Patakarang Panlabas ng Pilipinas Pagkatapos ni Duterte: Mga Mahahalagang Konsiderasyon para sa Susunod na Pangulo

Andrea Chloe Wong

Sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, humaharap ang Pilipinas ng kawalang-katiyakan sa klase ng patakarang panlabas na itataguyod ng susunod na pamunuan. Sa kabuuan, karaniwang may mga pagsasa-ayos sa patakarang panlabas ng Pilipinas at eksternal na kilos nito tuwing may bagong administrasyon dahil dala-dala ng bawat pangulo sa panunungkulan ang kani-kaniyang pagkiling. Nakabatay ang gayung mga pag-aayos sa kung paano niya inuunawa at itinataguyod ang interes ng bansa, na siyang batayan ng patakarang panlabas at gawaing internasyunal. Gayunman, sa paghahangad na maisulong ang pambansang interes, kakaharapin ng susunod na punong ehekutibo ang mga hamong geopolitikal at kailangang pakitunguhan ang mga kontrobersyal na patakaran ni Duterte— na may malalaking implikasyon sa kinabukasan ng patakarang panlabas ng Pilipinas.

Ang panguluhan ng Pilipinas at patakarang panlabas

Kalimitang tinutukoy ang pangulo ng Pilipinas bilang punong arkitekto ng patakarang panlabas. Base sa awtoridad na bigay ng konstitusyon, may malawak siyang saklaw para gumawa ng mga mapagpasyang aksyon sa pagtataguyod ng interes ng bansa na may kinalaman sa ibang bansa at mga organisasyon internasyunal. Maaaring tasahing muli ng pangulo ang mga prayoridad, “diktahan ang tono at tindig sa internasyunal na komunidad, at kahit pa personal na pangasiwaan ang diplomasya sa ilang piling bansa kung gugustuhin niya, nang may ilang istruktural na hangganan” (Baviera 2015). Kung kaya, nailalagay ng pangulo ng Pilipinas ang personal niyang tatak sa patakarang panlabas ng bansa. Sa katunayan, sa kabuuan ay nakabatay sa ebalwasyon sa administrasyon ng pangulo ang pagtatasa sa gawaing internasyunal at relasyong panlabas ng Pilipinas, gaya nang sa patakarang panlabas ni Arroyo (2001-2010) o ni Aquino (2010-2016).

Dahil sa kultura sa politika ng Pilipinas na nakabatay sa personalidad, karaniwang nawawangis sa mga natatanging ugali ng pangulo ang patakarang panlabas ng bansa. Lalunang banaag ito tuwing may transisyon ng pamunuan (tuwing anim na taon para sa bawat termino ng pangulo) dahil dala ng bawat pangulo sa kanyang panunungkulan ang kanyang mga sariling pagkiling na nagbubunga ng mga pag-aayos sa patakarang panlabas ng bansa. Lalupang nakikita ang kanilang indibidwalidad tuwing nagpapatupad sila ng mga pagbabago sa patakaran na lubos na naiiba kaysa sa kanilang sinundan. Habang mas malaki ang pagkakaiba sa personalidad at pananaw ng dalawang magkasunod na panguluhan, lalong ganap ang mga pagbabago sa patakarang panlabas ng Pilipinas, at gayun rin sa kabaligtaran. Halimbawa, ang matulunging personalidad ni Aquino at moralistang pandaigdigang pananaw ay nagtaguyod ng liberal at institusyonalistang patakarang panlabas. Matingkad na naiiba ito sa malakas na personalidad at sosyalistang pandaigdigang pananaw ni Duterte na nagresulta ng realistiko at indipendiyenteng patakarang panlabas.

Pambansang interes sa patakarang panlabas

Sa nalalapit na pagpapalit ng pamunuan, mahirap hulaan, gayunman, ang personalidad at ang klase ng patakarang panlabas na isusulong ng maluluklok na administrasyon dahil hindi pa malinaw kung sino ang magwawagi sa halalan sa Mayo 2022. Gayunman, para matantya ito, kailangang tasahin ang patakarang panlabas ni Duterte para matukoy kung may mga pagbabago (o pagkakatulad) sa sususnod sa kanya. Magsisilbi itong konteksto at simulang punto para mapaghambing ang kanilang mga patakarang panlabas.

Mahalaga ring alamin ang maraming gawain at hamon na hinaharap sa pagtataguyod ng pambansang interes na dapat isaalang-alang ng punong ehekutibo sa kanyang sariling patakarang panlabas. Kabilang rito ang proteksyon ng panseguridad na interes ng Pilipinas sa pamamagitan ng paglinang sa alyansa sa US sa gitna ng mga bantang pangkaragatan ng China, pagsusulong ng pang-ekonomikong interes nito sa China at US, at pagbabalanse ng mga relasyong bilateral na ito sa gitna ng ribalan ng malalaking kapangyarihan. Isa pang mahalagang hamon para sa susunod na administrasyon ang pakikitungo sa mga konsikwensya ng mga pahayag at aksyon ni Duterte kaugnay ng patakarang panlabas na nagpahina sa mga demokratikong prinsipyo at pagtataguyod ng karapatang pantao ng bansa.

The nine-dash line (in green), are line segments on various maps that accompanied the claims of the People’s Republic of China (PRC) and the Republic of China (ROC) in the South China Sea. Wikipedia Commons

Ang Relasyon ng PIlipinas sa China at US

Nasa panganib ang teritoryal na kasarinlan at karapatang pangkaragatan ng Pilipinas dahil sa patuloy na mga banta mula sa mga pwersang pangkaragatan ng China sa West Philippine Sea. Sa mga huling taon, naging mas agresibo at walang hadlang ang mga ekspansyonistang aktibidad ng China sa karagatan sa kabila ng pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitrasyon noong 2016 na nagdedeklara sa mga ito bilang iligal. Gayunman, nagtaguyod ang administrasyong Duterte ng patakarang pagpapahinahon kaugnay ng China sa pamamagitan ng pagbababa ng kanyang legal na tagumpay at pagsasantabi sa mga iligal na aktibidad pangkarapatan ng China kapalit ng USD 24 bilyon na pautang, kredit at pangakong pamumuhunan ng China para pondohan ang kanyang programang “Build, Build, Build”. 1 Gayunman, malaking bahagi ng ipinangakong pamumuhunang ito ay hindi pa nagkakatotoo, naaaantala o ipinagpapaliban ang mga proyekto habang nagpapatuloy ang panghihimasok at mga iligal na aktibidad ng China sa West Philippine Sea. Sa ganitong mga kaganapan, inaasahang estratehikong poprotektahan ng patakarang panlabas ng susunod na administrayon ang bansa laban sa mga bantang pangkaragatan ng China habang iniiwasan ang mga malalaking  pagkompromiso sa pang-ekonomikong interes ng Pilipinas dahil sa labis na pag-asa nito sa China.

Nakaranas rin ng kaguluhang politikal ang alyansang militar ng Pilipinas sa US sa panahon ng termino ni Duterte. Inilayo ng kanyang ipinangangalandakang “independyenteng” patakarang panlabas ang Pilipinas mula sa pagdepende sa US sa seguridad batay sa matagal nang persepsyon ng kolonyalismo ng mga Amerikano. Bilang resulta, binawasan ni Dutrete ang pinagsanib na pagsasanay-militar at nagbantang tatapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) noong Pebrero 2020 na kalauna’y ibinalik niya noong Hulyo 2021. Kung kaya, mainam na pagkakataon ang nalalapit na transisyon ng pamunuan para magpanibagong-bisa sa alyansa sa US. Sa nakababahalang aktibidad pangkaragatan ng China, maaaring gamitin ng susunod na administrasyon ang komitment ng US sa depensa sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty at alamin ang antas ng tulong na pahihintulutan nito. Maaring magsilbi itong pwersang pambalanse upang mabawasan ang mga kahinaan ng militar ng Pilipinas kumpara sa China.

Bukod sa tulungan sa seguridad nito, maaari ring palalimin ng Pilipinas ang ugnayang pang-ekonomiko sa US. Noong 2021, ang US ang ikalawang pinakamalaking merkado ng eksport ng Pilipinas (sunod sa China) at ikaanim na pinagmumulan ng import (sunod sa China at Japan). 2Sa kabila ng matagal nang ugnayang politikal at pang-ekonomiko, hindi pa nalalagdaan ng Pilipinas ang kasunduang FTA sa US. Sapul simula, pinaboran ni Duterte ang pakikipagkalakalan at pamumuhunan ng China kaysa sa US, na kailangang pag-isipan ng susunod na pangulo.

Dagdag pa, kailangang umangkop ang Pilipinas sa lumalakas na ribalan ng malalaking kapangyarihan ng US at China. Nangangailangan ito ng pagtataguyod ng pantay na pagdistansya ng relasyon sa dalawang bansa at huwag pumabor sa isang bansa kaysa sa kabila. Ayon sa Pilipinong dating diplomatiko na si Leticia Ramos-Shahani, ito ang “tanging paraan para tapusin ng isang mahirap na bansang gaya nang sa atin ang mistulang pulubing pag-asa sa malalaking kapangyarihan gaya ng makapangyarihang USA o bawasan ang nanginginig na takot sa kahambugan ng malaking kapangyarihan gaya ng China.” 3 Kailangang itaguyod nang buong husay ng Pilipinas, sa ilalim ng bagong pamumuno, ang panseguridad at pang-ekonomikong interes nito sa dalawang bansa dahil pantay itong mahalaga at hindi magkahiwalay. Ang ideya ay “kumuha ng posibleng pinakamaraming pakinabang mula sa iba’t ibang kapangyarihan habang kasabay na nagsisikap na pagaanin ang mga pangmatagalang panganib.” 4

President-elect Duterte (left) and outgoing President Benigno Aquino III at Malacañang Palace on inauguration day, June 30, 2016

Ang Demokrasya at Karapatang Pantao sa Pilipinas

Pagkatapos ng termino ni Duterte, kailangan ring pakitunguhan ng PIlipinas ang mga konsekwensiya ng kanyang mga galit na pahayag at aksyon laban sa mga bansang Kanluranin at mga internasyunal na organisasyon. Dulot ito ng internasyunal na kondemnasyon sa brutal na gyera kontra-droga na may mga pag-abuso sa karapatang pantao at di-makatarungang pamamaslang. Bilang tugon, binatikos ni Duterte ang US, Canada, European Union, at iba pang Kanluraning bansa dahil sa pangingialam sa mga domestikong usapin ng Pilipinas.Tinuligsa rin niya ang United Nations sa pagsasabing: “wala kayong anumang ginawa….kundi ang bumatikos,” 5 at inihayag ang pag-alis ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) noong 2018 matapos simulan nito ang paunang pag-uusisa sa mga alegasyon ng maramihang pagpatay sa kanyang gyera kontra-droga.

Hindi nababagay ang mga pangyayaring ito sa matagal nang naitatag na demokrasya gaya nang Pilipinas, na nagpahina sa reputasyon nito partikular sa ASEAN. Isa ang Pilipinas sa mga aktibong kasapi sa ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights at siyang may pinakamaraming pinagtibay na kasunduang internasyunal sa karapatang pantao sa sampung kasaping estado sa rehiyon. Lubhang nagiging kabalintunaan ang ganitong mga katunayan dahil sa mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Dagdag pa, nakababahala ang tendensiya na maging katanggap-tanggap na rasyunale ng ibang pamahalaan sa ASEAN ang gyera kontra-droga ni Duterte na labagin ang indibidwal na karapatang pantao para ipreserba ang kolektibong seguridad ng nakararami.

Sinasalamin ng paghina ng mga demokratikong pagpapahalaga na gumagabay sa patakarang panlabas ng Pilipinas ang kawalang-katiyakan at mga alinlangan sa pananatili at unibersalidad ng karapatang pantao sa bansa. Isinisiwalat rin nito kung paanong ipinaiilalim kung minsan ang karapatang pantao sa mga negosasyon at kompromiso, depende sa kung sino ang nasa kapangyarihan. Pagkatapos ni Duterte, nakasalalay na sa susunod na pangulo ang pagdedesisyon kung patuloy na pahihinain ang karapatang pantao o ibabalik ito bilang bahagi ng adbokasiya ng bansa sa kanyang patakarang panlabas.

Ang Susunod na Pangulo

Kailangang isaalang-alang ng sinumang susunod kay Duterte ang mga hamon na ito sa pagsusulong ng interes ng Pilipinas sa kanyang patakarang panlabas. Babatay sa kanyang personalidad at pandaigdigang pananaw kung paano isusulong ng susunod na punong ehekutibo ang interes ng nasyon kaugnay ng ibang bansa. Kung kaya, inaasahan mula sa susunod na administrasyon ang ilang pag-aayos sa patakaran, na nagbibigay ng interesanteng komparatibong pagtatasa sa kung gaanong naiiba (o nagkakapareho) ang mga pagbabagong ito mula sa administrasyong Duterte.

Mataas ang antisipasyon sa klase ng patakarang panlabas na itataguyod ng Pilipinas sa ilalim ng bagong pamahalaan. Dahil ito sa mga seryosong konsekwensiya na dulot ng mga pampatakarang desisyon at aksyon ni Duterte partikular sa relasyon ng Pilipinas sa China at US, gayundin sa rekord nito sa karapatang pantao. Madadala ang mga usaping ito para pangasiwaan (o iwasto) ng susunod na pamunuan sa pagbubuo niya ng patakarang panlabas ng Pilipinas. Interesante at magandang paksa para sa analitikal na obserbasyon kung paano niya ito gagawin.

Dahil sa mabigat na impluwensya ng pangulo, nalalagay ang patakarang panlabas sa sitwasyon ng pagbabago sa bawat transisyon sa pamunuan. Gayunman, may nagkakatulad na katangian ang patakarang panlabas ng Pilipinas sa ilalim ng lahat ng panguluhan—ang kawalan ng pagpapatuloy sa estratehiya sa patakaran na naglalantad ng higit na reaktibong pagtugon sa mga usaping internasyunal. Para mapunan ito, kailangang matuto ang ika-17 pangulo ng Pilipinas sa mga taktika at maling hakbang ng mga nakaraang adminstrasyon na magbibigay sa kanya ng kakayahan para makabuo ng patakarang panlabas na may istratehikong oryentasyon na higit na makapagsusulong ng interes ng bansa at mahusay na makapakikinabang sa ugnayang panlabas nito.

Andrea Chloe Wong
Andrea Chloe Wong is a Former Senior Foreign Affairs Research Specialist at the Foreign Service Institute of the Philippines and a Senior Lecturer at Miriam College in the Philippines.

Notes:

  1. Willard Cheng, “Duterte heads home from China with $24 billion deals,” ABS-CBN News,
  2. “Highlights of the Philippine Export and Import Statistics July 2021,” Philippine Statistics Authority, September 9, 2021, https://psa.gov.ph/content/highlights-philippine-export-and-import-statistics-july-2021-preliminary.
  3. Leticia Ramos Shahani, “Independent PH Foreign Policy,” Inquirer.net, August 2, 2015, https://opinion.inquirer.net/87250/independent-ph-foreign-policy.
  4. Rafael Alunan III, “Understanding Independent Foreign Policy,” Business World, December 19, 2017, https://www.bworldonline.com/understanding-independent-foreign-policy/.
  5. Duterte to UN expert: ‘Let’s have a debate,’ Rappler, August 21, 2016, https://www.rappler.com/nation/143711-duterte-un-expert-summary-executions-debate/.