Noong 1966, nailathala siya sa pabalat ng Time magazine kasama ang isang lathalain hinggil sa kanya. Nahimok ang mga mambabasa na tingnan siya bilang “utak ng kilusang protestang Budista,” 1 “isang karismatikong mongheng Budista na tumulong na maibagsak ang mga pamahalaan sa Timog Vietnam na sinusuportahan ng Estados Unidos, at nagsulong ng isang demokratikong nasyon na may kalayaang panrelihiyon,” 2 at nais pa nilang umalam nang higit hinggil sa makapangyarihang personalidad nito na bumigo sa mga gawain ng kanilang pamahalaan sa Timog Vietnam.

Nakapukaw rin ng atensyon kay Trí Quang ang kontrobersiyang nakapaligid sa kanyang mga ideyang politikal. Wari’y isa siyang mailap, misteryoso, at pabagu-bagong pampolitikang pilosopo. Sa panahong yaon, sinikap ng mga Vietnamese at Amerikanong komentarista, at sa paglaon ay ng mga iskolar sa Kanluran, na tukuyin ang kanyang politika at nagbigay sa kanya ng magkakasalungat na tatak: komunista, anti-komunista, maka-kapayapaan, maka-digmaan. 3 Iginiit ng Time magazine na may “nagbabagang pagnanasa para sa kapangyarihan” si Trí Quang at tinawag siyang Vietnamese na Machiavelli. 4 Iginiit ni James McAllister na si Trí Quang ay hindi gaya ng sinasabi ng mga maka-kaliwa na “isang mapayapang pinunong panrelihiyon na tapat sa demokrasya at sa agarang pagwawakas ng digmaan”, ni hindi “isang ahenteng komunista” gaya ng sinasabi ng mga nasa kanan. 5 Sa halip, iginiit ni McAllister na si Quang ay isang anti-komunista at bukas sa paggamit ng kapangyarihang militar ng Amerika laban sa hilagang Vietnam. Tinawag ng New York Times si Tri Quang na isang “egotista” 6 at “kahanga-hanga ngunit isang palaisipan.” 7 Gayunman, nanatiling malabo kung ano ang nagtutulak sa politika ni Trí Quang.

Embed from Getty Images
Sa pagtatangka nilang maipaliwanag ang kaisipang pampolitika ni Trí Quang, tila nakaligtaan ng Kaluraning media ang pinakalitaw na bagay hinggil kay Thích Trí Quang: bilang isang mongheng Budista, na may mga Budistang paniniwala na maaaring nakaimpluwensiya o makakapagpaliwanag sa kanyang kaisipang pampolitika. Nabigo ang mga Kanluraning interpretasyon kay Trí Quang na isaalang-alang ang kanyang malinaw na Budistang kaisipang pampolitika. Mahirap tukuyin ang mga partikular na Budistang ideolohiya na maaaring nakaimpluwensiya sa kanya. Gayunman, maaari nating kilalanin si Trí Quang bilang isang “Budista” sa pinakamalawak na pakahulugan nito, na ayaw na matuon ang pansin sa mga pagkakaiba sa pagitan ng mga ideolohiyang Budista, sa kalagayang namumunong personalidad siya ng Viện Hóa Đạo, ang pampolitikang saray ng Unified Buddhist Church na naglalayong buklurin ang iba’t-ibang sekta ng Budismo sa Vietnam.

Sa pagsusuri sa kaisipang pampolitika ni Trí Quang mula sa perspektibang BPT, maipapaliwanag ang mga pagkakaiba sa mga nabanggit na interpretasyon. Nakaayon sa at naghahayag ng BPT ang kanyang politika. Kung mauunawaan natin ang mga batayang aral ng BPT— na kung makikisangkot sa politika, marapat na istratehiko at praktikal na makisangkot rito bilang isang paraan para sa layunin ng kaliwanagan ng lahat—higit nating mauunawaan ang kaisipang pampolitika ni Trí Quang.

Budistang Teoryang Pampolitika

Sinubukan kamakailan ng mga iskolar ng “komparatibong teoryang pampolitika—isang sumusulpot na saray sa akademikong larangan ng teoryang pampolitika—ang isang “Budistang” lapit sa politika. 8 Bagaman may malawak at iba-ibang tradisyon ang “Budismo,” mabubuo ang ilang pangkalahatang pahayag kung paano nito pinakikitunguhan ang politika, gaya ng kung paano natin nasasabi na iniluwal ng “Kristiyanismo” ang tradisyon ng liberalismong politikal. Ayon sa teoristang pampolitika na si Matthew Moore, lantarang antipolitikal ang Budismo nang hindi naman yumayakap sa anarkismo. 9 Inihayag niyang nakakiling ang mga Budista na ituring ang politika bilang isang tukso na nagpapahintulot sa pamamayani ng ego, bilang pag-aaksaya ng panahon at lakas, at sa huli’y hindi mahalaga. Para sa mga Budista, salungat ang pakikisangkot sa politika sa daan tungong kaliwanagan (taliwas sa Kanluraning tradisyong pilosopikal na karaniwang nagtuturing sa pakikisangkot sa politika bilang bahagi ng pagsasabuhay ng mainam na pamumuhay). Direktang inihayag ito ni Cao Huy Thuần, isang estudyante ni Thích Trí Quang: “Hindi nakikisangkot sa politika ang mga templo: ang aktitud na ito ng mga Budista ay kasing tiyak ng mga pako na pinupukpok sa pader…Ang politika ay mundo ng mga ‘maruruming kamay’ na kinamumuhian nating mga Budista.” 10

Gayuman, kahit na pinaliliit ng mga Budista ang halaga ng politika para sa mainam na buhay, nauunawaan ng mga Budista na hindi maiiwasan ang politika at kung minsan ay sadyang kinakailangan ito sa buhay panlipunan, ayon kay Moore. Ikinakatwiran ng BPT na dapat na makisangkot lamang sa politika kung ang pagsasagawa nito ay makapagluluwal ng mga kondisyong panlipunan at pampolitika na higit na magbibigay ng pagkakataon sa mga tao para paunlarin ang kanilang ispiritwalidad at makamit ang kaliwanagan. Sa pananaw ng mga Budista, “may ilang porma ng pamamahala na nagdudulot ng mas mababang antas ng tunggaliang panlipunan at pag-urong ng indibidwal na ispiritwalidad kumpara sa iba.” 11 Kaiba sa Kanluraning tradisyong liberal, ang katanggap-tanggap na politika para sa mga Budista “ay hindi tungkol sa sapat na pagrespeto sa kalayaan ng mga rasyunal na sarili, kundi hinggil sa pagbubuo ng mga kondisyon para malayang magkaroon ng ispiritwal na pag-unlad ang tao.” 12 Sa madaling salita, para sa BPT, dapat ang politika ay maging paraan tungo sa layunin ng ispiritwal na pag-unlad para sa lahat. Sinasalamin ng pagdidiing ito sa pantay na oportunidad para sa ispiritwalidad ang mga pananaw na egalitarian mismo ng Buddha at ang inilatag nitong paghamon sa sistemang caste ng Hindu. Sa gayung kaalaman, mauunawaan natin ang antikomunismo ni Thích Trí Quang. Tinatanggihan niya ang komunismo dahil sa pananaw niya’y mapipigilan ang mga indibidwal na paunlarin ang ispiritwalidad sa ilalim ng isang pamahalaang komunista. Sinabi ni Trí Quang noong 1963: “Ako, gaya ng lahat ng edukadong Budista, ay tutol sa komunismo dahil ito ay ateista.” 13

Embed from Getty Images

Ang Machiavellian na Budistang Teoryang Politikal

Maari na ngayong higit na maunawaan ang kanyang Machiavellian na istilo sa pagtalakay sa politika at kung bakit tinawag siya ng Time na Vietnamese Machiavelli. Kilala si Machiavelli sa pagtingin sa politika sa paraang pragmatiko, hindi prinsipyado, “daan-para-sa-layunin,” kung kaya bumabagay si Machiavelli sa BPT. Para kay Machiavelli, ang politika ay daan para sa layunin ng pampolitikang seguridad at istabilidad. Para kay Trí Quang, ang politika ay daan para sa layuning magkaroon ng pamahalaan na nagpapahintulot ng ispiritwal na pag-unlad para sa lahat. Walang ‘nagbabagang pagnanasa para sa kapangyarihan’ si Trí Quang gaya nang tinuran ng Time magazine, sa halip ay nauunawaan niyang kung minsan ay kailangan ang makibaka para sa kapangyarihan kung magluluwal ito ng mga kondisyon para sa ispiritwalidad.

Kahawig ng tanyag na paggigiit ni Machiavelli na kailangang gamitin ang dahas at kalupitan sa paraang mabilis at para lamang sa pampolitikang seguridad, ikinatwiran ni Trí Quang na ang kampanya ng pagbomba laban sa Hilagang Vietnam ay dapat “nakakonsentra sa loob ng maikling panahon at sa mabilis na nag-iibayong tindi, para mapilitan ang Hilaga na tumugon sa lalong madaling panahon at mapiligan ang mga komunista na maihanda ang sarili sa larangang sikolohikal at militar.” 14 Habang kinikilalala na kakatwa para sa isang Budistang lider ang magtaguyod ng karahasan, umaayon pa rin si Trí Quang sa paggamit ng “malakas na aksyong militar” dahil nararamdaman niyang “higit ang magiging pinsala sa buhay kung magtatagal ang digmaan sa kasalukuyang antas nito kaysa kung isasagawa ito nang higit na mabilis bagaman iglap na mas madugong paraan” 15 Kung kaya, hindi mang-uupat ng digmaan si Trí Quang kundi naghahayag ng BPT na nagdidiin sa estrahikong daan para sa layunin. Sa kanyang pananaw, maaaring pahintulutan ang karahasan kung kinakailangan: “Sa pakikipag-ugnayan ko sa mga pinuno ng ibang pananampalataya, sinabi kong maaari lamang suungin ang pakikidigma para sa relihiyon kung kinakailangan para sa interes ng mga partidong sangkot. Gayunpaman, hindi umiiral ang gayung tunggalian ng mga interes.” 16

Para kay Machiavelli, dapat makuha ang kaalamang pampolitika sa paraang induktibo. Dapat tingnan ang mga halimbawa sa tunay na mundo, at mula rito ay magbuo ng mga pangkalahatang panuntunan kung paanong gumalaw ang politika (salungat sa deduktibong pamamaraan, gaya ni Plato na gumamit ng pangkalahatang pagtataya hinggil sa kalikasan ng cosmos at kalikasan ng tao upang maisaayos ang mga katotohanan at matukoy ang mga konklusyon). Kalimitang ipinakikita ng mga komento ni Trí Quang hinggil sa politika ang kanyang induktibo, nakabatay-sa-karanasan na lapit sa kaalamang pampolitika. Nang tanungin kung dapat bang ihalal ng mamamayan ang punong ehekutibo, sinabi ni Quang na mas kiling siya sa asembleya dahil “ipinakita ng karanasan na hindi tunay na kinakatawan ng mga punong ministro o presidenteng nahalal sa pamamagitan ng unibersal na eleksyon ang aspirasyon ng mamamayan.” 17

Kasang-ayon ng Budistang teoryang politikal na pragmatic consequentialism, walang anumang prinsipyadong oposisyon si Trí Quang sa U.S. Tinutuligsa niya ang mga Amerikano dahil sa kabiguan nitong pag-ibahin “ang anti-Amerikanismo at ang mga oposisyon laban sa kanila.” 18 Ang una ay prinsipyado, na sa pananaw niya ay walang saysay, at ang huli ay praktikal, na sa paningin niya ay kinakailangan. “Ang Anti-Amerikanismo ay likas na pagkamuhi sa mga Amerikano kahit gaano pa sila kabuti…Ang oposisyon laban sa mga Amerikano ay isang aktitud ng konstruktibong protesta. Ipagpalagay na nakasakay sa kotse ang dalawang tao. Kung sa palagay ng isa na hindi ligtas ang pagmamaneho ng isa pa, kailangan niyang kuhanin ang manibela para pigilan na mahulog ang kotse sa kanal… Oposisyon sa mga Amerikano dahil sa pagbara nito sa Pambansang Asembleya, oposisyon sa suportang Amerikano sa mga tiwaling alipores na pamahalaan, oposisyon sa tulong ng Amerikano sa panunupil sa Da Nang.”

Naghahayag ng pananaw ng BPT ang paggigiit ni Trí Quang na kailangan ang isang inklusibong Pambansang Asembleya (Quốc Hội) sa Timog Vietnam, na ang mabuting pamahalaan at yaong nagpapahintulot sa ispiritwal na pag-unlad ng lahat. Kailangan ng mga Vietnamese ng “isang halal na pamahalaan para lumikha ng isang mukha para sa nasyon na tunay na sumasalamin sa nasyon.” 19 Para kay Tri Quang, higit na mapangangalagaan ng inklusibong representasyon ng ispiritwalidad para sa lahat, anuman ang kanilang pananampalataya, kung kaya tinututulan niya ang rehimeng Diem: tinitingnan niya itong pumapanig sa mga Katokilo at sumusupil sa mga Budista.

Trí Quang died at 9.45 pm on 8 November 2019 in Từ Đàm Pagoda at age 95. Wikipedia Commons

Konklusyon

Kung walang pag-unawa sa Budistang teoryang pampolitika—sa pananaw na sa huli’y hindi mahalaga ang politika bagaman hindi maiiwasan at kung minsan ay kinakailangan para magluwal ng mga kondisyon para sa indibidwal na pag-unlad ng ispiritwalidad—lalo tayong malilito sa kaisipang pampolitika ni Trí Quang. Nang walang lente ng Budistang teoryang pampolitika, tiningnan si Trí Quang ng mga naunang sulatin sa wikang Ingles na isa siyang katauhang politikal na hunyango, pabagu-bago, hayok sa kapangyarihan at sinasalungat ang sarili. Gayunman, hindi prinsipyado kundi pragmatiko ang Budistang teoryang politikal, at nangangahulugan ito na bukas itong gamitin ang iba-iba at waring magkakasalungat na posisyon sa iba’t-ibang panahon bilang bahagi ng mas masaklaw na estratehiya para makamit ang mga partikular na layunin. Muli, direkta itong inihayag ni Cao Huy Thuần:

“Nagsasalita sa maraming wika ang aking guro. Ayon sa ilan, siya ay maka-komunista. Ang sabi ng ilan, siya ay anti-komunista. Ayon sa ilan siya ay maka-Amerika. May mga panahon na kaya niyang isuot ang dalawang sombrero nang magkasabay. Sinasabi niya ito sa kanyang mga minamahal nang walang ingay: ‘Habang mas maraming sombrerong isinusuot, higit na nagmumukhang walang suot na sombrero. Sa kabaligtaran, mas maraming sombrero, mas mainam: naitataas at napapatampok ang espesyal na posisyon ng Budismo. Kung kaya, hindi dapat iwasan, sa halip ay dapat yakapin ng Budismo ang gayong mga balintunang paraan.’”

Pinag-iisip rin tayo Thích Trí Quang kung ano ang kahulugan nang magmukhang pumapagitna at hindi pumapanig sa panahon ng mga tunggalian. Ipinakita sa atin ni Trí Quang na angkop ang Budistang teoryang pampolitika para sa ganitong posisyon dahil ang inaalala nito sa huli ay ang ispiritwal na pag-unlad ng lahat. Nauunawaan niya ang pangangailangan ng Timog Vietnam sa pagkakaroon ng positibong pambansang identidad, at hindi lamang maging anti-komunista. Dapat higit nating pag-isipan kung ano ang kahulugan ng pag-okupa sa “gitnang espasyo” ngayon. Ipinaalala sa atin ng Budistang teoryang pampolitika ni Thích Trí Quang na kung minsan, pinakamainam na isipin ang politika hindi bilang isang paligsahan ng mga koponan na kailangang pumili ng panig, kundi isang pangangailangan, bagaman hindi mahalagang paraan para sa layunin ng pag-unlad ng sangkatauhan.

Kevin Pham
Gettysburg College

Notes:

  1. “Determined Buddhist Tri Quang,” New York Times, September 4, 1963.
  2. Richard Paddock, “Thich Tri Quang, 95, Galvanizing Monk in South Vietnam, Dies,” New York Times, November 20, 2019.
  3. For a review, see James McAllister, “‘Only Religions Count in Vietnam’: Thich Tri Quang and the Vietnam War,” Modern Asian Studies 42, 4 (2008) pp. 751–782.
  4. “Vietnam’s Political Buddhism and the War,” Time, April 22, 1966.
  5. McAllister, “Only Religions Count,” 751.
  6. Saigon Buddhism: Complex Mixture,” New York Times, April 15, 1966.
  7. “Powerful Buddhist Tri Quang,” New York Times, April 20, 1966.
  8. Matthew J. Moore, Buddhism and Political theory (New York: Oxford University Press, 2016)
  9. Ibid., 2
  10. Cao Huy Thuần, “Đại lão Hòa thượng Thích Trí Quang: ‘Một trang lịch sử,’” BBC News, November 10, 2019.
  11. Moore, Buddhism, 26.
  12. Ibid.
  13. Quoted in Paddock. See note 2.
  14. McAllister, “Only Religions Count,” 773.
  15. Ibid., 761.
  16. Ngo The Vinh, “Ninety Six Minutes with Reverend Thich Tri Quang,” May 5, 1966  https://thuvienhoasen.org/images/file/vXLJaQXt1wgQACli/96-minutes-with-reverend-tri-quang-1966-ntv-pdv-.pdf (accessed October 12, 2021).
  17. “World: A Talk with Thich Tri Quang,” Time, April 22, 1966.
  18. See note 16.
  19. Ibid.