Community Forest at ang Rural na Lipunang Thai

Fujita Wataru

        

Anan Ganjanapan
Local Control of Land and Forest: Cultural Dimensions of Resource Management in Northern Thailand
(Lokal na kontrol sa lupa at kagubatan: Mga dimensyong kultural ng pangangasiwa sa likas na kayamanan sa Hilagang Thailand)
Chiang Mai / Regional Center for Social Science and Sustainable Development, Faculty of Social Sciences, Chiang Mai University / 2000

Shigetomi Shin’ichi
Tai noson no kaihatsu to jumin soshiki 
(Mga organisasyong pampamayanan para sa panlalawigang kaunlaran sa Thailand)
Tokyo / The Institute of Developing Economies / 1996 
English edition: Cooperation and Community in Rural Thailand: An Organizational Analysis of Participatory Rural Development
Tokyo / The Institute of Developing Economies / 1998

Ang debate hinggil sa pangmatagalang gamit ng kagubatan sa Thailand ay nagsimulang uminit kamakailan dulot ng di-pagkakasundo ng Royal Forestry Department, mga NGO at mga lokal na pamayanan hinggil sa wastong paraan ng pangangalaga sa mga kagubatan.  Ang mga batas na nakapaloob sa Community Forest Bill, na inihain noong simula ng dekada nobenta, ay hindi pa rin ipinatutupad hanggang sa kasalukuyan.  Ang mga di-pagkakasundo ay pinasalimuot pa ng kapangyarihan ng tinawag ni John Embree na “loosely structured” at makadalawang-panig na katangian ng lipunang Thai.

Iginigiit ni Shigetomi Shin’ichi na hindi nilusaw ng pagdating ng kapitalismo ang pagkakaisang panlipunan, bagkus ay tinulungan pa nito ang transisyon mula sa makadalawang-panig na mga relasyon tungo sa kolektibong pagtutulungan bilang pag-aangkop sa market economy.  Ang mga pamayanan sa Hilagang Thailand ay nagpaunlad ng mga organisasyon tulad ng mga grupo para sa pagpapalitan ng manggagawa, mga unyon para sa mga seremonya ng pagpapalibing, at mga paluwagan.  Tinitignan niya ang mga hakbang na ito bilang patungo sa pagbubuo ng mga lokal na organisasyon  na mangangasiwa sa yaman ng mga kagubatan sa ilalim ng mga programang ilulunsad ng pamahalaan at ng mga NGO.  Binibigyang-pansin din niya na ang mga programang ito ay nagtagumpay sa mga lugar kung saan natural na lumitaw ang mga pamayanan sa paligid ng mga templong Buddhist o guardian rituals.  Hindi na sa relihiyon kundi sa mga insentibong pang-ekonomya nakabase ang mga kolektibong organisasyon.

Kabaligtaran naman nito ang iginigiit ni Anan Ganjapan: sinira ng pagpasok ng kapitalismo at ng mga regulasyong ligal at hinggil sa pagmamay-ari na itinaguyod ng modernong estado ang nagsasariling lipunang pesante na nakabase sa pagkakaisa ng angkan o pamayanan.  Dahil dito, ang mga pagsusumikap na muling ibangon ang mga kagubatan sa mga pamayanan ay nangangailangan ng panunumbalik ng “pamayanan” at ng mga moral na pagpapahalaga nito.  Iminumungkahi ni Anan na tignan ang karaniwang regulasyon ng lupa, kagubatan, at pamayanan hindi lamang sa usaping pang-ekonomya kundi sa kabuuan, bilang bahagi ng buhay ng pamayanan.  Sinasabi rin niya na ang pangmatagalang gamit sa likas na kayamanan ay hindi maaasahan kung wala ang lubos na pagkilala sa kolektibong karapatan ng mga lokal na mamamayan na pangangalagaan ang kalikasan.

Kung saan nakakakita si Shigetomi ng transisyon mula sa makadalawang-panig tungo sa pagtutulungang pampamayanan, nakakakita naman si Anan ng pagkakaisang pampamayanan na mahabang panahon nang nangangasiwa sa mga yamang komunal.  Subalit binibigyang-pansin ng may-akda na ang mga tradisyong komunal ay hindi na laganap at ang mga pamayanan ay wala nang sapat na lakas upang mag-isang pangasiwaan ang mga likas na kayamanan.  Lumilitaw sa sarili niyang pag-aaral, at gayundin sa kay Shigetomi, na ang  matagumpay na organisasyong pampamayanan ay madalas na nakasalalay sa isang pinunong karismatiko na gagabay sa mga tao sa paggawa ng mga desisyon at pagresolba sa mga di-pagkakasundo. Mula rito, masasabing posible ang kumbinasyon ng pagkakaisang komunal at makadalawang-panig na relasyon.

Bilang wakas, hindi kinakailangang mauwi sa tunggalian ang pagkakaroon ng mga ahente ng estado.  Sa Hilagang-silangang Thailand, ang mga opisyal ay nakikipagtulungan sa mga aktibistang NGO at mga pinuno ng pamayanan bilang mga tagapamagitan sa relasyong estado-pamayanan at sa pagpapatupad ng wastong pangangalaga sa kagubatan.  (Salin ni Sofia G. Guillermo)

Fujita Wataru
Fujita Wataru is Junior Research Fellow at the Center for Southeast Asian Studies, Kyoto University. 

Read the unabridged version of this article (in English) HERE

Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 2 (October 2002). Disaster and Rehabilitation