Georg Stauth
Politics and Cultures of Islamization in Southeast Asia: Indonesia and Malaysia in the Nineteen-nineties
[Pulitika at mga kultura ng islamisasyon sa Timog-Silangang Asya: Indonesia at Malaysia sa 1990s]Bielefeld / Transcript Verlag / 2002
Mona Abaza
Debates on Islam and Knowledge in Malaysia and Egypt: Shifting Worlds
[Mga debate sa Islam at kaalaman sa Malaysia at Egypt: Mga nagbabagong mundo]London / Routledge Curzon / 2002
Syed Hussein Alatas
Ke Mana dengan Islam
[Saan patutungo ang Islam?]Kuala Lumpur / Utusan Publications & Distributors / 2002
Farish A. Noor
Terrorising the Truth: The Shaping of Contemporary Images of Islam and Muslims in Media, Politics and Culture
[Ang pagsasaterorisa sa katotohanan: Ang paghuhubog sa kasalukuyang imahen ng Islam at mga Muslim sa media, pulitika at kultura]Kuala Lumpur / JUST / 1995
Farish A. Noor
“The Localisation of Islamist Discourse in the Tafsir of Tuan Guru Nik Aziz Nik Mat, Murshid’ul Am of PAS”
[Ang lokalisasyon ng diskursong Islamiko sa tafsir ni Tuan Guru Nik Aziz Nik Mat, Murshid’ul Am ng PAS]In Malaysia: Islam, Society and Politics [Malaysia: Islam, lipunan at pulitika], ed. Virginia Hooker and Norani Othman
Singapore / ISEAS / 2003
Farish A. Noor
The Other Malaysia: Writings on Malaysia’s Subaltern History
[Ang ibang Malaysia: Mga sulatin hinggil sa subalternong kasaysayan ng Malaysia]Kuala Lumpur / Silverfishbooks / 2002
Chandra Muzaffar
Muslims, Dialogue, Terror
[Mga Muslim, pag-uusap, pananakot]Kuala Lumpur / JUST / 2003
Ang Islam sa Timog-Silangang Asya ay simula’t sapul na mayroong kompleks sa pagiging “baguhan.” Subalit ang Islam ay tumimo na sa Malaysia at Indonesia noong pang ikalabing-anim na dantaon at nagkaroon ng patuloy na daloy ng ideya at pakikipag-ugnay sa pagitan ng puso ng Islam sa Gitnang Silangan at sa Timog-Silangang Asya. Ipinapalagay ni Georg Stauth na ang mga iskolar tulad nina Clifford Geertz at Snouck Hurgronye ay hindi nagbigay ng sapat na pagpapahalaga sa malalim na impluwensya ng heartland Islam sa lokal na adat (kaugalian), at sa gayo’y tumulong sa dikotomisasyon ng adat at ng Islam na nakasentro sa Shariah at nakabatay sa sulatin. Subalit malayo sa simpleng pagtanggap sa konseptong Islamiko, anya, ang mga nasa “gilid” ng Islam ay gumagamit sa mga ideyang Islamiko para sa modernisasyong sekular.
Inaanalisa ni Stauth ang manipulasyon ng Islamisasyon mula sa itaas, ang pag-eempleyo sa mga intelektwal at ang muling pagbubuo sa mga lokal na tradisyong Islamiko sa mga bagong think tank na nilikha ng dating punong ministrong si Mahathir Mohamad. Ang mga tinitingalang institusyong ito ay nagsisimbolisa sa pagsasapusong Islamiko ng UMNO at mayroong susing papel sa proyekto ng estado tungo sa modernisasyon at emansipasyong bumiputra. Isa sa mga pangunahing intelektwal sa proyektong ito ay si Syed Naguib al-Attas, na naging estudyante ng mga kinikilalang iskolar ng Silangan mula sa kanluran at guro’t kaibigan ni Anwar Ibrahim. Ang layunin ni Al-Attas ay tanggalin ang pagiging kanluranin ng kaalamang katutubo at pulitikang Malaysiano.
Inilalagay ni Mona Abaza ang proyekto ng Islamisasyon ng kaalaman sa konteksto ng debateng post-kolonyal, dominasyong kanluranin at hegemonyang militar, at ang sikolohiyang Muslim ng krisis at pagiging palaasa. Ang dalawang sulatin ay tungkol sa paglulugar sa mga intelektwal na Muslim sa loob ng nagaganap na diskurso na mahigpit ang pagkakatali sa Kanluran at sa kanluraning pagsuri sa lipunan. Sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang pagtingin sa mga intelektwal na Muslim, ang mga pangitain hinggil sa reorganisasyon ng lipunang Muslim laban sa Kanluran at sa sekular ay lumilinaw.
Tatlong iskolar na Malaysian ang may ambag sa sustenidong pagsusuri sa instrumentalisasyong pampulitika ng Islam: sina Syed Hussein Alatas, Farish A. Noor, at Chandra Muzaffar. Inanalisa ni Syed Hussein Alatas (ang nakatatandang kapatid ni S.N. al-Attas) ang mga makakanlurang pagkiling sa pag-aaral sa mga lipunang Asyano bago ang Orientalism ni Said. Sa kanyang bagong aklat, naninindigan si Alatas na ang Islam ay naging bihag sa mga layuning pulitikal. Si Alatas, na naging guro ni Muzaffar, ay bumuo ng sarili niyang perspektibo sa sibilisasyong Islamiko, etika, at mga pananaw sa katarungan. Pareho silang hindi sang-ayon sa proyektong Islamisasyon ng kaalaman, sa paniniwalang ang mga Islamizer ay kikitil sa anumang porma ng kalayaang pulitikal.
Ipinapalagay ni Noor na ikinakahon ni S.N. al-Attas ang Islam sa isang ispesipiko sa kulturang pananabik sa nakaraan na nanganganib sa harap ng sekularisasyong kanluranin. Para sa mga tagatupad ng proyektong Islamisasyon, ang Islam ay nagdadala ng misyon ng kaligtasan at siyang tanging relihiyon na may unibersalistikong layunin. Ayon nga kay Noor, ang mga ideyang ito ay lubhang kaakit-akit para sa isang henerasyon ng mga estudyanteng Malaysian na nagbalik mula sa pag-aaral sa ibayong-dagat, na nawalan ng ilusyon sa Kanluran at hindi mapalagay sa sarili nilang kasaysayan.
Alexander Horstmann
Kyoto Review of Southeast Asia. Issue 5 (March 2004). Islam in Southeast Asia