Mga Pagbabago sa mga Pag-unawa sa Lupain sa Laos: Mula Soberanya ng Estado tungong Mobilisasyon ng Kapital

Ian G. Baird

KRSEA-Laos-Baird-Banner

Nakilala ko si Gng. Khamtanh Souridaray Sayarath sa Paris, France noong Agosto 23,2013. Isinilang sa bayan ng Champassak sa katimugang Laos, isa siya sa mga kauna-unahang kababaihang Lao na nagtapos sa paaralan ng abogasya sa Vientiane noong dekada ‘50. Kasunod ng kanyang pagtatapos, humawak siya ng iba’t ibang posisyon sa Ministry of Industry, Ministry of Culture, at sa Department of Trade. Noong taong 1962, naging Chief de Bureau siya sa Ministry of Economics kungsaan responsible siya sa pag-apruba sa mga konsesyon sa lupa, pagtotroso at pagmimina para sa Royal Lao Government (RLG). Hinawakan niya ang posisyong yaon hanggang taong 1975, nang sakupin ng komunistang Pathet Lao ang bansa. Tulad nang marami, tumakas siya patungong kampo ng refugee sa Thailand bago manirahan sa Paris sa kalaunan.  

Mahalaga ang aking mga pakikipagtalakayan kay Gng. Khamtanh para sa pagmumuni hinggil sa kung paano nagbago ang mga konseptwalisasyon sa lupain sa Laos, hindi lamang sa pagitan ng mga panahong di-komunista at komunista, kundi maging mula nang ipatupad ang mga repormang pang-ekonomiya sa Laos sa kalagitnaan ng dekada ’80, at laluna mula noong isabatas ang 2003 Land Law, dahil nagbibigay ito ng ligal na balangkas para mapahintulutan ang mga dayuhang mamumuhunan na makatanggap ng malalaking konsesyon sa plantasyon, isang bagay na hindi magaganap sa panahon ni Gng. Khamtanh. Ikinakatwiran ko dito na ang mga pag-unawa hinggil sa lupain at pambansang soberanya sa Laos ay malakihang nagbago sa nakaraang ilang dekada, kungsaan ang lupain ay papalaking na-pinansyalisa at tinitingnan bilang aset upang akitin ang dayuhang pribadong pamumuhunan, sa halip na tingnan ito bilang nagsasariling teritoryong hindi dapat payagang mapasa-kontrol ng mga dayuhan.

Panayam kay Gng. Khamtanh

Ang nakita kong partikular na interesante sa pakikipagtalakayan kay Gng. Khamtanh ay ang malaman kung paano niya inuunawa ang ang mga konsesyon sa lupain sa panahon ng RLG. Iniulat niya, sa pagitan ng mga taong 1962 hanggang 1975, hindi maaaring lumampas ng limang ektarya ang mga konsesyon sa lupain.  Tunay nga, ang Law No. 59/10, na nag-amyemda sa Land Law ng Mayo 1958, na may petsang Disyembre 21, 1959 ay nag-regulisa sa pagsasa-kamay ng dayuhan ng ari-arian hanggang sa pagtatayo ng Lao PDR noong 1975. 1 Lubha itong naiiba sa lumitaw na kalagayan simula noong dekada 2000 kung kailan naging posible para sa mga dayuhang kumpanya na makakuha ng mga konsesyon sa lupaing agrikultural hanggang 10,000 ektarya. 2 Ayon kay Gng. Khamtanh, kung kailangan ng isang kupmpanya ng dagdag na lupain, kailangang bilhin nito ang gayon mula sa mga taga-baryo o ibang pang may-hawak ng lupain, subalit mahalaga na mga mamamayang Lao lamang ang maaaring magmay-ari ng lupain bagaman hinihikayat ang mga dayuhan na mamuhuhan sa pagpapa-unlad ng mga pabrika. 3 Kahalintulad ang mga patakaran ng RLG nang sa maraming iba pang pamahalaan pagkatapos ng kolonyalismo na mahigpit na iniugnay ang ideya ng pambansang soberanya sa likas na yaman, at alumpihit hinggil sa pamimigay sa mga dayuhang kumpanya ng lupian at iba pang konsesyon sa rekurso. Halimbawa, noong 1961 nang makamit ngTanzania ang kasarinlan mula sa mga kapangyarihang Europeo, ang pangulong tagapagtatag nitong si Mwalimu Julius Nyerere ay “nagsulong na hayaang hindi napapa-unlad ang yamang mineral hanggang magkaroon ang mga Tanzanian ng kakayahang pang-heolohiya at pang-inhinyeriya para paunlarin sa kanilang sarili ang mga rekurso.” 4 Ipinapakita ng panahon at ng mga kaganapan sa Laos, gaya ng sinabi ni Khamchong Luangpraseut sa kanyang tesis noong 1971 na, “Walang malalawak na sakahan na tipong grange [sa Laos].” Isinulat din niyang, “Sa kaharian ng Laos, ang Estado ang hirang na may-ari ng lupain. Ayon sa batas Laotian, ang nagbubungkal nito ay siyang taga-gamit, hindi siyang nagmamay-ari nito.” 5

Maraming nasa RLG ang partikular na interesado sa pag-protekta sa lupain ng bansa dahil sa tinitingnang ugnayan nito sa pambansang soberanya, bagaman kinilala ni Gng. Khamtanh na may ilang nasa RLG ang tiwali at handang isakripisyo ang yaman ng bansa para sa sariling pakinabang. Nagpapakita kung paanong tinitingnan ang mga bagay noon, ipinaliwanag ni Gng. Khamtanh na may ilan lamang na minahan ang gumagana noong dekada ‘60 at maagang bahagi ng dekada ‘70, at na alumpihit ang pamahalaan na magbigay ng mga konsesyon sa pagmimina bagaman may ilang mga kahilingan. Halimbawa, sa erya ng Phon Tiou ng distrito ng Hinboun, probinsya ng Khammouane, ilang mga kumpanya ang nasa pagmimina ng lata. Gayunpaman, ayon kay Gng. Khamtanh, lahat ng konsesyon sa pagmimina ay opisyal na pinagmamay-arian ni Chao Boun Oum, ang pinuno ng Champassak Royal House, bagaman lumalabas na pinaupahan niya sa mga kumpanya mula sa France ang mga karapatan sa pagmimina. Mahalagang binigyang-diin ni Gng. Khamtanh na layunin ng RLG na protektahan ang kalikasan at hayaang buo ang likas na yaman para sa mga susunod na henerasyon at para sa bansa, kung kaya hindi nito nais na magbigay ng labis-labis na konsesyon sa pagmimina. Sa batayan, hindi nila tinitingnan ang lupain sa kanayunan bilang kalakal, bilang isang porma ng kapital.  

KRSEA-Flag_of_the_Lao_People's_Revolutionary_Party
Flag of Lao People’s Revolutionary Party

 Sinusubaybayan din ni Gng. Khamtanh ang lahat tistisan ng troso sa bansa.  Paliwanag niya, may ilang eskportasyon ng troso ang naaprubahan subalit relatibong kaunting bilang ng troso lamang ang maaaring iluwas, dahil nangangamba ang pamahalaan na maubos ang yaman ng kagubatan. Responsibilidad ng Department of Forestry ang pag-apruba sa lahat ng gawaing pagtotroso at eksportasyong ng troso, subalit sinisiyasat niya ang eksportasyon ng troso sa ngalan ng Ministry of Economics. Minsa’y minumultahan niya yaong mga sadyang nagbababa ng estimasyon sa eksportasyon ng troso. Tinuran niyang sa panahong yaon, ang mga nagmumulta sa iba dahil sa mga maling gawi, batay sa mga opisyal na patakaran, ay binibigyan ng 15 bahagdan ng kita bilang insentibo para parusahan ang mga lumalabag sa patakaran.

Pagkatapos ng Rebolusyong Komunista

Nang sakupin ng Pathet Lao ang Laos noong 1975, kumilos ang pamahalaan upang i-depinansyalisa ang lupain sa lalong malawak na saklaw kaysa kalagayan sa ilalim ng RLG. Idineklarang lahat ng lupain sa bansa ay pamamay-ari ng mamamayan sa pamamagitan ng pamahalaan.  Ang ideya ay pigilan ng estado ang mga kapitalista sa di-naaayong pagkakamal ng malalaking lupain kumpara sa mga magsasaka. May maikling panahon ng kolektibisasyon ng lupang sakahan sa pagitan ng mga taon sa huling bahagi ng dekada ‘70 hanggang maagang bahagi ng dekada ‘80, subalit hindi naging maayos ang kinahinatnan ng eksperimentong ito. At nire-organisa ng pamahalaan ang paggamit ng lupain kungsaan pinayagan ang mga magsasaka na isagawa ang pribadong agrikultura, tulad ng naganap noong panahon bago ang 1975, kahit pa ang lahat ng lupain ay opisyal na napapasailalim sa kontrol ng estado. 6

Simula 1986, nagpatupad ang gobyerno ng Lao People’s Democratic Republic (Lao PDR) ng mga mayor na repormang pang-ekonomiya—ngunit hindi pampulitika—bilang suporta sa pribadong komersyo na kilala bilang “Bagong Mekanismong Pang-Ekonomiko”. Unti-unting pinasaklaw ang mga repormang ito para isulong ang pagpapalaki ng dayuhang pamumuhunan, na inirekomenda ng International Monetary Fund (IMF), World Bank at Asian Development Bank (ADB) upang isulong ang pang-ekonomikong kaunlaran. 7 Gayunpaman, unti-unti ang pagsasagawa ng mga repormang ito.  Hindi pa rin nagbibigay ang pamahalaan ng malakihang konsensyon sa lupain maging sa mamamayang Lao o sa mga dayuhan.

 Noong 1991, ibinigay ang kauna-unahang malakihang konsesyon sa lupain para sa pang-agrikulturang gamit sa dayuhang kumpanyang Thai na may ngalang Asia Tech, na nakatanggap ng konsesyong sumasaklaw sa 16,000 ektarya sa distrito ng Paksong, probinsya ng Champasak sa talampas ng Bolaven. Sa panimula ay nagtanim ang Asia Tech ng eucalyptus at sumubok na magpa-alaga ng mga baka para sa produksyon ng gatas, at nagsimulang magpa-unlad ng mga plantasyon ng Acacia mangium noong 1995, bago tuluyang lumipat sa pagtatanim ng puno ng pino. 8 Nagdulot ang mga konsesyon ng malalaking kahirapan sa mga taga-baryo na nawalan ng mga di-nakarehistrong lupaing agrikultural at iba pang lupain na dating ginagamit para sa pangongolekta ng mga produktong gubat at sa pag-aalaga ng hayop. Sa partikular, mga bahagi ng kagubatan na nakapalibot sa kanilang maliitang taniman ng kape ang kinuha. Ang mga pirasong ito ng lupain ay tinitingnang mahalaga sa pagtulong na mapigilian ang paninira ng lamig sa kape. Hindi ipinarehistro ng mga taga-baryo ang lupang ito dahil hindi nila nais na magbayad ng buwis sa “lupang gubat”, kahit na aktwal na bahagi ito ng sistemang pang-agrikultura, na siya namang ginawa ng Asia Tech sa suporta ng gobyernong Lao. 9

Gayunpaman, hindi naging matagumpay ang Asia Tech sa agrikultural na operasyon nito sa Paksong District, dahil kapwa sa pagbabagu-bago ng mga patakaran ng pamahalaan kaugnay ng hindi pagpapahintulot sa pagtatanim ng eucalyptus sa mataas na kalidad ng kalupaan sa talampas ng Bolaven, at dahil din sa mga suliraning teknikal at paglaban mula sa mga taga-baryo. Sa huli, nagresulta sa buong pag-atras ng Asia Tech mula sa Laos ang kagipitang iniuugnay sa krisis sa pinansya sa Asya noong 1997, 10 bagaman magbubukas ang konsesyong ito sa lupain ng mga oportunidad para sa pag-aapruba ng iba pang mga konsesyon sa lupain, gaya nang sa Oji Paper para sa pagtatanim ng mga plantasyon ng eucalyptus sa Khammouane Province. 11

Para rubber plantation in Laos at summer season
Para rubber plantation in Laos.

Samantala, noon lamang naaprubahan ang bagong Land Law noong October 2003 pormal na naitatag ang isang sistema ng pagpapadaloy sa pagbibigay ng malakihang konsesyon sa lupain sa mga dayuhang kumpanya para sa pagpapa-unlad ng plantasyon sa matagalang panahon. 12 Sa partikular, nagbukas ng mga oportunidad ang bagong batas sa lupa para sa pagpapaunlad ng malawakang pagtatanim ng goma sa Laos. Nagpapakita nito, at sinuhayan ng pagtaas ng presyo ng goma noong dekada 2000, ang pagpapadala ng Vietnam Rubber Group (VRG) noong 2004 ng delegasyon ng negosyo para bumisita sa Laos. Lumalabas na nagmungkahi ang mga kinatawan ng pamahalaan ng Laos na paunlarin ng mga kumpanyang Biyetnames ang mga lupaing mula 50,000 hanggang 100,000 ektarya bilang taniman ng goma. 13 Tunay nga, bago pa man ang pagbisita, noong Mayo 10, 2004 ay pumirma na ang sentral na pamahalaan ng Laos ng kasunduang bilateral sa pamahalaan ng Vietnam bilang suporta sa pamumuhunang Biyetnames sa goma sa Laos.] 14 Magiging batayan ito ng mga kaayusan sa pamumuhunan sa hinaharap sa pagitan ng mga Biyetnames na kumpanya ng goma at ng pamahalaan ng Laos. Ilulunsad din nito ang patakarang “Gawing kapital ang lupa” na sinimulang suportahan ng pamahalaan noong kalagitnaan ng dekada 2000. 15 Mabilis na naganap ang paglaganap at bandang Pebrero 2008, iniulat ng Committee for Planning and Investment (CPI) ng pamahalaang Lao na 17 kumpanya ang nabigyan ng konsesyon sa lupa na sumasaklaw sa 200,000 ektaryang lupain 16 pangunahin para sa pagtatanim ng goma. Nabuo din ang iba pang konsesyon sa goma mula noon, gaya nang sa probinsya ng Attapeu ng kumpanyang Hoang Anh Gia Lao (HAGL) ng Vitenam. 17 Samantalang may ilang paglaban sa mga konsesyong ito sa lupain, lubhang lumawak ang mga plantasyon mula kalagitnaan ng dekada 2000. 18

Mga Konklusyon

 Relatibong bago para sa Laos ang ideya ng malakihang konsesyon sa lupian, unti-unting naipatupad, at sa ngayo’y naiiba nang malaki kaysa sa nakaraan. Sa pananaw ng mga nakalipas na pinuno ng pamahalaan, naka-ugnay ang lupa sa nasyunalismo at kasarinlan, at sa kalakha’y itinuturing ang mga konsesyon sa lupain bilang kolonyal na panghihimasok.

Samantala, ang mga konsesyon sa lupain na nagsimulang ibigay noong 2004 ay malakas na nag-ambag sa pag-normalisa ng ideya na ang mga konsesyon sa lupa ay lehitimong paraan upang lumikha ng kita at magpa-unlad ng bansa, sa halip na tingnan itong tumatapak sa pambansang soberanya. Samantalang naging kontrobersyal ang malalaking konsesyon sa lupain, sa ilang paraan ay na-normalisa na ito sa Laos.

Sa pandaigdigang saklaw, dinala ng neoliberalismo kamakailan ang ilang mahahalagang pagbabago sa patakarang pang-ekonomiya. 19 Tulad ng ipinakita nina Green at Baird, 20 maaaring maganap ang mga pagbabago sa pinansyal na balwasyon ng lupa at iba pang rekurso sa iba’t-ibang kadahilanan at iba’t-ibang sirkumstansya, bagaman nakaugnay ang mga proseso ng kompensasyon sa malalaking dam ng hydropower. Walang simpleng paraan para maunawaan ang mga nagaganap na pagbabago ngunit ang pagbibigay ng malakihang konsesyon sa lupain sa mga dayuhan ay waring na-normalisa na sa mga paraang hindi kayang isipin noong mga panahon ng RLG at maagang bahagi ng Lao PDR. Sa mga panahong iyon, tinitingnan krusyal na makuha ang kontrol sa lupain sa ngalan ng pagpapanatili ng pambansang soberanya, subalit nitong huli, higit na binigyang-diin ang pang-ekonomiyang pag-unlad at pinansyal na pagpapalawak. Kung gayon, hindi tinitingnan bilang lehitimong opsyon ang pamimigay ng konsesyon sa mga dayuhang mamumuhunan para sa pagsusulong ng pang-ekonomikong pag-unlad. Ang mahalagang pagbabagong ito sa mga pag-unawa hinggil sa lupain at pambansang soberanya ay kailangang kilalanin dahil tinutulungan tayo nitong kilalanin na ang mga kalakaran ng kasalukuyan ay naiiba sa nakalipas, at na ang mga reyalidad ng kasalukuyan ay hindi maaaring hindi maiwasan

Ian G. Baird
Associate Professor, Department of Geography, University of Wisconsin-Madison
ibaird@wisc.edu

Bibliography

Baird, I.G. 2017. Resistance and contingent contestations to large-scale land concessions in southern Laos and northeastern Cambodia.Land 6(16): 1-19.
Baird, I.G. 2014. Degraded forest, degraded land, and the development of industrial tree plantations in Laos. Singapore Journal of Tropical Geography 35: 328-344.
Baird, I.G. 2011. Turning land into capital, turning people into labour: Primitive accumulation and the arrival of large-scale economic land concessions in Laos. New Proposals: Journal of Marxism and Interdisciplinary Inquiry 5(1): 10-26.
Baird, I.G. 2010. Land, rubber and people: Rapid agrarian change and responses in southern Laos. Journal of Lao Studies 1(1): 1-47.
Baird, I.G. and J. Fox 2015. How land concessions affect places elsewhere: Telecoupling, political ecology, and large-scale plantations in southern Laos and northeastern Cambodia. Land 4(2): 436-453.
Barney, K. 2011. Grounding global forest economies: Resource governance and commodity power in rural Laos. PhD Dissertation, Department of Geography, York University, Toronto.
Dwyer, M. 2007.Turning land into capital.A review of recent research on land concessions for investment in the Lao PDR.Part 1 and 2, Vientiane.
Emel, J., M.T. Huber, M.H. Makene 2011. Extracting sovereignty: Capital, territory, and gold mining in Tanzania. Political Geography 30: 70-79.
Evans, G. 2002.A Short History of Laos: The Land in Between. Allen & Unwin.
Government of Laos [GoL] 2003. Land Law. Decree No. 4/NA, 14 October 2003.
Harvey, D. 2005.A Brief History of Neoliberalism. Oxford University Press, Oxford and New York.
Kenney-Lazar, M., M. Dwyer and C. Hett 2018. Turning land into capital:  Assessing a decade of policy in practice. A report commissioned by the Land Issues Working Group, Vientiane.
Kingdom of Laos 1974. Investment Code. Commisariat General au Plan, Vientiane.
Lang, C. 2006. The expansion of industrial tree plantations in Cambodia and Laos, http://chrislang.org/tag/laos/, accessed September 10, 2008.
Luangpraseut, Khamchong 1974 (1971). Underutilized Capacity in Laotian Agriculture. Thesis, Warsaw University, Warsaw(translated from Polish to English by Jacques Rossi).
Obein, F. 2007. Industrial rubber plantation of the Viet-Lao Rubber Company, Bachiang District, Champasack Province: Assessment of the environmental and social impacts created by the VLRC Industrial Rubber Plantation and proposed environmental and social plans. Produced for Agence Francaise de Développement, Earth Systems Lao, 93 pp.
Ozdogan, M., I.G. Baird and M. Dwyer 2018.The role of remote sensing for understanding large-scale rubber concession expansion in southern Laos.Land 7(2): 55-74.
Phanvilay, Khamla 2010. Livelihoods and land use transition in northern Laos. PhD Dissertation, Geography, University of Hawai’i, Honolulu.
Ziegler, A.D., J.M. Fox and J. Xu 2009.The Rubber Juggernaut.Science 324: 1024-5.

 

Notes:

  1. Kingdom of Laos 1974. Investment Code. Commisariat General au Plan, Vientiane.
  2. Dwyer, M. 2007.Turning land into capital.A review of recent research on land concessions for investment in the Lao PDR.Part 1 and 2, Vientiane.
  3. Kingdom of Laos 1974.
  4. Emel, J., M.T. Huber, M.H. Makene 2011. Extracting sovereignty: Capital, territory, and gold mining in Tanzania. Political Geography 30: 70-79, pg 75.
  5. Luangpraseut, Khamchong 1974 (1971). Underutilized Capacity in Laotian Agriculture. Thesis, Warsaw University, Warsaw, pgs. 6 and 9 (translated from Polish to English by Jacques Rossi).
  6. Evans, G. 2002.A Short History of Laos: The Land in Between. Allen & Unwin.
  7. Phanvilay, Khamla 2010. Livelihoods and land use transition in northern Laos. PhD Dissertation, Geography, University of Hawai’i, Honolulu; Evans 2002
  8. Baird, I.G. 2014. Degraded forest, degraded land, and the development of industrial tree plantations in Laos. Singapore Journal of Tropical Geography 35: 328-344.
  9. Lang, C. 2006.The expansion of industrial tree plantations in Cambodia and Laos, http://chrislang.org/tag/laos/, accessed September 10, 2008; Baird 2014.
  10. Baird 2014; Lang 2006.
  11. Barney, K. 2011. Grounding global forest economies: Resource governance and commodity power in rural Laos. PhD Dissertation, Department of Geography, York University, Toronto.
  12. Government of Laos [GoL] 2003. Land Law. Decree No. 4/NA, 14 October 2003; Baird, I.G. 2010. Land, rubber and people: Rapid agrarian change and responses in southern Laos. Journal of Lao Studies 1(1): 1-47; Dwyer 2007.
  13. Lang 2006.
  14. Obein, F. 2007. Industrial rubber plantation of the Viet-Lao Rubber Company, Bachiang District, Champasack Province: Assessment of the environmental and social impacts created by the VLRC Industrial Rubber Plantation and proposed environmental and social plans. Produced for Agence Francaise de Développement, Earth Systems Lao, 93 pp
  15. Baird, I.G. 2011. Turning land into capital, turning people into labour: Primitive accumulation and the arrival of large-scale economic land concessions in Laos. New Proposals: Journal of Marxism and Interdisciplinary Inquiry 5(1): 10-26; Kenney-Lazar, M., M. Dwyer and C. Hett 2018. Turning land into capital:  Assessing a decade of policy in practice. A report commissioned by the Land Issues Working Group, Vientiane.
  16. Baird 2010.
  17. Baird, I.G. and J. Fox 2015. How land concessions affect places elsewhere: Telecoupling, political ecology, and large-scale plantations in southern Laos and northeastern Cambodia. Land4(2): 436-453.
  18. Ozdogan, M., I.G. Baird and M. Dwyer 2018.The role of remote sensing for understanding large-scale rubber concession expansion in southern Laos.Land 7(2): 55-74.
  19. Harvey, D. 2005.A Brief History of Neoliberalism. Oxford University Press, Oxford and New York.
  20. Green, W.N. and I.G. Baird 2016. Capitalizing on compensation: Hydropower resettlement and the commodification and decommodification of nature-society relations in southern Laos. Annals of the American Association of Geographers 106(4): 853-873.