Ekoturismo sa Biyetnam: Potensyal at Katotohanan

Phan Nguyen Hong, Quan Thi Quynh Dao, Le Kim Thoa

        

Sa pagkakaroon nito ng 13,000 species ng flora at mahigit 15,000 species ng fauna, tatlong bagong-tuklas na malalaking species ng hayop, at country/world species ratio na 6.3%, ang Biyetnam ay isa sa labing-anim na bansa na mayroong pinakamataas na biodiversity sa daigdig.  Ang iba’t ibang ecosystem na matatagpuan dito at ang paglipat nito sa bukas na ekonomya ay lubos na paborable para sa pagpapaunlad ng ekoturismo.  Sa katunayan, tinukoy ng pamahalaan ang turismo bilang pangunahing industriyang pang-ekonomya at sa huling dekada ay pitong-ulit ang idinami ng mga turistang nagtungo sa Biyetnam.  Mga ekoturista ang bumubuo sa mahigit 30% ng mga dayuhan at halos 50% ng mga lokal na turista.  Ang ekoturismo ay iniiba sa karaniwang turismo o resort tourism dahil sa mas maliit na epekto nito sa kalikasan, mas kaunting kinakailangang imprastraktura, at ang papel nito sa edukasyon hinggil sa natural na kapaligiran at pagpapahalagang kultural.

Kabilang sa mga target areas para sa ekoturismo ang mga ecosystem sa tabing-dagat (sea-grasscoral reef, lanaw, mabubuhanging aplaya, at bakawan), mga bundok na batong-apog, pambansang parke at nature reserve, at mga hardin ng prutas.  Karamihan sa mga ito hindi lamang magagandang tanawin kundi ay katatagpuan ng mayamang kultural na identidad ng Biyetnam.  Ang mga minoryang etniko—na naninirahan sa karamihan sa mga potensyal na destinasyong pang-ekoturismo—ay mayroong malalim na pang-unawa sa mga tradisyonal na kapistahan, mga kaugalian sa paggamit ng lupa, tradisyonal na paghahanda ng pagkain, pamumuhay, likhang-kamay, at makasaysayang pook.

Sa kabila ng napakalaking potensyal nito, tinutukoy ng pag-aaral ang ilang larangan kung saan may kakulangan ang ekoturismo sa Biyetnam.  Mayroong pamumuhunan ang pamahalaan sa kapaligiran, ang mga dayuhang negosyante sa mga hotel at restawran, subalit walang pamumuhunan sa mga tourist guide at empleyado, partikular sa kaalamang pangkalikasan.  Ang turismo, sa kalakhan, ay hindi planado at walang  regulasyon, mga bagay na nagreresulta sa pagkasira ng kalikasan.  Halos walang kinalaman sa ekoturismo ang mga lokal na populasyon, ang kanilang kultural na identidad, at ang kanilang mga tradisyon, at wala rin silang pang-ekonomyang pakinabang rito.  Panghuli, ang pamamalakad sa turismo at mga patakaran dito ay watak-watak sa iba’t ibang lebel ng pamahalaan, na nagreresulta sa kawalan ng pambansang istratehiya.

Nirerekumenda sa papel na ito: ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya sa pagpapaunlad ng ekoturismo habang pinapangalagaan ang mga delikadong ecosystem at ipinapagtanggol ang kultural na integridad; pagsasagawa ng environmental impact assessment at pananaliksik hinggil sa carrying capacity ng mga lugar; pagsasanay para sa mga nagtatrabaho sa industriya ng ekoturismo; at pagkuha sa partisipasyon ng mga lokal na pamayanan hindi lamang sa gawaing pangkabuhayan kundi na rin sa gawaing kunserbasyon.  (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Phan Nguyen Hong, Quan Thi Quynh Dao, Le Kim Thoa

Phan Nguyen Hong, Quan Thi Quynh Dao and Le Kim Thoa work at the Mangrove Ecosystem Research Division, Centre for Natural Resources and Environmental Studies, Vietnam National University, Hanoi. The case study presented in this paper is an initial finding from the project funded by the MAB/UNESCO within the Young MAB Scientist Award Programme 2002, and was undertaken with Le Kim Thoa. The author would like to express great gratitude to MAB/UNESCO for this support. 

Read the full unabridged article (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation

issue_2_banner_small