Hinggil sa Pulitika ng Pangangalagang Pangkalikasan sa Thailand

Pinkaew Laungaramsri

        

Ayon sa papel na ito, ang “kunserbasyong pangkalikasan” sa Thailand ay produkto ng interbensyon ng pamahalaan sa mga natural na tanawin at ang pagtingin na ang mga kagubatan ay may pangunahing kahalagahan sa modernisasyon ng bansa.  Ang pagyakap sa wilderness thinking ng Hilagang Amerika ng nagmomodernisang estadong Thai ay nagbunga ng pagkalito sa pagitan ng “kunserbasyong pangkalikasan” at “pang-ekonomyang pag-unlad.”   Bagamat tinitignan bilang kasukalang malaya sa panghihimasok ng tao, ang mga protected area ay integral sa kapitalisasyon ng likas na kayamanan sa loob ng development paradigm.

Nagsimula ang paglaho ng sinaunang konsepto ng pa (gubat) bilang isang misteryoso at masukal na pook sa paligid at naiiba sa sibilisadong mundo ng muang (lungsod) sa pagdating mula sa Burma noong ika-19 na dantaon ng mga kumpanyang Ingles na nagtotroso.  Ito ay pinalitan ng terminong pa mai (gubat-kahoy); ang “kalikasan” ay naging “likas na kayamanan” na mayroong utilitaryanong pagtutuon sa komersyal na halaga.  Binago ng agham-pangkagubatan, na sinimulan ng mga dayuhang eksperto, ang magulo at masukal na kagubatan at ginawa itong isang pinag-isipang pagkakaayos ng mga puno.  Binigyang-daan din nito ang pagpapaunlad ng estadong Thai, partikular ang Royal Forestry Department, ng mga bagong teknolohiya ng kontrol tulad ng pangangasiwa ng estado sa pagtotroso ng teakmono-species management, at sentralisasyon sa pamamagitan ng paglalatag ng sistema ng perokaril.

Katulad ng paghuhubog ng pagtotroso noong panahong kolonyal sa komersyal na pagtingin sa kalikasang Thai, lumitaw naman ang mga internasyunal na institusyong post-kolonyal para ilapat sa mga bansang atrasado ang development model at national parks model mula sa mga bansang industriyalisado.  Laging bukas sa pangangailangan ng pribadong industriya at turismo, ang mga parke ay naging mga pambansang sagisag rin ng moderno at sibilisadong estadong Thai.  Itinataguyod at pinapangalagaan ng mga opisyal ng gobyerno, forestry technocrat at mga grupong pang-konserbasyon ang mga national park at wildlife sanctuaries para sa mga pangangailangang pang-estestiko, pang-edukasyon at pang-libangan ng mga taga-lungsod at edukadong panggitnang uri.

Ang prerekisto ng pormal na edukasyon upang sapat na mapahalagahan ang kalikasan ay ginamit upang di-maisali ang mga lokal na maninirahan at mga tribo sa kabundukan sa pangangasiwa sa mga pambansang parke at upang pahinain ang nauna at matagal nang ugnayan sa pagitan ng lokal na kabuhayan at ng kagubatan.  Sa ngalan ng unspoiled nature, sila ay itinaboy mula sa mga protektadong lugar patungo sa mga nakapaligid na kagubatan kung saan wala silang karapatang pampamayanan.  Ang mga lugar na ito ay bukas sa pampamahalaan at pribadong interes samantalang ang mga naninirahan ay itinuturing na mapanganib na “banta” sa natural na kagubatan, mga tagapagwasak ng bansa mismo. (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Pinkaew Laungaramsri

Read the full unabridged article (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation

issue_2_banner_small