Mahika at Ala-ala: Pag-aaral sa mga Tala ng Isang Manlalakbay na Manggagamot hinggil sa Pagsasabuhay ng Budismo sa Panahon ng Republika ng Vietnam

Quảng Huyền

Sa pagbubuo ng mga istorikal na tala hinggil sa Budismo sa panahon ng Republika ng Vietnam, maaaninag sa mga buhay na karanasan ng mga indibidwal ang mga paraan kung paanong binagtas ng mamamayan ang iko’t-sikot ng mas masasaklaw na naratibo. Dito, pag-aaralan natin ang isang gayung kwento—ng isang manlalakbay na manggagamot at gurong Budista, si Nguyễn Văn Quảng (ca.1950–present), habang isinasalaysay niya ito sa tulong ng Amerikanong ghostwriter na si Margorie Pivar sa Fourth Uncle in the Mountain: A Memoir of a Barefoot Doctor in Vietnam (2004). Sa kanyang talambuhay, inaalala ni Quảng ang buhay sa katimugang Vietnam (Nam Bộ) mula sa kanyang pagkabata sa Chợ Lách (Bến Tre) at pagsasanay bilang kabataan sa Seven Mountains ng kanluraning delta ng katimugang Vitenam hanggang sa kanyang pagtanda bilang monghe sa isang Monasteryong Budista sa mga huling taon ng Ikalawang Republika ng Vietnam (1967–1975), ang kanyang pagbagay sa propesyon ng panggagamot sa ilalim ng komunistang paghahari matapos ang 1975, at sa huli ay ang kanyang walang takot na pagtakas mula sa Vietnam noong 1987. 1 Ang kwento sa apat na dekada ng buhay ni Quảng na puno ng kaganapan ng lokalisado at personal na posisyon ay nagbibigay sa atin ng kahulugan kung ano ang pagiging Budista sa Katimugang Vietnam, ang karanasan na mamuhay kasama at maglakbay sa mga kalupaan ng katimugang delta, at pakikipag-ugnayang pangkomunidad sa mga mamamayan nito. Sa buong panahon, tinuruan tayo ni Quảng at ng kanyang katuwang na manunulat ng mga aral hinggil sa kabataan, alaala at kawalan.

Bảo Trương— Ancestral Master (Tổ sư) Bảo Trượng, the original master of the author’s teacher during the Second Republic of Vietnam (with permission of Chùa Xá Lợi, the author’s home pagoda and publisher of the photograph).

Sino si Nguyễn Văn Quảng?  Maging ang kagalang-galang na mangagamot ay hindi nakatitiyak. Isang sanggol siyang inabandona sa palengke ng Chợ Lách noong 1950.  Natagpuan ang kanyang mga magulang, wari’y mga Budistang may pakikipagtunggali sa mga Pranses, na binaril at pinaslang ilang panahon matapos matagpuan si Quảng sa ilalim ng isang poste ng bandila. Sa pagkawala ng magulang at marahil dahil sa trauma sa kanyang pagka-ulila, inisip ni Quảng na isang “Roe Tree” (cây trứng cá, Muntingia calabura) ang kanyang ina, habang ang nag-ampon na ama, isang mangagamot na mongheng nagngangalang Nguyễn Văn Thâu (1886-1983), ay siyang “pinakamakapangyarihang salamangkero sa Vietnam.”  Ang itinadhanang ugnayan ni Quảng kay Thâu ang nagpasya ng patutunguhan ng kanyang buhay. Mula sa gulang na siyam, iniwan niya ang Cái Mơn (Chợ Lách, Bến Tre), kungsaan siya pinalaki ng kanyang tiyahin na kahalili ni Thâu, para magsanay sa medikal at relihiyosong bokasyon ng amang nag-ampon sa kanya. Sa gayon, minana ni Quảng ang kapita-pitagang relihiyosong lipi. Si Thâu ay anak ni Nguyễn Văn Kỳ (1842–1946), na noong 1867 ay naglakbay patungong Seven Mountains upang mag-aral kasama ng unang henerasyon ng mga Budista na naiimpluwensyahan ng mga katuruang millenarian ni Đoàn Minh Huyên (1807–1856). Sa gayon, nagsimula si Kỳ sa kanyang relihiyosong pagsasanay kasabay ng panahon na sinimulan ng militanteng millenarian na si Venerable Commander (Đức Cố Quản) Trần Văn Thành (?–1973?), ang Bảy Thưa Uprising (1867–1873) at unang nagkaroon si Venerable Patriarch Master, Fifth Medium (Đức Bổn sư, Năm Thiếp) Ngô Lợi (1831–1890) ng kanyang mga unang bisyon ng tradisyong Tứ Ân Hiếu Nghĩa, na pormal niyang itatatag sa Ba Chúc (Tri Tôn, An Giang) matapos ang siyam na taon. Isa si Kỳ sa mga personahe sa pagtatatag ng huli, at nagsilbi siya bilang isang ông gánh o pinuno ng isa sa mga relihiyosong komunidad ng sekta.

Vạn Linh Pagoda on Forbidden Mountain (author’s collection, 2006)

Itinuluy-tuloy ni Quảng ang unang anim na taon ng kanyang pagsasanay sa erya ng Chợ Lách. Saglit siyang namalagi sa kanyang ama sa Bến Cát (Định Trung, Bến Tre).  Gayunman, sadyang isang amang laging wala si Thâu; ipiniit siya ng mga ahenteng Pranses halos kagyat matapos niyang ampunin si Quảng at, matapos nito ay kailangan niyang laging magpalipat-lipat ng lugar bilang isang manlalakbay na manggagamot at dahil sa mga paghihinala ng awtoridad. Kung kaya, ipinagkatiwala ni Thâu sa iba ang kalakhan ng pagsasanay ni Quảng. Nagsimulang matutunan ni Quảng sa isang kamag-anak sa Chợ Lách ang wikang Tsino, ang wika ng tradisyunal na pormulang medikal at mga sutra ng Budista, at nag-ensayo ng martial arts kasama ang isang tiyuhin. Noong 1862, lumipat si Quảng sa isang komunidad ng mga Tsino sa Cái Bè (Tiền Giang), kungsaan nanirahan siya sa isang templong Tsino para sa Diwata ng Karagatan (Mazu) at nag-aral sa kalapit na paaralan ng mga Tsino. Pagkalipas ng dalawang taon, binigyan ni Thâu si Quảng ng malupit na pagpapasinaya sa monastisismong Budista sa pamamagitan ng pag-aahit sa kanyang buhok, sa bagong-tatag na Kỳ Viên Vihāra in Chợ Lách para manirahan kasama ng mahihigpit na monghe ng Buddhist Mendicant Sect (Phật giáo Khất sĩ) na itinatag ni Minh Đăng Quang (Nguyễn Thành Đạt, 1923–1954?), na nagsanay bilang ermitanyo sa Seven Mountains, gayundin bilang pulubing Theravada sa Cambodia. 2

Noong 1965, sa gulang na labing-lima, sinimulan ni Quảng ang mahabang panahon ng pag-aaral sa Seven Mountains. Nanirahan siya sa Tam Bủu Temple sa Elephant Mountain (núi Tượng, Ba Chúc)Sa Elephant Mountain, nagkaroon si Quảng ng maraming pormal at di-pormal na guro: si Ông Chín na isang Tsinong instructor, acupuncturist, at herbalist na isa ring retiradong guro ng martial arts; isang eksperto sa mga agimat na Cambodian at invincibility practices (bùa gồng) na may palayaw na Tattoo; at isang misteryoso at pilyong salamangkero na kilala bilang si Ông Ba Chì o “Lead Lips.”  Matapos ang pagpanaw ng ông gánh ng Bửu Temple noong 1967, lumipat si Quảng sa An Sơn Temple sa kabilang bahagi ng Elephant Mountain, kungsaan nanirahan siya kasama ni Ông Năm, na dating kaklase ni Thâu sa ilalim ng instruksyon ng dating guro ng templo.

Parrot Mountain in the Seven Mountains (Author’s collection, 2006)

Naganap ang pinakamatinding pagsasanay ni Quảng sa Forbidden Mountain (núi Cấm, An Hảo, Tịnh Biên, An Giang).  Noong 1970, dinala roon ni Thâu si Quảng para makilala ang isang ermitanyong naninirahan sa kweba na tinatawag nilang Fourth Uncle. Tinuruan ni Fourth Uncle si Quảng hinggil sa longevity practices at shamanic travel, laluna yaong mistulang “embryonic breathing,” isang uri ng masturbatory inner alchemy na kaugnay sa Complete Perfection Daoism na naglalayong pagkaisahin ang mga enerhiyang yin (babae) at yang (lalaki) sa loob ng katawan hanggang mabuo ang “spirit embryo,” na maaaring ganap para maglakbay lampas sa pisikal na katawan. 3 Sa gayon, si Fourth Uncle ay dating (o hanggang sa kasalukuyan?) kasama sa uri ng mga nagpapraktika na inilarawan ni Đỗ Thiện bilang “Daoists mula sa bundok.” 4

Makalipas ang tatlong taon, lumabas si Quảng mula sa Forbidden Mountain bilang isang gurong Budista. Sa gulang na dalawampu’t-apat, naging punong monghe siya ng Quốc Thới Temple (Long Thới, Chợ Lách) na malapit sa kanyang kinalakhang tahanan, kungsaan namuno siya mula 1974 hanggang 1977. Dito, nasaksihan niya ang pagsakop ng mga komunista sa timog, isang karanasan na labis niyang ikinagulat nang malaman na apat sa kanyang sampung disipulo pala ay mga ahente ng komunista. Habang pinag-iisipan niyang umatras sa Seven Mountains, dumating si Quảng sa Ba Chúc at sinalubong pa ng higit na trahedya; nilipol ng pananakop ng Khmer Rouge noong 1978 ang mga pinakamamahal niyang komunidad sa paligid ng Elephant Mountain. Matapos nito, nakahon siya sa nakakalimita at nagmomodernisang establisimyentong medikal, una ay sa isang klinika sa Chợ Lách at pagkatapos ay sa isang kampong militar sa Cử Chi, kungsaan lubhang nasugatan si Quảng dahil sa isang napabayaang landmine. Gayunman, hindi puro paghihirap ang buhay ni Quảng pagkatapos ng digmaan. Noong 1981, nakilala niya si Mai (1961–hanggang kasalukuyan), na pinakasalan niya pagkalipas ng isang taon. Noong 1985, matapos mamayapa ng kanyang tiyahin at amang nag-ampon sa kaniya, nagplano si Quảng na tumakas mula sa Vietnam. Tumakas siya sa pamamagitan ng isang bangka patungong Thailand noong 1987.

Tây An Pagoda at the foot of Sam Mountain in the Seven Mountains (Author’s collection, 2006).

Maraming itinuturo sa atin ang kwentong buhay ni Quảng tungkol sa kung ano ang kahulugan ng pagiging “Budista” sa Mekong Delta.  Bagaman paulit-ulit na inilalarawan ni Quảng ang Tứ Ân Hiếu Nghĩa bilang “aking relihiyon,” walang pagtatangi na lumahok siya sa iba pang mga tradisyon, kasama na yaong sa mga Budistang pulubi, sa Diwata ng dagat ng mga Tsino, sa ermitanyong Daoist, gayundin ng mga eksperto sa agimat, mga bumubuhay ng patay, at mga herbal sorcerers, nang walang malinaw na apilasyon. Sadyang may mga hindi pagkakasundo ang kanyang mga guro. Halimbawa, sa pananaw ni Ông Năm ay walang batayan at pansariling kapritso lamang ang mga turo ni Fourth Uncle. Gayunman, sa kabuuan ay hindi sektaryan ang karanasan ni Quảng kung kaya’t nagawa niyang makapagsuot ng dilaw na roba bilang punong monghe ng pangunahing templo kahit sa ilalim ng paghahari ng mga komunista. Sa isa pang pangyayari, nagkasakit sina Quảng at Thâu dahil sa isang sumpa, bumaling ang mga manggagamot sa tulong ng isang babaeng espiritista para gumaling. Nakita rin nating maaari at inaasahang mag-asawa ang mga monghe, gaya nang ilang beses na nag-alok ng kasal si Quảng bilang punong monghe ng Quốc Thới Temple. Sa huli, para sa mga manlalakbay gaya ni Quảng, isang kumikilos na tradisyon ang Budismo na nangangailangan ng paglalakbay sa delta para hanapin ang kaganapang panrelihiyon habang pinalalaya ang tao sa sakit at pagdurusa.

Dagdag pa, ang kwento ni Quảng ay nagbigay sa atin ng perspektiba sa mga mamamayan ng mga relihiyosong komunidad sa Timog Vietnam. Naidokumento ni Shawn McHale ang mga etnikong bitak na lumitaw sa mga taon tungong kapanganakan ni Quảng. 5 Gayunman, nakita natin sa talambuhay ni Quảng na madalas nawawala ang mga etnikong tensiyon na ito sa lokal at personal na antas. Namuhay si Quảng kasama ng mga Tsino sa panahon ng kanyang kabataan, at marami sa kanyang komunidad sa Elephant Mountain ay mga etnikong Khmer. Tunay nga, ang ang sariling identidad ang unang iniiwan kung “lalayo mula sa tahanan” upang maging manlalakbay na monghe. Ito ang isang bagay na napansin ni Đỗ Thiện sa paglalakbay ng kanyang lolo noong 1938 patungong Seven Mountains, kungsaan natuto siya mula sa isang etnikong Thai na matatas sa mahikang Vietnamese at Khmer. 6 Gaya rin, naaalala ng sarili kong guro hinggil sa Budismo ng Seven Mountains na sa kanyang palagay, ang kanyang manlalakbay na guro ay isang Khmer batay sa kanyang anyo, subalit hindi niya matiyak dahil matatas ang guro sa iba’t-ibang wika.

Tam Bửu Pagoda on Elephant Mountain in the Seven Mountains (author’s collection, 2006)

Sa huli, si Fourth Uncle ay isang leksyon sa alaala. Lumaki akong nakikinig sa mga nakalipas na kwento hinggil sa aking lolo, na gaya ni Quảng ay isang manlalakbay na manggagamot at naglakbay sa Seven Mountains. Kabilang sa mga ito ay mistulang mga hindi kapani-paniwalang kwento tungkol sa kanyang “Blood Artemisia” (huyết ngải), isang mala-agimat na halaman na kayang lumamon ng buong manok. Napansin ko noon na may gayun ring alaala si Quảng hinggil sa isang ermitanyo sa gubat na si “Lead Lips” na nag-aalaga ng gayun ring misteryosong halaman.  Gaya ng ipinakikita sa atin ni Quảng, para sa kapwa mga manggagamot na gumagamit ng halaman at mga albularyo, may kaluluwa ang mga halamang-gubat. Tunay nga, may espesyal na lugar ang kagubatan sa mga alaala ng Vietnam sa panahon ng digmaan. Pinaka-nadarama ang pagkukuwento ni Quang sa kanyang pag-uugnay ng mahiwagang kagubatan at pagkabata. Taliwas sa nakakahilakbot na “Wilderness that Beckons Souls” (truông Gọi Hồn), 7 ni Bảo Ninh’s, ang Seven Mountains sa alaala ni Quảng ay palaruan ng pagkabata. Gaya nang ipinaaalala sa atin ni Olga Dror sa Making Two Vietnams (2018), matatag ang mga kabataan.  Hindi nawawalan ng kababalaghan at mahika ang pagkabata. Gayunman sa huli, gaanuman ihayag ni Quảng ang kanyang hangarin na umatras sa mayungib na sinapupunan ng kabundukan, nahiwalay na siya sa nakalipas at hindi na ito maibabalik. Nasaksihan niya ang kalunus-lunos na pagbura sa kanyang mahiwagang mundo. Sa marahil ay pinakapayak at nakakawasak niyang pag-alaala, isinalaysay ni Quảng sa isang payak na pangungusap ang iglap na pagpaslang ng Khmer Rouge kapwa sa kanyang unang pag-ibig at kay Grenade, na dahil sa kanyang invincibility magic na hindi tinatagos ng bala ay pinaniwalaan bilang “pinakamakapangyarihang salamangkero.”

Habang lumalayo si Quảng ng Vietnam lulan ng isang bangka, dinalaw siya ng isang hubad ang dibdib na nimpa ng katubigan, na umakit sa kanya patungo sa kalaliman ng nag-aalimpuyong tubig.  Gaya ng bida ni Bảo Ninh na si Kiên, na nakaranas ng mga aparisyon ni Phương, ang kanyang iniibig, na sa sukal ng alaala ay ni multo ni babae, gayundin ng dismayadong tauhan ni Nguyễn Huy Thiệp na si Chương, na lumangoy nang walang saplot at walang direksyon palapit sa anak na babae ng isang diwata ng ilog (na kataka-takang Phương rin ang ngalan), 8 ipinagtapat sa atin ni Quảng ang kanyang mga pakikibaka nang may pangarap, pag-asa at pagkatalo. Itinuro niya sa atin na hindi na maibabalik ang hiwaga ng kabataan habang nananatiling buhay naman ito sa alaala. Sa pamamagitan ng kanyang talambuhay, malinaw na ipinarating sa atin ni Quảng ang masiglang hiwaga ng Seven Mountains at ipinapasa ito sa mga mausisang isip ng mga susunod na henerasyon.   

Quảng Huyền
VinUniversity, Hanoi

Reference

Bảo Ninh. Nỗi buồn chiến tranh. Thành phố Hồ Chí Minh: NXB Trẻ, 2011.

Đỗ, Thiện. “Daoists from the Mountain.” Vietnamese Supernaturalism: Views from the Southern Region, chapter five. London: RoutledgeCurzon, 2003.

Dror, Olga. Making Two Vietnams: War and Youth Identities, 1965-1975. Cambridge: Cambridge University Press, 2018.

Ho Tai, Hue-Tam. Millenarianism and Peasant Politics in Vietnam. Cambridge, MA: Harvard University Press, 1983.

Komjathy, Louis. Cultivating Perfection: Mysticism and Self-Transformation in Early Quanzhen Daoism. Leiden: Brill, 2007.

McHale, Shawn Frederick. The First Vietnam War: Violence, Sovereignty, and the Fracture of the South, 1945–1956. Cambridge: Cambridge University Press, 2021.

Nguyễn Huy Thiệp, “Con gái Thu thần.” In Tuyển tập Nguyễn Huy Thiệp: truyện ngắn, edited by Anh Trúc, 102–148. Hà Nội: NXB Phụ nữ, 2001.

Thích Giác Toàn, ed. Buddhist Mendicancy Tradition of Vietnam. Ho Chi Minh City: Minh Đăng Quang Dharma Institute, 2017.

Notes:

  1. Today, Nguyễn Văn Quảng lives and practices Vietnamese traditional healing in Brattleboro, Vermont.
  2. Thích Giác Toàn, ed., Buddhist Mendicancy Tradition of Vietnam (Ho Chi Minh City: Minh Đăng Quang Dharma Institute, 2017).
  3. Louis Komjathy, Cultivating Perfection: Mysticism and Self-Transformation in Early Quanzhen Daoism (Leiden: Brill, 2007), passim.
  4. Thiện Đỗ, “Daoists from the Mountain,” chapter five of Vietnamese Supernaturalism: Views from the Southern Region (London: RoutledgeCurzon, 2003), 165–206.
  5. Shawn Frederick McHale, The First Vietnam War: Violence, Sovereignty, and the Fracture of the South, 1945–1956 (Cambridge: Cambridge University Press, 2021), 94–105.
  6. Thiện Đỗ, “Daoists from the Mountain,” 180.
  7. Bảo Ninh, Nỗi buồn chiến tranh (Tp Hồ Chí Minh: NXB Trẻ, 2011).
  8. Nguyễn Huy Thiệp, “Con gái Thủy thần,” in Tuyển Tập Nguyễn Huy Thiệp: Truyện Ngắn, ed. Anh Trúc. (Hà Nội: NXB Phụ nữ, 2001), 106–108.