Ang Kudetang Digital sa Ilalim ng Paghaharing Militar sa Myanmar: Mga Bagong Daan sa Online para sa Panunupil

Adam Simpson

Hindi bago sa Myanmar ang awtoritaryan na paghaharing militar at kaakibat nitong mga restriksyon sa midya, subalit sa maikling dekada sa pagitan ng 2011 at 2021, nagsimula itong lumabas mula sa malagim na pagkamanhid ng limang dekadang pangingibabaw ng mapanglaw at mapanupil na pamamahayag at pagbabalita ng estado, tungo sa ika-dalawampu’t-isang siglo na mundong laganap ang cellphone at social media. Noong dekada 2000 sa ilalim ng paghaharing militar bumagsak ang presyo ng SIM card para sa cellphone mula ilang libong dolyar tungong US$1.50 sa ikalawang hati ng taong 2014 nang magsimula ang operasyon ng mga unang dayuhang kumpanya sa bansa. Ang Facebook mobile ang naging aktwal na kasangkapan ng komunikasyon sa bansa – nilaktawan ang email at network ng teleponong de-linya – at siya ring naging pangunahing pinagkukunan ng balita (Simpson 2019).

May malaking panlipunan at pang-ekonomikong pakinabang ang gayong mapagpalaya, bagaman hindi napapamahalaan, na kapaligiran ng midya, ngunit nagdulot rin ito ng paglaganap ng wika ng pagkamuhi na nakatuon sa mga minorya, partikular ang Rohingya (Simpson and Farrelly 2021b). Gayunman, lumikha ito ng akses sa teknolohiya, na sinamahan ng isang dekada ng mga repormang pampolitika at pang-ekonomiya, tungo sa mas bukas, demokratiko at transparent na lipunan, bagaman mula sa napakababang base.

Lumagpak ang pag-unlad na ito noong 1 Pebrero 2021 nang patalsikin ng militar ang pamahalaang pinamumunuan ng National League for Democracy (NLD) na muling inihalal nang may malaking kalamangan noong Nobyembre 2020. Sa umagang yaon, inaresto ng militar si State Counsellor Aung San Suu Kyi, ang pangulo, at iba pang mambabatas ng NLD at mga aktibista, at inilagay sa kanilang kontrol ang buong makinarya ng pamahalaan. Sinundan ng mga pagbabawal sa social media ang mga protestang masa sa buong bansa at mga restriksyon at malawakang panunupil na maituturing bilang mga krimen sa digmaan at krimen laban sa sangkatauhan (Andrews 2022; Fortify Rights 2022; Human Rights Watch 2021; Simpson 2021a).

Binubuo noon ang isang bagong Batas sa Cyber Security sa ilalim ng pamahalaang NLD at juntang militar. Naglabas ang State Administration Council (SAC) ng borador na bukas para sa mga komento kagyat matapos ang kudeta. May malalaking kritisismo dito ang grupo ng negosyo at mga NGO subalit mas malala ang bagong borador na ipinamahagi sa maagang bahagi ng 2022 (Free Expression Myanmar 2022). May hayag na domestiko at internasyunal na pagtutol sa bagong borador at, habang isinusulat ang artikulong ito (Hunyo 2022), pinag-aaralan pa ng komite sa cyber security ng SAC ang mga puna rito. Nagbibigay ang artikulong ito ng maikling kasaysayan ng pagsesensura at mga restriksyon sa midya sa Myanmar at sinusuri ang mga implikasyon sa karapatang pantao ng bagong borador ng Batas sa Cyber Security.

“Resilience” Léa Zeitoun @the.editing.series Instagram

Pagsesensura bago ang kudeta noong 2021

Nakaranas ang Myanmar ng iba’t-ibang hugis ng awtoritaryan na paghaharing militar mula pa sa kudetang militar noong 1962 hanggang 2011. Walang umiiral na mga pribadong pahayagan dahil kinakailangan pang isumite ng mga pribadong nagpapatakbo ng midya, tagalathala, musikero at artista ang kanilang mga likha sa Press Scrutiny Board para sa pagsusuri bago ang publikasyon upang matiyak na hindi ito naglalaman ng kritisismo sa militar o sa pamahalaan. May mahigpit na limitasyon sa kung ano ang maaaring ilathala. Halimbawa, matapos maging tanyag si Aung San Suu Kyi sa panahon ng mga pambansang protesta noong 1988, anumang pagbanggit sa kanya sa isang publikasyon ay tinatanggal o binubura. Sa kalakhan, ang telebisyon at midya ay kasangkapan ng estado.

Kung mayroon mang cellphone at SIM card, napakataas ng presyo ng mga ito. Limitado lamang ang saklaw at bisa ng mga teleponong de-linya at lubhang mabagal, mahal at bihirang gamitin ang internet.

Noong 2010, ginanap ang pambansang halalan sa ilalim ng Konstitusyon 2008 na nilikha ng militar. Ito ang unang halalan mula sa mga halalang ginanap noong 1990 kungsaan nanalo ang NLD subalit hindi ito kinilala ng militar. Noong 2010, nakapiit sa kanyang tahanan si Aung San Suu Kyi at binoykot ng NLD ang halalan. Hindi nakakagulat, kung gayon, na manalo sa halalan ang suportado ng militar na USDP sa pamumuno ng dating heneral na si Thein Sein, na siyang naging pangulo nang nagsimulang manungkulan ang pamahalaan noong Abril 2011. Lalong hindi inaasahan naman na giniyahan ni Thein Sein ang isang panahon ng repormang pampolitika at pang-ekonomiya na nagdala sa Myanmar sa pandaigdigang entablado mula sa dating pagkakakubli.

Noong Agosto 2012, pinawalang-bisa ng pamahalaan ang mga batas ng pagsesensura at lumabas sa mga tindahan ng diyaryo ang kauna-unahang arawang pahayagan na pag-aaring pribado noong 1 Abril 2013. Ipinasa ang mga batas na nagliligalisa ng protesta at unyon sa pagawaan. Isa pang bagong batas ang nagbukas ng pinto sa mga internasyunal na negosyo sa telekomunikasyon at nagsimula ng operasyon ng cellphone ang Ooredoo na pag-aari ng Qatar at Telenor na pag-aari ng Norway noong Agosto at Setyembre 2014, na lubhang nagpababa sa presyo ng paggamit ng cellphone at signipikanteng nagpataas ng pambansang saklaw nito.

Sa napaka-ikling panahon, naging ‘konektado’ ang lahat, at naging dominanteng plataporma sa komunikasyon ang Facebook sa bansa. Nagbigay ang bagong kapaligiran ng malaking panlipunan, politikal at pang-ekonomikong pakinabang, subalit nagbigay rin ng mga bagong oportunidad sa mga nagsisimula pa lamang at hindi napapamahalaang mga organisasyon at kumpanya ng midya para magpakawala ng sobinistang pag-aalimura sa mga etnikong minorya, partikular sa Rohingya (Simpson and Farrelly 2021a).

Pumutok ang mga pandarahas sa mga komuna ng estado ng Rakhine noong 2012, kungsaan pangunahing salarin ang mga sibilyan na Rakhine laban sa mga Rohingya at iba pang minoryang Muslim. Kasabay nito, kumalat sa mga pag-uusap ang mga kwento, intriga at paninira. Nagbigay ang online social media ng higit na mabilis at madaling plataporma para magpalaganap ng pekeng balita at pagkamuhi sa pambansang saklaw, na naghatid ng mapaminsalang epekto sa mga Rohingya noong 2017 (Simpson and Farrelly 2020).

The 2012 Rakhine State riots were a series of conflicts primarily between ethnic Rakhine Buddhists and Rohingya Muslims in northern Rakhine State, Myanmar, though by October Muslims of all ethnicities had begun to be targeted. Wikipedia Commons

Nagwagi si Aung San Suu Kyi at ang NLD sa halalang 2015 at mataas ang pag-asang magreresulta ang limang-taon na termino nito ng malaking pagluluwag sa mga restriksyon sa politika at ekonomiya.

Gayunpaman, gumuho ang mga ekspektasyong ito dahil ipinakita ng NLD na kasing sensitibo rin ito ng naunang pamahalaan sa mga kritisismo mula sa mga mamamahayag at NGO. Nabigo itong tunggaliin ang pag-uusig sa ilalim ng mga batas na mula pa sa panahong kolonyal at paghaharing militar, gaya nang Official Secrets Act, laban sa mga mamamahayag na ginawaran ng Pulitzer Prize na nagpatampok ng mga pag-abuso sa karapatang pantao laban sa mga Rohingya (Shoon Naing and Lewis 2019). Pinanatili nito ang mas bagong atrasadong batas sa seguridad, kasama na ang 2013 Batas sa Telekomunikasyon, kungsaan ginamit ang seksyon 66(d) para supilin ang pagtutol. Kapwa nagpatuloy ang pamahalaang NLD at militar sa paggamit ng mala-awtoritaryan na mga batas para patahimikin ang kanilang mga kritiko. (Simpson and Farrelly 2021b).

Dagdag pa, sinuportahan ng pamahalaang NLD ang pagsasara ng internet sa Estado ng Rakhine sa kanlurang Myanmar kungsaan nakikitunggali ang militar sa etnikong Rakhine Arakan Army. Ilan sa mga lugar na ito ay pinaninirahan ng mga napalayas noong genocide ng 2017. Pinalala pa ng pagsasara ng internet sa mga lugar na ito ang mga kahirapang kinakaharap ng mga ahensya sa ayuda, midya, mga sumusubaybay sa karapatang pantao, at populasyong sibilyan sa pagsasagawa ng mga lehitimong aktibidad. (Simpson 2019).

Nakakadismaya ang kawalan ng sigla ni Aung San Suu Kyi na suportahan ang mga batayang simulain ng demokratikong pamamahala gaya ng isang malayang midya, akses sa internet at aktibismo ng civil society, bagaman nananatili siyang demokratikong halal na pinuno na responsable sa parliyamento na karamihan ay inihalal.

Pinahintulutan ng panahong ito ng reporma ang mga lokal na NGO gaya ng Phandeeyar, Free Expression Myanmar (FEM), Myanmar ICT Development Organisation at ang Myanmar Centre for Business Responsibility na magtulungan upang labanan ang pagsasara ng internet at fake news, at protektahan ang karapatang digital sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng taunang Digital Rights Forums (Myanmar Centre for Responsible Business 2020). Gayunman, ipinatigil ng kudetang militar ang marami sa mga aktibidad na ito noong 1 Pebrero 2021.

Crack down on anti-coup protesters in Yangon, Myanmar on 09 March 2021. Photo: Maung Nyan / Shutterstock.com

Mga Restriksyon sa Cyber mula nang Kudeta

Sa pagsulong ng kudeta, nagsimulang mag-organisa sa Facebook at iba pang social media ang mga mamamayan laban sa militar, at mabilis na nakakuha ng 200,000 tagasubaybay ang isang bagong page para sa sibil na pagsuway. Dahil rito, ipinagbawal ng militar ang Facebook at WhatsApp dalawang araw matapos ang kudeta, na para sa Myaamar ay katumbas na rin ng pagbabawal sa internet (Potkin 2021). Pagkalipas ng dalawang araw, matapos magsilipat ang mga gumagamit ng internet sa mga alternatibong app para mag-organisa at mang-ahita, inutusan ng militar ang mga mobile service provider na harangan rin ang akses sa Twitter at Instagram (DW 2021). Nagawa ng mga mamamayan sa Myanmar na lampasan ang mga restriksyon sa pag-akses sa mga app at website sa social media sa pamamagitan ng paggamit ng mga Virtual Private Network (VPNs), na nakapagtatago ng pagdaloy ng datos at nagpapahintulot sa mga tao na maka-akses ng mga ipinagbawal na nilalaman o makapagtalastasan nang pribado.

Simula noong kudeta, pana-panahong isinasara ang internet at mga network ng cellphone sa kabuuan ng bansa o sa mga lokalisadong lugar, bilang tugon sa mga protesta at aksyon ng oposisyon, at para itago ang mga pag-abuso ng militar sa karapatang pantao gaya ng arbitraryong pang-aaresto, detensyon at torture (Access Now 2022b; Nachemson 2021).

Tinanggal rin ng junta ang mga proteksyon na dating umiiral sa ilalim ng Law Protecting the Privacy and Security of Citizens at ‘inalis ang mga batayang proteksyon kasama na…ang karapatang maging malaya mula sa paniniktik, panghahalughog at pagdakip nang walang mandamyento’ (International Commission of Jurists and Human Rights Watch 2021).

Inutusan nito ang mga nagpapatakbo ng telekomunikasyon, kabilang ang Telenor at Ooroodoo, na ibigay ang datos ng mga kliyente at maglagay ng teknolohiya para masubaybayan ang mga gumagamit. Ang Telenor, na sa kalahatan ay itinuturing na pinaka-progresibong mobile phone operator, ay nagpahayag na aalis na ito ng bansa sa kalagitnaan ng 2021 dahil lumalabag sa mga batas ng Europa ang bagong mga rekisito at dahil dito ay nahihirapan na silang makagana (Potkin and Mcpherson 2021).

Samantalang tinutunggali ng mga aktibista ang pagnenegosyo ng mga kumpanyang internasyunal sa Myanmar, kinaharap ng Telenor ang presyur na manatili sa bansa mula noon, dahil bilang mobile phone network na pag-aari ng Kanluranin ay siyang pangunahing ginagamit ng mga aktibista. Sa huli, binili ito ng M1 group, isang mamumuhunan na naka-base sa Lebanon, na inatasang makituwang sa lokal na mamumuhunan. Naging bagong pinakamalaking may-ari ng kumpanya si Shwe Byain Phyu na may kaugnayan sa militar at muli itong pinasinayaan noong Hunyo 2022 bilang ATOM. Bagaman inanunsyo ng ATOM na ‘poprotektahan ang mga gumagamit alinsunod sa mga domestikong batas at mga internasyunal na batas para sa personal na seguridad’, ang problema ay inatasan ng militar ang mga mobile phone networks na ikompromiso ang seguridad ng mga gumagamit sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang datos at pagsubaybay sa kanilang mga aktibidad. (Bangkok Post 2021; Eleven 2022; Justice for Myanmar 2022).

“VPNs, the most useful tool to bypass restrictions on the use of websites and apps, such as Facebook and Twitter” Image: Privecstacy, Unsplash

Ang Borador na Batas sa Seguridad sa Cyber

Sa pagtalunton sa isyu ng borador na Batas sa Seguridad sa Cyber kagyat matapos ang kudeta, naglabas ang SAC ng nirebisang borador para sa mga komento noong Enero 2022 (State Administration Council 2022). Mabilis na nakita ang mga problema sa bagong borador dahil wala itong tinugunan sa alinmang sa mga usapin sa naunang borador at nagdagdag pa ng mas maraming restriksyon. Sa aktwal ay nilabag ng panukalang batas ang lahat ng karapatang digital na kinikilala sa internasyunal na antas, walang karapatan sa privacy at natatatag ng sistema ng mga arbitraryo at adhoc na desisyon at mga kaparusahan. Pahihintulutan ng batas ang SAC na ma-akses ang datos ng mga gumagamit, mangharang ng mga website, mag-utos ng pagsasara ng internet at mang-usig ng mga kritiko na halos walang ligal na opsyon (Access Now 2022a; Human Rights Watch 2022; Myanmar Centre for Responsible Business 2022).

Ginawang krimen ng mga susing bagong probisyon sa bagong borador ang paggamit ng mga VPN, tinanggal ang pangangailangan ng obhetibong pruweba sa panahon ng pagdinig at sa katunayan ay tinakdaan ang mga nagbibigay ng serbisyong online na harangan o tanggalin ang mga online na kritisismo laban sa SAC, mga lider at kasapi ng militar.

Ikinatwiran ng magkasanib na pahayag ng sampung international chamber of commerce noong Elero 2022 na ang panukalang batas ay,

Gumagambala sa malayang pagdaloy ng impormasyon at direktang nakakaapekto sa kakayahan ng mga negosyo na gumana sa Myanmar nang ligal at epektibo … mga lehitimong kagamitan sa seguridad ang mga VPN na nagpoprotekta sa mga negosyo laban sa mga krimeng cyber at pinansyal.

Naging pinaka-kapakipakinabang na kasangkapan rin ang VPN para sa mga aktibista, at sa kalakhan ng populasyon, para sagasaan ang mga restriksyon sa paggamit ng mga website at app, gaya ng Facebook and Twitter, para makipagtalastasan at magbahagi ng mga indipendyenteng balita at impormasyon, na siyang malinaw na dahilan ng junta para ipagbawal ito.

Karamihan sa mga paglabag sa panukalang batas ay magpapataw ng kaparusahang hanggang tatlong taon na pagkakakulong at pagmumulta. Kabilang rito hindi lamang ang paggamit ng VPN kundi maging ang mga aksyong nag-eengganyo sa paggamit ng VPN, na magdadamay sa mga pagawaan ng cellphone na naglalagay ng VPN, mga kumpanya ng midya at organisasyong civil society na nag-eendorso ng paggamit ng VPN, o mga tagapagtanggol ng karapatang digital na nagbibigay ng pagsasanay sa seguridad (Free Expression Myanmar 2022).

Kasama sa mga ipinagbabawal na nilalaman ang ‘misimpormasyon at disimpormasyon’ at impormasyon na ‘nakakagambala sa pagkakaisa, istabilisasyon at kapayapaan’. May kasaysayan ang militar na itadhanang labag sa batas ang mga malabong krimen gaya ng ‘paggambala sa pagkakaisa’ at mukhang itinatanim na nila ito sa larangang digital bilang lambat para targetin ang demokrasya o ang mga aktibistang maka-karapatang pantao..

Lumagda sa isang pahayag ang dose-dosenang mga grupong civil society na domestiko at internasyunal, kasama na ang Article 19 at PEN America, para kondenahin ang ‘kudetang digital’, habang inaabuso ng junta ang karapatang pantao nang walang pananagutan (Joint Civil Society Statement 2022).

Sa kawalan ng parliyamento na susuring mabuti sa mga batas, nagkakaroon ng kalayaan ang juntang militar na magsabatas ng anumang lehislasyon, kahit gaano man ka-karumal-dumal, samantalang ang pagiging iligal ng kudeta, sa esenya, ay nag-aalis rin ng lehitimasyon sa anumang batas na ipapasa ng SAC (Simpson 2021b). Dapat kagyat na magbigay ang internasyunal na komunidad ng materyal at diplomatikong suporta para sa pagtunggali sa kudeta at sa junta, kasama na ang National Unity Government (Simpson 2021c), para suportahan ang laban para sa hustisya at tumulong sa pagprotekta sa digital na karapatang pantao sa bansa at sa ibayo.

Adam Simpson
Senior Lecturer, International Studies, Justice & Society, University of South Australia

References

Access Now (2022a). Analysis: The Myanmar junta’s Cybersecurity Law would be a disaster for human rights. https://www.accessnow.org/analysis-myanmar-cybersecurity-law/. Updated: 27 January. Accessed: 12 June 2022.

Access Now (2022b). Update: Internet access, censorship, and the Myanmar coup. https://www.accessnow.org/update-internet-access-censorship-myanmar/. Updated: 18 March. Accessed: 10 June 2022.

Andrews, T. (2022). ‘UN expert: Myanmar people betrayed with ‘vague declarations’ and ‘tedious, endless wait’ for action.’ The Office of the High Commissioner for Human Rights. Geneva. 21 March. https://www.ohchr.org/en/press-releases/2022/03/un-expert-myanmar-people-betrayed-vague-declarations-and-tedious-endless. Accessed:10 June 2022.

Bangkok Post (2021, 9 July). ‘Telenor announces Myanmar exit.’ Bangkok Post. https://www.bangkokpost.com/business/2145843/telenor-announces-myanmar-exit. Accessed:11 June 2022.

DW (2021, 5 February). ‘Myanmar blocks Twitter amid outrage at coup.’ DW. https://www.dw.com/en/myanmar-blocks-twitter-amid-outrage-at-coup/a-56477238. Accessed:10 June 2022.

Eleven (2022, 10 June). ‘Atom says it will invest US$ 330 M over the next three years and protect individual security in accordance with local and international laws.’ Eleven. https://elevenmyanmar.com/news/atom-says-it-will-invest-us-330-m-over-the-next-three-years-and-protect-individual-security-in. Accessed:12 June 2022.

Fortify Rights (2022). “Nowhere is Safe”: The Myanmar Junta’s Crimes Against Humanity Following the Coup d’État.). 24 March. https://www.fortifyrights.org/mya-inv-2022-03-24/. Accessed:11 June 2022.

Free Expression Myanmar (2022). Military’s cyber security bill worse than their previous draft. https://freeexpressionmyanmar.org/militarys-cyber-security-bill-worse-than-their-previous-draft/. Updated: 27 January. Accessed: 10 June 2022.

Human Rights Watch (2021). Myanmar: Coup Leads to Crimes Against Humanity. (Human Rights Watch, New York). 31 July. https://www.hrw.org/news/2021/07/31/myanmar-coup-leads-crimes-against-humanity. Accessed:9 August 2021.

Human Rights Watch (2022). Myanmar: Scrap Draconian Cybersecurity Bill. https://www.hrw.org/news/2022/02/15/myanmar-scrap-draconian-cybersecurity-bill. Updated: 15 February. Accessed: 10 June 2022.

International Commission of Jurists and Human Rights Watch (2021). Myanmar: Post-Coup Legal Changes Erode Human Rights. (International Commission of Jurists and Human Rights Watch). 2 March. https://www.icj.org/myanmar-post-coup-legal-changes-erode-human-rights/. Accessed:11 June 2022.

Joint Civil Society Statement (2022). ‘Resist Myanmar’s digital coup: Stop the military consolidating digital control.’ Access Now. 8 February. https://www.accessnow.org/myanmars-digital-coup-statement/. Accessed:11 June 2022.

Justice for Myanmar (2022). Shwe Byain Phyu’s military links exposed. https://www.justiceformyanmar.org/stories/shwe-byain-phyus-military-links-exposed. Updated: 13 February. Accessed: 11 June 2022.

Myanmar Centre for Responsible Business (2020). Digital Rights Forum. https://www.myanmar-responsiblebusiness.org/dialogues/digital-rights-forum/. Updated: 29 February. Accessed: 10 June 2022.

Myanmar Centre for Responsible Business (2022). Update on Draft Cybersecurity Law and its Impacts on Digital Rights and the Digital Economy. https://www.myanmar-responsiblebusiness.org/news/draft-cybersecurity-law.html. Updated: 15 February. Accessed: 10 June 2022.

Nachemson, A. (2021, 4 March). ‘Why is Myanmar’s military blocking the internet?’ Al Jazeera. https://www.aljazeera.com/news/2021/3/4/myanmar-internet-blackouts. Accessed:10 June 2022.

Potkin, F. (2021, 5 February). ‘Facebook faces a reckoning in Myanmar after blocked by military.’ Reuters. https://www.reuters.com/article/us-myanmar-politics-facebook-focus-idUSKBN2A42RY. Accessed:10 June 2022.

Potkin, F. and P. Mcpherson (2021, 19 May). ‘How Myanmar’s military moved in on the telecoms sector to spy on citizens.’ Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/how-myanmars-military-moved-telecoms-sector-spy-citizens-2021-05-18/. Accessed:12 June 2022.

Shoon Naing and S. Lewis (2019, 23 April). ‘Myanmar’s top court rejects final appeal by jailed Reuters journalists.’ Reuters. https://www.reuters.com/article/us-myanmar-journalists/myanmars-top-court-rejects-final-appeal-by-jailed-reuters-journalists-idUSKCN1RZ06O. Accessed:29 December 2019.

Simpson, A. (2019). ‘Facebook, the Rohingya, and internet blackouts in Myanmar.’ The Interpreter. The Lowy Institute. 21 October. https://www.lowyinstitute.org/the-interpreter/facebook-rohingya-and-internet-blackouts-myanmar. Accessed:10 June 2022.

Simpson, A. (2021a). ‘Coups, conflicts, and COVID-19 in Myanmar: Humanitarian intervention and responsibility to protect in intractable crises.’ Brown Journal of World Affairs, 28(1): 1-19.

Simpson, A. (2021b). ‘Myanmar: Calling a coup a coup.’ The Interpreter. The Lowy Institute. 8 February. https://www.lowyinstitute.org/the-interpreter/myanmar-calling-coup-coup. Accessed:9 August 2021.

Simpson, A. (2021c). ‘Myanmar’s exile government signs up to ICC prosecutions.’ East Asia Forum. 17 September. https://www.eastasiaforum.org/2021/09/17/myanmars-exile-government-signs-up-to-icc-prosecutions/. Accessed:24 September 2021.

Simpson, A. and N. Farrelly (2020). ‘The Rohingya crisis and questions of accountability.’ Australian Journal of International Affairs, 74(5): 486-94.

Simpson, A. (2021a). ‘Interrogating Contemporary Myanmar: The Difficult Transition.’ in A. Simpson and N. Farrelly (eds), Myanmar: Politics, Economy and Society. (London and New York: Routledge): 1-12.

Simpson, A. (2021b). ‘The Rohingya Crisis: Nationalism and its Discontents.’ in A. Simpson and N. Farrelly (eds), Myanmar: Politics, Economy and Society. (London and New York: Routledge): 249-64.

State Administration Council (2022). Cyber Security Law [Draft – Unofficial English Translation by Free Expression Myanmar]. (SAC, Naypyitaw, Myanmar).