Pinapasadahan ng artikulong ito ang mga usapin na nakaaapekto sa mga manggagawa sa Thailand na naghahatid ng pasahero at pagkain sa pamamagitan ng platform, na kilala bilang mga ‘rider.’ Ang mga datos na inilatag dito ay tinipon sa pamamagitan ng participatory observation at sarbey sa 435 riders na namumuhay at nagtatrabaho sa Bangkok at tatlong iba pang probinsya—ang Khon Kaen, Ang Thong, at Pattani. Sa pagmamasid sa mga protesta at panayam sa ilang pinuno ng organisasyon ng mga rider, natuklasan kong ang pagkakawatak-watak sa hanay ng mga rider ay kaugnayan sa kanilang pag-unawa sa koneksyon sa pagitan ng kanilang relasyon sa trabaho at proteksyong sosyal.
Ang Suliranin ng mga Rider
Sa pagsusuri sa 19 na demonstrasyon na inorganisa ng iba’t ibang grupo ng mga rider mula Enero 2020 hanggang Agosto 2021, natuklasan ko na pangunahing nakatuon ang mga kahilingan ng mga rider sa sahod at insentibo (89.5%), pagpalya ng algorithm ng mga platform (41.2%), pagbabago sa mga kalagayan sa paggawa (41.2%), at mga kahilingan para sa accidental insurance (11.8%). Magkakaugnay ang apat na kahilingang ito at sinusuhayan ng mga datos sa sarbey. Lubhang bumaba ang sahod at insentibo ng rider; halimbawa, binabayaran ng Grab ang kanilang mga rider sa Bangkok ng umaabot sa 60 THB noong 2018, ngunit 38 THB na lamang sa kasalukuyan. Kaugnay ng sahod at mga insentibo, ang sagot lamang ng mga kumpanyang platform ay lubhang matindi ang kompetisyon sa pamilihan. Nangangahulugan ang kaltas sa sahod na kailangang magtrabaho ng mga rider ng mas mahabang oras para makapagpanatili ng parehong antas ng kita. Batay sa aking sarbey, pinatunayan ng mga rider ang ganitong pahayag sa pamamagitan ng pagbabahaging tunay ngang nagtatrabaho sila ng mas mahabang oras. 36.6% ang nagsabi na nagtatrabaho sila ng 41-60 oras kada linggo, at sinabi naman ng 44.8% na nagtatrabaho sila ng higit sa 60 oras kada linggo. Salik din ang tumitinding kompetisyon sa hanay ng mga rider, dahil sa signipikanteng paglaki ng bilang ng mga rider, na nagdudulot ng pagkabawas sa trabaho ng mga rider at paghihintay nang mas mahabang oras upang mapanatili ang kanilang kita.
Pinatataas ng pagtatrabaho ng gayong kahabang oras ang peligro ng mga aksidente. Ayon sa sarbey, 33.5% ng mga kalahok ang nakaranas nang maaksidente, kabilang na ang mahulog mula sa kanilang sasakyan, mabundol ng ibang sasakyaan, o banggaan. Maaari ring magdulot ng aksidente ang binagong mga algorithm na nagtutulak sa mga rider na tumugon sa maraming kostumer nang sabay-sabay. Tinatangka ng matching algorithm na pagtugmain ang mga trabaho batay sa rating na natamo ng mga rider mula sa mga naunang kostumer. Para maiwasan na masisi dahil sa atrasadong paghahatid ng pagkain at pagkaraa’y maparusahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mababang rating, napipilitang magmadali ang mga rider na maihatid ang pagkain na siya namang dahilan ng mas matinding panganib ng aksidente.
Inulat din ng mga rider na malimit silang makaranas ng mga problema dahil sa mga pagkakamali ng operasyon sa app ng platform. Ayon sa datos ng sarbey, 51.1% ng mga kalahok ang nakaranas ng pagpalya ng application, gaya ng pagtigil, lagging, mga pagkakamali, o hindi na paggana ng mismong app. Pangalawa sa pinakamalimit nilang prolema ay may kaugnayan sa mga mapa at sistema ng GPS, kung saan mali ang ipinakikitang lokasyon sa pagsundo at paghahatid, na nagreresulta sa pagkaaksaya ng oras, dagdag na gastos sa langis, at kung minsan ay nagdudulot ng alitan sa pagitan nila at ng mga kostumer.
Ipinakikita ng mga kahilingan ng mga rider at ng kawalan ng tugon ng mga platform na kailangan ng mga rider ng higit na kapangyarihan sa pakikipagnegosasyon. Maaaring magbunsod ng mga positibong pagbabago ang mas mataas na antas ng kolektibong pagkilos ng hanay ng mga rider. Gayunpaman, sa 19 na demonstrasyon na nasaksihan ko, karamihan dito ay nabigong pagbuklurin ang mga rider mula sa iba’t ibang platform. Sa susunod na bahagi ay tatalakayin natin ang mga kilusan ng mga rider at ang ugnayan sa pagitan nila.
Sa loob ng Kilusan ng mga Rider sa Thailand
Karaniwang nagtitipon ang mga rider sa mga social media platform. Una kong nakita ang paggamit ng mga rider sa mga social media platform noong nagsasaliksik ako kaugnay ng epekto ng ekonomiyang platform sa sektor ng serbisyo. (Wantanasombut & Teerakowitkajorn, 2018). Noon, napansin kong nagtitipon ang mga rider sa paraang birtwal para magbahaginan ng mga impormasyon hinggil sa kanilang pang-araw-araw na trabaho at mga hindi patas na kalagayan sa paggawa. Paminsan-minsan ay nag-oorganisa sila ng mga pulong upang makahalubilo ang isa’t isa sa pamamagitan ng pamamasyal at mga gawaing pangkawanggawa. Napukaw ng mga grupong ito ang pansin ng iba pang rider at lalong lumaki ang bilang ng kanilang mga kasapi at tagasubaybay. Marami sa mga rider ang miyembro ng higit sa isang grupo, kung saan lumaki ang mga grupo mula sa ilang daan hanggang sa mahigit isang libong kasapi. Maaaring hatiin ang mga grupong ito sa dalawang kategorya: ang pressure groups at complaint groups. Ang mga pressure group ay yaong nakikibaka para sa karapatan at mas mahusay na kalagayan, itinutulak ang mga kumpanyang platform sa pamamagitan ng mga protesta, welga, at petisyon. Ang mga complaint groups naman ay tumutukoy sa mga grupo kung saan nagsama-sama ang mga kasapi para maghayag ng disgusto at mas nagnanais ng mapagkasundong paraan sa pakikipag-usap sa mga kumpanyang platform.
Sa loob ng mga pressure group, na siyang tuon ng artikulong ito, may tatlong pangunahing mas maliliit na grupo—ang Grab Fast-Moving We Help Each Other (GFM), ang Freedom Rider Union (FRU), at ang Thai Rider Association (TRA). Bagaman nakikipaglaban ang bawat grupong ito sa mga kumpanyang plataporma, hindi rin sila nagkakasundo. Halimbawa, ang FRU ay ang dating Lalamove Union na itinatag bilang tugon sa pagbabawas ng pasahod sa riders ng platform.
Ang paglago ng pamilihan sa paghahatid ng pagkain ay nakapukaw ng pansin ng malalaking kumpanya sa teknolohiya, kabilang ang Line, isang popular na platform sa komunikasyon sa Thailand. Nagsimulang magpalawak ng ekonomiyang sakop ang Line Thailand, na subsidyaryong kumpanya ng dambuhalang kumpanya sa teknolohiya sa Japan, una sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga user ng digital messaging service nito na makatawag ng tagahatid ng dokumento sa pamamagitan ng kanilang platform. Tinatawag ang dagdag na serbisyong ito na ‘Line Man.’ Pagkatapos, pinasok ng Line Thailand ang pamilihan ng paghahatid ng pagkain sa pagbili nito sa Wongnai, isang sikat na platform sa pagrebyu sa mga restawran na nakapagtipon ng malawak na datos ng higit sa 400,000 restawran sa buong Thailand (Chinsupakul, 2020). Sa pamamagitan ng kasunduang M&A sa pagitan ng dalawang kumpanya, naitatag ang Line Man Wongnai (LMWN). Sa simula, walang sariling mga rider ang LMWN. Sa halip, nakipagsosyo ito sa Lalamove, isang delivery platform ng Hong Kong na may operasyon din sa Thailand. Sa paglaon, habang dumarami ang mga kakompetensya, sumidhi ang kompetisyon sa pamilihan kung kaya’t napilitan ang LMWN na magbawas ng gastusin sa pamamagitan ng pagputol sa ugnayan nito sa Lalamove at pamamahala ng sariling nitong delivery. Nanawagan ang LMWN sa mga dating rider ng Lalamove na boluntaryong lumipat sa LMWN kung kanilang nanaisin. Sa panahong ito ng transisyon ay gumampan ng namumunong papel ang Lalamove Union sa pakikipagnegosasyon hinggil sa sahod at kalagayan sa paggawa sa tulong at pagpapayo ng mga NGO at mga Organisasyon sa Paggawa, kabilang na ang Just Economy and Labour Institute (JELI) at ang Solidarity Center (SC). Ngayong nahati na ang mga rider ng Lalamove sa dalawang platform, binago ng Lalamove Union ang pangalan nito tungong FRU upang katawanin ang parehong grupo ng rider, at paglaon ay para katawanin din ang mga rider sa iba pang kumpanyang platform. Dahil sa suporta ng mga lokal na NGO at Organisasyon sa Paggawa, nagawang maisanib ng FRU ang sarili sa mga civil society organizations, kilusang panlipunan, kinauukulan, at mga partidong politikal. Sa mga pressure group, ang FRU ang pinakaprogresibo at kalimitang kumikilos para tugunan ang mga problemang istruktural. Isa sa mga pangunahing kahilingan ng FRU ay ang saklawin ng Labor Protection ang mga rider. Naniniwala ang FRU na dapat ituring ang rider bilang mga empleyado ng platform. Ngayon ay aktibong inoorganisa ng FRU ang mga grupo ng rider sa mga probinsya sa buong bansa.
Naitatag ang Grab Fast-Moving We Help Each Other (GFM) bilang resulta ng alitan sa pagitan mga tsuper ng tradisyunal na motorsiklo at taxi, tinatawag sa Win sa lokal na wikang Thai, at mga rider na nagseserbisyo sa mga pasahero sa pamamagitan ng ride-hailing applications. Para maging kabilang sa Win, kailangang sumunod ang mga tsuper sa mga regulasyon ng awtoridad ng Thailand na nagtatakda ng mga ispesipikong pamantayan, tulad ng laki ng makina, lisensya sa pagmamaneho para sa pampublikong transportasyon, mga bayarin, at iba pa. Gayunman, nang pumasok sa pamilihan ang Grab, isinawalang-bahala ng platform ang batas at regulasyon kaugnay ng Win. Sinumang may motorsiklo ay nakapagtrabaho sa platform. Sa gayon, nagambala ng mga platform hindi lamang ang mga batas kundi maging ang katiyakan sa trabaho ng mga tsuper na Win. Magaspang ang naging tugon ng mga tsuper na Win dahil sa pananaw nila ay iligal na inaagaw ng mga rider ng platform ang kanilang hanapbuhay. Kalimitang hinaharangan ng mga tsuper na Win ang mga rider na kumuha ng mga pasahero sa kanilang lugar, kinukuhanan ng litrato ang plaka ng mga rider at isinusumbong sa awtoridad, nakikipag-away sa mga rider, at sa maraming pagkakatao’y humahangga sa pananakit ang ganitong mga alitan. Itinatag ang GFM bilang tugon sa ganitong sitwasyon. Kung may rider ng platform na hinarangan o pinagbantaan ng isang tsuper ng Win, maaaring humingi ng tulong ang rider ng platform mula sa iba pang rider at mabilis na kikilos ang mga kasapi na malapit sa lugar upang tumulong. Nanawagan rin ng mga protesta ang GFM na pangunahing nakatuon sa pagbabago sa kalagayan sa paggawa, at kamakailan ay ang petisyon para gawing ligal ang ride-hailing services para sa mga motorsiklong taxi (Wantanasombut, 2023).
Ang ikatlong pangunahing pressure group ay ang Thai Rider Association (TRA). Dating mahigpit na nakikipagtulungan ang mga pinuno nito sa FRU. Paglaon ay humiwalay sila sa FRU dahil hindi sila sumasang-ayon sa mga layunin ng FRU at alitan hinggil sa natatanggap na suporta ng FRU mula sa mga NGO at Organisasyon sa Paggawa. Matapos ang ilang bangayan pagitan mga tsuper ng Win at FRU, naging malapit ang mga pinuno ng TRA sa The EV Motorcycle Taxi Association na nagmungkahi sa TRA na magparehistro bilang isang ligal na organisasyon. Sa gayon, ang TRA ang kauna-unahang grupo ng mga rider na rehistrado sa mga awtoridad samantalang impormal na nagtitipon ang FRU at GFM. Bagaman tinatawag ng FRU ang sarili na isang ‘unyon,’ sinasagkaan sila ng mga batas paggawa ng Thailand na makapagtayo ng isang opisyal na unyon sa paggawa dahil hindi itinuturing ng mga awtoridad ang mga rider bilang ‘empleyado’ ng mga kumpanyang platform. Ang malapit na ugnayan ng TRA sa mga tsuper na Win ay nakasira sa relasyon nito sa GFM dahil itinuturing ng GFM ang mga tsuper na Win bilang direktang kalaban ng mga rider ng platform.
Pleksibilidad at Kawalan ng Katiyakan
Nagbibigay ng pleksibilidad at kalayaan ang pagiging rider, subalit kalimitang may mga kapalit ito. Gaya ng nabanggit sa unang bahagi, kalimitang natatalakay ang madalas na problemang kinakaharap ng mga rider tulad ng kawalan ng katiyakan sa kita, kawalan ng benepisyo, usaping pangkaligtasan, kalayaan sa asosasyon, karapatan sa kolektibong pakikipagtawaran, na sa kabuuan ay itinuturing na kawalan ng katiyakan sa paggawa. Sa trabahong platform, kalimitang tinitingnan ang pleksibilidad na kapalit ng pagkamapanganib; sa konteksto ng Thailand, resulta rin ito ng klasipikasyon ng relasyon sa trabaho at ng mga kaakibat na proteksyong sosyal nito.
Batay sa mga batas sa paggawa ng Thailand, ang mga self-employed at indipendyenteng kontratista ay hindi sakop ng Labor Protection Act (LPA) na siyang nagbibigay proteksyon sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa, kasama na ang karapatan sa sahod at benepisyo, maayos na kalagayan sa paggawa, diskriminasyon, at iba pa. Hindi rin sila saklaw ng Labor Relationship Act (LRA) na gumagarantiya sa kalayaan sa asosasyon, kolektibong pakikipagtawaran, mga lockout at welga, at iba pang proteksyon mula sa hindi patas na pagtrato ng mga amo. Dahil hindi saklaw ng LPA at LRA ang mga rider, ang sumasaklaw sa kanila ay ang Civil and Commercial Code (CCC).
Para matukoy ang relasyon sa empleyo ng mga rider, kailangang tingnan ang mga pakahulugan sa mga sumusunod, batay sa LPA at CCC: 1) Pakahulugan sa pagkumpleto ng trabaho; 2) Kabayaran matapos ang trabaho o serbisyo; 3) Kontrol sa proseso ng trabaho; 4) Pag-aari sa kagamitan sa produksyon; 5) Responsibilidad sa mga nasira. Sa ganito’y masasabing malabo ang relasyon sa paggawa ng mga rider. Sa ilang pamantayan, malinaw na empleyado ng platform ang mga rider, subalit sa iba, itinuturing silang indipendyenteng kontratista. Naririyan din ang usapin ng mga kagamitan at rekurso na ginagamit sa produksyon, na kapwa mayroon sa dalawang panig ng relasyon sa paggawa dahil pag-aari ng rider ang smartphone, habang pinagmamay-arian ng kumpanyang platform ang application.
Completion of work | |||
Payment of completion of services | |||
Control of process of work | |||
Tools and resources | |||
Responsibility for damage | |||
Resulta nito, hindi saklaw ng LPA o ng LRA ang mga rider ng platform. Sa gayon, para mabawasan ang kawalan ng katiyakan, marami ang nagmumungkahi na dapat ituring ang mga rider bilang mga empleyado ng kumpanyang platform. Gayunpaman, batay sa sarbey, bagaman ninanais ng mga rider ang mas maayos na kalagayan sa paggawa, 51.7% ang naggigiit na mas nais nilang maging indipendyenteng kontratista. Humahantong ang kabaluntunaang ito sa mga di-pagkakasundo sa pagitan ng mga pressure group, lalo na dahil matibay na naninindigan ang FRU na empleyado ang mga rider. Samantala, iba ang pananaw ng GFM at TRA, na siyang nagdudulot ng pagkakawatak-watak sa hanay ng mga pressure group.
Konklusyon
Hindi dapat maging kapalit ng pleksibilidad ang kawalan ng katiyakan. Kailangang isagawa ang komprehensibong pagsasaayos upang mabalanse ang pleksibilidad ng ekonomiyang gig at ang pangangailangan sa seguridad ng mga mangagawa ng platform. Una, kailangang pag-isipang muli ang klasipikasyon ng mga rider o manggagawa ng platform upang matiyak ang higit na proteksyon para sa kanila. Dapat pantay-pantay na natitiyak ang proteksyong sosyal para sa lahat ng tipo ng klasipikasyon ng manggagawa. Singhalaga nito ang tiyak na batayang kita at transparency sa mga algorithm ng platform. Mahalaga rin ang pagkakaisa sa hanay ng mga rider. Pinahihintulutan nito ang mga rider na maisatinig ang kanilang mga hinaing at sama-samang makipagnegosasyon sa pamamagitan ng mga ligal na unyon nang sa gayo’y mapakinggan at tanggapin ito ng mga kumpanyang platform . Sa pagsasama-sama ng mga elementong ito, naniniwala akong mabubuo ang isang balangkas kung saan maaaring umiral nang sabay ang pleksibilidad at seguridad para sa mga rider ng platform.
Akkanut Wantanasombut
Institute of Asian Studies, Chulalongkorn University
References
Chinsupakul, Y. (2020, August 6). Facebook. Retrieved October 16, 2023, from https://www.facebook.com/yod.chinsupakul/posts/10223503012863396
Eukeik.ee. (16 September 2020). (Analysis) Why GET need rebranding to be Gojek? Retrieved August 1, 2021, from https://marketeeronline.co/archives/188145
Matemate. (2020, June 12). Robinhood is a small application that may change the entire Food Delivery business. Retrieved August 10, 2021, from https://brandinside.asia/robinhood-food-delivery/
MGR Online. (2020, October 1). ‘“Lineman Wongnai” soared into National Champion with 3.7 ten billion baht. Retrieved 17 October 17, 2022, from https://mgronline.com/business/detail/9650000095152
Prachachat. (28 July 2021). “Foodpanda” lessons from crisis and a second chance. Retrieved 30 July 2021 From https://www.prachachat.net/ict/news-724414
Techasriamornrat, S. (2021, January 26). Robinhood enhanced to other provinces after an 88-day plan in delivery competition. Retrieved August 10, 2021, from Workpoint TODAY: https://workpointtoday.com/robinhood-plan-64/
Transport Journal. (2021, February 1). Dhipaya Insurance Public Company cooperates with Gojek on an on-demand service via GoSend. Transport Journal
Wantanasombut, A. (2023, February 27). Another double standard to come: The legalisation of ride-hailing in Thailand. LSE Southeast Asia Blog. Retrieved October 16, 2023, from https://blogs.lse.ac.uk/seac/2023/02/23/another-double-standard-to-come-the-legalisation-of-ride-hailing-in-thailand/
Wantanasombut, A. & Pitukthanin, A. (2021, August). Riders – Heroes – Chains — the Working Conditions and Social Security of Food Delivery Workers on the Platform Economy during the COVID-19 Pandemic. Collaborating Center for Labour Research, Chulalongkorn University.
Wantanasombut, A. & Teerakowitkajorn, K. (2018). Platform Economy and its impact on service workers: case studies from Thailand. Bangkok: Friedrich-Ebert-Stiftung. https://library.fes.de/pdf- files/bueros/thailand/14771.pdf