Kasarian at ang Pangangasiwa sa mga Nature Reserve ng Biyetnam

Tuong Vi Pham

        

Tinangkang lutasin ng pamahalaang Biyetnames ang mga suliranin ng pagkasira ng kalikasan at paghihirap sa lalawigan sa pamamagitan ng paglikha ng mga nature reserve at pagpapatupad ng mga patakarang makatutulong sa mga pamayanan sa loob at paligid ng mga ito.  Sa kabila nito, kung minsa’y nagkakatunggali ang mga patakaran at, dagdag pa ay, lumilikha ng di-pagkakapantay batay sa kasarian.  Nilalarawan ng dalawang case study sa dalawang nature reserve—ang etnikong hamlet ng Kinh sa Binh Chau-Phuoc Buu reserve at ang etnikong hamlet ng Bana sa Kon Ka King reserve—ang pagkakaiba sa karapatan ng kalalakihan at kababaihan sa lupa, pagsasanay, pautang, likas na kayamanan, at pagdedesisyon sa antas ng pamayanan at pamilya.

Bagamat malinaw sa 1993 Land Law na wala dapat diskriminasyon sa alokasyon ng lupa, 80 porsyento ng mga sertipiko sa paggamit ng lupa ay nakalagay sa pangalan ng mga lalaking pinuno ng mag-anak.  Sa hamlet ng Bana, ang di-pagkakaroon ng sertipiko sa paggamit ng lupa at ang dumadalas na biglaang migrasyon ay nagresulta sa iligal na pagbebenta ng lupa.  Sa parehong hamlet, ipinagbili ng mga lalaking asawa ang lupain ng pamilya nang walang pahintulot mula sa asawa.

Ang transisyon mula sa tradisyunal na pananim tungo sa komersyal na pananim at palay ay humihingi ng mga bagong pamamaraan na makukuha lamang sa pamamagitan ng pagsasanay at kapital.  Pinapaboran ng mga programa para sa teknikal na pagsasanay ang mga lalaking pesante, samantalang ang mga kababaihan naman ay nahahadlangan ng kakulangan sa impormasyon, mahihinang sistemang institusyonal, iliterasi, (negatibong) pakikitungo ng kalalakihan at, sa kaso ng Bana, mga balakid sa linggwahe.  Mababa ang posibilidad na makautang ang mga kababaihan.  Ang mga programang micro-credit ng mga bangko ay nangangailangan ng kapital at pagkaabot sa isang antas ng pormal na edukasyon, samantalang ang mga programang micro-credit naman ng mga unyon ng kababaihan ay humihingi ng napakahigpit na mga kundisyon.

Dahil sa mahinang uri ng lupa, mababa lamang ang aning palay at ang mga kalalakihan ay natutulak sa trabahong mababa ang sahod.  Ang mga kababaihan naman, sapagkat wala silang trabahong mapasukan, ay mas lubusan ang pangangalap ng ikabubuhay sa kagubatan, bagay na pahirap nang pahirap dulot ng pagkasira ng kalikasan at mga patakarang pangkunserbasyon.  Ang mga mahihirap na kababaihan na naiisantabi sa larangan ng pagbubuhay sa kanilang pamilya ay kakaunti lamang ang magagawa sa harap ng pagkaunti ng likas na kayamanan.  Ang mga salik na ito ang naglilimita sa papel ng mga kababaihan sa pagdedesisyon sa pamilya at pamayanan.

Mahihinuha mula sa mga resulta ng pag-aaral na ito na ang kaalaman sa pagkakaibang pangkasarian ay maaaring makatulong sa mga mambabatas na gumawa ng mga patakaran para sa pangangalaga sa mga nature reserves, at kasabay nito, ay lulutas sa suliranin ng di-pantay na karapatan sa lupa at likas na kayamanan.  Iminumungkahi nito na ang mga batas sa lupa ay baguhin upang maitala ang mga kababaihan bilang kahati sa pagmamay-ari ng lupa;  na maglunsad ng mga programang pautang at pagsasanay na sadyang para sa kababaihan; at ang mga istruktura ng mga lokal na pamahalaan ay baguhin upang maisama ang mga lokal na kababaihang may kaalaman at kakayahan.  (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Tuong Vi Pham

Read the full unabridged article (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation]

issue_2_banner_small