Ang Paggamit sa Awtoritaryanismong Digital sa Pilipinas Bilang Sandata sa Panahon ng COVID-19

Celito Arlegue

Ang Timog-Silangang Asya, isang rehiyon na kilala sa malupit na pagtugon sa nakaraang mga krisis, ay binigyan ng pandemyang COVID-19 ng “oportunidad para magpasa ng mga pangkagipitan at pansamantalang batas, suspendihin ang mga demokratikong aktibidad, supilin ang kritisismong politikal, at simulan ang paggamit ng mga mapanghimasok na apps para sa pagsubaybay sa pagkilos at pagkalap ng datos.”[1] Sa halip na gawing prayoridad ang karapatang pantao sa kanilang tugon sa pandemya, maraming mga pamahalaan sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya ang gumamit sa krisis pangkalusugan para palakasin ang kanilang paghawak sa kapangyarihan at maglunsad ng crack-down sa politikal na pagtutol.

Higit dalawang taon mula nang magsimula ang pandemyang COVID-19, naging malinaw na, sa kamay ng mga etno-nasyunalista, populista, at awtokrata, maaaring gamitin ang krisis pangkalusugan bilang “dahilan para magpatibay ng mapanupil na mga hakbangin para sa mga layuning walang kaugnayan sa pandemya.”[2]

“Tales of Future Cities” Lea Zeitoun @the.editing.series Instagram

Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa rehiyon kungsaan maaaring ilarawan ang tugon sa COVID-19 bilang “lubhang militarisado.”[iii] Nagpatupad ito ng maituturing na pinakamahigpit na lock-down sa Timog-Silangang Asya, subalit taglay pa rin ng bansa ang isa sa pinakamataas na tantos ng impeksyon at pagkamatay kaugnay ng COVID-19.  Noong Marso 2022, nasa ika-26 na pwesto ang bansa sa usapin ng impeksyon[iv] at ika-21 sa usapin ng pagkamatay kaugnay ng COVID-19.[v] Bilang resulta ng mahigpit na lock-down at kabiguang mapamahalaan ang paglaganap ng virus, kumitid ang ekonomiya ng 9.5% noong 2020,[vi] pinakamalala mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinakakulelat sa lahat ng mga kasaping estado ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).[vii] Maliban pa sa epekto sa ekonomiya, nagresulta ang “toxic lock-down culture” na ipinatupad ng pamahalaan na lubhang militaristang tugon, na nagturing sa COVID-19 bilang usapin ng kapayapaan at kaayusan sa halip na bilang isang krisis pangkalusugan. Ginamit rin ang pamahalaan ng internet at social media bilang daan para ipagtanggol ang mga inisyatiba ng pamahalaan at lunurin rin ang mga pagtutol, na lumikha ng mabuway na kapaligiran na nakapinsala sa paggalang sa karapatang pantao.

Layunin ng artikulong ito na ipaliwanag ang pag-uugnayan sa pagitan ng militarisadong tugon ng Pilipinas sa COVID-19, awtoritaryanismong digital sa bansa, at mga paglabag sa karapatang pantao. Partikular, inaasam nitong sagutin ang katanungang: Hanggang saan nakapag-ambag sa paglabag sa karapatang pantao ang militarisadong tugon ng Pilipinas na inaayudahan ng awtoritaryanismong digital sa panahon ng pandemyang COVID-19?”

Philippines: Manila Ninoy Aquino Stadium quarantine facility at Rizal Memorial Sports Complex. Wikipedia Commons

Militarisadong Tugon ni Duterte sa COVID-19

Mula simula, ibinalangkas ng pamahalaan ang krisis ng COVID-19 bilang isang tipo ng giyera, kung kaya napagmukhang katanggap-tanggap ang imposisyon ng mala-batas militar na mga kondisyon at banta ng malulupit na kaparusahan.[viii] Sa isa sa kanyang mga talumpating pampubliko, inatasan pa ng pangulo ang militar at kapulisan na magpatupad ng patakarang zero-tolerance at nagbabala sa mga lumalabag na maaari silang barilin kung mahuling sumusuway sa mga regulasyong COVID-19.  Hindi na dapat makabigla ang gayong tugon sa krisis pangkalusugan lalupa’t pinamumunuan ng mga tauhang militar at mga retiradong opisyales ng pulisya ang task force para sa COVID-19.[ix]  Habang walang gaanong maipakikitang positibong resulta ang militarisadong tugon, ipinagtanggol ng administrasyong Duterte ang gayung aksyon sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang paboritong sandata – ang awtoritaryanismong digital.

Sa mga unang buwan ng pandemya, isinabatas ng Pilipinas ang Republic Act 11469 o ang ‘Bayanihan to Heal as One Act’. Laman ng batas na ito ang mga kontrobersyal na probisyon sa kriminalisasyon ng fake news. Isinasaad ng probisyon na ang indibidwal na nagpapalaganap ng misimpormasyon na “walang balido o kapaki-pakinabang na epekto sa populasyon, at malinaw na nakatuon sa pagpapalaganap ng pagkataranta, kaguluhan, anarkiya, takot at kalituhan ay ikukulong ng hanggang dalawang buwan o pagmumultahin ng hanggang isang milyong piso” (tinatayang US$ 20,000.00).

Pinuna ni Talamayan na mistulang kinokontrol ng pamahalaan ang impormasyon kaugnay ng COVID-19 para ikubli ang mga kakulangan ng mga hakbangin nito kaugnay ng pandemya. [x] Sinuhayan ito ng Rappler, na nagsabing ginamit ng administrasyong Duterte ang social media para itulak ang naratibo na mahusay ang Pilipinas sa ginagawa nitong tugon sa COVID-19. Pinansin nitong: “Sa online, gumawa ng mga hindi makatotohanang pahayag ang mga gumagamit ng social media na pinupuri o kinikilala si Duterte ng kunwa’y mga dayuhang personalidad at publikasyon para sa kanyang pamumuno sa pagtugon sa pandemya. Ang mga pahayag na ito ay pawang mga inimbento o binaluktot.” [xi] Pinansin ni Conde na ginamit ng pambansa at mga lokal na pamahalaan ng Pilipinas ang kanilang awtoridad, sa tulong ng pangkagipitang batas para sa COVID-19, para atakehin ang mga kritiko, sa pagdadahilang tinutugis lamang nila ang mga ‘naglalako ng mga maling impormasyon kaugnay ng COVID-19’.[xii] Sa katunayan, naging madaling target para sa mga awtoridad ang yaong mga itinuturing na kalaban ng rehimen.

Nitong mga huling taon, naging karaniwan na sa mga politiko at kandidato sa Pilipinas ang magmantine ng malawak na binabayarang troll armies para siraan ang kanilang kalaban at iangat ang kanilang mga sarili.[xiii] Pwede ring sabihin na ang pag-angat ni Duterte sa kapangyarihan ay maaaring kagagawan ng awtoritaryanismong digital, salamat sa Strategic Communications Laboratories, ang kumpanyang pinagmulan ng kahiya-hiyang kumpanya para sa political consultancy na Cambridge Analytica. [xiv]

Ayon kay Nic Gabunada, dating ehekutibo sa advertising, dahil walang pondo si Duterte para sa mga pampolitikang anunsyo sa mainstream media, nagpasya ang kanyang pangkat sa kampanya na “gamitin ang mga social media group.”[xv]  Nanatiling buo ang mga grupong ito, at lumawak pa, matapos maging pangulo si Dterte. Karaniwang nang ginagamit ang mga ito para siraan ang mga kritiko ng presidente, kasama na si Pangalawang Pangulo Leni Robredo, Senador Leila de Lima, at CEO ng Rapple at 2021 Nobel Laureate, Maria Ressa. Sinabi ng isang pag-aaral ng University of Oxford noong 2017 na tinatayang PhP 10milyon ($ 200,000.00) ang ginamit para magpakalat ng propaganda para suportahan si Pangulong Duterte at targetin ang kanyang mga kritiko. Dagdag pa ng pag-aaral na binubuo ang makinaryang online ni Duterte ng kanyang pampulitikang partido, ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, kanyang tagapamalaha ng social media na si Gabunada, mga grupong boluntir, at mga bayarang mersenaryo sa cyber.[xvi]

Noong 2021, labindalawang senador ang nanawagan para imbestigahan ang mga alegasyon na ginamit ang pondong publiko para magmantine ng operasyon ng troll farms. Ito ay matapos sabihin ng isang senador na “isang under-secretary ng pamahalaan ang nag-oorganisa ng troll farms sa internet sa buong bansa para targetin ang mga karibal sa politika o yaong mga hindi kapanalig ng administrasyon ni Pangulong Duterte.” Dagdag pa, naudyukan ang imbestigasyon nang ibigay ng Department of Finance ang isang kontrata sa consultancy para sa estratehiya sa komunikasyon na nagkakahalaga ng PhP 909,122 (USD 18,000.00) sa isang propesyunal sa relasyong publiko na tinukoy ng Facebook bilang siyang “operator sa likod ng mga pekeng account na maka-Duterte na tinanggal ng Facebook noong Marso 2019”.[xvii]

Ipinakikita ng mga insidenteng ito na ang manipulasyon ng social media ay siyang modus operandi ng administrasyong Duterte. Dahil dito, hindi na nakakagulat ang pag-veto kamakailan ni Pangulong Duterte sa panukalang batas sa SIM card (Abril 2022), na nagtatakda sa mga indibidwal na gamitin ang kanilang tunay na pangalan sa pagpaparehistro ng kanilang SIM card, dahil sa posibleng maging epekto nito sa operasyon ng mga troll farm.[xviii]

City checkpoint at Maasin City, Southern Leyte, The Philippines, 2020. Photo: Pascal Canning, Shutterstock

Epekto sa Karapatang Pantao

Tumungo ang lubhang militarisadong tugon ng administrasyong Duterte sa pag-aresto sa tinatayang 120,000 na lumabag sa mga patakaran sa quarantine noong mga unang buwan ng pandemya.[xix] Maraming ulat rin ang nailathala kaugnay ng pag-abuso sa kanilang awtoridad ng mga militar at kapulisan na nagbabantay sa mga checkpoint at nagpapatupad ng mga patakaran sa quarantine. Naiulat na pinarusahan ang ilang detinado sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa mga kulungan ng aso, kabaong, at pagbibilad sa kanila sa init ng araw.[xx] Maraming detinado rin ang pangkat-pangkat na ikinulong sa mga selda at sa mga lugar kungsaan higit ang panganib ng pagkalat ng virus.

Dagdag pa sa lock-down ng COVID-19, nag-ibayo rin ang ‘giyera kontra droga’ ni Pangulong Duterte sa panahong ito. Sa ulat ng Human Rights Watch para sa taong 2021, nakasaad na dumami ang pamamaslang nang 50 porsyento sa panahon ng pandemya. Napuna rin ng Office of the High Commissioner for Human Rights (OHCHR) na hindi huminto ang mga “taktikang intimidasyon ng militar”, partikular yaong nakatuon sa mga aktibistang panlipunan, sa panahon ng lock-down ng COVID-19.[xxi]

Konklusyon

Nais kong ikatwiran na ang militarisadong tugon na ginamit ng pamahalaan ng Pilipinas ay maaaring dulot sa kalakhan ng kabiguan nitong mamahala sa pagkalat ng COVID-19. Sinusuhayan ng awtoritaryanismong digital, nagresulta rin ang ganitong tipo ng tugon sa maraming pangyayari ng paglabag sa karapatang pantao sa kasagsagan ng pandemyang COVID-19. Sa pangkalahatan, nakita sa mga nakalipas na huling taon sa Pilipinas ang maraming pangyayari kaugnay ng awtoritaryanismong digital at dapat itong maging dahilan ng pagkabahala. Nakita sa panahon ng COVID-19 ang paggamit bilang sandata sa mga dati nang umiiral na banta sa demokrasya at karapatang pantao sa Pilipinas.

Celito Arlegue
Si Celito Arlegue ay ang executive director ng Council of Asian Liberals and Democrats (CALD), isang rehiyunal na network ng mga partidong politikal sa Asya. Sa kasalukuyan, nagsisilbi rin siya bilang lecturer sa School of Diplomacy and Governance, De La Salle – College of St. Benilde sa Maynila, Pilipinas.

Banner: A woman wearing a face mask with a message of ousting the Philippine President Rodrigo Duterte in a protest on the 34th Anniversary of Mendiola Massacre in Mendiola, Manila on January 22, 2021. Kel Malazarte, Shutterstock

Notes –

[1]    Asia Centre, COVID-19 and democracy in Southeast Asia, last modified 4 December 2020, https://asiacentre.org/covid-19_and_democracy_in_southeast_asia/

[2]    Antonio Guterres, We are all in this together: Human rights and COVID-19 response and recovery, last modified 23 April 2020, https://www.un.org/en/un-coronavirus-communications-team/we-are-all-together-human-rights-and-covid-19-response-and

[iii]    Michelle Bachelet, Exceptional measures should not be cover for human rights abuses and violations – Bachelet,  last modified 27 April 2020, https://www.ohchr.org/EN/NewsEvents/Pages/DisplayNews.aspx?NewsID=25828&LangID=E

[iv]   Statista, Number of novel coronavirus (COVID-19) cases worldwide by country, accessed 15 March 2022, https://www.statista.com/statistics/1043366/novel-coronavirus-2019ncov-cases-worldwide-by-country/

[v]   Statista, Number of novel coronavirus (COVID-19) deaths worldwide by country, accessed 15 March 2022,  https://www.statista.com/statistics/1093256/novel-coronavirus-2019ncov-deaths-worldwide-by-country/

[vi]    Beatrice Laforga, Philippines GDP shrinks by record 9.5% in 2020, Business World, 29 January 2021, https://www.bworldonline.com/philippine-gdp-shrinks-by-record-9-5-in-2020/

[vii]   Philippines to be Southeast Asia’s worst performer this year, Business World, 11 December 2020,  https://www.bworldonline.com/philippines-to-be-se-asias-worst-performer-this-year/

[viii]   Karl Hapal, The Philippines’ COVID-19 response: Securitizing the pandemic and disciplining the pasaway, Journal of Current Southeast Asian Affairs, last modified 18 March 2021, https://doi.org/10.1177/1868103421994261

[ix]    Defense Secretary Delfin Lorenzana chairs the National Task Force against COVID-19, while retired Armed Forces of the Philippines (AFP) general Carlito Galvez Jr. was named as the chief implementer of the government’s pandemic response. Another retired AFP general, Interior Secretary Rodolfo Ano, serves as vice chairperson of the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IARF-EID). In that capacity, he recommended then Chief of the PNP Directorial Staff to lead the Joint Task Force COVID Shield, which aims to enforce IATF-EID protocols by coordinating police forces. See  Simon Levien, Meet the generals leading COVID response in Indonesia and the Philippines, Rappler, last modified 25 August 2020, https://www.rappler.com/newsbreak/iq/meet-generals-leading-covid-response-philippines-indonesia/

[x]  Fernan Talamayan, Statistical (in)capacity and government (in)decisions: The Philippines in the time of COVID-19, Conflict, Justice, Decolonization: Critical Studies of Inter-Asian Societies (2020), last modified 23 March 2021, https://papers.ssrn.com/sol3/papers.cfm?abstract_id=3808937

[xi]  12 times social media boosted Duterte’s lies, Rappler, last modified 2 July 2021, https://www.rappler.com/newsbreak/iq/times-social-media-boosted-rodrigo-duterte-lies-false-statement/

[xii]  Carlos Conde, Killings in the Philippines up 50% during the pandemic, last modified 8 September 2020,  https://www.hrw.org/news/2020/09/08/killings-philippines-50-percent-during-pandemic

[xiii]  Shashank Bengali, S. and Evan Halper, Troll armies, a growth industry in the Philippines, may soon be coming to an election near you, Los Angeles Times, last modified 19 November 2019, https://www.latimes.com/politics/story/2019-11-19/troll-armies-routine-in-philippine-politics-coming-here-next

[xiv]  Raissa Robles, How Cambridge Analytica’s parent company helped ‘man of action’ Rodrigo Duterte win the Philippine election, South China Morning Post, last modified 4 April 2018, https://www.scmp.com/news/asia/southeast-asia/article/2140303/how-cambridge-analyticas-parent-company-helped-man-action

[xv]  Trolls and triumph: a digital battle in the Philippines, BBC News, last modified 7 December 2016, https://www.bbc.com/news/blogs-trending-38173842

[xvi]  Mikas Matsuzawa, Duterte camp spent $200,000 for troll army, Oxford study finds, Philippine Star, last modified 24 July 2017, https://www.philstar.com/headlines/2017/07/24/1721044/duterte-camp-spent-200000-troll-army-oxford-study-finds

[xvii]  12 senators seek investigation into troll farms, Philippine Senate, last modified 12 July 2021, https://legacy.senate.gov.ph/press_release/2021/0712_pangilinan2.asp

[xviii]    President Duterte justified his veto by citing concerns on free speech and data privacy. Those who support the SIM card registration provision said that it is meant to prevent disinformation, trolling and other communication-aided criminal activities.

[xix]   Michelle Bachelet, Exceptional measures should not be cover for human rights abuses and violations – Bachelet,  last modified 27 April 2020, https://www.ohchr.org/EN/NewsEvents/Pages/DisplayNews.aspx?NewsID=25828&LangID=E

[xx]   World Report 2021, Human Rights Watch (2021), https://www.hrw.org/sites/default/files/media_2021/01/2021_hrw_world_report.pdf

[xxi]   Freedom in the world 2021: Democracy under siege, Freedom House (2021), https://freedomhouse.org/report/freedom-world/2021/democracy-under-siege