Nagbabadya ng malubhang banta ang pagbabagong pangklima sa pangmatagalang kaunlaran at seguridad ng Timog-Silangang Asya. Sa 2025 State of Southeast Asia survey na isinagawa ng ISEAS-Yusof Ishak Institute, tinukoy ng mga kalahok, sa unang pagkakataon, ang pagbabagong pangklima at matitinding sakuna bilang pinakamalalaking hamon na hinaharap ng rehiyon, higit sa kawalan ng trabaho at resesyon sa ekonomiya na siyang pangunahing alalahanin ng mayorya ng mamamayan sa Timog-Silangang Asya sa nakaraang dalawang taon (Seah et al., 2025). Sa 2024 Southeast Asia Climate Outlook, na inilathala ng ISEAS-Yusof Ishak Institute, 60 porsiyento ng mga kalahok ang naniniwalang lubhang maaapektuhan ng pagbabagong pangklima ang kanilang mga buhay sa susunod na sampung taon (Seah et al., 2024). Sa mga tumuturing sa pagbabagong panglima bilang isang kagyat na panganib, mga kalahok mula sa Pilipinas at Vietnam ang nagpahayag ng pinakamataas na antas ng pag-aalala kumpara sa karaniwang tantos sa buong rehiyon.
Lubhang mas apektado ng mga panganib na bunsod ng klima ang mga pinakamahihirap at marhinalisadong komunidad . Halimbawa, naaapektuhan ng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan ang karamihan sa mga residente ng Maynila, ang sentro ng Pilipinas, subalit mas bunerable ang mga komunidad ng maralitang lungsod sa mga peligro dahil kalimitang naninirahan sila sa mga lugar na laging binabaha. Mas bunerable rin ang mga komunidad na ito dahil wala silang kakayahang makabangon mula sa mga kalamidad at gipit na kalagayan. Nitong huli, ikinagalit ng marami ang walang-patid na pagbaha, at tumungo ito sa mga panawagan para imbestigahan ang mga proyekto para sa pagpigil sa baha.[1] Sa Myanmar, pinalala ng Bagyong Mocha noong 2023 at Bagyong Yagi noong 2024 ang kalagayan ng mga etnikong minorya, laluna ang mga kababaihan at batang babae na napalikas dahil sa tumitinding labanan sa pagitan ng militar at ng mga tumututol sa kudetang naganap noong Pebrero 2021 (Bauchner, 2023; Relief Web, 2024). Ilan lamang ito sa mga halimbawa kung paano isinasapanganib ng unang hanay na mga epekto ng pagbabagong pangklima ang seguridad at kabuhayan ng mga mamamayan sa rehiyon. Lampas sa mga pangunahing epekto, ipinakikita ng ugnayan ng klima at seguridad ang posibilidad na magdulot ang pagbabagong pangklima o magpalala ng sapilitang paglikas, panlipunang ligalig, at iba pang banta sa seguridad (McDonald, 2013). Kung hindi matutugunan ang malulubhang epekto ng pagbabagong pangklima, malalagay sa panganib ang pinaghirapang mga tagumpay ng ASEAN para makamit ang relatibong katatagan sa pulitika at tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya.
Nagtutuon ang artikulong ito sa mga kamakailang pag-unlad sa ASEAN kaugnay ng pamamahala sa pagbabagong pagklima at kung paano maaaring makaapekto ang kalagayang geopolitikal sa kooperasyon ng rehiyon kaugnay ng pagbabagong pangklima. Kabilang din dito ang mga kasalukuyang pagsisikap at plano ng Pilipinas hinggil sa mitigasyong pangklima, adaptasyon at diplomasiya upang makamit ang mga layunin kaugnay sa klima at mag-ambag sa pamamahalang pangklima sa rehiyon. Gamit ang lente ng di-tradisyunal na seguriad, makikitang isinasapanganib ng pagbabagong pangklima hindi lamang ang seguridad ng mga estado at ang katatagan ng rehiyon kundi maging ang buhay ng mga bulnerableng komunidad.

Pamamahala sa Pagbabagong Pangklima sa ASEAN
Dahil kumakaharap sa magkakatulad na panganib pangklima ang mga bansa sa rehiyon, makatutulong ang mga estratehiyang rehiyunal sa mga nasyunal at sub-nasyunal na inisyatiba sa pagpapababa ng carbon emission sa pamamagitan ng mga pagsisikap sa mitigasyon at pagpapataas ng katatagan laban sa mga panganib kaugnay ng klima sa pamamagitan ng mga hakbangin sa adaptasyon. Ang mga pangmatagalang epekto ng pagbabagong pangklima ay nangangahulugan na mahalaga ang papel na ginagampanan ng ASEAN sa pagpapaunlad ng mga inisyatiba sa antas rehiyon. Sapat na tumutugon ang ASEAN bilang isang bloke sa pagkilala sa usapin ng pagbabagong pangklima. Naglabas ang organisasyon ng mga kolektibong deklarasyon at pahayag mula pa noong 2007 na nagtutukoy ng mga komun na layunin at interes. Nagaganap ang mga dayalogo sa loob ng ASEAN at kasama ang mga interesadong katuwang mula sa labas kung saan inilalagay ang pagbabagong pangklima sa adyenda ng maraming pagpupulong ng ASEAN. Para makamit ang makatarungang transisyon tungong paglagong may mababang antas ng carbon, pangunahing konsiderasyon ng ASEAN ang pagtataguyod ng mga aksyong pangklima na sumusuporta at hindi humahadlang sa sosyo-ekonomikong pag-unlad.
Pormal na sinang-ayunan ng lahat ng kasaping estado ng ASEAN ang 2015 Paris Agreement on Climate Change at binuo ang mga pambansang plano. Gayunman, higit na nagtuon ang mga planong ito sa mitigasyon ng pagbabagong pangklima kaysa sa adaptasyong pangklima at katatagan. Dagdag pa, napipigilan ang lubos na pagpapatupad ng mga planong ito ng kakulangan sa kapasidad sa regulasyon at limitadong pondo (Krishnan et al., 2024). Sa kabila ng pagkakaroon ng mga panrehiyong balangkas at mekanismo hinggil sa pagbabagong pangklima, patuloy na mahina ang paggampan ng karamihan ng mga kasaping estado sa pag-abot ng kanilang mga target kaugnay ng pagbabagong pangklima (Salazar & Katigbak, 2024). Sa 2024 Environmental Performance Index, naitala ang karamihan sa mga kasaping estado ng ASEAN sa ibabang kalahati ng pandaigdigang hanayan hinggil sa mitigasyon ng pagbabagong pangklima, maliban sa Thailand at Singapore, na nagpapakita ng pangangailangan para sa mas mahihigpit na iskema sa pagbabawas ng emisyon (Block et al., 2024). Kaugnay ng mga pagsisikap sa adaptasyon, mistulang naiiba ang Singapore sa buong rehiyon na makikita sa mababang puntos nito sa bulnerabilidad at mataas na puntos sa kahandaan, batay sa Notre Dame Global Adaptation Initiative Country Index. Sa sampung kasaping estado, may mataas na puntos sa bunerabilidad at mababang puntos sa kahandaan ang Myanmar, Cambodia, Laos, at Pilipinas, na nagpapakita ng pangangailangan para sa kagyat na mga hakbang upang bawasan ang mga panganib na pangklima at paglalaan ng higit na pondo upang pahusayin ang kakayahan sa adaptasyon.
Sa kalagayang kapos ang pampinansyang kapasidad ng mga kasaping estado ng ASEAN, nangangailangan sila ng tulong mula sa mga mauunlad na bansa kaugnay ng pagbabagong pangklima. Tahasang nagtutulak ang Pilipinas at Indonesia ng mas mataas at mas patas na pagpipinansya sa klima upang tiyakin ang mas makatarungan at abot-kamay na pagpopondo para sa mga bulnerableng bansa (Antara News, 2025; Lo, 2024). Nagpahayag ng mga alalahanin ang Joint Statement on Climate Change ng ASEAN sa ginanap na 29th Conference of the Parties (COP29) sa Baku, Azerbaijan noong Nobyembre 2024 hinggil sa mabagal na pagsulong ng mga usapan kaugnay ng pagpipinansya sa klima at sa maliit na daloy ng pondo para sa adaptasyong pangklima mula sa mga mauunlad na bansa. Samantalang may kasunduan sa COP29 para itaas ng mga mauunlad na bansa ang pondong pangklima na inilalaan ng mga ito para sa mga mahihirap na bansa mula sa $100 bilyon tungong $300 bilyon bawat taon pagsapit ng 2035, nangangahulugan ito na kailangan pa ring magpasulpot ng mga mahihirap na bansa ng hanggang $1.3 trilyon bawat taon mula sa pribadong sektor at iba pang pagkukunan pagsapit ng 2035. Kaisa ang ASEAN sa ibang mahihirap na bansa sa pananawagan na dapat ay kaloob ang pinansiyang pangklima, at kaunti lamang ang mga pautang na may mababang interes upang mapababa ang pasaning pinansyal ng mga pamahalaan. Sa kalagayang kulang ang dumadaloy na pinansyang pangklima mula sa mga mauunlad na bansa at mga multilateral na instiyusyong pampinansya, kailangan pang maghanap ng mga kasaping estado ng ASEAN ng ibang pagkukunan ng pondo para sa mga programa sa mitigasyon at adaptasyon.
May mga pag-uusap din kaugnay ng pagtatatag ng carbon tax market. Pinangungunahan ng Singapore ang inisyatibang ito, bagaman nasa iba’t ibang yugto pa ng paglikha ng patakaran ang ibang kasaping estado (Das, 2025). Sa ngayon, Singapore at Indonesia pa lamang ang may nabuong mga patakaran kaugnay ng carbon pricing. (Rakhiemah et al., 2024). May estratehiya rin ang ASEAN para sa carbon neutrality upang itulak ang rehiyon tungong green transition, na may potensyal na buksan ang malalaking mga benepisyong panlipunan at pang-ekonomiya. Upang makamit ang mga layuning ito, kailangang suportahan ng ASEAN ang mga kasapi nito sa pagtugon sa mga kakulangan sa implementasyon sa kani-kanilang mga aksyong pangklima, laluna sa usapin ng pinansya, pagpapaunlad at paglilipat ng teknolohiya, at pagpapataas ng kapasidad, kabilang ang pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga teknolohiyang mababa ang emisyon, at mga imprastrakturang nagpapalakas ng kakayahan. Inihayag din ng ASEAN noong Agosto 2023 ang pagtatatag ng ASEAN Centre for Climate Change (ACCC) sa Brunei Darussalam upang padaluyin ang rehiyunal na kooperasyon at koordinasyon hinggil sa mga inisyatiba para sa pagbabagong pangklima.
Idinidiin ng lahat ng mga kasalukuyang pagsisikap na ito na nangangailangan ang epektibong tugon ng ASEAN ng mga hakbang sa bawat antas ng pamamahala. Hinihiling ng lokalisadong katangian ng mga epekto ng klima ang aksyong pangklima kapwa sa antas nasyunal at sub-nasyunal. Kasabay nito, nag-aambag ang mitigasyon sa pandaigdigang pagsisikap sa pagbabawas ng emisyon. Lampas sa balangkas na “pandaigdigan ang mitigasyon, lokal ang adaptasyon” (Burton, 2011, 481), kailangang bigyang-diin ng mga pagsisikap sa antas rehiyunal ang transnasyunal na kalikasan ng mga panganib pangklima na sumasaklaw sa mga ecosystem at pinagsasaluhang mga rekurso lampas sa mga hangganan, daloy ng kalakalan at pamumuhunan, at mamamayan, bukod sa iba pa.

Mga Tugon ng Pilipinas sa Pagbabagong Pangklima
Para sa Pilipinas, inihayag sa National Security Policy 2023-2028 ang katatagan laban pagbabagong pangklima bilang isang interes ng pambansang seguridad, kinikilalang maaaring pabagsakin ng mga panganib na bunsod ng klima at heolohiya ang mga sistemang sosyo-pulitikal at pang-ekonomiya. Kung gayon, kinakailangang mga hakbang ang pagpapahusay ng kahandaan sa klima at kalamidad at pagpigil sa pagkasira ng kapaligiran upang mabawasan ang mga panganib sa kagalingan, na siyang puso ng pambansang seguridad.
Layon ng National Adaptation Plan (NAP) 2023-2050 na buuin ang katatagan, bawasan ang pagkalugi at pinsala kaugnay ng klima, at pahusayin ang kapasidad ng mga susing sektor sa adaptasyon. Nagtukoy rin ang NAP ng mga estratehiya na kumikilala sa mga aspeto ng adaptasyon na tumatahi sa iba’t ibang sektor: (1) pahusayin ang katatagan ng mga kritikal na imprastraktura, (2) protektahan ang kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng mga panlipunang pananggalang at mga patakarang tumutugon sa klima, (3) bigyang kakayahan ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa pagpapatupad ng mga solusyon, (4) itaguyod ang kolaborasyon sa pagitan ng mga kasangkot, mga gumagawa ng patakaran, at mga institusyon, at (5) bigyang prayoridad ang mga solusyong nakabatay sa kalikasan saan man ito posible. Hinggil sa mitigasyon sa klima, idinisenyo ng Pilipinas ang landas nito tungong pag-unlad na may mababang emisyon ng carbon bilang isang gamit ng adaptasyon. Itinakda nito ang 72 porsiyento ng kanyang nationally determined contributions (NDCs) na nakasalalay sa internasyunal na tulong sa pamamagitan ng pagpipinansya sa klima, paglilipat ng teknolohiya, at pagpapaunlad ng kakayahan. Sa gayon, kinakailangan ang paggamit ng diplomasiya sa pagtatayo ng mga tulungan na sumusuporta sa mga layuning pangklima nito upang maabot ang mga NDC nito.
Sa usapin ng diplomasiyang pangklima, pinamunuan ng Pilipinas ang ilang inisyatiba tulad ng pagpupunong-abala para sa Fund for Responding to Loss and Damage (FrLD) Board at paghiling sa International Court of Justice (ICJ), kasama ang 90 pang bansa, na magbigay ng malinaw na ligal na batayan hinggil sa mga obligasyon ng mga estado sa pagbabawas ng mga emisyon, pagprotekta sa karapatang pantao, at pagtataguyod ng pandaigdigang seguridad. Sa COP29, pinirmahan ng Pilipinas ang kasunduan na nagtatakda para siyang maging bansang punong abala para sa FrLD Board. Pinagagana ng pondong ito ang internasyunal na tulong sa mga bunerableng bansa sa pagtugon sa mga ekonomiko at di-ekonomikong pagkalugi’t pinsala kaugnay ng pagbabagong pangklima tulad ng malulubhang kaganapang pampanahon. Mabilis na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang batas noong Agosto 2024 na nagbibigay ng ligal na personalidad at kapasidad sa FrLD Board. Noong Hulyo 23, 2025, inilabas ng ICJ ang isang panandang opinyon ng pagpapayo na naglalahad na may obligasyon ang mga estadong kalahok sa United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na magpatupad ng mga hakbangin hinggil sa mitigasyon at adaptasyong pangklima, at na dapat mamuno sa mga aksyong pangklima ang mga kalahok na nasa Annex I o yaong mauunlad na bansa, bukod sa iba pa. Kaugnay ng mga mga diplomatikong pagsisikap na ito, nagpanukala ang Senador ng Pilipinas na si Loren Legarda na dapat manguna ang bansa sa pandaigdigang aksyong pangklima tulad ng 2015 Manila Call to Action on Climate Change, na naghanda ng kalagayan para sa 2015 Paris Agreement.

Klima at Geopolitika
Nagaganap ang lahat ng mga pambansa at rehiyunal na pagsisikap na ito sa konteksto ng kompetisyon ng malalaking kapangyarihang US at China, na nakakaapekto sa rehiyon sa pamamagitan ng pagdudulot ng mga tensiyong geopolitikal, mga isyu sa pambansang seguridad, at mga hamong geoekonomiko. Isa pa, gagambalain ng imposisyon ng US ng katugong taripa at ng ganting taripa ng ibang estado ang pandaigdigang supply chain ng malinis na teknolohiya. Lubhang mahalaga ang kooperasyon sa pagitan ng US at China kaugnay ng pagbabagong pangklima, subalit mga mayor na balakid sa aksyong pangklima sa rehiyon at buong daigdig ang pagsasantabi ng pagbabagong pangklima sa bilateral na kasunduan sa pagitan ng US at China, at ang pagtalikod ng US sa Paris Agreement. Malaki ang magiging pakinabang ng mga mahihirap na bansa, partikular ang mga nasa rehiyon, kung magkatuwang na pamumunuan ng US at China ang pagtutulak ng pangklimang kaunlaran sa buong daigdig.
Iniatras din ng Pangulo ng US na si Donald Trump ang naunang pangako na mag-ambag ng $4 bilyon sa Green Climate Fund (Mathiesen, 2025) na nagbigay ng batayan para sa ibang mauunald na bansa para gawin din ito. Bilang pagsunod sa pagigiit ni Pangulong Trump, nangako ang mga kasaping estado ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na pataasin ang kanilang paggastos para sa depensa tungong limang porsiyento ng kanilang taunang gross domestic product pagsapit ng 2035 (Letzing, 2025). Bagaman hindi tinutupad ng mga kasapi ng NATO ang pangakong ito, maraming mga pamahalaan sa Europa ang kumikilala ngayon na kailangan nilang pataasin ang kanilang badyet para sa depensa. Para maisagawa ito, kakailanganin ng mga pamahalaang ito na magbawas sa kanilang mga gastusin. Tiyak na tatamaan nito ang kanilang mga alokasyon para sa official development assistance at pagpipinansya sa klima. Kung wala ang tulong mula sa Europa at US, liliit ang tipon ng magagamit na pondo at teknolohiya na lalong magpapahirap sa mga estado sa Timog-Silangang Asya na magpakilos ng mga rekurso upang maabot ang kanilang mga layuning pangklima.
Samantalang karamihan sa mga tagasuri at iskolar ang tumuturing sa pagbabagong pangklima bilang nagpapatindi ng panganib o isang usaping nagkokompromiso, ibig sabihin ay isang usapin na lumilikha ng kompromiso sa iba pang prayoridad na pangmilitar at pang-ekonomiko, maaaring makatulong ang altered landscape na moda ng pag-iisip upang humakbang pasulong (Colgan, 2021). Ang dulog na altered landscape, kung saan itinuturing ang pagbabagong pangklima hindi bilang isang solong usapin kundi isang malaganap na kondisyon na nakakaapekto sa lahat ng iba pang usapin, ay maaaring magbigay-kakayahan sa mga lumilikha ng patakaran at mga kalahok para magsagawa ng mas komprehensibo at estratehikong paraan ng pagharap sa internasyunal na kooperasyon at kompetisyon. Isa pang kapaki-pakinabang na balangkas sa pag-unawa sa mga kasalukuyang pangyayari ay ang konsepto ng climate security, na marapat na bigyang pansin sa opisyal na diskurso ng ASEAN sa kalagayang hindi maiiwasan ang mga hidwaan na bunsod ng mga epekto ng klima (Caballero-Anthony, 2024) at ng malawak na mga implikasyon ng kompetisyon ng malalaking kapangyarihan sa rehiyon. Ipinakikita ng pagsusuri sa pagbabagong pangklima gamit ang lenteng sistemiko ang pagkakaugnay-ugnay at kasalimuutan ng mga panganib sa isang lubhang bulnerableng rehiyon.
Virgemarie A. Salazar
Si Virgemarie A. Salazar ay assistant professor sa Department of Political Science, University of the Philippines Diliman.
Notes –
[1] May mga alegasyon na tumanggap ang ilang mambabatas ng malalaking kickback mula sa mga proyekto sa flood-control na lubhang mataas ang presyo at mababa ang kalidad ng pagkagawa (Santos, 2025).
References –
Antara News. (2025, July 15). “Indonesia to Champion Climate Finance, Leadership at COP30.” https://en.antaranews.com/news/366393/indonesia-to-champion-climate-finance-leadership-at-cop30.
Bauchner, S. (2023, May 18). “Cyclone Mocha Devastates Myanmar’s Rohingya.” Human Rights Watch. https://www.hrw.org/news/2023/05/18/cyclone-mocha-devastates-myanmars-rohingya.
Block, S., Emerson, J., Esty, D. C., de Sherbinin, A., & Wendling, Z. (2024). 2024 Environmental Performance Index. Yale Center for Environmental Law & Policy. https://epi.yale.edu/downloads/2024-epi-report-20250106.pdf.
Burton, I. (2011). “Adaptation to Climate Change: Context, Status, and Prospects.” In, J. D. Ford & L. Berrang-Ford (Eds.), Climate Change Adaptation in Developed Nations, Vol. 42: 477–483. Springer Netherlands. https://doi.org/10.1007/978-94-007-0567-8_35.
Caballero-Anthony, M. (2024). “Climate Security in Southeast Asia: Navigating Concepts, Approaches and Practices.” Third World Quarterly, Vol.45(14): 2047–2064. https://doi.org/10.1080/01436597.2024.2370353.
Climate Change Commission. (2023). Implementation Plan for the Republic of the Philippines Nationally Determined Contributions 2020-2030. https://climate.gov.ph/knowledge/ph-ndc-implementation-plan-2020-2030.
Climate Change Commission. (2023a). National Adaptation Plan of the Philippines 2023-2050. https://climate.gov.ph/knowledge/ph-nap-2023-2050.
Colgan, J. (2021). Climate Change, Grand Strategy, and International Order. Wilson Center. https://diplomacy21-adelphi.wilsoncenter.org/article/climate-change-grand-strategy-and-international-order.
Das, S. (2025, February 22). “The Case for Carbon Taxes in Southeast Asia.” East Asia Forum. https://eastasiaforum.org/2025/02/22/the-case-for-carbon-taxes-in-southeast-asia/.
Krishnan, G., Kumari, S., & Subramaniam, S. (2024). “Access to Finance: Issues and Challenges to ASEAN.” ASEAN Secretariat. https://asean.org/wp-content/uploads/2024/11/ASCC-RD_Trend-Report_CC6-2024.pdf.
Letzing, J. (2025, July 3). “The Price of Security: Europe is Set Up for a Serious Challenge.” World Economic Forum. https://www.weforum.org/stories/2025/07/europe-defence-recall-difficult-past-nato/.
Lo, K. (2024, November 18). “Philippines Leads Urgent Negotiations for Scaled-Up Climate Finance in COP 29 Amid A String Of Destructive Typhoons.” Department of Finance. https://www.dof.gov.ph/philippines-leads-urgent-negotiations-for-scaled-up-climate-finance-in-cop-29-amid-a-string-of-destructive-typhoons/
Mathiesen, K. (2025, February 5). “Trump Rescinds $4B in US Pledges for UN Climate Fund.” POLITICO. https://www.politico.eu/article/donald-trump-rescind-4-billion-us-pledge-un-climate-fund/.
McDonald, M. (2013). “Discourses of Climate Security.” Political Geography, Vol.33: 42–51. https://doi.org/10.1016/j.polgeo.2013.01.002.
National Security Council. (2023). “National Security Policy 2023-2028.” https://www.surrey.ac.uk/sites/default/files/2024-09/2023_Philippines.pdf.
Rakhiemah, A. N., Zharifah, N., Shidiq, M., Pradnyaswari, I., Rizaldi, M. I., & Suryadi, B. (2024). Progress of Carbon Pricing in ASEAN to Support the Shift Towards a Low Carbon Economy. Policy Brief No. 1, ASEAN Centre for Energy. https://accept.aseanenergy.org/progress-of-carbon-pricing-in-asean.
Relief Web. (2024, November 20). “Floods Typhoon Yagi—Operation Update #2 (MDRMM021)—Myanmar.” https://reliefweb.int/report/myanmar/myanmar-floods-typhoon-yagi-operation-update-2-mdrmm021.
Salazar, V., & Katigbak, J. J. P. (2024). “Can ASEAN’s Governance of Climate Change Become Participatory?” In, Global Trends in Governance and Policy Paradigms (pp. 1–24). IGI Global Scientific Publishing. https://www.igi-global.com/chapter/can-aseans-governance-of-climate-change-become-participatory/344197.
Santos, J. F. D. (2025, September 7). “WRAP: Anger over “Ghost” Flood Control Projects Overflows onto the Streets.” ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/9/7/wrap-anger-over-ghost-flood-control-projects-overflows-onto-the-streets-2222.
Seah, S., Lin, J., Martinus, M., Fong, K., Thao, P. T. P., & Aridati, I. Z. (2025). The State of Southeast Asia 2025 Survey Report. ISEAS Yusof Ishak Institute. https://www.iseas.edu.sg/wp-content/uploads/2025/03/The-State-of-SEA-2025-1.pdf.
Seah, S., Martinus, M., Huda, M. S., Ludher, E. K., Len, C., & Jiahui, Q. (2024). Southeast Asia Climate Outlook 2024 Survey Report. ISEAS Yusof Ishak Institute. https://www.iseas.edu.sg/wp-content/uploads/2024/08/SEACO24-Report-final.pdf.