Ang Pederalismo sa Unahan ng Rebolusyon ng Myanmar

Htet Min Lwin

Mula nang makamit ang kasarinlan, ang Myanmar ay naghahanap ng isang sistemang pampolitika na magbibigay lugar sa mayaman nitong mga pangkultura, linguistiko, etniko at relihiyosong pagkakakilanlan.  Nanawagan ng pederalismo ang mga etnikong minorya bilang daan para matiyak ang pagkakapantay-pantay at karapatan ng lahat ng grupo. Gayon pa man, naging imposible ang anumang pagtalakay sa pederalismo sa ilalim ng sentralisadong sistema na itinakda ng diktadurang militar na kumontrol mula 1962 hanggang 2010. Sa ilalim ng Konstitusyon ng 2008, lumikha ang transisyong politika ng isang sentralisadong uri ng pederalismo, subalit maging sa ilalim ng pamahalaang National League for Democracy (NLD) (2016-2021) ay nanatiling sentralisado ang aktwal na paggawa at bisyon ng pamahalaang Burmese.

Matapos buudin ang kasaysayang ito, ang artikulong ito ay tumutuon sa mga paraan kung paanong nabago sa saligan ng kudeta noong 2021 ang pampolitikang debate tungkol sa pederalismo. Pinag-aralan nito kung paanong nailagay ng mga nakababatang lider ng etnikong minorya ang pederalismo sa sentro ng mga panawagan ng kilusang anti-kudeta, at binigyang pansin ang paglipat ng diskurso ng etnisidad: mula sa mga modelo ng pederalismo na ethnic-genealogical, patungo sa inklusibong modelo na sibil-teritoryal. Pinag-aralan din nito ang kahalagahan ng pagbuwag ng Committee Representing the Pyidaungsu Hluttaw (CRPH) sa Konstitusyon ng 2008 at ang pagpapatibay ng Federal Democracy Charter, kungsaan idinambana sa Unang Bahagi ang mga prinsipyong liberal ng pederalismo. Ipinakikita ng mga kaganapang ito at sa pagtanggap sa pederalismo bilang hinaharap sa politika ng Myanmar, ang tagumpay ng mga pagsisikap at mga pagsasanay sa pederalismo sa nakaraang dekada. Gayon pa man, nananatili ang malalalim, iba’t-ibang aspeto at maraming suson na panlipunang pagkakahati sa mga usapin ng etnisidad, heograpiya, pagkamamamayan, at relihiyon, at iba pang pagkakahati-hati. Hindi naresolba ng kasalukuyang sitwasyon ang mga pagkakahating ito o agarang mapagkaisa ang mamamayan; may malalaking usapin pa rin tungkol sa tiwala. Dagdag pa, kakailanganin ang mga usapin at negosasyon, lalo na sa Ikalawang Bahagi ng Federal Democracy Charter para maisakatuparan ang mga pagpapahalaga na itinakda ng Unang Bahagi at maitatag ang sistemang pederal.

Ang Suliraning Pederal sa Myanmar

Ang Myanmar ay isang bansang labis ang pagkakaiba sa mga aspetong etniko, relihiyon, linguistiko at kultura, bagaman binubuo ng Budistang Bamar ang karamihang bilang at ang kalakhan sa pamahalaan sa mahabang panahon. Matagal nang tinatanaw ng mga lider ng etnikong minorya (kapwa mula sa mga partido politikal at Ethnic Armed Organizations (EAOs)) ang pederalismo bilang paraan para maprotektahan ang mga karapatan at interes ng kanilang mamamayan, kasama na ang paglaban sa pagsasamantala at pang-aapi ng Bamar, at para mailipat ang kapangyarihan mula sa sentral na pamahalaan patungo sa estado. Bihirang tanggapin ng mga pambansang lider ang mga panawagan para sa desentralisasyon at pederalismo. Noong pang 1959, ginamit na ni Silverstein ang terminong “suliraning pederal” para ilarawan ang kalagayan kungsaan mas pinipili ng mga lider ang isang porma ng demokrasyang mayorya, ngunit kailangang mapahintulot ang isang uri ng pederalismo para sa etnikong minorya, para sa mga pampolitikang kadahilanan.

Nagtatag ng isang sentralisadong sistema ang rehimeng militar na kumontrol sa Myanmar mula 1962 hanggang 2010. Dahil isa sa mga pagbibigay-katwiran sa paghaharing militar ang pangangailangang pigilan ang pagwawatak-watak ng Myanmar, ang pederalismo ay pinaghihinalaan (bilang isang posibleng hakbang tungo sa paghiwalay ng mga etnikong estado). Sa transisyong politika na sinimulan noong 2010, natigil ang pagturing sa pederalismo bilang isang bawal na paksa, gayon pa man, nanatiling sentralisado ang kapangyarihan sa ilalim ng Konstitusyon ng 2008.

Sa ilalim ng pamahalaang NLD, gaya nang sa mga naunang administrasyon, nanatiling hati-hati ang mga politikong elit hinggil sa aling istrukturang politikal ang makapagbibigay ng awtonomiya na hinihiling ng mga etnikong minorya, nang hindi lumilikha o nagpapalala ng iba pang mga suliranin.  Nagkaroon ng mahahalagang konsesyon, gayon pa man, nagkasundo sa mapayapang negosasyon na isang pederal na estado ang hinaharap ng Myanmar. Sa kabila nito, nagpatuloy ang maiinit na debate sa terminolohiya, partikular sa mga salitang “demokrasyang pederal” at demokratikong estadong pederal”. Ipinakita nito ang kawalan ng tiwala sa pagitan ng mga sangkot, subalit dumagdag din sa persepsyon ng mga etnikong lider na mas inuuna ng NLD ang demokratisasyon kaysa pederalismo.

Samantala, ginamit ng mga civil society ang pagkakataong ibinigay ng pagbubukas ng espasyong sibil kasunod ng transisyong politikal para maglunsad ng malawak na edukasyon hinggil sa pederalismo, mula sa mga estilong pulong bayan hanggang sa mataas na kurso. Pina-alingawngaw nito ang usapin at tiniyak ang lugar nito sa diskursong pangkaunlaran, at nakakuha ng mga bagong tagasuporta.

Ang Pederalismo sa kilusang anti-kudeta at ang GSC-N

Hindi kabilang ang pederalismo sa mga panghunahing pampolitikang panawagan kagyat na pagkatapos ng kudeta noong ika-1 ng Pebrero 2021. Hiniling ng mga naunang protesta ang pagpapalaya sa mga pampolitikang  lider at ang pagbabalik ng pamahalaang demokratiko, subalit walang pagbanggit sa pederalismo. Sa madaling salita, ipinanawagan ng mga nagpoprotesta ang pagbaligtad sa kudeta, subalit nanatili ito sa konseptuwal na balangkas ayon sa Konstitusyon ng 2008.

Ang General Strike Committee of Nationalities (GSC-N) ang nagbunsod ng pampolitikang panawagan para sa demokrasyang pederal sa loob ng kilusang anti-kudeta, bilang isang popular na panawagan at layuning ine-endorso ng CRPH. Ang GSC-N ay isang alyansa ng mga network ng kabataan, na karamihan ay nalantad sa pederalismo at iba pang konsepto mula sa agham panlipunan sa nakaraang mga dekada. Bagaman karamihan ay nakabase sa Yangon, isinilang sila sa mga etnikong estado, at kapwa may personal at institusyunal na koneksyon sa mga etnikong partidong politikal at mga EAO. Sa ganitong karanasan, hindi nakakagulat na mapasali sila sa mga panawagan ng GSC-N sa pagtatatag ng isang pederal na unyong demokratiko, gayon din ang kolektibong pamumuno, pagkakapantay-pantay at katarungan, mutwal na respeto, at sariling pagpapasya. Ang mga panawagang ito ang nagbukod-tangi sa GSC-N kumpara sa ibang nagpoprotestang grupo na nagdiin sa pagpapalaya ng mga bilanggo at pagrespeto sa resulta ng halalang 2020. Gaya ng sinabi ng isang lider ng GSC-N “kaming mga etnikong minorya ay may mas malalim na panawagan. Ang aming layunin ay itatag ang pederal na unyong demokratiko kasama ang lahat ng nasyonalidad na kabilang sa Myanmar.” Naging popular ang mithiing ito, laluna sa mga etnikong estado kungsaan ginanap ang mga protesta sa ngalan ng GSC-N at pina-alingawngaw ang kanilang limang panawagan.

Taunggyi, Myanmar – March 2021: Peaceful protesters against the military coup: R. Bociaga / Shutterstock.com

Ang pangangailangan para sa imahinasyong inklusibo: isang kolektibong pagpapaumanhin sa publiko

Sa mahabang panahon, sumunod sa modelong ethnic-genealogical ang mga panawagan para sa pederalismo sa Myanmar, na likhain ang mga estado para sa mga etnikong minorya kungsaan binubuo nila ang mayorya, sa gayon sila ay mabigyang-kakayahan para ipreserba ang kanilang sariling wika at kultura. Bunga nito, napag-ugnay ang mga katanungan hinggil sa etnisidad at pederalismo. Sa gayon, sinubok rin ng GSC-N na muling bigyang-kahulugan ang konsepto at naratibo ng etnisidad sa Myanmar.

Sa mahabang panahon, itinumbas ang salitang “etnisidad” sa “taìn-yìn-dhà” ng Burmese, na tumutukoy lamang sa 135 “pambansang lahi” na kinikilala ng estado; sa gayon, hindi nito isinasali ang iba pang etnikong minorya gaya ng mga Chinese at Rohingya. Para mailayo ang sarili sa makitid na pakahulugan na ipinahihiwatig ng “taìn-yìn-dhà”, tinawag ng GSC-N ang kanilang mga sarili bilang “lu-myò-zoun” na ang ibig sabihin ay “iba-ibang lu-myò” (mga uri ng tao). Sa kanilang listahan ng mga lu-myò, isinama nila ang mga “ka-byà” at “mga Muslim na Myanmar”, na kapwa hindi kinikilala bilang “taìn-yìn-dhà”.  Sa paggamit ng pangalan at mga prinsipyo ng GSC-N, ginamit rin ng mga nagpoprotesta sa buong bansa ang gayung pagbabago sa konsepto ng etinisidad.

Samantala, ang pagsaksi sa kalupitan ng militar ng Myanmar ang nagtulak sa maraming tao na muling tasahin ang kanilang persepsyon hinggil sa mga pagdurusa ng etnikong mayorya, kasama na ang Rohingya. Marami sa mga gumagamit ng social media ang humingi ng paumanhin sa dati nilang mga pananaw at nagpahayag ng pakikiisa. Halimbawa, sinabi ng isa, “Matuto tayo mula sa lahat ng kaganapang ito. Mula ngayon, tututol tayo sa bawat paglabag sa karapatan at sa pang-aapi sa Rohingya taìn-yìn-dhà at iba pa, anuman ang heograpiya, etnisidad o relihiyon, at makikipaglaban para sa demokrasyang pederal at katarungan. Ipagpapatuloy natin ang ating laban, kasama ang lahat ng mamamayang taìn-yìn-dhà ng Myanmar”. Nagsimula rin ang mga kabataan na kwestiyunin ang konsepto ng ‘taìn-yìn-dhà’ sa social media at ang paggamit nito bilang batayan ng modelong ethnic-genealogical ng pederalismo; sa halip, sila’y nangatwiran para sa modelong sibil-teritoryal. Samantala, nanawagan ang mga nagpoprotesta sa lansangan para sa pag-aalis ng diskriminasyon sa mga batayan ng etnisidad at relihiyon. Sa gayon, nagsanib ang panawagan para sa demokrasyang pederal mula sa GSC-N at ang publikong paghahayag ng pagpapaumanhin upang maging isang malakas na panawagan para sa demokrasyang pederal.

Muslim Rohingya waiting the foods in the refugee camp in Bangladesh. HAFIZIE SHABUDIN / Shutterstock.com

Ang CRPH at ang batang liderato nito

*Sa mga talakayan hinggil sa pagbubuo ng isang pamahalaan ng nagkakaisang bansa, naging lugar ang National Unity Consultative Council (NUCC) para sa CRPH, mga etnikong partido politikal, at mga lider ng kilusan para talakayin ang kalagayang pampolitika at organisahin ang bagong pamahalaang sibilyan. Sa kontekstong ito, nakipagpulong ang mga kasapi ng CRPH sa GSC-N, at nagmungkahi ang huli na ipakita ng CRPH ang pagiging tapat nito sa demokrasyang pederal sa pamamagitan ng pagbasura sa Konstitusyon ng 2008 at pagpirma sa isang pormal na kasunduan na nage-endorso sa mga prinsipyo ng GSC-N. Muli ring binuhay ng mga islogan ng GSC-N ang debate kung dapat bang mauna ang “pederalismo” o ang “demokrasya” sa opisyal na bokabularyong pampolitika. Nagkaroon ng bwelo sa publiko ang salitang “demokrasyang pederal” at malakas na sinuportahan ng mga lider sa matataas na katayuan, kasama na ang mga etnikong partido politikal at mga EAO.

Batid ng mga kasapi ng CRPH ang walang katapusang debate sa bokabularya na lumitaw sa mga negosasyon para sa prosesong pangkapayapaan, at ang kagyat nilang pangangailangan para mabuo ang isang nagkakaisang alyansa. Kung kaya, nagpahinuhod ang CRPH sa panawagan ng mga etnikong grupong politikal, at noong Marso 5, pormal na pinagtibay ang “demokrasyang pederal” bilang opisyal na termino. Kasabay nito, lumayo ang CRPH sa dating opisyal na patakaran ng NLD para sa pambansang rekonsilyasyon, nangakong ibabasura ang Konstitusyon ng 2008, at papalitan ito ng isang konstitusyong pederal. Para susugan ang mga pangakong ito, binalangkas ng NUCC ang Federal Democracy Charter, kungsaan nilalaman sa Unang Bahagi ang mga liberal na prinsipyo ng pederalismo, at inihayag naman ng CRPH ang pagbuwag sa Konstitusyon ng 2008. Gaya nang pagbibigay-pansin ng isang tagapayong ligal, ang desisyong ito ay tulak ng mga konsiderasyong politikal sa halip ng mga kosiderasyong ligal. Sa ligal na antas, kakatwa na tinanggal ang Konstitusyon ng 2008 na nagbibigay ng ligal na pagpapatuloy at lehitimasyon sa halal na pamahalaan, at sa gayon, ang potensyal na pagkilalang internasyunal.

Syempre pa, may mga pangamba na ang mga konsesyon ng CRPH ay isa lamang paraan upang mapalugod ang publiko, sa halip na magpakita ng katapatan sa demokrasyang pederal. Sa madaling salita, ito ay pagbabalik sa “suliraning pederal” ni Silverstein at gaya ng mga naunang inisyatibang pederal ng mga pampolitikang lider ng Bamar, lumalabas rin sa kalaunan na ito ay “diskumpiyado at kinakailangan lamang, sa halip na sinsero at masugid”. Pinatindi pa ang mga ganitong alinlangan nang manahin ng CRPH ang pampolitikang pamana ng NLD, dahil kalakhan ay mga kasapi ng NLD ang bumuo sa CRPH, at inendorso ito ng pamunuan ng NLD. Kung kaya, may katwiran na tinitingnan ang CRPH bilang dominado ng NLD (samakatuwid ay dominado ng Bamar), na dahilan para magduda ang ilan na maaaring pagpapalit lamang ito ng pakete sa posisyon ng kanilang mga sinundan.  Sa kabilang banda, ang CPRH ay hindi itinatag ng punong liderato ng NLD, sinusuportahan nito ang pananaw na tunay ang kagustuhan ng mga bago at batang lider na matanaw ang isang pederal na Burma. Sa puntong ito, tinitingnan ang paghingi ng paumahin ng isang kasapi ng CRPH sa mamamayang Rohingya na isang mahalagang indikasyon ng kanilang pananaw.

Konklusyon

Isang pagtatangka ang artikulong ito para maunawaan ang debate hinggil sa pederalismo, sa mga taon matapos ang transisyon, lalo’t higit na masalimuot at komplikado ang resulta ng kudeta. Bagaman sa simula ay nakatutok ang pansin ng kilusang anti-kudeta sa pagpapatalsik sa diktadurang militar, mabilis itong lumipat sa mas malawak na layuning politikal na baguhin ang istruktura ng estado, laluna kasunod ng lumalaking hugis ng GSC-N at mga kaugnay na kilusang panlipunan. Walang duda na para maabot ito, kailangang tanggalin ang militar na junta. Kasinghalaga nito, kailangan ang nagkakaisang lideratong politikal sa hanay ng mga partidong anti-kudeta, na mangyayari lamang kapag natugunan ang malalalim na hinaing ng mga etnikong partidong politikal, nabawasan ang rasismo at pagkiling, at napangibabawan ang kasaysayan ng kawalan ng tiwala.

Bagaman mistulang hindi halos malalampasan ang mga balakid na ito, may malalaking pagbabago sa pananaw ng publiko, niyayakap ng mga tao hindi lamang ang ideya ng pederalismo, kundi ang modelong sibil-teritoryal ng pederalismo kaysa ethnic-genealogical. Nakatulong ito upang maitulak ang CRPH na magbigay ng katapatan para maitatag ang sistemang pederal at ibasura ang Konstitusyon ng 2008. Ang mga ito ay positibong pag-unlad kahit na hindi nito naresolba ang ilang dekada nang talakayan sa kung anong porma ng sistemang pederal ang pinakamainam para sa Myanmar. Sa madaling salita, pangunahing binago ng kudeta ang deliberasyon hinggil sa pederalismo sa Myanmar at nagtulak ng mga konstruktibong talakayan hinggil sa usapin ng “taing-yin-dhà”, gayon pa man, nananatiling mahaba ang daan na lalakbayin tungo sa pagrereporma ng sistemang pampolitika.

Htet Min Lwin
PhD Candidate, York University, UK