Ang Pampolitika at Pang-ekonomiyang Kalakaran ng Kooperasyong BRI ng Indonesia at China

Noto Suoneto

Kailangang ibatay ang pag-aaral sa presensya ng Indonesia sa larangang internasyunal sa mga kongketong desisyon nito sa patakarang panlabas. Naka-sentro ang pang-ekonomiyang interes nito sa hanay ng maraming sektor ng patakarang panlabas. Makikita rin sa mga prayoridad ni Jokowi sa patakarang panlabas ang kamtin ang pang-ekonomikong interes sa pamamagitan ng pagtataguyod ng “diplomasyang pang-ekonomiko” bilang pangunahing layunin sa pakikisangkot nito sa larangang internasyunal. Naka-ayon ang adyendang diplomasyang pang-ekonomiko ng Indonesia sa mga domestikong hangarin, pangunahin ang pagsulong ng mas mataas na pang-ekonomikong paglago at pag-unlad ng imprastraktura. Isa sa pinakakilalang desisyon ni Jokowi sa diplomasyang ekonomiko ang kooperasyong Indonesia-China Belt and Road Initiative (BRI). Susuriin ng artikulong ito ang kooperasyong BRI ng Indonesia at ilang mga politiko-ekonomikong kalakaran na nakapalibot dito.

Ang Posisyon at Presepsyon ng Indonesia hinggil sa BRI

Nang bumisita ang Pangulo ng China na si Xi Jinping sa Indonesia noong 2013, inihayag niya ang interes ng China na paunlarin ang kooperasyon sa paglalayag sa karagatan sa pamamagitan 21st Maritime Silk Road. Noong panahong yaon, napapailalim ang Indonesia sa pamumuno ni Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono, kungkaya bahagya lamang ang atensyong naibigay sa kaunlarang pangkaragatan sa kanyang mga prayoridad sa patakarang panlabas. Gayunman, nangako ang dalawang gobyerno na itaas ang kooperasyon sa antas ng isang “Comprehensive Strategic Partnership”.

Sa pagkaluklok kay Pangulong Jokowi sa pamunuan bilang resulta ng halalang pampanguluhan noong 2014, nagbago ang mga prayoridad sa patakarang panlabas ng Indonesia ayon sa kanyang bisyon. Sa unang termino ni Jokowi, nagbigay ng malaking diin ang patakarang panlabas sa bisyon na palawakin nito ang pangkaragatang presensya at kapangyarihan. Nakaayon sa kanyang manipestong panghalalan, ipinakilala ni Jokowi ang konsepto ng “Global Maritime Axis” o “poros maritim dunia” para gawing isang maritime nation ang Indonesia. Itinuring ng China ang bisyon ni Jokowi bilang isang potensyal na daan para itaas ang mas malakas na kooperasyong bilateral.

Naiulat na ang China ang unang bansa na binisita ni Jokowi matapos magsimulang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong 2014 para makilala ang mga kapwa pangulo ng ibang bansa. Maliban sa pagtatanghal sa buong mundo ng kanyang bisyon na maritime-axis,  inihayag ni Jokowi ang komitment na sumali sa Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) na pinamumunuan ng China at isama ang pandaigdigang bisyon na pangkaragatan ng Indonesia sa 21st Maritime Silk Road (MSR) ng China. Binuksan ng pagbisitang ito ang daan para sa kooperasyong Indonesia-China sa ilalim ng balangkas ng BRI. Naganap ang ikalawang pagpupulong noong Marso 2015 sa Boao Forum kungsaan naglabas sina Jokowi at Xi ng magkasanib na pahayag at binigyang-diin ang pangakong bubuuin ang mas matatag na kooperasyong pangkaragatan.

Sa ika-9 na East Asia Summit (EAS) noong 2014 na ginanap sa Nay Pyi Daw, Myanmar, muling binigyang-diin ni Pangulong Jokowi ang kanyang bisyon para sa “global maritime nexus”, kungsaan talagang nababagay ang MSR ng China sa ambisyosong adyendang pangkaragatan ni Jokowi. Gaya nang ikinakatwiran ni Jusuf Wanandi, malinaw na kapaki-pakinabang paara sa Indonesia ang inisyatibang BRI, subalit ang laki nito ay nakabatay sa kakayahan ni Jokowi na mabuo ang pagtutugma sa pagitan ng BRI at ng adyenda sa domestic connectivity. Inilalagay ang pinakamalaking potensyal sa kooperasyon sa Action Plan of Indonesia Ocean Policy 2016-2019 na tutugma sa mga prayoridad ng kooperasyong BRI ng China.

Mauunawaan ang posisyon ng Indonesia kaugnay ng BRI sa pamamagitan ng pagbalik sa mga pampublikong pahayag ni Jokowi at kanyang administrasyon. Sa Unang BRI Forum noong 2017, ipinahayag ni Jokowi ang kanyang optimismo at suporta na magbubunsod ang BRI ng higit na industriyalisasyon at pag-unlad ng imprastraktura sa rehiyon, at tinitingnan ang inisyatiba na makatotohanan at kongkreto. Sa panayam sa South China Morning Post (SCMP), muling sinabi ni Jokowi na tututukan ng relasyon ng Indonesia sa China sa pagpapaunlad ng imprastraktura at pagmamanupaktura gaya nang nilalaman ng BRI.

Mula noon, tuluy-tuloy ang Indonesia sa pagpapahusay ng kooperasyon sa ilalim ng balangkas ng BRI. Gayunman, hanggang noong 2018, wala pang napagkasunduang kongkretong proyektong pang-imprastraktura sa pagitan ng Indonesia at China dahil sa pagkakaiba sa pagkakaintindi kung ano ang mga proyektong BRI. Tinitingnan ng China ang lahat ng mga proyektong pang-imprastraktura at ekonomikong interaskyon bilang kooperasyong BRI, samantala, ang itinuturing lamang ng Indonesia ay yaong mga proyektong pinagkasunduan sa panahon ng pamumuno nina Xi at Jokowi. 1 Mula rito sumusulong ang mga pampolitikang komitment sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay ng kooperasyong BRI.

Noong 2018, bumisita sa China ang President Special Envoy and Coordinating Minister for Maritime Affairs ng Indonesia na si Luhut Pandjaitan at sinabing natural na magkatuwang ang dalawang bansa sa BRI. Kasama ang kanyang katapat na Ministrong Panlabas ng China na si Wang Yi, nangako ang dalawang estado na lubos na ipatutupad ang konsesus ng kooperasyong BRI at isusulong ang pagpapa-unlad ng Regional Comprehensive Economic Corridors ng Indonesia na tinutukoy rin ng inisyatibang BRI. Sinabi pa ni Luhut na ang relasyon ng Indonesia sa China ay laging itinatanging direksyon ng relasyong panlabas ng Jakarta, na naghahayag ng mataas na pagkalugod ni Jokowi sa Beijing.

Matapos ang isang taon, ipinanukala ng Indonesia ang 28 proyekto na nagkakahalaga ng US$ 91.1 bilyon para isaalang-alang ng mga mamumuhunang Tsino bilang bahagi ng kooperasyong BRI. Sa isang pagpupulong ng Indonesia at China sa G20 Japan Summit nong 2019, humiling ng ispesyal na pondo si Pangulong Jokowi kay Pangulong Xi sa kadahilanang hindi kasama ang Indonesia sa mga may pinakamalalaking pakinabang sa BRI. Sinabi ni Ministrong Panlabas Marsudi noong 2019 na naglalakip ang Indonesia ng malaking pagpapahalaga sa inisyatibang BRI at naghahangad na maisulong ang mas matatag na pagtutulungan sa pamamagitan ng platapormang ito. Sa mga pahayag na ito na nagmula sa matataas na opisyales ng Indonesia, malinaw na mataas ang pagpapahalaga ng Indonesia sa tulungang BRI at walang malabo sa posisyon ng Jakarta kaugnay nito.

Map indicating locations of China (green) and Indonesia (orange). Wikipedia Commons

Mga Domestikong Puna at Pagtutol kaugnay ng BRI

Gayunman, maraming negatibong sentimyento at usapin ang tumutunggali sa tindig at persepsyon ng Indonesia kaugnay ng BRI. Humaharap ang inisyatiba sa maraming negatibong sentimyento kaugnay ng mga usapin ng pagkabitag sa utang, pagkawala ng soberanya, at pagpasok ng mga manggagawang Tsino sa Indonesia. 2 Ipinapakita ng pag-aaral ng CSIS kung paanong ang kawalan ng kaalaman at impormasyon hinggil sa BRI ay nagreresulta ng lumalaking pag-aalala kaugnay ng pagdepende ng Indonesia sa China. 3

Higit na naging mas maingat ang Indonesia sa paghayag nito ng inisyatiba dahil ang opinyong publiko ang pinakamalaking balakid sa pag-unlad ng BRI. Habang maaaring tasahin ng publiko sa demokratikong paraan ang pakikisangkot ng Indonesia sa labas ng bansa, mahalaga ang mga alalahanin ng mga Indonesian sa pangkalahatan. Sa katunayan, tuwirang nagmumula sa mamamayan ang mga pagtunggaling dinaranas ni Jokowi kaugnay ng BRI. Sa loob ng tatlong magkakasunod na taon, kinaharap ni Jokowi ang malalaking protesta na humihiling na magsara ang bansa sa pagpasok ng mga manggagawang Tsino sa mga proyektong BRI. Pinuna rin sa maraming pagkakataon ng mga kilalang ekonomistang Indonesian, gaya nina Faisal Basri at Emil Salim, ang ilang aspeto ng BRI, tulad ng kalidad ng pamumuhunan at pagpasok ng mga manggagawang Tsino.

Nagbabala pa kay Jokowi ang Ikalawang Tagapangulo ng Indonesian House of  Representatives (DPR) na si Fadli Zon kaugnay ng banta ng BRI sa pambansang politika at kasarinlang pang-ekonomiko. Isinulat ng dating Coordinating Minister for Economy ni Jokowi na si, Rizal Ramli, sinundan ni Luhut sa pwesto, na ang BRI ay double-edged sword dahil sa iskemang “lend-to-own” nito na magpapahintulot sa Beijing na maagaw ang kontrol sa mga istratehikong ari-arian ng Indonesia.

Maliban pa sa panganib na mabitag sa pagkakautang, pinupuna rin ang mga masasamang dulot ng mga proyektong BRI sa kapaligiran. Noong 2019, 240 organisasyong civil society ang tumutol sa proyektong hydropower dam ng BRI sa Hilagang Sumatra dahil isasapanganib nito ang mga endemikong species ng orang-utan. Pinuna rin ang isa pang proyektong BRI, ang Jakarta-Bandung high-speed rail dahilan sa kawalan ng kaukulang pag-aaral sa epekto sa kapaligiran. Nag-aalala rin ang kilalang institusyong pangkapaligiran ng Indinesia na The Indonesian Forum for Environment o WALHI hinggil sa mga pamumuhunan ng BRI sa mga plantang pang-elektrisidad na gumagamit ng maruming enerhiya at pagpipinansya sa pagmimina ng karbon. Sa sunud-sunod na pagbatikos na ito, nahaharap sa matinding pagtunggali ang BRI sa Indonesia.

Indonesian President Joko Widodo meeting Chinese President Xi Jinping, March 2015. Wikipedia Commons

Kinikilala ni Pangulong Xi ng China ang mga pumupuna sa mga proyektong BRI kaugnay ng aspetong pangkapaligiran at naglahad ng mga tugon na solusyon. Sa Unang BRI Forum, ipinanukala ni Xi ang pagtatatag ng International Coalition for Green Development para ilangkap ang adyendang maka-kalikasang kaunlaran sa mga proyektong BRI sa buong mundo kasama ang United Nations Environment and Ministry of Ecology. Nanawagan rin si Xi na gawing “bukas, maka-kalikasan at malinis” ang inisyatiba sa kanyang talumpati sa ikalawang Belt and Road Forum noong 2019.

Estratehikong itinataguyod ng Beijing ang naratibong maka-kalikasan at kontra-climate change sa pamamagitan ng paggabay nito sa pagtataguyod ng Green Belt and Road at ng Belt and Road Ecological and Environmental Cooperation Plan. 4 Sa pinakahuling Boao Forum for Asia (BFA) Annual Conference 2021, muling binagyang-diin ni Xi ang komitment ng China sa maka-kalikasang kaunlaran, imprastraktura, enerhiya, at pinansya sa ilalim ng BRI.

Inasahan na rin ng Indonesia ang gayung mga puna kaugnay ng kalikasan at nagbigay ng ilang komitment. Ayon kay Ministro Luhut, hinihiling ng Indonesia ang paggamit ng maka-kalikasang teknolohiya at tinanggihan ang mababang-klaseng teknolohiya sa mga proyektong BRI na magdudulot ng mga negatibong epekto sa kapaligiran. Sinabi rin ng kanyang deputado na si Ridwan Djamaluddin na bagaman iniaalok ng pamahalaan ang mga pamumuhunan sa mga planta ng kuryente, magpapanatili ng balanse ang Indonesia sa pang-ekonomikong pakinabang at preserbasyon ng kapaligiran sa pakikipagkasundo nito sa China, at sinabing nasa tamang landas ang Jakarta. Samantala, tumugon sa usapin ng pagkabitag sa utang ang tagapagsalita ng Kagawarang Panlabas ng Indonesia na si Arrmanatha Nasiby at nagsabing nagbibigay-diin si Jokowi sa usapin ng pagmamay-ari at national-driven approach  sa pakikipag-usap sa China – na susunod ang BRI sa estratehiya sa pambansang kaunlaran, hindi global or long-provider driven.

Mula rito, naimpluwensyahan ng mga usaping nakapalibot sa kooperasyong BRI ang persepsyon ng mga Indonesian sa China. Ayon sa isang sarbey ng Pew Research Center, sa paglipas ng panahon ay bumaba ang bilang ng mga Indonesian na may pabor na pananaw hinggil sa China dahil sa lumalaking mga alalahanin hinggil sa pag-asa ng Jakarta sa Beijing. Ipinapakita ng mga datos ng sarbey noong 2018 na 53 porsyento ang nagtitiwala sa mas malakas na tulungan ng China at Indonesia, bumaba mula 66 porsyento noong 2014. Sa iba pang sarbey mula sa Lingkaran Survei Indonesia (LSI) nakitang 36 porsyento ng mga Indonesian ang naniniwalang nagdadala ng masamang implewensya ang China sa Indonesia. Ipinakikita ng mga katunayang ito kung paanong humaharap sa pagtunggaling domestiko ang relasyong Beijing-Jakarta at maaring maging malaking balakid para sa mas malapit na kooperasyong BRI.

Dahil may gayung mataas na pampolitikang nilalaman at panganib, pangunahing pinangangasiwaan ng kagawarang panlabas ang diplomasyang pang-ekonomiko ng Indonesia. Bagaman partikular sa BRI, pinaghandaan ng Indonesia ang malaking panganib ng pagkabitag sa utang sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mekanismong business-to-business (B2B) sa tulungang BRI. Maraming ulit na sinabi ni Ministro Luhut bilang tagapagsalita ng relasyong Indonesia-China na hindi mabibitag ang Indonesia sa mga negatibong kahihinatnan ng BRI sa kaayusang ito. Gayunman, sa pagkilalang nananatili sa kontrol ng pamahalaan ng China ang BRI, mahirap na ihiwalay ang pampolitikang motibo sa likod nito o sinasabi ni Stromseth na “economic statecraft” ng Beijing 5 at ang iminumungkahi ni Dunst na daan papasok para sa pagpapalawak ng China sa daigdig at sa mga anti-US na yunit pampolitika 6.

Sa pagkilalang sangkot ang negosyo at mga negosyong pag-aari ng estado sa loob ng tulungang BRI, hindi lubos na hawak ng kagawarang panlabas ang diplomasyang pang-ekonomiko ng Indonesia kaugnay ng BRI, sa halip ay sangkot rin ang iba pang kaugnay na opisina. Halimbawa, si Luhut Pandjaitan ang pinaka-aktibong ministro kaugnay ng BRI, na sinusuportahan ng kanyang posisyon bilang Coordinator for Cooperation with China at Coordinating Minister for Economic Affairs ng Indonesia.

Bagamat alam na madaling napopolitisa ang usapin, sinabi ng administrayong Jokowi na tumatahak ang BRI sa walang-talong pakikipagtulungan. Sinisikap ng pamahalaan na hilahin ang BRI tungo sa pananaw ng komersyo, hindi sa politika. Isang paraan ang kaauyusang B2B sa pagpapatupad ng BRI para suportahan ang naratibong ito. Binigyang-diin ni Jokowi ang iskema sa pagpopondo na hindi pampamahalaan. Sinusuportahan ni Rosan Roeslani, Pinuno ng Indonesian Chamber of Commerce o KADIN, ang posisyon ng pamahalaan kaugnay ng BRI sa pamamagitan ng pagmumungkahing makakukuha ng malalaking pakinabang ang Indonesia mula sa kaunlarang pang-imprastrasktura hanggang sa mga pakinabang sa komersyo. Sa kabila ng pandemya, nagawang makontrol ang mga domestikong hinaing sa pamamagitan ng mga pamamaraan ni Jokowi na huwag ilangkap ang politika sa BRI. Patuloy pa ngang nagtutulak sina Jokowi at Xi ng higit na tulungang BRI.

Kumakaharap ang kooperasyong BRI ng Indonesia-China sa samut-saring pampolitikang daynamiks sa larangang domestiko. Gayunman, sinusubukan ng pamahalaang Jokowi na pangasiwaan ito sa ilalim ng kooperasyong walang-talo, na may malakas na pakikisangkot ng sektor ng negosyo. Sinisikap ng pamahalaan ng Indonesia na ihiwalay ang pampolitikang dimensiyon sa kooperasyon BRI sa China kahit mataas ang pagkaantala nito. Hindi mailalayo ang BRI sa mga puna at pampolitikang pagtutol mula sa iba’t ibang grupo. Hangga’t hindi dinadala ng dalawang pamahalaan ang kooperasyon sa tinatawag na “economic statecraft”, kakayanin nitong magpatuloy.

Noto Suoneto
Si Noto Suoneto ay isang tagasuru ng patakarang panlabas at host ng Foreign Policy Talks Podcast. Bahagi rin siya ng Y20 (G20 Engagement Group) Indonesian Presidency 2022.

 

Notes:

  1. Negara, Siwage Dharma, and Suryadinata. 2018. Indonesia and China’s Belt and Road Initiatives : Perspectives, Issues and Prospects. Singapore: ISEAS Yusof Ishak Institute.
  2. uliantoro, Nur Rachmat. 2019. “The Belt and Road Initiative and ASEAN-China Relations: An Indonesian Perspective.” In The Belt and Road Initiative: ASEAN Countries’ Perspectives, by Yang Yue: Li Fuijian, pp. 81-102. Beijing: Institute of Asian Studies and World Scientific Publishing Ltd.
  3. Damuri, Yose Rizal, Vidhyandika Perkasa, Raymond Atje, and Fajar Himawan. 2019. Perceptions and Readiness of Indonesia Towards the Belt and Road Initiative. Jakarta: Center for Strategic and International Studies (CSIS) Indonesia.
  4. Coenen, Johanna, Simon Bager, Patrick Meyfroidt, Jens Newig, and Edward Challies. 2021. “Environmental Governance of China’s Belt and Road Initiative.” Environmental Policy and Governance Volume 31 Issue 1 pp. 3 -17.
  5. Stromseth, Jonathan R. 2021. “Navigating Great Power Competition in Southeast Asia.” In Rivalry and Response- Assessing Great Power Dynamics in Southeast Asia, by Jonathan R. Stromseth, pp. 1-31. New York: Brookings Institution Press.
  6. Dunst, Charles. 2020. Battleground Southeast Asia: China’s Rise and America’s Options. London: London School of Economics and Political Science (LSE) Ideas.