Lantahin ang Kapaligiran? Ang mga Protestang Pinamunuan ng mga Estudyante Kamakailan at (Nawawalang) Politikang Pangkapaligiran sa Thailand

Jakkrit Sangkhamanee

Noong gabi ng ika-16 ng Agosto 2020, nagtipon ang malawak na saklaw ng tao sa Democracy Monument sa Rajadumneon Avenue para magprotesta laban sa rehimeng pinamumunuan ng militar sa Thailand. Pinamunuan ng mga estudyante sa unibersidad at hayskul ang demonstrasyon. Sinamahan sila ng mga artista, rapper, komedyante, manunulat, karikaturista, at mang-aawit, gayundin ng mga empleyado sa opisina, kabataang freelancer, manggagawa sa industriya at maliliit na negosyo, akademiko, at maging ng mga dating red-shirt mula sa mga probinsya ng Isan. May mga pagtatanghal at talumpati ng mga kabataang aktibista sa entablado. Sa lansangan naman, may higit pang iba’t-iba at malikhaing mga aktibidad ang nanawagan, hindi lamang ng demokraysa, kundi nagpahayag rin ng mga pampolitikang kahilingan kaugnay ng mga isyung panlipunan, pang-araw-araw na pamumuhay, at kinabukasan ng bansa.

Maaring ituring na panandang-bato ang maka-demokrasyang demonstrasyon kamakailan ng kilusang kaalyado ng “Malayang Mamamayan” (ประชาชนปลดแอก) para sa pag-unawa sa kontemporaryong politika ng Thailand.  Kagaya noong dekada ’90 kung kailan tumampok sa eksenang pampolitika ang mga protestang lansangan, ang protesta na pumutok sa Democracy Monument sa gitna ng Bangkok, iba’t-ibang mga unibersidad at paaralan, at mga pampublikong lugar sa maraming probinsya sa buong bansa, ang nagpahiwatig na maaaring gumampan muli ng papel ang mga kilusang panlipunan sa paghiling ng mga progresibong pagbabago sa gitna ng pag-urong ng demokrasya sa bansa sa nakaraang mga dekada.

Noong dekada ’90, iba’t-ibang mga kilusan, kabilang ang mga organisasyon ng magsasaka, aktibistang maralita, kampanyador ng anti-development, aktibistang maka-manggagawa at mga environmentalist, ang nag-ambag at nagbuo sa mga puwang sa espasyong pampolitika sa Thailand. Ipinahihiwatig ng pagsasama-sama ng mga kilusang ito na humihiling sila hindi lamang ng katugunan sa mga ispesipikong problemang pangkapaligiran kundi nag-ambag ito sa paglikha ng mas malalim na demokrasya.

Sa kalawakan ng saklaw ng mga pampublikong kampanya, mga kilusan, aktibista at mga kalahok, kataka-taka na lubhang mardyinal ang politikang pangkapaligiran sa mga protesta kamakailan. Totoo ito laluna sa hanay ng mga kabataang aktibista na limitado ang pakikisangkot sa politikang pangkapaligiran at mga isyung may kaugnayan sa kaunlaran. Lalo itong nakakagulat sa kalagayang sentral, kapwa ang mga isyung pangkaunlaran at pangkapaligiran sa mga naunang panahon ng demokratikong mobilisasyon. Ano ang nangyari sa mga kilusang pangkapaligiran at saan sila nakapwesto sa paglikha ng demokrasya sa Thailand sa hinaharap?

Protests on 18 July 2020, a large demonstration organized under the Free Youth umbrella at the Democracy Monument in Bangkok. Photo: Supanut Arunoprayote, Wikipedia Commons

Mula sa Malayang Kabataan tungong Malayang Mamamayan

Isang kontra-gobyernong kilusang pampolitika ang Malayang Mamamayan na naka-pokus sa pagsusulong ng demokrasya, karapatang pantao, transparency at iba pang isyung panlipunan. Tuwirang tinuligsa ng kilusan ang nakaluklok na pamahalaang pinamumunuan ni General Prayuth Chan-ocha na sa pinaka-menos ay nadungisan ang lehitimasyon ng kahina-hinalang eleksyon, manipulasyon ng parlyamento, palpak na administrasyon at kawalan ng transparency.

Nagsimula ang kilusan sa isang maliit na pangkat ng mga estudyante, tinawag dating “Malayang Kabataan”, noong huling bahagi ng 2019. Nangampanya para sa mga karapatan at kalayaan ang mga lider ng Malayang Kabataan. Nakakuha ng mas malawak na atensyon at suporta ang kilusan sa pamamagitan ng social media outlets gaya ng Twitter at Facebook. Bagaman nagsimula bilang kilusang nakasentro sa mga estudyante, kalauna’y nilahukan ito ng mga mamamayan mula sa iba’t-ibang uri at sektor kung kaya lumapad ang base nito at mga layunin. Sa gayo’y naging Malayang Mamayan ang Malayang Kabataan para saklawin ang iba’t-ibang alyansa ng mga kilusan na nakapokus sa tinatawag nilang “3 Kahingian 2 Paninindigan at 1 Pangarap”:

Ang Tatlong Kahingian ay ang sumusunod:

  1. Dapat ‘itigil ang pangha-haras’ ng pamahalaan sa mamamayan dahil sa page-ehersisyo ng demokratikong karapatan at kalayaan.
  2. Dapat pahintulutan ng pamahalaan ang proseso ng pagbubuo ng bagong konstitusyon batay sa kagustuhan ng mamamayan.
  3. Dapat ‘lusawin ng pamahalaan ang Parliyamento’ para bigyang-daan ang mamamayan na muling ihayag ang kanilang kagustuhan sa pamamagitan ng malaya at patas na halalan.

Ang kanilang dalawang paninindigan ay: (1) tutulan ang anumang tangka para sa kudeta at (2) pagbubuo ng pambansang pamahalaan para maigpawan ang di-pagkakasundo sa politika at kawalan ng lehitimasyon ng pamahalaan.

Panghuli, ang kanilang posibleng pangarap ay ang magkaroon ng tunay na monarkiyang konstitusyunal. Ayon sa kilusan, maaaring matupad ang pangarap na ito sa ilalim ng prosesong konstitusyunal sa isang demokratikong sistema kungsaan pag-aari ng mamamayan ang absolutong soberanya.

Samantalang nakapokus ang Malayang Mamamayan sa pampolitikang pagbabago, hindi nila nililimitahan ang kanilang mga kampanya sa politikang institusyunal. Sa halip, pinagsanib ng buhay na kilusan ang iba’t-ibang panlipunang misyon sa isang pampublikong espasyo. Sa paglalakad sa demonstrasyon, mapapansin na nagkakampanya ang mga tao para sa iba’t-ibang isyung sosyo-poltikal kabilang  ang karapatan ng LGBTQ at pantay na karapatan sa kasal, karapatan ng kababaihan sa aborsyon at sekswal na pahintulot, at repormang pang-edukasyon. Ginamit ng mga kabataang Muslim ang platapormang ito para humiling na ibilang ang transparency at pandamang kultural sa patakarang panseguridad sa mga katimugang probinsya ng Thailand. Pinatampok ng mga kilusan sa trabaho ang mga di-makatarungang kalagayan sa paggawa at nanawagan ng kagalingan. Idiniin rin ng mga kasapi ng grupo ang kahalagahan ng malaya at indipendyenteng midya sa isang demokratikong lipunan.

Kapansin-pansin ang limitadong papel ng politikang pangkapaligiran sa sari-saring kontekstong ito. Ano ang ipinahihiwatig ng kawalan ng mga ganitong kilusan hinggil sa papel ng politikang pangkapaligiran sa demokratikong Thailand sa hinaharap?

Mga Tensyong Demokratiko at Pangkapaligiran

Maaring maunawaan ang kawalan ng makabuluhan at aktibong pakikipag-ugnayan sa pagitan ng kasalukuyang henerasyon ng kabataan at ng mga kilusang pangkapaligiran mula sa ilang magkakaugnay na pangyayari.

Noong dekada ’90, pinamunuan ng mga NGO ang politikang pangkapaligiran sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga taga-baryo na apektado ng mga proyektong pangkaunlaran. Karamihan sa politikang pangkapaligiran ay tulak ng lokal at hinugisan ng mga ideya ng pagpapanatili ng “kultura ng komunidad”. Sa pamamagitan ng maraming patakaran, ipinasok ng pamahalaan ni Thaksin Shinawatra ang mga pangunahing kasapi ng mga grupo ito sa isang konstruktibong relasyon sa kanyang pambansang pamahalaan, na nagbigay-diin sa pagpapahusay ng mga oportunidad sa ekonomiya, repormang pang-edukasyon, kabuhayan ng mga taga-baryo, at pamamahala ng likas na yaman sa mga rural na lokal. Inilayo ng adyendang ito ang mga taga-baryo mula sa dati nilang relasyon sa mga aktibista ng NGO at nagbunsod ng pag-ayaw sa hanay ng ilang NGO na humanay sa panggitnang-uri sa urban na nag-ambag sa mga kilusang pampolitika laban kay Thaksin na nagbunsod ng kudetang militar noong 2006.

Nagbunga ng isang bagong henerasyon ang mga transpormasyong kaakibat ng pamamahala ni Thaksin sa maagang bahagi ng dekada 2000 para makita ang mga oportunidad na maaaring ibigay ng demokratikong politika at patakaran. Maari itong makita sa usapin ng edukasyon, teknolohiya, creative economy at iba pang kagalingang sosyal. Inilantad din nito ang karupukan ng istrukturang pampolitika ng bansa. Para sa maraming Thai, laluna sa nakababatang henerasyon, pinalitan ng demokrasya ang nakpwestong pakikibakang pangkapaligiran o kulturang pangkomunidad.

Kasabay nito, mistulang malayo sa mga usapin at konteksto ng kabataan sa Bangkok, at kahit sa mga probinsya gaya ng Chiang Mai, Khon Kaen, Ubon Ratchathani kung saan nagaganap ang protesta, ang adbokasiyang ginamit ng mga environmental NGO at mga taga-baryo. Ibinase ng mga environmental NGO ang kanilang mga aktibidad sa mga lugar na rural na may mga eksklusibong kasapian at mga alyansa. Isa sa mga ubod na istratehiya ng mga kilusang ito mula pa noong dekada ‘90 ay ang mobilisasyon ng mga taga-baryo sa rural. Makabago ang kanilang produksyon at pagtunggali sa kaalamang pangkapaligiran subalit nakaturo ito sa mga umiiral na pamahalaan at sa pagsuporta sa mga lokal na pakikibaka, sa halip na pagpapabatid ng mga usaping pangkapaligiran sa mas malawak na tagapakinig o pakikisangkot sa mas malalaking isyung istruktural na nag-uugnay ng demokratisasyon at proteksyon ng kapaligiran. Sa madaling salita, sa kalakha’y nabigo ang mga kilusang pangkapaligiran na gawing nakikita ang kanilang politikal na adbokasiya sa mata ng mga mamamayan ng Bangkok at gawing mahalaga ito sa nakababatang henerasyon ng mga aktibista. Ipinanganak ang mga nagpoprotestang kabataan ngayon sa mga taong 1995-2005. Lumaki sila sa panahong markado ng aspirasyong demokratiko, mga protestang lansangan, at mga kudetang militar. Marami sa mga kabataang nagpoprotesta ay nagkaisip sa ilalim ng gobyernong militar.

Sa nakaraang sampung taon, natagpuan ng mga natitirang environmental NGO ang kanilang mga sarili sa isang mahirap na sitwasyon kungsaan mistulang limitado ang bilang ng kabataan na interesado sa pagpapatuloy at pagsuporta sa misyong pangkapaligiran. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang walang pakilalam ang henerasyong ito sa mga usaping pangkapaligiran. Subalit para magkaroon ng higit na kahalagahang pampolitika ang kilusang pangkapaligiran sa bagong panahon na ito ng politika, kakailanganin nitong pag-isipang muli ang mga estratehiya kapwa sa usapin ng pagbubuo ng alyansa at sa relasyon nito sa mas malawak na larangang pampolitika. Marahil, gaya nang ipinakita ng sulatin ni Bencharat Sae Chua sa koleksyong ito, hindi na maaaring manatiling walang politika ang environmentalism.

A panoramic view of the Khao Ploy Waen mining region in Chanthaburi – An excavated half a square Kilometer area surrounded by greenery. It is roughly fifty feet deep. From Hill of Gems, Gems of Labour – Mining in the Borderlands, Kyoto Review of Southeast Asia, Issue 23

Mga Pagsa-salubungan sa Hinaharap?

Sa kabila ng mga pagpihit, ilan sa mga pinuno at kabataang aktibista ng bagong kilusan ang aktibong kumikilos sa mga usaping pangkapaligiran. Kumilos si Panupong “Mike” Jadnok laban sa pagpapalawig ng Map Ta Phut port at Eastern Economic Corridor sa Rayong. Tinuligsa ng ibang mga kabataang aktibista mula sa Khon Kaen, Songkhla, at Satun ang mga patakaran ng pamahalaan na may kaugnayan sa kapaligiran tulad ng reforestation at relokasyon ng mga taga-baryo, mga konsesyon sa pagmimina, ang Comprehensive and Progressive Trans-Pacific Partnership (CPTPP), gayundin ang planong maghukay ng kanal sa Timog. Gayunpaman, ang pakikisangkot ng mga pinunong ito sa kilusang maka-demokrasya ay personal sa halip na bilang isang kilusan. Kaiba sa panahon ng kasagsagan ng mga kilusang panlipunan noong dekada ’90 kung kailan nasa unahan ng kilusang pampulitika ang mga kilusang may kaugnayan sa kapaligiran—mga grupong anti-dam, magsasakang walang lupa, maralitang lungsod, mga etnikong grupo sa mga kagubatan at kabundukan, at mga taga-baryo sa rural na lokal na apektado ng mga proyektong pangkaunlaran—mistulang umiiwas ang environmentalism bilang isang kilusan sa pakikilahok sa mga demonstrasyong maka-demokrasya ngayong 2020.

Siyempre pa, hindi naman nawawala sa eksena ang lahat ng kilusang pangkapaligiran. Noong Agosto 21, 2020, ilang araw matapos ang demonstrasyon sa Democracy Monument, naglabas ng pahayag ang Greenpeace Thailand bilang pagsuporta sa kilusan. Ayon sa Greenpeace, “Ang tunay na demokrasya ay kapwa isang prinsipyo at isang layunin na kinakailangan sa pagmamaneho para matagpuan ang daan palabas ng mga krisis at mga hamong pangkapaligiran na kinakaharap ng lipunang Thai.” Ipinunto ng Greenpeace na ang “malusog na demokrasya” ay mahalagang kondisyon sa pagtitiyak sa pangkapaligiran at pampulitikang karapatan ng publiko sa pag-akses sa serbiyong pangkalusugan, edukasyon, pagkain, katarungan o iba pang pundamental na karapatan na itinuturing nilang “malusog na kapaligiran”.

Naglabas rin ng pahayag ang Assembly of the Poor (AoP) bilang suporta sa mga proposisyon ng Malayang Mamamayan, matapos i-haras at kasuhan ng mga pulis si Baramee Chairat, susing lider ng AoP. Nagpasya ang AoP na lumahok sa rali para sa demokraysa na pinamunuan ng mga estudyante. Dito, naisali sa kasalukuyang usaping pampolitika ang kanilang matagal nang kampanyang “politikang nakakain, demokrasyang kabilang ang mahihirap” na matagal nang inilunsad ngunit kamakailan ay hindi nararamdaman. Maliban sa susing lider nitong si Baramee, at sa nabanggit na pahayag sa itaas, wala namang malinaw na estratehiya kung paanong aktibong lalahok ang AoP sa mga rali o kung ano ang maaaring mas malaki at estratehikong papel sa mas malawak na demokratikong kilusan.

Naganap pa ang isang hiwalay na pangyayari noong Agosto 31. Bumisita sina Parit “Penguin” Chiwarak at Panupong Jadnok, dalawa sa mga nangungunang lider ng kabataan, sa mga taga-baryo at aktibistang nagpoprotesta sa harapan ng Government House laban sa plano ng estado na itayo ang Muang Takua dam sa Phatthalung, sa katimugang Thailand. Saglit lamang ang pagbisita at kalakha’y para magbigay ng “ispiritwal na suporta” (ให้กำลังใจ) sa mga nagpoprotestang ralisyista. Samantalang magandang simbolo ito ng pagkilala, ipinakikita rin nito ang distansya sa pagitan ng umiiral na kilusang pangkapaligiran at kasalukuyang aktibismong politikal.

Mainam na representasyon ang kaso ng anti-Muang Takua Dam ang matagal na kawalan ng ugnayan sa pagitan ng mga kilusang pangkapaligiran sa Thailand at ng proseso ng pambansang demokratisasyon. Nagtungo sa Bangkok ang mga taga-baryo at aktibista para magprotesta hinggil sa kanilang lokal na isyu, ngunit hindi sila lumahok sa mas malapad na protesta sa kabila ng katotohanang may malapad na saklaw ng magkakaalyadong grupo na nagkakapit-bisig sa pananawagan ng pagbabago sa kasalukuyang pamahalaan. Pinili ng grupong anti-dam na kumilos nang hiwalay at walang pakikilahok sa mas malawak na alyansang pampolitika.

Ang demonstrasyon ng grupong pangkapaligiran na nabanggit sa itaas ay isang halimbawa lamang ng mas malawak ngunit hindi koordinadong mga kilusang pangkapaligiran sa nakaraang ilang taon sa ilalim ng rehimeng awtoritaryan ni Prayuth. Ilan pa sa mga halimbawa ay ang mga kilusan laban sa coal-fired power plant sa Krabi, ang dam sa ilog Mae Wong, pagmimina ng ore sa Loei, ang proyektong Chao Phraya riverside promenade sa Bangkok, ilan pang Special Economic Zones, at iba pang dambuhalang proyektong pang-imprastratura. Naging mas mahirap ang krusada laban sa mga proyektong ito dahil sa paggamit ng pamahalaang militar ng pahayag ng kapayapaan at istabilidad para ipagbawal ang anumang pagtitipon ng higit limang katao. Sa gayon, nakasanayan ng mga nagpoprotesta na idistansya ang kanilang mga lokal na kilusan mula sa mga pambansang pampolitikang pakikibaka. Ang resulta, sa panahong ito ng kritikal na pag-aalsa, hindi gaanong nakikita at hindi gaanong sentral kumpara sa dati ang kagyat na isyung pangkapaligiran.

Coda: Watershed ng demokrasyang Thai

Patuloy na aktibo at lumalawak ang mga protestang pinamumunuan ng kabataan dalawang buwan matapos ang pagtitipon sa Democracy Monument sa Rajadumneon Avanue. Nasa sangang-daan ang pakikibaka para sa demokrasya sa Thailand. Hinati ng maraming taon ng mga gobyernong awtoritaryan ang politikang pangkapaligiran at demokratiko. Kung kaya, sa pagmumuni-muni sa kanilang pagsasalubungan o paglalayo sa kasalukuyang kilusan, kapwa masisilip ang pampulitikang kinabukasan ng bansa samantalang ipinakikita rin kung paanong pakikitunguhan ang environmentalism sa susunod na maraming taon.

Jakkrit Sangkhamanee
Assistant professor in anthropology at the Faculty of Political Science, Chulalongkorn University

Banner Image: Bangkok, Thailand, October 2020. Students and people sit and stand in the middle of the street to protest Rungkh / Shutterstock.com