Sa Bulsa ng China: Naliligaw na Patakarang Panlabas ng Thailand

Peera Charoenvattananukul

Sino ang banta?

Kapag tinatalakay ng isang eksperto sa patakarang panlabas ng Thailand ang mga kalakaran sa ugnayang internasyunal, hindi nakakagulat na palagiang sumusulpot na pangunahing usapin ang tindig ng Thailand sa tunggalian ng China at Amerika na mamayani sa Asya, kung hindi man sa mundo. Sa kalagayang unti-unting nagbabawas ang Amerika ng kanilang papel sa Gitnang Silangan sa nakaraang mga taon, waring ang sunod nitong malaking estratehiya ay nakasentro sa Asya, gaya nang kung paanong inilunsad ni dating pangulo ng US na si Donald Trump ang estratehiyang Indo-Pacific. Kahalintulad nito, paulit-ulit na nagpakita ang kasalukuyang pangulo ng US na si Joe Biden ng mga palatandaan na interesado rin siya sa Asya.

Lagi’t laging magbubuo ng mga palagay hinggil sa ganitong pangyayari sa daigdig ang mga tagasuri sa Thailand upang maitaguyod ng mga opisyal ng Thailand ang pinakamainam na landasin ng patakarang panlabas. Kung papipiliin sa pagitan ng China at US, kalimitang inimumungkahi sa pamahalaang Thai na sikaping mabalanse ang relasyon sa pagitan ng dalawang malalaking kapangyarihan. Nagmumula ang ganitong paniniwala sa matandang kasabihang malaganap sa hanay ng kwerpo ng mga diplomatikong Thai na ang ‘kaibigan ngayon ay maaaring maging kaaway bukas’.

Hindi tulad ng anumang iba pang payo, ikinakatwirang ng artikulong ito na dapat pumili ng panig ang Thailand sa kasalukuyang panahon ng ribalan sa pagitan ng China at US. Ipinahihiwatig nitong sa katanuyan ay ang mga Tsino, hindi ang mga Amerikano, ang malinaw na banta sa seguridad ng Thailand, at maging sa mga pagpapahalagang liberal-demokratiko. Nagsisimula ang artikulong ito sa paglalatag ng isang panuntunan para tasahin kung higit na banta sa Thailand ang China o ang US. Matapos ay huhugot ito sa mga kaganapan mula 2020 hanggang 2021.

Map indicating locations of China and Thailand. Wikipedia Commons

Isang Banta mula sa Malapit

Para kilalanin kung aling kapangyarihan ang malinaw na banta sa Thailand, kailangang balikan ang tatlong-dekadang teorya ni Stephen M. Walt. Sa tinatawag na ‘balance of threat theory’, masaklap na naobserbahan ni Walt na tendensiya ng estado ang magbalanse laban sa isang bansa sa halip na sa kapangyarihan. Kaugnay nito, bagaman nakapag-iipon ang ilang malalaking kapangyarihan ng higit na kakayahan kaysa sa iba, hindi tuwirang nangangahulugang banta sila sa iba. Naglatag si Walt ng apat na salik para kilalanin ang mga potensyal na pinagmumulan ng banta sa seguridad. 1 Ang mga salik na ito ay: (1) ‘kabuuang kapangyarihan (kabuuang rekusrso gaya ng populasyon, sukat ng heograpiya, lakas ng ekonomiya, at unlad ng teknolohiya)’; (2) ‘kakayahan sa opensiba’; (3) ‘pagiging malapit sa heograpiya’; and (4) ‘hangaring sumalakay’.

Bagaman maliwanag na kapwa tumutugma ang US at China sa una at ikalawang salik (kapag nagmamantine ang dalawang nasyon ng kabuuang kapangyarihan at kakayahan sa opensibang militar gaya ng armas nukleyar), may kahirapang alamin kung potensyal na banta sa Thailand ang mga Amerikano at Tsino sa pammagitan ng ikatlo at ikaapat na salik. Sa umpisa, maaaring higit na banta ang China sa seguridad ng Thailand kaysa sa US dahil sa salik na mas malapit ito sa heograpiya. Lohikal ito dahil bakit magiging banta ang isang bansang nasa Hilagang Amerika sa seguridad ng Timog-Silangan? Ano ang pinakamasamang maaaring mangyari kungsaan maaring isapanganib ng US ang mga bansa sa Asya maliban sa pag-atras ng militar nito sa rehiyon?

Salungat rito, ang pagkawala ng militar ng US sa Asya ay magpapahintulot ng walang-sagkang paglaki ng lakas ng China. Halimbawa, noong Oktubre 2021, ipinangako ni Pangulong Biden na ipagtatanggol ang Taiwan kung magpasya ang China na salakayin ang isla. 2 Ang matibay na komitment na ito ni Biden ay resulta ng serye ng pang-uupat ng China na pwersahang isanib ang isla, at ng matigas na tindig ng pangulo ng Taiwan na si Tsai Ing-wen para sa soberanya ng kanyang bansa. Dahil rin sa pagbibigay-katiyakan ng pamahalaan ng US na poprotektahan ang kalayaan sa paglalayag sa South China Sea kung kaya napipigilan ang mga Tsino na lamunin ang mahalagang pasilyong dagat sa Silangang Asya.

Sa Thailand, ilang mga tagalikha ng patakaran at mga tagasuportang dulong-kanan ang nagbibigay ng higit na halaga sa relasyon sa China kaysa sa Amerika. Inilarawan ni Kasian Tejapira, isang propesor ng agham pampulitika, ang pihit pakanan tungong China bilang bahagi ng apat na ideolohiya: ‘nasyunalismong kontra-Kanluran’; ‘globalismong naka-sentro sa China’; ‘walang-kahihiyang parasitikong oportunismo’; at ‘tunggak at kinopyang awtoritaryanismo’. 3 Maging ang Prime Minister ng Thailand na si Prayuth Chan-ocha ay tahasang nagbanggit sa Time magazine na ‘numero unong katuwang’ ng Thailand ang China. 4 Ang pagkiling sa China nang hindi ito kinikilala bilang posibleng banta na nasa malapit lamang ay hindi lamang makitid na pananaw kundi peligroso para sa patakarang panlabas ng Thailand sa kalaunan.

Sa kasaysayan, higit na naging panganib ang Mainland China para sa Thailand kumpara sa US. Sa panahon bago ang modernisasyon, ipinailalim ang Thailand (o Siam) sa relasyong tributaryo sa Gitnang Kaharian ng China. Sa panahon ng digmaan, naging suliranin para sa mga opisyal ng Thailand ang usapin ng mga dayong Tsino. Mula 1950 hanggang 1975 sa panahon ng Cold War, nagharap ng malubhang panganib sa estadong Thai ang patakarang pagluluwas ng komunismo ng China. Kaugnay ng US, muog laban sa komunismo ang presensyang militar nito. Kung kaya, nang i-atras ni Richard Nixon ang kanilang tropa mula sa Timog-Silangang Asya, nalagay sa panganib ang seguridad ng Thailand. Sa madaling salita, ang pagiging magiit ng Amerika sa Thailand ang nag-istabilisa sa bansa at sa rehiyon, hindi ang kabaligtaran nito. Bagaman totoong walang pagdamay ang US sa Thailand sa kasagsagan ng krisis pampinansya sa Asya noong 1997, naging isa lamang malayong kakilala ang pamahalaang Amerikano na ang interes ay nasa ibang bagay. Hindi sila makapagdadala ng panganib sa Thailand dahil sa kalayuang geopolitikal sa pagitan ng dalawang bansa.

Isang hidwaang heograpikal na maaaring sumulpot sa hinaharap ay ang pagkatuyot ng ilog Mekong na dulot ng labing-isang dam ng China na itinayo sa hilagang bahagi ng Mekong. Bagaman paulit-ulit na itinanggi ng mga opisyales ng China na kagagawan ng mga dam ang kakulangan ng tubig sa panahon ng tagtuyot, sinabi ng isang pag-aaral na pinalala ng mga dam ng China ang kalagayan ng tubig sa ibabang bahagi ng Mekong. 5 Sa kabila ng pagkilos ng mga aktibista mula sa panig ng Thailand, walang makabuluhang talakayan mula sa pamahalaan ng Thailand para pilitin ang mga katapat sa China na ayusin ang usapin.

Pundamental ang heograpiya sa pagtatatag ng relasyon sa pagitan ng mga bansa dahil hindi ito maaaring baguhin. Magiging isang bangungot ang isang kapit-bansa kung maging kalaban ito. Maaaring maka-dismaya ang isang masamang malayong bansa, ngunit hindi makakabagabag. Sa ganitong anggulo, marapat na markahan ang China bilang higit na nakakatakot kaysa sa US.

The Mekong river running through the Thailand and Loas border.

Banta sa mga Batayang Pagpapahalaga

Mula dekada ‘90, ipinagmamalaki ng China ang kanilang patakaran na hindi manghimasok sa mga domestikong usapin ng ibang bansa. Waring mahirap nang ipagpatuloy ang gayung patakaran dahil sa mga pangyayari nitong huli.

Gaya nang lahat ng bansa, sa simula ng 2020 ay apektado ang Thailand ng paglaganap ng COVID-19. Sa kabila ng mabagsik na kalagayan ng pandemya, dumagsa sa lansangan ang mga nagpoprotesta laban sa pamahalaan para hilingin ang pagbibitiw sa pwesto ng punong ministro ng Thailand na si Prayuth Chan-ocha. Panukala ng mga kilusang pinamunuan ng mga kabataan ang manawagan ng kalakhang demokratikong reporma sa sistemang pampolitika sa Thailand. Marami sa taktika ng mga maka-demokrasyang kilusan na ito ay naimplewensyahan ng mga protesta sa Hong Kong na pinamunuan ni Joshua Wong. Bahagi ang mga kilusang ito ng nabuong kalat-kalat na koalisyon na tinawag na ‘Milk Tea Alliance’, isang virtual na network na binuo ng mga netizen sa Hongkong, Taiwan, at Thailand na nangampanya laban sa awtoritaryanismo.

Tiningnan ng ilang Chinese media ang agos na ito nang may paghihinala. Naglathala ang Global Times, ang pahayagang may pahintulot ng pamahalaang China, ng ulat na nagpaparatang sa mga demokratikong kilusan sa Thailand na ‘may mga ugnayan sa US’. 6 Isang hindi makatotohanan na ulat pa ang nagpahiwatig na ilang di-kilalang Kanluranin ang nag-utos sa mga estudyanteng Thai na magtayo ng mga entablado at barikada. Paliwanag ng may-akda na ‘nakipagsabwatan sa US at iba pang Kanluraning bansa’ ang mga nagpoprotesta laban sa pamahalaan upang ibunsod ang pamamahala sa bansa ng mga proxy ng Kanluran. 7

Bagaman hindi malinaw ang mga ebidensyang magpapatunay ng panghihimasok ng China, hindi maganda ang pananaw nito sa mga kilusang demokratiko sa Thailand. Simula noong kudeta noong 2014 na nagluklok kay Prayuth sa kapangyarihan, naging malapit ang relasyong Sino-Thai higit kailanman. Kagila-gilalas rin ang paglaki ng kasunduan sa armas ng Thailand sa China. Ipinunto ng isang eksperto na ang pagbebenta ng armas ng China sa Thailand ay maaaring maka-implwensya sa sandatahang lakas ng Thailand dahil aasa ang mga Thai sa spare parts at pagmamantine ng China. 8 Kung maka-China ang pamahalaang Prayuth na sinusuportahan ng militar, isang hamon rin naman sa lakas ng China ang mga demokratikong kilusan na tumutunggali sa awtoritaryanismong Thai sa loob ng bansa.

Dagdag pa, ang patakaran ng Thailand kaugnay ng bakuna laban sa COVID-19 ay kayang magpatunay sa posibilidad na mapaminsala ang China sa mga demokratikong pagpapahalaga. Sa simula ng 2021, lulong na bumili ang pseudo-demokratikong pamahalaan ng Thailand ng mga bakunang Astrazeneca na naka-base sa Oxford at Sinovac na likha ng China. Gayunman, negatibo ang persepsyon ng publikong Thai sa mga bakuna ng China, laluna sa hanay ng mga paksyong maka-demokrasya. 9 Samantalang kakatwang naantala ang pag-angkat kapwa ng mga bakuna ng Pfizer at Moderna noong ikalawang nahagi ng 2021, bumuhos ang bakunang Sinovac sa Thailand sa mahigit 30 milyong dosis. Kung kaya, naghinala ang mga partidong oposisyon at mga taga-suporta ng demokrasya sa Thailand sa pagkikipagsabwatan ng Bangkok sa Beijing kaugnay ng mga kasunduan sa bakuna.

Sa debateng parliyamentaryo noong Setyembre 2021, binalaan ng Punong Ministro, Ministro sa Pampublikong Kalusugan at Tagapangulo ng Parliyamento ang mga partidong oposisyon na iwasang talakayin ang kawalang-bisa ng Sinovac na maaaring ilagay sa panganib ang relasyon bilateral sa Beijing. 10 Kahindik-hindik na kalapastanganan ang pangyayaring ito dahil dapat na katawanin ng Pambansang Asembliya ng Thailand ang interes at kaligtasan ng mamamayang Thai. Hindi naman kailanman pinagbawalan ang mga dulong-kanan na politiko na magbato ng sisi sa US. Bakit, kung gayon, nagiging usapin na sabihin ng mga kritiko na isang kabiguan ang kasunduan sa Sinovac? Ang tanging posibleng dahilan ay maaaring nauunawaan ng rehimen na posibleng mas nakakatakot ang pamahalaang China kaysa sa US. Kung kaya, pangunahing adyenda ni Prayuth ang magpanatili ng payapang relasyon sa Beijing at supilin ang mga kritiko ng Sinovac.

Chinese foreign ministry spokesman Zhao Lijian. The foreign ministry is one of many Chinese government organs increasingly employing aggressive diplomacy tactics, including misinformation and propaganda. Wikipedia Commons

Sa larangan ng social media, isinulong ng China ang maaaring tinatawag ng ilan na ‘diplomasyang wolf-warrior’. Sa kabuuan, aktibong nagpapalaganap ang mga wolf warrior o diplomatikong Tsino ng mga mapanlaban at agresibong salita sa pamamagitan ng kanilang mga post sa social media. Sa Facebook page na ‘Chinese Embassy Bangkok’, halimbawa, naglunsad ng maruming kampanya ang mga sugong Tsino na nagparatang sa US bilang potensyal na pasimuno sa pagkalat ng pandemya. 11 Bilang tugon sa pag-aalinlangan sa Sinovac, inanunsyo ng embahada ng China sa Facebook account nito noong Setyembre 3 na yaong mga pumupuna sa bisa ng Sinovac ang maaaring makasira sa relasyong Sino-Thai. Para palalain pa ang sitwasyon, ipinagpapapalagay na ini-sponsor ng China ang paglathala ng artikulo sa Bangkok Post na nag-aakusa sa US ng pagpapakana ng naratibong ‘pinagmulan ng virus’. Inilathala rin ang ganitong artikulo sa website ng Embahada ng China. 12

Lantad na ang estratehiyang wolf-warrior ng China sa Thailand ay isang pakikipaglabanan sa US. Gayunman, naganap ang mismong labanang ito sa lupain ng Thailand. Karaniwang nirerespeto ng mga dayuhang diplomatiko na naninirahan sa ibang bansa ang kasarinlan ng bansang tumatanggap sa kanila. Salungat sa matagal nang kalakaran, itinakda ng mga wolf warriors ang Thailand bilang kanilang larangan ng labanan. Ang malala ay ang kawalan ng reaksyon ng Thailand sa mapanganib na pakanang ito ng China. Walang ulat kung paanong maaaring nagbabala ang Ministro ng Ugnayang Panlabas ng Thailand sa embahada ng China na pahupain ang kanilang magaspang na pagpapamalas.

Paano pakikitunguhan ang nagbabanta?

Sapat ang mga binanggit na pagsusuri na sabihing maaaring higit na banta ang China kaysa sa US. Hindi nangangahulugan ng pagpuputol ng diplomatikong relasyon ang pagkilala sa China bilang pangunahing banta. Gayunpaman, kailangang kamtin ng Bangkok ang balanse sa pamamagitan ng paglapit sa Washington para makilahok sa pantatluhang larong ito.

Ipinakita ng mga huling kaganapan sa rehiyon na ang Asya ang target ng mga Amerikano. Noong Setyembre 2021, nilagdaan ni Pangulong Biden ang isang trilateral na kasunduang panseguridad kasama ang United Kingdom at Australia, at tanyag na kilala bilang ‘AUKUS’. Sa makasaysayang pagtutuwangan na ito, susuportahan ng US ang Australia sa pagbili ng mga submarinong nukleyar. Noong Marso 2021, ipinanumbalik ng apat na kasapi nito– ang US, India, Japan, and Australia– ang diwa ang Quadrilateral Security Dialogue (QUAD). Kapwa ang AUKUS at QUAD ay mga inisyatibang binuo para tunggaliin ang agresyon ng China sa Asya-Pasipiko. Nasa Thailand ang desisyon na piliing kumiling sa US para likhain ang kapanatagan sa Timog-Silangang Asya.

Sa pananaw ng patakarang panlabas, kung magiging realistiko, talagang isang banta ang China sa seguridad ng Thailand dahil sa heograpikal na kalapitan nito; kung magiging liberal, ang impluwensya ng China sa Thailand ay lalong mapanganib sa mga batayang pagpapahalagang itinataguyod ng mga kilusang demokratiko.

Peera Charoenvattananukul
Si Peera Charoenvattananukul ay Lecturer sa gawaing internasyunal, Faculty of Political Science, Thammasat University

Notes:

  1. Stephen M. Walt, “Alliance Formation and the Balance of World Power,” International Security Vol.9, No.4 (1985): 3-43.
  2. Stephen McDonell, “Biden says US will defend Taiwan if China attacks,” BBC, October 22, 2021, https://www.bbc.com/news/world-asia-59005300.
  3. Kasian Tejapira, “The Sino-Thais’ right turn towards China,” Critical Asian Studies Vol.49, No.4 (2017): 606-618.
  4. Charlie Campbell, “Exclusive: Thailand PM Prayuth Chan-ocha on Turning to China over the US,” Time, June 21, 2018, https://time.com/5318224/exclusive-prime-minister-prayuth-chan-ocha-thailand-interview/.
  5. The Economist, “The Shrinking Mekong: South-East Asia’s Biggest River is Drying Up,” The Economist, May 16, 2020, https://www.economist.com/asia/2020/05/14/south-east-asias-biggest-river-is-drying-up.
  6. Yang Sheng, “HK rioters criticized for meddling in Thai protests,” Global Times, October 20, 2020, https://www.globaltimes.cn/content/1204125.shtml.
  7. Yu Qun, “Behind-scenes funding of Thailand protests show invisible Western hands,” Global Times, October 21, 2020, https://www.globaltimes.cn/content/1204212.shtml.
  8. Ian Storey, “Will the Covid-19 Crisis Affect Thai-China Defence Cooperation?,” Institute of Southeast Asian Studies, May 29,2020, https://www.iseas.edu.sg/media/commentaries/will-the-covid-19-crisis-affect-thai-china-defence-cooperation/.
  9. Khairulanwar Zaini and Hoang Thi Ha, “Understanding the Selective Hesitancy towards Chinese Vaccines in Southeast Asia,” Institute of Southeast Asian Studies, September 1, 2021, https://www.iseas.edu.sg/articles-commentaries/iseas-perspective/2021-115-understanding-the-selective-hesitancy-towards-chinese-vaccines-in-southeast-asia-by-khairulanwar-zaini-and-hoang-thi-ha/.
  10. Aekarach Sattaburuth, “Prayuth defends govt virus crisis handling,” Bangkok Post, August 31, 2021, https://www.bangkokpost.com/thailand/politics/2173619/censure-debate-kicks-off.
  11. Chinese Embassy Bangkok Facebook page on August 23, 2021.
  12. Bangkok Post, “The US ‘Assessment on Covid-19 Origins’ Infected by the Political Virus is No Way Credible,” Bangkok Post, August 30, 2021, https://www.bangkokpost.com/business/2173487/the-us-assessment-on-covid-19-origins-infected-by-the-political-virus-is-in-no-way-credible.; See also Spokesperson of the Chinese Embassy in Thailand, “The US ‘Assessment on Covid-19 Origins’ Infected by the Political Virus is No Way Credible,” Embassy of the People’s Republic of China in the Kingdom of Thailand, August 30, 2021, http://www.chinaembassy.or.th/eng/gdxw/t1903063.htm.