Ang mga Landasin ng Hustisyang Transisyunal at mga Diskontento dito sa Indonesia

Ehito Kimura

Dalawampung taon matapos ang pagbagsak ni Suharto, paano na pinakitunguhan ng bansa ang mga pamanang mapanupil na patakaran at gawa ng awtoritaryan na New Order? Isang kwento ng madilim na kabiguan ang kwento ng hustisyang transisyunal, o pagharap sa nakaraan, na walang signipikanteng paninindigan o makabuluhang pagpapanagot sa mga nakaraang paglabag sa karapatang pantao. Gayundin naman, kuwento ito ng mapilit na paggigiit kungsaan ang pagkabigo ng mga opisyal na daluyan para sa hustisya ay nagtulak sa mga aktibista at grupong civil society na lumikha ng mga bagong daan na higit na nagtitiwala sa lipunan kaysa estado. Sa ibang salita, ang pulitika ng kahapon ng Indonesia ay hindi umaalis; lumipat ang landasin nito mula taas-pababa tungong ibaba-pataas, mula opisyal tungong di-pormal, at mula pagtutuwid tungong pagkilala.

 Pinasisinungalingan ng kawalan ng opisyal na pag-unlad ang kahanga-hangang dami sa bilang at uri ng mga panukalang inisyatiba na inihapag at pinagtalunan sa nakaraang dalawang dekada upang pakitunguhan ang nakalipas: kriminal na pagsasakdal; paghahanap ng katunayan; mga komisyon ng katotohanan, bayad-pinsala, dokumentasyon at memoryalisasyon (ICTJ-Kontras 2011). Sinasalamin ng karamihang ito, sa isang bahagi, ang dami sa bilang at uri ng mga paglabag sa karapatang pantao na naganap noong panahon ng awtoritaryanismo sa Indonesia kabilang ang malawakang pamamaslang, kontra-insurhensiya, maramihang pagkulong, sapilitang paggawa, sapilitang pagpipiit, pagkidnap, karahasan sa langsangan, tortyur at pagpatay.

Kasabay, ang karamihang ito ay may padron at landasin na tumatalunton sa tatlong malalawak na erya ng hustisyang transisyunal; ang landas na retributibo; ang landas na restoratibo, at ang landas na reparatibo. Ang bawat isa dito, pagkatapos, ay may kani-kaniyang opisyal na inisyatibang institusyunal na nangagsibigo at sinundan ng mga di-pormal at di-opisyal na mga daan, na nagresulta ng umiikot na relasyon sa pagitan ng opisyal at panlipunang mga hakbang para sa hustisyang transisyunal.

Unang Landasin: Ang Daan ng Hukuman

Para sa mga aktibista at nagtataguyod ng hustisyang transisyunal, itinuturing ang pagsasakdal sa korte ng mga may-sala bilang pinakamataas na paraan ng pagtugon sa mga nakaraang pag-abuso sa karapatang pantao.

Nagsimula sa mga konstitusyonal at ligal na reporma ang mga opisyal na hakbang ng hustisyang retributibo noong panahon pagkatapos ng rehimeng Suharto. Sa partikular, isinaad ng mga bagong batas na “lahat ng malalalang paglabag sa karapatang pantao ay lilitisin sa Human Rights Court” (Law 39, 1999).   Gayunpaman, pinagtibay din ng parehong batas na “ang karapatang hindi litisin sa ilalim ng batas na retroaktib” ay “batayang karapatang pantao na hindi maaaaring mawala sa anumang kalagayan” (Law 39, 1999) Ang probisyong ito, na kilala bilang prinsipyong retroaktib, ay pumigil sa paglarga ng hustisyang transisyunal at ginagamit na katwiran laban sa pag-usig sa mga may-sala sa mga nakalipas na pag-abuso sa karapatang pantao. 

Pinahintulutan ng mga kasunod na batas ang mga ad hoc na korte ng karapatang pantao na maglitis ng mga kasong retroaktibo subalit dahil sa kanilang mahihigpit na pormulasyon, ilang kaso ang aktwal na nalitis at sa mga ito, ay walang nakamit na makabuluhang hustisya. Sa kabila ng napakaraming ebidensya, anim lamang sa labingwalong nasasakdal ang hinatulang may-sala ng Ad Hoc Human Rights Court sa Jakarta hinggil sa karahasan sa East Timor at lahat ng anim na hatol ay nabaligtad din sa mga apela sa kalaunan (Cohen 2003). Sa kaso ng mga paglilitis ng adhoc sa Tanjung Priok, kungsaan nilitis ng mga taga-usig ang mga pwersang militar at panseguridad sa kanilang pamamaril sa mga demonstrador sa hilagang Jakarta noong 1984, hinatulang may-sala ng korte ang labindalawa sa labing-apat na nasasakdal subalit binitawan ng mga sumunod na korte sa apela ang lahat ng mga hatol. (New York Times 2005).

Dismayado sa mga korte at husgado sa loob ng Indonesia, naghanap din sa ibayong dagat ang mga aktibista at tagataguyod sa mga internasyunal na korte at sa ilang kaso ay mga dayuhang korte upang litisin ang mga umano’y may-sala. Isang kilalang halimbawa ang UN Special Panels sa East Timor ngunit tumungo din sa iba pa ang mga aktibista tulad ng sa mga korte sa US at Autralia (Center 1992; ABC News 2007). Nagresulta ang mga paglilitis na ito ng mga positibong hatol sa ilang kaso ngunit lahat ay walang hurisdiksyon at mekanismo sa pagpapatupad para isakdal ang mga may-salang nasa matataas na posisyon sa Indonesia mismo.

Dahil sa mga limitasyong ito, naghanap ang mga aktibista kamakailan ng ikatlong landas na yumakap sa mas ligalistikong model bagaman simboliko lamang. Noong 2015, ika-limampung anibersaryo ng mga masaker noong 1965, inorganisa ng mga aktibista ang International People’s Tribunal, o ang IPT, bilang paraan upang patampukin ang mga buhay na karansan ng mga nakaligtas sa masaker ng 1965 sa internasyunal komunidad (Palatino 2015). Inorganisa ng IPT ang mga nakaligtas, saksi, eksperto at istoryador upang magpatotoo sa mga pangyayari noong 1965 habang nagsilbing mga tagahatol ang mga internasyunal na kilalang tao sa komunidad ng karapatang pantao kabilang ang mga hukom at abogado. Matapos ang ilang araw ng mga testimonya naglabas ng hatol ang korte sa panig ng mga nagsakdal sa siyam na ulit kabilang ang malawakang pamamaslang, pang-aalipin, tortyur, sapilitang pagkawala, karahasang sekswal, pagdistiyero at propaganda (IPT 1965).

Ikalawang Landasin: Rekonsilyasyon  

Ikalawang modelo sa loob ng balangkas ng hustisyang transisyunal sa Indonesia ay nagbibigay diin sa rekonsilyasyon. Sa masaklaw na pakahulugan, ang rekonsilyasyon ay ang ideya ng pagtatagpo ng magkakatutunggaling panig upang kilalanin at resolbahin ang mga nakalipas na di-pagkakasundo.

Sa Indonesia, ang pinakamalapit na inabot ng pamahalaan sa pagtatatag ng opisyal na mga hakbang ng rekonsilyasyon ay noong 2012, nang inihudyat ng administrasyon ng dating Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono ang intensyon ng Pangulo na maglabas ng pambansang malawakang paghingi ng tawad para sa mga pinakanandidilat na paglabag sa karapatang pantao na naganap noong panahon ng New Order (Jakarta Post 2012). Subalit kasabay ng paglabas ng balita, nagsimula ring kumilos ang oposisyon na gumawa ng mga pampublikong pahayag at pagbabanta laban sa paghingi ng tawad, na epektibong kumitil sa inisyatiba. Pinag-isipan din ni Pangulong Jokowi ang ideya ng opisyal na paghingi ng tawad bago bitiwan ito dahil sa oposisyon.

Muli, nasiphayo sa pagkabigo ng mga opisyal na mekanismo, naghanap rin ng rekonsilyasyon ang mga grupo sa sarili nilang mga paraan. Isang halimbawa ang isang organisasyon ng mga dating kasapi PKI sa Indonesia, pamilya ng mga heneral ng hukbo na pinatay noong 1965 at mga biktima ng iba pang labanan na nagbuo ng organisasyong tinawag na Children of the Nation Gathering Forum (FSAB, Forum Silaturahmi Anak Bangsa). Pana-panahong nagpupulong, layunin ng grupo na padaluyin ang mga diyalogo at rekonsilyasyon sa pagitan ng iba’t-ibang paksyon sa mga kaganapan noong 1965 (Lowry 2014). 

Isa pang pangkat ng isiyatiba ang kinasangkutan ng organisasyon na Syarikat, kungsaan sinikap ng mga nakababatang progresibong kasapi ng Islamikong organisasyong NU na isulong ang rekonsilyasyon kaugnay ng 1965 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pulong-diyalogo at tuwangang proyekto sa pagitan ng mga dating kasapi ng PKI at mga kasapi ng komunidad ng NU, pagbubuo ng mga suportang grupo at asosasyon para sa mga kababaihang biktima, tuwangang pag-lobi para sa lehislatura upang wakasan ang diskriminasyon sa mga dating bilanggong pulitikal at kanilang mga pamilya and pagtataguyod ng mga hakbang upang manumbalik ang kanilang mga karapatan (McGregor 2009).  Iba pang halimbawa ay ang paggamit ng “islah,” isang Islamikong paraan ng pakikipagkasundo na ginamit sa pagitan ng mga militar at pamilya at biktima ng mga Masaker sa Tanjung Priok, at sa Aceh, ang paggamit ng diyat, isang Islamikong praktika ng pagbabayad sa malapit na kaanak ng mga pinatay o desaparecido sa labanan (Kimura 2015). Naghain ng mga oportunidad sa rekonsilyasyon ang mga panlipunan at pangkulturang lapit na ito ngunit napatunayan ring problematiko at hindi kasiya-siya sa maraming biktima.

Ang Pulitika ng Katotohanan

Kung maliit ang nagawa ng ligal na retributibong modelo at mga inisyatiba sa rekonsilyasyon bilang daan ng hustisyang transisyunal, paano naman ang mga praktika ng paghahanap ng katotohanan at pagsasalaysay ng katotohanan? 

Isang naunang porma ng paghahanap ng katotohanan ang mga inisyatiba ng paghahanap ng katibayan, laluna kaugnay ng mga kaganapan noong 1998 at gayundin sa karahasan sa Aceh. Niyakap ng mga internasyunal na komunidad at komunidad ng karapatang pantao ang maaagang misyon na ito and mga kasunod na ulat dahil sa pagbibigay ng komprehensibo at malaman na salaysay sa mga kaganapan, na nagtukoy sa aparatong panseguridad ng Indonesia bilang kasama sa mga may gawa ng karahasan. Subalit hindi nagpatuloy ang gayung padron. Kalaunan, binagabag ang paghahanap ng katibayan ng pagkawala ng kredibilidad, tendensiyang mapako sa pagiging ad hoc, at sa dulo’y kawalan ng aksyon.

 Katotohanan at Rekonsilyasyon

Isang pang opisyal na mekanismo para hanapin ang katotohanan ay nasa modelo ng Truth and Reconciliation Commission na isinabatas ng pamahalaan noong taong 2000 at itinatag noong 2004. Malakas na nagsulong para sa batas ang mga NGO at organisasyong civil society at sa panimula’y na-engganyo sila dahil may kapangyarihan itong mag-imbestiga sa malalalang paglabag sa karapatang pantao, subalit mabilis din silang nawalan ng loob nang matagpuang binigyan ng batas ang TRC ng kapangyarihang magbigay ng amnestiya sa mga may-sala, harangan ang mga kasong nakadulog sa TRC na madala sa korte, at payagan ang mga biktima na tumanggap ng kompensasyon kapalit ng amnestiya. Sa layuning maremedyuhan ang mga kahinaan ng batas, nagdulog ng habla ang mga aktibista sa Constitutional Court na tumalikod naman sa batas nang hindi inaasahan, na umiwan sa sa mga grupong para sa karapatang pantao sa posisyong ligal na nasa tama ngunit walang anumang batas ng TRC  (Kimura 2015).

Taon ng Katotohanan

Sa pagkasiphayo ng mga organisasyong civil society sa gobyerno at kabiguan ng mga opisyal na paghahanap ng katibayan, gayundin sa Truth and Reconciliation Commission, sinikap nilang itaguyod ang katotohanan sa sariling paraan. Pinatampok ng mga NGO at grupong civil society tulad ng Coalition for Justice ad Truth (KKPK) ang istorikal na alaala at pagdurusa sa mga paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng pagtipon ng rekurso and pagkoordina ng mga pagsisikap para “palakasin ang tinig ng mga biktima ng rehimeng New Order ni Suharto” sa pamamagitan ng mga publikong testimonyang tinawag na “mga kaganapan ng pagdinig sa mga testimonya” (Ajar 2012).

Umangat din ang pagsasalaysay ng katotohanan bilang kulturang popular, pinakalitaw sa mga nakaaantig na pelikula tulad ng “The Act of Killing” at “The Look of Silence.” Sa mas masaklaw, may ilang dosenang aklat ang inilimbag ng mga nakaligtas noong 1965, kabilang ang mga kababaihan. Kasabay nito, sumikap kapwa sa mga iskolar na Indonesian at internasyunal ang akademikong literatura hinggil sa 1965 na nagsisiwalat ng mga bagong-tagpong mga dokumento tungkol sa papel ng militar o di kaya’y papel ng internasyunal na komunidad sa mga kaganapan ng 1965.

Pambansang Simposyum

Ang pinakahuli at nakabibiglang halimbawa sa larangan ng paghahanap ng katotohanan ay pag-oorganisa ng pamahalaan ng simposyun hinggil sa iba’t ibang pananaw sa 1965 na tinaguriang “National Symposium: Dissecting the 1965 Tragedy, A Historical Approach” (Jakarta Post 2016. Pambihira ang pulong sa pagiging una sa gayung mga uri, isang pampuplikong talakayan hinggil sa 1965 na may basbas ng pamahalaan.  At bagaman may limitadong mga kasunod na aktibidad lamang mula noong pulong, mahalaga ito dahil ang isa sa mga kasaping nag-organisa nito mula sa pamahalaan ay kumilala sa papel ng estado sa mga pamamaslang. Nagbunsod din ang Simposyum ng sariling uri ng negatibong balik mula sa grupong may may kaugnayan sa militar at mga konserbatidong grupong Islamiko, na nag-organiss ng isang anti-PKI na kontra-simposyum (Kompas 2016).

Truth Telling: “The Act of Killing” 2012, and “The Look of Silence” 2014

Mga Konklusyon

Mas madilim ang tinatanaw ng opisyal na hustisyang transisyunal sa Indonesia ngayon kaysa kailanmang panahon mula nang pagbagsak ni Suharto. Sa kontesto ng ganitong limitado at pigil na kapaligiran, inilipat ng mga grupong civil society ang kanilang pokus, malawakang iniwan ang malalaking opisyal na pambansang lapit at inilalagay ang mga usapin sa sariling mga kamay. Nang hindi gaanong umaasa sa mga pormal na aktibidad ng mga institusyon, nagsisikap ang mga tagataguyod na mag-abala sa sariling mga inisyatiba na nagsasagawa ng paghahanap ng katotohanan, pagsasalaysay ng katotohanan at mga simbolikong porma ng hustisya. Ang diin dito ay higit tungong pagkilala kaysa pagtugon at paghiling ng suporta ng lipunan kaysa mga opisyal na aksyon.

Hindi nagawa o hindi bukas ang estado na lumahok sa anumang uri ng makabuluhang proseso ng hustisyang transisyunal. Ang pagtangging ito ay malaganap na hindi nagbabago sa iba’t ibang uri ng hustisya kabilang ang lapit na ligal/hudisyal, lapit na para sa pagkakasundo, at lapit para sa paghahanp ng katotohanan.  Gayunpaman, tumatangging maglaho ang pulitika ng nakalipas sa panlipunan at pampulitikang diskurso ng Indonesia. Lalong maraming talakayan at debate kaysa kailanman hinggil sa nakaraan at mas maraming ebidensyang natipon ang mga aktibista, akademiko, mga biktima at pamilya ng mga biktima, mga manunulat at mga nagdodokumento. Sa tatlong moda ng hustisyang transisyunal, pinakamatagumpay ang paghahanap ng katotohanan at pagsasalaysay ng katotohanan kung para lamang sa layunin manatiling nakalaot hanggang maging posible ang higit na uri ng hustisya.

Ehito Kimura
Associate Professor
Department of Political Science
University of Hawai’i at Manoa, Hawai’i

Reference

“Balibo 5 Deliberately Killed, Coroner Finds.” ABC News, November 16, 2007. http://www.abc.net.au/news/2007-11-16/balibo-5-deliberately-killed-coroner-finds/727656.
Cohen, David, Seils, Paul, and International Center for Transitional Justice. Intended to Fail: The Trials before the Ad Hoc Human Rights Court in Jakarta. New York, N.Y.: International Center for Transitional Justice, 2003.
“Concerning Human Rights, Pubic Law No. 39 (1999).” The House of Representatives of the Republic of Indonesia. Accessed May 25, 2018.
England, Vaudine. “Indonesian Acquittal Has Shades of the Past.” The New York Times, July 13, 2005, sec. Asia Pacific. https://www.nytimes.com/2005/07/13/world/asia/indonesian-acquittal-has-shades-of-the-past.html.
Findings and documents of the International People’s Tribunal on crimes against humanity in Indonesia, 1965. Jakarta and The Hague: IPT 1965 Foundation, 2017.
Hermansyah, Anton. “1965 Symposium Indonesia’s Way to Face Its Dark Past.” The Jakarta Post, April 19, 2016. http://www.thejakartapost.com/news/2016/04/19/1965-symposium-indonesias-way-to-face-its-dark-past.html.
“Helen Todd v. Sintong Panjaitan.” Center for Constitutional Rights. Accessed May 25, 2018. https://ccrjustice.org/node/1638.
ICTJ, and Kontras. Indonesia Derailed : Transitional Justice in Indonesia since the Fall of Soeharto : A Joint Report. Jakarta  Indonesia: International Center for Transitional Justice  ;Komisi untuk orang Hilang dan Korban Tindak Kekerasan, 2011.
Kimura, Ehito. “The Struggle for Justice and Reconciliation in Post-Suharto Indonesia.” Southeast Asian Studies 4, no. 1 (2015): 73–93.
Lowry, Bob. “Review: Coming to Terms with 1965.” Inside Indonesia. August 2, 2014. Accessed May 24, 2018. http://www.insideindonesia.org/review-coming-to-terms-with-1965.
McGregor, E. Katharine. “Confronting the Past in Contemporary Indonesia: The Anticommunist Killings of 1965–66 and the Role of the Nahdlatul Ulama.” Critical Asian Studies 41, no. 2 (2009): 195–224.
Nur Hakim, Rakhmat. “Ini Sembilan Rekomendasi Dari Simposium Anti PKI – Kompas.Com.” Accessed May 24, 2018. https://nasional.kompas.com/read/2016/06/02/17575451/ini.sembilan.rekomendasi.dari.simposium.anti.pki.
Palatino, Mong. “International Court Revisits Indonesia’s 1965 Mass Killings.” The Diplomat. Accessed May 25, 2018. https://thediplomat.com/2015/11/international-court-revisits-indonesias-1965-mass-killings/.
Pramudatama, Rabby. “SBY to Apologize for Rights Abuses.” The Jakarta Post. Accessed May 24, 2018. http://www.thejakartapost.com/news/2012/04/26/sby-apologize-rights-abuses.html.
“The ‘Year of Truth’ Campaign in Indonesia.” AJAR (blog). Accessed May 24, 2018. http://asia-ajar.org/the-year-of-truth-campaign-in-indonesia/.