Ang Pandemyang COVID-19 at ang Ebolusyon ng Awtoritaryanismong Digital sa Indonesia

Damar Juniarto

Kamakailan, ipinakita ng mga ulat ng Freedom House[i], IDEA[ii], at ng Reporters Without Borders[iii] na may suliranin sa kumikitid na espasyong sibiko sa loob ng larangang digital ng Indonesia. Umaayon rin ang mga ulat na ito sa pambansang ulat ng Indonesian National Human Rights Institution at sa arawang sarbey para sa taong 2022 ng Kompas na nagpakitang 36 porsyento ng mga Indonesian ang hindi kumpyansang maghayag ng kanilang opinyon sa social media.[iv]

Table 1. Pag-urong ng demokrasya sa Indonesia mula 2016
Data source: The Economist Intelligence Unit, 2021

May 204.7 milyon na gumagamit ng internet (Enero 2022), o tinatayang hindi bababa sa 73.7 porsyento ng kabuuang populasyon,[v] tuluy-tuloy na higit na nagiging awtoritaryan ang Indonesia sapul nang magsimula ang pandemyang Covid19. Ginagamit ng pamahalaan ang mga terminong gaya ng “pagbabantay sa pambansang seguridad” at “paglikha ng istabilidad” para bigyang-katwiran ang pagpapatupad ng mga bago at represibong batas para sa larangang digital ng bansa.[vi] Ayon sa ulat ng SAFEnet para sa taong 2020, nakaranas ang Indonesia ng mga nakakabahalang kaganapan sa tatlong larangan kaugnay ng awtoritaryanismong digital: paniniktik, pagsesensura at panunupil, at pagsasara ng internet.

Paniniktik ng estado sa larangang digital

Matapos magsimula ang pandemya sa Indonesia noong Marso 2020, inatasan ni Pangulong Jokowi ang mga intelligence agencies ng estado na mahigpit na panatilihin ang pampublikong kaayusan. Kasabay nito, ipinagpatuloy ng Pangulo at kanyang pamahalaan ang pagtataguyod ng turismo sa bansa, at sinasabing ligtas bumisita sa Indonesia, at na hindi lalaganap ang Corona virus sa bansa dahil sa klimang tropikal nito. Matapos ang isang buwan, nagsimula ang pulisya na aktibong kontrolin ang naratibo kaugnay ng pandemya, partikular sa social media. Binigyan ng Police Order No. ST/1100/IV/HUK.7.1.2020, na may petsang Abril 4, 2020, ang kapulisan ng kapangyarihang pangkagipitan para magsagawa ng ‘cyber patrols’ at subaybayan ang mga talakayan online, target ang: mga inaakusahang nagpapalaganap ng misimpormasyon kaugnay ng COVID-19, o tugon ng pamahalaan sa pandemya, o kahit puna sa pangulo at mga opisyales ng pamahalaan na namamahala sa krisis. Inilabas ang isa pang kautusan noong Oktubre 2, 2020, na may atas na magbigay ng mga kontra-naratibo at salungatin ang mga protesta o kampanyang digital na isinasagawa ng mga grupong civil society laban sa Job Creation Law sa huling bahagi ng taong 2020.

Pinasinayaan ang birtwal na pulisya noong Pebrero 2021. Binigyan ang bagong yunit na ito ng kapangyarihan para magpadala ng alertong birtwal sa mga netizen bilang babala bago sila arestuhin. Naglalaman ang birtwal na alerto ng babala at utos na burahin ang alinmang post na naiulat sa pulisya. Sa pagitan ng Pebrero 23 hanggang Marso 11, 2021, nagpadala ang birtwal na pulisya ng 125 na alertong birtwal at nagkulong ng 3 katao. Dahil sa pagsulpot ng birtwal na pulisya, naging higit na malaganap ang sariling pagsesensura sa Indonesia. Kapag naiulat ang isang tao dahil sa hindi nararapat na paghahayag, kaagad silang uutusan ng pulisya na burahin ang post na iyon. Lumikha ito ng klima ng takot hinggil sa larangang digital ng bansa.

Surabaya-Indonesia, October 15, 2021: a girl in a medical mask is scanning the barcode of a “peduliLindungi” application with her smartphone when she enters the mall. Photo: Andri wahyudi, Shutterstock

Sa gitna ng pandemyang Covid-19, inilabas ng Ministry of Communication and Information Technology (MCIT) at ng Ministry of State-Owned Enterprises (MSOE) ng Indonesia noong katapusan ng Marso 2020  ang isang contact tracing app na may pangalan na PeduliLindungi para matunton ang pagkalantad sa COVID-19. Sa inilabas ng DigitalReach[vii] at CitizenLab[viii] na audit sa privacy, nakitang kaya ng PeduliLindungi Version 2.2.2. (kapag gumagamit ng Bluetooth) na magpadala ng impormasyon ng WIFI, MAC address, at lokal na IP address ng mga gumagamit nito. Sa kabuuan, binigyan ng app ang awtoridad ng mataas na antas ng impormasyon hinggil sa paggalaw ng isang tao. Bagaman may inilabas na iba pang bersyon ng PeduliLindungi kalaunan, may mga usapin pa rin ito kaugnay ng proteksyon ng datos ng mga gumagamit. Sinuri rin nang maigi kalaunan ang iba pang app na inilabas ng pamahalaan kaugnay ng contact tracing dahil sa gawain nito sa pangongolekta ng datos.

Panunupil at pagsensura sa larangang digital

Ang umiiral na batas sa Indonesia kaugnay ng internet (EIT Law) ay naging sandata na malimit na ginagamit para patahimikin ang mga tumutuligsa sa mga patakaran ng pamahalaan, bagaman malaganap na ginagamit rin ito ng iba pang mga grupo, gaya ng mga politiko at negosyante. Hindi lamang nakatuon ang batas na ito sa mga indibidwal na kritiko kundi laban rin sa mga aktibista ng karapatang pantao at mga mamamahayag, laluna ang mga peryodista na nag-iimbestiga sa epekto ng kaunlaran sa kapaligiran.

Lumikha ng oportunidad ang pandemyang Covid-19 para sa mga tagapagpatupad ng batas, na gumamit sa kalagayang pangkagipitan para sikilin ang pagpapahayag sa larangang digital sa pamamagitan ng paggamit sa batas na EIT at mga kahalintulad na regulasyon. Gamit ang mabalasik na batas na ito, inusig ang mga aktibistang gumagamit sa kanilang mga account sa social media para magprotesta, gamit ang mga batas kaugnay ng paggamit ng wika ng pagkamuhi at paninirang-puri online, at maging pagtataksil sa bayan gaya nang sa kaso ng mga aktibistang Papuan.

Inihayag ng Indonesia National Human Rights Commission (Komnas HAM) na sa taong 2020-2021, karamihan sa mga kaso ng paglabag sa kalayaan sa pamamahayag ay naganap sa larangang digital.[ix] Sa panahon ng Covid19, nakatanggap ang Komnas HAM ng maraming ulat ng pag-hack laban sa mga kritiko mula sa midya at organisasyong civil society. Isang halimbawa nito ay ang pag-atake sa outlet sa online news na Tirto.id, na na-hack ng di kilalang aktor sa cyberspace, na kalaunan ay nagbura ng mga nalathalang balita, partikular ang mga sulatin na tumutuligsa sa panglunas sa Covid19 na nilikha ng mga ahensya ng pamahalaang Indonesian.

Table 2. Bilang ng insidente hinggil sa seguridad sa digital sa Indonesia: 2020–2021
Data Source: SAFEnet Digital Rights Situation Report: 2020-2021

Batay sa mga ulat, naging malaganap sa Indonesia mula 2020 ang pang-aaping teknolohikal sa porma ng mga atakeng cyber. Ayon sa ulat ng SAFEnet hinggil sa kalagayan ng karapatang digital para sa taong 2020, hindi bababa sa 147 atakeng cyber ang naganap noong 2020, kungsaan 41 insidente ang naganap sa buwan ng Oktubre lamang. Malaking pagtaas ito kumpara sa 8 insidente kada buwan sa mga nakalipas na taon.[x] Halos lahat ng mga atakeng digital ay may kaugnayan sa mga partidong tumuligsa sa mga patakaran ng pamahalaan hinggil sa iba’t-ibang usapin na nabanggit sa itaas.  Noong 2021, tumaas sa kabuuang 193 ang bilang ng atakeng digital, na may karaniwang bilang na 16 kada buwan.[xi]

Mga pagsasara ng internet

Ipinaliwanag ng AccessNow ang pagsasara ng internet bilang isang sinasadyang paggambala sa internet, o elektronikong komunikasyon, para hindi ito ma-akses o magamit ng isang partikular na populasyon o sa isang lugar, kalimitan para magpataw ng kontrol sa daloy ng impormasyon.[xii] Samantala, binibigyang-kahulugan naman ng OONI (Open Observatory of Network Intervention) ang sensurang online gaya ng pagharang sa mga app o pagharang sa mga partikular na website bilang isang porma ng pagsasara o bahagyang pagsasara ng internet.

Noong Agosto 2019, nagpakita ng mga tendensiyang awtoritaryan ang administrasyong Jokowi sa naging tugon nito sa mga kaguluhan sa probinsya ng Papua. Hindi lamang mga mapanupil na hakbangin ang ginamit sa mga pwersang panseguridad, kundi nagpasya rin ang administrasyong Jokowi na magpatupad ng ganap na pagsasara ng internet para suportahan ang pananawata ng militar nito. Ito ang unang pagkakataon na nagpatupad ang pamahalaang Indonesian ng ganap na pagsasara ng internet: isinara ng pamahalaan ang internet sa Papua sa loob ng 338 oras, simula sa pagpapabagal sa internet noong 19-21 Agosto 2019, na sinundan ng ganap na pagsasara ng internet noong 22 Agosto hanggang  4 Setyembre 2019, kunwari’y para pigilan ang paglaganap ng maling impormasyon sa Papua at Kanlurang Papua.

Noong 2020, may apat na ulat ng diumano’y pagsakal sa bandwidth (bahagyang pagsasara) na muling ipinataw sa mga probinsya ng Papua at Kanlurang Papua.[xiii] Noong 2021, may panibagong 12 insidente ng pagkawala ng internet. Walo rito diumano ay pagsasara ng internet na direktang nakaugnay sa operasyong militar ng Indonesia.[xiv]

“The sun will rise” Artist Lea Zeitoun @the.editing.series Instagram

Online na manipulasyon

Kapwa isiniwalat ng ulat ng Universitas Diponegoro noong 2019,[xv] na sinundan ng ulat ng KITLV-LP3ES-Undip-ISEAS noong 2021, na gumamit ang Pamahalaan ng Indonesia ng mga mersenaryong cyber para suportahan ang mga mapanupil na patakaran sa gitna ng pandemyang Covid-19. Sa konteksto ng Indoneia, ang mga mersenaryong cyber,[xvi] ay binibigyang kahulugan bilang mga buhaghag na network ng mga buzzers, coordinators, influencers, content creators at political consultants, na nagtutulungan para manipulahin ang opinyong publiko sa pamamagitan ng social media sa paraan ng paglikha ng partikular na naratibo kaugnay ng mga usaping politikal. Nagmula sa mga indibidwal na politiko, partidong politikal at mga negosyante ang pondo para sa pangkat na ito ng cyber[xvii]. Nakaturol ang operasyon ng mga mersenaryong cyber at pagmamanipula sa opinyong publiko sa paglikha ng pag-ayon sa mga tinututulang patakaran na ipinatupad sa buong panahon ng pandemyang Covid19 sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga panloloko at pekeng balita, kasabay ng doxing at trolling sa mga kalaban ng pamahalaan.[xviii]

Naging matagumpay ang pamahalaang Indonesian sa pagpapa-ayon sa pampublikong larangang digital ng Indonesia, at napigilan itong maging malayang espasyo kungsaan maaaring marinig ang tinig ng mga aktibista ng civil society. Kung gayon, maaaring tingnan ang manipulasyon ng opinyong publiko sa online ng mga mersenaryong cyber bilang isa sa mga lubhang nakakabahalang palatandaan ng paglitaw ng awtoritaryanismong digital sa ikaapat na pinakamalaking bansa sa daigdig.

Sa pagsasaalang-alang ng lahat ng mga kaganapan na tinukoy sa itaas, unti-unti ngunit tiyak na pumapalaot ang Indonesia tungo sa higit na awtoritaryanimsong digital. Bagaman pumapalag ang mga aktibistang civil society at mga nakababatang henerasyon laban sa nag-iibayong awtoritaryanismo, hindi tiyak ang kinabukasan at hindi malinaw kung kayang baliktarin ng Indonesia ang pag-atras ng demokrasya na naranasan nito mula kalagitnaan ng dekada 2010.

Damar Juniarto
Si Damar Juniarto ay ang Executive Director at kasamang tagapagtatag ng SAFEnet (Southeast Asia Freedom of Expression Network).

Top banner: Jakarta, Indonesia-June 2021-Police and TNI officers wear hazmats during the operation of the COVID-19 hunting team. Photo: Wulandari Wulandari, Shutterstock

[i] Freedom House, Freedom on the Net 2020: Indonesia, https://freedomhouse.org/country/indonesia/freedom-net/2020

[ii] IDEA Global State of Democracy, 2019, https://www.idea.int/publications/catalogue/global-state-of-democracy-2019

[iii] Reporters Without Borders’ (RSF), Indonesia, 2021, https://rsf.org/en/indonesia

[iv] Survei Komnas HAM Refleksi 20 Tabun Undang-Undang Hak Asasi Manusia https://www.komnasham.go.id/index.php/laporan/2020/02/14/61/survei-komnas-ham-refleksi-20-tahun-undang-undang-hak-asasi-manusia.html

[v] Data Reportal Indonesia 2022, last modified 18 February 2022, https://datareportal.com/reports/digital-2022-indonesia

[vi] Damar Juniarto, “The Rise of Digital Authoritarianism in Indonesia”, ASEANFocus, Issues 4/Dec 2020 page 13, https://www.iseas.edu.sg/wp-content/uploads/2020/12/ASEANFocus-December-2020.pdf

[vii] Digital Reach, Digital Contact Tracing Indonesia, 2020 https://digitalreach.asia/digital-contact-tracing-indonesia/

[viii] CitizenLab, An Analysis of Indonesia and Philippines governmenrt launch Covid-19 apps, 2020 https://citizenlab.ca/2020/12/faq-an-analysis-of-indonesia-and-the-philippines-government-launched-covid-19-apps/

[ix] Indonesia National Commission of Human Rights, Annual Report 2019, https://www.komnasham.go.id/index.php/laporan/2020/12/09/76/laporan-tahunan-komnas-ham-2019.html

[x] Southeast Asia Freedom of Expression Network, Digital Situation Report in Indonesia 2020: Digital Repression Amid The Pandemic,  https://safenet.or.id/2021/05/digital-situation-report-2020/

[xi] Southeast Asia Freedom of Expression Network, Digital Situation Report in Indonesia 2021: The Pandemic Might Be Under Control, But Digital Repression Continues,  https://safenet.or.id/2022/03/in-indonesia-digital-repression-is-keep-continues/

[xii] AccessNow, “No Internet Shutdowns, let’s keep it on”, https://www.accessnow.org/no-internet-shutdowns-lets-keepiton/

[xiii] Southeast Asia Freedom of Expression Network, Digital Situation Report in Indonesia 2020: Digital Repression Amid The Pandemic,  https://safenet.or.id/2021/05/digital-situation-report-2020/

[xiv] Southeast Asia Freedom of Expression Network, Digital Situation Report in Indonesia 2021: The Pandemic Might Be Under Control, But Digital Repression Continues,  https://safenet.or.id/2022/03/in-indonesia-digital-repression-is-keep-continues/

[xv] Wijayanto, Ph.D, Dr. Nur Hidayat Sardini, Gita Nindya Elsitra, Orisa Irhamna, Laporan Penelitian Menciptakan Ruang Siber yang Kondusif Bagi Pegiat Anti-Korupsi, Universitas Diponegoro 2019

[xvi] Inside Indonesia, “Cyber Mercenaries vs The KPK”, last modified 2022, https://www.insideindonesia.org/cyber-mercenaries-vs-the-kpk

[xvii] Inside Indonesia, “Organisation and Funding of Social Media Propaganda”, last modified 2022, https://www.insideindonesia.org/organisation-and-funding-of-social-media-propaganda

[xviii] Inside Indonesia, “The Threat of Cyber Troops”, last modified 2022, https://www.insideindonesia.org/the-threat-of-cyber-troops