Iligal na Pagtotroso—Kasaysayan at Turo mula sa Indonesia

Yuichi Sato

         

Binabalikan sa papel na ito ang kasaysayan ng iligal na pagtotroso sa Indonesia at ang mga turo na maaaring mahalaw mula sa karanasang ito.  Mula 1999-2000, inilinaw ng ilang mahahalagang ulat ang kahulugan ng iligal na pagtotroso sa Indonesia at hinarap ang lawak ng epekto nito sa kalikasan,  pangangalaga sa likas na kayamanan, lipunan, at ekonomya.  Ang ulat at video ng EIA-TELAPAK, “The Final Cut,” at ang sumunod pa ritong ulat ay nagtulak sa isang kampanyang internasyunal laban sa iligal na pagtotroso sa Indonesia na nagkaroon ng mahalagang resulta, kabilang ang muling pagsasaayos ng pamahalaang Indones sa log export ban ng 2002 at ang pagpapabilang ng isang nanganganib na species ng punong tropikal sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora, Appendix III (2001). 

Sinikap naman ng ibang mga ulat na kwantipikahin ang suliranin bagamat ang datos ay mga tantya lamang.  Ayon sa Scotland et al. 1999, tinataya ang dami ng trosong nakuha sa iligal na paraan sa 57 milyon kubiko metriko noong 1998, may dagdag na 16 milyon kubiko metriko mula sa naunang taon.  Tinataya naman sa Walton 2000 ang tantos ng pagkakalbo ng kagubatan (maaaring umaabot sa 2.7 milyong ektarya bawat taon) at ipinapalagay ang paglaho ng  mga kagubatan sa kapatagan ng Sulawesi, Sumatra at Kalimantan sa loob ng darating na sampung taon.  Kabilang sa mga epektong panlipunan at pang-ekonomya ay ang malaking pagkakautang ng mga industriyang gumagamit ng kahoy, opportunity losses na katumbas ng isang taong piskal na pagkakautang panlabas (may USD 6.0 bilyon), at ang malamang na pagtaas ng disempleyo (direkta at di-direktang makakaapekto sa 20 milyong tao) kung sakaling kitilin ng pamahalaan ang iligal na pagtotroso, bagay na maaaring magresulta sa kaguluhang panlipunan.

Kabilang sa mga aral na halaw mula sa karanasan ng may-akda sa Kagawaran ng Kagubatan (1998-2001) ay ang sumusunod:  Naging mas laganap ang iligal na pagtotroso sa mabilis na transisyon tungo sa demokratisasyon at desentralisasyon, bagay na nagtataas ng mga katanungan hinggil sa kasalukuyang antas ng ligal na pagkakahanda, personnel resources, at komunikasyon sa pagitan ng sentral at lokal na pamahalaan.  Hindi kakaiba ang mga suliranin ng Indonesia kung kaya’t maaaring may matutunan din dito ang Tsina, Brazil, Rusya, at mga bansang Aprikano.  Dagdag pa, ang iligal na pagtotroso ay hindi lamang nag-iisang problema kundi isang isyu kung saan maaaring makatulong ang konsolidasyon ng mga patakaran hinggil sa kagubatan at mga industriyang gumagamit ng kahoy.  Bilang wakas, ang mga pananggalang ay mabilis na umunlad mula sa lokal na antas hanggang sa sentral at internasyunal na antas, kabilang ang pakikipagtulungan ng mga negosyante at ang epektibong paggamit ng kaalamang syentipiko sa pagbubuo ng mga patakaran.  (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Sato Yuichi

Read the full unabridged article by Yuichi Sato (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation

issue_2_banner_small