Ang Kilusang Demokrasya ng Myanmar

Kai Ostwald & Kyaw Yin Hlaing

Street protest, Myanmar 2021. Photo Pyae Sone Htun, Unsplash

May maikling panahong demokratiko ang Myanmar (dating kilala bilang Burma), mula panahon ng kasarinlan noong 1948 hanggang sa kudeta noong 1962, pagkatapos ay halos absolutong hinawakan ng militar (kilala bilang Tatmadaw) ang kapangyarihan sa halos limang dekada. Nagsimula ang hindi inaasahang pagbubukas sa politika at ekonomiya noong 2010 at tumungo ito sa isang dekada ng pagsasalo sa kapangyarihan sa pagitan ng militar at magkakasunod na mga pamahalaang sibilyan, una ay sa alyadong-militar na Union Solidarity and Development Party (USDP) mula 2011 hanggang 2015, at matapos ay sa National League for Democracy (NLD). Habang mabagal ang takbo ng demokratikong reporma, malawakang binago ng isang dekada ng pagiging bukas ang mga kagawiang politikal at nagtaas ng pag-asa ng maraming mamamayan para sa mas mainam na hinaharap, laluna sa mga kabataan.

Biglaan itong nagwakas noong Pebrero 1, 2021, wala pang tatlong buwan matapos ang malaking elektoral na tagumpay ng NLD noong November 2020. Naglunsad ng kudeta ang Tatmadaw at iniluklok muli ang buong paghaharing militar sa pamamagitan ng State Administration Council (SAC). Sa mga sumunod na linggo, nagkahugis ang isang malawak na kilusang maka-demokrasya. Sinalubong ito ng marahas na panunupil ng Tatmadaw na kalauna’y nagtungo sa pagpihit ng mga kahilingan ng kilusan mula sa pagbabalik ng kalagayan bago ang kudeta tungo sa ganap na pagpapapapatalsik sa Tatmadaw sa politika.

Nagbibigay ang artikulong ito ng maikling pagsusuri sa kilusang maka-demokrasya ng Myanmar. Binuo namin ang konsepto ng kilusan na binubuo ng tatlong pangunahing haligi: ang mga nagpoprotestang masa; ang Civil Disobedience Movement (CDM); at ang Committee Representing the Pyidaungsu Hluttaw (CPRH) at National Unity Government (NUG). Isinasaalang-alang rin namin ang espesyal na papel ng mga etnikong minorya. Maraming pagkakaiba ang kilusang ito mula sa kanyang mga sinundan, subalit gaya nang mga naunang komprontasyon, nililimitahan ng malalaking bentahe ng militar ang mga kakayahan ng kilusan para magkamit ng mga pagsulong. Sa gayon, nakikitang ang malamang na kahantungan nito ay ang matagalan, magastos at sa dulo’y kalunus-lunos na pagtatabla.

Police crack down to anti-coup protesters in Yangon, Myanmar on 08 March 2021. Photo: Maung Nyan / Shutterstock.com

Karanasan sa Kasaysayan

Sa kabila ng iba’t-ibang porma ng demokratikong presyur, naisagawa ng Tatmadaw ang halos kumpletong kontrol sa estado sa loob ng kalahating siglo bago ang 2011. Bunga ang katatagan ng rehimen nang maraming katangian. Ang Tatmadaw ang tanging modernong militar sa daigdig na nasangkot sa aktibong hidwaan nang walang patlang sa buong panahon ng pag-iral nito. Dahil sa sentral na papel nito sa pagtatatag ng Myanmar, tiningnan nito ang sarili bilang simbolo ng bansa, at sa gayon, ang lahat ng kalaban ay mga traydor. Ang malawak na katapat na institusyon sa mula sa larangan ng edukasyon hanggang sa pangangalaga ng kalusugan ay naglimita sa interaksyon sa pagitan ng mga tauhan ng militar at sibilyan. Binigyang-daan ng mga ito ang Tatmadaw na magsagawa ng matitinding hakbang laban sa mga nakikita nitong domestikong banta, kasama na ang mga demokratikong kilusan at etnikong minorya.

Bagaman sinimulan ang transisyong politikal noong 2010, nanatiling mahusay na napoprotektahan ang impluwensya ng Tatmadaw: ginarantiyahan ito ng awtonimiya sa  Konstitusyon ng 2008, at binigyan ng 25% ng puwesto sa parliyamento, gayundin ng kontrol sa mga ministri ng usaping panloob, depensa, at mga hangganan. Sa gayon, nabuo nito ang kaayusang ad hoc na pagsasalo sa kapangyarihan sa mga sadyang malalabong katakdaan.

Sa kabila nito, tunay rin na naganap ang malawakang pagbabago sa ilalim ng mga pamahalaang USDP at NLD. Pumutok ang akses sa internet na nagbigay sa milyun-milyon ng akses sa mas malawak na daigdig at sa mga ideya nito. Lumitaw ang civil society na nagbigay-daan sa pagtalakay sa mga paksa na dati ay hindi maaring pag-usapan, tulad ng demokrasya, panlipunang inklusyon at pederalismo. Ang malaking bahagi ng serbisyo sibil ay tinauhan ng mga sibilyan na walang ugnayan sa Tatmadaw, na nagbawas sa kontrol ng militar sa mga larangan ng estado. Binago ng mga pag-unlad na ito ang dinamismo sa pagitan ng Tatmadaw at ng mamamayan, na dahilan kung bakit naiiba sa mahahalagang paraan ang kasalukuyang demokratikong kilusan kaysa sa mga nauna rito.

Mga Protestang Masa

Maaaring ang mga pangmasang protestang lansangan ang pinakalutang na bahagi ng kilusan na maka-demokrasya. Nakatipon sila ng daan-daang libong mamamayan mula sa mga lungsod, bayan at baryo sa buong bansa. Sa kalakhan ay ispontanyo ang mga ito at  walang lider, kungsaan ang kanilang mga pangunahing bida ay mula sa kabataang Generation Z, mga aktibistang politikal at sosyal, at ang komunidad ng mga artista.

Sumulpot ang mga unang protesta sa Yangon at Mandalay ilang araw lamang matapos ang kudeta. Itinulak ng kanilang bisibilidad at ng inisyal na pagpipigil ng mga pwersa ng estado ang lalong mas malalaking protesta sa mga sumunod na linggo. Pinadaloy ng kapangyarihan ng smart phones ang koordinasyon at nagbigay-daan sa simbolikong makapangyarihang ugnayan sa mga demokratikong kilusang sa internasyunal na antas, kasama na ang Milk Tea Alliance Strike noong ika-28 ng Pebrero na nag-ugnay sa mga nagpoprotestang kabataan sa kanilang mga kahalintulad sa Hong Kong, Taiwan, at Thailand.

Sandali lamang ang inisyal na pagpipigil ng Tatmadaw: naganap ang unang mapaminsalang pamigil-hakbang sa huling bahagi ng Pebrero. Ginamitan ng brutal na pamamaraan ang mga sumunod na pamigil-hakbang. Sa panahong isinusulat ito, higit 800 nagpoprotesta at mga saksi na ang pinatay habang libu-libo ang ikinulong at naging biktima ng abuso. Lubhang pinigilan ng pagsasara ng internet at midya ang akses sa impormasyon.

Demonstrators blocked a road during an anti-coup protest in Yangon, Myanmar on 07 March 2021. Photo: Maung Nyan / Shutterstock.com

Bilang tugon sa mararahas na pamigil-hakbang, nagpaunlad ang mga nagpoprotesta ng mga malikhaing alternatibong taktika. Sa mga unang araw ng kudeta, nakita na ang paggamit ng social media para manawagan ng pagboykot sa mga negosyong pag-aari ng mga militar at sa mga produktong likha ng mga ito. Lubhang matagumpay ang mga ito: ang dating namamayaning Myanmar Beer na pag-aari ng militar, halimbawa, ay hindi talaga maibenta at nawala sa mga eskaparate. Itinakwil ng kampanyang pagpaparusang panlipunan, na kinoordina rin sa social media, ang mga pamilya ng mga kilalang opisyal ng militar. Sa labas ng internet, hinalinhan ng mas maliliit, higit na makilos , at sorpresang mga protesta ang higit na malalaking mga pagtitipon ng masa noong mas maagang bahagi.

Para protektahan ang kanilang mga sarili, nagsimulang magsuot ang mga unang hanay ng mga nagpoprotesta nang mga armas pandepensa, gayundin ang buhaghag na pagbubuo ng “milisya ng mamamayan” mula sa bilang na 20 hanggang 500 na ang ilan ay nakatanggap ng suportang pinansyal at taktikal na pagsasanay mula sa mga etnikong armadong organisasyon (EAOs). Samantalang nanatiling pangunahing depensibo ang kanilang layunin, nagsimulang maganap sa maagang bahagi ng Mayo ang mga atake na gumagamit ng improvised explosive devices (IEDs) sa mga istasyon ng pulis at mga administratibong tanggapan ng pamahalaan.  Sa dulong bahagi ng Mayo, inanunsyo ng NUG ang pabubuo ng People’s Defense Force (PDF) bilang panimula ng Federal Union Army. Inihudyat nito ang pagtindi ng mga hidwaan dahil inatasan ang PDF na samahan ang mga EAO sa pagsagupa sa Tatmadaw sa buong bansa; tunay nga, habang nananatiling desentralisado, kasunod na tumindi ang mga atake laban sa Tatmadaw kapwa sa bilang at sa antas ng koordinasyon, partikular sa mga estado ng etnikong minorya.

Ang Civil Disobedience Movement

Lumitaw ang Civil Disobedience Movement (CDM) kalakip ng mga protestang masa; pangunahing pinamunuan ito ng mga kawani sa pamahalaan, kasama ang mga doktor, nars, guro, manggagawa sa transportasyon at burukrata mula sa iba’t-ibang sektor. Nagsimula ang (CDM) bilang kusang-loob na pagpapakita ng pagsuway, lalo na sa kanilang pagboykot sa trabaho. Naging posibleng abutin ng CDM ang ganitong antas na dating hindi mahagip dahil sa unti-unting pagpalit ng mga sibilyan sa mga tauhang konektado sa militar sa serbisyo sibil simula 2011.

Sa rurok nito, nagawa ng CDM na patigilin sa paggalaw ang maraming sektor ng estado at ekonomiya ng Myanmar: tumigil sa paggana ang mga ospital, nagsara ang mga bangko, nabalaho sa mga pantalan ang mga produkto, at huminto ang network ng transportasyon. Direkta at malinaw na tinunggali nito ang pahayag ng Tatmadaw na magiging panatag ang bansa at matitiyak ang mabilis na pagbalik sa normal sa pag-agaw nito ng kapangyarihan. Napakalaki ng simbolikong bisa ng paralisis na ito. Bukod pa rito, nagawa ng CDM na higit na maging mahirap para sa Tatmadaw na mamahala, at kalakhang nagambala ang ilan sa pinakamahahalagang daloy ng kita ng estado.

Dati na at nananatiling watak-watak ang CDM. Samantalang sa simula ay naging bentahe ito dahil nalilimitahan ang mga opsyon ng Tatmadaw sa tugon na gagawin, pinabagal naman ang momentum nito ng kabiguan na epektibong ikoordina ang mga aksyon. Habang tumatagal ang komprontasyon, dumarami ang bilang ng mga kawani ng pamahalaan na bumabalik sa trabaho. Hindi ito dahil sa paghina ng paninindigan kundi dahil sa mga praktikal na konsiderasyon: itinataya ng mga kawani ng pamahalaan na maharap sa persekusyon ng mga pwersang panseguridad at mawalan ng pabahay na bigay ng estado; humaharap rin sila sa pagkawala ng kita sa panahon na ubos na ang kanilang ipon kasunod ng pagtamlay ng ekonomiya kaugnay ng pandemya noong 2020.

Ang Committee Representing the Pyidaungsu Hluttaw (CRPH) at ang National Unity Government (NUG)

Itinatag ang CRPH noong ika-5 ng Pebrero 2021 ng isang grupo ng mga pinatalsik na mambabatas (pangunahin mula sa NLD) para gumanap bilang katapat na pamahalaang sibiliyan na katunggali ng SAC. Sa paglabas ng bagong Federal Democracy Charter noong Abril 2021, inanunsyo ng CRPH na ibinasura na ang Konstitusyon ng 2008 na nagbigay-hugis sa politika sa panahon ng pagsasalo sa kapangyarihan.

Samantalang maraming nagpoprotestang grupo ang kumikilala sa lehitimong awtoridad ng CRPH, nahirapan itong magbigay ng epektibong pamumuno. Sa isang bahagi, dulot ito ng kanilang ad hoc na pormasyon, kung kaya wala itong mekanismo para ikoordina ang mga aktibidad. Dagdag pa, nahirapan ang CRPH na pag-isahin ang malawak na base ng suporta, partikular sa hanay ng mga etnikong minorya. Halimbawa, nabigo itong kuhanin ang komitment ng mga etnikong partido at mga EAO para sa Federal Charter, na may mga seksyon pa rin na pinagtutunggalian (partikular yaong may kaugnayan sa mga parlyamento ng estado at hukbong pederal).

Isang pagtatangka ang pagbubuo ng NUG noong Abril 19 para palaparin at higit na gawing lehitimo ang oposisyon sa SAC: samantalang itinatag ang NUG batay sa CRPH, kabilang rin dito ang mga lider ng mga nagpoprotesta at mga kinatawan ng grupo ng etnikong minorya, kung kaya higit na iba-iba ang etinisidad at hindi gaanong nakasentro sa NLD ang komposisyon nito kumpara sa mga nakaraang pamahalaan. Gayon pa man, nakadepende ang tagumpay nito sa hinaharap sa kakayahan nitong makakuha ng pagkilala: humaharap ito ng malalaking hamon sa larangang internasyunal, gayundin ng mga seryosong balakid para malampasan ang  kawalan ng tiwala hindi lamang ng mga grupo ng etnikong minorya sa sentral na awtoridad, kundi sa NLD mismo.

Website of the National Unity Government of the Republic of the Union of Myanmar.

Mga Etnikong Minorya

May malalaking pagkakaiba-iba sa tugon ng mga etnikong partido sa demokratikong kilusan. Kinilala at nakipagtulungan ang ilan sa SAC, kilala rito ang Mon Unity Party at ang Kayah State Democratic Party. Ang iba naman, kasama ang Shan Nationalities League for Democracy, ay mariin na pumuna sa CRPH dahil sa kawalan nito ng etnikong representasyon, ngunit tahimik pa rin na sumuporta sa ilang aspeto ng kilusang maka-demokrasya. Samantala, malakas at malikhaing nag-ambag sa kilusang maka-demokrasya ang iba pang grupo, pinakalutang ang mga nasa ilalim ng bandila ng General Strike Committee of Nationalities (GSC-N), sa kabila ng mga nananatiling tensyon sa pagitan nila ng CRPH.

Umiiral rin ang mga katulad na pagkakaiba-iba sa oryentasyon ng maraming mga EAO sa Myanmar. Hayagang lumahok ang ilan sa NUG sa pagsagupa sa Tatmadaw, halimbawa ay ang Chin National Front at ang Lahu Democratic Union. May mga reserbasyon sa CPRH/NUG ang iba pang mayor na aktor gaya ng Kachin Independence Army at Karen National Union ngunit nakipag-ugnayan sila sa demokratikong kilusan at nagbigay ng pagsasanay sa mga nagpoprotesta, habang ipinagpapatuloy (o pinatitindi) ang pakikipaglaban sa Tatmadaw sa sariling nilang pangalan (sa halip bilang bahagi ng NUG). Nakipagpulong naman sa SAC ang isa pang grupo, kasama ang malakas na United Wa State Army at nanatiling tahimik sa kalakhan hinggil sa kilusang maka-demokrasya, sa gayo’y nagpapahiwatig ng kagustuhang umiwas sa aktibong partisipasyon.

Mangangailangan ng bihasang pagmamaniobra mula sa NUG para makonsolida ang suporta ng mga iba-ibang aktor na ito. Sa panahong isinusulat ang artikulong ito, hindi malinaw kung ano ang kahihinatnan. Partikular sa lugar ng etnikong mayorya, may malaking suporta sa hanay ng publiko ang NUG bilang tanging litaw na alternatiba sa SAC. Subalit sa kabila ng malilinaw na pagsisikap upang higit na maging inklusibo sa pagkakaiba-iba ng Myanmar kaysa mga nagdaang pamahalaan, nagrereklamo ang mga EAO at CSO na wala pa ring pagkakapantay-pantay habang idinidikta pa rin ng CRPH, na dominado ng NLD, ang pag-unlad.

Teachers protest against the military coup in February 2021, Hpa-An, Kayin State, Myanmar. Wikipedia Commons

Tanaw Pasulong

Nagpakita ang mamamayan ng Myanmar ng kahanga-hangang paninindigan na labanan ang kudeta sa pamamagitan ng iba’t-ibang mukha ng kilusang maka-demokrasya. Naitulak sa depensiba ang Tatmadaw na lubhang napalaki ang pagtantya sa sariling popular na suporta. Sa kabila nito, halos tiyak nang hindi kayang panatilihin ng kilusang maka-demokrasya ang lakas na mayroon ito noong maagang bahagi. Hindi lamang pinaliit ng mga mararahas na pamigil-hakbang at pang-aaresto ang mga protestang masa kundi husto ring hindlangan ang kakayahan ng kilusan na ikoordina ang tatlong haligi nito. Hindi nakakagulat na nahirapan ang CRPH/NUG, na inetsa-pwera sa mga institusyon at humaharap sa matatagal nang tensyon sa pagitan ng sentro at nasa paligid nito, na magbigay ng mapagpasyang pamumuno na kinakailangan upang magkamit ng pag-unlad sa pakikipagtagisan sa Tatmadaw.

Ngunit malayong mamatay ang kilusang maka-demokrasya. Sa halip, ipinakita ng mga kasapi nito na handa silang tanggapin ang mga napakalaking kapalit para mapanatiling buhay ang pag-asa para sa demokratikong hinaharap. Nag-iibayo ang poot nila sa Tatmadaw sa bawat karagdagang pagkamatay sa kanilang hanay, kung kaya hindi nakikita ang pagbabalik sa kaayusan ng pagsasalo sa kapangyarihan na mayroon bago naganap ang kudeta. Kumakaharap ang Tatmadaw ng mga mahihirap na hamon: hindi nila mabali ang diwa ng kilusang maka-demokrasya, samantalang nakikita rin nila na patuloy na humihina ang hinaharap ng pakikipagsundo sa pamamagitan ng negosasyon para ipreserba ang kanilang sentralidad sa pulitika. Natagpuan nito ang sarili na walang mga pagpipiliang daan palabas sa kasalukuyang sitwasyon, at kung gayon ay kailangang mamuno sa isang bansa na lalong gumigiray-giray patungo sa pagguho ng estado. Ang nakalulunos na konklusyon ay malamang na isang marahas at matagalang pagtatabla, na magdudulot ng malagim na pinsala sa tao, ang kahihinatnan.

Kai Ostwald
Associate Professor, School of Public Policy and Global Affairs
University of British Columbia

Kyaw Yin Hlaing
Director, Center for Diversity and National Harmony (CDNH)
Myanmar